Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 33

Isa, Dalawa, Tatlo

(One, Two, Three)


Mga Tauhan
ANG INA
PETEY
HARING MELCHOR
HARING BALTAZAR
HARING GASPAR

Ang Kasalukuyan:
Sa isang apartment. Ang mga kasangkapan ay mga luma na. May-roong
isang telepono sa ibabaw ng lamesita. Sa bandang likuran makikita ang isang
kabinet. Dalawa ang pintuan, isa sa kanan at isa sa kaliwa ng entablado.
Mayroong isang bintana sa kaliwa.
Bubukas ang tabing at makikita si PETEY na may hawak na mangkok.

PETEY: Sawang-sawa na ako sa lugaw inay


INA: Kaunting-tiis, anak.
PETEY: Inay, ba't ba tayo mahirap?
INA: Hindi tayo mahirap, Petey, hindi lamang tayo mayaman.
PETEY: May Pagkakaiba ba iyon?
INA: Ang pagiging mahirap ay panghabang-buhay na kawalan ng yaman. Ang
pagiging hindi mayaman ay pansamantalang kahirapan lamang.
PETEY: Ke pansamantala o hindi, mahirap pa rin tayo.
INA: Nasa kung paano mo gustong tingnan iyon anak. Maaari kang maging
mahirap ngunit mayaman sa kagandahang-loob at maaari ka ring maging
mayaman sa salapi nguni't-walang pakikipagkapwa-tao
PETEY: Lalo lang n'yo akong ginugulo, Inay. Mahirap tayo at wala ng iba't ibang
klase iyon. Hindi pa tayo kumakain mula kahapon.
INA: Hindi lamang pagkain ang pinaka-mahalaga sa buhay ng tao.
PETEY: Pero sa aking sikmura ito ang pinaka-mahalaga. Hindi ito nangangatuwiran
pa.
INA: Pero maaari mong bulungan ang iyong sikmura at sabihing maghintay pa ng
kaunti.
PETEY: Paano ko bubulungan, sigaw nga ito ng sigaw na hindi pa nakakain mula
kahapon.
INA: Ang dalawampu't apat na oras ay hindi matagal na paghihintay.
PETEY: Para sa akin, sobra na nga.
INA: Sabihin mo sa sikmura mo na maghintay pa.
PETEY: (Sa sikmura.) Mahal kong sikmura, sabi ni Inay, maaari bang maghintay ka
pa ng kaunti? (Sa Ina.) Maaaring makapaghintay ang sikmura n'yo Inay pero ang
saakin ay ayaw na!
INA: Kailangan kang magsakripisyo, alang-alang sa sikmura mo.
PETEY: Mahal na sikmura uli, o nagsasakripisyo na ako para sa iyo. Pero talagang
hindi na ako makapaghintay!
INA: Basta bulungan mo lang.
PETEY: Inay naman, kanina ko pang binubulungan panay na panay ang sagot sa
akin. Para bang kumukulo,
INA: Tingnan mo ako anak. Nagugutom din ako, pero pinakiusapan ko lamang ang
aking sikmura, at heto, tahimik siyang naghihintay.
PETEY: Pero, Inay, matanda na kayo, at ang mga matatanda ay hindi
nangangailangan ng pagkain.
INA: Bakit hindi? Hindi ba't may laman at buto rin ako, tulad mo?
PETEY: Makulit ang sikmura ko. Kasi, ang mga bituka ko ay bata pa.
INA: Matagal na nga nating sinusubukang itindan ang telepono para makabili tayo
ng pagkain. Nguni't wala namang gustong bumuli. Natitiyak mo bang inilalagay
mo ang karatula sa labas?
PETEY: Natitiyak ko, Inay. Ang sinulat ko nga, "Telepono ipinagbibili. Sa loob."
INA: Bakit kaya wala pang nagtatanong man lamang?
PETEY: Kumakain ba ang mga telepono?
INA: Kumakain sila ng pera.
PETEY: Papaano?
INA: Binabayaran natin ang renta at iyon ang pagkain nila.
PETEY: Para sa telepono o para sa mga taong may-ari nito?
INA: Hindi, anak, ang mga may-ari ng telepono ay hindi kumakain ng simpleng
pagkain lamang. Kailangan ay iyong mga masasarap na pagkain.
PETEY: At ang pera?
INA: Maaari.
PETEY: Bakit tayo naghihirap, Inay?
INA: Pinaghihirap tayo ng lipunan.
PETEY: Lipunan?
INA: Ang lipunan ay binubuong mga tao.
PETEY: Ang mga tao sa lansangan?
INA: Ang mga tao kahit saan - sa lansangan, sa gobyerno, sa mga mansyon, sa
simbahan.
PETEY: Pati sa simbahan? Hindi ba ang simbahan ay dapat mapagbigay?
INA: Kung makakatulong sa simbahan. Karamihan sa mga opisyal ng simbahan ay
nakatira sa malalaki at matitibay na mga bahay, kumakain ng masasarap ng
pagkain; bingi at bulag sila sa pangangailangan ng nakararaming mahihirap.
PETEY: Papaano makikinig ang lipunan. Kaya ba nating pilitin?
INA: Hindi, hindi natin kaya. Masyado ang ating amor-propio upang mamalimos
ng kanilang tulong.
PETEY: Kailangan pa ba tayong mamalimos ng tulong mula sa lipunan?
INA: Sa maraming paraan ay oo. Ibig ng lipunan na madama natin ang
kahalagahan nila bago sila mag-ambag ng tulong sa tulad nating mahihirap. Ang
bawat kagandahang-loob na kanyang ipinapakita ay mangangailangan ng
publisidad. Nais niyag makitang nagpapakababa ang mahihirap bago niya
makuhang sila ay tulungan.
PETEY: Bakit ganoon kasama ang lipunan, nay?
INA: Sapagka’t ang lipunan ay bingi.
PETEY: Bakit bingi?
INA: Dahil ng lipunan ay namumuhi sa mga mahihirap.
PETEY: Galit sa atin?
INA: Sa pagkakaroon ng mga nahihirap, ang lipunan ay hindi mapalagay.
Natatakot ito na maging katulad natin siya at ang kahirapan ay isang babala na
maaaring sa hinaharap ay—
PETEY: Wala bang paraan upang magawa nating making ang lipunan?
INA: Mayroong isa, tiyak na epektibo, nguni’t hindi ko ipinapayo.
PETEY: Anong paraan, Inay?
INA: Buweno, maaari natin silang patayin.
PETEY: Sige! Kailan natin sisimulan?
INA: Wala tayong mga sandata.
PETEY: Mayroon tayong malaking kutsilyo sa kusina.
INA: Hindi maaari ang kutsilyo.
PETEY: Bakit naman?
INA: Alam mo na, dadanak ang dugo.
PETEY: Hindi naman ako takot sa dugo.
INA: Ako man ay hindi. Ngunit ang dugo ay makakatawag-pansin sa mga pulis.
PETEY: Tulad ng mga langaw sa asukal?
INA: Parang ganuon na nga, Mabilis kumilos ang batas basta’t mayaman, kaysa sa
ating mga mahihirap.
PETEY: Hindi ba tayo maaaring pumatay na hindi dadanak ng dugo?
INA: Kung minsan sinsasabi natin walang dugong nananalaytay sa mga ugat ng
lipunan; ngunit kung susubukan mong saksakin ito, ay mayroon ding tatapong
dugo—madumi, mapulang-mapula—pareho rin.
PETEY: Kahit na! Basta patayin natin sila!
INA: Papaano ang ating konsiyensiya?
