Suson Susong Suso

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 8

Suson-Susong Suso

ni Jing Panganiban Mendoza

Booba ang bansag sa akin ng aking mga kaibigan at kabiruan, hindi dahil boba ako at
lalong hindi dahil pulpol akong detektib o superhero tulad ng karakter ni Rufa Mae Quinto sa
pelikulang bumulabog sa takilya at sa tahimik kong mundo. Hindi rin naman masasabing
kamukha ko ang hubaderang naging komedyante (laking pasalamat ko lang kung ganoon ang
kaso), kahit ilang umaga ko ang napeste ng pagsasabi ng guwardiya sa tinutuluyang paupahan na
naaalala niya ang aktres tuwing nakikita niya ako. Hindi ko siya masisi. Hindi maikakailang
pareho kami ng aktres na "masikip sa dibdib." Sa madaling salita, malaki ang suso.
Kung mata ang kay Elizabeth Taylor at ilong ang kay Panchito, suso ang pinakapansining bahagi
ng katawan ko. Sabi ng isang kaibigang palabiro, nasa dulo pa lang ako ng pasilyo, tanaw na
niyang ako ang paparating kapag naaninag niya ang aking harapan. Lalong prominente ito kapag
malapitan. Hindi iilang ulit akong nakahuli ng taong nakatingin sa aking dibdib. Iba't ibang istilo:
may palinga-linga, may panakaw kung sumulyap, at mayroon din namang walang pagtatangkang
pagtakpan ang pagkakapako ng mga mata. Noong una, naiilang ako at naiinis. Nababastusan ako
pero hindi ako makapalag. Natatakot manita dahil baka lalo lang akong mabastos. Pero may mga
pagkakataong halos mapagot ang aking pisi sa pagngingitngit tuwing may mga lalaking akala mo
noon lang nakakita ng suso sa buong buhay nila. Minsan, sa MRT, may isang patpating de-
kuwelyo ang siksik nang siksik sa akin at ngingisi-ngisi habang patingin-tingin sa aking dibdib.
Sa loob-loob ko, kung magkakamali ang palitong tsansingan ako, isusubsob ko siya sa suso ko
sabay sigaw ng "Ayan, magpakasawa ka, manyak!" bago ko tuhurin ang kanyang bayag.

Maaga akong pinamuklan. Nasa ikatlong baitang pa lang ako nang sumibol ang mga
bayabas sa patag kong harapan. Naglalaro kami ng chinese garter ng mga kaibigan ko nang
punahin ng nanay ng kalaro ko ang pagbabago sa aking katawan. Naiinggit siya dahil naunahan
ko pa raw ang anak niyang mas matanda sa akin ng dalawang taon pero patag na patag pa ang
kaha na akala mo lalaki. Ibinili ako ng nanay ko ng malalambot na sandong isinusuot ko sa ilalim
ng aking pang-itaas. "Lumalaki ka na, kailangan mo nang magsando para hindi bumakat ang
suso mo sa damit mo," paliwanag ng aking ina. Isang taon lang ang nagdaan, ipinamigay na sa
mga pinsan ko ang mga sandong iyon. Pinalitan ito ng nanay ko ng sandong butas-butas ang tela
at hugis-bra ang gawing itaas. Dalaginding na raw ako, at ito ang nababagay na pang-ilalim para
maitago ang tumutubo kong suso.

Lihim kong kinaiinis noon sa aking ina ang pagbanggit niya sa salitang "suso." Bastos.
Naeeskandalo ako. Katulad din ng pagkakaeskandalo ko noong ipamalita ng aking kaklaseng
lalaki sa ikalimangbaitang na naka-bra na ako. Sabi-sabi noon na malalandi ang nagbabra habang
nasa elementary pa. Kapag nag-bra raw, gusto nang magpaligaw ng babae. Sa galit ko, kinabog
ko ng kamao ang likod ng tsismoso. Hindi ako malandi. Ang nanay ko ang nagpasyang
kailangan ko nang magsuot ng bra at hindi ako.

