Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Mark Y. Garcia Prop. Love I.

Batoon
Filipino 53 (Panimulang Linggwistika) MTh (10:30 – 12:00)

ANG RELASYON NG WIKA AT KULTURA


Ano ba ang Wika? Ano ba ang Kultura? Bakit angkop na angkop ang wika sa kultura? Bakit
walang wikang superyor sa ibang wika? Bakit magkabuhol ang wika at kultura? At gaano bang
kahalaga sa isang bansa ang wika at kultura? Paano ito mapapahalagahan?

ANO ANG KULTURA?

Bawat pangkat ng mga taong naninirahan sa isang bansa, bayan, pook o pamayanan ay may
sariling kultura. Ang kultura, sa payak na kahulugan, ay ang sining, literatura, paniniwala, at kaugalian
ng isang pangkat ng mga taong nananahanan sa isang pamayanan. (Santiago, 1979)

Ang kultura ay ang pangkabuuang pananaw ng mga tao sa isang lipunan sa mundo at sa
kanilang kapaligiran. Ang pananaw na ito ay hango sa paniniwala, tradisyon, uri ng pamumuhat, at iba
pang mga bagay na nag-ugnay sa kanila at nagpatibay sa bigkis ng pagkakaisa na siyang
nagpapalaganap ng kanilang pangkalahatang diwa, pananaw, kaugalian at adhikain. (Rubrico, 2009)

May dalawang uri ng kultura. Ang materyal na kultura at di-materyal na kultura. Binubuo ng
materyal na kultura ang mga bagay na nakikita at nahahawakang pisikal. Nabibilang dito ang mga
kasangkapan, kasuotan, kagamitan, bahay at pagkain. Samantala, ang mga kaugalian, tradisyon,
panitikan, musika, sayaw, paniniwala at relihiyon, pamahalaan at hanap-buhay ay sumasaklaw sa di-
materyal na kultura. (Delmirin, 2012)

ANO ANG WIKA?

Isang kabuuan ng mga sagisag sa paraang binibigkas na sa pamamagitan nito ay


nagkakaugnay, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang mga kaanib ng isang pulutong ng mga tao.
http://gabayngwika.blogspot.com/2008/05/ano-ba-ang-wika.html

Wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinili at isinaayos sa paraang


arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura. (Gleason)

ANG BAWAT WIKA AY ANGKOP SA BAWAT KULTURA

Anupa’t ang bawat wika ay angkop na angkop sa kulturang kinabubuhulan nito. Magagamit din
ang isang wikang hindi katutubo sa isang pamayanan ngunit ito’y hindi kasimbisa ng wikang likas sa
nasabing pook. Sa katotohanan, ang ganitong pangyayari ay malimit maganap sa mga bansang
nasasakop ng ibang bansa. Natural lamang na pairalin ng mananakop ang kanyang sariling wika sa
kanyang nasasakupan. Isang halimbawa ay ang bansang Pilipinas na ilang daantaong sinakop ng mga
Kastila. Sa panahong iyon ay pinilit ng mga Kastilang pairalin ang kanilang wika upang siyang gamitin
ng mga “Indios” na may ibang kultura. Nakapasok din, kung sabagay, sa ating bansa ang ilang kultura
ng mga Kastila, kaalinsabay ng pagpapairal ng kanilang wika ay relihiyon. Subalit hindi sapat ang
gayon upang maipahayag ng mga Pilipino sa wikang Kastila ang kanilang kaisipan, maliban sa ilan-
ilang nakapag-aral sa Europa. (Santiago, 1979)

Bawat wika ay natatangi. Bawat wika ay naiiba sa ibang wika. Dahil sa iba iba nga ang kultura
ng pinagmulang lahi ng tao, ang wika ay iba iba rin sa lahat ng panig sa mundo. May etnograpikong
pagkakaiba rin sapagkat napakaraming minoryang grupo (ethnic groups) ang mga lahi o lipi. (Bernales,
et al., 2001) Bawat pangkat ay may kulturang kaiba sa kultura ng ibang pangkat. Ang kultura ng isang
pangkat o grupo ay nakatanim at kusang umuusbong ang isang wikang likas sa kanila.

WALANG WIKANG SUPERYOR SA IBANG WIKA

Magkakapantay-pantay ang lahat ng wika at kultura. Ito ang iginiit ni Franz Boas ng nagsimula
ang ikahuling bahagi ng ika-19 siglo. Binigyang diin ni Boas na kaya ng lahat wikang ipahayag ang
anumang gustong ipahayag ng katutubong nagsasalita nito ngunit sa iba-ibang kaparaanan at estilo
ayon sa kulturang iniiralan ng nasabing wika.

Pinakamabisa sa mga Amerikano ang wikang Ingles para sa kanilang kultura; gayundin ang
wikang Niponggo sa mga Hapon, ang Mandarin sa mga Intsik, ang Filipino sa mga Pilipino atbp. Hindi
maipipilit ng mga Amerikano na mas mabisa ang kanilang wika kaysa sa mga Pilipino. Mas mabisa ang
wikang Ingles kung Amerikano ang gumagamit at ginagamitan, gayundin sa wikang Filipino, higit na
mabisa kung ang kausap ay kapwa Pilipino.

