Tambuli Ni Ilig

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 10

Tambuli ni Ilig

Nagsimula ito sa kanyang pagsilang kung saan pinauwi sa pamamagitan ng malakas na tunog ng isang
tambuli ang kanyang amang si Thimuay Gabun, ang pinuno ng tribo habang nangangaso upang
makasama ng kanyang mag-ina. Kasunod na ipinagdiwang ang isang malaking binyagan para sa sanggol
na pinangalanang Ilig bilang simbolo ng lakas at giting. Isang ritwal na tinatawag na “Kanu Suhat” ang
isinagawa kaugnay ng kanyang binyag.

Ipinakita rin sa bahaging ito ang tahimik at payapang pamumuhay ng mga Subanon gayundin ang mabilis
na paglaki ng batang si Ilig. Pagkakaingin at pagtatanim ang gawain ng mga Subano. Ang kanilang bawat
gawain ay inihihingi nila ng basbas sa kanilang diyos na tinatawag nilang Apo Megbebaya. Makikita ang
kanilang pagkakaisa sa bawat gawain, tulad ng pagtatanim at pag-aani.

Makikita rin sa bahaging ito ang marami nilang ritwal na isinagawa. Ang ritwal na “tumutod” ay
isinasagawa sa panahon ng pagtatanim kung saan isang baboy ang kinakatay bago ang ritwal ng
pagtatanim. May ritwal din sa pag-aani kung saan isang gmemaling na may dalang basket na nakasabit
sa kanyang likod ang maimili ng maganda at malusog na uhay ng palay. Aawit siya at puputulin ang mga
uhay ng palay habang iniiwasang maputol ang mga ito pagkaraang malawayan ang bawat isa.
Pagkatapos ay muli silang mananalangin kay Apo Megbebaya upang hingin ang kanyang basbas at
pagsang-ayon sa kanilang pag-aani. Isinasagawa rin nila ang ritwal ng “mashanona” bilang pasasalamat
kay Apo Megbebaya sa kanilang masaganang ani. Dito inihahanda ng taumbayan ang mga pagkain at
ibinabahagi ang kanilang biyaya, iinom sila ng alak na gasi. Susundan ito ng sayawan, awitan, at
pagsasaya.

Sa ganitong payapang kapaligiran lumaki ang batang si Ilig. Ngayo’y mababasa na natin ang kabuuan ng
dula nang magbinata na si Ilig.

Koro: Dumaan ang maraming taon. Binata na si Ilig.

Hap: Malaki na talaga si Ilig, Gabun. Sa lalo’t madaling panaho’y mag-aasawa na ang ating anak.

Gabun: Hindi iyan dapat pagtakhan. Hindi mo ba nakita kanina na parang may gusto si Ilig kay Tam,
iyong anak ni Hayag.

Hap: Hay, nagmana ang batang iyan sa iyo.

Gabun: O sige, sige na, matulog na tayo.

Koro: Kinaumagahan. Sa may pampang –

Ilig: Tam, saan ka pupunta?

Tam: Sa batis. Titingnan ko kung naroon ba ang nakababata kong kapatid. Magandang umaga pala sa
iyo, Ilig.

Ilig: Magandang umaga rin sa iyo. Puwede ba akong sumama, wala kasi akong gagawin. Nasa kabilang
bundok sina ama at ina. Inaayos nila ang mga kaguluhan kahapon. May mga taong gustong agawin ang
kanilang lupa.
Tam: Kawawa naman tayong mga Subano, di ba? Sinusuwag lang ng ibang tao. Noong nakaraang araw,
sabi ni Tatang, may mga Subano raw na lumikas papunta sa bundok dahil tinakot siya ng mga dayuhan.
Paghigantihan kaya natin sila? Magagapi naman natin siguro sila kung magkakaisa tayong mga Subano.

Ilig: Hindi tayo ganyan, Tam. Mas nanaisin pa nating magpalipat-lipat kaysa sa lumaban tayo sa kanila.
Tayo ang mga taong mapagmahal sa kapayapaan, iniiwasan natin ang kaguluhan. Hindi iyan
nangangahulugang tayo’y mga duwag. Atin lamang pinahahalagahan ang kapayapaan.

