Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 11

MATALINO O MAYAMAN

LAKANDIWA (Pagbubukas)

Muli ang balagtasan ay sumasahimpapawid

Kababayang minamahal, ilakas ang radyo’t makinig

Dalawang magaling na makata, Balagtasa’y ihahatid

Magandang umaga po muna sa lahat ang bati naming matamis.

Kami po’y muling maghahandog sa inyo ng kasiyahan

Upang ang pagod ninyo sa trabaho ay maibsan

Ang tagisan ng katuwiran na kung tawagi’y balagtasan

Si JYNIELL OLARTE po to, ang inatasang maging Lakandiwa

Na siyang papagitna at hahatid sa dalawang maghihidwa

Para naman inspirado, ang kaba ko ay nawala

Maari bang makahiling ng palapakang masagana?

Sa matunog ninyong palakpakan, ang sukli ko ay salamat

Apat na angkan ni Balagtas ang siya ngayong maghaharap

Ang tagisan ng talino ngayong umaga’y magaganap

Pakinggan natin mabuti nang maunawan nyong tiyak.

Akin na pong ihahayag ang paksa ng balagtasan

Na ang tema’y sino nga ba ang dapat tularan

Ang may angking likas na talino o ang isang mayaman?

Ating sasaguting ngayon upang malutas ang katanungan.


Matapos na maihayag ang katanungang tutugunin

Ang apat maghihidwaan ay atin nang palitawin

Si KAROL MACENAS at si NIÑO COMENDADOR ang siyang unang tawagin

Sa matunog na palakpakan siya ay ating suubin!

MATALINO (Pagpupugay)

Ang Likas na kakayahang taglay ay walang katumbas

Kaya sa matalino ang mariin kung sagot na ihahayag

Pero bago muna , hayaan nyo bati ko’y maigawad

Maligayang pakikinig , magandang umaga po sa lahat.

LAKANDIWA

Taga- Maasin , mga magagandang paraluman

Likas sa dugo’t labi niya ang walang takot kung lumaban

Pakinggan naman natin ang makatang makakapingkian

Salubungin natin sila ng palakpakang masagana!

MAYAMAN(Pagpupugay)

Salamat po. Lakandiwa at sa bayang nakikinig

Ako po ay bumabating buong galak , kinikilig!

Sa kalaban po naming matitikas

Kung sila po’y sa matalino, sa mayaman kami’y bilib


LAKANDIWA

Sa pagpapakilala pa natin sa apat na magpipingkian

Ay tila ba mainit na ang ating labanan

Para naman ang pananabik ninyo ay hindi na mabitin

Sila pong apat ay atin nang pagitnain.

MATALINO (Unang tindig)

Musmos pa man tayong bata'y pangaral na ng magulang


Ang talino'y kabahagi sa magandang pamumuhay
Ito'y isang katangiang tataglayin habang buhay
Karunungan ay hagdanan sa pag-abot ng tagumpay.

Ang bansa ay umuunlad kung dito'y nanunungkulan


Malawak ang nababatid, di kapos ang kaalaman
Ngunit kung ang namumuno'y masalapi ngunit mangmang
Magagapi ang pag-asa ng kanyang sinasakupan.
Sa karandamang mapanganib, lalapitan ba ay sino?

Di ba dalubhasang duktor sa lunas ay sigurado?


At sa mga paaralan, nagsisilbi'y mga guro
Dunong nila ang sandata nang tayo ay mapanuto.

Sariwain naman natin sa gunita ang lumipas


Sa dayuhang mananakop lumaya ang Pilipinas
Ito'y dahil sa utak ng isang henyo at pantas
Kay Gatpuno Jose Rizal na dunong ang itinumbas.

Maliwanag ang sagot ko sa tanong na tinutugon


Ang marapat na hangaan ay yung mga marurunong
Kahit ikaw ay mayaman, kung ulo mo ay mapurol
Kasikatan ay mailap, salapi man ay igugol.

LAKANDIWA
Ang panig po ni Karol at Niño ay narinig ninyo
Higit na sisikat at hahangaan ay itong matalino
Pakinggan naman po natin ang makatang sina Anne Gwyneth at Gerly
Ihatid po natin siya ng palakpakang masigabo!

MAYAMAN (Unang tindig)


Kalaban kong paraluman ay masyado pong seryoso
Baka labis pong magdamdam kapag dito ay natalo
Yamang paksa nami'y tungkol sa mayama't matalino
Hayaan nyong sa inyo po ako muna ay magkwento.

Ang pulubing matalino at mayamang di marunong


Isang araw ay nagtagpo sa labas ng Mandaluyong
Mayaman ay walang kaya sa diskurso at diskusyon
Pagsapit ng tanghalian, matalino ang syang gutom.

