Nakakalungkot ang nangyayari ngayon na tuluyan nang aalisin
ang Filipino at Panitikan bilang mga subjects sa kolehiyo. Base ito sa memorandum ng Commission on Higher Education (CHEd) at sinang-ayunan naman ng Supreme Court. Ayon sa SC, pinal na ang desisyon at wala nang paghahabol pang maaaring gawin ukol dito sapagkat hindi na nila pakikinggan. Nag-isyu ng temporary restraining order (TRO) ang SC noon pang 2015 makaraang isulong ng CHEd ang pag-aalis sa Filipino at Panitikan sa kolehiyo. Ayon sa argumento ng CHEd, nararapat na sa senior high school na lamang ituro ang mga nabanggit na subjects.
Noon pa, nasasalamin nang “anti-Filipino” ang CHEd sapagkat
kung alin pa itong sariling wika na dapat palaganapin at payabungin pa ang kanilang pinatay. Noon pang 2013 isinulong ng CHEd ang pag-aalis sa Filipino at Pantikan na lubhang nakapagtataka kung bakit ganito sila kasigasig. Tama na raw sa senior high school o K12 ituro ang mga subjects. Sobra-sobra na raw ang pag-aaral ng Filipino. E ano naman kung ituro uli ito sa kolehiyo. May masasayang ba kung muling pag-aralan ang Filipino at Panitikan?
Marami sa mga Pilipino ang hindi pa ganap na bihasa sa pagsulat
sa wikang sarili. Marami pa ring nagkakamali sa paggawa ng simpleng pangungusap. Maraming salat sa tamang baybay. Kaya paano sasabihing sobra-sobra na ang pag-aaral ng Filipino kaya hindi na ito dapat pang ituro sa kolehiyo?