Tam: Kahit na patayin tayong lahat, para maagaw nila ang ating mga lupa, hindi pa rin ba tayo lalaban?

Ilig: Teka, bakit iyan ang ating pinagtatalunan?

Tam: Bakit, mayroon pa bang mas mahalaga na ating pagtatalunan bukod sa ating kalagayan ngayon?

Ilig: Mayroon!

(Tutugtog ang musika, magsisimulang sayawin ni Ilig ang “Sebay” sa paligid ni Tam. Iiwas si Tam at
pagkaraa’y sasayaw kasama ni Ilig.)

Koro: Nagmamahalan sina Ilig at Tam. Isang araw…

Ilig: Ama! Ina! Bakit marami kayong inihahandang mga gamit?

Gabun: Ilig, anak, mayroon tayong importanteng lalakarin. Sige, ihanda mo ang bago mong damit.

Hap: Anak, sige na, kumilos ka na para hindi tayo mahuli.

Ilig: Oo, ama, ina.

Koro: Sa araw ng pamamalae…

Guhom 1: Magandang hapon! Ano ang aming maipaglilingkod?

Guhom 2: Ah… narito kami upang mamasyal sa napakaganda ninyong lugar.

Guhom 1: Kataka-taka? Kung narito kayo para mamasyal, bakit napakarami n’yo at may mga dala?

Guhom 2: Mga gamit lamang ito na aming Kinuha sa kabilang bundok. Nakikiusap lang kami na sana’y
payagan n’yo kaming magpahinga lang sandali.

Guhom 1: Walang kaso iyan sa amin.

(Patutugtugin ang gagung, at magsasayaw ng “Dinakpanay sa Atubangan” ang taumbayan)

Guhom 1: Teka muna. Mukhang nagkasarapan na itong ating sayawan ah. Mayroon ba kayong ibang
pakay?

Guhom 2: Amin nang aaminin ang totoo. Narito kami para hingin ang kamay ni Tam. Narito sina Thimuay
Gabun at G’libon Hap para mamalae.

Guhom 1: Magandang gabi, Thimuay, G’libon.

Hayag: Magandang gabi, Thimuay Gabon, G’libon.

Gabun: Magandang gabi rin sa inyo. Narito kami’t handa sa anumang mapagkakasunduan natin ngayon.

Hayag: Tulad ng napagkasunduan natin noong nakaraang buwan, handa ako sa anumang kondisyon.
(Magbubulong ng ilang bagay sa kanilang guhom.) (Isang kamag-anak ni Ilig ang biglang papasok.)

Guhom 1: Hep-hep-hep. (Pipigilan ng mga babaeng kamag-anak ni Tam ang kanyang pagpasok.) Kung
gayon, humihingi kami ng isang malaking baban, isang gusi, at isang malaking baban, isang gusi , at isang
malaking kuwintas para kayo makatuloy.

Guhom 2: Ibigay ang kanilang hinihingi.

(Magtitipon-tipon ang taumbayan upang ibanda ang mga binibingi. Ang mga kabilingan ay ibibigay ng
mga kamag-anak na babae ni Ilig.Susuriin ng mga kamag-amak ni Tam ang mga materyales.)

Guhom 1: Kung gayon, sige tuloy kayo upang ating mapagkasunduan ang mga mahalagang bagay
tungkol sa gagawing kasalan.

(Papasok ang bawat isa sa bahay at uupo sa lapag.)

Guhom 1: Dalhin dito ang balasa.

Babae 1: Eto na Tatang.

Gahom 1: Itong isang linyang walang bawas, nangangahulugan ito ng sampung kuwintas na anim sanang
ibibigay sa apo sa tuhod. Itong linya sa gitna, nangunguhulugan ito ng isang dosenang sako ng bigas para
sa pamilya ni Tam. Tatlong gusi, apat na banig, at tatlong baban ang ibig sabihin ng linya sa kanang
bahagi nitong balasa.

Guhom 2: Kukunsultahin ko muna ang aming thimuay. (Kukunsultahin ni Guhom2 sina Gabun at Hap.)
Tinatanggap namin ang inyong mga kondisyong hinihiling para sa kasalang gaganapin. (Kukunin ang
balasa at sasalok ng mais.)

