Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 5

Paano Natin Ipapaliwanag ang Kahirapan sa Pilipinas?

(Philip Emmanuel Peñaflor, PhD – October 12, 2015)

Bakit ba mahirap tayo kahit na umaangat daw ang ekonomiya ng ating bansa? Ilang pangulo na
ba ang nagsabing umuunlad na ang ekonomiya ng bansa ngunit ito ba’y nararamdaman ng karaniwang
mamamayan? Sino ba ang nakikinabang sa pag-angat ng ating ekonomiya? Babalik tayo sa tanong noon
ng mga awtor o manunulat patungkol sa human development na “Development for Whom?” “Para
kanino ba ang pag-unlad”?

Masalimuot ang usaping kahirapan sa ating bansa. Kung tatanungin natin ang mga mayayaman
ang tiyak na sasabihin nila’y “marami kasi sa atin ang tamad”. At hindi naman natin sila masisisi sa
ganitong pananaw dahil umagang-umaga pa lamang nakikipag-inuman na ang ibang mga kalalakihan sa
barangay, walang kusang magbanat ng buto, at naghahangad na lamang ng biglaang kita na parang
“instant coffee”. Ang iba sa halip na maghanap ng kapakipakinabang na trabaho ay nagbabakasakali sa
sugal, at habang natatalo ay lalong nagpipilit na makabawi hanggang sa malulong sa sugal at
magkabaon-baon sa utang na lalong nagpapalugmok sa kahirapan. Ang lalong nagpapabigat sa ganitong
problema, wala na ngang trabaho, ayaw magbanat ng buto, saksakan pa ng bisyo – sugal, alak o droga.
Siga pa, palaaway, nambubugbog ng asawa o mga anak. Kaya paano nga naman aasenso?

Bakit nga ba marami sa atin ang tamad, batugan, ayaw magbanat ng buto, pero nangangarap ng
masarap na buhay? Ay di hanggang pangarap na lang tayo?

Kung tatanungin naman ang mga aktibista kung bakit mahirap tayo ang kanilang sasabihin ay
“dahil sa pagkakasakal ng mga mayayaman at naghaharing-uri sa lipunan” katulad ng mga panginoong
may-lupa at mga negosyante na madalas sila rin ang mga pinuno sa pulitika. At dahil sila ang mga
namumuno sa pulitika ang kanilang mga balakin at gawain ay patungo sa higit na pagpapaibayo ng
kanilang mga interes, ng kanilang mga negosyo at ng kapakanan ng kanilang mga pamilya lamang. Kaya
nga sila tumatakbo sa pulitika ay upang ma-proteksiyunan ang kanilang mga negosyo at iba pang mga
interes, hindi talaga kapakanan ng mga tao ang layunin nila. Kaya patuloy na lumalaki ang agwat ng
mayaman at mahirap.

Kaya ano nga ba ang dahilan ng ating kahirapan? Katamaran nga ba? O ang paghahari ng mga
mayayamang panginoong may-lupa o may-negosyo? Maaaring may katuwiran ang parehong
argumento, at higit pa, sapagkat maaaring may kaugnayan ang dalawang dahilang ito.

Panahon pa ng mga Kastila’y naobserbahan na ang katamaran daw ng mga “Indiyo” (“Indiyo”
ang tawag noon ng mga Kastila sa mga katutubong Pilipino). Ang kanilang obserbasyon, magtatrabaho
lamang daw ng ilang oras ang mga Pilipino pagkatapos ay uuwi na sa bahay at wala nang gagawin,
tatambay na kung baga, hanggang hapon na. Pagkatapos sa hapon naman ay pupuntang muli sa linang
na sinasaka magbubungkal ng kaunti tapos uuwi na at kung may makakasama ay mag-iinom na ng
“tuba” o kahit na anong alak. Kaya naturingang tamad ang mga ninuno natin.

Ang hindi naisip ng mga Kastila ay magkaiba ang klima ng Pilipinas at Espanya. Sa Espanya
malamig at iba’t iba ang panahon, may tag-araw (summer), may tag-yelo (winter), may tinatawag na
tagsibol (spring) at taglagas (autumn/fall). Sa Pilipinas dalawa lang ang panahon, tag-araw at tag-ulan.
Sa Espanya iba’t ibang panahon iba’t ibang pamamaraan ng pagtrabaho, madalian ang pagtanim dahil
tatlong buwan lang ang tagsibol, kailangang mayroon sapat ng supply ng pagkain sa panahon ng
taglamig dahil walang tumutubo sa panahong ito. Samantalang sa Pilipinas napakasimple lang ng
panahon at sa buong taon ay maaaring magtanim, at noong panahong iyon sagana sa kagubatan at mga
hayop. At dahil mainit ang klima hindi maaaring magtrabaho sa maghapon kung kaya nagpapahinga ang
mga tao sa tanghali hanggang hapon.