ANG WIKA AT KULTURA AY MAGKABUHOL

Matalik na magkaugnay ang wika at kultura kaya nga naririnig natin na magkabuhol ang wika at
kultura. Hindi maaaring paghiwalayin ang wika at kultura. Ang pagkawala o pagkamatay ng isang wika
ay nangangahulugan din ng pagkamatay o pagkawala ng isang kultura. Ang wika ang siyang
pagkakakilanlan ng isang kultura. (Santos, et al., 2009)

Sa kultura ng mga Eskimo, may labinlimang (15) katawagan sila sa iba’t – ibang kalagayan ng
nyebe (snow). Snowflake, Frost, Fine Snow, Drifting Particles, Clinging Particles, Fallen Snow, Soft
Deep Fallen Snow, Crust on Fallen Snow, Fresh Fallen Snow, Fallen Snow floating on Water, Snow
Bank, Snow Block, Snow Cornice, Blizzard, at Severe Blizzard. (Woodbury, 1991) Hindi maaaring
isang katawagan lamang ang gamitin ng mga Eskimo sa iba’t-ibang kalagayan ng nyebe (snow)
sapagkat ang snow ay parte na ng kanilang kultura at ang labinlimang (15) katawagan na yun ay
napagkasunduan ng pangkat nila. Sa kabilang dako, hindi rin naman angkop sa ating mga Pilipino na
gamitin ang labinlimang katawagan sapagkat wala namang nyebe dito sa bansang Pilipinas. Sa
madaling sabi, hindi ito parte ng ating kultura.

Bagama’t isang salita lamang ang ginagamit ng mga Pilipino–nyebe– (wala talagang katawagan
tayong mga Pilipino sa snow sapagkat ang nyebe ay galing sa wikang Kastila na Nieve) ngunit hindi
nangangahulugan na mahinang uri ng wika ang Filipino kung ihahalintulad sa wika ng mga Eskimo.
Pansinin din natin na kung mayroon silang iba’t-ibang katawagan sa nyebe wala naman silang mga
katawagan tungkol sa pagsasaka. Sabihin na nating sa mga uri ng bigas sa Pilipinas katulad ng
Sinandomeng, Bordagol, Banay, Masipag atbp. O hindi kaya sa iba’t-ibang luto ng bigas na sa wikang
Ingles ay tinatawag nilang rice. Upang mas maging malinaw tignan ang dayagram sa ibaba.

BAHAW

PALAY BIGAS KANIN SINANGAG

TUTONG
Makikita sa dayagram na mula sa pagiging palay, nagiging bigas ito kung naalisan na ng balat.
Kung naisaing na ang bigas, kanin na ang tawag dito. Kung malamig na ang kanin, bahaw na ang
tawag. Ang nakadikit sa pinaglutuan ng bigas na naging kanin, tutong ang naging tawag natin. Ngunit
sa mga Amerikano, isa lamang ang tawag nila sa mga ito – rice na dinagdagan lamang ng pang-uri.
Old o Cold rice para sa kaning lamig o bahaw, fried rice para sa sinangag at burnt rice para sa tutong.

ANG KAHALAGAHAN NG WIKA AT KULTURA

Mahalaga ang wika sa isang bayan, dahil ito ay ang anumang binibigkas o isinulat ng tao upang
maipahayag ang kanyang saloobin. Ang wika ang siyang nagbibigay pagkakataon para sa mga tao sa
iba’t-ibang lugar upang makapag-usap, upang magkaintindihan at upang makabuo ng pagkakaisa. Ang
kultura naman ay ang mga bagay na tumutukoy sa sa pangkalahatang gawain o aktibidad ng mga sa
isang lugar. (Ignacio, 2011)

Kung walang wika, walang bansa sapagkat hindi tayo nakakapagusap o wala tayong
komunikasyon sa kadahilanang walang naguugnay sa bawat tao sa isang bansa, walang pagkakaisa at
higit sa lahat walang mabubuong kultura. Ang wika ay ang tagapagbigkis ng isang lipunan.
(Buensuceso, et al., 1991)

Ang simpleng paggamit at paggalang sa wika at kultura ay isang pagpapakita ng


pagpapahalaga. Ating gamitin ang sarili nating wika at bumuo ng isang kultura na kagalang-galang o
ginagalang ng lahat at tayo’y makakabuo ng isang bansang may pagkakaisa at higit sa lahat may
tiwala sa isa’t-isa.

Sa pangwakas, ang wika ay balangkas ng pinili at isinaayos na set o kabuuan ng silasalitang


tunog sa paraang arbitraryo upang magamit sa pagpapahayag ng damdamin, kaisipan, kaugalian at uri
ng pamumuhay o kultura ng isang pangkat sa isang bansa o lipunan.

Sanggunian:

Aklat

Bernales, Rolando A. et al., 2001. Pagbasa at Pagsulat sa Iba’t – ibang Disiplina. Mutya Publishing House,
Inc. Valenzuela City.

Santiago, Alfonso O. 1979. Panimulang Linggwistika. Rex Bookstore Inc. Manila, Philippines.

Santos, Angelina L. et al., 2009. Ang Akademikong Filipino sa Komunikasyon. Mutya Publishing House Inc.
Malabon City.

Wardhaugh. Ronald. 1992. An Introduction to Sociolinguistics. 2 nd ed. Blackwell. Oxford, UK.

Internet

http://gabayngwika.blogspot.com/2008/05/ano-ba-ang-wika.html

http://languagelinks.org/onlinepapers/wika2.html

http://ramildemerin.blogspot.com/2012/05/uri-ng-kultura.html

http://rozzignacio.blogspot.com/2011/08/wika-at-kultura.html

http://www.princeton.edu/~browning/snow.html

You might also like