Sa byahe ng Continental Airlines, minsan, nagkatabi


Matalinong contract worker at mayamang negosyante
Ang bitbit ng matalino'y diploma at pasaporte,
Ang mayaman, pasalubong na pinakyaw sa Duty Free.
Matalino'y nag-aabroad, tinitiis yaong hirap
Mayaman din, nag-aabroad, para naman magpasarap
Sino nga ba sa dalawa ang mas lamang at mas sikat?
Kahit sa tulad kong mangmang, ang sagot po'y maliwanag.
May oras pa, katalo ko, upang ikaw'y makaatras

Balutin na ang dila mo habang di pa nagkakalat


Balagtasa'y hindi laging labanan ng mauutak
Kung minsan din, nagwawagi'y ang makatang may pambayad!

LAKANDIWA

Iyan po ang katuwiran ng makatang taga-Maasin


Lalo daw sikat at dapat hangaan ay yung mga mayayaman
At para naman lalo nating ito'y maunawaan
Magpapatuloy po sila at atin namang palakpakan

MATALINO (Ikalawang Tindig)

Malabo po ang pananaw sa tunay na nagaganap


Nitong aking katunggaling panalo ang siyang hangad
Magagawa bang gutumin ang may utak at ng lakas?
O baka po nagbibiro dahil siya ang babagsak!

Marunong ang naglilingkod sa negosyo ng mayaman


Upang lalo pang lumago sa panahon mang daratal
Ano kayang mangyayari kung wala yaong may aral?
Baka itong masalapi'y hahantong sa basurahan.

Ang dalawa'y naisipang mag-aplay patungong langit


Ang marunong ay pumasa sa ginawang pagsusulit
Nang mayaman ay lumagpak, kay San Pedro iginiit
Limpak-limpak niyang salapi, sa impyerno siya'y napiit.

Yaman ba ang magdadala sa tugagog ng pangarap?


Ang kinang ba ng salapi sa paghanga ay pambihag?
Dahil yata puro pera sa katalo'y nasa utak
Pati yaong baluktot na'y tuwid pa ring sinusulyap

MAYAMAN (Ikalawang Tindig)

Katalo ko'y kay-aga pong kasalana'y 'kinumpisal


Inamin pong ang may aral, lingkod lamang ng may yaman
Pag nagsara ng negosyo ang mapera't may puhunan
Ang kawawa'y ang marunong na kawaning swelduhan lang!
Bilib ka sa matalino, ganyan din si Eba't Adan
Paraiso'y nakamtan na, wala pa ring kasiyahan
Sa hangad na magmarunong, nilabag ang kautusan
Pati dunong ng Maylikha ay nais na mapantayan!

Kahit ubod ka ng galing at nuno ng karunungan


Yagit ka ring ituturing hangga't di ka yumayaman
Ang taginting ng salapi ay musika sa lipunan
Pag tama mo sa swipistik, daig mo pa ang superstar!

Kayamanan, pag labis na, marami ang natutuwa,


Matatag ang ekonomiya, masagana itong bansa
Ang dunong ng isang tao, pag sumobra ay masama,
Sa mental po humahantong, nagbibilang na ng tala!

LAKANDIWA

Sandali muna akong sa labanan ay papagitna


Ang sagutan ng apat ay nagiging pabigla-bigla
Para bang mga teksas, sa kulunga'y nagwawala
Sa pagnanais na makasipa at makatuka!

Ang nais ko't hiling sa apat na naghihidwa


Sana ang hinahon sa inyo'y hindi mawala
Muli ay tumindig at sa labanan ay pumagitna
Ihatid naman natin sila ng palakpakang pampasigla!

MATALINO (Ikatlong Tindig)

Mahirap pong umunawa ang makatang mukhang pera


Ang sabi ko, ang may aral, sa mayaman ang nagdadala
Kung sa mental humahantong ang may dunong na sumobra
Sa walang alam pagkat tanga, may ospital nga ba kaya?

Sobrang silaw sa salapi ay malaking kapintasan


Pagkat walang itatangi kundi yaong kumikinang
Dahil dito'y nalilimot sa puso ang kabutihan
Nang dahil din po sa pera, nandyan ang kapalaluan
.
Ang buhay natin sa mundo, kung inabot ng finished contract
Kaluluwa ng may dunong sa langit ay natitiyak
Dahil sinamba ng mayaman, ginto, salapi at pilak, Na-cancel ang entry permit, inabot ay
hanggang ulap

MAYAMAN (Ikatlong Tindig)

Wala nga pong pagamutan sa mapurol ang isipan

Dahil hindi pa po sira, pwede pa ring pagtyagaan


Ang malungkot ay sila pang ignoranteng kababayan
Ang madaling naloloko ng rekruter na maalam!

Hindi lahat ng may pera'y sumasamba sa salapi,


Tulad ni Job, mas maraming sa D'yos Ama'y nagpupuri
Kalulwa ng may talinong sa kapwa ay nanduhangi
Made-deport sa impyerno pagkat passport pala'y peke!