Hindi dahil sa katamaran ang dahilan kung bakit naghirap ang ating mga ninuno. Ang dahilan ay
ang pananakop ng mga Kastila na kumamkam ng ating mga lupain. Nawalan ng lupang sasakahin ang
mga Indiyo at ang mga ito’y napunta sa kamay ng mga dayuhang mananakop. Ano’ng nangyari sa mga
Indiyong ninuno natin? Sila’y naging mga mangagawa sa mga malalawak na hacienda ng mga Kastila at
nang mga may dugong Kastila, na halos mistulang alipin ng mga mananakop. Ang iba’y sapilitang
pinagtrabaho sa mga pagawaan ng “galleon” at sumasama sa paglaban sa mga pirata, at iba pang mga
gawain tulad ng paggawa ng mga Simbahan, mga gusali ng gobyerno at ng mga kalsada. Ang tawag
dito’y “polo” o “forced labor” at walang bayad.

Sino ang gaganahang magtrabaho sa ganitong kalagayan? Araw-araw, taun-taon, dekada kada
dekada, at daang taon, ang mga ninuno natin ay naging mga alipin ng mga mayayamang haciendero at
walang nakikinitang paglaya sa ganitong uri ng pagkaalipin, kung kayat napaniwala nila ang kanilang mga
sarili na iyon na talaga ang swerte ng kanilang buhay. Kailangang magtiis dahil sa langit, ayon sa turo ng
Simbahan, ay may nakalaang biyaya ng kaligtasan at kaluwalhatian. Kaya tinawag na “fatalistic” ang
mga mahirap dahil sa paniniwalang ang kahirapan ang swerte nila sa buhay.

Ang mga ninuno natin sa gitna ng kaapihan at pagkaalipin ay madalas pang inaalipusta ng mga
mayayamang haciendero komo sasabihing sila’y mga hampaslupa, walang pinag-aralan, mga bobo at
ignorante, patay-gutom, at ito’y natanim sa kanilang diwa sa mahabang panahon hanggang sa ngayon,
kung kaya’t ganoon na nga ang paniniwala ng mga mahihirap. Ang pakiramdam nila’y kulang ang
kanilang pagkatao, kakaiba sila sa mga marangya at nakakataas sa lipunan. Kaya’t sa tuwing
makakaharap sa mga mayayaman ay sunud-sunuran lamang ang mga ito at wari’y nanginginig pa, hindi
makapangatwiran kahit na hindi makatarungan para sa kanilang ang ipinagagawa o ang nais mangyari ng
mga naghaharing uri.

Sa panahon ngayon ito’y nagaganap pa rin, katulad ng pagtrato ng mga namamahala ng mga
kumpanya sa kanilang mga empleyado o ng mga pinuno ng pamahalaan o burukrasya sa mga
karaniwang kawani nito, maging sa Simbahan man sa pagitan ng mga pari at madre at ng karaniwang
layko, o sa tahahan mismo kung paano ituring ng mga amo ang kanilang mga katulong o kasambahay.
Dahil sa pag-tratong may pang-aalipusta ang mga mahirap ay tuluyan nang nawalan ng tiwala sa sarili
nilang kakayahan sa paniniwalang wala silang magagawa dahil sa sila’y “pobre” lamang. At dahil dito’y
hindi na nagkaroon ng hangad na magsikap kaya’t naging “apathetic” na rin sila. Nakaukilkil na sa
kanilang mga puso, isip at kaluluwa na ganito na talaga ang buhay. At ito’y namana natin sa ating mga
ninuno hanggang sa ngayon.