Ang nanay ko ang bumili ng mga bra dahil kailangan ko na raw ito para suportahan ang
lumalaki kong suso. Size 32A ang kinuha ni nanay sa tindera ng Avon. Iba't iba ang kulay at
disenyo ng mga inorder ng aking ina: may kulay rosas na may guhit na mga bulaklak, may kulay
puti na may disenyong maliliit na tuldok, at mayroon ring kakulay ng aking balat na may laso sa
pagitan ng dalawang cups. Nang dalhin ng Avon Lady ang mga bra, nagkulong ako sa kuwarto
ko kinagabihan. Nang matiyak kong tulog na ang lahat, isa-isa kong isinukat ang mga bra at
sinipat ang katawan ko sa harap ng salamin nang walang pang-itaas kundi ang kakapiranggot na
telang tumatakip sa aking mga suso. Masikip ang pakiramdam, mahigpit sa gawing dibdib.
Mainit at makati rin ang telang nakakapit sa aking katawan. Halos isang buwan akong kamot
nang kamot sa tagiliran at sa aking suso kapag walang nakakikita dahil sa paninibago sa
estrangherong panloob bago nakasanayan itong isuot.

Hindi nasulit ang unang dosena ng bra na iyon. Pagkatapos lang ng isang taon, masikip
na ito para sa aking dibdib. Pagtuntong ko sa mataas na paaralan, 34B na ang sukat ko.
Mapapalitan ito ng mga brang sukat 36A pagsapit ng huling taon ko sa high school, hanggang
lumobo pa ito sa kasalukuyang 36C o 38B, depende sa klase ng bra.

Puro kami babae sa mataas na paaralan kaya hindi naging isyu ang suso. Walang pinupuri
dahil sa mayamang hinaharap katulad ng wala ring pumapansin sa mahahabang biyas at hita.
Ginagawa pa ngang biruan ng ilan ang hipuan ng suso na madalas mauwi sa pikunan. May iilang
tinutukso ng mga alaskadora dahil sa sobrang laki ng dyoga. Madalas, mga maliliit na babae ang
mga ito na nahuhukot dahil sa bigat ng kanilang "dinadala". Napagdidiskitahan sila dahil bukod
sa alangan sa edad namin ang yaman ng dibdib, lalong nagiging pansinin ang laki ng kanilang
suso dahil sa kakapusan sa tangkad. "Napunta sa boobs ang sustansya kaya hindi na lumaki,"
pang-inis sa kanila.

Isang kaibigang lalaki ang kauna-unahang nagpahayag ng paghanga sa aking mayamang


dibdib. Pang-Binibining Pilipinas, aniya. Matangkad ako, mahaba ang buhok, at maganda ang
tindig. Pangkumpleto raw sa materiales fuertes ang sukat at tayô ng boobs. Dahil sa kanya, nag-
iba ang pagtingin ko sa dalawang umpok ng laman sa aking dibdib. Sa halip na mahiya, taas-noo
kong sinasagot ang mga taong nanunukso sa akin na "asset iyan, inggit ka lang." At dahil sa
pagmumulat na ito, nagkaroon ako ng paninindigang huwag pahawakan ang aking dibdib sa
kahit na sino, lalong-lalo na sa nobyo ko. Baka lumaylay. Masasayang ang ganda ng tubo ng
suso ko kung lalaylay sakaling may lumamas.

May dahilan para matakot akong lumawlaw ang aking suso. Bata pa ako, sari-saring
jokes na ang naririnig ko kung saan ginagawang katatawanan ang mga babaeng malalaki ang
suso. Pinakakinatatakutan ko ang tungkol sa paliligo, kung saan iminomonstra ng mga kalaro ko
kung paano maligo ang isang babaeng malaki ang suso. Paramakapaghilod ng mabuti, isasampay
ng kaliwang kamay ang kanang suso sa balikat para makaskas ang libag na namuo sa hugpungan
ng suso at katawan. Pagkatapos banlawan, tatanggalin sa pagkakasampay ng suso sa balikat
gamit ang kanang kamay, na para bang tuwalya lamang ang ginagalaw. Uulitin ang gawaing ito
sa kabilang suso para matanggal ang "kookoorikaboo," ang tawag sa libag na naipon sa ilalim ng
malalaking suso. Pinatiim ang takot ko ng pagkakaalala ng laylay na suso ng aking lola na
kasabay kong maligo noong bata pa ako. Karaniwang tao ang lola ko, maliit lang ang kaha ng
katawan, at hindi naman kalakihan ang suso. Pero sa kanyang edad, laylay ang kanyang dating
palalong bundok, katulad ng laman sa kanyang braso at hita. Kapag idinagdag pa rito ang imahen
ng isang babaeng lagpas sa beywang ang nakalambiting suso, hindi ko miminsang madasal na
sana tumigil na sa paglaki ang aking dibdib, o kung maaari, umimpis na lang ito at maging maliit
para hindi maging takaw-pansin.

