Download as txt, pdf, or txt
Download as txt, pdf, or txt
You are on page 1of 172

Mga Tauhan

MAIN CHARACTERS:
Cris Ibarra - Isang aspiring writer na gustong ma-publish ang kaniyang akda sa
Writers' Bloc ngunit na-reject ng apat na beses. Kasalukuyan niya ngayong
isinusulat ang ABC Mystery.
Erland Salazar - Isa sa mga editor ng Writers' Bloc na may taliwas na opinyon sa
line-up ng magazine at gustong ibalik ang mga dekalidad na istorya rito.
Kasalukuyang editor ng ABC Mystery at The Secret.

WRITERS' BLOC (Weekly Student Literary Magazine)


Xavier Gonzalez - Ang editor-in-chief ng Writers' Bloc na siyang nagbibigay ng
pinal na desisyon kaugnay ng mga bagay-bagay sa magazine.
Myranda "Myr" Perez - Dating news editor ng Avant Garde na inilipat sa Writers'
Bloc bilang editor.
Managing Editor - Ang kanang kamay ni Xavier. Sinisiguro niyang napupunan ang
pangangailangan ng staff at laging on-schedule ang kanilang editorial calendar.
Erland Salazar
Elaine Flores - Ang editor ni Mario Santiago at napipisil na susunod na EIC ng
Writers' Bloc.
Tom Atayde - Ang editor ng He's Dating the Cold-hearted Princess.
Jodie Santos - Ang editor ng Snow White and the Seven Gangsters.
Kevin Quirino - Ang acquisition editor ng Writers' Bloc kung kanino dumaraan ang
mga ipinapasang manuscript bago ipaapruba sa editorial board. Siya ang nag-reject
ng apat na manuscript ni Cris.
Circulations Manager - Ang tagabilang ng mga nabebentang issue kada linggo at ang
nagta-tally sa Facebook poll at ranking ng mga series.
Mario Santiago - Ang may-akda ng hit series sa university na Para Sa Mga Na-
friendzoned. Kasalukuyang numero unong writer sa Bloc.
Simon Morayta - Isang fan ni Cris na kinalauna'y nagsumite ng manuscript at
natanggap sa Writers' Bloc. Siya ang may-akda ng The Secret.
Clara I. Reyes - Mas kilala bilang Claire, siya ang may-akda ng He's Dating the
Cold-hearted Princess.
Ms. Cornelia Angeles - Isa sa mga university official at publisher ng Writers'
Bloc.

AVANT GARDE (Official Student Publication of the University of Pampanga)Clarence


Alfonso - Ang editor-in-chief ng Avant Garde na may nakakatakot daw na aura.
Daniella Carlos - Ang literary editor ng Avant Garde.
Nielsen Guevarra - Isa sa mga news writer ng Avant Garde na sinubukang himukin si
Cris na sumali sa kanilang pub.
Mariel Castro - Ang "crush" ni Cris na na-hook sa Para Sa Mga Na-friendzoned
series. Isa siya sa mga feature writer ng Avant Garde at actress sa repertory
theater ng university.

Chapter 1: Hindi Mainstream


KANINA PA nakatitig sa kaniyang laptop si Cris Ibarra, tulala at tila malalim ang
iniisip. Sa screen nito makikita ang isang blankong Word file na tila naghihintay
para punuin ng mga salita. Ang kaso, walang maisip si Cris na kahit anong ideya na
ita-type niya rito. Gusto na nga niyang iuntog ang kaniyang ulo sa pader hanggang
sa may lumabas na isang salita na magpapasimula sa istorya.

Napahiga na lang siya sa kaniyang kama sabay buntong-hininga. Napatitig siya sa


kisame ng kaniyang kuwarto na kulay puti at walang bahid ng kahit anong dumi. Buti
na lang at mag-isa siya sa kaniyang dorm na halos kalahati ng isang regular na
classroom ang laki. Walang makakarinig sa kaniyang pagkainis at paghihimutok.

Ito ba ang tinatawag na writer's block? Tanong niya sa kaniyang sarili. O baka wala
na siyang maisip na kahit anong kuwento at hindi talaga siya isinilang bilang isang
writer? Napalingon tuloy siya sa mga librong nakakalat sa kama, mga akdang tumatak
sa isipan niya nang kaniyang binasa.

"Paano kaya nila nagawang sumulat ng kuwento na papatok sa mga mambabasa?" Bulong
ni Cris habang tinitingnan ang cover ng Harry Potter and the Sorcerer's Stone.
"Kung nagawa nila, magagawa ko rin."

"Baka wala ka talagang talento sa pagsulat," biglang humirit ang kaniyang utak na
tila natutulog kaninang kailangan niya ito. "Kung ako sa'yo, titigilan ko na ang
pag-iisip ng kuwento at magdo-DOTA na lang ako buong maghapon."

"Shut up!" Bigla siyang napailing, pilit na nilalabanan ang ideya sa kaniyang isip.

Hindi ito assignment. Ni hindi ito final requirement sa isang writing subject niya.
Gusto lang talagang magsulat ng mga kuwento ni Cris. Mula noong nasa elementarya
siya hanggang ngayong college, hindi pa rin nawawala ang kanyang kagustuhang
sumulat ng nobela. Kagising niya, habang naliligo, tuwing kumakain at kapag
naglalakad pauwi sa bahay at dorm, lagi niyang iniisip kung paano niya isusulat ang
bawat eksena sa kaniyang istorya. Naging hobby na niya ito simula pagkabata
hanggang ngayon kaya medyo mahirap alisin ang nakasanayan na.

Gusto niyang maging isang published author balang araw. Medyo may pagka-ambisyoso,
pero gusto niyang maging JK Rowling ng Pilipinas. Hindi pa niya kayang mag-self-
published ng libro at sa tingin niya, hindi pa siya gano'n kagaling sa pagsusulat
kaya halos araw-araw siyang nakatutok sa laptop at nagta-type ng kung ano-ano para
mahasa ang kanyang talento sa pagsulat.

Nang tumuntong na siya sa college sa University of Pampanga, nalaman niyang may


university-wide na literary publication kung saan puwede isumite at mai-publish ang
mga kuwentong akda mismo ng mga estudyante-ang Writers' Bloc. Noong una, nahihiya
pa siyang magsumite ng manuscript dahil baka raw batikusin ito ng mga editor at
mambabasa. Pero dahil desidido talaga siya sa gusto niyang gawin, naglakas-loob
siyang pumunta sa opisina ng Bloc.

Tatlong linggo na ang nakararaan, ipinakita niya sa lalaking nagngangalang Kevin


Quirino, acquisition editor ng Bloc, ang kaniyang akda para tingnan kung papasa ito
sa kanilang standards.

"Compared to other writers na nagsa-submit ng mga story, mas superior ang writing
skills mo sa kanila," komento ni Kevin habang inililipat-lipat ang pahina ng
Chapter One ni Cris.

Napangiti siya sa puring ibinigay ng acquisition editor pero pilit niya itong
itinago dahil baka isiping nagmamayabang siya. Pumasok tuloy sa kaniyang isipan na
mukhang magiging madali ang pagpasok niya sa Bloc.

"Pero... nakukulangan ako." Napawi ang ngiti sa mukha ni Cris nang sabihin ito ni
Kevin sabay balik sa kanyang manuscript. "Original at may pagka-unique ang istorya
mo. I like how you executed the scenes and introduced the characters. Pero it lacks
the Bloc feeling."

Saan? Saan ako nagkamali? Anong Bloc feeling ang sinasabi niya? Seryosong
nakatingin si Cris kay Kevin habang ipinapaliwanag kung bakit rejected ang kaniyang
kuwento.

"Nakapagbasa ka na ba ng Bloc? Lahat ng kuwento doon, may common denominator. Kung


ipa-publish namin ang gawa mo, hindi na unified ang theme ng buong folio. I'm
really sorry but I have to say no to the manuscript."

Feeling tuloy ni Cris, para siyang binabasted nang dahan-dahan saka biglang
sinampal nang malakas sa mukha. Medyo natulala siya sa sinabing "I have to say no."
Kung anuman ang sumunod na pinagsasabi ng acquisition editor, pumasok lang ang mga
salita sa isang tenga at kaagad lumabas sa kabila.

"Hindi ko madalas sinasabi ito sa mga writer na na-reject ang story, pero dahil may
nakita akong potensyal sa'yo bilang isang writer, I am looking forward to your next
story submission. Just look for me at the office. Thanks."

Sa halip na humina ang kaniyang loob at mawalan ng gana sa pagsusulat, mas naging
motivated pa si Cris na mag-submit ng story proposal sa Bloc. Hindi lang isa, kundi
dalawang beses siyang nakipag-meeting kay Kevin at ipinabasa ang kaniyang
manuscript. Sa kasamaang palad, na-reject pareho ang ginawa niya dahil sa parehong
dahilan noong una--walang Bloc feeling ang mga ito.

Ngayon ang pang-apat niyang subok para makapag-isip ng kuwentong isusumite sa Bloc,
pero mukhang natuyo na ang kaniyang utak. Muli na naman niyang tinutukan ang laptop
at tumitig sa blangko pa ring Word document. Napatingin siya sa kopya ng June issue
ng Writers' Bloc kung saan cover ang romance series na Para Sa Mga Na-Friendzoned
ni Mario Santiago. Nabasa na niya ang pang-apat na chapter nito pero hindi niya
tinapos dahil sa tingin niya, masyadong cliche ang story at generic ang mga
character. Hindi nga niya maintindihan kung bakit ito ang piniling cover story ng
mga taga-Bloc.

Napaisip tuloy siya sa sinabi noon sa kanya ni Kevin. Wala raw Bloc feeling ang
kaniyang mga isinusulat. Muli niyang ini-scan ang mga kuwento sa issue ng Bloc para
maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng Bloc feeling. Halos lahat ng nga naka-
publish dito e puro tungkol sa love.

May isang gangster na na-fall in love sa isang nerd na babae...

May isa ulit gangster na nakipagkasundo sa isang taklesang babae para pagselosin
ang kanyang ex-girlfriend...

May isang babaeng nakatira sa isang malaking mansyon kasama ang apat na lalaki at
hindi niya alam kung sino ang pipiliin niya...

Biglang inihagis ni Cris sa pader ang Bloc na binabasa niya. 'Yun pala ang ibig
sabihin ng Bloc feeling--mga kuwentong magpapakilig sa mga mambabasa kahit gaano pa
kadelusyonal ang mga ito.

Muli siyang napaisip: Kung gusto niyang ma-publish ang kanyang gawa sa Bloc, dapat
sumulat siya ng love story dahil ito ang trend sa literary magazine. Kaya niyang
isulat halos lahat ng genre, pero ni minsan e hindi niya pa nasubukang sumulat ng
love story dahil cheap ito para sa kaniya. At saka hindi niya alam kung paano
isusulat ang mga ganoong uri ng kuwento dahil hindi pa siya nagkaka-lovelife. Para
sa kaniya, dapat ding maranasan ng writer ang isang bagay para maidetalye niya ito
nang tama sa kanyang nobela. Kumbaga, paano ka magbibigay ng love advice kung hindi
mo pa naranasang umibig?

"Ano ba ang gusto nilang isulat ko?" bulong niya sa kaniyang sarili. "Gusto ba nila
akong gumaya sa mga writer na 'to para ma-publish ang istorya ko?
Teka, mukhang maling tanong 'yon.

Ano ba ang gusto kong isulat?"

Bigla siyang napalingon sa mga librong nakakalat sa kaniyang kama, tila naghahanap
ng ideya kung anong genre ang kaniyang isusulat. Sa tatlong manuscript na isinubmit
niya sa Bloc, fantasy, horror at supernatural ang genre ng bawat isa.

Nabaling ang kanyang tingin sa Sherlock Holmes series ni Arthur Conan Doyle. Sa
lahat ng fictional detectives, si Sherlock ang pinakapaborito niya dahil kakaiba
ang kaniyang character, hindi generic kumpara sa iba pang detective.

Sunod siyang napatingin sa The A.B.C. Murders ni Agatha Christie. Kung mysteries
ang usapan, ang mga kasong nilulutas ni Hercule Poirot at Miss Marple (mga
detective ni Christie) ay kakaiba at talagang mapapaisip ang mga mambabasa kung
sino ang salarin at kung paano ginawa ang trick.

At ang pinakahuling nakita ni Cris ay ang Detective Conan manga na translated sa


English. Hanggang ngayon, ongoing ang kuwento nito tungkol sa isang high school
detective na naging maliit matapos painumin ng isang misteryosong gamot. Isa ito sa
mga popular na manga sa Japan sa larangan ng mystery at crime genre.

Biglang nanlaki ang mga mata ni Cris habang nakatitig sa cover ng Volume 1 ng
Conan.

"Alam ko na!" Muli niyang hinarap ang kaniyang laptop at nagsimulang mag-type dito.
Makikita sa kaniyang ngiti na para siyang nakahanap ng ginto sa isang abandonadong
minahan.

Sa kakatingin niya sa mga foreign crime fiction story, biglang pumasok sa isip ni
Cris na hindi gano'n karami ang genre nito sa Pilipinas. Puro horror at ghost
stories ang nasa mystery section ng mga bookstore. Ni minsan ay wala pa siyang
nakitang libro na ala-Conan o Sherlock. Kung meron man, hindi ito gano'n kasikat.

Pero bigla siyang napatigil nang maisip niyang baka hindi tanggapin sa Bloc ang
kaniyang kuwento dahil hindi ito tungkol sa high school o college romance.

Teka... high school o college... romance. "Aha!" Muli siyang nagkaroon ng ideya
kung paano maaaring pumasa sa panlasa ng acquisition editor ang kaniyang ideya.

"Kung pagsasamahin ko ang konsepto ng crime drama sa high school o college setting,
mas magiging relevant sa target audience ng Bloc ang story. Tapos, bibigyan ko na
lang ng konting love story para mas maging engaging sa mga reader!" Nagsasalita na
ngayon nang mag-isa si Cris habang patuloy ang kanyang mga daliri sa pagpindot sa
keyboard. Kung kanina'y medyo tinatamad-tamad siya at blangko ang kaniyang isip,
ngayo'y umaapaw na ito sa mga ideya at basta-basta na lang niya itina-type kung
anuman ang pumasok sa kaniyang utak.

Alas-diyes nang sinimulan ni Cris ang kaniyang college crime drama story. Hindi
niya muna inalintana ang mga maling spelling, grammar at punctuation. Sige lang
siya nang sige sa pagta-type. Dahil sa sobrang dami ng ideya sa kaniyang utak,
hindi siya agad dinalaw ng antok at umaabot hanggang alas-tres ng umaga ang
pagsusulat niya ng chapter one.

***

Kinabukasan, maagang gumising si Cris kahit halos apat na oras lang ang kaniyang
tulog. Wala siyang pasok sa umaga, pero makikipagkita siya kay Kevin sa Bloc office
para isumite ang draft ng kaniyang bagong kuwento.
Matapos maligo at magsuot ng uniporme, kaagad nang lumarga si Cris. Pero bago siya
dumiretso sa Bloc office, dumaan muna siya sa isang internet cafe para ipa-print
ang pitong pahinang draft ng kaniyang chapter one. Dalawang kopya ang ipina-print
niya--isa para kay Kevin at isa para sa kaniya.

Mag-aalas-otso pa lang ng umaga, naghihintay na sa lobby ng Bloc office ang ating


manunulat. Medyo nanginginig ang kaniyang tuhod at may kaba sa kaniyang dibdib. Ito
na kasi ang ikaapat na beses na pumunta siya rito--sa naunang tatlo, ni-reject ang
kaniyang mga manuscript. Ngayon, medyo kumpiyansa siya na tatanggapin ito ni Kevin
dahil kahit papaano, sinunod niya nang konti ang Bloc feeling na sinasabi nito.

Siya nga pala, ang Writers' Bloc ay isang weekly literary magazine sa University of
Pampanga na nagsi-circulate sa tatlong campus nito--ang main, annex at integrated
school campus. Sa halos 15,000 na estudyante ng U-Pamp, apatnapung porsyento ang
bumibili sa isyu na nagkakahalaga mula P50 hanggang P100 depende sa kalidad ng
print at bilang ng mga pahina.

Habang hinihintay niyang dumating ang kaniyang ka-meeting, naalala niya ang
maikling briefing sa kaniya ni Kevin tungkol sa mga contributor at writer ng Bloc.
Magsisimula muna bilang contributor ang magsusumite ng isang istorya. Kapag maganda
ang feedback sa unang apat na chapter ng kaniyang kuwento, magiging regular writer
na siya hanggang sa matapos ang publication year unless i-cancel ng Bloc ang
kaniyang kontrata dahil bumaba ang kalidad ng kuwento.

Isa sa mga malaking pribilehiyo ng pagsali sa Bloc ay ang compensation sa bawat


page na napiprint sa magazine. Sa mga contributor, P50 per page ang rate. Sa mga
regular na writer, tataas sa P75 ang bawat pahina. Kaya kung susulat si Cris ng
pitong pahina kada chapter na ipa-publish kada linggo bilang contributor,
magkakaroon siya ng P1,400 kada buwan. Nagsusulat na siya bilang libangan, kumikita
pa ng pera. Convenient, hindi ba?

Kinse minuto pasado alas-otso nang dumating sa office si Kevin, tila hapong-hapo sa
biyahe papunta sa university. May kinuha muna siya sa loob ng office bago niya
pinuntahan si Cris sa lobby.

"Pasensya na kung late ako. Medyo na-traffic on the way." Inilapag niya sa mesa ang
bagong issue ng Bloc ngayong buwan. "Kumusta na?"

"May naisip po akong story idea kahapon kaya gumawa na ako ng draft at isa-submit
for publication." Iniabot ni Cris ang naka-sliding folder niyang chapter one. "May
mga idadagdag pa ako diyan kung tatanggapin n'yo para i-publish."

"Hmm... Mystery genre naman ngayon..." bulong ni Kevin pagkakita niya sa title
page.

Maiging inoobserbahan ni Cris ang reaksyon ng kaniyang kritiko sa bawat pahina. May
mga konting pagtaas ng kilay, pagtango nang dalawang beses, pagtingin sa kisame ng
lobby na para bang may malalim na iniisip. Sa loob ng limang minuto, natapos nang
basahin ni Kevin ang manuscript at hindi tulad sa naunang tatlong meeting nila ni
Cris, hindi niya ibinalik ang folder.

"Napaka-engaging ng kuwento. Sa simula pa lang, may mystery na kaagad. Na-sustain


naman ito hanggang sa cliffhanger na ending. Sa totoo lang, gusto ko nang mabasa
ang susunod na chapter," komento ni Kevin habang muling ibinubulatlat ang chapter
one.

Hindi tulad ng dati, seryoso ang mukha ni Cris at hindi napangiti sa mga positibong
komento ni Kevin. Kahit anong puri ng editor na nasa harap niya, kung hindi naman
pala tatanggapin ang draft niya, parang wala ring saysay. Dalawa lang ang
hinihintay niyang sagot: accept o reject.

"Pasado na po ba for publication 'yan?" tanong ni Cris.

"Well, ang ginagawa ko lang ay tumanggap ng manuscript na pasok sa aming editorial


at literary standards," sagot ni Kevin. "Ang desisyon kung dapat itong i-publish ay
nasa top editors."

Medyo napanghinaan ng loob si Cris sa narinig niya. Ibig sabihin, hindi lang si
Kevin ang balakid para ma-publish ang kaniyang isinulat.

"Pang-apat na manuscript mo na 'to, tama? Hanga ako sa dedikasyon mong sumulat ng


kuwento. Sa loob ng tatlong linggo, apat na beses akong nakipag-meeting sa'yo para
sa mga draft mo. Gusto kong i-publish ang college crime drama mo."

Biglang napangiti si Cris. Sa wakas, matapos ang tatlong rejectio--

"Pero hindi talaga puwede."

Parang gumuho sa ikaapat na pagkakataon ang mundo ni Cris. Sa ikaapat na


pagkakataon, narinig niya ang mga salitang "hindi puwede." Sa ikaapat na
pagkakataon, muli siyang sinampal sa mukha ng rejection.

"Sa-Saan ako nagkamali? Anong kulang sa mga kuwento ko?" Medyo desperado na ang
tono ng kaniyang boses. Kung puwede lang magmakaawa at lumuhod sa harap ni Kevin
para tanggapin ang kaniyang manuscript, gagawin niya.

"Kagaya ng dati, sasalungat sa unified theme ng Bloc ang college crime drama mo."
Ipinakita ni Kevin ang lamanng bagong issue ng Bloc. "Halos lahat ng kuwento sa
issue namin, puno ng pag-ibig, second chance, redemption. Ito ang mainstream. Puno
ng positive vibe. Kung ipa-publish namin ang istorya mo, magkakaroon ng dark,
violent at gore na series. Masisira ang theme."

"Bakit po ba kailangang may sundang theme? Hindi ba puwedeng assorted na parang


candies ang laman ng magazine?"

"Mabenta ang teen fiction at romance stories. Tumaas ang sales namin ng 40 percent
nang ilabas namin ang chapter one ng Para Sa Mga Na-friendzoned series ni Mario
Santiago." Ipinakita ni Kevin ang cover page kung saan naka-highlight ang title at
pangalan ng writer. "Maraming nag-request na sana, dagdagan ang mga ganitong
istorya kaya unti-unting tinanggal 'yung mga hindi mabenta at pinalitan ng mga
patok na teen fiction."

"Kung ganon, sinasabi n'yo bang dapat akong sumulat ng mga teen fiction na romance
story para ma-publish ang istorya ko?"

"Acquisition editor lang ako dito," sagot ni Kevin. "Sinusundan ko lang kung ano
ang desisyon ng editor-in-chief kaya hindi kita puwedeng diktahan kung anong
istorya ang dapat mong i-submit. Ang memo sa akin ay maghanap ng mas engaging na
teen fiction at romance stories na swak sa theme. Kaya 'yun ang nagiging priority
ko kapag nagbabasa ng entry."

"Salamat. Marami po akong natutunan sa inyo." Hindi na matiis na Cris na makinig pa


sa mga sinasabi ni Kevin. Hindi rin niya matanggap na dapat siyang mag-resort sa
mga cheap na love story para lang may ma-publish. Mas gugustuhin pa niyang mag-quit
na sa pagsusulat kaysa sumulat ng mga gano'ng bagay.

"Itatago ko muna itong draft mo, in case na magkaroon ng pagbabago sa lineup ng


stories," sabi ni Kevin nang sinubukang kunin ni Cris ang isinubmit na chapter one.

"Kayo na ang bahala kung anong gagawin diyan. Kahit ipa-frame n'yo o gawing
panggatong sa kalan, walang problema sa akin."

Matapos ang pang-apat niyang meeting at rejection sa Bloc office, hindi malaman ni
Cris kung ano na ang gagawin niya ngayon. Dahil hindi "mainstream at hindi naka-
align ang panghuling entry niya sa theme ng Bloc, hindi ito tinanggap. Gusto niyang
isigaw ang nararamdaman ng kaniyang puso. Gusto niyang murahin kung sinuman ang
nagpasimula ng trend ng teen fiction na may romance.

Umakyat siya sa rooftop ng administration building ng main campus dala-dala ang


manuscript na akala niya'y susi para makapag-publish na siya sa Bloc. Tumayo siya
sa dulo ng rooftop, nakatingin sa mga estudyanteng naglalakad at mga nakatambay sa
Square. Ang ilan sa kanila, nagbabasa ng pinakabagong issue ng Bloc kaya muli na
naman niyang naalala ang nangyari kanina.

Tiningnan niya ang draft ng college crime drama na isinulat niya magdamag. Alam
niyang hindi ito gano'n kaperpekto, pero kakaiba ang plot nito kumpara sa mga
namamayagpag na love story. Wala na ring silbi kung itatago pa niya ang rejected
manuscript kaya pinagpira-piraso niya ito at hinayaang tangayin ng hangin ang
kaniyang pinaghirapan.

Ang pangarap niyang makapag-publish, parang mga kapirasong papel na hawak-hawak


niya kanina--nawala nang parang bula sa isang ihip lang.

Chapter 2: Plot Twist


Tulala. Wala sa sarili. Nakatingin sa kawalan.

Simula nang matanggap niya ang kaniyang ikaapat na rejection mula sa Bloc, nawalan
na ng gana si Cris sa natitirang oras ng kaniyang araw. Para siyang bulaklak na
namukadkad sa ilalim ng sikat ng araw na bigla na lang nalanta sa isang bugso ng
hangin. Ni hindi na siya nakikinig sa mga professor sa kaniyang afternoon classes.
Pasok sa isang tainga, labas sa kabila ang mga salitang naririnig niya.

"Hoy, okay ka lang?" tanong ng kaniyang seatmate na si Nielsen Guevarra nang


lumabas na ang kanilang prof. "May sakit ka ba? Mukhang matamlay ka ngayon."

"Huh? Ako ba?" Halatang tamad at mabagal sumagot ngayon si Cris kumpara noong mga
nakaraang araw. Kumbaga sa isang smartphone, daig niya pa ang lowbat at sobrang
lag.

"May pinagdadaanan ka ba?"

"Wala. Ayos lang ako."

"Matagal na kitang kakilala, kaya hindi ka makakapagsinungaling sa akin," sagot ni


Nielsen na nabisto ang kasinungalingan ng kaniyang seatmate at kaibigan. "Favorite
subject mo ang World Literature. Lagi kang nagtataas ng kamay tuwing may tanong si
ma'am. Kanina, ni hindi mo man ginalaw 'yang mga kamay mo at parang nagde-daydream
ka pa. Hindi ganyan ang usual na Cris Ibarra na kilala ko."

"Huwag mo akong alalahanin, Nielsen." Napayuko si Cris at isinara ang kaniyang mga
mata. Kahit sinong makakita sa kaniya, tiyak na mapapansin ang mas lumalim niyang
eyebags. "Alas-tres na 'ko nakatulog kanina at maaga akong gumising para pumunta sa
campus kaya medyo inaantok ako ngayon. Pero ayos lang ako."

"Yieeeh! Nakakakilig naman 'tong chapter four ni Mario Santiago! Sana mapansin na
rin ako ng crush ko at makalaya na 'ko sa friendzooone!"

Biglang iniangat ni Cris ang kaniyang ulo at napatingin sa direksyon kung saan
nanggaling ang boses babae na narinig niya ngayon-ngayon lang. Isa sa mga kaklase
niya ang nagbabasa ng pinakabagong issue ng Bloc at hinampas-hampas ang katabi nito
dahil sa sobrang kilig. Nanlisik ang mga mata ni Cris tulad ng sa mga tigre, pero
buti na lang at walang nakapansin sa mga ito... maliban kay Nielsen.

Naalala tuloy niya ang sinabi kanina ni Kevin, acquisition editor ng Bloc. "Tumaas
ang sales namin ng 40 percent nang ilabas namin ang chapter one ng Para Sa Mga Na-
friendzoned series ni Mario Santiago. Maraming nag-request na sana, dagdagan ang
mga ganitong istorya kaya unti-unting tinanggal 'yung mga hindi mabenta at
pinalitan ng mga patok na teen fiction."

Tsk. Kasalanan ni Mario Santiago kung bakit naging trend ang mga ganoong uri ng
cliche at mababaw na storya sa Bloc. Bulong ni Cris sa kaniyang sarili, nananatili
pa ring kasing-talim ng kutsilyo ang kaniyang tingin.

"Ang mabuti pa, mag-vendo muna tayo at sa labas natin pag-usapan 'yang problema
mo," suhestiyon ni Nielsen na sinunod naman ni Cris.

Simula pa noong high school, naging matalik na magkaibigan na sina Cris at Nielsen.
Pareho nilang gustong maging writer pagkatapos sa college. Pero pagtunton sa
university, mas pinili ni Nielsen ang journalism habang si Cris, tinahak ang
creative writing para ituloy ang kaniyang layuning maging published author balang
araw. Dahil second year students pa lang sila, may mga subject kung saan parehong
pinapasukan ng mga kumukuha ng writing courses. Pagdating sa third year,
maghihiwalay na sila ng landas at magpo-focus sa kanilang mga major.

"Epektibo raw ang tsokolate na pampakalma at pampasaya, ayon sa mga eksperto."


Kinuha ni Nielsen ang inorder niyang iced chocolate mula sa vending machine at
iniabot sa kaniyang kasama. "Tungkol sa Writers' Bloc 'yang problema mo, tama?"

"Paano mo nalaman?" tugon ni Cris matapos uminom ng kaunting chocolate. Naramdaman


niya ang lamig ng yelo sa kaniyang bibig. "Salamat pala rito."

"Sinabi mo kanina na mag-aalas-tres ng umaga nang natulog ka." Kinuha naman ngayon
ni Nielsen ang inorder niyang iced mocha. "Wala naman tayong assignment o project
ngayong linggo kaya walang dahilan para magpuyat ka para sa school works. Wala ka
ring wi-fi sa dorm mo kaya imposibleng nagpuyat ka dahil sa pag-stalk sa Facebook o
Twitter."

Stalk talaga?

"Wala ka ring ka-text na kaklase natin kasi hindi ka mahilig magpa-load,"


pagpapatuloy ni Nielsen habang unti-unting iniinom ang kaniyang iced mocha. "Kung
si Mariel ang ka-text mo, hindi naman siya nakagising hanggang alas-tres ng umaga
para lang replyan ang mga message mo.

"Sinabi mo rin kanina na maaga kang pumunta sa school kahit wala tayong morning
classes. Wala tayong mga group work kaya imposibleng nakipagkita ka sa mga kaklase
natin. Wala ka ring girlfriend, unless hindi mo sinasabi sa akin, kaya imposibleng
may ka-meet o ka-date ka. Ngayon, bakit pupunta nang maaga sa school ang isang
estudyanteng may ginawa buong magdamag? Malamang para i-submit 'yung ginawa niyang
draft sa editor ng publication na gusto niyang salihan."

Nakatitig lang simula kanina si Cris kay Nielsen habang pinakikinggan ang mga
"deduction" ng kaniyang kasama. Sapul na sapul ng kaniyang kaibigan kung ano ang
ginawa niya magdamag hanggang sa kaninang umaga.
"Ang galing. Parang ikaw si Sherlock," pinuri ni Cris ang ipinamalas na deduction
skills ni Nielsen.

"Ano ka ba? Ikaw kaya ang nagturo sa akin na maging mapagmatyag sa mga salita at
kilos ng mga tao sa paligid at alamin ang pag-uugali nila bago i-deduce kung anong
ginawa nila, saan sila pumunta o kung anong kinain nila sa meryenda," sagot ni
Nielsen. "Naalala mo ba nung freshmen pa lang tayo? Nalaman mong pumunta ako ng 7-
Eleven at kumain ng hotdog sandwich dahil lang sa kulay pula at dilaw na mantsa sa
polo ko?"

"Dahil sa Manhattan dressing at ketchup? Obvious kaya 'yun."