Ngunit sa kabila ng kanilang mababang pagtingin sa sarili ang mga mahirap ay nangangarap din
na magkaroon ng magandang buhay, na maging katulad ng mga mayayaman at naghaharing uri sa
lipunan. Sa kanilang palagay ang pagiging ganap na tao ay ang katulad ng mga mayayaman, at sa tingin
nila magiging ganap lamang ang kanilang pagkatao kung sila’y makaahon sa kahirapan. Kaya nga
marami sa mga mahihirap, na tinatawag na “masa”, ang nalululong sa mga telenobela o mga palabas sa
telebisyon lalo’t kung may kuwento ng mahihirap na umasenso, pagka’t sa sandaling panahon ng
panonood ay nakakalimutan nila ang kanilang mga suliranin sa buhay at nakikita nila ang kanilang mga
sarili doon sa mga bida sa mga telenobela at nangangarap na mangyari din ang pagtatagumpay sa
kanilang buhay.
Ganito rin maipapaliwanag ang pagkakalulong ng mga mahihirap sa alak. Sa karaniwang araw
ang turing nila sa kanilang mga sarili’y mga hampaslupa, walang kwenta at api, ngunit sa kaibuturan ng
kanilang mga puso’y naghahangad ding umasenso at makaahon sa kahirapan. Datapwa’t dahil wala
silang nakikinitang pag-asa sa abang kalagayan, ay idinadaan na lamang ang kanilang mga problema sa
pag-inom kung saan panandaliang nakakalimutan nila ang kanilang abang kalagayan. Sa kalasingan
nagkakaroon sila ng sariling mundo, ang mundo na nais nilang manyari sa kanilang buhay na hindi
nangyayari sa tunay na buhay. Kapag sila’y nalalasing lumalabas sa kanilang mga bibig ang mga hindi
nila masabi sa karaniwang araw, katulad ng mga hinaing, mga hinanakit, o mga hangarin nila sa buhay,
kasama na rin ang pagyayabang na kaya nilang gawin ang lahat.

Dahil sa madilim na kasaysayang naglugmok sa ating mga ninuno sa kahirapan, na naging


dahilan upang bumaba ang kanilang pagtingin sa sarili kung kaya’t nawalan na ng tiwala sa kanilang
kakayahan, naging madali para sa mga mayayaman ang pananamantala sa mahihirap tulad halimbawa
ng pangangamkam ng mga lupain. Ang mga mayayaman bukod sa mahuhusay ang kanilang mga
abogado, kaibigan pa nila ang mga huwes o ang mga pulitiko, at maging ang Simbahan. Ang mahihirap,
dahil sa walang sapat na kaalaman, ni wala ngang kayang magbayad ng abogado at kung mayroon man
ay abogado ng gobyerno na wala ring magawa dahil sa kakampi ng mayayaman ang mga huwes at mga
pulitiko, kung kaya’t tahimik na tatanggapin na lamang ang kanilang pagkatalo at pagka-api. Ganito rin
ang nagaganap kung ang isang mayaman ay nang-abuso ng isang mahirap, halimbawa’y nanghalay ng
puri ng isang babaeng mahirap, halimbawa’y ang kanilang katulong, na babayaran na lamang ang
pamilya upang manahimik pagkat wala rin namang mararating ang kaso.

Sa lipunan ang mayayaman ang nagdidikta ng mga kalakaran sa pulitika at sa ekonomiya.


Kailangang maproteksiyunan nila ang kanilang mga lupain at mga negosyo, kaya kailangang may
kakampi sila sa gobyerno lalo pa’t ang gobyerno’y umaasa sa kanilang mga buwis. Kaya naman ang
gobyerno’y sunud-sunuran sa mga mungkahing mga patakaran o batas ng mga mayayaman. Kaya nga
kung may mga batas na magiging mapanira sa kanilang mga interes, katulad na lamang ng reporma sa
lupa o tinawag na “Comprehensive Agrarian Reform Program”, ito’y puno naman ng butas upang hindi
talaga tuluyang maipamigay sa mga magsasakang walang lupa ang mga lupain ng mayayaman.
Karamihan sa mga naipamahagi nitong nakaraang panahon ay lupang gobyerno, at hanggang ngayon
maraming lupaing prime agricultural land ay nasa kamay pa ng mag panginoong may lupa o kaya na-i-
convert sa layuning pang-industrial kaya’t hindi na maipamahagi.

At upang tuluyang maisulong nila ang kanilang mga interes, ang mayayaman na mismo ang mga
namamayani sa pulitika bilang mga alkade, gobernador, congressman, senador at iba pa, at sila ang mga
may koneksiyon at kapangyarihan upang magtalaga ng kanilang mga kaibigan sa gabinete at iba pang
mga katungkulan sa burukrasya upang kanilang maging mga kakampi. Ang mga mayayaman ay wala
naman talagang pakialam sa karaniwang mamamayan. Pinapasok nila ang larangan ng pulitika upang
isulong ang interes ng kanilang pamilya at mga negosyo. Kaya may “political dynasty” na kung saan ilang
pamilya lamang ang naghahari sa isang lugar, o kaya hindi napapalitan ang mga pinuno sa isang lugar at
nagpapasalin-salin lamang ito sa mga kasapi ng iisang pamilya. Ginagamit lamang nila ang mahihirap
upang patuloy silang manatili sa kanilang mga puwesto.