Kapintasan para sa aking ina ang pagkakaroon ng malaking suso. Tuwing namimili kami
ng damit, ayaw na ayaw niya ng kasuotang humahapit sa aking dibdib. "Pangit, napakalaking
tingnan ng suso mo! Mukha kang nagpapadede ng sanggol!" Ito ang tingin niya sa mga babaeng
mayayaman ang dibdib. Mukhang bagong panganak na may pasusuhin. Losyang. Minsan man,
hindi ako nakarinig ng magandang bagay mula sa bibig ng aking ina tungkol sa suso. Sa halip,
tinuruan niya akong pipiin ang aking suso sa ilalim ng mga brang sakop ang halos buong dibdib
at maluluwang na blusa.

Sa kolehiyo ko makikilala ang mga taong magtuturo sa akin ng pagpapahalaga sa aking


suso. Kung dati'y puro babae ang kabarkada ko, ngayo'y mas marami ang katalamitam kong
binabae. Suwerte ako sa mga kaibigang bakla na maalam sa moda at pag-aayos ng sarili. Sila ang
nagturo sa akin ng pamimili ng tamang tabas ng damit para hindi ako magmukhang bagong
panganak at losyang sa maluluwang na t-shirt na isinusuot ko para hindi maging pansinin ang
dibdib. Binigyan ako ng mga kaibigang bakla ng leksiyon sa pagpili ng tamang pang-itaas batay
sa hubog ng aking katawan: kailangang hakab sa katawan dahil nagmumukhang mataba kapag
masyadong maluwang ang damit, walang manggas para ibilad ang maputi at makinis na braso, at
leeg na korteng-V o malalim na scoop ang tabas para ituon ang pansin sa nagmamayabang na
dibdib.

Dahil sa aking liga ng tagapayo, binasag ko ang aking alkansya at bumili ng mga bagong
damit sa unang pagkakataon. Buong buhay ko, isinusuot ko lang kung ano ang binibili ng nanay
ko dahil siya ang nakaaalam ng bagay sa akin. Pumili ako ng ilang blusang naaayon sa
preskripsiyon ng mga doktor ng moda at isinuot ito sa paaralan. Noong una, ilang na ilang ako sa
aking sariling balat. Panay hila ko sa aking blusa para tumaas nang kaunti ang neckline. "Ateng,
V-cut ang blouse mo, hindi turtle neck," pagtataray sa akin ng mga kaibigang bakla na
humahampas sa kamay ko kapag ginugulo ko ang aking blusa o kapag humuhukot ako para hindi
gaanong mahalata ang aking dibdib. Kalaunan, nakasanayan ko na rin ang aking bagong istilo ng
pananamit, lalo pa't pinalalakas ang loob ko ng mga bati ng mga kakilala at kaibigan na
pumupunang "blooming" ako. Minsan, isang bading ang nagtanong sa akin kung nagpalagay ako
ng silicone sa suso dahil bigla raw ang aking transpormasyon. Pinahiga niya ako sa isang bench,
at nang sumunod ang dibdib ko sa galaw ng aking likod, napabulalas siyang "Walang himala!
Totoo at hindi retokada ang dyoga!"
May mga pakinabang na kakabit ang pagkakaroon ng malulusog na suso. Alas ito sa
pananamit. Maganda ang lapat ng bestida sa katawan ko, lalo na ang ng mga pormal na gown
dahil nalalamanan ko ang espasyong nakalaan para sa dibdib. Kapag nagsusuot ako ng tank top,
tube, o blusang may spaghetti straps, hindi ko kailangang mapraning kung nililingon ba ako ng
nakakasalubong sa escalator para tiyakin kung babae ako o bakla. Naisasalba rin ako ng aking
bumper sa kalansay o waif fashion. Hindi ko kailangang gutumin ang sarili ko para humumpak
ang pisngi at mangayayat ng mala-Palito para lang magkahubog ang katawan. Binibigyan ako ng
aking suso ng lisensiyang magdagdag ng timbang, dahil kahit bumigat ako kaysa sa karaniwan,
itinuturing pa rin akong voluptuous at malaman. Magsuot lang ako ng damit na may plunging
neckline, presto! Wala na sa bilbil ang atensiyon ng mata kundi nasa kaaya-ayang sumisilip sa
itaas ng aking blusa. Kung nagkataong flat-chested ako, walang aberyang mataba ang magiging
deskripsiyon sa akin, at kung nuno pa sa pamimintas ang tumatawag, baka bansagan pa akong
lumba-lumba.

