Bakit Kaya Nawawala Ang Lapis Ko

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 15

(Para sa mga mag-aaral ng Kinder o Baitang Isa)

Isinulat ni :

FE S. MAGDADARO
Araw-araw mula nang magpasukan, binibili ako ni Nanay ng
lapis. Araw-araw ko rin kasing nawawala ito. Hindi ko na namamalayan
kung saan naroroon ang lapis ko. Sandali pa lang akong nagsusulat,
wala agad ito.
Napapaisip tuloy ako kung saan ‘to napupunta. Siguro may
kapangyarihan ang mga nabibiling lapis ni Nanay. Siguro kaya nitong
maging invisible kagaya sa mga napapanood ko sa telebisyon. Nasa
paligid lang pero hindi nakikita ninuman.
Hindi kaya tinutubuan ng pakpak ang mga nabibiling lapis ni Nanay?
Lumilipad siguro itong simbilis ng bangaw na ayaw magpagalaw at
magpahampas. Kahit pa habulin at hulihin ng mga maliliksing batang
may pamatpat at lambat.
Bigla-bigla namang nagtayuan ang mga balahibo ko. Naisip ko lang
siguro may duwende sa aming silid-aralan. Sinasadyang itago ang lapis
ng mga batang tulad ko. Hindi kaya napaglalaruan nila ako? Hindi kaya
gusto nila akong isama sa kanilang kaharian?
Pero pwede rin namang hindi ako gusto ng mga lapis na nabibili ni
Nanay. Kaya sa isang iglap agad silang naglalayas. Bumabalik sa
tindahan kung saan nila gustong mabili ng ibang bata na mabilis
gumuhit at magsulat.
Haaayyyy…sari-sari na tuloy ang naiisip ko dahil dito. Wala naman kasi
sa ilalim ng upuan ko. Wala rin sa loob ng bag ko. Baka may kumuha,
bintang ko pa sa iba. Patayo-tayo at paikot-ikot ako sa aming silid-
aralan kapag ganito na ang nangyayari.
Pero mabait talaga si Titser Perty. Para rin siyang si Nanay. Alam na
alam niya kung ano ang kailangan ko. Siya ang laging nagpapahiram sa
akin ng lapis. Kaya lang, naiwawala ko rin kahit ang lapis na
ipinahihiram niya. Saan kaya napupunta ang lapis ko?
“Nanay, hindi ko na naman po natapos ang ipinasulat ni Titser
Perty. Nawala po kasi ang lapis ko.” ang lagi kong sinasabi kada-sundo
ni Nanay. Nagsasawa na yata siya sa paulit-ulit kong sinasabi. Alam ko
galit na siya pero mahinahon pa rin niya akong pinagsasabihan.
Bago pumasok, ibinili na naman ako ni Nanay ng lapis. Pero ngayon
tinalian niya ito. Ibinuhol ang tali ng mahigpit sa aking salawal na
pamasok. Ginawa na yata akong kalabaw ni Nanay. Kalabaw na may
lapis na hindi makakaalis kahit na magpumilit.
Inaalis ko ang lapis. Pero kapag hinihila ko, lalo naman itong
humihigpit sa pagkakatali. Medyo napunit tuloy ang salawal kong
pamasok. “Naku! Baka hubo akong umuwi nito!”, alalang sabi ko. Ang
totoo, may balak kasi akong gawin sa lapis.
Itatapon ko kasi sa basurahan ang lapis. Doon ko inilalagay ang mga
lapis na binibili ni Nanay. Ayaw ko lang talagang magsulat. Isang letra
pa lang kasi ang nasusulat ko, pakiramdam ko nagtutulak ako ng sako-
sakong bigas.
Nang araw na ‘yon, wala akong nagawa. Hindi ko na pwedeng sabihin
pang nawala ang lapis ko. Pinilit kong magsulat sa lukot-lukot kong
kwaderno. Bawat mali dahan-dahan kong binubura at itinatama.
“Yehey, nagawa ko!” sabay tingin sa aking naisulat.
Hindi ko na inabangan pang marinig ang tunog ng kampana ng aming
paaralan. Iniabot ko agad kay Titser Perty ang aking isinulat. Tatlong
bituing nakingiti ang kanyang itinatak. “Magaling Japjap!” , sabay tapik
ni titser sa aking balikat.
Sa pagsundo ni Nanay sinabi ko sa kanya ang lahat-lahat. Ngiti at yakap
ang isinagot ni Nanay. Ngayon, naisip ko, mas masarap palang
magsulat kaysa laging magtanong kung saan kaya napupunta… ang
lapis ko.

You might also like