PETEY: Ano ang konsiyensiya?
INA: Iyon ay isang maliit na tinig na nagsasabi sa iyo kung ano ang tama o mali.
PETEY: Wala akong konsiyensiya. Wala naman akong naririnig.
INA: Ito’y mahinang-mahina. Bumubulong lamang tulad ng hangin.
PETEY: Nakikinig naman ako, pero wala naman.
INA: Masuwerte ka, kung gayon. Ang konsiyensiya ko ay lagi na lamang
bumubulong.
PETEY: Bakit hindi ninyo paluin? Ako pinapalo ninyo pag nag-iingay ako sa siesta
ninyo.
INA: Hindi maaari. Hindi natin ito nakikita.
PETEY: Kung hindi natin nakikita bakit pa natin papansinin?
INA: Hindi ito namamatay.
PETEY: Hindi ninyo maaaring patayin, Inay?
INA: Kung minsan, maaari.
PETEY: Di gawin n’yo. Gawin n’yo!
INA: Maaari kong patayin nang patayin nang makailang ulitm ganuon pa man sa
kung papaano’y nanatili pa rin itong buhay.
PETEY: Nakakapagtaka pala iyan. Sino ba ang nagbigay sa atin niyan?
INA: (Ituturo ang itaas.)
PETEY: Wala na bang ibang paraan para ito’y mapatahimik?
INA: Maaari mo itong patahimikin sa pamamagitan ng mga paumanhin, mga
dahilan, alibi, mga pagdadalawang-salita, rasyonalisasyon; mapatatahimik ito
nguni’t panandalian lamang.
PETEY: Mabuti na lamang at wala akong konsiyensiya.
INA: Magkakaroon ka rin.
PETEY: (Titingin sa itaas.) Hoy! Ikaw d’yan sa itaas—ayaw ko ng konsiyensiya.
Dahil dito, hindi mapatay ni nanay ang lipunan, nakokonsiyensiya kasi siya. Kaya,
huwag na huwag mo akong bibigyan ng konsiyensiya.
INA: May nakarinig kaya sa itaas?
PETEY: (Hahawakan ang puso.) Naku, Inay, mayroon na yata akong konsiyensiya.
May tumitibok dito.
INA: Gutom lang siguro—kumakalam lamang ang sikmura mo.
PETEY: Hindi, Inay. Ibang tunog ito. Kung gutom ako, ang tunog ng puso ko ay tug-
tug-tug. Pero ngayon”shh-shh-shh.”
INA: Ang kawawa kong anak. Iyan ay bulong ng iyong konsiyensiya.
PETEY: (Isusuntok ang kamay paitaas.) Ang sabi ko’y ayaw ko ng konsiyensiya. Ano
ka ba bingi?
INA: Huli na ang lahat. Ngayon ay mayroon ka nang konsiyensiya.
PETEY: (Tulad ng dati.) Bakit mo ako binigyan ng konsiyensiya? Bakit hindi na lang
pagkain? Bulag ka ba? Hindi mo ba kami nakikita?... Kanina pinoproblema ko ang
aking sikmura ngayon pati itong konsiyensiya na. Papaano ba ako
mamumrublema nang sabay? (Susuntukin ang dibdib.) Hoy, konsiyensiya! Huwag
mo akong istorbohin hanggang hindi kita tinatawag.
INA: Kung nagugutom ka pa, mayroon pa tayong lugaw.
PETEY: Na naman? Lugaw na sa umaga, lugaw pa sa tanghali, at lugan na naman
sa gabi! Ibig ng sikmura ko ng iba—iyong mas masarap.
INA: Ang mahihirap ay hindi na humihiling pa ng anumang masasarap na bagay.
At hindi ka makapupunta sa langit kung hindi mo tatanggapin ang iyong
kahirapan.
PETEY: Sinong may sabi niyan?
INA: Sabi ng simbahan.
PETEY: Kung ganuon ay hindi ko naman gusting makapunta sa langit hanggang
hindi pa ako nakakakain. Bakit pa pupunta sa langit kung wala namang laman ng
iyong tiyan? Ang mga tao ay pumupunta lamang doon kung sila ay busog na. At
ako ay gutom pa rin, Inay!
INA: Wala nang ibang pagkain sa loob ng bahay, anak. (Bubuksan ang cabinet.) O,
tingnan mo. (Isasarado.)
PETEY: Maraming pagkain ang kapitbahay natin.
INA: Sapagkat sila ay mayaman.
PETEY: Papaano sila naging mayaman, Inay? Nuong nakaraang taon ay parehong
lamang natin sila. Ang bahay niya’y isa nang mansiyon. Nakita ba ninyo kung
gaano kalaki? Mayroon pa ngang swimming pool. Papaano siya naging mayaman
bigla?
INA: Siya’y inihalal ng mga tao upang maglingkod sa taumbayan.
PETEY: Tinulungan n’yo ba s’yang manalo, Inay?
INA: Sa kasamaan palad, oo. Marami kasin siyang pangako.
PETEY: Kung ganuon, di puntahan natin siya. Dapat pala niya tayong tulungan.
Tayo ay taumbayan, di ba? Baka mabigyan n’ya tayo ng pagkain.
INA: Hindi ganuon kadali, Petey. Kung ikaw ay isang kongresman, o nasa
pulitika—kailangan kang maging walang-awa, walang puso, at walang pakailam.
Kailangan mong ipagbli ang iyong karangalan, ang iyong konsiyensiya, ang iyong
kahihiyan, at iyong bansa, ang iyong kaluluwa, ang lahat na. Dapat kang
matutuong magnakaw sa pamahaaan o kahit saan.
PETEY: Makakapagnakaw din ako Inay. Matututo rin akong magnakaw.
INA: Nguni’t kung ikaw ang magnanakaw, maliliit na bagay lamang ang iyong
makukuha at pagkatapos, makakalaboso ka. Ang mga nasa pamahalaan lamang
ang makakapagnakaw ng malalaki, at makikita mo sila na iniinterbyu sa TV
tungkol sa moralidad, kapurihan, katapatan, paglilingkod-bayan at sakripisyo.
Kailangang maging ismagler ka, land-grabber, kasama sa kickbacks, sa iligal na
logging. Ang mga pulitiko na nagnanakaw ay hindi nabibilanggo, naroon sila sa
magagandang silid ng pamahalaan at tinatanggap sa lipunan at ng Malacañang
PETEY: Bakit, ang mga nasa pulitika ba ay hindi tao, Inay?
INA: Hindi ako sigurado. Walang nakakasiguro kung sila nga’y tao.
PETEY: Di maaaring mga hayop sila.
INA: Sa ibang paraan, mas masahol pa sila sa mga hayop. Ang mga hayop ay hindi
nag-iisp—ang mga pulitiko ay nag-iisip—karamihan sa kanila ay nagtapos sa
kolehiyo at may kung anu-ano pang mga letra na nakakabit sa kanilang
pangalan—LLbs at PhDs—kahit ni hindi sila nakapagsasalita ng anumang
matatawag nating intelehente. Ang mga hayop ay wala ring konsiyensiya ngunit
ang mga pulitiko ay mayroon. At marami sa kanila ay totoong relihiyoso. Madals
pa nga silang nakikita sa loob ng simbahan.
PETEY: (Sa itaas.) Ikaw diyan sa itaas—bakit mo ako binigyan ng konsiyensiya
tulad ng isang nasa pulitika? Ngayon katulad na nila ako at ayaw ko ‘nun. Mabuti
pang maging hayop na lamang ako… Inay, ano ang mangyayari sa mga
kongresman.
INA: Sila’y nahahalal na Senador.