"Obvious din na hindi maganda ang kinalabasan ng meeting mo sa editor," naging


seryoso na ang tono ng boses ni Nielsen. "Ano bang nangyari?"

Napabuntong-hininga muna si Cris bago siya sumagot. Ayaw na sana niyang maalala
kung anong nangyari pero dahil kaibigan niya ang nagtatanong, mas mabuting sabihin
na niya ang tungkol dito.

"Na-reject ang pang-apat na draft na ginawa ko kagabi. Hindi raw naka-align sa


theme ng magazine ang istorya ko. College crime drama kasi ang genre. Gusto nila,
'yung mga kuwento tulad ng kay Mario Santiago."

"Kaya pala napatingin ka nang masama kay Megan nung sinabi niyang nakakakilig 'yung
series ni Mario..." bulong ni Nielsen. "Iniisip mo ngayon kung dapat kang gumawa ng
gano'ng uri ng cheesy na istorya?"

"Kung 'yun ang gusto nila... hindi na ako magsa-submit ng manuscript sa Bloc." May
paninindigan ang sagot ni Cris. "Bakit ako susulat ng isang kuwento na hindi ko
trip? Gusto kong magsulat ng kuwento na gusto kong ipabasa sa mga reader, hindi
'yung gusto nilang ipabasa."

"Buti na lang at hindi ako bumibili ng mga issue ng Bloc para sa gano'ng mga cheap
na kuwento. Pero kung mapa-publish ang isinulat mo, baka magbago ang isip ko."

"Unfortunately, mukhang malabo na 'yon."

"Ayaw mo ba talagang mag-apply para sa Avant Garde?" Napalingon si Cris sa tanong


ni Nielsen. "Alam mo naman na university-wide student publication din ito. May
compensation din at weekly ang release ng issues. Kulang pa kami sa mga news at
feature writer ngayon kaya may mga bukas pang slot."

"Nielsen, sinabi ko na sa'yo noon na hindi ko trip ang journalism. Masyado kayong
strict sa Avant, may sinusundan na rules. Gusto kong malaya akong nagsusulat. Sa
inyo kasi, dapat timely at trending kaya matapos ang ilang buwan, panis na 'yung
mga story. Sa creative writing, may element ng timelessness. Tingnan mo si Sherlock
Holmes ni Doyle, hanggang ngayo'y may ginagawang TV adaptation ang BBC at movie si
Robert Downey Jr."

Napabuntong-hininga na lang si Nielsen. "Mukhang hindi talaga kita mako-convince na


sumali sa amin."

"Baka hindi talaga ako ipinanganak na writer." Napatingin si Cris sa mga salitang
nakaimprenta sa baso niyang wala nang laman. "Subukan ko kayang mag-theater tulad
ni Mariel?"

"Baka nakakalimutan mong feature writer din ng Avant si Mariel?"


Pero tila hindi pinansin ni Cris ang sinabi ng kaniyang mga kaibigan. "Baka may
talento pala ako sa acting? Kung makukuha ni Mariel ang lead female role, dapat ako
ang maging lead male role."

Bigla siyang siniko ni Nielsen at binulungan. "Speaking of Mariel, papunta siya


rito."

"Huh? Saan?"

Sa madilim na hallway, may naaninag na babae si Cris at naririnig niya ang mga
malulutong na yapak ng heels na tila nag-eecho sa palagid. Medyo may kalabuan ang
kaniyang mga mata kaya tanging si Nielsen ang nakapansin sa mukha ng papalapit na
estudyante. Nang masilayan na ng ilaw ang naglalakad na babae, kaagad napansin ni
Cris ang maamo niyang mukha na tulad ng isang anghel, ang kaniyang malusog na
pangangatawan, ang pag-wave ng hanggang baywang na straight na buhok at isang
ngiting kayang lusawin ang kahit sinumang makakita nito... o baka tanging si Cris
lang.

"Ma-Mariel..." Unti-unting namula ang mukha ni Cris habang nakatingin sa babaeng


papunta sa kanilang direksyon. Biglang bumilis ang tibok ng kaniyang puso at
namawis kahit hindi mainit sa kinatatayuan nila ni Nielsen.

"Hi!" Masiglang bati ni Mariel Castro sa kanilang dalawa, sabay kaway sa


magkaibigan.

"H-He-Hello!" Medyo awkward at pautal-utal na tugon ni Cris sa babaeng hindi niya


matingnan nang diretso sa mata.

"Nagbabasa ka pala ng Writers' Bloc?" tanong ni Nielsen kay Mariel nang may
mapansin siyang hawak-hawak nito. "O baka may in-assign ang editor mo sa 'yo?"

"Eto ba?" Ipinakita ni Mariel ang cover ng pinakabagong isyu ng Bloc. Muli na
namang nakita ni Cris ang title at cover art ng cheap na romance series ni Mario
Santiago. "Ipinapa-feature sa akin si Mario dahil 'hit' ang kaniyang romance story.
Hindi naman talaga ako nagbabasa nung una, pero ni-recommend sa akin ni Megan kaya
naisipan kong bumili ng kopya. Dahil iinterviewin ko si Mario, dapat alam ko kung
ano 'yung sinulat niya. Pero hindi ko inexpect na mahu-hook ako. Nakakakilig!"

"Hi--HINDI MAAARI!" Nanlaki ang mga mata ni Cris sa narinig niya. Si Mariel, ang
babaeng kaniyang hinahangaan at crush, ay fan ng author na ngayo'y kinamumuhian
niya dahil sa mababaw na pagsusulat at cliche na love story. At ito pa, magkakaroon
pa ng tsansa si Mariel na makapanayam nang personal si Mario.

Puwede namang ibang kuwento ang kakiligan ni Mariel, pero bakit 'yung kay Mario pa?
Gusto sanang sabihin ito ni Cris sa kaniyang crush pero umurong ang dila niya.
Nanahimik na lang siya sa tabi ng vending machine, muling natulala at
pansamantalang nawala sa sarili. Daig pa niya ang nabasted kahit hindi pa siya
nanliligaw.

"A-Anong nagustuhan mo sa kuwento niya?" tanong ni Nielsen matapos ang isang


awkward na katahimikan.

"Nakaka-relate kasi 'yung mga reader kaya mas patok siya sa mga estudyante," sagot
ni Mariel, tila may kislap sa kaniyang kulay brown na mga mata. "Kaya siguro lagi
itong number one sa weekly rankings sa mga story ng Bloc."

"Tsk..." Muling natauhan si Cris nang marinig ang pagiging number one ni Mario sa
Bloc. Kung sanang natanggap ang kaniyang college crime drama, baka mabago niya kung
anong trending sa publication at baka matalo ng kaniyang pinag-isipang kuwento ang
mababaw na plot ni Mario.

"O siya, may iinterviewin pa akong fans ni Mario. Mauna na ako sa inyo. Bye!"
Kumaway muna si Mariel bago siya tuluyang nawala sa paningin nina Cris at Nielsen.

"Pati ang crush mo, fan na ng Para Sa Mga Na-seenzoned nung Mario Santiago. Anong
balak mong gawin niyan?" tanong ni Nielsen. "Susuko ka na lang ba?"

"Kung puwede ko lang labanan ang istorya niya sa Bloc, gagawin ko," sagot ni Cris,
medyo disappointed at tila walang pag-asa ang kaniyang tono ng pananalita. "Ang
kaso, na-reject 'yung pinakabago kong manuscript."

"E 'di mag-submit ka ulit!"

"Paano kung ma-reject na naman? Nagmumukha na akong tanga at desperado sa harap


nung acquisition editor. At sabi ko nga kanina, kung gusto kong ma-publish sa Bloc,
dapat cheesy na story ang isulat ko."

"Pero wala na ba talagang pag-asa 'yung college crime drama mo? Sayang, gusto ko pa
namang basahin."

"Isinampal na sa akin nung acquisition editor na rejected ang draft," tugon ni Cris
habang umiiling. "Mapa-publish lang 'yun kung magbabago ang isip niya at tawagan
ako ngayon."

Bzzz... Bzzz... Bzzz...

"Huh?" Biglang nag-vibrate ang phone ni Cris na nasa kaniyang bulsa. Medyo may
bakas ng pagkagulat sa kaniyang mukha dahil hindi karaniwan sa isang tulad niya ang
makatanggap ng isang tawag. Inilabas niya ito at tiningnan kung sinong tumatawag.

"Unknown number...? Hello?"

"Good afternoon. Si Cris Ibarra ba itong kausap ko ngayon?" tanong ng nasa kabilang
linya na medyo bored at monotonous ang boses.

"A-Ako nga po. Sino po sila?"

"Pasensiya na. Ako nga pala si Erland, isa sa mga story editor ng Writers' Bloc."

Isang taga-Bloc ang tumawag sa akin? Bakit kaya? Biglang napaisip si Cris.

"Nabasa ko 'yung draft ng chapter one ng Perfect Crime mo. Busy ka ba? Papunta ako
sa Starbucks ngayon, baka gusto mong makipagkita sa akin?"

"Ta-Talaga? Wala na akong klase ngayon kaya mapupuntahan ko kayo," may namuong
ngiti at sigla sa boses ni Cris na parang nanalo siya sa isang pa-raffle.
"Makakarating ako diyan sa loob ng sampung minuto."

"Okay. See you."

"YES!" Biglang napasigaw si Cris at halos magtatalon sa sobrang tuwa. Hindi niya
inaakalang magkakaroon ng plot twist ang malungkot niyang araw.

"A-Anong meron at bakit ang saya-saya mo?" nagtatakang tanong ni Nielsen. "Nanalo
ka ba sa lotto?"

"Mas higit pa doon!" Masiglang sagot ni Cris. "Gusto akong makausap ngayon ng isa
sa mga story editor ng Bloc!"
"Ang ibig sabihin... Nagbago ang isip ng acquisition editor?"

"Hindi ko alam ang mga detalye pero gusto niya akong makausap ngayon sa Starbucks.
Ayos lang ba kung umalis muna ako?"

"Walang problema sa akin. Basta balitaan mo katapos ng meeting n'yo."

"Sige, sige, salamat!" Kumaripas nang takbo si Cris, dala-dala pa rin ang abot-
tenga niyang ngiti sa mukha at pag-asa sa kaniyang puso.

*****

Alas-kuwatro na ng hapon at halos dismissal na ng mga estudyante sa ganitong oras


kaya dagsa sila sa Starbucks. Pagkapasok niya sa cafe, bumungad kay Cris ang ingay
na tila bulung-bulungan ng mga bubuyog, ang malamig na hanging galing sa aircon, at
ang malumanay at nakakakalmang instrumental music.

Kung may nakalimutan si Cris nang tinawagan siya nung editor kani-kanina lang, 'yun
ay kung ano'ng suot nitong damit o kung paano siya makikilala. Gusto niya sanang
tawagin ito pero wala siyang load kaya walang choice si Cris kundi umasa sa sarili
niyang kakayahan para tukuyin kung saan nakaupo ang editor. Malamang e hindi rin
alam ng editor ang mukha niya kaya malabong senyasan niya ito.

Ang unang naisip ni Cris: Maaaring mag-isa lang ang editor dahil sa sinabi niyang
"Papunta ako ngayon sa Starbucks." At saka makikipagkita ang editor sa kaniya para
pag-usapan ang kaniyang manuscript kaya mas mababa ang tsansang may kasama ito.

Dahan-dahang naglakad sa loob ng cafe si Cris, tinitingnan kung sino-sino ang mga
swak sa kaniyang iniisip. May tatlong customer na walang kasama ang kaagad niyang
napansin: isang babaeng nagsusulat sa notebook at napapatingin minsan sa kisame na
tila may malalim na iniisip; isang lalaking nakatutok sa laptop, walang tigil sa
pagta-type na parang may hinahabol na deadline at halos ubos na ang iniinom na
green tea; at isang lalaking naka-earphones habang umiinom ng kaka-order pa lang na
frappe.

Makalipas ang limang segundo ng pag-iisip, nilapitan niya 'yung lalaking naka-
earphones. Magulo ang buhok nito na parang nakalimutang humarap sa salamin at
magsuklay. Mukha rin siyang suplado na baka tuwing kabilugan lang ng buwan kung
ngumiti.

"Kayo po ba ang story editor ng Writers' Bloc na tumawag sa akin?" tanong ni Cris
sa lalaking tila malayo ang tingin. Kumpiyansa siya na sa tatlong customer na
walang kasama sa cafe, ang taong nakaupo sa harap niya ang tumawag sa kanya. Una,
boses lalaki ang tumawag kaya tanggal na sa pagpipilian ang babaeng nagsusulat sa
notebook. Pangalawa, hindi dadalhin ng editor ang ginagawa niya sa office sa cafe
lalo na't makikipagkita siya sa isang prospective writer. Siguradong ayaw ng editor
ng distraction habang nag-uusap silang dalawa kaya malamang e hindi niya dalhin ang
laptop niya, hindi gaya nung isang lalaking busy sa pagta-type. At halos ubos na
ang green tea ng lalaking iyon kaya malamang ay matagal na siyang nakaupo roon,
kumpara sa isa pang lalaking hindi pa gaanong bawas ang iniinom.

Sa pamamagitan ng process of elimination, ang lalaking naka-earphones ang posibleng


suspek, ay teka, editor pala.

Napatingin ang parang inaantok at walang buhay na mga mata ng lalaki. "Ikaw ba si
Cris Ibarra?"

"A-Ako nga po."


"Ngayon, naniniwala na akong ikaw nga ang sumulat ng college crime drama na
isinubmit mo." Biglang inilabas ng lalaki mula sa kaniyang bag ang folder kung saan
nakapaloob ang draft ng chapter one.

"A-anong ibig n'yong sabihin?"

"Hindi kita natawagan kung saang banda ng cafe ako nakaupo o kung anong suot ko
para kaagad mo akong makilala. Pero nagawa mo akong mahanap sa dami ng tao rito.
Sabi nga nila, nagre-reflect sa isinusulat ng writer ang kaniyang personalidad."
Iniabot niya ang kaniyang kamay kay Cris. "Ako nga pala ulit si Erland Salazar, isa
sa mga story editor ng Writers' Bloc. Pleased to meet you."

"Nice to meet you rin," tugon ni Cris nang nakipag-handshake sa editor. "Bakit
natin pag-uusapan 'yung draft na isinubmit ko kanina? Ni-reject na 'yan ng
acquisition editor."

"Ni-reject nga ni Kevin ang draft mo." Inilipat-lipat ni Erland ang mga pahina ng
manuscript ni Cris. "Hindi rin nangangahulugang mapa-publish na 'to sa next issue
dahil lang nakipag-meet ang isang editor sa'yo."

"Kung ganon, para saan pa ang meeting na 'to? Paaasahin n'yo lang ba akong ma-
publish 'yan?" Biglang nawala ang ngiti sa labi at tuwa sa damdamin ni Cris. Ang
akala niya, pasok na sa banga ang kaniyang kuwento.

"Sabi ko nga kanina, pag-uusapan natin ang tungkol sa istorya mo. Magaling ang
pagkakasulat ng introduction pati ang pagpapakilala sa bidang lalaki. Kuhang-kuha
mo ang setting ng isang university. Pero ang nagdala talaga rito ay ang mystery sa
unang bahagi na binitin mo sa katapusan ng kabanata. Mabibilang mo sa mga daliri
ang mga crime fiction na sinusulat ng mga Pilipino kaya namangha ako na nagawa mong
sumulat ng ganitong kuwento. Naalala ko tuloy si Detective Conan habang binabasa
ito."

Pero hindi tumalab ang mga papuri ni Erland kay Cris. Naisip niyang halos ganyan
din ang mga sinabi sa kaniya ni Kevin bago isampal ang rejection ng kaniyang
manuscript.

"Mabuti at napansin ko itong folder na dala-dala ni Kevin matapos kang kausapin


kaninang umaga," pagpapatuloy ni Erland matapos sumipsip ng konting frappe. "Kung
ako ang tatanungin, gusto kong ma-publish ito."

"Pero hindi puwede dahil hindi naka-align sa theme ng magazine, tama?" Biglang
singit ni Cris, tila may pinanghuhugutan ang kaniyang boses. "At dahil puno ng
kuwento ng pag-asa, second chance at redemption ang mga istorya n'yo kaya hindi
bagay ang ganyang kaseryoso at ka-dark na genre."

"Tama. Kung ipaglalaban nating i-publish ito, para tayong babangga sa pader."
Napasandal sa kaniyang upuan si Erland at napapikit ang mga kulay brown na mata.
"Meron akong say sa kung ano ang dapat i-publish at hindi, pero kung lahat ng mga
kasama ko'y tutol sa gusto kong mangyari, mawawalan ng saysay ang lahat."

"Gusto n'yong mangyari?" pag-uulit ni Cris.

"Gusto kong ipasok sa line-up ang mga de kalidad na mga kuwento at ibalik ang iba't
ibang genre sa Bloc. Pero dahil sa isang mababaw na kuwento, isang gasgas na
istoryang hindi man gaanong pinag-isipan, puro teen fiction+romance na ang nasa
lineup ng Bloc... dahil kay Mario Santiago." Parang lason na idinura ni Erland ang
pagbanggit sa pangalan ni Mario.
Hindi alam ni Cris kung matutuwa siya o hahanga sa editor na nasa kaniyang harap.
Akala niya, katulad si Erland ng acquisition editor na walang ibang inisip kundi
sundin ang utos ng nakatataas at pumili ng mga kuwentong magpapataas sa sales ng
Bloc. Pero iba si Erland sa kanila. Pareho sila ng iniisip. Pareho sila ng taong
isinisisi sa kung ano na ang nangyari sa literary magazine.

"Maraming mga reader at subscriber ng Bloc ang mababaw ang kaligayahan at pag-iisip
kaya pumapatok sa kanila ang mga cliche na istorya." Ang mga mambabasa naman ngayon
ang tinira ni Erland. "Kung sabagay, mas maraming nakaka-relate sa mga generic
story kaysa sa mga pinag-iisipan talaga tulad ng sa'yo. 'Yun din ang dahilan kung
bakit dumarami ang nauuto ni Mario sa kaniyang mga kuwento."

"Maging si Mariel, nauto ng Mario na 'yon. Talaga nga namang..." napabulong ni Cris
nang biglang mag-flashback sa kaniyang isipan ang sinabi ni Mariel na pinakilig
siya ng Para Sa Mga Na-friendzoned.

"Kung mapa-publish ang sa'yo, hindi ko alam kung matatalo nito ang series ni Mario
pero gusto kong talunin mo siya." Mas naging seryoso ang boses ni Erland at
makikita sa kaniyang mga mata ang determinasyon. "Kailangan nating patunayan na
hindi lang mga love story ang pumapatok sa mga mambabasa."

"Pero parang imposible 'yon lalo na't hindi ata trip ng editorial board ang college
crime drama."

"Na-publish na kanina ang last chapter ng cliche na love story na ine-edit ko,"
ibinahagi ni Erland habang sumisipsip ng kaniyang inumin. "Sa Biyernes, magkakaroon
kami ng editorial board meeting kung saan idi-discuss kung anong series ang susunod
na matatapos at kung anong bagong series ang ipapasok. At doon ko susubukang
ipaglaban ang kuwento mo."

Napanganga si Cris sa mga salitang binitawan ng kaniyang kausap, manghang-mangha sa


resolusyong ipinapakita ng editor na handang gawin ang lahat para lang mai-publish
ang kaniyang akda. Ang ipinagtataka ni Cris, bakit ganito kadeterminado si Erland?
Bakit ayaw niyang makisali sa bandwagon ng mga cliche story at nang sa gayo'y mas
mapadali ang kaniyang buhay?

"Ewan kung nasabi ko na sa'yo ito kanina pero gusto kong baguhin ang buong Bloc,"
sabi ni Erland na tila nabasa kung ano ang tumatakbo sa isipan ni Cris. "Kaya sa
susunod na taon... gusto kong maging editor-in-chief ng publication. At para
mangyari 'yon, dapat may mapatunayan muna ako sa mga senior at ka-level kong mga
editor."

Tumayo na si Erland at inilapag sa mesa ang wala nang laman na plastic cup. "Kung
sakali mang mabago ko ang isip ng kasalukuyang EIC at payagang ma-publish sa next
issue ang iyong kuwento, sana'y magtulungan tayo para maipakita sa kanila kung ano
ang dapat na binabasa ng mga reader."

"Huwag kayong mag-alala. Magkakasundo tayo sa bagay na 'yan," panigurado ni Cris.

"May tatapusin pa akong paperwork sa office kaya mauna na ako sa'yo. Sa susunod na
lang kita ililibre ng Starbucks. Babalitaan na lang kita bukas."

Nag-iwan ng ngiti sa mukha ni Cris ang mga huling salita ni Erland. Hindi pa naman
sigurado na papasok sa susunod na line-up ng Bloc ang kaniyang college crime drama
pero tiwala siya sa nakausap niyang editor. Dati, gusto lang niyang makapag-publish
ng mga kuwento pero matapos ang kanilang pag-uusap ni Erland, nagkaroon na siya ng
isang mas mabigat na layunin: Ang baguhin ang Bloc at ang laman ng literary
magazine nito.
Chapter 3: Turning Tables
Kung may award na most punctual sa staff ng Writers' Bloc, malamang e nakuha na
'yon ni Erland. Alas-siyete pa lang ng umaga, makikita na siyang nakaupo sa
kaniyang puwesto sa editors' desk habang nagbabasa ng latest issue ng kanilang
magazine.

Kasing-laki at lawak ng isang regular classroom ang office ng Bloc. Halos


mahahabang mesa na nakahilera ang makikita pagpasok palang sa kanilang opisina.
Natatakpan ng mga blangkong papel, printed draft, photocopy ng manuscript ang desk
ng mga editor. May nakahiwalay na mesa para sa editor-in-chief na siyang boss at
inirerespeto ng mga nasa opisina. Sa bandang likuran ng office, may maliit na
conference room kung saan na nagmi-meeting ang editorial board.

Balik tayo kay Erland na kakatapos lang magbasa ng Bloc, umiiling at napapabuntong-
hininga. Sa tuwing tinitingnan niya ang laman ng kanilang magazine, nilalabanan
niya ang tuksong tusukin ng ballpen ang kaniyang mga mata dahil sa mga kuwentong
nababasa niya o 'di kaya'y punit-punitin ang bawat pahina at sunugin hanggang sa
maging abo ang mga ito.

Hindi naman sa ayaw niyang maging editor. Gusto niya. Kaya lang, ayaw niya kung
anong pinapa-edit sa kaniya. Minsan na niyang sinubukang sabihin sa EIC na hindi
kaya ng kaniyang konsensya ang ine-edit niyang istorya. 'Yun nga lang...

"Kung ayaw mo talagang i-edit ang She's Talking Back to the Mafia Boss, bibigyan
kita ng dalawang option," sabi ni Xavier Gonzalez, ang editor-in-chief ng Writers'
Bloc. "Una, bumalik ka sa iyong upuan at tapusin ang pag-eedit niyan para ma-layout
na. O pangalawa, ilagay mo sa mesa ko ang iyong resignation letter bago matapos ang
araw."

At dahil ayaw umalis sa Bloc ni Erland, tiniis na lang niyang basahin at i-edit ang
bawat pahina ng STBMB. Wala siyang magawa kundi sumunod sa utos ng EIC dahil hamak
lang siyang mid-level editor. Kaya noong araw na 'yon, tumatak sa kaniyang isipan
na para makontrol niya ang ipinapasok at inilalabas sa Bloc, kailangan niyang
maging EIC para ituwid ang baluktot na landas ng publication.

Pero sa ngayon, magtitiis muna siya sa pag-eedit ng mga mabababang uri ng kuwento
para sa kaniya. Buti na lang at tapos na 'yung STBMB series kaya parang nabunutan
na siya ng tinik. Ang tanong: Ano'ng next series na ipapa-edit sa kaniya?

"Congrats sa pagtatapos ng series mo!" bati ng katabi niyang section editor. "As
expected sa'yo, walang grammatical ni typographical error sa huling chapter.
Excited ka na ba kung ano ang susunod na ieedit mo?"

"Halata namang excited na excited ako," may pagka-sarcastic ang kaniyang sagot na
sinabayan pa ng monotonous niyang boses. "Hindi na ako makapaghintay ng bagong teen
fiction story na dadaan sa aking mga kamay. Malamang ang title ng ibibigay sa akin
ay Bad Boy Versus Nice Girl o kaya Gangster Meets Nerdie."

"Malay mo, kapag natripan ni Kevin 'yung story nung pabalik-balik na writer sa
labas, 'yun ang ibigay sa'yo."

"Bakit ba parang every week, pumupunta 'yon dito at kinakausap si Kevin?" Tanong ni
Erland kahit hindi siya gano'n kainteresado.

"Lagi atang nare-reject 'yung mga manuscript niya," pabulong na sagot ng katabi
niyang editor. "Pang-apat na atang manuscript 'yung isina-submit niya kay Kevs
ngayon. Bilib ako sa determinasyon niyang sumulat. Kung ako siya, baka nag-quit na
ako."
"At bakit daw na-reject 'yung mga nauna?"

"Masyado raw kakaiba ang genre. Hindi teen fiction at walang bahid ng romance kaya
hindi raw bagay sa Bloc," tugon ng kaniyang katabi.

Kung kanina'y bored si Erland, bigla siyang nagkainteres sa lalaking nakaupo sa


lobby nila na kasalukuyang kinakausap ng acquisition editor. Minsan lang siya
magkainteres sa mga nagsusumite ng kuwento dahil halos lahat sila, puro teen
fiction ang ibinibigay for publication.

Makalipas ang ilang minuto, pumasok si Kevin dala-dala ang isang folder na hindi
naman niya hawak-hawak kanina. Pumunta siya sa desk malapit kina Erland at doon
inilapag ang folder na may cover page na Perfect Crime: Chapter One (Draft).

"Pasok na ba siya sa banga?" tanong ng katabi ni Erland na tila inaabangan ang


balita tungkol sa pabalik-balik na writer.

Dahan-dahang umiling si Kevin, senyales na "Hindi" ang sagot sa tanong ng kapwa


niya editor. Bakas sa kaniyang mukha na medyo malungkot siya sa kinalabasan ng pag-
uusap nila ng isang writer kanina. "Nanghihinayang ako sa kuwentong ito. Maayos ang
pagkakasulat ng intro, maganda ang pagpapakilala sa mga tauhan at mararamdaman mo
talaga kung ano 'yung gusto ipadama ng writer. Kaso masyadong dark at seryoso,
hindi bagay sa mga light story na nasa line-up natin."

Napalingon si Erland kay Kevin sabay tanong, "Kung sa tingin mo'y maganda ang
kuwento, bakit hindi mo ipaglaban sa editorial meeting sa Biyernes?"

"Alam n'yo namang may kautusan ang EIC na tanging teen fiction na may halong
romance ang tatanggapin na manuscript," sagot ni Kevin, lumilingon-lingon sa desk
ng EIC. "Kung hindi ko susundin ang utos niya, malamang e ma-terminate na sa
meeting ang kontrata ko bilang acquisition editor."

"Puwede ko bang makita 'yung draft nung writer?"

Iniabot ni Kevin kay Erland ang folder.

"Perfect Crime? Napaka-generic para sa isang title." Bulong ni Erland nang makita
ang cover page ng kuwentong isinulat ng isang Cris Ibarra.

"By the way, mystery ang genre niyan," singit ni Kevin.

"Salamat sa heads up. Hindi kasi halata sa title kung anong genre ang dapat kong
asahan dito," tugon ni Erland matapos ilipat sa susunod na pahina ang draft.

Daig pa ni Emilia ang may trangkaso. Nanginginig ang katawan, nangangatog ang tuhod
at nanlalamig habang nagtatago sa cubicle ng banyong pambabae. Pero hindi sakit ang
kaniyang nararamdaman. Ito'y takot. Takot sa tuwing naririnig niya ang bawat yapak
na papalapit kung nasaan siya.

"Unang talata palang, nakakapangilabot na, 'di ba?" Muling sumingit si Kevin,
inoobserbahan ang reaksyon ni Erland sa unang pahina pa lang ng kuwento. "Hintayin
mo sa part na--"

Bahagyang itinaas ni Erland kaniyang kanang kamay na parang makikipag-appear habang


subsob siya sa pagbabasa. "Huwag mo nang i-spoil. Makakarating din ako sa bahaging
'yon."

Sa bawat pahinang kaniyang inililipat, napapatango si Erland, tila sumasang-ayon sa


mga nakasulat sa kuwento o 'di kaya'y pinupuri ang talento ng may-akda para
makalikha ng ganoong uri ng istorya. May suspense, may thrill. Tiyak na mapapaisip
ang sinumang makakabasa nito.

Sino ang pumatay kay Emilia? Paano naiwasan ng suspek na paghinalaan siya ng iba
pang mga tauhan? Mapipigilan kaya ng bida ang suspek sa susunod nitong krimen? Ito
ang mga katanungang tumatakbo sa isip ni Erland ngayon.

"Bitin," ito ang tanging salitang lumabas sa bibig niya matapos basahin ang draft
na chapter one. Isinara niya ang folder at ipinatong sa kaniyang desk. "Puwede bang
hiramin ko muna itong manuscript niya? At kung puwede, paki-send na rin ang contact
info niya."

"Huh? Bakit?" Nagtatakang tanong ni Kevin.

"Gusto kong malaman kung sino ang salarin sa susunod chapter," sagot ni Erland, may
namuong ngiti sa kaniyang mga labi. "At saka gusto ko siyang makausap mamaya
tungkol sa kaniyang kuwento."

"Ganito... Ganito 'yung mga kuwentong hinahanap ko na dapat i-publish sa Bloc,


hindi 'yung mga cheesy na love story," naisip ni Erland habang nakatitig sa cover
page ng Perfect Crime.

***
Dumating na ang araw ng Biyernes. Para sa mga taga-Bloc, ito ang araw ng
lingguhang editorial board meeting kung saan tatalakayin ang tungkol sa mga
kuwentong ilalagay sa line-up, ang sales ng magazine, at iba pang bagay na related
sa publication.

Dalawang araw na ang nakararaan nang makausap ni Erland si Cris Ibarra sa Starbucks
at ipinahayag ang kagustuhan niyang ma-publish sa susunod na issue ng Bloc ang
Perfect Crime. Alam niyang hindi mataas ang tsansang pumayag ang editorial board
lalo na ang EIC sa kaniyang proposal. Alam din niya na maaaring may epekto kung
anuman ang kaniyang sasabihin at gagawin ngayong meeting sa kaniyang balak na pag-
apply bilang susunod na punong patnugot. Pero handa si Erland na makipagsapalaran,
handa siyang mag-risk.

