Ang kahandaan sa pagbasa ay isang mahalagang katangian na dapat
taglay na ng isang bata sa kindergarten o sa unang baitang ng paaralang elementarya. Sa yugtong ito ng pag-aaral ng pagbasa, maaaring magpakita ang isang bata ng kahinaan sa gawaing pagbasa dahil ang pagiging handa ay nababatay sa kalikasan ng mag-aaral. Ito ay itinatadhana nang ayon sa maraming salik at ang mga ito ay dapat pahalagahan bawat gurong may pananagutan sa mga unang araw pa lamang ng mga bata sa paaralan. Maraming salik ang maaaring makaimpluwensya sa kahandaan ng bata sa pagbasa at kailangang maisaalang-alang ang mga ito para sa isang matagumpay na pagkatuto.
1. Kagulangang Pisikal (Physical Maturity)
-ang kahustuhan ng isip at ang pangkalahatang kalusugan ng bata ay mahalaga. Malinaw niyang nakikita ang anyo ng hugis, naririnig nang wasto at maliwanag ang bigkas ng mga salita at nauulit ang naririnig na salita kung wala siyang depekto sa paningin, pandinig at pagsasalita. 2. Kagulangang Mental (Mental Maturity) -ang salik sa pangkaisipan o mental ay mahalaga sa pagkilala ng salita at mga simbolo at pagpapakahulugan sa mga simbolo, at sa kakayahang makita ang pagkakatulad at pagkakaiba ng mga simbolo at salita. Kailangan din ang talas ng pananda o memori. 3. Kagulangang Sosyal at emosyonal (Social and Emotional Maturity) -magkaiba-iba ang lawak at saklaw ng panlipunang pinagmulan ng mga bata. Iyong mga likas na matatalino ay malamang na galing sa masayang tahanan at maaaring makadama ng katiwasayan at kasiyahang lumahok sa mga gawain. Sa isang kapaligirang ang mag-aaral ay hindi nagkakaroon ng mga suliranin(gaya ng pagkatakot, pagkapahiya, pangamba atbp.) ay higit na magiging mabilis ang pagkakalinang ng kahandaan sa pagbasa. 4. Personalidad at Karanasan (Personality and Experience Factor) -ang mga unang karanasan sa tahanan at sa kapaligiran ay nakaapekto sa personalidad ng mag-aaral at nakaapekto rin naman sa kakayahan sa pagbasa at maging sa iba pang gawain sa pagkatuto. May mga batang lumaki sa tahanan o kapaligirang marahas, malupit at may lumaki sa isang kaigaigayang kapaligiran. May mga batang pagkapanganak pa lamang ay nakalantad na sa iba’t ibang aklat at mga babasahin. Ito’y mga salik na may malaking kaugnayan sa maagang pagkakaroon ng kahandaan sa pagbasa. 5. Wika ( Language Factor) - pagtuntong ng isang bata sa paaralan,tinatayang mayroon na siyang ganap na pagkontrol sa palatunugan., morpolohiya at sintaks ng wikang una niyang natutuhan, mayroon na rin siyang sapat na talasalitaan na magagamit niya sa pakikipag-ugnayan sa bago niyang kapaligiran. Ang ganitong mga kakayahan ay nakatutulong nang malaki sa mabilis na pagkalinang ng kahandaan sa pagbasa.