PETEY: Masama ba iyon?
INA: Mas masama pa nga dahil doble na ang mananakaw nila.
PETEY: Masama ba ang iyong loob Inay?
INA: Sama ng loob? Iyan lamang ang layaw sa katawan ng mga mahihirap. Sama
ng loob.
PETEY: Ang sabi ng pari sa eskuwelahan namin ay hindi raw kami dapat sumama
ang loob.
INA: Natural sapagka’t sita ay hindi mahirap. Kayang-kaya niyang magsermon ng
kung anu-ano (May kakatok.) Tingnan mo nga kung sino iyon, Petey. (Si PETEY at
tutungo sa bintana at dudungaw.)
PETEY: Sino ka?... Bibilin mo ba ang telepono namin?... Hindi… Sige kung ayaw
mo… (Babalik sa Ina.)
INA: Sino iyon?
PETEY: Isa yatang hippie. Mayroon pa ngang balbas.
INA: Bakit ano ba ang suot niya?
PETEY: Naka-mahabang damit at naka-sandalyas.
INA: Isang hippie nga marahil. Ano ang kanyang kailangan? (May kakatok uli.)
Tingnan mo nga uli, Petey.
PETEY: Palagay ko’y siya uli.
INA: Papaano mo natitiyak? Tingnan mom una. (Babalik si PETEY sa bintana.)
PETEY: O, ikaw na naman.
INA: Baka nagugutom. Papasukin mo at marami pa naman tayong lugaw.
PETEY: Naku mabuti. Ibigay na natin sa kanya ang lahat ng natirang lugaw.
(Bubuksan niya ang pinto. Papasok si HARING MELCHOR.)
INA: Ano ‘yan?
PETEY: Sabi na ho sa inyong hippie, e.
MELCHOR: Magandang umaga, ho.
INA: Sino ba kayo?
MELCHOR: Ako’y si Haring Melchor, hari ng Nubia at Arabia.
PETEY: Nanloloko yata Inay. Hindi siya hari. Ang mga hari ngayon ay hindi
nagsusuot ng ganyan.
INA: (Tatawa.) Isang hari!
MELCHOR: Ako ang isa sa tatlong hari.
INA: Aling mga hari?
MELCHOR: Ang tatlong hari na nasa Bibliya.
INA: Ang ibig n’yong sabihin ang tatlong hari na nagpunta sa Betlehem.
MELCHOR: Tumpak!
PETEY: Kung kayo nga’y hari, nasaan ang inyong korona?
MELCHOR: Iniwan namin, masyadong istorbo.
INA: Sino’ng namin?
MELCHOR: Kami ng dalawa ko pang mga kasama—sina Baltazar at Gaspar.
INA: Nasaan sila?
MELCHOR: Darating na sila.
PETEY: Bakit hindi pa kayo patay?
MELCHOR: Ako’y patay na.
PETEY: Kung patay na kayo, e bakit nakapaglalakad at nakapagsasalita pa kayo?
MELCHOR: Patay na kami nguni’t kami’y muling nabubuhay makalipas ang limang-
daang taon.
PETEY: Bakit?
MELCHOR: Alam mo, sa bawat limang daang taon kami’y pinabababa dito sa lupa
upang dalawin ang daigdig.
INA: Para ano?
MELCHOR: Dapat kaming gumawa ng isang ulat ukol sa kondisyon ng daigdig sa
kasalukuyan.
INA: Papaano’t napili ninyo ang maing bahay?
MELCHOR: Ibinigay sa akin ni San Pedro ang inyong tirahan.
PETEY: Alam ba niya?
MELCHOR: Alam niya ang tirahan ng lahat. Nakatala ito sa isang malaking libro.
PETEY: Milyun-milyong mga tirahan sa iisang libro?
MELCHOR: Computerized naman, e. Nasa amin ang pinaka-bagong makinarya.
PETEY: Bakit sa pagkarami-rami ng tao sa mundo ay kami pa ang napili?
MELCHOR: Kapag nagbigay ng utos si San Pedro hindi na kami nagtatanong pa.
INA: Tulad ng mga Heswita?
MELCHOR: Kung iyon ang ibig mong sabihin ko.
INA: Ito ng apala ang aking anak na si Petey.
MELCHOR: (Yuyuko at hahawakan ang kilay, ang labi at muling yuyuko.) Hello,
hello, hello, Petey.
PETEY: Gawin mo nga uli.
MELCHOR: Alin?
PETEY: Iyong nakakatawang saludo mo. (Uulitin ni MELCHOR.)
MELCHOR: Nagustuhan mo ba?
PETEY: Kakaiba pero nakakatawa.
INA: Maaari bang magtanong mahal na hari?
MELCHOR: Hindi! Hindi! Hindi! Hindi mahal na hari! Melchor na lamang.
INA: Bakit kayo nag-iisa?
MELCHOR: Kasama ko sina Baltazar at si Gaspar kanina, siguro’y naligaw sila.
INA: Naligaw?
MELCHOR: Sumakay sa taxi si Baltazar at si Gaspar naman ay ibig subukan ang
dyipni.
INA: Papaano kayo nakarating dito?
MELCHOR: Ako? Naglakad.
INA: Mula saan?
MELCHOR: Kung saan kami bumaba.
PETEY: Bumaba kayo sa pamamagitan ng flying saucer?
MELCHOR: Ibinaba lamang kami sa lupa.
PETEY: Ng mga anghel?
MELCHOR: Medyo—
PETEY: isa ba kayo sa mga Tatlong Hari na nagbibigay ng regalo pag ika-anim ng
Enero.
MELCHOR: Tama, Petey.
PETEY: Bakit hindi ako nakatanggap?
MELCHOR: Masyado kaming naging abala—milyon ang mga order—milyun-
milyong mga bata.
PETEY: Huwag mo na akong bolahin pa, Melchie.
INA: Melchor, Petey.
PETEY: Melchor, kaya mo siguro hindi bingyan ng regalo e, dahil sa mahirap
lamang ako at ang binibigyan ninyo lamang ay mga mayayaman.
MELCHOR: Hindi, hindi iyan totoo! (Maglalabas ng listahan.) Eto naririto ang aking
listahan. Lahat ng mga mabubuting bata.
PETEY: Mabuting bata naman ako, a, hindi ba ‘nay?
INA: Oo yata.
MELCHOR: Tingnan natin… bulong-bulong… bulong… bulong… bulong Petey—
Petey may Peter—Pete—Pedro—Pedring—Pierre—Petroskey—hindi ko yata
makita ang iyong pangalan Petey, Petey wala—wala ngang ganuong pangalan
dito—marahil naging masamang bata ka.
PETEY: Papaano ka magiging masama kung ikaw ay mahirap? Ang mayayaman
lamang ang nakakagawa ng kasamaan.
MELCHOR: Titingnan ko ang listahan ni Baltazar. (May kakatok.) Siguro, siya na
iyon. (Bubuksan ni PETEY ang pintuan. Papasok si BALTAZAR.) Bakit huling-huli ka
na yata Baltazar>
BALTAZAR: Melchor, bayaran mo muna ang taxi.
MELCHOR: Magkano?
BALTAZAR: Ang sabi nung drayber e, dalawampung dolyares daw.
MELCHOR: Dalawampung dolyares! Iyon lang ang ibinigay sa atin ni Gabriel
Archangel. Nasaan ang pera mo?
BALTAZAR: Nagasta ko na.
MELCHOR: Saan?
BALTAZAR: Hindi na bale. Basta bigyan mo na la ng ako ng pera.
INA: Dalawampung dolyares! Saan ba kayo nakakuha ng taxi.
