Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

May Bagyo Ma’t May Rilim

Posted: October 11, 2014 in Panitikan, Philippines

Bago pa man dumaong ang mga barko ng mga Espanyol sa dalampasigan ng ating bansa noon, hindi
mapasusubaliang mayroon na tayong sistema ng pagsamba, kundi man organisadong relihiyon
maituturing, masasabi pa ring mayroon na tayong konsepto ng isang supernatural na entidad na lumikha
ng lahat. Mayroon nang konsepto ng isang makapangyarihang puwersang pinagmulan ng lahat.
Mayroon nang konsepto ng Panginoon. Ngunit, ang mga konseptong ito, ang bawat paniniwala, ay unti-
unting naglaho sa pagdating ng mga Espanyol at sa pagsasailalim ng mga Pilipino sa Kristiyanismo.

Sa paglaganap ng Kristiyanismo sa bawat pulo ng Pilipinas, na maaaring puwersahan o hindi, maraming


nagbago sa ating paraan ng pamumuhay. Ang dating pagsamba ng mga sinaunang Pilipino sa kanilang
mga nakikita sa kanilang kapaligiran, mula sa mga puno, bundok tungo sa mga ilog at iba pang mga
anyong tubig, ay naging pagsisimba sa simbahan. Ang dating pag-aalay sa mga anito, ang dating mga
seremonyang idinaraos sa iba’t ibang mga araw para sa iba’t ibang okasyon, ay naging pagdarasal tuwing
Linggo sa harap ng estatwa ni Hesu Kristo. Tunay ngang nagbago ang sistema ng ating mga paniniwala
simula nang lumaganap ang mga turo ng Kristiyanismo sa ating bansa.

Isa marahil sa mga patunay ng epekto ng paglaganap ng Kristiyanismo sa ating bansa ang tulang May
Bagyo Ma’t May Rilim, na ipinapalagay na pinakaunang tulang naisulat sa wikang Tagalog. Ang tulang
ito, na akda ng isang hindi kilalang awtor, ay isang akdang nagtataglay ng napakaraming elementong
makapagsasabing tunay ngang noon pa ma’y laganap na ang mga turo ng Kristiyanismo sa sistema ng
ating mga paniniwala.

Sa akdang ito, ang persona, ang taong siyang nagsasalita sa mismong tula, ay nasa gitna ng isang
malakas ng bagyo sa gitna ng dagat at ayon sa kanya, tanging ang Panginoon lamang ang makapagliligtas
sa kanya mula sa unos na kanyang dinaranas sa panahong iyon. Sa unang saknong ng nasabing tula, ayon
sa personang kahit siya ay dumaranas man ng isang malalang unos, kanya pa ring ipagpapatuloy ang
kanyang paglalakbay, titiisin ang lahat ng hirap, marating lamang, mahanap lamang ang dahilan ng
kanyang paglalakbay, ang paghahanap sa Poong Maykapal upang makapiling ito at maging matiwasay.

Kung sa isang Pilipinong namuhay bago ang kolonisasyon naganap ang unos na ito, marahil ay hindi na
siya nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. Ito ay sa kadahilanang noon ay halos lahat ng gawin ng isang
tao’y ibinabatay niya sa lagay ng panahon. Bagkus, kung noon ito naganap sa isang Pilipino,
ipagpapalagay niyang hindi na dapat ipagpatuloy ang lakbay na iyon sapagkat hindi ito ang nais ng kung
sinumang kaniyang paniniwalaan, at ang pagbagyo ang siyang itinuturing signos mula sa entidad na
kanyang pinaniniwalaan. Dito pa lamang, tuwiran nang masasabing napalitan na ng mga aral ng
Kristiyanismo ang ating mga katutubong alaala, at nabura ang mga ito sa pamamagitan ng kulturang dala
ng kolonyalista. Patunay din dito ang mga salita sa ikalawang saknong, na kahit pa man bumabagyo,
ipagpapatuloy ng persona ang pagbabasa sa Bibliya, sapagkat para sa kanya, ang natatanging sandatang
makapagliligtas sa kanya ay magmumula rito.

Kapansin-pansin naman sa ikatlong saknong ang pagbanggit ng persona sa kanyang pasasalamat sa isang
paring ayon sa kanya ay nagpakilala sa kanya ng Bibliya, bagkus, sa siyang nagpakilala sa kanya sa
relihiyong Kristiyanismo. Ang bahaging ito ng tula ang nagbigay ng pagdududa kung tunay nga bang
isang Pilipinong makata ang nagsulat ng tula. Maaari kasing ang Pilipinong nagsulat nito ay isa sa mga
panatiko noon ng mga Kastila. Ngunit, dahil nga sa kaalaman naman nating hindi lahat ng mga Pilipino
noo’y sang-ayon sa pananakop ng mga Kanluranin, ipinapalagay naming maaaring isinulat lamang ito ng
isang prayleng Kastilang may-alam sa wikang Tagalog upang gawing panghikayat sa mga Tagalog at sa
lahat ng nakaiintindi sa tula na mabuti ang pakay ng mga mananakop sa ating bansa.

Sa ikaapat naman at huling saknong, patuloy pa rin ang pagbanggit ng persona sa aklat na ayon nga sa
kanya’y pagmumulan ng lakas na kanyang gagamitin upang harapin ang lahat ng kanyang kahaharapin,
ang Bibliya. Ang elemento ng Bibliya, na pauli-ulit na nabanggit sa akda ay isang malaking impluwensya
sa personang nasa loob ng tula sapagkat, kung iaaayon sa kanyang paraan ng paggamit ng mga salita
para paturingan ang aklat, masasabing talaga namang labis ang kanyang pagpapahalaga rito at sa mga
nakasulat dito. Ang malumanay at mapagpanampalatayang tonong gamit naman ng persona ay isa ring
mahalagang elemento sapagkat dahil dito, mahihinuha talagang malaki ang paniniwala ng sumulat sa
Panginoon sapagkat labis ang kanyang pag-asa na ito ang tanging makapagliligtas sa kanya sa dinaranas
na unos.

Isa lamang ang tulang May Bagyo Ma’t May Rilim sa mga patunay at mga manipestasyon na naging
matagumpay ang mga Espanyol sa kanilang misyong ipalaganap ang mga turo ng Kristiyanismo sa ating
bansa, na balat-kayo lamang naman ng kanilang tunay na layong sakupin ang bayang Pilipinas sa
pamamagitan ng kanilang paggamit sa relihiyon, o sa konsepto nito, na noon pa ma’y mahalaga na para
sa ating mga Pilipino.

You might also like