Mag-aalas-tres ng hapon nang pumasok sa conference room ang buong editorial board.
Kasama sa meeting ang mga story editor na naninigurong malinis at smooth ang galaw
ng mga kuwentong hinahawakan; ang chief artist na gumagawa ng cover art ng magazine
at bawat istorya; ang acquisition editor na tumatanggap ng mga manuscript na i-
aapprove ng board; ang circulations manager na nagmo-monitor sa sales ng magazine;
ang managing editor na umaasikaso sa budget ng publication; at siyempre, ang EIC.
Nakaupo sila sa palibot ng isang oval na mesa.

Kahit ito na ang "moment of truth" para kay Erland, walang bahid ng pagkabahala sa
kaniyang mukha o sa kaniyang galaw. Ni walang kaba sa kaniyang dibdib. Mapapansin
pa rin ang bored na ekspresyon ng kaniyang mukha at tila walang buhay na mga mata.

"Kumusta ang sales natin sa unang tatlong araw?" tanong ni Xavier. Ramdam na ramdam
sa kaniyang boses ang kaniyang awtoridad bilang EIC at bilang boss ng mga nasa loob
ng conference room.

"Mula sa 4121 noong nakaraang linggo, umakyat sa 4271 ang bilang mga kopyang
nabenta as of 12 noon," sagot ng circulations manager na nakatingin sa isang papel
na puno ng numero.

"At ang top story natin?"


"Nananatiling number one ang Para Sa Mga Na-friendzoned ni Mario Santiago," tugon
ng circulations manager. "Ayon sa mga comment sa Facebook page natin, marami na ang
nag-aabang kung pareho ba ng nararamdaman si Elizabeth kay Nathaniel. Sigurado
akong tataas pa ang ating numbers next week."

"I believe Elaine, ang editor ni Mario, deserves a round of applause for a job well
done," itinuro ni Xavier ang babaeng nakaupo sa may bandang kanan.

Kung may hindi masaya sa naging papuri kay Elaine, 'yun ay si Erland na pilit at
mahina ang pagpalakpak para sa kasamahan niya. Maliban sa pagiging editor ng PSNF,
mukhang si Elaine ang napipisil na susunod na EIC. Habang lumalakas ang akda ni
Mario, mas tumataas ang tsansa ni Elaine na makuha ang posisyon sa susunod na taon.

"I don't want to take all the credit," tugon ni Elaine nang matapos na ang
pagpalakpak ng mga kapwa niya editor. "It's a combined effort between me and Mario.
I just give him pieces of advice."

Kung may isa pang bagay na hindi gusto si Erland kay Elaine, 'yun ay ang paggamit
niya ng Ingles kapag nagsasalita. Hindi niya pinapakita sa iba pero palihim siyang
napapailing tuwing nagsasalita ang kaniyang karibal.

"Para sa ating next agenda, ang line-up," nagpatuloy si Xavier sa topics ng


kanilang meeting. "I believe may isang series na tayong natapos ngayong linggo?"

"Ang She's Talking Back to the Mafia Boss," sagot ng managing editor matapos
tingnan ang kaniyang notebook. "Halos dalawang buwan ito na-publish sa ating
magazine at nanatili ito sa top five stories ayon sa Facebook poll natin."

"Aaminin kong medyo pilit ang ending ng She's Talking Back," komento ni Xavier,
sabay tingin sa page ng Bloc kung saan nakaimprenta ang final chapter ng tinutukoy
na kuwento. "Halatang... minadali. Ganito ba talaga ang dapat katapusan ng
istoryang ito, Erland?"

"Sir EIC, pasensya na kung hindi ako kasing-galing ni Elaine pagdating sa pagma-
manage ng isang teen fiction writer at story," sagot ni Erland na tila ikinagulat
ng lahat. Napatingin sila sa kaniya lalo na si Elaine na nabigla sa ginawang
pagbanggit sa kaniyang pangalan. "Alam kong sinabi ko na sa inyo noon na hindi ko
kayang i-edit ang mga ganyang kuwento."

"Kung magaling ka talagang editor, kahit basurang kuwento, kaya mong gawing ginto."
Seryoso ang naging tingin ni Xavier kay Erland. Halatang hindi niya nagustuhan ang
naging pahayag nito. "Pero huwag na nating pag-usapan ang magkaibang opinyon natin
dito sa meeting."

Biglang siniko ng isang editor si Erland at binulungan, "Baliw ka ba? Dapat hindi
mo sinabi 'yon. Kung gusto mong ma-promote next year, dapat tumango-tango ka lang
sa sinasabi ng EIC."

Pero walang pakialam si Erland sa kung ano ang sinabi ng katabi niyang editor. Wala
sa kaniyang bokabularyo na basta-basta manahimik kahit mali na ang kaniyang
naririnig. Mas pipiliin niyang sabihin ang kaniyang nasa isip at masigawan ng EIC
kaysa manatiling tikom ang bibig.

"At dahil wala nang story na ine-edit si Erland," pagpapatuloy ni Xavier sabay
tingin kay Kevin, "may pumasa ba sa standards natin para sa susunod na kuwentong
ipa-publish?"

"Meron," inilabas ni Kevin ang isang folder at ibinigay sa EIC. "May tatlong nag-
submit ngayong linggo pero 'yan lang ang napili ko na tiyak na papatok sa mga
reader. Ang title ay Mr. Gangster Meets Ms. Nerdie."

"Bagay na bagay para kay Erland," tugon ni Xavier, tila may pangungutya ang boses.
Hinarap niya si Erland at sinabing, "Siguraduhin mong makakapasok 'yan sa top five
ng ating Facebook poll."

Napa-facepalm si Erland at napabuntong-hininga na lang. "Sabi ko na nga ba, ganyan


ang magiging title. Wala na ba silang mas creative na maisip?"

Ipinaabot ni Xavier ang manuscript sa masuwerteng editor. "Dahil ikaw ang editor,
puwede mo namang ipabago sa writer ang title. Basta dapat tiyakin mong malinis ang
kopya at maayos ang flow ng kuwento. Forte mo naman ang copyediting kaya mas
magiging madali sa'yo--"

"Hindi," mabilis na sagot ni Erland.

Muling napatingin sa kaniya ang lahat ng editors, may halong gulat at pagtataka ang
mga mukha nila. Nagkaroon ng katahimikan sa conference room na tila walang gustong
magsalita maliban sa boss.

"Excuse me?" tanong ni Xavier.

"Hindi," inulit ni Erland ang kaniyang naging sagot. Inihagis niya sa sahig ang
manuscript at tumingin nang mata sa mata sa EIC. "Ayaw ko nang mag-edit ng ganitong
uri ng mga cheap na kuwento."

"Cheap?" bulong ni Kevin.

Tumayo si Xavier at tiningnan ang iba pang mga editor. "Mukhang kailangan kong
paalalahanan si Erland pati ang mga ibang editor kung saan ang posisyon nila sa
publication na 'to. At alam kong binigyan na kita dati ng pagpipilian, mag-resign
kung ayaw mo nang sumunod sa mga utos ko o magpatuloy na mag-edit para sa Bloc."

"Gusto ko pang magpatuloy sa pag-eedit para sa pub na 'to pero hindi ng ganitong
mga kuwento." Kahit pa tumitindi ang tensyon sa conference room sa bawat salitang
kaniyang binibitawan, nananatiling kalmado si Erland at nagsasalita sa kaniyang
bored pero malumanay na boses.

"Kung ganon, ano'ng mga kuwentong gusto mong i-edit?" unti-unting tumataas ang
boses ni Xavier.

"Yung mga talagang pinag-isipan na kuwento, 'yung may lalim at laman," inilabas ni
Erland ang manuscript ng Perfect Crime at inihagis patungo sa puwesto ng EIC.
"Ganyan ang mga kuwentong gusto kong i-edit at sa tingin ko, ganyan dapat ang
kalidad ng mga ipina-publish natin, hindi 'yung korning Para Sa Mga Na-seenzoned--"

"Para Sa Mga Na-friendzoned," pagtatama ni Elaine na hindi pinansin ni Erland.

Inilipat-lipat at binasang mabilisan ni Xavier ang bawat pahina ng Perfect Crime.


"Mystery ang genre nito... So ganitong mga kuwento ang trip mo? Kevin, dumaan ba
ito sa'yo?"

"Isinubmit 'yan two days ago ng isang writer na paulit-ulit na nagsa-submit ng


draft pero paulit-ulit ding nare-reject," sagot ni Kevin.

"At ano'ng naging desisyon mo?" sunod na tanong ni Xavier.

"Hindi pasado sa mga hinahanap natin."


"Pero?" biglang sumingit si Erland, nakatitig sa acquisition editor.

Ibinalik muna ni Kevin ang tingin kay Erland bago sumagot. "Magaling ang
pagkakasulat. Napanatili ang element ng mystery sa buong chapter. At talagang
mararamdaman mo kung ano 'yung nararamdaman ng mga tauhan sa kuwento."

"Pero mystery ang genre niyan," komento ng managing editor. "Sa huling dalawang
buwan, hindi pa tayo nakakapag-publish ng ganyang uri ng kuwento."

"At ayon sa Facebook poll, mas patok sa mga mambabasa ang mga teen fiction tulad ng
mabentang Para Sa Mga Na-friendzoned series ni Mario Santiago," dagdag ng
circulations manager.

"Mga overrated teen fiction story na may gasgas na plot na hango sa mga Korean
drama at Japanese manga tulad ng mabenta pero mababaw at delusyonal na Para Sa Mga
Na-Seenzoned series ni feeling writer na Mario Santiago," mabilis na pagtatama ni
Erland sa sinabi ng criculations manager. "Huwag natin kalimutang gumamit ng mga
tamang adjective sa paglalarawan ng mga bagay-bagay."

"Pero kahit gano'n ang tingin mo sa mga istorya natin, mabenta ang mga ito sa mga
mambabasa!" sagot ng managing editor na medyo tumaas na ang boses. "Kailangan ko pa
bang ulitin na simula noong pinublish ang Na-friendzoned, tumaas ang sales natin?
At kapag tumataas ang sales, lumalaki ang budget para sa printing, sa compensation
ng staff at miscellaneous expenses? Ito ang gusto ng readers, ito ang dapat nating
ibigay!"

"Excuse me, Sir Managing Editor, pero anong klase ng readers meron tayo?" Kahit
halos sinisigawan na siya, cool pa rin ang tono ng pagsagot ni Erland. "Kung
makikita n'yo sa comment section ng Facebook page natin, lagi na lang
'Nakakakilig!' 'OMG sana hindi na ako ma-friendzone' 'cute ng story' at 'yieeeh'
ang nakalagay. Ganyan kababaw ang readers ng ating magazine."

"Dapat bang malalim mag-isip ang mga mambabasa natin?" sunod na tanong ng managing
editor. "Hindi tayo tulad ng Avant Garde na dapat may intelektwal na diskusyon sa
comment section!"

"Speaking of Avant Garde," tugon ni Erland, "hindi n'yo ba napansin na ni minsan,


hindi pa sila nagsulat ng review tungkol sa mga istorya natin ngayong semester?
Alam kong magsusulat sila ng feature story kay Mario Santiago pero dahil ni-request
'yon ng isang editor na nakaupo ngayon dito sa features editor ng Avant."

"Pero nasa editorial judgment 'yon ng editors ng Avant at hindi sila mandated na i-
feature tayo," huminahon na ang boses ng managing editor.

"Bakit ba gusto mong ma-publish ang Perfect Crime, Erland?" tanong ni Xavier nang
tapos na niyang basahin ang ibinigay kanina na manuscript.

"Sir EIC, sinabi ko na kanina na gusto kong dekalidad na mga istorya ang i-publish
sa Bloc. Pero dahil story editor lang ako, wala akong karapatan na ipatupad 'yon sa
publication," sagot ni Erland. "Pero kung nangangamba kayo na baka bumaba ang sales
kung magpa-publish tayo ng hindi teen fiction, ito ang opinyon ko diyan. Nakuha na
natin ang audience ng mga teen fiction story--mga reader na mababaw mag-isip.
Ngayon, bakit hindi natin kunin 'yung mga reader na malalim mag-isip? 'Yung
audience na naghahanap ng pinag-isipan talagang istorya tulad ng Perfect Crime? By
the way, hindi ko gusto 'yung title kaya papapalitan ko sa oras na payagan n'yong
mai-publish ito."

Biglang napaisip ang mga editor sa sinabi niya. Maging ang EIC, napakunot ang noo
sabay tingin sa managing editor na tila pinag-iisipan kung tama ang sinabi ng isa
nilang editor.

"Sa ngayon, panatilihin muna natin sa line-up 'yung mga teen fiction n'yo para sa
mga mababaw mag-isip na audience at ipasok natin ang mas seryosong kuwento para
hikayatin 'yung mga malalim mag-isip na audience para magbasa ng Bloc." Alam ni
Erland na wala siyang karapatang magsuhestiyon kung ano ang dapat gawin ng
publication. Pero para makumbinse ang mga mataas na editor, naisip niyang tumapak
sa kanilang teritoryo. "Mas tataas ang sales natin kung makakakuha tayo ng bagong
audience, tama?"

Nagkaroon ng katahimikan sa conference room habang pinag-iisipan ng EIC at managing


editor ang panukala ni Erland. Ang ibang editors, tahimik na naghihintay kung
masisigawan si Erland o kung ipapatanggal na siya sa publication.

Makalipas ang tatlumpung segundo, napansin ni Erland ang ngiti sa labi ng EIC.

"Nagustuhan ko ang Perfect Crime. Kakaiba siya, refreshing pero... sige, ipa-
publish natin siya sa next issue kapalit ng She's Talking Back to the Mafia Boss."

"Chief!" Biglang humirit ang managing editor, tila nagulat sa naging desisyon ng
kaniyang boss. "Hindi natin puwedeng i-publish ang ganyang istorya! Taliwas ito sa
sinabi ni M--"

Sa isang tingin ng EIC, biglang umurong ang dila ng managing editor at nanahimik na
lang sa kaniyang upuan.

"Pero may kondisyon ako, Erland," pagpapatuloy ni Xavier. "Kapag hindi naging
maganda ang ratings ng Perfect Crime sa Facebook poll, ika-cancel natin ito sa mga
susunod pang issue at i-eedit mo na 'yung Gangster Meets Nerdie. Maliwanag?"

Tumango si Erland bilang pagkilala sa kondisyong ibinigay ng EIC. Kahit aprubado na


ang kaniyang proposal, hindi makikita sa kaniyang mukha ang kahit anong bakas ng
kasiyahan. Ang tanging nakapinta sa kaniyang mukha--ang kaniyang bored at matamlay
na ekspresyon.

"Next agenda, ang cover art natin sa next issue..."

Tumagal ng isa't kalahating oras ang meeting. Nang i-adjourn na ng EIC ang mga
editor, kaagad lumabas ng office si Erland at pumunta sa isang hindi mataong lugar.
Inilabas niya ang kaniyang phone at idinial ang numero ni Cris.

"Hello, Cris? Available ka ba ngayon? Kailangan nating mag-usap... tungkol sa


pagpapalit ng title ng Perfect Crime at ilang bahagi ng chapter one. Magkita tayo
sa Starbucks within ten minutes."

Chapter 4.1: Si 'Tiago at si Ibarra (Part One)


A/N: Sa unang bahagi ng Si (San)Tiago at si Ibarra, si MARIEL ang POV character.
Kung hindi pa kayo pamilyar sa kaniya, basahin muna ang Chapter 2.

Daig pa ni Mariel ang makikipag-date sa kaniyang ayos ngayong araw. Suot pa rin
niya ang kaniyang longsleeve blouse at checkered skirt na uniporme, pero ang
kaniyang mukha'y halatang nilagyan ng make-up para mas lalong maging kaakit-akit sa
mga taong masisilayan ang kaniyang kagandahan. Tiyak na kung makikita siya ni Cris,
baka tuluyan nang umurong ang dila ng lalaki sa pagkabighani.

Pero bakit nga ba "blooming" ang aura ni Mariel? Ngayon kasi ang nakatakdang araw
ng kaniyang interview kay Mario Santiago, ang may-akda ng Para Sa Mga Na-
friendzoned series na lingguhang pina-publish sa Writers' Bloc. Bilang isang
feature writer sa Avant Garde, ang opisyal na pahayagang pangkampus ng kanilang
unibersidad, naatasan si Mariel na gumawa ng isang feature story sa nasabing
manunulat.

Ilang araw bago ang interview, nagbasa-basa muna siya ng mga kabanata ng Na-
friendzoned series para may background siya sa akda ni Mario. Mahirap na, baka
mapahiya siya sa harap ng ini-interview. Pero hindi niya inaasahang mahu-hook siya
sa nakakakilig na kuwento, sa mga tauhang tiyak na makaka-relate ang mga tulad
niyang teenager.

Alas-tres ng hapon nang pumunta si Mariel sa meeting place nila ni Mario--sa


Facultea, isang obvious na tea shop na halatang pinag-isipan ang pangalan at
matatagpuan ilang hakbang mula sa campus. Buti na lang at walang pasok si Mariel at
hindi busy si Mario sa pagsusulat ng kaniyang nobela kaya nai-set sa araw na ito
ang interview.

Labing-limang minuto pasado alas-tres pero wala pa rin ang kaniyang kapanayam.
Habang naghihintay sa isang puwesto sa bandang likuran ng shop, nag-order muna ng
chocolate milk tea si Mariel. Dahil siya ang may kailangan kay Mario, ayos lang sa
kaniya na maghintay kahit mahigit pa sa tatlumpung minuto. Maraming ginagawa ang
kaniyang ka-meet kaya dapat niyang pagpasensiyahan.

"Hello! Pasensiya na kung nahuli ako sa pinag-usapang oras natin," isang lalaking
mukhang lalampa-lampa, payat na parang sa isang bugso ng hangin e tatangayin na,
ang pumunta sa mesa kung saan tahimik na sumisipsip ng milk tea si Mariel. "May
urgent meeting kami kasi ni Elaine, 'yung editor ko, tungkol sa next chapter ng
kuwento ko. Kanina ka pa ba rito? Pasensiya na talaga!"

"Siya pala si Mario Santiago..." bulong ni Mariel habang nakatingin sa lalaking


nakaunipormeng pang-kolehiyo pero mukhang nasa high school pa lang dahil sa bata
niyang mukha. Unang pumasok sa isip ni Mariel na baka isang nerd itong si Mario
dahil sa kaniyang salamin. "Ako nga dapat ang humingi ng pasensiya kasi inistorbo
pa kita."

"Wala sa 'kin 'yon," tugon ni Mario, sabay ngiti kung saan lumitaw ang kaniyang mga
puting ngipin. "Do you want to eat anything? Cake, pizza or something?"

"Okay na ako sa milk tea na inorder ko kanina," naramdaman ni Mariel na unti-unting


namumula ang kaniyang mukha at parang nahihiya sa lalaking nakaupo sa harap niya.
"Alam kong busy ang schedule mo ngayong araw kaya puwede na ba nating simulan ang
interview?"

"Sure," umayos ng upo si Mario na parang magpapakuha ng litrato para sa kaniyang


ID. Mapapansin sa kaniyang mga labi ang isang ngiti na tila hindi mabura-bura. 'Yan
tuloy, medyo nadi-distract ang kaniyang interviewer.

"First of all, I'm Mariel Castro, feature writer ng Avant Garde," iniabot ni Mariel
ang kaniyang kanang kamay na medyo nanginginig, malamig at namamawis pa. "Nice to
meet you in person."

"Ako naman si Mario Santiago mula sa Writers' Bloc," sagot ng kaniyang kausap
matapos tanggapin ang alok ng pakikipagkamay. "It's my pleasure to meet you."

Inilagay ni Mariel ang kaniyang phone sa mesa para i-record ang kanilang usapan at
inihanda ang kaniyang bolpen at notebook. "Paano ka nagsimula bilang manunulat?
Ginusto mo bang maging isang published author balang-araw?"

"Sa totoo lang, hindi ko inasahang mapupunta ako kung nasaan ako ngayon." Nakikita
ni Mariel sa mga mata ni Mario na parang inaalala niya ang kaniyang nakaraan, 'yung
mga panahon na nagsisimula pa lang siya. "Gusto ko lang ibahagi ang mga kuwentong
naiisip ko sa mga tao para ma-inspire sila."

"Ang Para Sa Mga Na-friendzoned ba ang unang kuwentong isinulat mo? At ano'ng
inspirasyon mo sa pag-iisip at pagsusulat ng bawat kabanata nito?"

"Tama, ito 'yung pinakaunang nobela na sinulat ko. Dati kasi mga tula lang ang
ginagawa ko. Tungkol sa kuwento ng Na-friendzoned, siguro 'yung mga kaklase at
kaibigan ko ang naging inspirasyon ko rito. Nagbabahagi sila sa akin ng kanilang
mga karanasan sa pag-ibig at ang common denominator nilang lahat ay na-friendzoned
ang bawat isa sa kanila. Bigla kong naisip, bakit kaya hindi ko gawing kuwento
'yung mga karanasan nila? At doon naisilang ang unang series ko."

"Sana hindi ito personal na tanong pero na-friendzoned ka na ba?"

Biglang napatawa si Mario, na-bull's eye sa tanong ni Mariel. "Oo, maraming beses
na. Kaya nga mas naging inspired akong sumulat. Kahit papaano, naramdaman ko nang
ma-friendzoned."

"Bakit sa tingin mo, naging hit ang Na-friendzoned series sa mga estudyante sa
ating unibersidad?"

"Dahil simple ang pagkakasulat ko rito," mabilis na sagot ni Mario, mukhang


inaasahan na ang gano'ng tanong. "Ang mga kuwento kasi, parang mga salita 'yan na
ginagamit natin sa pagsusulat. Mas common, mas maiintindihan ng lahat. Kung medyo
may kalaliman, hindi gaanong maa-appreciate ng mga mambabasa. Tapos, 'yung mga
eksena at punchline na isinusulat ko, 'yung tipong makaka-relate ang publiko.
Parang mapapabulong sila na 'Ako rin, ganito ang naramdaman nang na-friendzone ako
ng crush ko.' Gusto kong ipadama sa kanila na hindi sila nag-iisa sa karanasang
ito, may karamay sila."

"Kung 'yung kuwento ay hango sa mga karanasan ng mga kakilala mo, may pinagbasehan
ba ang mga tauhan dito?"

Napangiti si Mario sabay tingin sa sahig na tila may inaalala. "Ayaw ko sanang
ibunyag ito pero si Nathaniel, ang bidang lalaki, 'yung nagsisilbing boses ko.
'Yung mga gusto kong sabihin, sa kaniya ko nailalabas kaya laging may hugot kapag
siya na 'yung bumitaw ng mga linya. Si Elizabeth naman, personipikasyon siya ng mga
kabiguan at frustration ko."

Hindi nakatakas sa paningin ni Mariel ang mga naglalawang mata ni Mario. Dahil sa
kaniyang tanong, tila nabuksan ang kahon ni Pandora na naka-kandado sa saloobin ng
kaniyang kapanayam. Naramdaman niyang may kirot at hugot ang bawat salitang
binitawan ni Mario. Minabuti na lang niyang ibahin muna ang susunod na tanong.

"May mga binabasa ka bang ibang nobela na pinagkukunan mo ng inspirasyon?"

"Hindi ko hilig ang magbasa ng mga nobela," sagot ni Mario. "Alam kong medyo ironic
kasi ako nga nagsusulat. Pero may isang sikat na writer kasi na nagsabing hindi mo
kailangang magbasa para matutong magsulat ng mga kuwento. Sang-ayon ako sa kaniya.
Basta isulat mo kung ano ang nasa isip mo at mapapansin mo na nakakapagkuwento ka
na."

"Dumako naman tayo sa mas seryosong tanong," panimula ni Mariel bago ibato ang
kaniyang katanungan. "Narinig mo na ba 'yung Bloc Debunker?"

"Excuse me?"

"Bloc Debunker, blog ng isang avid fan ng Writers' Bloc," paliwanag ni Mariel.
"Pero hindi tulad ng mga normal na fan, siya 'yung tipong bumibili ng bawat isyu ng
Bloc para batikusin ang mga cheap daw na kuwento. At dahil laging number one ang
Na-friendzoned sa Facebook polls, laging 'yon ang tinitira niya."

"Hindi pamilyar ang pangalan pero may mga nakapagsabi sa akin na may avid hater daw
ako. Ang masasabi ko lang, may iba't ibang taste tayo sa lahat ng bagay tulad ng
mga kuwentong ating binabasa. Hindi porke 'di swak sa panlasa mo, pangit na o 'di
na dapat tangkilikin. Kung sinuman ang nasa likod ng blog na 'yon, hindi niya dapat
ipilit sa iba ang taste niya. Kung ayaw niya sa nobela ko, huwag na lang niyang
basahin. Gano'n kasimple. Hindi ko rin naman siya pinapansin."

Napatango si Mariel habang isinusulat sa kaniyang notebook ang naging pahayag ni


Mario. Tama nga naman ang kaniyang kapanayam. Kani-kaniyang trip lang 'yan kaya
wala dapat basagan. Hanga din siya sa attitude ni Mario. Hindi niya hinahayaang
maimpluwensiyahan ng mga negatibong komento ng iba ang kaniyang ginagawa.

Isinara na ni Mariel ang kaniyang notebook at ibinulsa ang phone na ginamit pang-
record ng kanilang interview. "Sa tingin ko, sapat na 'yung mga sagot mo para
makapagsulat na ako ng article. Maraming salamat sa iyong oras kahit hectic ang
schedule mo."

"You're welcome," tugon ni Mario sabay labas ng kaniyang phone. "Ayos lang ba kung
kunin ko ang number mo?"

"Huh? A-Ano?"

"Ayos lang ba kung kunin ko ang number mo?" muling tanong ni Mario. "Kung may
tanong ka na kailangan kong sagutin, puwede mo rin akong i-message."

Biglang namula ang maputing pisngi ni Mariel habang tina-type sa phone ni Mario ang
kaniyang number. Naisip na rin niyang hingin ang number ng kaniyang interviewee,
pero medyo nahihiya siya. Buti na lang at si Mario mismo ang nag-alok.

"Salamat!" Muling ngumiti si Mario kay Mariel. "Kung yayayain ba kitang mag-coffee
or tea, ayos lang ba sa'yo? Hindi naman siguro labag 'yon sa inyong ethics code sa
Avant Garde?"

"Wa-Walang po-problema sa akin," nagkanda utal-utal na tuloy si Mariel habang


nananatiling pula ang kaniyang mukha. "Si-sige, mauuna na ako para simulan ang
article. Maraming salamat ulit!"

"Walang anuman. Mag-ingat ka!"

Paglabas niya sa Facultea, isang matamis na ngiti ang namuo sa mga labi ni Mariel,
tila kinikilig sa naging interview niya kay Mario, ang kanilang pakikipagkamay, ang
mga ngiti at "cool" na pagsagot ng kaniyang kapanayam. Noong una, paghanga lang ang
nararamdaman niya para kay Mario, pero ngayong nagkakilala na sila, mukhang nag-
level up na.

Teka, paano na niyan si Cris?


***
A/N: Kagaya sa balita, dapat ipakita ang dalawang mukha ng isyu. Sa unang tatlong
kabanata, lantarang binatikos ang mga manunulat na tulad ni Mario Santiago. Sa
bahaging ito, oras naman para maipahayag ni Mario ang kanilang panig.

Abangan ang ikalawang bahagi ng kabanatang ito.

P.S. Gets n'yo ba ang reference sa title?


Chapter 4.2: Si 'Tiago at si Ibarra (Part Two)
A/N: Sa ikalawang bahagi ng Si (San)Tiago at si Ibarra, si NIELSEN ang POV
character. Kung hindi pa kayo pamilyar sa kaniya, basahin muna ang Chapter 2.

Hindi naging maganda ang araw ni Nielsen. Naghintay siya ng mahigit tatlumpung
minuto sa Office of Student Affairs para kapanayamin ang director tungkol sa
nalalapit na Cultural competition. Sanay na siyang maghintay ng ilang minuto para
sa kaniyang mga interviewee pero biglang nagkaroon ng emergency meeting ang
director kaya na-reschedule ang kaniyang interview. Aniya, nasayang ang tatlumpung
minuto ng kaniyang buhay para sa wala.

Sa kaniyang pagkainis na itinago sa kaniyang pekeng ngiti, pumunta siya sa opisina


ng Avant Garde para doon magpalamig ng ulo. Tulad ng opisina ng Writers' Bloc,
halos kasing laki ng regular na classroom ang kanilang office. Ang pagkakaiba sa
Bloc, hati ang buong kuwarto sa apat na cubicle. Mas malaki ang espasyo sa cubicle
para sa mga manunulat habang mas maliit ang mga cubicle para sa mga graphic artist
at photojournalist. 'Yung nasa pinakadulo ay ang cubicle para sa executive board o
mas kilala bilang Big 3 ng Avant Garde: EIC, associate at managing editor. May
dalawang desktop computer sa cubicle para sa mga manunulat habang tig-iisa sa iba
pa.

Napaupo sa upuang monobloc si Nielsen, panay ang buntong-hininga dulot ng


pagkadismaya. Walang tao sa writers' cubicle dahil halos lahat sila, may pasok ng
ganitong oras.

Habang nagpapalamig at nagpapalipas ng oras si Nielsen, kinuha niya ang kopya ng


bagong isyu ng Bloc ngayong linggo. Hindi talaga siya nagbabasa ng kanilang
literary magazine, pero dahil sa isyung ito na-publish ang unang kabanata ng ABC
Mystery ni Cris Ibarra, minabuti na niyang bumili para basahin ang kuwentong
isinulat ng kaniyang matalik na kaibigan.

Sa cover ng magazine, nakabalandra pa rin ang artwork ng Para Sa Mga Na-friendzoned


series ni Mario Santiago. Sa magkabilang bahagi ng magazine nakaimprenta ang titulo
ng iba pang mga kuwento kabilang ang ABC Mystery. Pagbukas nito, nilagpasan niya
ang mga teen fiction story at dumiretso sa mystery genre ni Cris.

Unang talata pa lang, kinilabutan na kaagad si Nielsen, tila ramdam na ramdam ang
suspense factor ng kuwento. Hindi niya inakalang ganito ang magiging kalalabasan ng
isinulat ng kaniyang kaibigan. Bawat eksena, halatang pinag-isipan. Bawat salita sa
dayalogo ng mga tauhan, halatang pinag-aralan. Bawat pahina, mapapaisip ang mga
mambabasa. Kahit paano, nakatulong ang pagbabasa niya nito para pansamantalang
makalimutan ang kaniyang naging problema kanina. Pero medyo nainis si Nielsen nang
matapos ang kuwento dahil binitin siya ng manunulat.

Biglang bumukas ang pinto ng kanilang opisina. Dinig na dinig ni Nielsen ang mga
malulutong na yapak ng heels na tila patungo sa cubicle kung saan siya nakaupo. Sa
tagal na niyang tumatambay rito, nakabisado na ni Nielsen kung kanino ang yapak ng
bawat taong pumapasok dito. Kapag masyadong mabigat ang yapak, tiyak na sa EIC o
'di kaya'y sa managing editor. Kapag medyo malutong, sa mga babaeng writer o
editor. Sa kaniyang hinala, isang babae lang ang pupunta sa opisina ng ganitong
oras.