BALTAZAR: Sa may Luneta yata iyon.
INA: Mula Luneta hanggang dito ay piso lamang. Malapit naman iyon dito, a.
PETEY: Akin na ang pera, ako na ang magbabayad. (Kukunin ang pera at lalabas.)
BALTAZAR: Sayang at hindi kami maaaring gumamit ng masasamang salita.
Kanina ko pa ibig na ibig magsalita ng masama.
MELCHOR: Ano ba ang nagyayari sa iyo?
BALTAZAR: Napakasakit ng ulo ko. Ahay! Ahay! Naku po, hindi ko na matiis itong
pu-pu—
MELCHOR: O, o, iyang—
BALTAZAR: Pu.—pu—pusakal na sakit ng ulo—
MELCHOR: (Sa ina.) Maaari po ang gayung salita.
INA: Kapag dumating na s Petey pakukunin ko ng aspirin. Maupo muna kayo.
BALTAZAR: Aspirin? Ano ’yun?
INA: Pildoras para sa sakit ng ulo.
BALTAZAR: Pildoras! Oh, hindi. Takot ako sa kahit anumang uri ng gamot. Baka
lalo ko pang ikamatay!
INA: Hindi ba patay na kayo?
BALTAZAR: Sa mga sandaling ito ay hindi.
MELCHOR: Alam n’yo butihing babae, kami ay binibigyan ng pagkakataon na
mabuhay muli bawat limang daang taon at pagkatapos muli kaming
mamamahinga.
INA: E, kayo naman, Melchor? Hindi ba kayo natatakot na mamatay muli?
MELCHOR: Walang pagkakaiba para sa akin. Pero sa dami ng basura at polusyon
ninyo, pipillin ko na yatang mamatay muli.
INA: Basura?
MELCHOR: Ang inyong bayan ay puno ng hindi pa nakokolektang basura tulad
nuong Middle Ages.
INA: Middle Ages?
BALTAZAR: Totoo iyon. Nang huli kaming naparito sa lupa ay walang naging
pagbabago sa pangongolekta ng basura. Marumi noon, marumi pa rin hanggang
gayon. Bakit ba ganito karumi ang kapaligiran ninyo?
INA: Wala kaming magawa. Ang mga pulitika sa alinmang bagay—pati sa mga
basura. (Papasok muli si PETEY.)
PETEY: Nabayaran ko na.
BALTAZAR: Magkano?
PETEY: Piso. (Ibabalik ang sukli.)
BALTAZAR: Papaano mo nagawa iyon?
PETEY: Utakan lang yan, pare.
BALTAZAR: Salamat, hijo.
PETEY: Ang lagay ba—walang tip?
BALTAZAR: Ano ang tip?
PETEY: Sa aming panahon nagbibigat ka ng tip para sa nagawang trabaho.
BALTAZAR: Magkano?
PETEY: Bahala ka.
BALTAZAR: (Bibigyan siya ng singko.) Heto.
PETEY: Ang barat naman, singko lang?
BALTAZAR: Magkano ba ang gusto mo?
PETEY: Hindi naman kalakihan at hindi rin naman kaliitan. Aba, hindi ba hari ka
naman?
BALTAZAR: Ako si Baltazar. Hari ng Ethiopia
PETEY: Aba, isa pang hari uli. Ilan ba kayo talaga?
BALTAZAR: Kailanman ay hindi ako natutong magbilang pero subukan natin. (Sa
mga daliri.) Kami ay isa—dalawa—tatlo.
PETEY: Yung tungkol sa tip—
INA: Petey!
BALTAZAR: (Bibigyan siy ng limang piso.) Eto.
PETEY: Sobra na yata—o kuni mo ito. (Isasauli ang singko.)
BALTAZAR: Sa iyo na iyan.
PETEY: Hindi maaari, may konsiyensiya ako.
BALTAZAR: Ah, at mayroon ka palang konsiyensiya?
PETEY: Ikaw ba ay wala?
BALTAZAR: Dati, pero namatay na.
MELCHOR: Bakit hindi mo ikuwento ‘yung tungkol sa pagpapaiyak mo sa sanggol
na si Hesus—
INA: Ang ibig n’yong sabihin—noong kayo ay nagtungo sa Bethlehem?
BALTAZAR: Napakahabang istorya.
INA: Pinaiyak mo ang Maliit na Sanggol, Baltazar? Bakit mo naman nagawa iyon?
BALTAZAR: (Uungol.) Oh, sakit ng ulo ko!
INA: Petey, kunin mo nga ang botelya ng aspirin.
PETEY: Bakit?
INA: Masakit ang ulo ni Baltazar, sige na. (Lalabs si PETEY.)
BALTAZAR: Maalala ko, nang ako’y nakasakay sa taxi, ang sabi nong drayber ay
kung gusto ko raw mag-gud taym. Ano ba ‘yun?
INA: (Mapapahiya.) Ang gud taym? Aba,… kuwan… isang pamamaraan ng pag-
aaliw sa mga bisita. Sab inga sa Ingles ay “Have a good time.”
BALTAZAR: Hindi yata ganoong ang kanyang ibig sabihin. Bumubungisngis iyong
drayber at saka kakaiba ang ngiti. (Papasok si PETEY.)
PETEY: Narito na Balty—
INA: Hindi Balty. Baltazar.
BALTAZAR: Ilan ang dapat kong inumin?
PETEY: Kung talagang masakit ang iyong ulo. Inumin n’yo ang buong botelya.
INA: Aba hindi! Dalawa lamang, Baltazar (Iinumin ito.)
PETEY: Ano iyong istorya tungkol sa sanggol? Melchie?
INA: Hindi Melchie. Melchor.
PETEY: Ikuwento ninyo na kung papaano ninyo pinaiyak si Baby Jesus.
BALTAZAR: Hindi ko naman sinasadya. Nang lumapit kami sa sanggol na si Hesus
upang dalhin ang aming mga regalo, masyado akong napapalapit. Nang makita
ako ng sanggol ay nanggigil ako s atuwa, hinawakan ang ilong ko at pinisil-pisil.
Tapos biglang naglambitin sa aking balbas. Binulungan ko, “Aray, masakit, heh,
heh, masakit na talaga iyan, baby, sweet baby,” pero, patuloy pa rin niyang
pinaglalaruan ang ilong at balbas ko—hindi na nga ako makahinga. Nang talagang
grabe na at talagang hindi ko na kaya ang sakit, nagtaas na ako ng boses at halos
sumigaw, “Araguy! Masakit! Masakit! Talagang masakit na!” Natakot yata biglang
nagpapalahaw ng iyak.
PETEY: Ano ang ginawa ng nanay niya?
INA: Dapat kang mahiya, Baltazar.
BALTAZAR: Si Maria ay ngumiti lamang at pabulong na nagsabing “Naughty,
naughty, no, no,” At patuloy na ngumiti.
INA: At si Hosef—ngumiti rin ba siya?
BALTAZAR: Hindi kailanman.
INA: Bakit? Malungkutin ba siya?
BALTAZAR: Hindi, kaya lamang, bungi siya.
MELCHOR: Ang katotohanan niyon ay natakot ang Banal na Sanggol sa maitim
mong kulay.
BALTAZAR: Aba! Bah! Bah! Ang Ama yata Niya ang gumawa sa akin, ako’y nilalang
na maitim! Ah! Tingnan mo nga naman ang kasamaan ng pangyayari!
MELCHOR: Maghunos-dili ka, Baltazar kapag Black Power ang pinag-uusapan.
PETEY: Ano ang Black Power?
MELCHOR: (Uungol.) Oh, ang sikmura ko.
