Ang globalisasyon ay ang proseso ng pakikipag-ugnayan at pagsasama
sa pagitan ng mga tao, mga kumpanya, at mga pamahalaan sa buong
mundo. Lumago ang globalisasyon dahil sa mga pagsulong sa teknolohiya sa transportasyon at komunikasyon. Mga Uri ng Globalisasyon: 1. Globalisasyong Ekonomiko - ito ang uri ng globalisasyon kung saan makikita ang progreso ng kalakalan ng mga produkto o serbisyo ng bawat bansa mula sa iba't ibang panig ng mundo. 2. Globalisasyong Teknolohikal at Sosyo-kultural - sa uri ng globalisasyon na ito, matutukoy ang pagunlad ng mga lumang kagamitan at paraan ng pamumuhay mula noon hanggang ngayon. 3. Globalisasyong Politikal - Ito ang uri ng globalisasyon kung saan makikita kung paano naiimpluwensyahan ng mga politikong tao o grupo ang kabuuan ng bansa at relasyon ng bansa sa iba't ibang panig ng daigdig. Narito ang mga limang pananaw o perspektibo sa globalisasyon. Ang unang pananaw o perspektibo ng konsepto ng globalisasyon ay ang paniniwalang ang globalisasyon ay nakaugat sa bawat isa. Ayon kay Nayan Chanda, ang kagustuhan ng tao na magkaroon ng maayos na pamumuhay ang nagtulak sa tao upang makipagkalakalan, manakop, maging manlalakbay. Ang pangalawang pananaw o perspektibo ng globalisasyon ay nagsasabi na ang globalisasyon ay isang mahabang siklo (cycle) ng pagbabago. Ayon sa pananaw na ito, mahirap tukuyin ang pinakasimula ng globalisasyon ngunit mahalagang malaman na ito ay dumaan na sa iba’t ibang siklo, kung saan ang globalisasyon ngayon ay may mas mataas na anyo na, kumpara noon. Ang pangatlong pananaw o perspektibo ay naniniwalang may anim na “wave” o panahon ang globalisasyon. Ito ang binigyang-diin ni Therborn (2005). Ang anim na “wave” o panahon na ito ay may iba’t ibang katangian. > Ika-4 hanggang ika-5 siglo (katangian: globalisasyon ng relihiyon - Islam at Kristiyanismo) > Huling bahagi ng ika-15 siglo (katangian: pananakop ng mga Europeo > Huling bahagi ng ika-18 siglo hanggang unang bahagi ng ika-19 na siglo (katangian: digmaan sa pagitan ng mga bansa sa Europa na nagbigay-daan sa globalisasyon)
> Gitnang bahagi ng ika-19 na siglo
hanggang 1918 (katangian: rurok ng imperyalismo na mula sa kanluran) > Post-World War II (katangian: pagkakahati ng daigdig sa dalawang puwersang ideolohikal - komunismo at kapitalismo) > Post-Cold War (katangian: pananaig ng kapitalismo bilang sistemang pang-ekonomiya; nagbigay-daan sa mabilis na pagdaloy ng pangangalakal, teknolohiya at mga ideya, sa pangunguna ng Estados Unidos) Ang ikaapat na pananaw o perspektibo ay hawig sa ikatlong pananaw. Naniniwala ito na ang simula ng globalisasyon ay galing sa partikular na pangyayari mula sa kasaysayan at maaaring marami ang pinag- ugatan o ang naging sanhi ng globalisasyon. Halimbawa ng mga pangyayaring ito ay ang kalakalan sa Mediterranean noon gitnang panahon, ang pagsisimula ng pagbabangko sa mga siyudad-estado sa Italya noong ika-12 na siglo, at ang paglalakbay ng mga vikings mula Europa patungong Iceland, Greenland at Hilagang Amerika. Ang pang-limang pananaw o perspektibo ay nagsasaad na ang globalisasyon ay nagsimula sa kalagitaan ng ika-20 na siglo, kung saan ang tatlong pangyayaring ito ay may direktang kinalaman sa pag- usbong ng globalisasyon: > Pag-usbong ng kapangyarihan ng Estados Unidos pagkatapos ng World War II > Paglipana ng mga multinational corporations (MNCs) at transnational corporations (TNCs) > Pagbagsak ng Soviet Union at ang pagtatapos ng Cold War