Guhom 1: Kung wala nang di-pagsang-ayon mula sa magkabilang panig, at nang itakda ang kasal nina Ilig
at Tam sa susunod na kabilugan ng buwan.

Hayag: Sang-ayon ako sa ganyang panahon.

Koro: Hmm… At naitakda ang kasal nina Ilig at Tam nang sumunod na kabilugan ng buwan.

Kababaihan: Dumating na ang araw ng kasal.

Kalalakihan: Sa nahimutangan ni Tam.

Babae 1: Dali, isuot mo ang maganda mong damit para sa kasal ninyo ni Ilig.

Babae 2: Kailangan maganda ka sa iyong kasal.

Babae 3: O, huwag kang magsisimangot diyan. Hindi maganda ang malungkot sa araw ng iyong
pakikipag-isang-dibdib.

Tam: Nabigla lang ako sa mga nangyayari ngayon. Hindi ko naisip na aabot sa ganito ang lahat. Palagay
ko’yhindi pa kami handa sa aming mga responsibilidad. Kaya mayroon akong takot at pag-aalinlangan.

Babae 4: O sige, bilisan na natin at baka magsisimula na ang seremonyas, hindi pa tayo nakatatapos
dito.
Koro: Si Ilig ay binibihisan din para sa kasal kasama ang mga lalaki…

Ilig: Hindiko mauunawaan ang aking nadarama ngayong mga oras na ito. Natatakot ako.

Tao 1: Ilig, huwag ka nang matakot at baka mapahiya ang iyong amang thimuay.

Tao 2: Kailangang ipakita mo sa lahat ng tao na katulad ka ng iyong ama sa kagwapuhan, lalo na sa araw
ng pagpapakasal mo kay Tam.

Tao 3: Huwag ka nang pabago-bago riyan. Ipakita mong ikaw ay anak ng ating thimuay.

Tao 4: O sige magsihanda na kayo at magsisimula na ang seremonyas.

Koro: Sa araw ng kasal nina Ilig at Tam…

(Papasok ang mga kamag-anak ni Ilig na nagpapatugtog ng mga gong. Magsasayaw ang mga lalaki ng
“Sot” habang ang mga babae ay magsasayaw ng “Thalak.” Pagkaraan ng sayaw, ibibigay nila ang kumpas
na pana at panangga sa mga kamag-anak ni Tam, na makikipagsayaw rin ng “Sot” at “Thalak.” Hihingi ng
permiso ang mang-aawit ni Ilig upang makaakyat.)

Kung hindi ako pipigilan

Pwede ba akong umakyat?

Kung hindi ako pipigilan

Aakyat ako

Sa iyong bahay, sa iyong tinitirahan

Kung hindi man ako magkasala.

(Bilang sagot, aawit din ang mang-aawit ni Tam.)

Huwag ka nang manghingi ng pahintulot

Kahapon pa kami naghihintay sa inyo

Huwag ka nang magpaalam upang umakyat

Binibigyan na kayo ng pahintulot

Noong nakaraang araw pa

Huwag na magdili-dili at huminto

Tumuloy sa sala

Ang tamang lugar para sa pagkakasundo.

(Aakyat si Ilig kasama ang pitong eskorte na dala ang kanilang espada; dadalhing ng pitong dalaga ang
kanilang kumpas, lalagyan ng mamaan, posporo, mama, buyo, nganga, tabako at sigarilyo.)

Babae 1: Hep-hep-hep, para makapasok kayo, kailangan namin ng isang brilyanteng singsing.
Tao 1: Heto. Sige, papasok na kami.

Babae 2: Ups, hindi pa pwede. (Kay Ilig) Ikaw lang ang pwedeng pumasok. Para makapasok kayong lahat,
bigyan ninyo kami ng sampung singsing.

Tao 2: Sampung singsing daw.

Tao 3: Heto ang limang singsing.

Tao 4: Heto ang tatlo.

Ilig: Pwede bang walong singsing na lang.

Babae 2: Hindi pwede. Kailangan talagang sampu.

Tao 1: Heto ang dalawa pa. Sampu na lahat.

Babae 3: Narito ang sampung singsing. Pwede na ba natin silang patuluyin?