Sa araw-araw na pamumuhay ko sa lungsod, napatunayan kong may katotohanan sa


kasabihang lumiliit ang utak ng lalaki kapag lumalaki ang susong kaharap. Nahihirapang
tumanggi sa pakiusap ang masusungit na guwardiya o clerk sa maraming tanggapan sa mga
nakablusang may malalim na neckline, lalo na kung yuyuko nang bahagya. Lumalambot ang
pusong bato at kamay na bakal ng mga traffic enforcer ng MMDA kapag bahagyang
sumusungaw ang suso mula sa pang-itaas ng babae. Isang suwerteng linggo, tatlong beses akong
pinara ng mga nakaasul na mamá dahil sa iba't ibang paglabag mula sa hindi paghinto sa pulang
ilaw hanggang sa obstruksiyon ng trapiko. Ngarag na ngarag ako noon dahil sa puyat
kakatrabaho, kaya laging wala sa daan ang isip ko. Gamit ang pormula ng "charm," ang pagngiti
ng pagkatamis-tamis at pakurap-kurap ng mata habang nilalaro-laro ang kuwintas,
nakapagmaneho akong muli nang hindi nakukumpiska ang aking lisensiya, at nang hindi rin
naglalagay ng kahit isang kusing sa kotong kids ng Maynila.

Natutuwa ako sa mga pribilehiyong tinatamasa ko dahil sa aking prominenteng


"hinaharap," subalit hindi ito nangangahulugan na gusto ko ang pagpapalagay ng mga tao sa
paligid ko at ng lipunan sa suso. Ang totoo, ikinabubuwisit ko ang malabis na atensiyong
itinutuon dito. Para sa akin, isang buong diskurso ng kapangyarihan ang binubuo ng suso, at
kagagawan ito ng obsesyon ng lipunan sa bahaging ito ng katawan. Ito ang tinatawag kong
susosentrismo, ang malabis at di-makatuwirang pagpapahalaga ng mga tao at ng lipunan sa
kabuuan sa suso. Kung kinokondena ng mga peminista ang phallosentrismo o ang malabis na
pagtutuon sa ari ng lalaki, dapat idagdag ang susosentrismo sa mga kinakailangang mabuwag sa
ating lipunan upang makalag ang tanikalang nakagapos sa katawan ng babae.
Susosentrismo ang maysala sa sari-saring sakripisyong pinagdaraanan ng maraming babae alang-
alang sa paghahangad ng maalindog na suso. Nangunguna sa mga pahirap ang pagsusuot ng
mahihigpit na push-up bra na may palaman pa na maaaring gawa sa tela, sa silicone, o water gel
para maitulak paitaas ang mga suso at makalikha ang pagdirikit ng laman ng cleavage. Bukod sa
pamimilipit sa pagtitipid para mabili ang may kamahalang brang ito, nakapamimilipit rin sa sakit
ang sikip nito sa tagiliran ng katawan. Hindi biro ang mga aksidente kung saan tumatagos at
natutuhog ng alambreng nagtataas sa suso ang laman na parang barbekyu dahil sa sobrang sikip
at diin sa bahaging iyon. May ilan ding kaso ng pagsisikip ng dibdib at hininga kaugnay ng
paggamit ng mga push-up brang hindi mahusay ang pagkakagawa.