Paano ginagamit ng mga mayayaman ang mga mahihirap upang manatili ang kanilang political
dynasty? Dito pumapasok ang usaping “patronage politics” na siyang laman o katangian ng tinatawag
nating “traditional politics” o “trapo”. Ang mga mayayamang pulitiko ay nagmimistulang mga “patron”
ng mga lugar na kanilang nasasakupan. Dahil sila’y patron, sa kanila tumatakbo ang mga mahihirap
tuwing may mga pangangailangan, halimbawa’y gamot, pambayad sa ospital, pampalibing, pang-
eskuwela ng mga bata, at iba pang mga pangangailangan. Kaya nga ang mga bahay ng mga pulitiko ay
palaging maraming tao sa araw-araw sapagkat maraming mga mahihirap ang dumudulog upang humingi
ng kaunting tulong. Ang kaunting tulong na kanilang natatanggap sa kanilang mga pulitiko ay kanilang
tinatanaw bilang utang-na-loob kung kaya’t sa susunod na eleksiyon iboboto nila ang mga pulitikong ito
bilang pagtanaw ng utang-na-loob. Ginagamit ng mga trapo ang utang-na-loob na ito upang mapanatili
sila sa kanilang mga puwesto.

Kaya ang kalakarang ito ang ibig sabihin ng patronage politics. Tinatangkilik ng mga tao ang
mayayamang pulitiko dahil sa mga kaunting tulong na tinatanggap nila sa mga ito, kung kaya’t nananatili
ang mga mayayamang pulitiko sa kanilang mga puwesto. At ito ang ibig sabihing ng traditional politics o
“trapo”, na hindi kuwalipikasyon o kakayahan ng pulitiko o plataporma de gobyerno ang tinitingnan ng
mga tao, kungdi kung ano ang ibinibigay sa kanila ng mga trapo na tinatanaw nilang malaking utang-na-
loob. At dahil sa ginagamit nga lang naman ng mga trapo ang mahihirap, walang tunay na pagbabago sa
kalagayan ng lipunan ang nagaganap kungdi ang patuloy na pananamantala ng mga mayayamang
pulitiko gamit ang kanilang kapangyarihan, upang lalo pa silang yumaman sa pamamagitan ng
kurapsiyon at iba pang pang-aabuso sa gobyerno, samantalang ang mahihirap ay patuloy na naghihirap,
walang tunay na pag-asenso kungdi ang umasa na lamang kakarampot na ibinibigay sa kanila ng mga
trapo.

Ang masaklap hindi batid ng mga mahihirap na ang ginagamit ng mga trapo ay nagmula rin
naman sa buwis ng mga mamamayan ngunit sa akala nila’y napakabuti na sa kanila ng mga trapo sa
kaunting biyayang ambon. Ang mas masaklap ang ibang ginagamit ng mg trapo ay galing sa
pandarambong o kaya sa mga illegal na gawain tulad ng illegal na pagtotroso, illegal na pagmimina,
illegal na pangingisda, huweteng, smuggling o droga. Natatakpan ang kanilang mga illegal na gawain sa
pamamagitan ng mga kaunting tulong na ibinibigay sa mahihirap na dahil dito’y patuloy na naniniwala sa
kabutihan ng mga trapo.

Sa ating bansa ang pulitikang patronage politics o traditional politics ay tinatawag ding
“Oligarchy” na ang ibig sabihin ay pamumuno ng iilan lamang, at sila ang tinatawag ng mga aktibista na
“naghaharing uli” o “ruling elite”. Kapag ang iilang mga naghaharing ito’y mga mayayaman lamang ang
tawag naman dito’y “Plutocracy”. Ito’y mga magkakaugnay na mga terminolohiya. Ang Plutocracy na
isang uri ng Oligarchy ay traditional politics o “trapo”. Ang katangian ng mga trapo ay patronage o
paggamit ng “utang-na-loob” sa pamamagitan ng pamumudmod ng maliliit na tulong sa mga mahihirap.
At dahil sa patuloy nilang pananatili sa puwesto nagpapasalin-salin lamang sa mga kasapi ng pamilya ang
kanilang pamumuno sa pulitika. Ang tawag dito’y political dynasty. At dahil interes lamang ng pamilya
ang mahalaga sa political dynasty ang mahihirap ay patuloy na naghihirap at walang pag-asang
makaahon sa kanilang kahirapan.