"Hi!" bati ni Mariel nang makita si Nielsen na nag-iisa sa cubicle. Hindi


nakalampas sa mga mata ng ating news writer ang hindi mabura-burang ngiti sa labi
ng kaniyang bagong dating na kasama. Lagi namang nakangiti si Mariel sa lahat ng
pagkakataon, pero nahalata ni Nielsen na parang may kakaiba. Pati ang mga mata
niya, tila may ningning.
"Na-interview mo na ang director ng OSA?" tanong ni Mariel nang naipatong ang
kaniyang bag sa mesa at makaupo na.

"Hindi nga e. Nakakairita. Pinaghintay nila ako nang matagal tapos kanselado pala,"
sagot ni Nielsen, halatang hindi pa rin siya makapag-move on sa pagkadismayado sa
interview. "Ngayong hapon na ang deadline ko. Salamat sa kanila, mukhang magpapa-
extend ako sa editor namin. Natapos mo na ba ang assignment mo?"

"Kakatapos ng interview ko kay Mario kani-kanina lang." Inilabas ni Mariel ang


notebook kung saan niya isinulat ang mga naging pahayag ng kaniyang kinapanayam.
"Sa tingin ko, matatapos ko na ngayong araw 'yung article ko."

"Speaking of Mario, nabasa mo na ba 'yung latest issue ng Bloc?" Ipinakita ni


Nielsen ang kaniyang kopya.

"Ah, oo. Nabasa ko na 'yung chapter five ng Na-friendzoned series."

Kapag ba Bloc ang pinag-uusapan, 'yung nobela ni Mario Santiago ang kaagad naiisip
ng mga mambabasa? Naging mukha na ba ng Bloc ang Na-friendzoned? tanong ni Nielsen
sa kaniyang sarili.

"Wala ka bang napansing bago o kakaiba sa isyu ngayon?"

Napatingin tuloy sa kisame si Mariel, mukhang inaalala kung may kapansin-pansin sa


kaniyang pagbabasa. "Parang wala naman e."

"Hindi mo ba napansin ito?" Itinuro ni Nielsen ang ABC Mystery na nasa cover ng
Bloc. "Na-publish ngayong isyu 'yung kuwento ni Cris."

Nanlaki ang mga mata ni Mariel, nabigla sa kaniyang nalaman. "Ta-Talaga? Hindi ko
man napansin nung bumili ako kanina!"

Paano mo mapapansin, e 'yung kay Mario lang 'yung sinusubaybayan mo? naisip ni
Nielsen pero hindi na lang niya sinabi dahil baka masaktan ang kaniyang kausap.
"Alam kong hindi mo trip ang mga mystery story at mas bet mo 'yung mga love story
tulad ng kay Mario, pero subukan mong basahin 'yung isinulat ni Cris."

"Sige, babasahin ko mamaya," sagot ni Mariel habang nakatingin sa kaniyang phone at


pumipindot-pindot sa screen nito. "Tatapusin ko muna 'yung article ko."

At dahil kasing-talas ng mga mata ng lawin ang mga mata ni Nielsen, kaagad niyang
napansin ang tila kinikilig na ngiti ni Mariel habang may tina-type sa kaniyang
phone. Pinagmasdan muna siya ni Nielsen at inobserbahan ang kaniyang maliliit na
paggalaw.

"Mukhang masaya ang araw mo ngayon ah," komento ni Nielsen, nakatingin pa rin sa
kaniyang kasama na busy sa pagte-text. "May nangyari bang maganda?"

"Wala naman," sagot ni Mariel na halatang may tinatago. "Natural lang sa 'kin na
maging masayahin."

Sinungaling, bulong ni Nielsen. "Napansin ko na medyo natutuwa ka sa mga text


message na natatanggap mo. Kitang-kita mula sa puwesto ko na mas lumalaki ang iyong
ngiti. Kung tama ang hinala ko, si Mario Santiago 'yang ka-text mo no?"

"Halata b--" Biglang napatingin si Mariel sa kaniya, nagulat na may halong


pagtataka. "Te-Teka, paano mo nalaman?"

"Ngayon lang kita nakitang distracted habang nagsusulat ng article. At saka hindi
ka nagte-text kapag nasa office ka maliban kung importante talaga 'yung message,"
sagot ni Nielsen. "Kaya naisip ko, sino kayang puwedeng ka-text ngayon ni Mariel na
dahilan para hindi muna siya mag-focus sa kaniyang ginagawa? Na-interview mo si
Mario kanina at malaki ang tsansang kinuha mo ang numero niya para kung sakaling
may mga hindi ka natanong, puwede mo siyang makontak."

"Alam mo bang natatakot ako sa'yo minsan kapag ipinapamalas mo 'yang mind-reading
trick mo?" tugon ni Mariel, balik ang tingin sa kaniyang phone. "Nangangamusta si
Mario kung ligtas ba akong nakabalik sa office."

"Bale hindi ikaw ang unang nag-text sa kaniya?"

"Wala pa naman akong tanong sa kaniya at ayaw ko siyang istorbohin sa kung ano
'yung ginagawa niya."

"Kataka-taka," bulong ni Nielsen, napaisip sa ibinunyag ng kaniyang kasama.


"Masyado naman atang concerned si Mario para kay Mariel. O baka naman... Teka,
Mariel, ikaw ba 'yung humingi ng number niya?"

"Actually, siya 'yung nagtanong kung puwedeng mahingi 'yung number ko. Balak ko nga
sanang kunin 'yung number niya pero medyo nahihiya ako. Buti't siya mismo 'yung
nagtanong," paliwanag ni Mariel.

"Tsk. Tsk. Sabi ko na nga ba..." Napailing si Nielsen habang nakakrus ang kaniyang
mga braso. "Minsan, ayaw kong tumatama 'yung mga hinala ko."

Palihim niyang inilabas ang kaniyang phone at nag-type ng mensahe para kay Cris.

Nielsen (3:52PM): "Busy ka ba ngayon? May balita ako sa'yo."

Limang minuto ang lumipas bago nakapag-reply ang kaniyang tinext.

Cris (3:57PM): "Nagmi-meeting kami ng editor ko ngayon para sa ABC Mystery. Ano ba
'yang balita mo?"

Nielsen (3:57PM): "Mahirap ipaliwanag sa text. Mga anong oras kayo matatapos?"

Cris (3:59PM): "Hindi ko pa alam. Mamaya mo na lang ako i-text kung ayaw mong
sabihin ngayon."

Kung alam mo lang kung ano'ng nalaman ko, baka ngayon mismo e iwan mo na 'yang
editor mo, sabi ni Nielsen sa kaniyang sarili. Sa ngayon, obserbahan ko muna itong
si Mariel para kay Cris.

Halos isang oras ding nakatambay si Nielsen sa kanilang opisina, nakatunganga


habang naglalaro ng Clash of Clans. Kada minuto, sinusulyapan niya ang ginagawa ni
Mariel na busy sa pagsusulat habang patingin-tingin at pa-text-text sa kaniyang
phone. Meron isang pagkakataon na biglang namula ang kaniyang pisngi habang
nagbabasa ng message na tila kinikilig.

"Excuse me, Mariel," inistorbo ni Nielsen ang kilig moment ng kaniyang kasama.
"Nag-expire na 'yung unli ko. Kailangan ko na kasing i-text 'yung editor ko. Puwede
bang pa-text naman sa phone mo?"

"Sure," iniabot ni Mariel ang kaniyang phone kay Nielsen at bumalik sa pagsusulat
ng article.

"Inbox... inbox..." bulong ni Nielsen habang bino-browse ang phone ni Mariel. Hindi
niya pinapahalata sa kaniyang mukha at mga galawa na iba ang pakay niya sa phone na
kaniyang hawak ngayon. "Saan nga kasi 'yung delete dito... Ah, nakita ko na!"

Umabot na yata sa halos limampu ang palitan ng message nina Mariel at Mario. Puro
kumustahan at "background check" ang naging topic ng kanilang usapan. Ni wala mang
tinanong si Mariel kaugnay ng kaniyang isinusulat na article.

"Galawang Mario Santiago, huh..." bulong ni Nielsen.

Pero sa sobrang haba ng message thread ng dalawa, ang nakakuha sa atensyon ni


Nielsen ay ang mga latest na message mula kay Mario:

Mario (05:18PM): Mamaya ko na itutuloy 'yung pagsusulat ko sa susunod na kabanata.


Tapos ka na ba sa ginagawa mo? Let's have coffee once you are done? I owe you one
kanina.

Mariel (05:19PM): Nakakahiya naman. Ayos lang sa 'kin 'yung kanina. You owe me
nothing. :)

Mario (05:20PM): Pero hindi tanggap ng konsensiya ang nangyari kanina. So puh-
lease?

Mariel (0522PM): Hmm... Okay! :) Patapos na rin naman ako.

Mario (05:23PM): Thanks! Magkita tayo kung saan nagkakape sina Nathaniel at
Elizabeth.

"Tapos ka na ba?" tanong ni Mariel na ikinagulat ni Nielsen.

"Ah, e, oo," sagot niya, sabay balik sa phone ng kaniyang kasama. Kainis! Hindi ko
nakita kung saang coffee shop sila magkikita!

"Mamaya ko na ita-type itong article ko," sabi ni Mariel matapos ilagay sa kaniyang
bag ang mga gamit niya. "Magko-coffee muna ako."

"Sige, ingat!" Hinintay muna ni Nielsen na umalis si Mariel bago siya bumalik sa
pag-iisip kung saan magtatagpo ang dalawa.

"May tatlong coffee shop sa paligid ng university: Starbucks, Coffee Academy at


Xtremely Espresso. Ang mahirap, hindi ko alam kung saan madalas bumili ng coffee si
Mariel. Pero baka depende sa choice ni Mario kung saan sila magkikita."

Magkita tayo kung saan nagkakape sina Nathaniel at Elizabeth.

"Sino ba sina Nathaniel at Elizabeth?" tanong ni Nielsen. "Mga artista ba sila o


tauhan sa isang movie o drama? Isa ba itong coded message? Baka naman..."

Labag man sa kaniyang saloobin, binuksan niya ang kaniyang kopya ng Bloc at binasa
ang chapter five ng Para Sa Mga Na-friendzoned series ni Mario. Mabilisan niyang
binasa ang bawat linya, bawat talata, naghahanap sa isang coffee shop na nabanggit
sa kuwento.

Basta-basta na lang ako tumakbo sa daan. Wala na akong pakialam kung may
mabangga ako o kung sagasaan ako ng jeep. Hindi ko na matiis. Masakit. Masyadong
masakit. Daig ko pa ang unti-unting nagpapatiwakal.

Sa aking pagtakbo, hindi ko namalayan na nasa harap na ako ng Coffee


Academy, ang lugar kung saan kami madalas mag-usap ni Elizabeth noon at
nagpapalitan ng kuro-kuro tungkol sa buhay. Ang lugar na puno ng masasayang
memorya.
"Korni naman nito," bulong ni Nielsen matapos basahin ang parteng 'yon. "Teka,
dapat ko na bang sabihin si Cris tungkol dito? O dapat ko munang kumpirmahan kung
talagang magkikita ang dalawang 'yon ngayon?"

Hindi na nag-aksaya ng oras si Nielsen at lumabas na siya sa kanilang opisina. Kung


lalakarin, aabot ng limang minuto bago makarating sa Coffee Academy.

Pagpasok niya sa coffee shop, kumuha siya ng isang magazine sa bookstand at umupo
sa may bandang harapan. Kunwari niyang binabasa ang kopya ng Adobo magazine habang
palihim na sumisilip kung saan puwedeng nakaupo si Mariel at ang ka-meeting nito.

Medyo malinaw pa ang mga mata ni Nielsen kaya sigurado siya na ang babaeng nakaupo
sa may bandang likuran ng shop ay ang kaniyang hinahanap. May kasama itong lalaki
na nakasalamin, payat at mukhang high school student. Napagtanto tuloy ni Nielsen
na hindi niya alam ang itsura ni Mario dahil hindi pa niya ito nakikita sa
personal. Pero sa tingin niya, ang lalaking kaharap at katawanan ngayon ni Mariel
ang kontrobersiyal na manunulat.

Bzzz... Bzzz...

Biglang nag-text si Cris sa kaniya, nagtatanong kung nasaan siya at kung tungkol
saan ang gusto sana niyang sabihin kanina.

"Nasa Coffee Academy ako ngayon. Pumunta ka rito ASAP," reply ni Nielsen kay Cris.

Makalipas ang limang minuto, biglang tumayo ang dalawang minamanmanan ni Nielsen at
naglakad palabas ng shop. Mabuti't nakatulong ang magazine para hindi siya mapansin
ni Mariel kahit medyo kahina-hinala na ang kaniyang kinikilos. Hindi muna siya
lumabas ng coffee shop habang hindi pa nakakalayo ang dalawa.

Dalawang minuto pa ang lumipas, pumasok si Cris sa shop, palingon-lingon sa paligid


at hinahanap ang kaniyang kaibigan. Ibinaba ni Nielsen ang hawak niyang magazine at
sinenyasan ang ipinatawag niyang kaibigan.

"Kumusta?" bati ni Cris na medyo hinihingal pa. Malamang, tumakbo siya papunta
rito. "Hi-hindi ko alam na mas paborito mo ang Coffee Acad kaysa sa Starbucks. Ano
bang dapat kong malaman at bakit kailangang personal pa?"

"Sigurado akong magugulat ka sa sasabihin ko," sagot ni Nielsen. "Bago ang lahat,
may personal ka bang galit kay Mario Santiago?"

"Mario?" pag-uulit ni Cris, nagtataka kung bakit biglang natanong 'yon ng kaniyang
kaibigan. "Wala naman. Ayaw ko lang 'yung mga isinusulat niya."

"Kung gano'n, tiyak akong magkakaroon ka na ng personal na dahilan para kamuhian


siya," tugon ni Nielsen na binibitin pa ang kaniyang kaibigan.

"Medyo naguguluhan ako sa sinasabi mo," sagot ni Cris, halata sa kaniyang mukha ang
pagtataka. "Ang mabuti pa, diretsohin mo na ako. Huwag ka nang magpaligoy-ligoy
pa."

"Kasi, ang totoo niyan, sina Mariel at Mario ay magkas-"

Pero biglang tumigil si Nielsen at napatulala sa may pintuan ng shop.

"Ba't ka tumigil?" napatanong tuloy si Cris at lumingon kung saan nakatitig ang
kaniyang kausap. "Ano bang meron kina Mariel at Mar-"
Nakita ng magkaibigan si Mariel na muling pumasok sa shop kasama ang isang lalaking
nakasalamin.

"Ma-Mariel?"

Nahalata ni Nielsen sa mukha ni Cris na hindi niya inaasahang makikita sa shop na


ito ang kaniyang crush.

"Cris? Neilsen? Nandito rin pala kayo?" May halong surpresa ang pagtatanong ng
dalaga.

Ang akala ko umalis na sila! Hindi rin inaasahan ni Nielsen na babalik ang kaniyang
minamanmanan kanina.

"Siya nga pala, Cris at Nielsen, siya si Mario Santiago," pagpapakilala ni Mariel
sa kasama niyang lalaki. "Mario, siya si Nielsen Guevarra ng Avant Garde at siya si
Cris Ibarra na balita ko'y nagsusulat na rin para sa Bloc."

"Ah! Siya 'yung sumulat sa ABC Mystery!" biglang sambit ni Mario.

Biglang naramdaman ni Nielsen ang tumitinding tensyon sa café. Sa 'di inaasahang


pagkakataon, nagkita ang dalawang manunulat na magkaiba ng paniniwala at pananaw
pagdating sa paghabi ng kuwento. Hindi rin nakatakas sa kaniyang mga mata ang
reaksyon ni Cris nang makilala ang taong nasa harap niya ngayon at ang nasa tabi ni
Mariel.

"Mario... Santiago..." Narinig ni Nielsen na bumulong ang kaniyang kaibigan, may


halong galit ang kaniyang boses.

Chapter 5: Red-Handed
Nakapatay ang ilaw sa kuwarto ni Cris. Nakakabingi ang katahimikan dito maliban sa
tunog ng aircon na nagpapalamig sa paligid. Nakabukas ang kaniyang laptop at ang
isang Word document kung saan may nakasulat na "Chapter Two Summary."

Kung dati'y nakatihaya lang si Cris habang nag-iisip kung ano ang isusulat, ngayo'y
nakabalot siya ng kumot, nakahiga at nakatingin sa kawalan. Para siyang nahalikan
ng isang Dementor at wala ni isang bahid ng kasiyahan ang makikita sa kaniyang
tulalang mukha.

Kinapa niya ang kaniyang kanang pisngi na kanina'y namumula at medyo masakit. Muli
na naman niyang naalala ang insidente sa CofiAcad kaninang hapon.

Mula sa pagkakahiga, bigla siyang napaupo at kinuha ang bagong isyu ng Bloc na
nakakalat sa tabi-tabi. Una muna niyang tinitigan ang cover page kung saan
nakasulat ang titulo ng kaniyang kuwento at ang kaniyang pangalan. Kaagad niyang
inilipat ang mga pahina kung saan mababasa ang kaniyang akda.

ABC Mystery

Written by Cris Ibarra

Art by Kimberly Rodis

"Para saan pa ang lahat ng ito..." bulong niya sabay bato ng kaniyang hawak sa
pader. Muli siyang bumalik sa pagkakahiga at binalutan ng kumot ang kaniyang
sarili. Para tuloy siyang cocoon na naghihintay na magkaroon ng mga pakpak at
lumipad kasama ang iba pang mga paru-paro.
Bzzz... Bzzz... Bzzz...

Napalingon si Cris sa kaniyang phone na patuloy sa pagba-vibrate. Wala masyadong


tumatawag sa kaniya sa mga ordinaryong araw kaya medyo nagtaka siya kung sino ang
gustong istorbohin ang kaniyang pagmumuni-muni.

"Erland is calling..." naka-flash sa kaniyang screen.

Huh? Nag-usap na kami kanina ni Earl. Bakit kaya siya napatawag ngayon? pagtataka
ni Cris. "Hello?"

"Magandang gabi, Cris. Naistorbo ba kita?" sagot ni Erland. Kagaya ng dati at


normal, monotonous ang kaniyang tono ng pananalita.

"Hindi naman. Nagpapahinga muna ako bago ko simulan 'yung summary ng chapter two.
Bakit bigla kang napatawag?" Mahahalata sa kaniyang boses na wala siyang gana para
makipag-usap.

"Matamlay ka yata ngayon. May sakit ka ba?"

"Wala, huwag mo akong alalahanin. Medyo inaantok lang," pagsisinungaling ni Cris.


Minabuti na niyang huwag sabihin sa kaniyang editor kung ano ang nangyari kanina.

"Masakit ba?" tanong ni Erland na nakakuha sa buong atensyon ng kaniyang kausap.

Masakit? Alam ba niya kung ano talaga 'yung nangyari? May sinabi kaya si Mario sa
kanila?

"Nakapag-Facebook ka na ba ngayong gabi?" Biglang iniba ni Erland ang kanilang


paksa bago pa man makasagot si Cris kung "masakit ba."

"Walang wi-fi sa dorm ko kaya wala akong access sa internet," tugon ni Cris. "Ano
bang meron at bakit bigla kang napatawag? May nakalimutan ka bang sabihin sa akin
sa meeting kanina?"

"Kung hindi ka busy, magkita tayo within fifteen minutes sa pizza parlor sa tapat
ng Starbucks." Muling iniwasan ni Erland ang direktang pagsagot sa tanong nya. "May
kailangan akong ipakita sa'yo."

Biglang nabuhayan ng dugo si Cris, nagising ng kuryosidad ang kaniyang diwa. Ano
kaya ang ipapakita sa akin ni Earl? Bakit hindi niya ito ipinakita noong nag-
meeting kami kanina? Ganito ba ka-urgent ang bagay na 'yon para tawagan ako ngayong
alas-otso ng gabi?

Sa halip na paulit-ulit na pag-isipan ang mga tanong na ito, pinili ni Cris na


bumangon at mag-ayos ng sarili bago lumabas sa kaniyang dorm at maglakad patungo sa
tagpuan nila ng kaniyang editor. Habang naglalakad si Cris, napatingin siya sa
buwan at napaisip nang malalim tungkol sa mga bagay-bagay sa buhay. Dahil sa naging
busy ang kaniyang utak sa pag-iisip, muntikan na siyang masagasaan ng isang kotseng
nagmamadali sa destinasyon nito. Mabuti na lang at may sumigaw sa kaniya ng "Tabi!"
kundi tiyak na nasa ospital na siya ngayon.

Pagkarating niya sa pizza parlor, tumambad sa kaniya ang mga estudyanteng


nakauniporme na busy sa pakikipagtsismisan sa kanilang mga kaibigan habang kumakain
ng pizza at umiinom ng softdrinks. Gaya ng kaniyang inaasahan, nakaupo sa bandang
dulo ng shop si Earl, sa lugar na kaunti lang ang mga tao.

"Magandang gabi," bati ni Cris sabay upo sa harap ni Erland, matamlay pa rin ang
boses. "Buti't nasa school ka pa, Earl."
"May tinapos lang akong paperwork sa office kani-kanina lang," sagot ng kaniyang
editor na nakauniporme pa rin at kumakain ng Hawaiian-style pizza.

"Sadya bang mahangin sa labas o talagang hindi ka lang nagsusuklay?" pabirong


tanong ni Cris, nakatitig sa buhok ni Erland na parang dinaanan ng bagyo.

"Sa totoo niyan, wala akong masyadong pakialam kung ano ang hitsura ko," mabilis na
sagot ng kaniyang editor, tila sineryoso ang pagtugon kay Cris. "Basta okay akong
tingnan sa salamin, ayos na ako. Hindi ako kagaya ng mga taong oras ang ginugugol
para magpapogi o magpaganda sa harap ng iba. Mga mapagpanggap ang mga gano'ng uri
ng tao. Sinusubukan nilang takpan ng kanilang panlabas na kaanyuan ang kanilang
kakulangan sa talino at moral."

Napatitig na lang si Cris sa kaniyang kasama at namangha sa pananaw nito. "Kung sa


bagay, kaniya-kaniyang taste lang ang mga bagay tulad ng fashion, maging sa mga
librong binabasa natin. Hay..."

"Bakit ba mukhang malungkot ka ngayon?" tanong ni Erland matapos marinig ang


pagbuntong-hininga ni Cris. "Dahil ba 'to sa pagpapalit ng pamagat ng kuwento mo sa
Bloc? Ayaw mo ba 'yung ABC Mystery? Siya nga pala, may gusto ka bang kainin?"

"Salamat pero wala akong ganang kumain ngayon," tugon ni Cris. "Hindi naman
problema sa akin ang pagpapalit ng pamagat. Pero naisip ko kani-kanina lang na
parang pambata 'yung ABC Mystery. Parang 123 lang."

"Ipinaliwanag ko na sa'yo kanina kung bakit hindi bagay ang Perfect Crime bilang
pamagat, 'di ba?" pagpapaalala ni Erland. "Kapag tinanong ng mga mambabasa kung
bakit Perfect Crime ang title, masyadong obvious ang sagot. At saka hindi talaga
mga perpektong krimen 'yung ginagawa ng mga salarin sa kuwento. E 'di sana hindi
nabibisto ng bida 'yung mga trick. Pero kung ABC Mystery ang pamagat, tiyak na
mapapaisip sila, bakit kaya ganito ang title? Kaagad silang maku-curious at, kung
susuwertehin, mahu-hook sa iyong kuwento."

Kung anuman ang mga napag-usapan nilang dalawa kaninang hapon, tila nakalimutan na
ang lahat ng mga ito ni Cris. Parang flash drive na na-format ang kaniyang memorya
matapos ang insidente kanina.

"Naintindihan ko na," sagot ni Cris kahit hindi naman talaga. "Pero hindi 'yon ang
dahilan kung bakit ako malungkot ngayon. Teka, bakit mo ba ako pinatawag dito?
Hindi mo naman siguro ako iistorbohin para lang makipagkuwentuhan tungkol sa buhay-
buhay. At ano 'yung ipakikita mo sa 'kin?"

"Dahil wala kang wi-fi sa dorm, hindi ka nakakapagbukas ng Facebook, tama?"

"Obviously," sagot niya, naguguluhan kung bakit Facebook ang naging topic nila
ngayon. "At saka ayaw ko ring mag-aksaya ng oras doon. Puro mga selfie ng mga
gandang-ganda sa sarili 'yung bumabaha sa news feed ko. Isama mo pa 'yung mga
madramang status ng mga virtual na kaibigan ko na ginawang diary ang kanilang
wall."

"Kung gano'n, tama bang isipin na hindi mo pa nakikita ang video na 'to?" Iniabot
ni Erland ang kaniyang phone kay Cris. Sa screen nito, magkikitang nagpe-play ang
video kung saan may apat na taong nag-uusap; tatlong lalaki at isang babae. Kaagad
nakilala ni Cris kung sino-sino ang mga ito: siya, si Nielsen, si Mariel at si
Mario Santiago. Dahil dito, bigla niyang naalala kung ano'ng nangyari kanina sa
CofiAcad...

"Nice to meet you, Cris," iniabot ni Mario Santiago ang kaniyang kamay. "Nabasa ko
na 'yung unang kabanata ng nobela mo. Hindi ko mapagkakailang napaisip talaga ako.
Gusto ko na ngang mabasa 'yung susunod na kabanata."

Mula sa nanlilisik na mga mata ni Cris, nagbalik ang mga ito sa normal nilang
porma. Tinanggap niya ang alok na pakikipagkamay ng kapwa niya manunulat sa Bloc at
nagpakita siya ng ngiting tila may masamang binabalak. "Nagagalak akong malaman na
nabasa mo ang kuwento ng isang baguhang katulad ko."

"Kakaiba ang ABC Mystery sa mga kuwentong makikita sa Bloc kaya refreshing itong
basahin," pagpapatuloy ni Mario na hangang-hanga sa tulad ni Cris. "Sa tingin ko,
hindi ko kayang gumawa ng gano'ng kalalim na istorya."

"Halata naman," sagot ni Cris, dahilan para mapatingin sa kaniya ang kaniyang mga
kasama. "Base sa plot na recycled mula sa mga popular na drama at sa mga tauhan
mong generic na hango mula sa mga nag-hit na kuwento noon, halatang walang
masyadong orihinalidad at pagkamalikhain ang isinusulat mo."

Bigla siyang siniko ni Nielsen at binulungan, "Hoy, kalma lang. Nasa tabi niya si
Mariel at nasa pampublikong lugar tayo." Pero hindi pinansin ni Cris ang paalala ng
kaniyang kaibigan at nagpatuloy sa pagbatikos kay Mario. Mukhang wala nang
makapipigil sa kaniyang bibig mula sa paglalabas ng mga matatalim na salita.

"Hindi ko alam kung bakit naging hit ang Para Sa Mga Na-friendzoned series mo.
Siguro 'yung mga mambabasang nakakulong at hindi makalabas sa friendzone ay
nakahanap ng kalinga sa nobela mo na sobra sa pagkadelusyonal. Nililinlang mo ang
mga mambabasa na laging may bahaghari pagkatapos ng bagyo. Pero ang totoo niyan,
hindi laging nangyayari 'yon sa totoong buhay!" Palakas nang palakas ang kaniyang
boses pero wala na siyang pakialam kung magtinginan ang mga nasa coffee shop sa
kanila.

"Nielsen, pustahan tayo, magiging happy ending ang kuwento nina Nathan at Eloisa,"
sabi ni Cris sa kaniyang katabi na mukhang nahihiya na para sa kaniyang kaibigan.
"Mapagtatanto ni Eloisa na mahal din pala niya si Nathan tapos magkikita silang
dalawa at... voila! Happy ending na!"

Nagiging awkward na rin ang sitwasyon para kina Mario at Mariel na kanina pa
nakatayo simula nang umpisahan ni Cris ang kaniyang tirada sa numero unong
manunulat ng Bloc. Ilang beses sinubukan ni Mario na depensahan ang kaniyang sarili
at ang kaniyang nobela mula sa mga panunutya, pero patuloy sa pagsasalita si Cris
na parang machine gun.

"Naiintindihan mo ba kung anong ibig kong sabihin, Mario?" tanong ni Cris.

"Hi-Hindi ko maintindihan kung para saan ang iyong mga komento," mahinahon na sagot
ni Mario. Para tuloy siyang isang nerd na binu-bully ng lalaking nasa harap niya.
"Pero sana huwag mo nan---"

"ANG IBIG SABIHIN," biglang putol ni Cris sa tugon ni Mario, "Masyado kang mababaw
mag-isip at magsulat kaya masyadong predictable ang kuwento mo. Kaya payo ko sa'yo,
basahin mo 'yung ABC Mystery at pag-aralan kung paano magpakilala ng kakaibang
tauhan at kung paano hindi magiging obvious ang mga susunod na kabanata ng
istorya."

"PASENSYA na, Cris, pero mukhang magkaiba tayo ng opinyon tungkol sa pagsusulat ng
kuwento kay--"

"Tama ka, magkaiba tayo ng opinyon sa bagay na ito... pero sinasabi ko na sa'yo na
MALI ang opinyon mo! Kung ako sa 'yo, titigil na ako sa--"
PAK!

Isang malutong na sampal ang nagpatigil sa walang humpay na bibig ni Cris. Nanlaki
ang kaniyang mata nang dumampi sa kaniyang kanang pisngi ang kaliwang kamay ni
Mariel. Bigla itong namula at bahagyang namaga.

"Ma-Mariel..."

"Ma...masaya akong malaman na may na-publish kang kuwento sa Bloc..." komento ni


Mariel, medyo nanginginig at mahina ang boses. "Pero hindi ko inakalang magiging
mayabang at mapagmataas ka na dahil doon!"

Biglang lumabas ng coffee shop si Mariel na sinundan ni Mario.

"Mariel! Teka lang!" SInubukan ni Cris na sumunod sa kanila pero pinigilan siya ng
kaniyang kaibigan. "Nielsen, bitawan mo ako! Kailangan kong magpaliwanag kay
Mariel!"

"Hindi ito ang tamang panahon para kausapin mo siya," sagot ni Nielsen habang
hawak-hawak ang braso ni Cris. "Pinaalalahanan na kita kanina na nasa harap mo si
Mariel, nakikinig sa mga sinasabi mo tungkol sa paborito niyang manunulat sa Bloc
pero nagpatuloy ka pa rin sa pagpapahiya kay Mario."

"Tsk..."