Mga Babae: Pwede na.

(Papasok sila at uupo sa gawing kanluran. Sa gitna uupo si Ilig, sa ilalim ng makulay na payong. Nakatago
si Tam sa loob ng kulambo kasama ng ilang mga babae.)

Saleleng: Ngayong araw na ito, ating masasaksihan ang pag-iisang-dibdib ng ating dalawang minamahal,
ang mga ikakasal na sina Ilig at Tam. (Kay Ilig) Maaari mo nang hanapin si Tam diyan sa kababaihan. Pero
sa isang kondisyon. Kailangang makilala mo siya sa pamamagitan ng paghula sa kamay at braso na
hahawakan mo. Kapag hindi mo makikilala si Tam diyan sa kababaihan, walang kasalang magaganap.

Ilig: Nauunawaan ko ang lahat ng kondisyon, Apo.

(Hahanapin ni Ilig si Tam sa pangkat ng kababaihan. Magbubunyi ang mga babae kapag kinakapa ni Ilig
ang kanilang mga kamay. At sa wakas, matatagpuan si Tam mula sa pangkat ng mga kababaihan.)

Babae 1: Ups, makakapasok ka lang sa isang kondisyon.

Ilig: Ano namang kondisyon, magagandang dilag?

Babae 2: Kailangang sumumpa kang kumbidado kami sa binyag ng una ninyong anak ni Tam. Di ba mga
kasama?

Mga Babae: Tama. Tunay. Mismo.

Ilig: Makakaasa kayo niyan. Pwede na ba akong pumasok?

(Papasok si Ilig at makikita si Tam sa loob ng kulambo. Hahawakan ni Ilig ang kamay ni Tam.)

Ilig: (Kay Saleleng) Narito ang aking marikit na si Tam.

(Papasok si Ilig sa kulambo. Ibibiling ng tiyahin ni Tam ang kanyang ulo upang halikan ni Ilig. Pagkaraan
ng tatlong pagtatangka, hahayaan ni Tam na siya’y mahalikan ni Ilig sa pisngi.)

Saleleng: Maaari mo na siyang dalhin sa taniman ng kamote para sa susunod na seremonyas.


(Nakahanda na ang mga materyales sa seremonya ng kasal. Uupo si Ilig sa kanang bahagi ng dulang at si
Tam naman ay sa kaliwang bahagi. Magsusubuan sila sa pagkain ng itlog. Tatanggi si Tam nang tatlong
beses bago kainin ang itlog.)

Saleleng: Apo Megbebaya, aming hinihingi ang iyong basbas para sa dalawang kabataang na ikakasal
ngayon. Hinihiling namin ang iyong pagsama sa kanilang pamumuhay bilang isang pamilya. (Gigilitan
niya ang leeg ng manok at ipapatak niya ang dugo sa ibabaw ng mga dahon na nasa mangkok.) Itong
hanlilika ay tanda ng inyong pagpaparami sa buong pamayanag Subano. Na tulad nitong mga tanim,
mabubuhay, darami, yayabong at pamarisan kayo ng iba saan man dalhin o ilagay ni Apo Megbebaya.
Gatundin, tularan ninyo ang kogon na ito, nabubuhay at lumalago kahit saan at ano mang panahon. At
ito ring mayana na sumasagisag sa inyong kaligayahan, kagandahan at pagbibigay ng kabuhayan at
kaunlaran ng lahat.

(Papahiran niya ng dugo ang mga kamay nina Ilig at Tam. Pupunta ang bagong kasal sa mas mataas na
lugar at pagkikiskisin nila ang kanilang kamay sa direksiyong pataas.)

Ilig at Tam: Amin sanang maabot, ganito sana kataas at katibay ang aming buhay-pamilya na
binabasbasan ni Apo Megbebaya.

(Bilang pag-aalay, sasayawin ang “Sangalay” at ang “Sebay.” Pupunta sina Ilig at Tam sa Hog para
isagawa ang menubig – ang paghihilamos at paglago. Makaririnig ng mga sigawan.)

Ilig: Ama! Ina! Ammaaa……. Inaaaaa…..

Tam: Ama! Ina!