Hindi rin birong salapi, panahon, at tiyaga ang inuubos ng mga babae sa mga produkto tulad ng
breast massager na nakapagpapalaki umano ng suso sa pamamagitan ng electronic vibrations na
ipinadadala ng silicon caps na nakakabit sa mga elektrikal na kawad. Hindi nalalayo rito ang
silicone gels at enlarging creams na ipinapahid para lumaki ang suso. Maging ang kulay ng utong
at ng aureola ay nagiging alalahanin ng mga kapitalistang gumagawa at nagbibili ng mga areola
cream na naglalayong gawing mala-rosas ang may kulay na bahagi ng suso. Di tulad ng mga
pampalaki ng ari ng lalaki na patago o hindi hayagan ang pagbebenta, inilalako ang mga
naturang gamit sa pagpapaganda ng suso sa cable sa telebisyon. Umakyat ang dugo sa bumbunan
ko nang makita kong nilalamutak ng pamangkin kong aanim na taong gulang ang pitis na pitis pa
niyang dibdib. Nang tanungin ko kung bakit, bahagi lang daw ng paglalaro ang paggaya sa
babaeng singkit na napanood sa telebisyon. Nadaanan marahil nito sa paglilipat ng istasyon
papuntang Cartoon Network ang patalastas na kinatatampukan ng mga modelong Koreana at
Intsik na lumalamas sa kanilang suso para imonstra ang paggamit ng ibinebentang produkto.
Sala rin ng susosentrismo ang pagsulpot na parang lugawan ng mga klinikang nagsasagawa ng
breast augmentation. Kung dati'y pango at sarat na ilong lang ang inaayos ng mga doktor,
pumapangalawa na ang pagpapayabang ng tindig ng suso sa pinakakaraniwang operasyong
pang-estetika sa bansa. Sa halagang nagsisimula sa animnapung libo sa mga pipitsuging klinika
hanggang sa high-end na cosmetic surgeons na nagpepresyo ng hindi bababa sa isang daang libo
(P120,000 ang bagong suso ni Kris Aquino), nagiging "kapos-palad" ang dating "mapalad" na
babae. (Translasyon sa lengguwahe ng suso: kapos ang palad sa pagsapo sa malaking dibdib.) Sa
lagay na ito, naghihirap pa ang Pilipinas!

Isang hapong nagbubuklat-buklat ako ng magasin, napamulagat ako sa resulta ng isang sarbey ng
Cosmopolitan Philippines. Tinanong nila ang mga tagabasa kung handa ba ang mga itong
magparetoke ng suso para mapanatili ang lalaki sa kanilang buhay. Gulat na gulat ako sa
kahandaan ng maraming sumailalim sa breast augmentation o enhancement para huwag iwanan
ng kanilang mangingibig! Ani ng isang tumugon sa sarbey, kung ito ang paraan para maging
kaakit-akit sa paningin ng kanyang minamahal at kung ito ang makapagsasalba ng kanilang
relasyon, walang dahilan para hindi niya ipaubaya ang katawan sa siyensiya. Pagpapataas ng
pagpapahalaga sa sarili sa pamamagitan ng karagdagang ganda points naman ang naging dahilan
ng pagpayag ng isa. Pinakapraktikal na ang sagot ng babaeng nagsabing okay lang sa kanyang
magpalagay ng silicone sa dibdib kung ito ang gusto ng kanyang nobyo, basta ba ang lalaki ang
sasagot sa gastos. Para bang kasing dali lang ng pagpapagupit ng buhok o pagpapapasta ng
ngipin ang gagawin! Hindi pa man humuhupa ang pagkabigla at inis ko sa estado ng kaisipan ng
mga tao tungkol sa suso, lumabas sa telebisyon ang patron ng mga artistang matataba at walang
suso, si Vicky Belo. Kinakapanayam siya sa telebisyon tungkol sa etika ng praktis ng cosmetic
surgery, at sinabi niyang lagi niyang tinatanong ang pasyente kung bakit nito gustong sumailalim
sa mammoplasty, ang teknikal na termino para sa pagpaparetoke ng suso. Kung ang dahilan daw
ng pagpapaopera ng babae ay para maakit muli ang asawang nangangaliwa o para mapukaw muli
ang init ng nanlalamig na nobyo, hindi raw nila tinatanggap ang pasyente. Kaganapang pansarili,
pagpapataas ng kumpiyansa, at holistikong pagbubuo ng pagkatao ang itinuturing ng mga alagad
ni Hippocrates at Venus na katanggap-tanggap na motibasyon ng kliyente.