Gusto na ngayong inuntog nang paulit-ulit ni Cris ang kaniyang ulo sa mesa nila ni
Erland. Hiyang-hiya siya sa nangyari. Sa katunayan, nagsisisi siya kung bakit
hinayaan niyang pangunahan siya ng kaniyang emosyon. Kung naging kampante lang
siya, baka hindi bumakas sa kaniyang mukha ang kamay ni Mariel.

"Writers' quarrel... Hindi masyadong creative pero bagay na pamagat sa video ng


nangyari kanina," komento ni Erland nang ibalik ni Cris ang kaniyang phone. "Sa
kasalukuyan, may 48 shares na ito at patuloy pang kumakalat sa community pages ng
university. Malay mo ma-feature ka sa mga local o national news program kapag nag-
viral ang video mo."

Napatakip na lang ng mukha si Cris at paulit-ulit na umiling, sinusubukang


tanggalin sa kaniyang isipan ang kahihiyang nangyari kanina.

"Ayos lang sana kung nangyari ito sa pribadong lugar at wala masyadong nakakita,"
pagpapatuloy ni Erland. "Pero dahil nangyari ito sa isang café at nakunan pa ng
video, ibang usapan na 'to. Alam mo naman sigurong may fan club si Mario, 'di ba?
Alam mo ba kung ano'ng kinokomento nila sa video?"

"Wala na akong pakialam sa opinyon nila."

"Masyado ka raw mayabang e unang kabanata palang ang na-publish mo," sagot ni
Erland kahit hindi nagtanong si Cris. "Baguhan ka palang daw sa Bloc, binabangga mo
na ang isang higante. Alam mo rin ba kung ano'ng posibleng mangyari sa susunod na
mga araw?"

"Hulaan ko... makakatanggap ako ng death threats mula sa mga fan ni Mario
Santiago," pabirong sagot ni Cris na hindi ikinatuwa ni Erland.

"Kapag naging mababa ang rating ng kuwento mo base sa Facebook poll ng Bloc,
posibleng ikansela na ang kuwento mo at hindi na i-publish ang susunod na kabanata
nito," paliwanag ni Erland.

"Pero 'di ba hanggang ikaapat na kabanata ang hinahayaang ma-publish sa Bloc bago
pagdesisyunan kung itutuloy pa ito?" tanong ni Cris.

"Oo, para sa ibang mga writer. Pero dahil special case ang ABC Mystery, depende ang
pagpapatuloy nito kung magiging maganda ang reception ng mga mambabasa sa unang
kabanata nito. Ganito ang naging kondisyon ng EIC sa pag-publish sa kuwento mo. At
kapag nakansela ito, i-eedit ko na 'yung Badboy Meets Nerdie."

"HUH?! Bakit hindi mo agad sinabi sa 'kin na may kasunduan kayo ng EIC?"

"Ayaw kong ma-pressure ka lalo na't nagsisimula ka palang. Gusto kong nakatuon ang
atensyon mo sa pagsusulat," sagot ni Erland.

"Kung ganon, dapat maraming bumoto sa ABC Mystery sa poll ng Writers' Bloc para may
susunod pang kabanata?"

"Sa kasamaang palad, hindi nakatulong at mukhang lumala ang sitwasyon dahil sa
video ng insidente kanina," tugon ni Erland, napatingin sa kaniyang phone. "Pero
may isa kang tagapagtanggol. Narinig mo na ba ang Bloc Debunker? 'Yung blogger na
numero unong hater ng ating publication?"

"Narinig ko na mula sa kaibigan ko. Ano'ng meron sa blogger na 'yon?"

"Sinabi niyang panahon na para may magsabi kay Mario Santiago at sa iba pang tulad
niyang manunulat na mababaw silang mag-isip at magsulat," tugon ni Erland habang
binabasa ang nakasulat sa blog na kaniyang tinutukoy. "Mukhang nagustuhan niya ang
ABC Mystery base sa naging review niya rito. Pero kumpara sa mga fan ni Mario,
hindi gano'n kalakas ang impluwensiya ng Bloc Debunker kaya hindi namin siya
masyadong pinapansin."

"Alam na rin ba ng ibang editors ang tungkol sa video?"

"Sa katunayan, sila ang nagsabi sa akin na may video kayo ni Mario. Bakit mo ba
nasabi ang mga bagay na 'yon sa harap niya mismo?"

Medyo nahihiya pa si Cris na sabihin ang katotohanan sa kaniyang editor pero


bumigay rin siya. "Nawalan ako ng kontrol nang nakita kong magkasama sina Mario at
Mariel."

"Kung gano'n, gusto mo ang babaeng 'yon?" paintrigang tanong ng kaniyang kasama
matapos sumipsip ng konting softdrinks. "At ang dahilan kung bakit nawalan ka ng
kontrol ay dahil sa... selos?"

Tumango na lang si Cris bilang tugon.

Napailing si Erland sa naging sagot niya. "Kahit sang-ayon ako sa mga sinabi mo kay
Mario, ayaw kong kunsintihin ang ginawa mo. Hindi ang coffee shop ang tamang lugar
para ilabas ang iyong opinyon tungkol sa tulad niya. Pareho na kayong nagsusulat
para sa Bloc ngayon. At saka subukan mo ring kontrolin ang emosyon para wala nang
mangyaring tulad nito."

Itinaas ni Cris ang kaniyang kanang kamay, tila nagpapanata sa watawat ng


Pilipinas. "Pangako, hindi na ako gagawa ng bagay na ikakapahamak ko."

"Mabuti kung gano'n. Sa susunod na dalawang araw lalabas ang resulta ng Facebook
poll kaya may dalawang araw ka pa para ipanalangin na sana, walang maging masamang
epekto ang video sa rating ng ABC Mystery," paalala ng kaniyang editor. "Kahit
anumang mangyari, simulan mo nang isulat ang susunod na kabanata."

"At dahil diyan," sabi ni Cris sabay tayo mula sa kinauupuan, "babalik na ako sa
dorm para pag-isipan ang magiging takbo ngchapter two. May kailangan ka pa bang
sabihin sa 'kin?"

"Sa tingin ko, 'yun lang para sa gabing ito."

"Sige, mauna na ako. Magandang gabi." Kumaway muna si Cris sa kaniyang editor bago
siya naglakad palabas ng pizza parlor.

Walang kasiguraduhan kung anong mangyayari sa mga susunod na araw. Pinagsisisihan


na rin niya ang kaniyang nagawa at nasabi kanina sa harap ng kaniyang mortal na
kalaban. Pero kahit anong pagsisisi niya, wala na rin siyang magagawa para mabago
'yon.

Ang tanging magagawa lang ni Cris ngayon ay magpatuloy sa pagsusulat ng kaniyang


nobela kahit hindi pa siya sigurado sa magiging hinaharap nito.

Chapter 6: Game Changer


A/N: I usually update after 2- 3 days, pero dahil Christmas last week kaya medyo
delay! Hehe. If you have time, please leave a comment or suggestion for the next
chapters! :)

Ngayong Biyernes na ang araw ng paghuhukom. Hindi ng mga makasalanan at ng mga


banal, kundi ang paghuhukom sa magiging kapalaran ng ABC Mystery ni Cris Ibarra.

Dahil sa editorial board meeting tatalakayin kung mailalathala pa ang susunod na


kabanata nito, tanging ang editor ni Cris na si Erland ang kaniyang representante
at ang nag-iisang taong kayang maipaglaban ang mystery-genre niyang kuwento.
Makikita sa mukha ni Earl ang positibong aura na parang sasang-ayon sa kanila ang
desisyon ng board, lalo na ng editor-in-chief na si Xavier. Bukod kasi sa dala-dala
niyang chapter two draft na tinapos ni Cris kagabi, naging maganda ang 'di pa
opisyal na resulta ng Facebook poll. Sa 13 na kuwentong naka-publish sa isyu ng
Bloc nitong linggo, nasa ikaanim na puwesto ang ABC Mystery. Halos sampung boto
lang ang lamang ng nasa ikalimang puwesto na The Bad Girls and I kaya tiwala si
Erland na kayang makapasok sa top five ng kaniyang manok. Kagaya ng inaasahan, nasa
ikaunang puwesto pa rin ang Para Sa Mga Na-friendzoned series ni Mario Santiago.

Pagkarating ng EIC sa conference room ng kanilang opisina, kaagad nagsimula ang


pulong. Mukhang masama ang mood ni Xavier na ipinatawag ng kanilang publisher kani-
kanina lang. Hindi yata naging maganda ang kanilang naging pag-uusap.

"First things first, kumusta ang sales natin sa unang tatlong araw ng release ng
ating isyu ngayong linggo?" tanong ni Xavier na sinagot ng kanilang circulations
manager.

Napangiti at napatango ang EIC nang malaman na tumaas ng mahigit 100 ang kanilang
naibentang isyu.

Sunod na pinag-usapan ang mga kuwentong idadagdag sa lineup, mga patapos na series
o 'di kaya'y kakanselahin. Para kay Erland, ito na ang oras ng paghuhukom. Kahit sa
tingin niya'y magiging maganda ang resulta ng pulong ngayon araw, walang makikitang
bahid ng kayabangan o kumpiyansa sa kaniyang mukha. Naka-poker face siya at
nakatingin nang diretso sa taong nasa dulo ng mesa, ang EIC.

"Kumusta ang ABC Mystery ni Cris Ibarra?" tanong ni Xavier matapos malamang naging
patok sa netizens ang bagong chapter ng Na-friendzoned series. "Kumusta ang result
ng Facebook poll, likes at comments nito?"

"Ehem," umubo muna ang circulations manager bago simulan ang pagsagot. "Sa ngayon,
naging mainit ang reception ng mga mambabasa sa ABC. Pero kumpara sa mga love story
na ipina-publish natin sa unang chapters nila, hindi ito nakapasok sa top five. As
of 12 noon, nasa ikaanim itong puwesto."

"Wow, hindi na masama para sa isang bagong series na hindi naka-align sa theme
natin."

Nagpalakpakan ang mga editor maliban sa EIC at managing editor na seryoso pa rin
ang mga mukha.

"Sa comments section, baka hindi kayo maniwala pero nag-comment ang editor-in-chief
ng Avant Garde at ang vice president ng Central Student Council," pagpapatuloy ng
circulations manager na ikinagulat ng ibang kasama niya.

"Talaga? Ang bitchy EIC ng Avant Garde, nagkomento for the first time sa page
natin?" pagtataka ng isang editor sa tabi ni Erland.

"Hindi ba halos isumpa niya ang Writers' Bloc dahil puro daw korni at kajejehan ang
nasa mga isyu natin?" dagdag ng isa pang editor.

"Ayon sa kanila, malaking improvement daw sa line-up natin ang ABC Mystery at
sinabing dapat mga ganitong klase ng kuwento ang ipina-publish natin," dugtong ng
circulations manager. "At heto pa! For the first time in history, ginawan tayo ng
isang positive review ng Bloc Debunker!"

Nananatili pa ring kalmado at walang emosyon ang mukha ni Erland pero mapapansin sa
kaniyang mga labi ang palihim na pagngiti.

"At mukhang hindi lang ang ating numero unong fan ang may review para sa ABC,"
biglang sumingit si Kevin, ang acquisition editor. "Ayon sa aking source na taga-
Avant Garde, balak nilang gawan ng review ang kuwento ni Cris Ibarra."

"Ta-Talaga?" Nanlaki ang mga mata ni Elaine, ang mortal na karibal ni Erland sa
pagka-EIC. Hindi na kataka-taka para kay Erland ang pagkagulat ng editor ni Mario
dahil ni minsan, hindi pa nagawan ng review ang Na-friendzoned series sa Avant
Garde.

"Tungkol sa review," binasag na sa wakas ni Erland ang kaniyang pananahimik,


"kinausap na ako ng kanilang feature editor at tinanong kung puwedeng ma-interview
si Cris. Pero pinakiusapan ko muna siyang hintaying lumabas ang chapter two bago
isulat ang review dahil sa ngayon, hindi pa tayo sigurado sa magiging kinabukasan
ng ABC."

Biglang napatahimik ang lahat sa conference room. Sariwa pa sa kanilang mga memorya
ang deal sa pagitan ng EIC at ni Erland. Kung magiging maganda ang pagtanggap ng
mga mambabasa sa ABC, magpapatuloy ito sa mga susunod na isyu ng Bloc. Pero kung
hindi, ikakansela na ito at papalitan ng Badboy Meets Nerdie.

"Hindi natin maipagkakailang nagiging game changer ang ABC Mystery," komento ng
managing editor habang malalim ang iniisip ni Xavier. "Biglang nagsulputan 'yung
mga taong hindi natin inaasahang magkokomento sa isyu natin."

Game changer? Tama, gano'n ang gusto kong gawin sa buong Bloc. At ang ABC Mystery,
umpisa palang ng mga plano ko, naisip ni Erland habang pinakikinggan ang opinyon ng
managing editor.

"Dahil napag-uusapan natin si Cris Ibarra," humirit si Elaine na tila gustong


harangan ang pag-apruba sa ABC Mystery, "ipagwawalang-bahala na lang ba natin 'yung
pamamahiya niya kay Mario na nakunan ng video?"
"Nadala lang siya ng kaniyang emosyon kaya niya nasabi ang mga bagay na 'yon,"
kaagad namang dumepensa si Erland. Inaasahan na niyang may babanggit sa insidente
noong isang araw. "At saka kinausap ko na si Cris tungkol dito. Pinagsisisihan na
niya 'yung nangyari at nangako sa 'kin na mag-iingat na siya sa mga salitang
bibitawan niya."

"Pero bilang isang manunulat ng Bloc, napaka-unethical ng ginawa niya," buwelta ni


Elaine na ayaw magpatalo sa debate. "There's a proper venue for criticisms and
comments on a writer's work. And a coffee shop isn't one. I believe nakasulat 'yon
sa editorial and ethics manual natin."

Biglang napakunot ang noo ni Erland nang marinig ang pag-Ingles ni Elaine. Balak
niyang kontrahin 'yung mga sinabi ng kaniyang karibal pero naunahan siya ng
managing editor.

"Hindi pa ganap na writer ng Bloc si Cris kaya hindi pa siya sakop ng ating rules
and regulations. Pero kung mangyayari ulit ito, kahit hindi pa siya opisyal na
miyembro ng Bloc, doon tayo gagawa ng aksyon."

Napatahimik na lang sa kaniyang upuan si Elaine, hindi naging matagumpay ang


kaniyang balak.

"Nakapagdesisyon na ako," sabi ni Xavier na nakakuha sa atensyon ng mga editor.


Napalunok ng laway ang ilan sa kanila habang walang kurap ang titig ng iba sa
kanilang EIC. Pero si Erland, cool lang at mukhang hindi nababahala sa kung anuman
ang magiging hatol sa ABC Mystery.
"Para sa mga susunod na isyu ng Writers' Bloc, ang ABC Mystery ay..."

*****
Kaagad tinext ni Erland si Cris nang matapos ang meeting at sinabing magkita sila
sa lobby ng Bloc office. Hindi muna sinabi ni Erland kung ano'ng naging desisyon
tungkol sa kaniyang kuwento. Basta ang alam ni Cris, makikipagkita siya sa kaniyang
editor... at sa EIC.

Gaya ng inaasahan kay Erland, hindi mababasa sa kaniyang mukha kung ano ang naging
kinalabasan ng kanilang pulong kanina. Ang katabi niyang si Xavier, hindi rin
nagpapakita ng clue kung tanggap ba o hindi sa susunod na isyu ang ABC.

Pagpasok ni Cris sa lobby, kaagad napansin ni Erland ang ngiti sa mukha ng kanilang
bisita na parang nanalo siya sa lotto.

"Magandang hapon, Erland at Sir Chief," bati ni Cris sa kanila.

"Huwag mo na akong tawaging sir. Tawagin mo na lang akong Xavier," pagpapakilala ng


kanilang EIC. Iniabot niya ang kaniyang kamay kay Cris sabay sabing, "After all the
buzzes, it's my pleasure to finally meet you officially."

Nakapagkamay si Cris kay Xavier sabay tugon, "The pleasure is mine."

"Please have a sit."

Umupo muna silang tatlo sa sofa bago magsimula ang kanilang usapan. Wala pa ring
imik si Erland simula nang pumasok si Cris sa lobby. Naka-poker face pa rin siya
hanggang ngayon habanh tahimik na pinagmamasdan ang kaniyang writer.

"Hindi talaga ako personal na nakikipagkita sa mga writer namin maliban na lang
kung importante ang pag-uusapan," panimula ni Xavier. "Pero sa tingin ko, dapat
personal kong sabihin sa 'yo ang naging resulta ng aming pulong.
Napatingin palayo si Erland habang napalunok ng laway si Cris.

"Didiretsohin na kita. We are canceling ABC Mystery in our next issue."

Hindi nakatakas sa paningin ni Erland ang pagkapawi ng ngiti sa mga labi at saya sa
mukha ni Cris. Halatang disappointed ang kaniyang writer sa naging desisyon ng EIC.
Maging siya man kanina, hindi makapaniwala sa naging hatol sa kuwento.

"Da-Dahil ba 'to sa video nung isang araw?" tanong ni Cris.

"Walang kinalaman ang video ng sagutan n'yo ni Mario sa naging desisyon ko," sagot
ni Xavier. "Kung ako ang tatanungin, gusto kong magpatuloy ang ABC sa susunod na
isyu. Naging maganda ang pagtanggap ng mga reader sa kuwento mo. Pero ang desisyon
patungkol sa mga ipina-publish ng Bloc ay hindi lang desisyon ko at ng editorial
board."

"A-Ano'ng ibig n'yong sabihin?"

Huminga muna ng malalim si Xavier bago ang sagutin ang tanong ni Cris. "Ipinatawag
ako ni Ma'am Cornelia Angeles, ang ating publisher, bago nagsimula ang meeting.
Tinanong niya ako kung bakit may nakalusot na hindi love story sa line-up ngayong
linggo. Sa kaniya kasi nagmula ang kautusan na dapat puro love stories na patok sa
mga mambabasa ang i-publish. Sinabihan niya akong ikansela na ang ABC Mystery kundi
babawasan niya ang budget ng publication sa susunod na linggo."

"Kaya pala noong isang linggo, gano'n ang naging reaksyon ng managing editor nang
aprubahan ng EIC ang ABC Mystery," bulong ni Erland.

Pero taliwas ito sa utos sa atin ni M--

"Naisip kong baka mabago ko ang kaniyang isip kung magiging maayos ang feedback ng
mga reader sa kuwento mo," pagpapatuloy ni Xavier. "Naging maganda, oo, pero hindi
sapat ito para makumbinse siya. Kung nasa top three ang ABC Mystery sa Facebook
poll at kung maraming nag-comment na inaabangan nila ang istorya, tiyak na
mapapaisip siya."

Nagkaroon muna ng kaunting katahimikan habang nagtinginan ang dalawang editor at


napayuko si Cris.

"Kung 'yon ang desisyon n'yo at ng publisher, wala na akong magagawa," sabi ni Cris
sabay tayo mula sa kaniyang kinauupuan. Hindi man niya ipakita pero napansin ni
Erland ang kaniyang pagkadismaya sa naging pahayag ni Xavier.

"May potensyal ka bilang isang writer," komento ni Xavier. "Nagkataon lang na hindi
bagay sa aming magazine ang mga isinusulat mo."

Pilit na ngumiti si Cris sa kanila. "Mauuna na ako sa inyo. Tatapusin ko pa 'yung


assignment namin sa World Literature."

Paglabas niya sa lobby, napatingin si Xavier kay Erland. "Tama lang ba na ako mismo
ang nagsabi sa kaniya?"

"Kayo lang ang nakakaalam kung bakit kakanselahin ang kaniyang kuwento. At saka
ayaw ko ring ako mismo ang mag-break ng balita sa kaniya," tugon ni Erland.

Tumayo na rin siya at naglakad patungo sa loob ng kanilang opisina.


"Sa ngayon, goodbye ABC Mystery, hello Badboy Meets Nerdie."
*****

Isang linggo na rin ang nakalipas mula nang sabihan si Cris na hindi na ipa-publish
sa Bloc ang kaniyang kuwento. Bilang kaniyang dating editor, sinubukan ni Erland na
kontakin si Cris sa pamamagitan ng text o tawag para sana kumustahin siya, pero
mukhang pinutol na ng kaniyang dating writer ang kahit anong koneksyon sa Bloc.

Hindi rin masisi ni Erland si Cris kung bakit may tampo siya ngayon sa publication
na gusto sana niyang kabilangan. Ginawa niya ang lahat ng kaniyang magagawa para
makasulat ng isang pinag-isipang kuwento, pero isang salita lang pala mula sa
publisher ang magbabasura sa kaniyang pinaghirapan.

Ngayong linggo rin ipinublish ang Badboy Meets Nerdie na in-edit ni Erland. Hindi
siya proud sa kuwentong napunta sa kaniya dahil kahit kaila'y hindi niya magiging
trip 'yung mga gano'ng kuwento. Gusto niyang i-edit 'yung mga tulad ng ABC Mystery.
Pero sa kasamaang palad, mukhang malabong mangyari 'yon. Dahil sa pagkairita sa mga
cheesy na linya at cliche na eksena sa BMN, naisipan na niyang ipasok sa shredder
'yung draft na ine-edit niya pero mabuti't napigilan niya ang kaniyang sarili.

Nakatambay ngayon sa opisina ng Bloc si Erland. Sa halip na buksan ang bagong isyu
ng Bloc at tingnan kung may typographical o grammatical error ang BMN, mas pinili
niyang basahin ang chapter two draft ng ABC Mystery. Nanghihinayang siya na hindi
na-publish ito dahil nakapaloob dito ang solusyon sa misteryong binitin sa chapter
one.

"At ang salarin ay walang iba..." Itinuro ni Laurel ang kaniyang daliri sa lalaking
nakauniporme at may suot na badge ng student council. "...kundi ikaw, Mr. Pres--"

"Emergency! Emergency!" Nabulabog ang mga editor na nakatambay sa opisina sa


pagpasok ng circulations manager. Medyo hinihingal pa siya at may hawak-hawak na
diyaryo.

"Ano'ng meron? Tila hinabol ka ng aso," pabirong tanong ng isang editor.

"Mas... Mas... masa...hol pa sa aso!" Ipinakita niya ang literary section ng


diyaryo. "Ti-Tingnan n'yo... May naka-dedicate na column para sa atin... ang
literary editor ng Avant Garde!"

"Ang Misteryo ng Biglaang Pagkawala ng ABC Mystery," basa ni Erland sa title ng


opinion article ni Daniella Carlos, ang literary editor ng Avant Garde.

"Positive ba 'to o negative?'

"Ne-Negative!" pabiglang sagot ng circulations manager. "Direkta niya tayong


binanggit sa unang paragraph pa lang tapos patuloy tayong binatikos hanggang sa
pinakahuling talata! Naging commercialized na raw tayo at puro sales ang nasa isip
natin kaya wala tayong pakialam kung mababa ang kalidad ng mga kuwentong ipina-
publish natin!"

"Naku! Avant Garde versus Writers' Bloc na ba ituuu?"

"Teka, alam na ba ito ni Chief?"

"Mukhang hindi pa. Dapat ba nating sabihin sa kaniya?"

"For sure, malalaman din niya. Nagbabasa kaya siya ng Avant Garde."

Habang tila nawindang ang mga kapwa niya editor, ikinatuwa ni Erland ang nangyari.
Sa loob ng dalawang buwan na pag-publish nila ng mga kuwento sa Bloc, wala ni isang
salitang isinulat ang Avant Garde laban sa kanila. Ang mga kuwentong nasa Bloc,
hindi sinulatan ng kahit isang tiyak na negatibong review. Pero ang pinagtatakahan
ni Erland, bakit ngayon lang binasag ng student publication ang kanilang
katahimikan? Dahil ba ito sa ABC Mystery?

"Guys! Guys!" sigaw ni Kevin pagpasok niya sa opisina. Kung kanina'y diyaryo ang
dala-dala ng circulations manager, ngayo'y ang phone mismo ni Kevin ang kaniyang
hawak. Ipinakita niya ang larawang naka-flash sa screen nito sa mga editor na 'di
pa rin maka-get over sa anti-Bloc column. "Guys, may mga shredded copy tayo na
nakakalat sa benches, sa hallways at sa CRs. Parang may naghahamon sa atin na
alamin kung sino ang nasa likod ng misteryong ito!"

"Grabe!" komento ng isang editor matapos makita ang photo ng pinagpira-pirasong


isyu ng Bloc. "Sumosobra na kung sinong nasa likod nito ah!"

"Ano bang nangyayari't bakit parang inaatake tao ng mga kaeskuwela natin?"

"Kapag nalaman ko kung sinong may kagagawan nito, pagpipira-pirasuhin ko ang


katawan niya at ipapasok ko sa shredder 'yung balat niya!"

"Kalma lang! Dapat sanay na tayo sa mga ganito dahil dalawang buwan na rin tayong
nakatatanggap ng negatibong komento."

"Oh, mukhang mas nagiging interesante ang mga bagay-bagay," bulong ni Erland habang
pinagmamasdan ang reaksyon ng kaniyang mga kasama. "Pero sino? Sino ang nasa likod
ng kaguluhang ito? Maaari kayang si..."

"Mukhang pati sa Facebook, naglipana na ang mga anti-Bloc!" komento ng circulations


manager na nakatitig sa minotor ng isa sa mga desktop computer nila. "May mga
sandaang message na nagtatanong kung bakit pinull-out natin ang ABC Mystery. Tapos
binaha ng posts ang wall natin ng mga nagrereklamo kung bakit nawala nang parang
bula ang series na 'yon!"

"Baka kagagawan ito ni Bloc Debunker?" hinala ng isang editor. "Siya lang naman ang
may matinding galit sa mga ipina-publish. At saka 'di ba nagsulat siya ng
positibong review sa ABC?"

"Speakong of him, nagiging viral na sa community pages 'yung bagong blog entry niya
na tungkol din sa pag-pull out natin sa ABC Mystery," dagdag ng circulations
manager na busy sa pagtse-check ng kanilang Facebook page. "Hinihikayat din niya
ang iba na i-boycott ang Bloc. Sa ngayon, may 176 shares na ito at mahigit 500
likes. Na-post ito isang oras na ang nakalilipas."

"Teka, bakit ngayon nagsilabasan ang mga fan ng ABC?" tanong ng isang editor.
"Posible kayang 'yung Ibarra na author nito ang nasa likod ng anti-Bloc movement?"

"Oo nga. Baka hindi niya matanggap na kinansela ang series niya kaya binabanatan
niya tayo ngayon."

"Hindi," mabilis na depensa ni Erland sa kaniyang dating writer. "Hindi gagawa ng


isang krimen si Cris Ibarra na alam niyang direktang maituturo sa kaniya. Nabasa
n'yo naman siguro ang kaniyang chapter one, gano'n siya kalalim at kametikulosong
mag-isip. Kung siya man ang nasa likod nito, sigurado akong hindi siya mag-iiwan ng
ebidensiya o clue na magtuturo sa kaniya."

"Kung hindi siya, sino? Sino ang maaaring magpasimula nito?"

"Baka isa sa mga avid fan ng kaniyang kuwento," sagot ni Erland. Pinaghinalaan din
niya na baka si Cris ang may kagagawan nito pero naniniwala siyang walang kinalaman
ang dati niyang writer sa malawakang anti-Bloc movement.

Biglang bumukas ang pinto ng kanilang opisina at nagmamadaling pumasok si Xavier.


Napatahimik ang mga editor na kanina'y nagbabatuhan ng kuro-kuro. Napansin nila ang
hawak na kopya ng Avant Garde ng kanilang EIC.

"Magkakaroon tayo ng emergency editorial board meeting sa loob ng sampung minuto,"


sabi niya sa kaniyang mga editor habang naglalakad patungo sa kaniyang desk. "Sa
tingin ko'y alam n'yo na kung ano ang ating pag-uusapan."

Palihim na napangiti si Erland sabay titig sa draft chapter two ng ABC Mystery.

"Mukhang umaayon sa atin ang kapalaran, Cris."

Chapter 7: Signed and Sealed [Arc I Finale]


A/N: Maraming salamat sa mga nagbabasa ng WRITERS' BLOC! Dahil sa inyo, nakaabot na
'to ng 500 reads! Kaya para ipagdiwang ang milestone na 'to, may bagong cover ang
BLOC!

*****

Nanginginig ang kaniyang mga kamay. Pinagpapawisan ang kaniyang mga palad. Bumabaon
sa kaniyang balat ang kaniyang mga kuko.

Ngayon lang muling nakaramdam ng ganitong pagkanerbiyos si Cris Ibarra, hawak-hawak


ang isang bolpen sa kaniyang kanang kamay at tila nakahandang sulatan ang isang
pahinang papel na may mga nakaimprentang salita. Ayaw niya kasing madumihan o 'di
kaya'y maging pangit ang kaniyang pirma sa kauna-unahang kontratang natanggap niya
sa kaniyang buhay.

"Hindi naman namin babawiin ang kontratang 'yan kung maging pangit ang kalabasan ng
pirma mo," hirit ng kaniyang editor na si Erland matapos ang ilang minutong
paghihintay kay Cris para opisyal na siyang maging contributor ng Writers' Bloc.

Kahit malamig na ang hanging ibinubuga ng aircon sa opisina ng Bloc, walang tigil
pa rin ang pagtulo ng pawis ni Cris. Tila mas na-pressure pa siya sa pagpirma ng
kontrata kaysa sa pagsulat ng kaniyang nobelang ABC Mystery.

"He-Heto na," dahan-dahan niyang iginalaw ang bolpen habang nag-iiwan ito ng itim
na tinta sa papel. Inabot siguro ng sampung segundo bago niya natapos lagdaan ang
kontrata.

"Congratulations, you are now a certified contributor of Writers' Bloc."


Nakipagkamay si Xavier, ang editor-in-chief ng Bloc, na malugod namang tinanggap ni
Cris. Sa wakas, matapos ang ilang pagsubok at ilang hadlang na nagtangkang pumigil
sa kaniya, pormal na siyang nakapasok sa Bloc.

Sa katunayan, hindi pa rin siya makapaniwala sa mga naging takbo ng pangyayari.


Noong una'y sinabi na sa kaniya mismo ng EIC na kanselado na ang ABC Mystery. Pero
makalipas ang ilang araw, bigla itong binawi at sinabing ipa-publish sa susunod na
isyu ng Bloc ang chapter two maging ang chapter three ng kaniyang nobela.

Kung may dapat siyang pasalamatan sa nangyaring pagbaligtad sa naunang desisyon ng


mga editor, 'yun ay ang mga mambabasang nagprotesta sa social media at sa mga
estudyanteng pinagpupunit ang kanilang mga kopya ng Bloc dahil sa biglang pagkawala
ng ABC sa line-up. Maging ang misteryosong blogger na Bloc Debunker at ang literary
editor ng Avant Garde na nagpahayag ng pagkadismaya sa nangyari, dapat niyang
pasalamatan. Kundi dahil sa kanila, hindi makukumbinse ng EIC ang publisher na si
Mrs. Cornelia Angeles na ibalik sa line-up ang ABC.