Nauna nang nabanggit na masalimuot ang usaping kahirapan sa Pilipinas. Kaya hindi tamang
sabihing mahirap ang mahihirap dahil sila’y mga tamad. Maaaring iyan ay isang dahilan ngunit ayon sa
naipaliwanag na, mas malawak pa ang sanhi ng kahirapan sa bansa.
Ayon sa isang batikang edukador na nagngangalang Paolo Freire mula sa bansang Brazil, ang
mga mahihirap, dahil sa napakatagal na pagkaalipin sa mga dayuhang mananakop ay walang kakayahang
iangat ang antas ng kanilang kamalayan upang maunawaan ang kanilang tunay na kalagayan pagkat para
sa kanila, ayon kay Freire, napaniwala nila ang kanilang mga sarili na ganito na nga ang swerte ng
kanilang buhay, na ganun talaga ang buhay, kung kaya’t wala nang kusang magsikap upang makaalpas sa
ganitong kalagayan. Kailangang itaas ang antas ng pag-iisip ng mga mahihirap ayon kay Freire, upang
maunawaan nila na ang buhay ay hindi “swerte-swerte” lamang, at malaki ang kanilang magagawa sa
pagbabago ng kanilang buhay kung mababago ang kanilang pananaw sa buhay.

Ang mga mahirap na nagsikap at nakaalpas na sa kahirapan ay mga taong tumaas na ang antas
ng kanilang kamalayan, naunawaan nila na nasa kanilang mga kamay ang ika-aasenso ng kanilang buhay,
hindi “swerte-swerte” lang, o hindi ang pagdulog na lamang sa mga pulitiko. Sa mga mayayamang bansa
na ang mga tao ay may kusa at masipag na naghahanap ng mga paraan upang umasenso, hindi sila
interesado sa pulitika. Para sa kanila ang pulitika ay pagsasaayos ng mga alintuntunin sa pamahalaan
upang ito’y makapagbigay ng mga tama at sapat ng mga serbisyo sa ikakaayos ng buhay ng mga tao
hindi ng mga pulitiko lamang.

Makakaalpas tayo sa kahirapan kung mababago ang pananaw ng mga mahihirap, na aasenso
tayo kung magsisikap at hindi aasa sa iba. Hindi ikakahiya ang pagbabanat ng buto sa marangal na
paghahanapbuhay, at hindi maghahangad ng agarang pagyaman kundi pagtitiyaga.

Kung pagbabago ng lipunan ang pag-uusapan, malaki ang magagawa kung magsasama-sama ng
lakas ang mahihirap. Hindi pagagamit sa mga trapo sa maling pagtanaw ng utang-na-loob. Sa gayon
ang mga mahihirap ay makakawala sa pagkakasakal ng mga political dynasty na patuloy nang
mabubuwag kung hindi na tatangkilikin ng mga mahihirap. Hindi ipagbibili ang boto tuwing darating ang
eleksiyon at pipili ng mga kandidatong higit na kuwalipikado at may maayos na platoporma de gobyerno
lalo’t kung ang programang ilalatag ay bunga ng konsultasyon sa mga tao.

Malaki ang papel na gagampanan ng mga pamilya. Sa pamilya mag-uumpisa ang pagbabago
kung ang mga magulang ay magbibigay ng magandang halimbawa sa kanilang mga anak ng kasipagan,
katapatan o “honesty”, pagtutol sa pandaraya o kurapsiyon, pag-iisip ng tama at paggawa ng mabuti at
pagtulong sa kapwa.

Maraming pamilya sa lipunan natin ang napariwara na dahil ang mga magulang mismo ang
nagtuturo sa kanilang mga anak ng hindi maganda. Karaniwan nang naririnig sa mga magulang ang
ganito: “Anak, dalawang klase lang ang tao sa mundo, ang mga manloloko at ang mga nagpapaloko,
kaya maging wais ka para hindi ka maloko”. O kaya, “Mas mabuti pang ikaw na ang manloko huwag ka
lang maloko”.Sa murang isipan ang mga bata’y nahuhubog na kaagad sa pandaraya at kurapsiyon.

Kaya kailangang magbago ng pananaw sa buhay ang mga tao. Hindi swerte-swerte lamang ang
buhay. Kailangang maunawaan natin na may mga balangkas o istruktura sa lipunan na siyang dahilan ng
patuloy na pagkakalugmok ng mga tao sa kahirapan. Kung tataas ang antas ng ating kamalayan,
bubuwagin natin ang oligarchy at patronage politics ng mga trapo at mga political dynasty, hindi aasa na
lamang sa kanila kundi magsusumikap na makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng pagbabanat ng
buto. Kung nabuwag na ang oligarchy maaari tayong magsama-sama upang magtayo ng bagong uri ng
pamahalaan na tunay na para sa tao na tutugon sa kanilang mga karapatan at pangangailangan bilang
mga mamamayan ng bansa, at hindi pamahalaan para sa interes ng iilan lang na naghaharing uri.

You might also like