Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Pakikidigma ng kaminero:

Kalinisang taglay ng maruruming kamay


Roselle Alzaga, Althea Atienza, at Maui Magat

Samahan ninyo akong libutin ang palasyong aking binuo. Bagtasin ang bawat sulok at
natatagong mga espasyo. Busugin ang mata sa mga makikitang bagay na hindi hamak na
ordinaryo.

Subukang danasin ang buhay ng isang reynang nasa trono. Lahat ng kalat na maaabot ng
paningin, ituturing na alipin ng aking walis-tingting. Ito ang magsisilbing setro na simbolismo ng
aking kapangyarihan. Sa sandaling marinig ang kaluskos, kakaripas ang mga alipin at
magtitipon-tipon. May ilang magtatangkang tumakas at hahanapin ang kalayaan nang hindi
mabitag sa kulungan habambuhay.

Sa pagyapos ng makapal na alikabok sa aking damit at sa pagkulimlim ng magaspang kong


palad-- kalinisan ang kapalit ng mga basurang binihag. Isang katunggali ang santing ng araw,
balakid ang hangin, at traydor ang pag-ulan. Digmaan ang aking sinusuong upang maprotektahan
ang itinuturing kong palasyo sapagkat katumbas ng aking pagrereyna-reynahan ang
pinapangarap kong kinabukasan.

Pagwawalis at walang humpay na pagtagaktak ng pawis


Para kay Ate Tina*, isang 60 taong gulang na kaminero o street sweeper, sa kaniyang araw-araw
na paglilibot sa lungsod ng Maynila, napagtanto niyang may mga Pilipinong nakaugalian na ang
umasa sa iba. Mga basurang iniluwal ng kapabayaan at kawalan ng disiplina ang siya ring naging
susi upang mabuhay niya ang kaniyang pamilya.

Mahigit 18 taon nang kaminero si Ate Tina. Bagamat hindi pa siya nakararanas ng mga panganib
na maaaring idulot ng lansangan, hindi roon nagtatapos ang mga balakid sa kaniyang pakikibaka
para sa kalinisan. Sa aming pag-iikot, unang pumukaw ng aming atensyon ang mga nakakalat na
upos ng sigarilyo, balat ng sitsirya, at makukulay na plastik na iilang dangkal na lamang ang layo
sa dapat nitong pagtapunan.

Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Ate Tina, ibinahagi niyang mga estudyante
at street vendors ang kalimitang nagkakalat sa puwestong kaniyang kinalalagyan. “Wala na raw
kaming wawalisin, kapag alam nilang may nagwawalis, iitsa na lang nila diyan. May basurahan
naman kaso nga lang ‘di sila pumupunta doon sa tamang basurahan…sa puno ng kahoy, iiwan
nalang nila dyan yung basura sa puno,” paglalahad ni Ate Tina.

Sa aming pagdating, hindi na naging bago sa amin ang bumungad na tanawin sapagkat hindi lang
naman sa lungsod ng Maynila talamak ang kalat. Sa kalagitnaan ng pagmumuni-muni, iniabot niya
ang mga walis tingting na higit pa sa amin ang taas. Noong nagsimula na kaming magtrabaho,
umigting ang pagod at hirap sa pagwawalis, salungat sa tila walang kahirap-hirap na galaw ni Ate
Tina. Hindi namin napaghandaan ang tuloy-tuloy na panlalagkit ng katawan. Mahahalata sa aming
kilos ang hindi pagkagamay sa paggamit ng malaking walis-tingting, kung kaya’t hindi rin
nakikisama ang basurang pilit naming kinukuha.

Sa aming muling paghahabol ng hininga, sumagi ang nosyon na sa laki ng populasyon ng mga
taong dumaraan sa may bahagi ng Ermita at Central terminal, hindi maikakailang malaki ang
posibilidad ng walang humpay na pagkakalat.

Habang pilit naming ipinagsasawalang-bahala ang unti-unting pagkirot ng mga kasu-kasuan, pilit
nakipagtunggali ang masidhing lagay ng panahon na siyang kumokontra sa bawat hakbang ng
aming tangan na walis-tingting.

Sa pagpatak ng alas-dose ng tanghali nagsisimula ang laban. Kinakailangang ikondisyon na ang


katawan upang pigilan ang matinding ihip ng hangin sa pagbato ng mga kalat tungo sa iba’t ibang
direksyon, habang tila hinihigop ng mataas na sikat ng araw ang natitirang lakas. Sa pagbuhos
naman ng ulan, kasangga ang kapote at bota sa giyera. “Ayun mainit tapos tinitiis lang. Pag
umuulan ganoon din, kasi required kami talaga,” paliwanag ng ale.