"Narito ang ating editorial manual. Nakasulat diyan ang mga dapat at hindi dapat
gawin ng isang contributor," ibinigay ni Xavier ang isang booklet kay Cris. "After
one month, kapag nagpatuloy ang magandang reception ng mga reader sa ABC, pormal ka
nang magiging regular writer ng Bloc. Kaya ayusin mo ang double chapter issue mo
next week."

"Makakaasa po kayo!" masiglang sagot ni Cris, mukhang ganadong-ganado na siyang


ipagpatuloy ang kaniyang nobela.

Matapos ang kanilang pag-uusap, niyaya ni Erland si Cris na mag-vendo muna bago
sila bumalik sa kani-kanilang mga ginagawa.

"Hindi normal ang double chapter issue sa Bloc kaya dapat siguruhin mong mas dadami
ang magbabasa sa kuwento mo," paalala ni Erland kay Cris habang naglalakad sila sa
hallway. "Nananatili sa ikaanim na puwesto ang ABC kaya dapat sa susunod na linggo,
makapasok na ito sa top five. Dapat nang matanggal ang The Bad Boys and I sa fifth
place."

"Pero bakit nga ba double chapter issue ang gusto ng EIC? May extra space ba kayo
sa susunod na release at kailangan n'yong punuin ito?" pagtataka ni Cris. Noong
marinig niyang dalawang kabanata ang ilalabas sa susunod na linggo, magkahalong
tuwa at pagtataka ang kaniyang naramdaman.

"Nang dumagsa 'yung mga nagrereklamo sa Facebook page natin, napagdesisyonan naming
mga editor na palabasing inseparable ang chapter two at three kaya dapat sabay na
i-publish ang dalawang kabanata," tugon ng kaniyang editor. "Siyempre, hindi alam
ng mga mambabasa na dapat ay kanselado na ang ABC kaya madali naming nalusutan
'yung mga protesta."

"Teka, kung ibabalik na ang ABC sa line-up, paano na 'yung ineedit mong Badboy
Meets Nerdie?"

"Ipinasa ko sa ibang editor na forte ang gano'ng istorya," sagot ni Erland, bigla
siyang napangiti nang muling maalala ang kuwento no'n. "Ipinakiusap ko sa EIC na
mag-focus ako sa ABC Mystery at huwag muna akong pahawakan ng ibang kuwento. At
saka baka masiraan ako ng ulo kapag ipinagpatuloy ko ang pag-eedit sa istoryang
'yon."

Matapos ang limang minuto ng paglalakad, narating din nila ang vending machine.
Kaagad naghulog ng barya si Erland para maka-order ng iced coffee habang kay Cris
ay ang paborito niyang iced chocolate.

"Sinabi ko na ba sa 'yo na balak ng Avant Garde na sumulat ng story review sa ABC?"


Dahan-dahang ininom ni Erland ang kaniyang kape.

"Ta-Talaga? A-Ang Avant Garde?!" Hindi inaasahan ni Cris ang balitang nagmula mismo
sa bibig ng kaniyang editor.

"Mukha ngang pabor at suportado nila ang ABC Mystery," pagpapatuloy ni Erland.
"Maging ang EIC nila, positibo ang naging pagtanggap sa istorya mo. At for the
first time in history ng Bloc ngayong taon, nagbigay ng opinyon ang tulad niya.
Dagdag mo pa 'yung vice president ng council."

Hindi tuloy malaman ni Cris kung matutuwa siya sa kaniyang marinig. Para kasing
bumigat ang pasanin niya sa kaniyang mga balikat matapos malaman na mga bigating
estudyante ang sumusubaybay sa kaniyang kuwento. Napainom na lang siya ng choco
habang nakatitig sa kawalan.
"At dahil balak nilang sumulat ng review, gusto nilang interviewin ka kahit maikli
lang tungkol sa ABC," sabi ng kaniyang editor nang hindi niya nagbigay ng tugon.
"Ang tanong ay kung gusto mong magpa-interview sa isa sa mga writer nila."

Napalunok tuloy ng laway na may halong tsokolate si Cris. Feeling niya, para siyang
isang wannabe artist na biglang sumikat sa kanilang unibersidad. Kanina, may
contract signing. Sa susunod na linggo, may "grand" release ang kaniyang akda. At
ngayon, may interview sa respetadong student publication na may malawak na reach in
terms of readers.

"Hindi ba masyadong maaga para sa interview?" tanong niya kay Erland. "Kakaumpisa
ko pa lang bilang contributor sa Bloc at hindi pa gano'n katunog ang pangalan ko.
Si Mario nga inabot ng dalawang buwan para interviewin siya."

"Pero ang interview kay Mario ay personal na request ni Elaine sa feature editor ng
Avant Garde, in case hindi mo alam," tugon ni Erland. "At dahil kaibigan ng editor
na 'yon si Elaine, pinagbigyan niya ito at nag-assign ng writer para magawan ng
article si Mario. Sa tingin ko, pina-request 'yon ng kasama ko para mas lalong
maging matunog ang pangalan ng kaniyang writer sa buong university. Kapag mas sikat
ang isang writer, mas maraming tumatangkilik sa kaniyang gawa."

"Kung gano'n, parang advertisement ang article na 'yon para kay Mario at sa
kaniyang Para Sa Mga Na-friendzoned series?" napagtanto ni Cris matapos malaman ang
katotohanan sa likod ng interview.

"Kapag nabasa ng mga reader ng Avant Garde ang article tungkol kay Mario, maku-
curious sila kung sino siya at kung ano ang isinusulat niyang nobela," sagot ng
kaniyang editor. "At dahil doon, bibili sila ng kopya ng Bloc at babasahin ang
kaniyang akda. Dumarami ang readers ni Mario, tumataas din ang benta ng ating
magazine."

Napaisip tuloy si Cris sa sinabi ni Erland. Hindi lang sapat na kakaiba at maganda
ang pagkakasulat ng kaniyang kuwento. Kung walang makakaalam na nag-eexist ang
istorya tulad ng ABC Mystery sa isang magazine na puno ng love stories, hindi
madaragdagan ang readers niya at hindi magiging mabenta ang ABC sa Facebook poll.
Mukhang nakuha na niya kung ano ang punto ng kaniyang editor.

"Sige, payag na akong magpa-interview," kumpiyansa niyang sagot kay Erland. "Hindi
ko pa nakikilala o nakikita ang editor ni Mario pero sa tingin ko, isa siyang
magaling na strategist. At kung gano'n ang stratehiya nila para mas sumikat ang Na-
friendzoned series, mas mabuti kung gagamitin din natin ang kanilang paraan. 'Yan
ang nasa isip mo, tama?"

Biglang napangiti ni Erland sa naging pangangatwiran ni Cris. "Tama. Kumpara kay


Elaine, hindi ako nakiusap sa isang taga-Avant na gawan ng review ang ABC. Ang
palay mismo ang lumapit sa manok. Kung nasa harap na natin ito, bakit hindi pa
natin tukain? Kailangan mong magpa-interview para may personal touch ang article
nila. Hikayatin mo silang suportahan at patuloy na subaybayan ang ABC Mystery."

"Teka, kung kaagad akong magpapa-interview, kalian lalabas ang article?"

"Usually, Lunes o Miyerkules ang simula ng kanilang circulation."

"Kung gano'n, lalabas ang weekly issue ng Avant ilang araw bago ang release ng Bloc
o sa mismong araw nito..." bulong ni Cris habang nakatingin sa walang laman niyang
baso. "Mukhang papabor sa atin ang tadhana. Dapat siguruhin nating mare-release
next week ang article para ma-promote ang double chapter issue ng ABC."
Napatango si Erland sa gianwang analysis ni Cris sa sitwasyon. "Kung gusto mo,
puwede ka nang magpa-interview maya-maya. Isang text ko lang sa editor nila, kaagad
siyang magpapadala ng writer."

"Sige, gawin na natin 'to!"

"Is that you, Erland?"

Napansin ni Cris na biglang naging seryoso ang mukha ng kaniyang editor, tila
nakakita ng isang kalaban. Napalingon siya sa madilim na hallway kung saan
nanggaling ang boses na 'yon. Isang babae ang naglalakad patungo sa direksyon nila.
May buhok siya na umaabot hanggang balikat, medyo may kabilugan ang mukha, puti ang
kaniyang balat, at hindi gano'n katangkad.

Bigla namang nanlisik ang mga mata ni Cris nang masilayan ang isang lalaking
naglalakad sa tabi ng babaeng 'yon. Kahit may kadiliman sa nilalakaran nila at
kahit may kalabuan ang kaniyang mga mata, hindi makakalimutan ni Cris ang mukha ng
isang kalaban-si Mario Santiago.

"Maaari kayang ang kasama ni Mario ay si..." Feeling tuloy ni Cris, parang tumigil
ang ikot ng mundo nang magkaharap-harap silang apat.

"Magandang hapon sa'yo, Elaine," bati ni Erland sabay ngiti sa kapwa niya editor na
hindi niya inaasahang makikita sa may vending machine.

"I heard na pumirma na raw ng kontrata ang writer ng ABC Mystery," tugon ni Elaine,
ang editor ni Mario. "Congratulations."

"Hindi pa pala kayo pormal na nagkakakilala." Biglang hinawakan ni Erland sa


balikat si Cris sabay sabing, "Elaine, meet Cris Ibarra, ang susunod na number one
writer ng Bloc."

Medyo awkward na itinaas ni Cris ang kaniyang kanang kamay, parang estudyanteng
nagsasabi ng "present" tuwing nagtse-check ng attendance. "Hello po."

"Nice to meet you, Cris!" tugon ni Elaine, may malaking ngiting makikita sa
kaniyang pink na labi. "I assume na kilala mo na si Mario Santiago, ang kasalukuyan
at nananatiling number one writer ng Bloc?"

Malamang sa malamang, napanood na rin ni Elaine ang video kung saan nagkasagutan
ang dalawang writers.

Tumingin ang kulay brown na mga mata ni Cris kay Mario. "Nagkakilala na kami sa
isang coffee shop noong nakaraang linggo. Pasensya na nga pala sa nangyari doon."

Pinagsisihan ni Cris ang insidente sa CofiAcad pero hindi pa rin nagbabago ang
opinyon niya kay Mario bilang isang manunulat. Dahil pareho na silang mga miyembro
ng Bloc, mas pinili ni Cris na humingi ng tawad at magpakumbaba sa harap ng
kaniyang mortal na kalaban.

"Huwag mo nang alalahanin 'yon," mahinhin na sagot ni Mario na parang walang


nangyari. "Dapat pa nga kitang pasalamatan kasi nagkaroon ako ng ideya kung paano
mapapabuti ang mga susunod na kabanata ng Na-friendzoned."

"Nang-aasar ba siya o talagang bukal sa puso ang mga lumabas sa bibig niya?"biglang
pumasok sa isip ni Cris matapos makita ang nakakairitang ngiti ni Mario.

"We will go ahead," sabi ni Elaine nang nagkaroon na katahimikan sa paligid. "Pag-
uusapan pa namin ni Mario ang next chapter ng Na-friendzoned series. For sure, it
will remain at the top of the poll next week. Good luck sa double chapter issue ng
ABC Mystery."

Malumanay ang pagkakasabi ni Elaine sa mga salitang 'yon, pero damang-dama ni Cris
(at maging ni Erland) ang pagmamayabang nito at ang lihim na mensaheng, "Hindi
matatalo ng dalawang kabanata ng ABC Mystery ang isang kabanata ng Na-friendzoned
series."

Nang malayo na ang dalawang kalaban nila, binasag ni Cris ang katahimikan. "Earl,
nasabi ko na ba sa'yo na dito sa may vending machine ako nakatambay noon nang
ipinangako ko sa sarili ko na tatalunin ko 'yung cheap na kuwento ni Mario? At dito
ko rin sinagot ang tawag mo noon na makipagkita sa Starbucks para pag-usapan ang
noo'y Perfect Crime."

"Memorable spot pala ang vending machine na 'to para sa'yo," komento ni Erland. "Sa
tingin ko'y hindi mo pa nakakalimutan ang pangako mo noon sa sarili mo, tama?"

"Hinding-hindi ko makakalimutan," sagot ni Cris. "Lalo na ngayong nasa Bloc na ako,


dapat lagi kong alalahanin ang isa sa mga dahilan kung bakit gusto kong sumali sa
publication. Siya nga pala, hindi pa ako nagpapasalamat sa 'yo sa tiwalang ibinigay
mo sa 'kin at sa pagtulong mo na makapasok ako sa Bloc."

"Wala kang dapat ipagpasalamat," tugon ni Erland. "At kung meron man, hindi pa ito
ang panahon para pasalamatan ako. Mag-thank you ka sa 'kin kapag nag-number one na
ang ABC Mystery. At mukhang matagal-tagal pa 'yon."

"May katagalan nga, pero at least, hindi imposible."

"Bakit hindi tayo mag-set ng deadline?" suhestiyon ni Erland sabay tingin sa


kaniyang writer. "Dapat by the end of the publication year, ikaw na ang number one
writer ng Bloc."

Napatingin si Cris sa kaniyang editor. "At dapat sa susunod na publication year,


ikaw na ang editor-in-chief ng Writers' Bloc."

"DEAL!"

***THE END***

Joke lang!

Dito na nagtatapos ang "Join the Bloc" story arc! Medyo maikli lang kasi more on
resolution ang chapter na 'to. Sa mga past chapter, halos na-establish na (though
kailangan pang i-develop) ang ilan sa mga character at ilang plot points na
makikita n'yo sa mga susunod na kabanata.

Sa susunod na story arc, magpapatuloy pa rin ang theme on story writing with a
touch of romance and mystery. Kaya continue on supporting (and sharing, if
possible?) the story!

So what are your thoughts about this story arc-ender?

Chapter 8: Writer's Block [Arc II Premiere]


A/N: Please check the attached photo in this chapter para may visual guide kayo
kung ano ang (malapit na) hitsura nina Erland, Cris, Mario at Elaine. Sa ngayon,
'yan muna ang appearance nila habang wala pang opisyal na artwork. :D

Dedicated kay @candiesbelove (na-appreciate ko 'yung per chapter comments niya.


Hehe) at shoutout kina @brandito_kaylito at @yszumii!

***ARC II: MYSTERY VERSUS ROMANCE***

"I'm sorry. Inaamin kong mali 'yung ginawa ko at 'yung mga sinabi ko. Pinagsisihan
ko na 'yon," halos nagsusumamo na ang boses ni Cris Ibarra habang kinakausap ang
kaniyang kasamang babae sa library. Medyo mahina ang kaniyang boses dahil baka
maistorbo ang mga kasama nilang tahimik na nagbabasa. "Kaya please, patawarin mo na
ako."

"Cris, sa tingin ko, hindi ito ang tamang lugar para pag-usapan 'yan," tugon ni
Mariel Castro, dahan-dahang lumilingon sa kanilang paligid para tingnan kung may
nakarinig sa mga sinabi ng kaniyang kasama. "At saka interview ang ginagawa natin
ngayon at hindi normal na chikahan."

Nang malaman ni Cris na si Mariel ang mag-iinterview sa kaniya para sa story review
ng ABC Mystery, hindi niya alam kung sadyang mapaglaro ang tadhana at pilit silang
inilalapit sa isa't isa o 'di kaya'y walang ibang available na writer sa Avant kaya
nagkataon lang ang kanilang pagkikita ngayon. Hindi rin siya handang kausapin si
Mariel matapos ang nangyaring insidente noong nakaraang linggo kaya medyo nahihiya
pa siya. Pero dahil gusto niyang ma-promote ang ABC sa mga mambabasa sa pamamagitan
ng Avant Garde, kailangan niyang kapalan ang kaniyang mukha at harapin ang kaniyang
crush.

At dahil sariwa pa rin ang Cris versus Mario Santiago video na kumalat noong
nakaraang linggo, ni-request ni Cris na gawin ang interview sa library. Nag-aalala
kasi siya na baka may makakilala sa kaniyang fan ni Mario at batuhin siya ng
kamatis kung magkikita sila ni Mariel sa isang coffee o tea shop. Mabibilang lang
din kasi sa daliri 'yung mga tao sa library kaya mas ligtas doon.

"Mahirap ipaliwanag kung bakit nagawa ko 'yon," sabi ni Cris. "Parang biglang
nagdilim ang paningin ko nang makita ko kayong magkasama."

"Ano bang meron kung magkasama kami ni Mario?" tanong ni Mariel. Pilit niyang
iniiwasan ang topic na biglang binuksan ni Cris sa kalagitnaan ng kanilang
interview. Pero ngayon, mukhang interesado na siya. "Ano bang mali kung yayain ako
ni Mario na mag-coffee break? Kung iniisip mong miyembro siya ng networking,
nagkakamali ka."

'Yun nga 'yung mali, 'yung magkasama kayong dalawa, naisip ni Cris pero itinago na
lang niya 'yon sa kaniyang sarili. "Para sa isang tulad ko, mahirap na makita
kitang nasa tabi niya."

"Huh? Anong..."

Huminga muna nang malalim sabay lunok ng laway si Cris bago niya sabihin ang bagay
na kinikimkim niya sa loob. "Ayaw kong sabihin sa 'yo 'to dahil sa tingin ko, hindi
pa ito ang tamang panahon at hindi ito ang tamang lugar. Pero Mariel, aaminin ko na
noong nakita ko kayong dalawa ni Mario, bigla akong nag...

Nagse..."

"Nagse?" pagtataka ni Mariel.

"Nagse... Nagselo--"
"Teka! Kayo si Cris Ibarra, ang writer ng ABC Mystery, tama?" Isang hindi pamilyar
na boses ang pumutol sa sinasabi ni Cris. Hindi niya inaasahang may makakakilala sa
kaniya sa library.

Naku, baka fan ito ni Mario, naisip ni Cris habang nakatitig sa isang lalaking
nakasalamin na biglang sumulpot sa gilid ng mesa nila. "A-Ako nga. May
maipaglilingkod ba ako sa 'yo?"

"Wow! Sa wakas, nakita na rin kita!" Biglang hinawakan ng lalaki ang kanang kamay
ni Cris (na ikinagulat niya) at pinilit itong makipagkamay sa kaniya. "Isa akong
avid reader ng ABC! I'm your number one fan! Ako nga pala si Simon Morayta, third
year Psychology student. Pleased to meet you!"

"P-Pleased to meet you rin."

"Kung hindi abala sa 'yo, puwedeng pa-autograph ng kopya ko ng Bloc kung saan
lumabas ang first chapter ng ABC?" Iniabot ni Simon ang kaniyang magazine kung saan
nakalagay sa cover ang titulo ng ABC Mystery kasama ang pangalan ni Cris.

Dahil ito ang unang pagkakataon na may nagpa-autograph sa kaniya, malugod itong
pinagbigyan ni Cris. Hiniram niya muna ang bolpen na hawak ni Mariel at pinirmahan
ang cover. "Heto! Hintayin mong lumabas ang double chapter issue ng ABC. May mas
malaking misteryo doon."

"Maraming salamat! Pangako, hanggang sa huling kabanata ng ABC, susundan ko ito


linggo-linggo," sabi ni Simon sabay taas ng kaniyang kanang kamay.

"Masaya ka bang malaman na may fan ka na ngayon?" tanong ni Mariel nang umalis na
sa kanilang tabi si Simon.

"Basta alam kong may sumusubaybay sa isinusulat ko, masaya na ako," tugon ni Cris.
Pero teka, paano ako nakilala ni Simon? Walang nakalagay na litrato ko sa Writers'
Bloc at hindi kita ang buong mukha ko sa profile picture ng aking inactive na
Facebook account.

"Ano nga ulit 'yung sinasabi mo bago dumating 'yung fan mo?" Muling ibinalik ni
Mariel ang kanilang naudlot na usapan. "Ikaw ay nagse...?"

"Ako'y nagse..." Bigla ngayong napaurong ang dila ni Cris. Ni hindi na niya masabi
ang susunod na syllable ng kaniyang gustong sabihin kay Mariel. "Nagse...

"Nagse...seryoso na talunin ang kuwento ni Mario na Para Sa Mga Na-friendzoned!


Dahil magkaklase at magkaibigan tayo, sa tingin ko'y dapat ako ang mas
sinusuportahan mo at hindi ang isang lalaking hindi mo gano'n kakilala."

"Hay... 'Yun lang pala," napabuntong-hininga tuloy si Mariel, nawala ang kuryosidad
sa kaniyang mukha. "Mas gusto ko kasing binabasa 'yung mga love story kaysa sa
ibang genre."

Biglang siyang tumayo at ibinulsa ang kaniyang phone na ginamit bilang pang-record
ng interview. "Sorry pero kailangan ko nang umalis. If may tanong ako, ite-text na
lang kita mamaya."

"Teka, gusto kong bumawi sa nangyari last week!" hirit ni Cris bago makahakbang
paalis si Mariel. "Gusto sana kitang yayain mag-lunch."

Biglang napatingin sa kaniya si Mariel sabay tugon, "Pasensya na pero may kasabay
na akong magla-lunch."
"Si Megan ba? Lagi naman kayong magkasamang kumakain ng lunch."

"Hindi si Megan. Si Mario Santiago. Naka-oo na kasi ako sa kaniya kaninang umaga na
sabay kaming kakain. O siya, mauna na ako. Maraming salamat sa oras."

Biglang natulala si Cris habang pinagmamasdan ang paglalakad palabas ng library ni


Mariel. Parang may invisible sampal na tumama sa kaniyang mukha. Hindi rin siya
gumagalaw o kumikibo na tila isang estatwa na iniwan sa sulok.

At ang may kasalanan? Si Mario na naman.

*****
"Ano bang dapat kong gawin para hindi na ako maunahan ni Mario pagdating kay
Mariel?" tanong ni Cris sa kaniyang editor na si Erland habang malayo ang kaniyang
tingin. Isang linggo na rin ang lumipas (ang bilis no?) mula nang pumirma siya ng
kontrata at ma-interview ni Mariel.

Nitong Miyerkules, sabay na lumabas ang bagong isyu ng Bloc kung saan dalawang
kabanata ang na-publish ng ABC Mystery at ang lingguhang isyu ng Avant Garde kung
saan nakaimprenta ang naging interview sa kaniya para lalong ma-promote ang
kaniyang kuwento. Ngayong Biyernes, oras na para malaman ang resulta ng Facebook
poll kaya pinatawag siya sa lobby ng Bloc office.

"Maaari kitang bigyan ng sandaang advice kung paano sisimulan ang chapter four.
Pero 'di mo ako maaasahan pagdating sa mga payo sa pag-ibig," sagot ni Erland,
nakatitig ang kaniyang mga walang buhay na mata sa isang papel na puno ng numero.

Napatingin tuloy sa kaniya si Cris, medyo nagtaka sa sinabi ng kaniyang editor.


"Earl, huwag mong sabihing wala kang nagugustuhang babae sa klase n'yo o kaya dito
sa Bloc? Nagka-girl friend ka na ba?"

"Wala akong oras para sa... hindi gano'n kahalagang bagay," tugon ng kaniyang
editor. "Ewan ko ba sa inyong mga kabataan ngayon, puro pag-ibig ang inaatupag
n'yo. May mas mahalaga pang bagay doon kagaya ng pag-aaral at trabaho."

Kung magsalita 'to akala mo gano'n na siya katanda, naisip ni Cris habang
pinagmamasdan ang walang ekspresyon na mukha ng kaniyang editor. "Puwede ko bang
sabihin ang isang deduction na naiisip ko tungkol sa 'yo?"

Tumingin sa kaniya si Erland. "Sige, tingnan natin kung tatama 'yang sasabihin mo."

Biglang tumayo si Cris at naglakad-lakad sa harap ni Erland. Para siyang pulis na


ini-interrogate at pinapaamin ang isang suspek. "Ayaw mong mag-edit ng mga teen
fiction na umiikot sa love story. Puwedeng dahil sa tingin mo'y overrated na ang
mga gano'ng kuwento. Pero sa tingin ko, may mas malalim pang dahilan. Puwedeng ayaw
mo sa mga gano'ng istorya dahil naging masaklap ang love life mo at kapag nagbabasa
ka ng mga cheesy na linya e naiinis ka sa sarili mo dahil hanggang ngayon wala ka
pang girl friend... o boy friend in case na mas bet mo ang mga lalaki."

"Teka, saan mo ba nap--"

"PERO," pinutol ni Cris ang sinasabi ni Erland, "may ideya ako kung kanino hindi
naging matagumpay ang attempt mo na magkaroon ng girl friend. Noong tumambay tayo
sa may vending machine, biglang nanlisik ang mga mata mo nang makita si Elaine.
Naiintindihan kong magkaribal kayo sa pagiging susunod na EIC, pero masyado yatang
mababaw na dahilan 'yon para tingnan mo nang masama ang tulad niya. Ang bottomline:
Bitter ka."
Biglang nagkaroon ng katahimikan sa lobby. Hindi kumibo si Erland, nakatitig lang
sa kaniyang kasama. Maging si Cris, tinikom ang bibig dahil feeling niya, medyo
napasobra ang kaniyang mga sinabi.

"...Maganda ang naging performance ng ABC Mystery ngayong linggo," hindi na


pinatulan ni Erland ang naging deduction ni Cris, dahilan para mapaupo ang kaniyang
kasama para pag-usapan kung ano ang dapat pag-usapan. "At gaya ng inaasahan,
nakapasok na ito sa top five stories."

1st - Para Sa Mga Na-Friendzoned


2nd - Diary ng Ampalaya
3rd - He's Dating the Cold-hearted Princess
4th - ABC Mystery
5th - Snow White and the Seven Gangsters

"As expected, nangunguna pa rin ang series ni Mario," komento ng kaniyang editor.
"Medyo matatagalan pa bago mo siya maungusan sa ratings. At sa aking analysis,
hanggang fourth spot lang ang kayang abutin ng kuwento mo."

"Huh? Bakit?"

"Ang tatlong nasa itaas ng listahan ang tinatawag na Big 3 sa Bloc," paliwanag ni
Erland. "Consistent silang nasa top three simula noong nakaraang buwan. Nakita mo
naman na mahigit 200 votes ang lamang ng He's Dating the Cold-hearted Princess sa
ABC kaya medyo marami pa tayong kakaining bigas."

"Kainis! Akala ko magna-number one na ang ABC dahil sa double chapter issue nito,"
paghihimutok ni Cris, dismayado sa resulta ng poll ngayong linggo.

"Huwag kang magmadali. Darating din tayo sa tutok," tugon ni Erland. "Ang problema
natin ngayon ay kung paano mapapanatili sa top five ang ABC. Wala nang review mula
sa Avant Garde at wala na ring double issue ang ABC. Mag-isa na lang ulit tayo sa
laban na ito."

"Ang problema ko ngayon, wala pang pumapasok sa isip ko na ideya kung paano gagawin
ang chapter four," sabi ni Cris sabay takip sa mukha ng kaniyang mga kamay. "Parang
ganito rin ang nangyari bago ko naisip ang plot ng Perfect Crime."

"Huwag mong sabihing na-writer's block ka?"

"Parang. Ayaw kong kumuha ng mga ideya sa anime, TV series o movie dahil hindi
magiging authentic ang mga trick," sagot ni Cris. "Gusto ko, ako mismo ang
makakaisip kung paano gagawin ang krimen."

Inilabas ni Erland ang bagong isyu ng Bloc at inilagay sa mesa. "Malamang nagsasawa
na ang utak mo sa setting ng bawat kabanata. Kung mapapansin mo, laging nasa
university nagaganap ang mga krimen. Ang suggestion ko para malampasan mo 'yan ay
ibahin ang pangyayarihan ng susunod na kabanata. Kailangan mo ng fresh na ideya
para muling gumana 'yang malikhain mong utak. Kailangan mong lumabas sa 'yong
teritoryo."

Napatango si Cris sa sinabi ni Erland. "Tama nga. Baka ayaw na ng utak ko na


gamiting muli ang campus bilang setting."

"May isa akong suggestion pero sana huwag kang magagalit."

"Ano 'yun?"

"Ang unang tatlong chapter ay masyadong seryoso at nakapokus sa mga krimen sa


university," panimula ng kaniyang editor. "Sa tingin ko, nakuha mo na halos lahat
ng mambabasa na gusto ang ganitong uri ng kuwento. Pero kumpara sa kabuuang
populasyon ng mga mambabasa ng Bloc, mababa lang ang bilang ng mga tulad nila. Mas
marami pa rin ang mga mahilig sa love stories, kahit gaano man ka-cliche ang mga
'yon. Kaya..."

"Kaya...?"

"Kung gusto mong manatili sa top five ang ABC o makapasok sa top three, dapat kang
tumapak sa teritoryo ng majority ng ating mambabasa," pagpapatuloy ni Erland, pero
'di pa rin makuha ni Cris ang ibig niyang sabihin. "Dapat kang pumasok sa teritoryo
ng mga kalaban tulad ni Mario.

"Sa madaling salita, isina-suggest kong haluan mo ng love story ang susunod na
kabanata."

"Huh?! A-Anong nakain mo, Earl?! Sa 'yo pa talaga nagmula ang suggestion na 'yan?"
Halatang gulat na gulat at hindi makapaniwala si Cris. Kung sa ibang editor
manggagaling ang mga salitang 'yon, matatanggap niya pa.

"Hindi ko sinasabing gawin mong love story ang ABC. Ang payo ko lang ay haluan mo
kahit kaunting love story," paglilinaw ni Erland bago pa tuluyang magwala si Cris.
"May tauhan kang babae na lihim na gusto ng bidang lalaki. Bakit 'di ka sumulat ng
kabanata para ma-develop ang relasyon nila?

"Kayang makita ng bida ang katotohanan sa likod ng mga trick pero nabubulag siya
kapag kasama o kausap ang babaeng gusto niya. Suggestion lang ito pero puwedeng
mag-date ang dalawa sa isang theme park tapos ipakita mo ang awkwardness nila.
Ipakita mo na tao rin ang bida mo na may puso at umiibig. Kahit papaano magkakaroon
siya ng character development. At para mapanatili ang mystery theme, lagyan mo ng
isang krimen habang naglilibot sila sa park tapos lulutasin ito ng bida."

Character development... bulong ni Cris, tumatak sa kaniyang isip ang gustong


mangyari ni Erland. "Kahit ang Detective Conan, may mga chapter na tumatalakay sa
romance sub-plot nito... Pero ang problema, hindi ko forte ang gano'ng ka-cheesy-
han lalo na't 'di pa ako nagkaka-girl friend. Paano ko maisusulat ang isang bagay
na hindi ko alam?"

Biglang naging seryoso ang tingin ni Erland sa kaniya. "Isa kang writer, tama? Alam
mo namang hindi lang natin binabase sa imahinasyon ang mga isinusulat nating
kuwento. Minsan, pinagbabasehan din natin ang ating mga karanasan."