INA: May dinaramdam ka yata, Melchor?
MELCHOR: Ah, itong mga walang patumanggang sakit ng tiyan, oh, oh, ooooohhh!
INA: Petey kunin mo nga iyong botelya ng paregoric.
PETEY: (Sisikmurain si MELCHOR.) Saan ba masakit, dito?
MELCHOR: (Lalakas ang ungol.) Ooooohhh! Huwag!
INA: Petey, ang sabi ko ay kunin mo ang botelya.
PETEY: Ang botelya ba na may bungo at may nakasulat na lason?
MELCHOR: Lason?
INA: Hindi. Iodine iyon. ‘Yong malaking botelya! At kumuha ka rin ng kutsara at
tubig. (Lalabas si PETEY.)
BALTAZAR: Nawala ang sakit ng ulo ko. Milagro!
INA: Hindi. Hindi iyon milagro, Baltazar. Gamot talaga sa sakit ng ulo ang aspirin.
MELCHOR: Oh, ang sakit!
INA: Petey, kaunting bilis! (Papasok si PETEY na may dalang bote.)
PETEY: Gaano karami?
INA: Dalawang kutsara.
MELCHOR: (Titikman.) Pwe! Ang pangit ng lasa
PETEY: Tumuwad ka, Melchor, at ipapakita ko sa inyo kung paano ako pinapainom
nito ni nanay. (Lalapit si MELCHOR, pipisilin nito ang ilong ni MELCHOR at bibiglain
ang pagpapainom ng Paregoric. Magiging maasim ang mukha ni MELCHOR.)
MELCHOR: Pwe! Lasang gamot ni Satanas!
PETEY: Ano iyon?
MELCHOR: Ang gamot na iniinom ni Satanas kapag siya’y inuubo.
PETEY: Papaano ninyo nainom?
MELCHOR: Biniro ko nitong si Baltazar noon—nang hindi nakatingin si Satanas.
PETEY: Gusto n’yo pa?
MELCHOR: Maraming Salamat, pero sa iyo na lang. (May kakatok.)
INA: Iyan na marahil ang pangatlong hari. (Bubuksan ni PETEY ang pintuan.
Papasok si GASPAR. Mayroong bandage sa ulo at pipilay-pilay.)
PETEY: Huli na ho kayo, Ginoong Hari.
GASPAR: Ako ay si Gaspar, hari ng Tarsus.
MELCHOR: Ano ang nangyari sa iyo?
GASPAR: Grabe! Grabe! Grabe! Habang nakasakay ako sa dyipni, napadaan kami
sa may eskwelahan. Mayroon daw yatang demonstrasyon. At ang mga tao!
Grabe! Umuulan ng mga bato! Bumaba ako para awatin sana ang mga
estudyante—may nagtatangka pa ngang sunugin ang mismong eskwelahan. Sa
gitna nito namataan ako ng mga pulis, bigla na lamang ako ang pinagdiskitahan,
“Hulihin iyong hippie.” Naramdaman ko na lag na may isang kahoy na tumama sa
ulo ko. Lumuhod ako at ipinagkrus ang mga kamay sa aking dibdib at
nagmakaawa. Pero patuloy pa tin ang pagpalo sa akin ng mga pulis.
MELCHOR: Police brutality! Mayroon na rin iyan kahit noong panahon namin.
Maalala ninyo noong nagtanong ako sa isang Centurion kung saan natin
matatagpuan si Hesus? Bago siya sumagot natamaan muna ako ng kanyang
espada.
INA: Kawawang Gaspar. Papaano kayong nakatakas?
GASPAR: Binigyan ko ang mga pulis ng dalawampung dolyares bago niya ako
pinakawalan.
MELCHOR: Basta kuwarta ang kumilos, ayos! (Lalapitan ni PETEY si GASPAR
mahinay na hahawakan nito ang kamay ng hari. Mapapasigaw si GASPAR at
magtatago sa kanyang damit.)
GASPAR: Huwag ninyo akong saktan. Huwag!
MELCHOR: Hindi na pulis iyon, Gaspar. Si Petey lamang, ibig kang makilala. (Sa
ina.) Pasensiya na kayo at talagang nerbiyoso itong si Gaspar.
PETEY: (Ipinakita ang isang laruang daga.) Gusto ninyong makita ang laruan ko?
(Pagkakita dito muling napasigaw si GASPAR, at tatalon sa isang silya.)
GASPAR: Eeekkk! Daga! Isang dagang kumakain ng tao!
PETEY: Laruan lang ito at hindi nangangain ng tao. (Bababa si GASPAR.)
GASPAR: Pasensya na po kayo. Masyado akong magugulatin. Wala akong
magagawa—nerbiyoso po ako.
INA: Kunin mo nga ang maliit na kahon, Petey. Makatutulong sa nerbiyos ito.
(Lalabas si PETEY.)
MELCHOR: Ano ang ipaiinom mo sa kanya?
INA: Tranquilizer—para kumalma siya. (Babalik si PETEY.) Bigyan mo siya ng
dalawa. (Iinumin ito ni GASPAR.)
MELCHOR: Sabi niya ay kakalma ka na raw.
PETEY: Pinaiinom ako ni inay niyan kapag ako’y masyadong maingay.
INA: Petey. Huwag kang maingay at pabayaan mong makapagpahinga si Gaspar.
GASPAR: Ang mga piladoras ay talagang nakakagawa ng milagro. Magaan na ang
pakiramdam ko.
PETEY: Tranquliziers iyon, Gaspar. Tito Gaspar.
BALTAZAR: Tila hindi mo pa ako tinatawag ng Tito?
PETEY: Nakalimutan ko lang, Tito Baltazar?
GASPAR: Marami ba ang gumagamit ng ganitong gamot?
PETEY: Halos lahat!
GASPAR: Pati ikaw?
PETEY: Kung wala na ang aspirin at masakit ang ulo ni inay, ako ang pinapainom
niya ng tranquilizer para hindi raw ako maingay.
GASPAR: Talagang maingay ka ba naman?
PETEY: Kapag wala lamang akong magawa.
GASPAR: Hm. Tama nga naman. (Isang maliit na libriot ang mahuhulog mula sa
kasuotan ni GASPAR.)
MELCHOR: Namili ka pa yata ng souvenir, ha? Gaspar?
GASPAR: Hindi ko alam kung ano ito, e. Napadaan ako sa may sinehan. Habang
tinitingnan ko yung mga larawan may lumapit na bata at nagtanong kung gusto ko
raw buili ng “Bedtime Stories.: Maalas ang atake ng aking insomnia, kaya binili ko
na rin.
BALTAZAR: Siguro’y puno ito ng mga larawan ng lunsod. (Bubuksan at
mabibiglaanan. Itatapon ang libretto sa Ina. Sisilipin rin nito at biglang magku-
krus.)
INA: Petey sunugin mo ito sa may kusina.
GASPAR: Susunugin! Ni hindi ko pa nakikita yung mga larawan.
INA: Malalabo ang larawan. (Papalabas na si PETEY habang binubuklat ang
libretto. Mapapanganga at biglang tatakbo palabas.)
MELCHOR: Butihin babae, mayroon ba kayong pagkain dito? Nagugutom na kami.
INA: Maupo muna kayo at dadalhan ko kayo ng lugaw.
BALTAZAR: Lugaw?
INA: Iyon ay bigas na pinakuluan sa tubig.
BALTAZAR: Mukhang masustansya yata.
INA: Hindi magustuhan ni Petey. Alam ninyo, wala kaming ibang pagkain dito sa
bahay. (Bubuksan ang kabinet.) O, tingnan ninyo.
