“Walang nagtatagumpay nang mag-isa, palaging kailangan mo ng mga kasama.” Itong
salawikain na ito ang paksa ng larawan, na kung saan ang mga nag-aalab na damdamin ng mga mag-aaral ng UNC ay makikita. Sa bawat hila ng lubid kasama ang palad na umiinit ay bakas ang pagiging matatag ng bawat isa. Gayon din sa buhay na kung saan ang bawat isa sa atin ay parang may hawak na isang lubid na ayaw nating bitawan. Ito ang ating mga pangarap na kahit anong pagod natin na manatiling nakakapit ay kasama natin ang ating mga kaibigan at pamilya para tayo ay tulungan. Tunay nga na ang pagtutulungan ay isa sa mga susi upang tayo ay lumago. Lumago kasama ang mga taong nasa ating likuran, gaya ng kapag ikaw ay nasa harap ng lubid. Kapag ang iyong mga kasama ay hindi ka iniiwan at patuloy na lumalaban habang nasa iyong likuran. Diba’t mas gumagaan? Para kayang-kaya mong abutin ano man? Sagana ang kaugalian na ito sa ating mga Pilipino na mapag-hanggang sa ngayon ay isinasabuhay natin. Katulad ng naganap sa palarong palakasan na ito na hatakang lubid. Iba-iba man ang lebel ng lakas ay kung sila ay sama-sama ay malulupig din ang kalaban. Habang ang mga paa ay nakabaon sa lupa, baon din ang mga salitang pinanghawakan mula simula.