"Ku-Kung gano'n, da-dapat akong makipag-date sa isang babae?!" pagulat na tanong ni


Cris.

"Ikaw ang nagsabi niyan, hindi ako," tugon ni Erland. "Teka, kanina nagtatanong ka
kung paano pormahan si Mariel, tama? Baka ito na ang pagkakataon para doon. Yayain
mo siyang lumabas. Pero tandaan mo, mas priority mong matapos ang draft until
Sunday."

Napalunok ng laway si Cris habang nakatitig sa kaniyang editor. Tama si Earl. Baka
ito na ang chance ko na maunahan si Mario pagdating kay Mariel. Hitting two birds
in one stone, sabi nga nila. Pero kung gagawin ko 'to, saan ko naman siya yayayain?

Bzzz... Bzzz... Bzzz...

Inilabas ni Cris ang kaniyang phone para basahin ang text na kakapasok pa lang.

Nielsen (5:13 PM): Skyranch Pampanga, Saturday, 5PM


"Huh? Skyranch? Hindi ba kakabukas pa lang ng theme park na 'yon sa SM Pampanga?"
bulong ni Cris. Pero may biglang pumasok sa isip niya. "Te-Teka! Bakit ganito ang
tinext ni Nielsen sa 'kin? Naramdaman ba niyang kailangan ko ng suggestion kung
saan puwede kaming mag-date ni Mariel?"

Nielsen (5:15 PM): Sorry, kaagad kong na-send. Nabasa ko sa phone ni Mariel na
yinaya siya ni Mario na pumunta sa tinext ko sa 'yong lugar at sa mismong araw at
oras na 'yon. Mukhang pumayag naman siya.

"A-ANO?!"

Biglang napatingin sa kaniya si Erland, nagtataka kung bakit biglang tumaas ang
boses ng kaniyang kasama. "May problema ba? Mukhang gulat na gulat ka."

"Na-Naunahan na naman ako ni Mario. Yinaya niya raw si Mariel na pumunta sa isang
theme park."

Biglang napangiti si Erland sa kaniyang narinig. "What a coincidence. Sa tingin ko,


mas magandang ideya 'yan para sa chapter four mo."

"Huh? Anong ibig mong sabihin?"

"Sa halip na makipag-date ang bida sa babaeng gusto niya, bakit hindi na lang niya
i-stalk ang babaeng 'yon na may ka-date na ibang lalaki sa theme park? Nang sa
gano'n, mas engaging ang susunod mong kabanata at mas mangingibabaw pa rin ang
pagka-detective ng bida."

Ngayon, si Cris naman ang napangiti habang nakatingin sa screen ng kaniyang phone.

"Salamat kay Nielsen, mas magiging exciting ang chapter four ng ABC Mystery."

***
P.S. Naisip kong sumulat ng kabanata na naka-set sa Skyranch Pampanga matapos
pumunta roon last December.

Sa next chapter, informatiom gathering mode muna si Cris habang pinaplano ang
chapter four at ini-stalk sina Mariel at Mario.

Chapter 9: Reconnaissance
A/N: Break muna tayo sa usual na discussion about writing a story. Tutok muna tayo
sa information gathering. Sana'y maging refreshing ang kabanatang 'to. :)

Hindi mahulugan ng karayom ang mga taong dagsa sa Skyranch Pampanga, isang bagong
bukas na amusement park na ilang tumbling lang mula sa sikat na mall sa Pampanga.
Hindi na rin kataka-taka ang bilang ng mga kalat-kalat dahil Sabado ngayon. Walang
pasok ang karamihan sa mga estudyante at walang trabaho ang ilan sa mga empleyado
ng iba't ibang kumpanya.

Kahit bulto-bulto ang mga namamasyal sa parkeng ito, halos kalahati lang sa kanila
ang nandito para sumakay ng rides. 'Yung iba kasi, pumunta lang dito para mag-
picnic sa damuhan, makipagharutan sa kasintahan at tumayo nang parang tanga habang
pinapanood ang mga sumisigaw sa Drop Tower. Pero ang karamihan sa kanila, iisa ang
goal tuwing pumupunta sa Skyranch--ang makapag-selfie kasama ang Pampanga Eye,
isang dambuhalang ferris wheel na may taas na 200 metro na hango sa sikat na London
Eye sa UK.

Pasado alas-kuwatro nang dumating si Cris Ibarra sa lugar na 'to. May suot siyang
mahabang coat na kulay brown, fedora sa ulo at shades na tumatakip sa kaniyang mga
mata. Alas-singko pa lang ang inaasahang oras ng pagdating ng kaniyang minamanmanan
pero mas pinili niyang maaga dumating para sigurado.

Sa kaniyang tabi nakatayo ang kaibigan at kaklase niyang si Nielsen Guevarra. Hindi
tulad ng suot ni Cris, naka-polo at maong lang siya at may shades na nakasabit sa
kaniyang kuwelyo.

"Naisip mo bang mas mukha kang kahina-hinala diyan sa suot mo?" komento ni Nielsen
habang pareho silang nakatingin sa entrance ng mall. Para silang mga agilang
naghihintay ng makakain. "Dapat pang-casual ang suot mo. Mukha kang police
inspector o kaya suicide bomber."

"Kailangan naka-in character ako ngayon para sa reconnaissance mission na 'to,"


depensa ni Cris. "Mas magiging epektibo ang isusulat kong kabanata kung may first-
hand experience ako sa stalking."

"At bakit dinamay mo pa ako rito?" tanong ng kaniyang kaibigan. "Dapat tinatapos ko
na ngayon 'yung news article about sa Cultural competitions o kaya natutulog sa
oras na 'to."

"Kailangan ko ng isang sidekick na tulad mo. Kung ako si Sherlock Holmes, ikaw si
Dr. Watson. Mas magiging kahina-hinala kung mag-isa lang akong palihim na sumusunod
sa kanila. At saka mas magandang maglibot sa lugar na tulad nito nang may kasama."

"Hindi pa nga tayo nagsisimula sa stalking mission na 'to, mukhang kahina-hinala ka


na talaga," bulong ni Nielsen. "Kung ako sa 'yo, tatanggalin ko na 'yang costume."

"Ssh! Nandiyan na sila! Talikod!" parang ahas na bumulong si Cris sa kaniyang


kasama. Pareho silang tumalikod at kunwari'y pinapanood ang mabagal na pag-ikot ng
Pampanga Eye.

"Pasensya na kung inistorbo kita ngayong araw." Kaagad nakilala ni Cris kung kanino
ang malumanay pero nakakairitang boses na 'yon-kay Mario Santiago, ang kaniyang
mortal na karibal. "Malaki ang pagpapasalamat ko na pumayag kang samahan ako rito."

"Wala rin akong ginagawa sa bahay dahil natapos ko na kanina 'yung assignment sa
Avant." Hindi rin nakatakas sa pandinig ni Cris ang mala-anghel na boses ni Mariel
Castro, ang kaniyang crush. "Gusto ko ring makatulong sa 'yo."

Kahit naka-shades siya, kitang-kita ng kaniyang mga mata ang nakakabighaning suot
at hitsura ngayon ni Mariel. Lagi kasi niyang nakikitang nakauniporme ang kaniyang
crush at malimit na makitang naka-blouse at pencil skirt na lalo pang nagpapaganda
sa kaniya sa paningin ni Cris.

"Mariel, sana hindi malaking pabor ito, pero..." parang nagdadalawang-isip si Mario
sa gusto niyang sabihin. "Puwede ba mag-holding hands... tayo? Hindi ko kasi alam
ang pakiramdam ng may ka-hawak kamay."

Napaisip nang ilang segundo si Mariel bago sumagot na, "Sige, I don't mind."

"ABA! Talagang sumosobra na 'yang Mario na 'yan!" Susunggaban na sana ni Cris ang
kaniyang karibal na ilang metro lang ang layo sa kaniya. Mabuti na lang at
napigilan siya ni Nielsen bago makagawa ng bagay na maaaring pagsisihan niya.

"Akala ko ba in character ka ngayon bilang isang detective-slash-stalker?" tanong


ni Nielsen sa kaniya habang hawak ang kaniyang braso. "Kung si Sherlock ang
nandito, hindi niya hahayaang pangunahan siya ng emosyon. Kaya dapat gano'n ka
rin!"
"Tsk!" Walang magawa si Cris kundi tingnan sina Mario at Mariel na naglalakad
habang magkahawak-kamay.

"Tandaan mo," panimula ni Nielsen, "sa ngayon, ikaw si Cris Ibarra ang writer na
naghahanap ng inspirasyon at inpormasyon para sa isinusulat mong nobela. Iwan mo
muna si Cris Ibarra na may crush kay Mariel at magpokus ka sa priyoridad mo, okay?"

Napatahimik na lang si Cris sa kanilang puwesto, nakatitig pa rin kina Mario at


Mariel na palayo nang palayo habang lumilipas ang bawat segundo.

"Mabuti't sinama mo ako rito kundi nagkaroon na ng gulo sa harap mismo ni Mariel,"
dagdag ng kaniyang kaibigan. "Naalala mo 'yung nangyari sa CofiAcad kung saan
binalaan na kitang tumahimik pero nagpatuloy ka pa rin sa paninira kay Mario? Hindi
na dapat maulit 'yon."

Biglang nakaramdam ng matinding selos si Cris sa naging takbo ng mga pangyayari.


Kung sanang nauna siyang yayain si Mariel na pumunta sa amusement park na 'to, e
'di sana siya ang kasama niya. Siya dapat ang kahalakhakan niya, katsismisan niya
ng mga walang kuwentang bagay at kahawak-kamay habang naglalakad.

Si Cris dapat ang nasa puwesto ni Mario ngayon, sa tingin ng ating bida.

"Simulan na natin ang reconnaissance mission," sabi ni Cris sa kaniyang kasama,


tila natauhan na kung ano ang dapat niyang ipriyoridad sa ngayon. Kahit ang
kaniyang editor na si Erland, pinaalalahanan siya kahapon na ang pangangalap ng
impormasyon para sa kaniyang kuwento ang dapat niyang pagtuonan ng pansin.

Parang anino kung bumuntot sina Cris at Nielsen sa kanilang dalawang target.
Pumabor sa kanila ang dami ng tao sa park kaya hindi gano'n kahalata ang ginagawa
nilang pagmamanman. Kaso nga lang, may ilang hindi maiwasang mapatingin kay Cris
dahil sa kaniyang suot.

"Ayon sa lumang kasabihan, kung gusto mong itago ang isang dahon, itago mo ito sa
gubat kasi mahihirapan ang naghahanap na makita ito," bulong ni Cris habang
nakatago sila sa likod ng carousel. "Magandang linya 'yon para sa bidang tauhan ko,
tama?"

"Tama, pero kung ilalagay mo ang isang kulay dilaw na dahon sa gubat na puro berde
ang kulay ng mga dahon, wala ring kuwenta ang gagawin mong pagtatago," sagot ni
Nielsen, pasulyap-sulyap sa isang booth kung saan sinusubukan ni Mario na maka-
shoot ng bola sa basket para makuha ang prize na teddy bear. "Tingnan mo 'yang suot
mo, nakakakuha ng atensyon ng ibang nandito."

"Oo, mukhang kahina-hinala. Pero hindi ako kaagad makikilala nina Mariel sa suot
kong ito dahil hindi nila inaasahang ganito ang susuotin ko sa isang park,"
paliwanag ni Cris, pinipigilan ang kaniyang tawa habang pinagmamasdang magmintis
ang mga tira ni Mario.

Sunod silang pumunta malapit sa Drop Tower kung saan pumila ang dalawa nilang
minamanmanan. Napatingala ang dalawa sa napakataas na tore kung saan unti-unting
itinataas ang mga nakasakay rito. Makalipas ang ilang sandali, bigla silang ibaba
at tiyak na halos mahulog ang kanilang mga puso.

"Magaling din palang pumili ng ride si Mario," komento ni Nielsen habang kinakain
ang kabibili niyang ice cream.

"Anong ibig mong sabihin? Ano bang meron sa Drop Tower na 'yan?" nagtatakang tanong
ni Cris.
"Panoorin mo na lang mamaya."

Nang turn na nina Mario at Mariel para subukan ang Drop Tower, parang aninong
lumapit ang dalawang stalker nila upang mas lalo silang mapagmasdan. Unti-unting
tumaas ang kinauupuan ng dalawang tila nagde-date. Nang narating na nito ang
pinakatutok ng tore, pansamantala muna itong huminto bago biglaang bumaba. Sabay-
sabay na sumigaw ang mga nakasakay rito na tila mamatay na sila anumang sandali
mula ngayon.

"Tingnan mo silang dalawa," bulong ni Nielsen.

"Pasensya na, medyo malabo ang mga mata ko. Ano bang gusto mong ipakita?"

"Nakahawak ang kamay ni Mariel sa kamay ni Mario nang biglang bumaba 'yung
sinasakyan nila," sagot ni Nielsen, nakatingala pa rin sa dalawang target nila.

"Aba! Talagang inaasar ako ng Mario na 'yan a--"

Nakapostura nang lumusob si Cris nang muli siyang pinigilan ng kaniyang kaibigan.
"Hoy, kalma lang! Baka nakalimutan mo na 'yung sinabi ko kanina?"

"Tsk!" Ito na ang ikalawang pagkakataon na walang magawa si Cris kundi tingnan
hanggang sa malusaw sina Mario at Mariel. Nakapokus ang kaniyang atensyon sa dalawa
nang biglang may pumasok sa isip niya.

"Nielsen, sigurado ka bang wala pang opisyal na namamagitan sa kanilang dalawa?"

Napalingon kay Cris ang kaniyang kaibigan at sinabing, "Hindi pa siya nagpapalit ng
relationship status sa Facebook. Pagdating sa text message, wala pa naman silang
words of endearment tulad ng babe, beh o bae."

"Hmm..."

Hindi maiwasan ni Cris na mapaisip tungkol sa estado ng relasyon sa pagitan ng


kaniyang crush at karibal. Sa tingin niya, may kakaiba, may hindi tama, may wala sa
lugar.

"Naisip mo bang nagiging out of character na yata si Mariel ngayon? Noong una,
pumayag siyang makipagkita at mag-coffee kasama si Mario sa CofiAcad ilang linggo
na ang nakalilipas. Pangalawa, pumayag siya na mag-lunch kasama ang lalaking 'yon.
At ngayon, pumayag siyang pumunta sa amusement park na 'to at makipaghawak-kamay
habang naglalakad. Hindi ba kakaiba 'yon para sa isang tulad ni Mariel?"

"Tama, medyo out of character nga sa kaniya," napatango si Nielsen sa naging


analysis ng kaniyang kaibigan. "Kung ako o ikaw ang magyayaya sa kaniyang mag-
coffee, mag-lunch o mag-enjoy dito sa amusement park, tiyak na hindi siya papayag.
Medyo naiilang kasi siya. 'Yon ang gagawin ng kilala nating Mariel."

"Pero iba ang kaso ni Mario," dagdag ni Cris. "Baka nahihiya si Mariel na i-turn
down ang pagyaya sa kaniya ni Mario. Sino ka ba para tanggihan ang numero unong
manunulat ng Writers' Bloc?"

"Isang posibilidad 'yon," komento ni Nielsen, bumalik ang kaniyang tingin sa


dalawang kakababa mula sa Drop Tower. "Pero meron pang isang posibleng dahilan kung
bakit nalagay siya sa sitwasyon na 'to."

"Isa pa?"
"Alam nating dalawa kung ano 'yon," sagot ni Nielsen. "O baka naman ayaw mong i-
entertain ang ideya na-"

Napailing si Cris, ayaw niyang marinig ang mga susunod na salitang lalabas sa bibig
ng kaniyang kasama. "Hindi. Hindi mangyayari 'yon. Halos isang buwan pa lang sila
magkakilala. Imposibleng ma-fall siya kaagad sa lalaking 'yon."

"Hindi ko ipipilit sa 'yo ang naiisip ko ngayon," sagot ng kaniyang kaibigan. "Pero
mas makabubuti kung magpokus ka muna sa ginagawa mong pangangalap ng impormasyon
para sa 'yong nobela. At saka medyo lumalayo na sila kaya dapat na tayong sumunod
sa kanila. Baka mapag-iwanan tayo."

Pero kahit anong paalala ng kaniyang kaibigan na tigilan muna ang pag-iisip tungkol
sa relasyon ng dalawang sinusundan nila, hindi maiwasan ni Cris na mapaisip. Ang
isang ideya nga naman, kapag naitanim sa isip ng tao, hindi gano'n kadaling alisin.

Kumakagat na ang dilim. Sa halip na kumonti ang mga dumarating, patuloy pa rin ang
dagsa ng mga tao sa amusement park. Sinindihan na ang mga ilaw sa bawat ride rito
na lalong nagpaningning at nagbigay-buhay sa lugar ng kasiyahan. Pero ang nakaagaw
sa atensyon ng lahat ay ang mga ilaw na nakakabit sa higanteng ferris wheel-ang
Pampanga Eye. At dito ang sumunod na destinasyon nina Cris at Nielsen na palihim pa
ring nakabuntot kina Mario at Mariel.

"Medyo mahihirapan tayong bantayan ang bawat galaw nila kung sasakay sila diyan.
Kaya dapat sumakay din tayo!" suhestiyon ni Cris, nagmamadaling tumakbo sa pila ng
mga sasakay sa Pampanga Eye.

"Te-Teka! Hindi mo ba napapansing puro mga magkasintahan ang mga sumasakay diyan?"
biglang tutol ni Nielsen, huminto muna sa paglalakad. "Tingnan mo 'yung pila. Kung
sasakay ang dalawang lalaki diyan, ano sa tingin mo ang magiging impresyon nila sa
'tin?"

Napatigil din si Cris mula sa pagtakbo at nagmasid muna sa lalaki't babaeng


magkahawak-kamay habang nakatayo sa pila at naghihintay makasakay. "Medyo...
awkward nga..."

"Kaya dito na lang tayo maghintay hanggang sa makababa sila."

"Gaano ba katagal bago makumpleto ng dambuhalang chubibo ang ikot nito?"

"Kung hindi ako nagkakamali, mahigit labinlimang minuto."

"Ga-Gano'n katagal?!" tugon ni Cris, nanlaki ang kaniyang mata habang nakatingin sa
mabagal na pag-ikot ng Eye.

"Hindi na kataka-taka 'yon. Sa laki ba naman niyan, talagang matagal bago


makumpleto ang rotation nito."

"Pe-Pero maraming puwedeng mangyari sa loob ng fifteen minutes na hindi tayo


nakatingin sa kanila!" protesta ni Cris.

"Katulad ng cuddling, kissing at iba pang bagay na ginagawa ng mga magkasintahan,"


dugtong ni Nielsen, ni hindi nag-aalala sa kung anong posibleng mangyari sa
dalawang sinusundan nila. "Apat ang puwedeng isakay sa bawat gondola ng ferris
wheel na 'yan kaya nakakahiyang gumawa ng bagay na hindi dapat gawin sa harap ng
ibang tao."

"Mabuti nama-"
"Pero malay natin, biglang magtapat ng tunay niyang nararamdaman si Mario kay
Mariel habang umiikot ang chubibong 'yan," hirit ni Nielsen, dahilan para
mapatingin sa kaniya ang kaniyang kaibigan. "At kung tama ang aking hinala, baka
mag-iba na ang relationship status ng dalawang 'yan kababa nila."

Nanahimik na lang si Cris habang nakatitig sa gondola na sinasakyan nina Mario at


Mariel. Nang makapasok na ang dalawa, isinara na ang pinto ng gondola at unti-unti
itong gumalaw paakyat.

Habang pinagmamasdan niya ang mas mabagal pa sa pagong na ikot ng Eye, biglang may
pumasok na ideya sa kaniyang ulo.

"Nielsen! Magandang ideya bang gawing crime scene ang ferris wheel na 'yan?"

"Hoy, huwag mong sabihing balak mong patayin si Mario pagbaba niya?"

"Hindi. May naisip na akong senaryo para sa chapter four," sagot ni Cris, may ngiti
sa kaniyang labi at excitement sa kaniyang boses. "Dahil dito mismo sa amusement
park ang setting, balak kong gawing pangyayarihan ng krimen 'yang chubibo."

"Paano naman? Biglang masisira ang Pampanga Eye at mamamatay ang lahat ng nakasakay
dito?"

"Ganito. May dalawang magkasintahan na nakasakay sa isang gondola. Kapag narating


na nito ang tutok, biglang tatalon ang babae at magkakalasug-lasog ang katawan niya
pagbagsak sa lupa," paliwanag ni Cris na may kasama pang galaw ng kaniyang mga
kamay.

"Isang kaso ng suicide? Hindi ba masyadong boring 'yon?" komento ni Nielsen matapos
isipin kung paano ang magiging takbo ng eksena.

"Gano'n ang tingin ng mga pulis. Sa unang tingin, suicide ang nangyari pero ang
totoo, isa itong kaso ng murder," pagpapatuloy ni Cris. "At ang salarin ay walang
iba kundi ang kasintahan ng biktima. Hindi ko pa alam kung paano mapapatunayang
murder ito at hindi suicide, pero makakarating din ako sa parteng 'yon. Ano sa
tingin mo?"

Napatingin sa kaniya si Nielsen, tila namangha sa ideyang ipinaliwanag ng kaniyang


kaibigan. "Wow. Naisip mo ang eksenang 'yon sa kakatitig lang sa ferris wheel?"

"Kailangan ko lang paganahin ang imahinasyon ko at ilapat ito sa mga bagay-bagay sa


paligid tapos makakagawa na ako ng senaryo," paliwanag ni Cris, nanatili pa rin ang
ngiti sa kaniyang mga labi. "Hindi ba't kahanga-hanga ang utak ng mga literary
writer?"

"Baka nakakalimutan mong halos lahat ng mga writer sa Bloc ay hindi mo kasing-lalim
mag-isip?" biglang kontra ni Nielsen. "Ilan bang cliché love stories ang ipina-
publish ng inyong publication? Mahigit sampu, tama? Kaya sabihin mo ngayon sa 'kin
kung paano nagiging kahanga-hanga ang utak ng mga tulad nila."

"Teka, kalma lang! Naalala ko tuloy sa 'yo si Erland," sabi ni Cris, nagulat sa
biglang bugso ng damdamin ng kaniyang kasama. "Huwag mo akong ikumpara sa mga tulad
nila. Parang inihambing mo ang isang mansanas sa isang basket na puno ng bulok na
orange. Sila kasi 'yung mga tipo ng writer na natututo lang mag-type sa keyboard o
magsulat sa notebook, feeling writer na agad."

"Kagaya ni Mario Santiago?"

"Medyo, pero kumpara sa ibang writer na nasa dulo ng listahan ng mga top story, mas
magaling pagdating sa paggamit ng mga salita at pagpapadama ng emosyon si Mario.
Nakukuha niya ang kurot at kirot sa puso ng mga mambabasa. Kung titingnan mo ang
line-up namin, kay Mario lang 'yung medyo may hugot. 'Yung iba, puro pakilig lang."

"Anong nakain mo't dinedepensahan mo siya ngayon?" nagtatakang tanong ni Nielsen,


nagulat sa naging tugon ng kaniyang kaibigan.

"Ang ayaw ko lang kay Mario ay ang tema ng kaniyang isinusulat at ang
predictability ng kaniyang kuwento," paliwanag ni Cris. "Mula nang ma-publish ang
ABC Mystery, sinimulan kong basahin ang mga kabanata ng Para Sa Mga Na-friendzoned
series niya. Gusto kong malaman kung bakit hindi ito matanggal sa pagiging number
one sa lingguhang Facebook poll. Sabi nga nila, know your enemy first."

"At ang dahilan kung bakit lalagyan mo ng kaunting love story ang susunod na
kabanata ng ABC ay... dahil doon?"

"Si Erland mismo ang nag-suggest na budburan ko ng kaunting pag-ibig ang chapter
four. Noong una, hindi ko matanggap na sa bibig niya mismo lumabas ang suggestion
na 'yon. Pero nang ipinaliwanag na niya kung bakit, naintindihan ko 'yung punto
niya. Hindi dapat katakutan ang tulad ni Mario. Ang dapat na katakutan ay ang
editor niya-si Elaine. Kaya ngayon, pinag-aaralan at tinatapatan ni Erland ang
stratehiya ng kalaban."

"Speaking of Mario, pababa na sila ngayon ni Mariel mula sa gondola," itinuro ni


Nielsen ang dalawang naglalakad sa exit ng Pampanga Eye.

"A-Ang bilis naman! Akala ko ba mahigit fifteen minutes ang ikot niyan?"

"Ganiyan talaga kapag may malalim kang iniisip o busy ka sa pakikipagtsismisan.


Minsan hindi mo na namamalayan ang oras," paliwanag ng kaniyang kaibigan. "Simulan
na rin nating kumilos kasi dadaan sila dito sa kinatatayuan natin."

Lumipat muna nang puwesto ang dalawang stalker bago nila ipagpatuloy ang pagsunod
sa kanilang dalawang target. Mukha namang nag-enjoy sina Mario at Mariel sa
pagsakay nila sa Pampanga Eye. Nang makita ni Cris ang kakaibang ngiti sa kanilang
mga mukha, napaisip tuloy siya kung may nangyari sa loob ng gondola na hindi nila
nabantayan ni Nielsen.

Muling bumalik sa booth area ang dalawang tila magkasintahan na magkahawak-kamay.


Muli ring nagtago ang dalawang nagmamasid sa kanila sa may carousel na pinagtaguan
din nila kanina.

"Hindi pa ba sila uuwi? Nakasakay na sila sa pinaka-highlight ng amusement park na


'to," bulong ni Nielsen na mukhang pagod na sa walang sawang pagsunod nila sa
dalawa. "Huwag mong sabihing sasakay pa sila sa ibang rides?"

"Sigurado akong pagod na rin sila," komento ni Cris sabay tanggal sa kaniyang
shades matapos mapansin na nakasuot pa rin ito sa kaniya kahit wala nang araw.

Sabay na napapikit ang dalawa, halatang hapong-hapo na sa kanilang ginawa. Pero


biglang nagising ang kanilang diwa nang may...

"HUWAG KAYONG LALAPIT SA 'KIN!"

"A-Ano 'yon?!" Napatakbo ang dalawa sa may booth area kung saan biglang nagtipon-
tipon ang mga tao. May isang lalaking itinututok ang kaniyang patalim sa mga pilit
lumalapit sa kaniya. Sa kaniyang kaliwang braso, hawak niya bilang hostage ang
isang babae na kaagad nakilala ni Cris-si Mariel. Ang mas ikinagulat pa nila,
nakasuot ng uniporme ang hostage-taker na kapareho ng kanilang isinusuot sa
college.

"HUWAG kayong la-lapit kundi gigitlian ko ang leeg ng babaeng ito!" Nanginginig
pero may halong pananakot ang boses ng lalaki. Namumula ang kaniyang mga mata,
parang kakaiyak lang niya kani-kanina lang.

"Please, huwag mo siyang sasaktan! Pakawalan mo na siya!" Napalingon si Cris kay


Mario na nagtatangkang lumapit sa hostage-taker pero napapaurong tuwing
iwinawasiwas nito ang patalim niya.

"Ano bang ginawa ng Mario na 'yon at naging hostage si Mariel?!" Gusto na ngayong
lusubin ni Cris ang kaniyang karibal sa sobrang pagkainis sa kaniya. Kapabayaan ni
Mario, 'yan ang itinuturo niyang dahilan kung bakit hawak ngayon ng isang
mapanganib na tao ang kaniyang crush.

"Pareho tayo ng pinapasukang university, kaya baka puwede kitang matulungan sa


problema mo! Basta pakawalan mo lang 'yang hostage mong babae," muling nakiusap si
Mario, pilit pa ring lumalapit sa hostage-taker.

Suminghot-singhot muna ang lalaki at pinunasan ang tumutulong luha sa kaniyang mga
mata. "Pa-Pamilyar 'yang mukha mo ah! Teka, ikaw 'yung gagong nagsusulat ng Para Sa
Mga Na-friendzoned, tama?!"

"Oo, ako nga," mabilis na tugon ni Mario. "Kung gusto mo ng autograph, bibigyan
kita basta pakawalan mo 'yang babaeng hawak mo."

"Hahahaha!" Mala-demonyo na ang tawa ng lalaki. "ULOL! Naniwala ako sa mga isinulat
mo, sinundan ko 'yung mga payo mo sa libro mo, pero PUMALPAK PA RIN AKO! NASA
FRIENDZONE PA RIN AKO! Kasalanan mo lahat nito!"

"Pero kathang-isip lang 'yon! Hindi ko sinabing seryosohin n'yo kung anuman ang
isinulat ko," depensa ni Mario, pinipilit niyang maging kampante sa isang
peligrosong sitwasyon. "Ang mabuti pa, pakawalan mo 'yang hostage mo, ibaba mo ang
patalim na hawak mo at mag-usap tayo."

"Sana walang mambabasa ng ABC Mystery ang ma-inspire na gamitin 'yung mga trick na
inimbento mo," pabirong bulong ni Nielsen kay Cris na kanina pa lumilingon-lingon
sa paligid. "Nakita mo na kung gaano kaimpluwensiyal ang mga isinusulat n'yong
nobela.

"Hindi ito ang oras para pag-usapan 'yan," naging seryoso ang boses ni Cris habang
pinagmamasdan ang bawat galaw ng hostage-taker. "Nasasakal na si Mariel sa braso ng
lalaking 'yon. Dapat na natin siyang iligtas."

"Pero paano? May patalim 'yung lalaki."

"Tingnan mo 'yung kamay niya, nanginginig. Mukhang hindi rin gano'n kahigpit ang
hawak niya sa patalim," bulong ni Cris sa kaniyang kaibigan. "Kailangan lang natin
ng kaunting distraction para matanggal 'yung pagkakahawak niya sa mapanganib na
bagay na 'yon."

"May naiisip kang plano?"

"Marunong ka bang mag-shoot ng bola? Kung oo, ganito ang gagawin natin."

"Mister, pakibaba na 'yang hawak mo, masyadong delikado 'yan at baka may masaktan
ka niyan," pakiusap ng security guard na unti-unting lumalapit sa hostage-taker.
Bahagyang nakataas ang kaniyang mga kamay para ipakitang wala siyang hawak na
baril, batuta o kahit anong armas. "Tapos, pakawalan mo 'yang hostage mo at mag-
usap tayo."

"SA TINGIN N'YO BA MALOLOKO N'YO KO?" sigaw ng hostage-taker, sabay talsik ng
kaniyang laway. "HINDI kayo ang gusto kong kausapin! Si Shirley! Ipatawag n'yo siya
rito at baka magbago pa ang isip ko!"

"Huwag kang mag-alala, on the way na si Shirley," dahan-dahang naglakad si Cris


papunta sa hostage-taker. "Kaya mabuti pa, itigil na natin ang dramang ito."