Mainam kung may ganoong paninindigan ang lahat ng doktor. Ang kaso, parang kabuteng
nagsulputan na ang mga cosmetic center, ni hindi nga tiyak kung doktor nga ba ang lahat ng
nagsasagawa ng mga operasyon. Hindi iilan ang kaso kung saan napatunayang dating assistant
lang pala ng doktor ang humahawak sa maselang proseso ng paglalagay ng breast implant.
Gayon din, gaano kasigurado na sinasabi nga ng pasyente ang totoo nilang motibasyon?
Napakadaling sabihing kaganapang pansarili ang dahilan (napakapang-Miss Universe) ng
pagpapalaki ng suso, kahit na sa likod ng ulo niya ay ang asawang nangangaliwa ang hahalinahin
kaya magdaraan sa patalim.

Binabagabag ako ng malaking suliraning binubuksan ng motibasyong inihahain ng mga


propesyonal na cosmetic surgeons bilang katanggap-tanggap. Sa suso ba nakasalalay ang
pagbubuo ng babae ng kanyang sarili at pagkatao? Ano ang sinasabi nito tungkol sa mga taong
sa suso nakabatay ang kaganapan? Muli, natagpuan ko ang sariling binabalikan ang konsepto ko
ng susosentrismo. Bakit may ganitong obsesyon ang lipunan sa suso? May kaugnayan nga kaya
ito sa primal na damdaming naghahangad na muling sumuso ng mapagpalang gatas ng ina,
katulad ng ipinagpapalagay ng sikolohiya? Kung ganito ang kaso, bakit sa mga lalaki lamang
dominante ang masidhing atraksiyon sa umbok ng lamang ito?