Anim hanggang walong oras na nagtatrabaho araw-araw si Ate Tina, at sa tinagal-tagal niyang
naging instrumento ng kalinisan, nakasanayan na niya ang araw-araw na digmaang kaakibat ng
kaniyang trabaho.

Naimbak na kuwentong pumapawi ng pagod


Maaliwalas na ang isang bahagi. Dadakutin na ang mga inipong kalat sa gilid. Oras na para
lumipat sa kabilang banda. Dala-dala ang magkapares na kasangga—walis at pandakot— tatawid
kami papunta sa susunod na destinasyon. Saka pa lamang mararamdaman ang hilong dala ng
matagalang pagyuko; ng ilang ulit na pag-ikot hanggang sa maubos pati na alikabok.

30 minuto pa lamang ang nakalilipas nang tumigil kami para mag-inat. Napagtanto naming hindi
alintana ang pagod basta’t huwag lamang hihinto. Kung paiiralin nga naman ang kalugurang
mararamdaman sa kalinisang naidulot, mapapawi rin ang ngalay at halos makubang likod.

Ipagkikibit-balikat na lang sana namin ang mga kumikirot na bahagi ng katawan, ngunit sumagi
sa aming isipan ang panganib na dala ng iba’t ibang sakit na maaaring kumapit sa mga
kaminerong tulad ni Ate Tina. “Libre naman lahat sa Health Center [at] Ospital ng Maynila. May
mga leave credit din kami eh. Sa isang taon, thirty, edi bale one month. Pwede mo yung gamitin
[o] pwede ring hindi,” paglalahad niya nang aming tanungin patungkol sa mga hindi inaasahang
insidente.
Mayroon din umano silang mga benepisyong natatanggap tulad ng GSIS at PAG-IBIG na
nagsisilbing dagdag-kabayaran sa kanilang hanapbuhay. Hindi kasi umano sapat ang kanilang
kinikita. Gayunpaman, napagtapos pa rin ng kolehiyo ni ate Tina ang kaniyang limang anak.

May pagmamalaki niya pang ibinahagi sa amin, “Yung iba [nga] nasa abroad na. Yung mga
pinaaral ni Mayor Atienza, yung isa po sa Saudi [at] yung isa [naman sa] Taiwan.” Sandaling
natigilan kami sa lubusang pagkamangha. Paanong hindi pa rin tumitigil si Ate Tina sa
trabahong nagpapasuko sa mahihina na niyang tuhod? Kaya naman kahit may tulong na ng
gobyerno, kahanga-hanga pa rin ang naratibo ni Ate Tina.

“Yung bahay namin na nirerentahan, [umalis] na kami dun pagkamatay ng asawa ko. Si [Mayor]
ang kumupkop sa amin mula 2002 hanggang 2007. Yung ginawa niya, mga anak ko [ginawang]
scholar lahat. Tapos dito [pinag-aral] sa UDM. Ayun, nakasurvive rin ako,” may ngiti niyang
sambit. Ito na rin marahil ang pinanghahawakang dahilan ni Ate Tina upang magpatuloy pa sa
trabahong nakapagbibigay-linis. Para sa bayan, sa lipunan. Para sa ikabubuhay ng sarili at ng
minamahal na pamilya.

Inaakalang palasyo ng kaminerong huwaran


Hindi na bago ang larawan ng isang kaminerong binabalikan ang mga kalat na basta na lamang
iniwan— narito ang hiwaga ng kaniyang gawa-gawang palasyo. May iilang dumaraan na gaganti
ng ngiti bilang mensahe ng pasasalamat subalit marami rin ang mga walang pakialam; walang
taos-pusong pagpapahalaga sa mga tila tunay na bayani ng lansangan.

Nakasanayan na rin naman ng mga kaminero ang kanilang nakatakdang tungkulin. Walang ibang
magagawa kundi bumangon sa bawat umaga, sasagupaing muli ang katunggaling araw-araw na
kinahaharap. Lagi’t laging lalaban, sagisag ng isang reynang makapangyarihan.

Sa sandaling malingat, panibagong kawal ng mga kalat ang lalantad. Muling dadamputin ang
walis at pupunasan ang pawis. Handa na muling ipagpatuloy ang pagsuong sa mga hamong
kaakibat ng trabahong marumi man sa paningin ng iba ngunit marangal at nakabubuhay ng
pamilya. Kung kalinisan ang kapalit ng gawa-gawang kapangyarihan, patuloy ninyo sana akong
ituring na isang huwarang reyna sa munti kong palasyo.

*hindi tunay na pangalan

You might also like