(Walang buhay na nakalupasay sa lupa sina Gabun at Hap.)

Ilig: Ammaaa……. Inaaaaa…..

Koro: Binawian ng kanilang buhay sina Thimuay Gabun at G’libon Hap.

Kalalakihan: Dahil ito sa pang-aagaw ng lupa ng kanilang tribo.

Kababaihan: Na nais agawin ng mga ganid na tao.

Lahat: Sa araw ng libing…

Ilig: Ama! Ina! Ano na ang mangyayari sa amin ngayong wala na kayo? Ano na lang ang aming gagawin?

Tam: Tama na, Ilig. Ipaubaya na lang natin kay Apo Megbebaya ang matiwasay na pagpanaw nina ama at
ina.

(Babaliktarin nina Ilig at Tam ang katawan ng mga bangkay. Kanila itong itataas at tatawid sa ilalim ng
hukay sa loob nang pitong beses.)

Guhom: Apo Megbebaya, pinauubaya namin sa iyo ang dalawa naming minamahal sa buhay na
pumanaw at nauna sa amin. Hinihiling namin na sana’y samahan n’yo sila sa kanilang paglalakbay sa
kabilang daigdig. Patnubayan din ninyo kaming kanilang iniwan upang maglaho ang aming pag-aalala.

Ilig: Ama! Ina! Sa inyo sanang hinihiling kong samahan ninyo kaming muli lalo na sa mga kaaway na
gustong agawin ang aming mga lupa.
(Pagkaraan ng libing papasok sina Ilig,Tam, at iba pang tao. Magsasawsaw sila ng mga dahon ng saging
sa abo at kanila itong itatapon.)

Guhom: Ilig, sa kabila ng iyong kabataan, nakita namin ang kahusayan mo sa pag-iisip at pagbibigay ng
mga desisyon. Kaya, aming pinauubaya at ibinibigay sa iyo ang pamumuno sa ating tribo bilang kapalit
ng iyong yumaong ama.

Ilig: Maraming salamat sa inyong pagtitiwala sa akin. Kahit bata pa ako, pagsusumikapan kong
pamunuan ang ating tribo na tulad ng kagustuhan ni Ama. Hinihiling ko lang sa inyo ang buong
pagsuporta para sa ikabubuti ng tribo.

Tao 1: Huwag kang mag-alala, Thimuay Ilig, hindi ka namin pababayaan.

Babae 1: Asahan mo ang aming buong suporta sa iyo tulad ng aming pagsuporta sa iyong amang si
Thimuay Gabun. Di ba mga kasama?

Mga Tao: Oo, Thimuay Ilig.

Guhom: Kung gayon, si Thimuay Ilig na ang ating bagong pinuno. Mabuhay si Thimuay Ilig!

Mga Tao: Mabuhay.

Lalaki: At nagpatuloy ang pang-aabuso sa mga Subano.

Babae: Nagpatuloy ang pang-aagaw ng kanilang mga lupa.

Lahat: Isang araw…

Tao 2: Patuloy pa rin ang kanilang pang-aabuso sa ating mga Subano.

Tao 3: Lumaban na lang kaya tayo sa kanila?

Babae 2: Hindi papayag si Thimuay Ilig n’yan.

Babae 3: At bakit hindi? Atin na lang bang hahayaang palagi tayong mawalan ng lupa.

Tao 4: Tama! Panahon na upang ating ipakita sa kanila na hindi tayo basta-bastang guguluhin na parang
mga maya. Panahon na upang labanan ang mga nang-aabuso sa atin.

(Darating si Ilig kasama ni Tam.)

Ilig: Hindi iyan magugustuhan ni Apo Megbebaya at gayon din ni Thimuay Gabun.

Babae 4: Magandang araw, Thimuay Ilig.

Tao 1: Magandang araw Thimuay! Amin lang napag-usapan ang patuloy na pang-aabuso ng mga ganid
dito sa ating sariling lupain.

Babae 1: Kaya naisip naming dapat lang na labanan natin sila para hindi sila magpatuloy sa panlulupig sa
ating mga Subano.

Ilig: Huwag tayong ganyan, mga kasama. Pinahahalagahan natin ang kapayapaan kaya iwasan natin ang
kaguluhan dahil hindi iyan ikatutuwa ni Apo Megbebaya.