Kahit hindi ako aktibista o anti-imperyalista, wala akong ibang maisip sisihin kundi ang mga
dayuhang sumakop sa ating bansa. Kung pagbabatayan ang mga antropolohikal na pag-aaral sa
mga katutubong Pilipino, makikitang walang damit-pang-itaas ang mga babae sa maraming tribo
na nangangahulugang walang takip ang suso at maaaring makita ng lahat. Sa kontekstong ito,
walang libog na binubuhay ang mayamang dibdib sa kalalakihan, katulad ng walang init na
pinupukaw ang pisngi ng puwit na pinakaaabangan sa mga lalaking artista sa mga pelikulang
bomba. Ang isang diyosa ng mga Manobo at Bagobo, si Mebuyan, ay isang diyosang may
napakaraming suso na nagpapala ng gatas sa mga sanggol na hindi pinalad na mabuhay sa
mundo. Kapanatagan at kaginhawaan ang dulot ng kanyang suson-susong suso sa mga sanggol
sa kabilang daigdig. Walang pagnanasa ng lamang tinatawag ang yaman ng dibdib sa daigdig ng
mga katutubo. Tanging pagkalinga at pagmamahal ang katumbas ng nakaumbok na laman sa
dibdib ng babae. Pumasok lang sa bayan natin ang petisismo sa suso nang dumating puwersang
kolonyal. Kung walang maaaninag na malisya sa suso sa ating mga katutubo, sa Kanlurang
dumidiyos sa mga katulad ni Dolly Parton at Ann Nicole Smith (na 42 D ang ga-lobong dyoga)
nagmula ang seksuwal na pagpapahalaga sa bahaging ito ng katawan ng babae.
Isang hapon, napanood ko sa Balitang K ang isang istoryang nagpatayo sa aking balahibo.
Kabubukas ko pa lamang ng pinto ng tinutuluyang kuwarto nang pasigaw akong tawagin ng
aking kaibigan dahil bagay daw sa akin ang palabas. Tampok noong hapong iyon ang isang
babaeng may anim na suso. Ipinakita sa telebisyon ang anim na laman na pawang may utong na
ayon sa babae, nakapagpapasirit lahat ng gatas kapag buntis siya o kapapanganak lang.
Kinapanayam hindi lang ang babae, kundi pati ang asawa. "Ano po ang pakiramdam ng may
asawang maraming suso?" tanong ng reporter na hindi nakikita sa kamera. "Masarap po!"
natatawang sagot ng asawa ng babaeng itinatampok. "E di tiba-tiba po kayo niyan, Mister?" hirit
muli ng reporter. Napatawa na nang husto ang lalaki sa puntong ito. Tila karnabal ang buong
palabas kung saan pangunahing atraksiyon ang babaeng may anim na suso. Hindi nalalayo sa
panghatak sa babaeng gagamba o lalaking alimango sa maraming peryahang nagkalat sa bansa.
Kung surreal ang dating ng anim na suso, isang realistikong trahedya naman ang pagbabawas sa
karaniwang bilang na dalawa. Isang hilamos ng malamig na tubig ang pagkakatanggal ng isang
suso ng aking ate dahil sa malubhang kanser sa suso. Isang taon na pala siyang may nakakapang
bukol sa kanyang dibdib pero hindi niya ito inilapit kaagad sa espesyalista. Minsang pinasalat
niya sa kanyang gynecologist, sinabing baka dahil lang sa contraceptive pills na iniinom niya
kaya ipinagsawalang-bahala na. Nang idulog niya sa isang bihasang manggagamot ang kaso
dahil hindi na matiis ang sakit, nalamang malignant at cancerous ang lamang namuo sa dibdib
niya. Kailangang operahan kaagad. At upang maisalba ang buong katawan, hindi lang ang bukol
ang kailangang alisin. Damay ang kaliwang suso na pinamuklan ng nakamamatay na laman.
Kitang-kita ko ang takot sa mukha ng ate ko noong hapon pagkagaling ng check-up niya sa
ospital. Bukod sa alalahaning gastos, pamilya, at iniindang sakit, alam kong niyanig siya ng
napipintong pagtatanggal ng kanyang suso. Dalaga pa ang ate ko, pansinin na ang dibdib niyang
alanganin ang proporsiyon sa kanyang halos limang talampakan lamang na tangkad. Malusog at
mapipintog ang mga iyon, at tinukso pa ngang papaya. Mutilasyon, isang pagkitil at pagbabawas
ang magaganap. Tatabasing parang tela o laylay na sinulid ang kanyang suso. Higit sa sugat ng
katawan, iniinda ng ate ko ang iniisip niyang kabawasan sa kanyang pagkababae. Sa mga oras ng
desperasyon, naisip niya ang asawang bata at matikas pa: paano pa niya pag-aalabin ang kamang
pinagsasaluhan nila kung wala na siyang suso? Kung natutuksong mangaliwa ang ibang lalaking
may magaganda at buong asawa, paano pa ang sa kanyang tabingi na ang dibdib dahil tapyas ang
isa? Buong buhay niyang pinangarap ang isang buo at masayang pamilya dahil lumaki siya sa
kalinga ng kapatid ng kanyang ina. Katuparan ng pangarap na pinagsumikapan ang magandang
samahan nilang mag-asawa at ang malulusog at mababait nilang anak. Paano kung kasamang
matanggal ng suso ang tibay ng kanyang pamilya? May anim na buwang chemotherapy pa siya
pagkatapos. Lalagasin ng gamot ang buhok at tutuyuin ang katawan. Saan huhugutin ang
kumpiyansa at paniniwala sa sarili sa mga sandaling katulad nito? Sa huli, nanaig ang pagiging
ina ni ate. Pumayag siyang tanggalin ang kanyang suso. Kahit pa nga pareho na lang, para raw
isang operasyon na lang. "Apat ang anak ko. Tatatlong taon pa lang ang bunso ko. Napadede ko
na silang lahat. Mas kailangan nila ako ngayon kaysa ang suso ko," aniya habang namamalisbis
ang luha.

Magtatatlong taon na mula noong isagawa ang mastectomy ni ate. Mag-iisang taon nang tapos
ang chemotherapy niya at patuloy pa rin ang kanyang medikasyon para sugpuin ang cancer cells
sa kanyang katawan. Hilom na ang mapulang pilat sa dating kinalalagyan ng kanyang suso.
"Kung nagpatalo ako sa depresyon o banidad sa pagdedesisyon ko sa operasyon, baka hindi ko
na kapiling ang pamilya ko ngayon," pagbabalik-tanaw niya. Sa halip na makasira sa kanilang
pagsasamang mag-asawa gaya ng kinatakutan niya, naging paraan ang pagtatanggal ng kanyang
suso para mapalalim at mapatatag ang relasyon nilang mag-asawa. Higit kailanman, ngayon niya
napatunayang wala sa dibdib ang pagmamahal sa kanya ng asawa kundi nasa puso, at hindi ito
mawawala kasama ng kanyang alindog o kabataan. Ilang buwan pa lamang ang nakararaan,
natuklasang may bukol na rin ang natitirang suso ni Ate. Maaaring tanggalin rin ito sa hinaharap
kapag kinailangan na pero wala na ang pangamba sa dibdib ni Ate sakaling sumapit ang araw na
iyon.