GASPAR: Nasaan ang inyong asawa?
INA: Namatay na siya ilang buwan na ang nakalilipas. Sumalangit nawa ang
kanyang kaluluwa.
MELCHOR: Siguro’y mabuting tao siya.
INA: Depende kung ano ang ibig ninyong sabihin sa mabuti.
BALTAZAR: Nagta-trabaho ba siya?
INA: Mula ng kami ay ikinasal hindi na.
MELCHOR: Ano na lang ang kanyang ginagawa?
INA: Lahat ng oras ay ginugugol niya sa simbahan.
BALTAZAR: Lahat ng oras sa simbahan?
INA: Hindi lamang oras, kundi araw pa. Sa paggising, magbibihis na ito at tutungo
na sa simbahan. Lahat ng misa ay kanyang pakikinggan. Lahat ng novena ay
kaniyang dadasalin. Mayroon siyang koleksiyon ng mga noena kahit na para doon
sa mga hindi kilalang mga santo. Paluhod pa niyang lakarin ang altar simula sa
may pintuan.
GASPAR: Isang banal na tao!
INA: Panatiko ang higit na bahay! Tatawagin ba ninyon siyang mabuti kung
pinababayaan niya ang kaniyang pamilya. Pati gabi ay inuukol pa rin sa simbahan.
Walang tigil.
BALTAZAR: Papaano na siya kumakain?
INA: Nagbabaon siya.
MELCHOR: At papaano kayo nabubuhay?
INA: Pinamanahan ako ng aking yumaong mga magulang ng ilang ari-arian at ilang
insurance. Nasaid na naming lahat. Naubos na.
GASPAR: Kakaiba!
MELCHOR: Papaano siya namatay?
INA: Ang aking asawa? Natagpuan na lamang siyang patay!
BALTAZAR: Sa loob ng simbahan?
INA: Hindi, sa loob ng isang massage parlor. (Babalik si PETEY.)
PETEY: Nasunog ko na. Inay, ano ang position number 22?
INA: (Pipingutin siya.) Maiwan ka rito habang ipinapainit ko ang lugaw. (Lalabas.)
MELCHOR: Petey, ikaw ba’y pumapasok pa?
PETEY: Oho. At heto nga’t nahihirapan ako dito sa algebra.
BALTAZAR: Kunin mo ang iyong libro at tingnan natin kung makakatulong kami. Si
Melchor ay eksperto sa matematika.
PETEY: Totoo ba ito Tito Melchor?
MELCHOR: Sa kapamahunan namin ako ang kinukunsulta kung mauroong
mahirap na problema sa matematika.
PETEY: Subukan natin ito, Tito Melchor. (Bubuksan ang isang libro.)
MELCHOR: (Babasahin ng malakas.) “Given the curve with equation xy equals 10,
find the intercepts, test the symmetry and sketch the graph.”
PETEY: Kaya ba ninyo?
MELCHOR: Ah, madali lamang ito.
PETEY: Pero, kaya ba ninyo?
MELCHOR: Kuwan, heto, Baltazar, pakitingnan nga ito, medyo may kalabuan na
ang aking mga mata.
BALTAZAR: (Babasahin uli.) Given the curve with equation xy equals 10, find the
intercepts,--Petey, nais mo bang makarinig ng isang istorya?... Once upon a time
mayroong isang prinsesa at ang prinsesa ay pagkaganda-ganda.
PETEY: Hindi ko gusto ang mga fairy tales. Corny.
MELCHOR: Gusto mobang marinig kung papano namin natunton ang bituin ng
Bethlehem?
PETEY: Hindi. Sagutin mom una ito. Hindi rin ninyo ba kaya, Tito Baltazar?
BALTAZAR: A, oo, madali lamang ito, kahit na ba hindi man lang ako nakaabot ng
kolehiyo.
PETEY: Hindi kayo nakatapos at naging hari pa kayo?
BALTAZAR: Noong kapanahunan namin, hindi kinakailangan ng mga diploma. Ang
kailangan lamang ay maging anak ka ng isa ring hari.
PETEY: Ah, political dynasties?...
GASPAR: (Babasahin.) Given the curve with equation—hmmmm—very
interesting, very intriguing, very mysterious—
PETEY: Mysterious?
GASPAR: Dahil hindi ako marunong magsuma ng isa at isa.
PETEY: Ano ang two plus two?
GASPAR: Tatlo?
PETEY: Lahat pala kayo bobo.
MELCHOR: Kami ang mga wise men, anak, tinatawag nila kaming wise men.
PETEY: Wise men ba ang hindi man lamang makasagot ng isang problema sa
algebra?
BALTAZAR: There are more things in heaven and on earth than your philosophy
dreams of, Horatio.
PETEY: Ginaya n’yo lang iyan kay Hamlet.
BALTAZAR: At paano mo abasa ang mga gawa ni Shakespeare e, napakabata mo
pa.
PETEY: Kumpletoako ng mga naisulat ni Shakespeare. Sa comics.
GASPAR: Kailangang makabili rin ako.
PETEY: Magtatagal ba kayo rito?
MELCHOR: Hindi gaano.
PETEY: Tapos, saan na kayo pupunta?
MELCHOR: Hindi namin alam. Pumupunta lamang kmai sa kung saan kami
nautusang pumunta.
PETEY: Ano ang inyong nakita ngayon sa pamimisita ninyo?
BALTAZAR: Ang lungsod ay—higgledy—piggledy.
PETEY: Higgledy—piggledy?
BALTAZAR: Magulo pa rin.
PETEY: Tito Melchor, kayo ba ay doktor?
MELCHOR: Mayroong tuatawag sa akin niyan.
PETEY: Di gumagamit kayo ng titulong doctor?
MELCHOR: Aba, hindi. Ang paggamit ng titulo bago ang pangalan—maliban na
lamang kung tunay kayong doktor—ay isang tanda ng kahambugan at kayabangan
ng isang tao. (Papasok ang ina na may dalang ilang mangkok na lugaw.)
INA: Marahil ay gutom na gutom na kayo. (Ang tatlong hari ay uupo at kakain.
Manonood lamang si PETEY.)
PETEY: Nagugustuhan ba ninyo?
MELCHOR: Napakasarap.
BALTAZAR: Napaka.
GASPAR: Mauubos ko ang isang pinggan.
PETEY: Ubusin na ninyo.
INA: Petey, ang pagkain ay pagakin pa rin, masarap man ito o hindi.
PETEY: Gusto ko namang matikman ang masasarap na pagkain tulad ng mga
mayayaman.
MELCHOR: Anak, ako ay isang hari ngunit mahina ang aking sikmura, kaya sa
aming kaharian ang kinakain ko lamang ay grapes at honey.
GASPAR: Alam ba ninyo na si Herod ay allergic sa karne at manok?
PETEY: Ano ang kinakain niya?
GASPAR: Kasalanan! (Tatawa si GASPAR nguni’t walang reaksyon si PETEY.)
PETEY: Ano ang nakakatawa sa pagkain ng kasalanan?
INA: Petey, pakainin mol ang sila at tama na ang pag-iistorbo mo. (Pupunta si
PETEY sa may bintana.)
PETEY: Naku, tingnan n’yo, Inay. May handaan sa bahay nung gobernadora.
Maraming nakaparadang kotse sa may labasan. At tingnan ninyo iyong malaking
trak. May nakatatak na”catering.” Inay ano ang catering?
INA: Pagkain na ino-order mula sa isang hotel o restawran.
MELCHOR: Ngayon lamang ako nakatikim ng ganitong kasarap na pagkain
INA: Kumuha pa kayo kung gusto pa ninyo.