Tigilan na ang pagsabing matalino'y syang may dala


Sa mayaman, pagkat baka makulitan ang balana
Pasalamat ka na lamang, kaydami ng may diploma
Kinakalawang ang utak, walang trabahong makita!

MATALINO

Katunggali ang nagsabing ang tanga ay naloloko


Matuwid ang kahulugang dapat magpakatalino
Si Abraham at Isaac maging si Job ay may ulo
Kaya sila nagsiyaman, dahil hindi mga bobo.

Hindi ka ba nagtataka?
Sikat ka't hinahangaan,
Kahit ikaw ay mahirap, talino mo'y sa bigkasan
Talo mo pa si Ayala, Sarmiento at Lardizabal,
Marami sa 'yong nakikinig dahil sa iyong kaalaman!

MAYAMAN

Bakit ko ba hahangaring ako'y maging marunong pa


Gayong halos lahat naman, nabibili na ng pera
Talino ng abugado, duktor, hilot, kumadrona
Ay may presyong kagaya rin ng kakaning tinitinda!

Sa labanang pasikatan, sino'ng unang papansinin?


Sino nga ba'ng hahangaan kung dalawa'y pagtabihin?
Matalinong mukhang engot dahil pobre at gusgusin?
O mayamang mukhang "genius", pagkat porma'y mamahalin?

MATALINO

Di katumbas ng halaga ang magandang kalooban


Iyan namang salapi mo'y palamuti lang ng katawan
Di sa panlabas na anyo nakikita ang katinuan

Kundi sa gawa ng taong may inaangking kaalaman

MAYAMAN
Ako yata ay naligaw sa labanang napasukan
Akala ko, paksa dito'y sino'ng sikat, hahangaan?
Kayamana'y panlabas nga, sapagkat ang kalooban
Ay di tayo ang hahatol, yan ay D'yos lang ang may alam!

MATALINO

Sa landas mang pagkalinis, ang mangmang ay naliligaw


Ang paghanga sa marunong, maingat sa daraanan!

MAYAMAN

Ngayo'y di na mayaman ang binubugbog ng kalaban


Sa marunong versus mangmang napalihis ang usapan!

MATALINO

Kamangmangan ng mayaman ang siya kong tinutukoy


Mahirap makaintindi, kalaban ko'y nagmamaktol!

MAYAMAN

Ako pa raw ngayon itong pang-unawa'y kinukulang


Magkano ka? Sabihin mo, matahimik ka na lamang!

MATALINO

Katalo ko'y di lang bobo, abusado pa rin pala!

MAYAMAN

Sagot ko na ang ticket mo, may pam-pocket money ka pa!

MATALINO
Marunong ang hahangaan, di mayamang walang alam!

MAYAMAN

Sa gobyerno ay kaydaming matalinong magnanakaw!

LAKANDIWA
Akin na pong pipigilin ang talaktakan ng apat
Ako namang Lakandiwa ang papasok sa eksena
Ang hiling ko sa apat na makata ay magkamay na
At sa inyo, mga kababayan, palakpakan muli sila!
Mahirap man ang humatol ay akin nang gagawin
Sa katwiran ng apat na mahirap arukin
At sapagkat ang apat ito'y kapuwa magagaling
Marahil ay mahihirapan akong matuwid nila'y limiin

Sa panig ng matalino na si KAROL AT NIÑO


Dahil daw sa talino, nakilala ang ating bansa
Talino raw ang puhunan sa buhay ay pakikibaka
Matalino raw ang siyang sikat at hahangaang talaga.

At sina ANNE GWYNETH AT GERLY po sa panig ng mayaman


Dahil daw sa yaman, sisikat ka at hahangaan
At kung mayaman ka, magpakahirap ay di na kaylangan
Tila may katwiran din ang makata ng Maasin.
Kung ang talino'y ginamit sa mabuting paraan
Walang pagsalang ito'y dapat nating hangaan
Ngunit kung ginamit ito sa kapwa ay panlalamang
Bagkus ay dapat pang ito ay pintasan.

Hahangaan mo rin ba ang isang mayaman


Kung wala namang malasakit sa kapwang nahihirapan?
Datapwa't kung ang yaman ay ginamit sa katuwiran
Walang pag-aatubili, sisikat siya at hahangaan.

Kung sa tugatog ng tagumpay ay marunong ang kailangan


Datapuwat kakailanganin din ang puhunan ng mayaman
Yaman ang magpapakilos sa matalinong tauhan
Ngunit matalinong tauhan din, magpapatakbo ng negosyo ng mayaman

Ang paksa ay sino nga ba ang higit na hahangaan


Ang may angking talino ba o ang isang mayaman?
Narito ang hatol ko sa dalawang naghidwaan:
Patas po ang naging laban, sila'y ating palakpakan!

You might also like