Tao 2: Pero Thimuay, hahayaan na lang ba nating agawin nila sa atin ang ating mga lupain?
Ilig: Hinidi iyan ang ibig kong sabihin. Kung gusto nilang agawin ang ating lupa, atin itong ibigay o ibenta
sa kanila. Doon tayo sa kabundukan manirahan, total naroon naman ang mga malapad na kabukiran.
Naroon ang matiwasay na pamumuhay kasama ang mga ibon sa kalawakan. Doon, maaari tayong mag-
alaga ng baboy at magtanim sa bukid. Magiging maligaya tayo roon dahil wala nang manggugulo sa atin.
Hindi ba, Tam?

Tam: Tama! Doon mawawala na ang ating mga pag-alala sa ating pamumuhay, lalo na sa paglaki ng ating
mga anak.

Tao 3: Palagi na lang pala tayong lilikas? Nagpapatunay lang iyan na natatakot tayo sa kanila.

Ilig: Hindi iyan nangangahulugang mga duwag tayo. Atin lamang binibigyan ng pagkakataon ang ideyang
mamuhay nang mapayapa kasama ang mga biyaya ng diwatang tagapagbantay natin.

Babae 3: Kung gayon, maganda rin sigurong mamuhay roon, di ba? Wala sigurong masama kung ating
susubukang manirahan doon.

Ilig: O sige, ihanda n’yo na ang lahat n’yong gamit para sa ating paglipat doon. Sa itaas ng kabundukan.

Koro: Nagpunta sila sa itaas ng kabundukan kasama ang kanilang pinunong si Thimuay Ilig.

(Maglalakbay ang mga tao papuntang kabundukan.)

Koro: Nagpatuloy ang kanilang pamumuhay na mapayapa. Isang araw…

Ilig: Tam, sa tinagal-tagal nating panirahan dito, nakita kong umunlad na ang ating kabuhayan.
Matutuwa si Apo Megbebaya sa atin, kaya hindi natin dapat kalimutan ang magpasalamat.

Tam: Tama ka, Ilig. Nakita ko ang kaligayahan ng ating mga kasama. Akala ko, magkakahiwa-hiwalay na
tayo. Mabuti na lang at nahimok mo silang umakyat dito sa bundok.

Ilig: Kailangang matibay at nagkakaisa tayo para hindi tayo madaling matalo ng mga kaaway. Iyan ang
iyong tandaan anak. Kailangang magbuklod tayo upang mapaunlad natin ang ating mga lupa dahil baka
isang araw paggising natin, wala na tayong matirhan at guluhin na naman tayo.

Tambu: Oo, ama. Pero Ama, saan ka pupunta? Bakit naghahanda ka?

Tam: Si Ama, anak, ay manghuhuli ng baboy para ialay doon sa itaas ng bundok.

Tambu: Sasama ako kay Ama, Ina.

Ilig: Tambu anak, hindi pa ngayon ang tamang panahon para sumama ka sa akin. Hintayin mo kapag
malaki ka na. O, sige, tawagin mo na si Diut gamit ang tambuli.

(Lalabas si Tambu at babalik na may dalang tambuli. Hihipan niya ito upang tawagin ang mga
taumbayan. Darating si Diut.)

Diut: Magandang araw. Thimuay Ilig , pupunta na ba tayo?

Ilig: Oo. Sige, maghintay kayo rito. Alis na kami.

Diut: Sige G’libon, Tambu, alis na kami ni Diut.


(Magsisimula sina Ilig at Diut sa kanilang paglalakbay para mangaso. Dumaan sila sa mga kabundukan,
ilog, at kagubatan. Pagkatapos, biglang mawawala si Ilig. Magtataka si Diut kung saan napunta si
Thimuay Ilig. Hahanapin niya – pero mabibigo.)

Diut: Thimuay Iliiiiiig… Thimuay Iliiiiiig… Thimuay Iliiiiiig…

(Uuwi si Diut, mag-uulat sa taumbayan.)