MELCHOR: Kung hindi naman kalabisan, maaari ba kaming magbaon nito?
INA: Walang anuman iyon, sandali at ilalagay ko sa botelya.
PETEY: Ibigay n’yong lahat, Inay.
INA: Ano ang kakainin natin mamayang gabi?
MELCHOR: (May kukunin mula sa kanyang damit.) Gustuhin mo kaya ito Petey?
(Mayroon siyang ilalabas na tinapay. Aagawin kaagad ni PETEY at kakainin.)
PETEY: Ang sarap! Ano ang mga sangkap nito?
MELCHOR: Primera klaseng harina, itlog, honey, cinnamon, nutmeg at iba’t ibang
uri ng mga prutas.
PETEY: Ito ba ang kinakain ninyo doon sa itaas?
MELCHOR: Oo, sa agahan. Pero, tulad mo, napagsawaan ko na rin.
PETEY: At ikaw Tito Baltazar.
BALTAZAR: Allergic ako sa tinapay. Ang kinakain ko ay mais na tinitimplahan ng
nektar.
PETEY: At kayo naman, Tito Gaspar? Mayroon rin ba kayong itinatagong tinapay?
GASPAR: (Maglalabas.) Mayroon. Ito namna ay para sa iyong ina.
PETEY: Tulad rin nito ang laman?
GASPAR: Ito ay iba. Ginawa ito sa init ng araw, sa bango ng mga bulaklak, sa
lamlam ng buwan at sa luha ng anghel—
PETEY: Umiiyak ba ang mga anghel?
GASPAR: Aba, oo.
PETEY: Bakit sila umiiyak?
GASPAR: Kung nakaligtaan nila ang kanilang mga tungkulin, sila ay
napaparusahan.
PETEY: Papaano?
GASPAR: Sabihin nating nautusan sila na buksan ang sprinkler para umambon.
Kung minsan ang mga anghel ay napapatsismis, o abala sa kanilang mga buhok o
gowns—at ang ambon ay nagiging ulan at uulan ng uulan hanggang sa mapuno
ang mga dagat, hanggang sa mapuno ang mga dagat, hanggang sa mabaha ang
buong lungsod—sa ganuon sila ay napaparusahan.
PETEY: Anong uri ng mga parusa?
GASPAR: Hindi sila pinapasama sa koro sa gabi o hindi sila pinapagsuot ng
kanilang mga pakpak ng mga isang oras.
PETEY: Di hindi na sila mkakalipad?
GASPAR: Natural. At kung mayroong napagbagong-buhay na makasalanan na
patutungong kalangitan ay hindi siya makasasama sa pagsalubong.
PETEY: Maaaari ko yatang kainin ang tinapay na ito habang-panahon.
GASPAR: Huwag na huwag mong masasabi na gagawin mo ang isang bagay na
panghabang-panahon. Huwag kang magsasalita ng patapos.
PETEY: Bakit hindi?
GASPAR: Sa ibabaw ng lupa wlang permanente. Lahat ay magtatapos. (Tutungo si
MELCHOR sa may telepono at iaangat ito.)
MELCHOR: Ano ito?
PETEY: Isang telepono.
MELCHOR: Ano ang gamit niyan?
PETEY: Magdadayal ka lamang ng numero at makakatawag ka na at makakausap
ng kahit sino.
MELCHOR: Mukhang laruan lamang sa tingin ko.
PETEY: Ipinagbibili ni Inay dahil sa kami’y naghihirap. Gusto ba ninyong bilhin?
MELCHOR: Saan naman ako kukuha ng pera?
PETEY: Hindi ba lahat naman kayo ay magi, baka maaari kayong mag hokus-pokus
para lumabas ang pera.
MELCHOR: Bawal iyan sa amin.
PETEY: Bakit bawal, Tito Melchor?
MELCHOR: Baka mapagkamalan kaming mga madyikero.
PETEY: Hindi nga ba?
MELCHOR: Hindi. Tinatawag nila kaming magi dahil sa kami ay may pinag-aralan.
PETEY: Kung mayroon, bakit ni hindi ninyo masagutan iyong algebra problem
kanina?
MELCHOR: Ang ganuong mga problema ay nagbabago sa bawat panahon.
PETEY: Matutulungan rin ba ninyo si Inay?
MELCHOR: Sa papaaong paran?
PETEY: Mayroong siyang cance sa lalamunan. Matutulungan ba ninyo siya?
MELCHOR: Malaki ang utang na loob namin sa inyo ngunit ang paggamot sa iyong
ina ay isang malaking himala. Hindi kami maaaring gumawa ng malaking himala.
PETEY: At bakit naman hindi?
MELCHOR: Nais namin na kami ay magustuhan dahil sa aming sarili lamang at
hindi dahil sa kami ay mga hari o mga taong makagagawa ng milagro.
PETEY: Kilala ba ninyo si San Pedro?
MELCHOR: Siyang tunay. Madalas pa nga kaming maglaro ng chess.
PETEY: Tawagan ninyo siya. O ang Panginoon na lang.
MELCHOR: Hindi maaari, maraming trabaho ang Panginoon. Pero, si San Pedro—
PETEY: Tawagan ninyo. Ay nakalimutan ko, sira nga pala ang telepono. Pinutulan n
apo kami ng linya. Hindi kami nakapagbayad. (Dadayal si MELCHOR.)
MELCHOR: Tumutunog naman. Nagriring.
PETEY: Ano ang numero ng tinatawagan ninyo?
MELCHOR: Hindi numero. Isang salita na nag-uumpisa sa Lang….
PETEY: Langit?
MELCHOR: Hello?... Naririyan ba si San Pedro?... Oh, kailnagan kong tawagan ang
pangalawang sekretarya? Salamat… (Dadayal.) Ito na bang pangalawang
sekretarya? Nais kong makausap si San Pedro… Sa pangatlong sekretarya?
Salamat… (Dadayal.) Ito ba ang pangatlong sekretarya? Ito si Melchor… haring
Melchor… ano?... Hindi ako iyong Melchor na namatay sa silya elektrika. Ako ay
isa sa tatlong hari sa Bethlehem…. Oo, oo…. Puwede bang istorbohin si San
Pedro?... sa private secretary? Salamat! (Dadayal.) Ito ba ang private secretary ni
San Pedro? Nariyan ba ang boss mo?... Si Haring Melchor ito. Maghihintay ako.
Hay naku red-tape pati sa langit… Hello, Peter? Si Melchor, oo, naririto kami sa
lupa sa aming regular na pagbibisita… Peter, maaari kayang makausap ang
Panginoon?... Ah, busy nasaan?.... sa impiyerno?.... ano ang ginagawa niya sa
impiyerno? A-abala sap ag-aayos sa impiyerno dahil may darating na mga
pulitiko… Pare-pareho ang mga pulitiko…. Oh, lalo na ang mga pulitikong Pilipino?
Pupunta rin sa impiyerno?.... Karamihan ba kamo?...Ano naman ang mga
kasalanan?... Kickback, landgrabbing, smuggling, logging, malalaking allowance?...
may mga kongresman at senador?... Pati Presidente? Saang lugar sila ilalagay?...
Sa ikasampung palapag? Pinakamababa na iyon, hindi ba?
PETEY: Pakitanong kay San Pedro kung mayroong reserbasyon iyong kapitbahay
naming kongresman.