Iniisip ko kung ano ang magiging pagtanggap ng mga babaeng ipinagdaramot ang kanilang suso
sa sariling supling sakaling biruin sila ng pagkakataon tulad ng nangyari kay ate. Tinutukoy ko
ang mga inang ayaw magpasuso ng kanilang sanggol dahil sa alalahaning lumaki ang utong at
aureola at lumaylay ang suso. Lalong nakabubuwisit ang mga lalaking pinipigil ang kanilang
esposang magpadede ng sariling anak sa takot na lumawlaw ang suso ng asawa at malosyang
nang husto. Kahit pa ala-Jennifer Lopez na nakaseguro ang puwitan, hindi ko maunawaan ang
pagkakait ng mga ina sa kanilang anak ng nararapat na gamit ng bahaging ito ng katawan. Sa
pangalang-pangalan pa lamang, mammary glands ang suso, para sa pagbabahagi ng gatas sa
supling. Ano't may ilang nagagawang ipagdamot sa sanggol ang kinakailangang sustansiya mula
sa gatas ng ina sa ngalan ng kagandahan at kariktan? Sa akin, walang pinagkaiba ang ganitong
mga babae sa kinamumuhiang mga lalaking nasa pundilyo ang pag-iisip.

Aaminin kong malaki ang pasasalamat kong biniyayaan ako ng pares ng malulusog na suso.
Ipinagpapasalamat ko ang maraming pagkakataong nakalulusot ako sa alanganin tuwing
nagkakatotoo ang kasabihang lumiliit ang utak ng lalaki habang lumalaki ang boobs na
nakakaharap. Gayon pa man, hindi magiging kabawasan sa aking pagkatao at pagkababae kung
nagkataong 32A ang ipinagkaloob sa aking dibdib. Flat-chested ang idolo kong si Audrey
Hepburn na nagningning ang ganda sa panahong malaman at makurba ang ideyal na katawan ng
babae. Halos diyosin ng mga fashionista ang modelong si Kate Moss at ang aktres na si Gwyneth
Paltrow. Ang dalawang pinakasikat na artista sa bansa, si Judy Ann Santos at Jolina Magdangal,
ay kapwa walang dibdib na nag-uumapaw subalit nasapawan nila ang mga lulubog-lilitaw na
sexy stars. Walang boobs ang mga balerina subalit kay ririkit at aalindog nila. Sa gitna ng
susosentrismo sa panahong ito, mapanganib maipagkamali ang suso bilang sisidlan ng
kaganapan bilang tao at babae. Boobs, dyoga, bumper, hinaharap, dinadala, boobey, bubas, o sa
anumang pangalan, walang pinagkaiba ang suso sa siko, mata, leeg, bibig, daliri, o talampakan.
Isa lamang itong bahagi na may ispesipikong gamit sa kabuuan ng katawan, at hindi batayan ng
pagkatao at halaga katulad ng isinusulong ng hibang nating lipunan.
Isinusulat ko ito habang hinihintay ko ang kaganapang inaasam ko para sa aking mga suso. Ilang
buwan mula sa sandaling tinitipa ko ang sanaysay na ito, mamimigat ang lamang nagpapalalo sa
aking harapan. Marahil mahihila ito ng puwersa ng grabidad at lalaylay sa bigat. Hindi ko
kinatatakutan ang sandaling iyon. Pinananabikan ko ang pagkapuno ng aking mga suso ng gatas.
Tulad ni Mebuyan, babalong sa aking dibdib ang suson-susong pagsinta at pagpapala para sa
sanggol na kakalingain ng aking suso, ang pinakamamahal kong anak.

You might also like