Diut: Nawala si Thimuay Ilig. Nawala na lang bigla si Thimuay Ilig. Naroon kami sa itaas ng bundok at
nangangaso, tapos paglingon ko, bigla na lang s’yang naglaho. Hinanap ko s’ya, pero hindi ko s’ya
natagpuan kaya umuwi ako upang sabihin sa inyo. Nallilito ako. Hindi ko alam kung nasaan s’ya ngayon.

Bal: Totoo ba iyang iyong ikinukuwento mo Diut? Hindi ka ba nagbibiro lang?

Diut: Kaharap ang langit, nagsasabi ako ng totoo.

Mga Tao: Diyos ko!

Bal: Kung gayon, kalamayin n’yo ang inyong mga loob. Huwag n’yo ipaalam kay Tam ang nangyari.
Huwag muna nating bigyan ng alalahanin ang pamilya ng ating Thimuay. Hali kayo, hanapin natin si
Thimuay Ilig.

Tao 1: Sige… halina kayo.

(Hahanapin ng lahat si Thimuay Ilig.) (Pagkaraan ng mahabang paghahanap kay Thimuay.)

Bal: O kumusta mga kasama, nakakita ba kayo ng kahit kaunting himaton kung nasaan si Thimuay Ilig?

Tao 1: Wala talaga, naghanap kami kung saan-saan pero wala s’ya.

Babae 1: Sumama na nga kami sa paghahanap, pero wala kaming nakuhang himaton ng pagkakakitaan
sa kanya.

Bal: Kung gayon, talagang nakapagtataka ang pagkawala ng ating Thimuay. Nasaan kaya s’ya ngayon?
Paano na lang tayo ngayon? (Darating sina Tam at Tambu at magtatanong sa mga taumbayan.)

Tam: Anong nangyari? Anong nangyari? Para na ninyong awa, sagutin n’yo ako. Bal, anong nangyari?
Bakit mukha kayong mga takot? Mayroon na naman bang nang-api sa ating mga kasamahan? Ano?

Bal: Wala, G’libon. Walang nang-api sa ating mga kasamahan.

Tam: Pero, bakit mga takot kayo?

Baye 2: G’libon, kalamayin mo ang iyong loob.

Tam: Ano ang ibig mong sabihin? Diut, narito ka? Nasaan si Thimuay?

Diut: G’libon, wala akong kasalanan sa lahat ng nangyari.

Tam: Ano nga? Ano ang nangyari?

Diut: Biglang nawala si Thimuay noong nangangaso kami roon sa itaas ng bundok. Hinanap ko s’ya nang
matagal pero hindi ko s’ya nakita. Kaya umuwi ako para ipaalam sa inyo.
Bal: G’libon, tumulong na kami sa paghahanap, pero hindi namin malaman kung saan magtatagumpay si
Thimuay.

Tam: Hindi, hindi ‘yan totoo! Iliiig… Iliiiggg…

Tambu: Ina, nasaan pala si Ama. Amaaaa… Amaaa…

Tam: Paano na lang kami ngayon. Iliggg…

(Tutunog ang tambuli ni Ilig nagpapahiwatig na kanilang ipagpatuloy ang pagpupunyagi.)

Diut: Tunog iyon ng tambuli ni Ilig.

(Lalong lalakas ang tunog ng tambuli.)

Tam: Nais iparating ng Thimuay na pagsikapan nating paunlarin ang ating buhay kahit wala na s’ya, para
hindi tayo magkawatak-watak. Kailangang magkaisa tayo, ating ipagpatuloy ang mamuhay nang
mapayapa.

Tao 2: Huwag kang mag-alala G’libon. Hindi ka namin pababayaan.

Babae 3: Magkaisa tayo para hindi tayo malupig ng mga kaaway.

Tao 3: Gayunpaman, ipagpatuloy natin ang mamuhay nang mapayapa, tulad ng mga panalangin natin
kay Apo Megbebaya.

(Unti-unti hihina ang tunog ng tambuli.)

Tam: Maraming salamat sa inyo. Iliiiiiggg…

(Maririnig ang tambuli. Tatlong ulit itong tutunog.)

Koro: Ito ang Kadalasang nangyayari sa mga Subano sa ating pook. Ikaw! Kayo! Isa ka ba sa mga taong
nanggugulo sa mga Subano?

You might also like