MELCHOR: Peter, narito ako kasam ng isang mabait na pamilya at itong si Petey,
isang batang musmus lamang, ay… may gusting malaman kung kasama iyong
kapitbahay sa tapat nila—ano? Inihanda na rin?... A, Peter ang pamilyang ito ay
binubuo ng isang biyuda at ito ngang si Petey na anak niya. Ang in ani Petey ay
may cancer sa lalamunan, maaari pa ba tiong magawan ng paraan?... Oh?... Hindi
na maaari?... O, sige, Peter, pakisabi sa Panginoon na tumawag ako. (Ibinaba na
ang telepono.) Narinig ninyo ang sinabi ni Peter?
INA: Hindi na bale. Naihanda ko naa g aking sarili.
GASPAR: Teka, baka maaari akong makagawa ng isang maliit na milagro.
INA: Kaya ninyo?
GASPAR: Baka hindi rin niyo magustuhan pero susubukan ko.
PETEY: Nasaan ang milagro?
GASPAR: Pakiramdaman mo ang iyong lalamunan.
INA: (Hahawakan ang bandang lalamunan.) Hmm—
GASPAR: Naalis na ba?
INA: (Mapapangiti.) Hindi ko na nararamdaman ang aprang matigas na bato.
GASPAR: Ngayon, hawakan ninyo naman ang iyong mukha.
INA: (Hahawakan ang mukha.) Parang—
GASPAR: Inilipat ko ang cancer mula sa inyong lalamunan dito sa inyong balat.
Isang maliit na milagro.
INA: Nguni’t hindi rin ito nagagamot.
GASPAR: Hindi pa. Nguni’t higit na mamdaling gamutin ang cancer sa blaat kaysa
iyong nasa loob ng lalamunan.
INA: Dapat ba akong magpasalamat?
GASPAR: Walang anuman.
PETEY: Hindi pa naman siya nagpapasalamat. Tinatanong pa nga lang niya.
GASPAR: Walang anuman pa rin. (Tatapusin ng INA ang paglalagay ng lugaw sa
botelya.)
MELCHOR: Ito na ang oras ng paglisan
BALTAZAR: Partin in such a sweet sorrow—
PETEY: Kay Romeo at Juliet galling iyan.
BALTAZAR: Hindi namin inaaksaya ang gawa sa lupa, Petey. Ginagamit namin ito.
PETEY: Pero ayaw ninyo naman bang maging orihinal?
BALTAZAR: Kasalanan ba namin kung nasamsam lahat ni Shakespeare ang lahat
ng epigrams?
INA: (Kay MELCHOR.) Narito ang lugaw.
MELCHOR: Maraming Salamat. At ang paregoric?
INA: Nariyan na rin.
BALTAZAR: Maaari rin kaya itong aspirin?
INA: Kunin ninyo na ang buong botelya.
GASPAR: Oh, at ang tranquilizers—baka puwede na ring—
INA: Sa inyo na.
GASPAR: Maraming Salamat.
INA: Ngayong ang cancer sa aking lalamunan ay nailipat na sa aking mukha, ano
ngayon, sa palagay ninyo, ang nararapat kong gawin?
MELCHOR: Hindi ko madalumat—
PETEY: Wow, hindi ko alam iyon.
MELCHOR: Paalam iho, magkita tayong muli pagkaraan ng limang daang taon.
PETEY: Naririto pa kaya ako?
BALTAZAR: Duda ako, Petey.
PETEY: Mabubuhay ba ako ng matagal?
GASPAR: Hangga’t ibig mo pang mabuha?
PETEY: Walang katiyakan ang sagot na iyan.
GASPAR: Walang tiyak na kasagutan sa buhay, iho. Mayroon mga haka-haka
lamang.
MELCHOR: Sana’y gabayan ka ng mga anghel sa iyong buhay, Petey.
INA: Maraming Salamat sa tinapay.
PETEY: Uuwi na ba kayo?
MELCHOR: Oo.
PETEY: Isama na ninyo ako.
INA: Petey!
BALTAZAR: Iiwan mo ang iyong ina?
PETEY: Ay! Nakalimutan ko.
GASPAR: Kapag dumating na ang takdang panahon, babalikan ka namin.
PETEY: Gusto ko pa nang mas maraming tinapay na tulad niyan.
INA: Papaano kayo uuwi?
MELCHOR: Mayroon kaming paraan.
PETEY: Lumilipad ba kayo? Mayroon rin ba kayong mga pakpak?
BALTAZAR: May susundo sa amin.
PETEY: Maaari bang manood?
GASPAR: Bakit hindi?
MELCHOR: (May kukunin.) Dahil sa inyong kagandahang loob at hospitalidad, ibig
kong ihandog sa sa inyo ireng—walang kuwentang regalo, tanda ng aming
pasasalamat. Kunin ninyo itong diyamante.
PETEY: (Kukunin.) Wow!... wow! Napakalaki!... Saan ninyo ninakaw?
MELCHOR: Hindi ko ninakaw. Nanggaling sa aking korona. Nahulog kaya itinago
ko na lamang.
INA: Naku, hindi yata namin maaaring tanggapin ang ganyang kamahal na bagay.
PETEY: Ang ang gagawin namin dito.
MELCHOR: Ipagbili ninyo. Sa gayo’y hindi na akyo muling magugutom.
INA: Tiyak na iisipin nilang ninakaw namin ito.
MELCHOR: Hindi nila gagawin iyon. Ako si Mlechor na hari ng Nubia at Arabia’y
nangangako.
INA: Hay, papano namin kayo mapapasalamatan? Biniyan ninyo kami ng kaunting
pag-asa.
MELCHOR: Itago na ninyo sa cabinet. Pagpalain kayo at nawa’y gabayan ng gma
anghel ang inyong tahanan. (Sila’y lalabas. Susundan sila ni PETEY sa may
bintana.)
PETEY: Wala na sila, Inay, nakaalis na sila!
INA: Papaano? Kaaalis lamang nila. (Tutungo sa may bintana.) Wala na nga.
PETEY: Kung sinundo sila ng mga anghel, sana nakita ko, kahit isa man lang.
INA: Para ano?
PETEY: Para makita kung sila ay babae o lalaki.
INA: O, sige, kumuha ka ng bigas at ako’y gagawa uli ng lugaw.
PETEY: Si Inay naman, mayroon na tayong tinapay.
INA: Itago mo ito sa kabinet. (Ilalagay ni PETEY ang diyamante sa may kabinet.)
PETEY: Inay tingnan ninyo. (Ang buong kabinet ay puno ng pagkain.)
INA: Isang milagro! Pagkaing kasyang-kasya sa loob ng isang buwan.
PETEY: Isang maliit na milagro Inay. Mayroon pa—(Mayroon siyang kukuning
papel at botelya.)
INA: (Babasahin ang papel.) Pinakabagong gamot sa kanser sa balat. Inumin ng
tatlong beses sa isang araw. Mawawala ang kanser sa loob ng isang buwan. Lagda:
Melchor, Gaspar, at Baltazar.
PETEY: Iyan ay isang malaing milagro, hindi ba, Inay?
INA: Panginoon, naniniwala po ako, tulungan ninyo akong iwaksi ang mga pag-
aalinlangan. (May kakatok.)
PETEY: Baka mayroon silang nakalimutan.
INA: Buksan mo. (Bubuksan.)
PETEY: Ang telepono?... Oho, ipinagbibili. Inay, may gusting bumili ng telepono.
Magkano raw ba?
INA: Sabihin mo na hindi na natin ipinagbibili. Hindi na.
PETEY: (Tatakbo at kukunin ang diyamante sa may kabinet.) Ang sabi ng nanay ko
hindi na raw ipinagbibli ang telepono. Pero baka interesado kayong bumili ng
diyamante—itong napakalaking diyamante.

You might also like