"Boy, huwag ka nang dumagdag sa problemang 'to," sabi ng security guard na biglang
napatigil sa paglapit sa lalaki. "Ipaubaya mo na sa 'min 'to."

"Kilala ko ang lalaking 'to kaya baka mapakiusapan ko siyang sumuko nang payapa."
Ang totoo niyan, hindi talaga ni Cris ang hostage-taker maging ang Shirley na
sinabi niyang on the way kanina. Mas minabuti niyang magsinungaling para makalapit
sa kaniya.

"SI-SINO KA?! Paano mo nakilala si Shirley?! Sabing huwag lalapit e!" Itinutok ng
lalaki ang kaniyang patalim kay Cris pero hindi siya natinag. Ni hindi siya
napaurong.

Napatingin si Mariel sa kaniya na namumula at hirap na hirap na sa kaniyang


sitwasyon. Mukhang nakilala niya kung kanino galing ang boses na 'yon.

"A-Alam ko kung anong pakiramdam ng ma-friendzone," halos mangiyak-ngiyak ang boses


ni Cris habang kausap ang hostage-taker. "Masakit tanggapin. Pero kung hindi siya
para sa'yo, dapat mo na siyang kalimutan at mag-move on. Parang nagpapatiwakal ka
niyan sa ginagawa mo. Huwag kang magpatanikala sa kaniya."

Hindi na napigilan ng lalaki ang pagtulo ng kaniyang mga luha at bahagyang ibinaba
ang kamay na may hawak na patalim. "Hi-Hindi ko kaya! Hi-hindi ko siya magawang
tanggalin sa aking isipan! Araw-gabi, lagi ko siyang iniisip. Kung na-friendzone ka
rin, dapat alam mo ang pakiram-"

SLAM!

Isang bola ng basketball ang biglang tumama sa ulo ng hostage-taker, dahilan para
mabitawan niya ang hawak na patalim at makatakas si Mariel mula sa pagkaka-hostage.
Sinipa palayo ni Cris ang nahulog na patalim at nag-thumbs up kay Nielsen na ilang
metro ang layo sa likod ng hostage-taker. Kaagad namang sinunggaban ng security
guard ang lalaki at sinigurong wala na siyang maidudulot na kapahamakan.

"Hindi ko inaasahang magiging epektibo ang plano mo!" komento ni Nielsen nang
makabalik na siya sa tabi ng kaniyang kaibigan. "Mabuti't hindi nagmintis ang tira
kong 'yon kundi naging malala ang sitwasyon."

"Madaling manipulahin ang mga emotionally unstable na tao," tugon ni Cris.


"Kailangan mo lang makisimpatiya sa kanila at tiyak na mawawala sila sa pokus. Baka
nakakalimutan mong ako ang author ng ABC Mystery. Pagdating sa mga krimen, puwede
akong mag-"

Napatikom ang bibig ni Cris nang mapansin ang paglapit sa kanila nina Mario at
Mariel.

"Ma-Maraming salamat, Cris," medyo mahina at nanginginig pa rin ang boses ni


Mariel. "Ku-Kundi dahil sa 'yo, ba-baka may... may..."

Tumingin nang mata sa mata si Cris kay Mario, biglang bumigat ang tensyon sa
pagitan ng dalawa.
"Dalhin mo na siya sa clinic. Halatang na-trauma si Mariel sa nangyari kaya
kailangang kaagad siyang matingnan ng mga doktor."

"Si-Sige, mauna na kami. Salamat." Dahan-dahang inalalayan ni Mario sa paglakad si


Mariel na parang matutumba anumang sandali.

"Akala ko sasapakin mo na siya," biro ni Nielsen sa kaniya.

"Hindi ko puwedeng gawin 'yon, lalo na sa harap ni Mariel," unti-unting humina ang
boses ni Cris habang nakatingin pa rin sa dalawang naglalakad palayo.

"Nakita mo naman kanina, 'di ba? Kay Mario kaagad tumakbo si Mariel nang makatakas
siya mula sa hostage-taker... kahit mas malapit ako sa kaniya."

EPILOGUE

Pagdating ng Lunes, maagang nagising si Cris dahil sa paulit-ulit na pagtawag ng


kaniyang editor. Nakapikit pa ang kaniyang mga mata at medyo lumulutang pa ang
kaniyang isip.

"Hello... Ano bang meron ngayong araw? Hindi ko naman birthday," halatang inaatok
pa si Cris sa kaniyang pagsagot sa tawag ni Erland.

"Gusto kitang i-congratulate dahil balak ng EIC na isama sa cover art ang ABC
Mystery," tugon ng kaniyang editor. "Nagustuhan niya ang manuscript ng chapter four
mo kaya biglang pumasok sa isip niya ang ideyang ito."

"Ta-Talaga?!" Napabangon sa kama si Cris at biglang nawala ang kaniyang antok. "I-
Ibig sabihin, mas gusto niyang gawing cover ang ABC kaysa sa Na-friendzoned?"

"Halatang inaantok ka pa," komento ng kaniyang editor. "Ang sabi ko, balak ng EIC
na isama sa cover art ang ABC. Ang Na-friendzoned pa rin ang bida sa cover,
idinagdag lang nila 'yung sa 'yo."

"Pe-Pero paano nangyari 'yon? Paano nila ipagsasama ang dalawang magkaibang
istorya?"

Nagkaroon muna ng katahimikan bago sagutin ni Erland ang tanong ni Cris.

"Hindi ko alam kung nag-usap kayong dalawa ni Mario tungkol dito. Pero ang mga
bagong kabanata ng Na-friendzoned at ABC... ay parehong naka-set sa may Pampanga
Eye."

*****

Sa susunod na kabanata, magkikita-kita ang lahat ng mga writer at editor sa mid-


year convention ng mga student-publication. Isang malaking pagtitipon, isang
malaking hamon!

Ano ang say n'yo sa kabanatang ito?

Chapter 10.1: Writers' Nocturne (Part One)


A/N: Naka-1000 reads na pala ang Writers' Bloc! Maraming salamat sa mga patuloy na
tumatangkilik sa kuwentong ito, lalo na sa mga nagbibigay ng komento at bumoboto!
Nang dahil sa inyo, mas nai-inspire akong ituloy at pagandahin ang WB. J
Balak ko nang tapusin ang WB sa ika-20 na kabanata (pero maaari pa namang magbago).
At dahil nasa double digits na ang chapter na 'to, medyo espesyal itong ikasampung
kabanata kaya hahatiin ko sa dalawa o tatlong parte, kagaya ng Si 'Tiago at Si
Ibarra.

****

ERLAND

"BAKIT may nakalagay na emoticon sa chapter nito?!"

Parang isang nakagigimbal na kulog ang narinig sa buong opisina ng Writers' Bloc.
Lahat ng editor na busy sa kanilang mga trabaho ay biglang napalingon sa desk ni
Xavier, ang kanilang EIC, at nagtataka kung ano ang ikinagalit niya. Bihira nilang
marinig na sumigaw ang kanilang boss.

Napalingon din si Erland sa lugar kung saan kausap ng EIC ang isa sa mga kapwa niya
editor. Pero hindi na siya nakitsismis sa mga kasama niyang nagbubulungan. Mas
pinili na lang niyang manahimik at basahin ang chapter four ng ABC Mystery ni Cris
Ibarra.

"A-Akala ko po kasi magiging refreshing sa mga mata ng mga mambabasa natin kung
lalagyan ng emoticon ang ilang bahagi niyan para ma-visualize nila kung ano 'yung
eksaktong reaksyon ng mga tauhan," paliwanag ng editor na nangangatog na ang tuhod
sa sobrang takot.

Pinigilan ng mga nakarinig na editor ang kanilang tawa. Baka kasi sila ang susunod
na masampolan ng EIC.

"Katamaran!" tugon ni Xavier na tila sasabog na anumang oras. "Ang tawag diyan ay
katamaran! Hindi n'yo ba kayang ilarawan ang ekspresyon ng mga tauhan sa
pamamagitan ng mga salita? Editor ka pa naman kung tawagin, pero hinayaan mong
makasulot sa 'yo at ibigay sa 'kin ang isang mortal na kasalanan sa literatura!"

"Pa-Pasensya na po! Aayusin ko na po 'yung mga parteng may emoticons!" Biglang


kinuha ng editor ang nakapatong na manuscript sa desk ng EIC at dali-daling bumalik
sa kaniyang puwesto.

"At saka pagsabihan mo 'yang writer mo na isang uri ng panitikan ang isinusulat
niya, at hindi text message o chat, maliwanag?" pahabol ni Xavier.

"O-Opo!"

Hindi na bago ang ganitong mga eksena sa kanilang opisina. Sanay na rin si Erland
na makarinig ng mga editor na harap-harapang pinapagalitan lalo na kapag nakagawa
sila ng mortal na kasalanan tulad ng maling gramatika at hindi tamang paggamit ng
mga bantas. Ang mga kadalasang biktima, mga baguhang editor.

Sa kabutihang palad, hindi pa nasesermonan si Erland dahil ginagawa naman niya ang
kaniyang trabaho. Sa lahat ng mga editor, siya na yata ang pinakametikuloso. Kahit
na-publish na ang ine-edit niyang istorya, babasahin niya ito nang paulit-ulit
hanggang sa makasiguro siya na wala siyang nakaligtaang titik, salita, tuldok o
kahit isang kulang o sobrang espasyo.

"Erland, Elaine, pumunta muna kayo rito!" sigaw ni Xavier na kaagad nakakuha sa
atensyon ni Erland. Base sa taas ng boses ng kanilang boss, mukhang may kasalanan
din ang dalawang naglalaban para sa titulo ng punong patnugot.
Malinis naman ang pagkaka-edit ko sa chapter four. Siguradong wala akong
nakaligtaan ni isang maling spelling. Hindi rin ako naglagay ng emoticon. Ano
kayang nagawa kong mali? Paulit-ulit na tumakbo sa isip ni Erland ang mga tanong na
'yon habang naglalakad patungo sa desk. Pero ang lubos niyang ipinagtataka, bakit
pati si Elaine ay ipinatawag ng EIC?

Nagkaharap sa tapat ni Xavier ang dalawang magkaribal-si Elaine Flores na may


nakapintang ngiti sa mukha at si Erland na mukhang matamlay at walang kabuhay-buhay
ang mga mata.

"Nagkuntsabahan ba kayong dalawa sa mga bagong kabanata ng Para Sa Mga Na-


friendzoned at ABC Mystery?" kaagad ibinato ni Xavier ang tanong sa dalawa niyang
editor.

"Excuse me, pero anong ibig n'yong sabihin?" Napakunot ang noo ni Elaine nang
marinig ang tanong.

Inilabas ni Xavier ang mga printed draft ng Na-friendzoned at ABC at ipinatong sa


kaniyang desk. "Hindi ko alam kung nagmamaang-maangan kayong dalawa o sadyang wala
kayong alam sa nangyari."

"May mali ba sa mga manuscript?" tanong ni Elaine. "O baka naman may nagsabotahe sa
isinend ko sa inyong draft kagabi?"

Ipinatong ni Xavier ang kaniyang mga siko sa mesa at pinagkrus ang kaniyang mga
daliri na tila nagdarasal. "Sabihin n'yo nga sa akin kung saan naganap ang mga
eksena sa mga bagong kabanata ng mga kuwentong ine-edit n'yo?"

"Sa Skyranch Pampanga!" sabay na sagot nina Erland at Elaine.

"Te-Teka!" Napatingin kay Erland ang mga nanlaking mata ni Elaine. "Huwag mong
sabihing ginaya n'yo ang setting ng kuwento ni Mario?"

"Huwag kang magbiro, Elaine," tugon ni Erland, naging seryoso ang kaniyang boses.
"Ni minsa'y hindi kami mangongopya ng ideya lalo na sa inyo."

"Kung gano'n, ipaliwanag n'yo sa akin kung paano nangyari na ang dalawang writer ng
Bloc ay nagkaroon ng parehong lokasyon para sa mga eksena nila."

Inunahan na ni Erland sa pagpapaliwanag si Elaine bago pa siya makasagot.


"Pinayuhan ko si Cris na ibahin ang setting ng chapter four para maging refreshing
ang eksena sa mga mambabasa. Kahapon niya lang naisumite ang kaniyang manuscript
dahil kinailangan niya pang personal na pumunta at mangalap ng impormasyon sa
amusement park. Tinamaan kasi siya ng writer's block."

"Gano'n din ang kaso ni Mario!" Sumingit na si Elaine sa pagpapaliwanag. "Naubusan


na siya ng ideya kung paano mas gagawing romantic ang pagtatapat ni Nathaniel kay
Elizabeth kaya sinabi ko sa kaniyang magandang gawing lokasyon ang sikat na
amusement park na 'yon."

"Hahahaha!" biglang napatawa ang kanilang EIC, senyales ng pagkawala ng tensyon sa


pagitan nilang tatlo. "Nakatutuwang isipin na nakaranas ng writer's block ang mga
manunulat ng Writers' Bloc. Siguro nga'y coincidence ang nangyaring ito. Ayaw kong
ipa-revise sa inyong mga writer ang isinubmit nilang kabanata dahil una sa lahat,
magaling ang pagkakasulat ng mga ito. Pero may bagay akong dapat ipaalam sa inyo
bago ko pakilusin ang chief artist natin."

Hindi na kailangang sumagot ng dalawang editor dahil sapat na ang reaksyon sa


kanilang mga mukha para magbigay ng tugon si Xavier.
"Gusto ko sanang isama ang bidang tauhan ng ABC sa cover art."

Napangiti si Erland sa kaniyang narinig habang gulat na gulat si Elaine, hindi


makapaniwala sa balak gawin ng kanilang boss.

"Tiyak na hindi tututol si Cris sa usapin ng cover," komento ni Erland sabay


pagpapakita ng kalahating segundong ngiti sa kaniyang karibal na tila nakapuntos
siya sa kanilang laban. "Malaking karangalan 'to para sa ABC Mystery."

"Pe-Pero tanging ang top story sa Writers' Bloc ang inilalagay sa cover!" pagtutol
ni Elaine. "Alam nating tatlo at ng mga kapwa-editor ko kung ano ang numero unong
istorya sa Bloc. Ang kay Juan kay Juan! At isa pa, hindi pa nakakapasok sa 'big
three' ang ABC. Ano sa tingin n'yo ang mararamdaman ng iba kapag nalaman nilang
naungusan sila ng kuwentong nasa ikaapat na puwesto pagdating sa cover?"

"Ang naging basehan ng EIC para ilagay sa cover ang ABC ay ang parehong setting ng
mga ine-edit nating kuwento," buwelta ni Erland, kumpiyansa na hindi magbabago ang
desisyon ng EIC. "Walang kinalaman dito ang ranking ng ibang kuwento maliban sa Na-
friendzoned na ipinapamukha mong number one."

Napatango si Xavier sa naging paliwanag ni Erland. "Tama, walang kinalaman dito


kung may mga kuwentong mas mataas ang ranggo sa ABC. Gusto kong i-maximize ang
Pampanga Eye na cover art sa susunod nating release kaya naisip kong isama ang
detective mula sa ABC."

Mukhang umaayon sa amin ang mga pangyayari. Kung masasama sa cover ang ABC Mystery,
sigurado akong may mahihikayat pa kaming mga mambabasa at tataas ang ranggo nito sa
Facebook poll. Kapag sinusuwerte ka nga naman..."Palihim na napapangiti si Erland
pero pilit niya itong itinatago mula kina Elaine at Xavier.

"Kung 'yan ang desisyon ng EIC, wala na kaming magagawa," sumuko na rin sa pagtutol
si Elaine. "Basta dapat mas may focus sa mga tauhan ng Na-friendzoned."

"Paki-inform na lang ang inyong mga writer sa pagbabagong ito para hindi sila
magulat kapag inilabas na ang isyu natin ngayong Miyerkules." Itinabi na ni Xavier
ang mga draft sa kaniyang mesa. "Puwede na kayong bumalik sa inyong puwesto."

Kaagad tinawagan ni Erland si Cris para ibalita ang naging usapan tungkol sa cover.
Nakailang ring din siya bago sinagot ng kaniyang writer ang tawag. Medyo hindi
makapaniwala ang nasa kabilang linya sa kaniyang narinig kaya kailangan pang
ipaliwanag ni Erland kung bakit makatutulong ito sa kanila.

"Wow! Mukhang takbuhan ng suwerte ang ABC Mystery," komento ng katabi niyang editor
na nakikinig pala sa usapan nina Erland at Cris. "Noong una, tinanggal sa lineup
tapos biglang ibinalik. Noong nakaraang linggo, dalawang chapter ang sabay na
inilabas. At ngayon, masasama pa sa cover ng susunod ng isyu! Wow, as in wow! May
ritwal ba kayong ginawa ni Cris para lapitan kayo ng suwerte?"

"Hindi suwerte ang tawag do'n," napalingon sa kaniya si Erland. "Tadhana. Sa tingin
ko, nakatadhanang maging number one sa Bloc si Cris at ang kaniyang ABC Mystery.
Maaaring hindi pa ngayon, pero malay mo, ngayong linggo, maungusan na niya ang
ating big three."

"Ang masasabi ko lang, sa lahat ng mga pagsubok na dinaanan niya, dapat manalo si
Cris bilang most promising literary writer sa mid-year convention natin."

"Mid-year convention?" pag-uulit ni Erland. "Kailan nga kasi ulit 'yon?"


"Hindi mo ba natanggap 'yung email ng managing editor? Sa Sabado na 'yung event.
Black and white daw ang theme, formal attire. Dapat ngayon pa lang, maghanap na
tayo ng susuotin natin. Namomroblema na ngayon ako e."

"Tsk..." Biglang dinalaw ng stress si Erland, napabuntong-hininga dahil dito.


Kumpara sa iba na mahilig dumalo sa mga social gathering, hindi niya hilig ang
makipagsalamuha sa ibang mga tao. Kailangan din niyang problemahin ang isusuot
niyang attire para sa gabing 'yon. Kung puwedeng hindi pumunta, hindi siya dadalo.
Pero dahil isa siya sa mga editor at gusto niyang maging punong patnugot sa susunod
na taon, kailangan niyang tiisin ang pasakit na 'yon.

Ang mid-year convention ay taunang pagtitipon ng mga manunulat na estudyante sa


unibersidad sa kalagitnaan ng academic year. Kasama rito ang mga literary writer ng
Writers' Bloc, ang mga campus journalist ng Avant Garde at mga college publication.
May maikling programa kung saan paparangalan ang mga natatanging manunulat sa
kanila. Pagkatapos noon, puro kainan at party-party na-ang parteng inaabangan ng
lahat maliban kay Erland.

"Kung gano'n, kailangan ko pa lang i-inform si Cris tungkol dito," bulong niya.

Bumukas ang pinto ng kanilang opisina at pumasok si Kevin Quirino, ang kanilang
acquisitions editor. Dumiretso siya sa puwesto ng dalawang nag-uusap na editor
sabay tanong, "Erland? Busy ka ba?"

"Wala naman akong ginagawang importante," tugon ni Erland sa kaniya. "May kailangan
ka ba?"

"May nag-submit kasi ng manuscript ngayon," sagot ni Kevin, lumilingon sa direksyon


ng lobby. "Naghihintay pa 'yung writer sa labas."

"Love story?"

"Uhm... Medyo."

"Alam mo namang hindi ako nag-e-edit ng love story," sabi ni Erland, nagbalik sa
pagbabasa ng chapter four ng ABC. "Kung kailangan mo ng editor para diyan, bakit
hindi na lang itong si Gelo, tutal patapos na rin ang series niya sa susunod na
linggo."

"Hi-Hindi pa ako handang humawak ng istorya," sagot ng katabi niyang editor.


"Kailangan kong magpokus sa huling kabanata ng Love Gamble."

"Baka puwedeng kay Elaine mo ipahawak 'yan. Magaling siya pagdating sa genre na
'yan."

"Pero sa tingin ko, ikaw lang ang puwedeng humawak ng ganitong klase ng kuwento,"
komento ni Kevin. Ibinigay niya ang hawak niyang mga papel kay Erland. "Sa lahat ng
love story na mababasa mo sa Bloc, sigurado akong 'yan ang pinakamagugustuhan mo."

"Inaasar mo ba ako o talagang totoo 'yang sinasabi mo?" Tinanggap naman ni Erland
ang ibinigay na manuscript sa kaniya at kaagad tiningnan ang cover page.

The Secret? Wala na bang mas generic na title para dito? Naisip niya sabay lipat sa
susunod na pahina.

"Gusto ko sanang hingin ang opinyon mo kung karapat-dapat ba 'yang ipaglaban sa


susunod na e-board meeting," pinagmamasdan ni Kevin ang reaksyon ni Erland sa bawat
pahina ng manuscript. "Pasok siya sa hinahanap nating teen fiction na love story,
kagaya ng mga tinatanggap natin. Pero may kakaiba sa kuwentong 'yan kaya naisip
kong sa 'yo ibigay kung sakaling karapat-dapat i-publish."

Napakurap ang mga mata ni Erland matapos ang kaniyang mabilisang pagbasa sa
manuscript. "Parang... Para Sa Mga Na-friendzoned na may halong ABC Mystery..."

"Yan din ang unang pumasok sa utak ko matapos basahin 'yan," komento ni Kevin.
"Interesting, hindi ba? Na may isang writer na nagawang pagsamahin ang dalawang
magkaibang genre. Hindi unique ang istorya kung ikukumpara sa mga nababasa natin.
Pero dito sa Bloc, mukhang 'yan pa lang ang unang istoryang pinaghalo ang
kakikiligan at katatakutan."

"Nasa lobby pa ang nag-submit nito, tama?" Tumayo si Erland mula sa kaniyang
kinauupuan at naglakad palabas ng opisina dala-dala ang manuscript ng The Secret.

Isang lalaking nakasalamin ang napansin niyang nakaupo sa isa sa mga sofa ng lobby,
tahimik na naghihintay sa hatol sa kaniyang isinumiteng kuwento. Nang naglakad
papunta sa kaniya si Erland, kaagad tumayo ang lalaki at binati ang editor ng isang
ngiti.

"Magandang umaga po!" masiglang sabi ng lalaking nakasalamin.

"Magandang umaga rin," tugon ni Erland. Ipinakita niya ang manuscript sabay tanong,
"Ikaw ba ang nagsumite nito sa amin?"

"O-Opo! Sana po'y nagustuhan n'yo!"

"Ako nga pala si Erland Salazar, isa sa mga story editor ng Writers' Bloc." Iniabot
niya ang kaniyang kamay sa lalaki. "Ako rin ang editor ng ABC Mystery, na sa tingin
ko'y nabasa mo na."

"Ka-Kayo po ang editor ni Cris Ibarra?!" pagulat na tugon ng lalaking nakasalamin


matapos makipagkamay kay Erland. "Isa po itong malaking karangalan! Ako naman po si
Simon Morayta, third year psychology student at avid reader ng ABC Mystery! Pleased
to meet you po!"

***

Note: Unang naipakilala si Simon Morayta sa Chapter Seven: Writer's Block.

Ano ang masasabi n'yo sa kabanatang ito? May komento o suhestiyon ba kayo? Ibahagi
sa amin!

Chapter 10.2: Writers' Nocturne (Part Two)


A/N: Medyo may kahabaan ang chapter na 'to. Hindi ko na pinutol sa isa pang bahagi
para tuloy-tuloy ang daloy ng kuwento. Importante ang kabanatang ito para sa mga
susunod na mangyayari kaya "required" basahin para sa mga sumusubaybay sa WB. :)

CRIS

"Hmm... Hmm? Hmm..."

Halos magpaikot-ikot na si Cris sa harap ng salamin sa kakatingin kung bagay sa


kaniya ang nirentahan niyang itim na coat na pinarisan ng itim na bowtie, pants at
sapatos habang kulay puti ang suot niyang panloob. Kinailangan niya pang gastusin
ang kakakuha niyang paycheck kahapon para mabayaran ang kaniyang susuotin para sa
mid-year convention.
"Dapat siguro 'yung may necktie ang kinuha ko," sabi niya sa kaniyang repleksyon sa
salamin. "Mukha tuloy akong waiter sa suot ko. Bakit kasi kailangang formal attire
pa ang suotin? Puwedeng uniform na lang."

Tok! Tok!

Kaagad binuksan ni Cris ang pinto ng kaniyang dorm at pinapasok ang kaniyang
bisita.

"Ready ka na bang magparty-party?" tanong ni Nielsen na nakasuot ng puting


kasuotan, mula necktie hanggang sapatos.

"Nielsen, hindi ba akong mukhang waiter sa suot ko?" tanong ni Cris sabay ikot sa
harap ng kaniyang kaibigan.

"Hindi naman, basta hindi kayo pareho ng suot ng mga waiter doon sa venue," sagot
ni Nielsen, pinipigilan ang tawa habang tinitingnan mula ulo haggang paa ang
kaniyang kaibigan.

"Bakit ba kasi kailangang pumunta sa pagtitipon na 'yon?" himutok ni Cris, ang


buhok naman niya ngayon ang kaniyang inasikaso. "Kung hindi lang sinabi ni Erland
na required pumunta ang mga bagong writer ng Bloc, hindi talaga ako dadalo diyan.
Napagastos pa tuloy ako."

"Malimit lang magkita-kita ang mga writer sa university kaya dapat enjoyin natin
ang gabing ito," komento ni Nielsen. "Hindi ka ba excited na makita kung ano ang
susuotin ni Mariel?"

"Kahit anong suotin niya, siguradong sabay at kapit-bisig silang pupunta ni Mario."
Damang-dama sa tono ng kaniyang pananalita ang kapaitan na nararamdaman niya.
"Teka, paano tayo makakapunta sa venue?"

"Sa Grand Hall sa loob ng campus ang event kaya puwede nating lakarin tutal isang
hagis ng bato lang ang layo nito sa dorm mo. O kaya naman..." Ipinakita ni Nielsen
ang isang susi kay Cris. "...puwede rin nating gamitin ito para mas sosyal."

Nang matapos mag-ayos si Cris, ini-lock na niya ang kaniyang kuwarto at kasabay na
bumaba si Nielsen. Sa tapat ng kaniyang dorm, may isang nakaparadang puting
Mitsubishi na sinakyan niya at ng kaniyang kaibigan. Si Nielsen ang nakahawak sa
manibela habang nakaupo si Cris sa tabi niya.

"Bihira ko lang makita itong sasakyan mo, a," komento ni Cris nang paandarin na ng
kaniyang kaibigan ang engine ng kotse. "Bakit hindi mo 'to ginagamit kapag
pumapasok ka?"

"Kapag may importanteng event ko lang inilalabas 'to," sagot ni Nielsen, tumitingin
sa magkabilang sideview mirror. "Delikado kung ipa-park ko 'to sa campus. Last
week, may tatlong kotse sa parking lot ang inisprayan ng pintura. Hinala ng safety
and security office, 'yung mga feeling gangster ang gumawa no'n."

"Ta-Talaga? May nangyaring gano'n sa campus?"

Napatingin tuloy si Nielsen kay Cris. "Halatang hindi ka nagbabasa ng Avant Garde.
Ako kaya ang sumulat ng article tungkol doon."

"Nahuli ba kung sino 'yung mga feeling gangster na gumawa no'n?" tanong ni Cris.

"Hindi pa alam ng mga security official kung miyembro sila ng gang o fraternity sa
university," tugon ni Nielsen, patingin-tingin sa sideview at sa rearview mirror.
"Alam mo namang ipinagbabawal ang pagbuo ng frat sa campus, 'di ba? Dalawang
anggulo ang nakikita ko rito. Una, may lihim na frat sa university na wala pa kahit
sinuman ang nakakaalam maliban sa mga miyembro nito. Pangalawa, may mga
estudyanteng naimpluwensiyahan ng pagbabasa ng gangster stories na ipina-publish
n'yo sa Bloc."

"Tagasulat lang kami ng kuwento," depensa ni Cris, nakatulala sa mga dinadaan nila.
"Kung anuman ang maging interpretasyon ng mga mambabasa sa akda namin, labas na
kami doon. Wala naman kaming sinabing gayahin n'yo 'to, huwag ganyan ang gawin
n'yo."

Lumiko ang kanilang sinasakyan papasok sa bakal na gate ng campus. Hinarangan muna
sila ng guard at tinanong kung saan ang kanilang tungo.

"Kuya, sa Grand Hall kami para sa mid-year convention," sabi ni Nielsen, ipinakita
ang kaniyang school at media ID sa guwardiya.

Matapos kumpirmahin ng bantay ang kanilang pakay, hinayaan na silang tumuloy.

"Hindi mo ba alam na kasing impluwensiyal kayo ng mga campus journalist?"


Ipinagpatuloy ni Nielsen ang kanilang usapan. "Kaming mga taga-Avant Garde, kaya
naming direktang hubugin ang opinyon ng mga estudyante. Kayong mga taga-Bloc, may
pagka-indirect, usually subtext, ang inyong impluwensiya. Naaalala mo pa ba 'yung
palpak na hostage-taking sa amusement park?"

Paano makakalimutan ni Cris ang gabi kung saan mas lumakas ang kaniyang hinala
tungkol sa relasyon nina Mariel at Mario Santiago? Sa tuwing naaalala niya kung
paano tumakbo si Mariel papunta kay Mario kahit mas malapit siya sa hinostage,
napapailing na lang siya.

Hindi kumibo si Cris kaya ang kaniyang kaibigan na mismo ang sumagot sa sariling
tanong. "Naniwala ang lalaking 'yon sa mga payo ni Mario na nakasulat sa kaniyang
Na-friendzoned series. Nang hindi tumalab ang mga 'yon, naging desperado siya at
naisipang mang-hostage para makausap ang babaeng nag-friendzone sa kaniya."

"Ipanalangin natin na sana walang ma-inspire na gumawa ng krimen dahil sa pagbabasa


ng ABC Mystery," pabirong tugon ni Cris. "Medyo realistic ang mga trick at puwedeng
gawin kahit ng isang elementary student."

Inihinto ni Nielsen ang kaniyang sasakyan sa paradahan sa tapat ng isang gusaling


mukhang mansyon. May mga ibang kotse rin na naka-park sa tabi nila. Nasa bandang
dulo ito ng campus kaya medyo natagalan ang kanilang biyahe papunta rito.

Sabay na bumaba sa kotse ang magkaibigan. Siniguro muna ni Nielsen na naka-lock ito
bago sila pumasok sa loob ng enggrandeng Grand Hall.

Pagbukas sa pinto, mapapansin kaagad ang dami ng mga taong naka-itim at naka-puti,
nagtsitsimisan sa kanilang mga kasama. Mga pabilog na mesang may kulay itim at
pulang tablecloth ang nakalagay sa sentro ng bulwagan. Nakabalot din ng itim at
puting tela ang mga upuan. Sa bandang dulo, naka-set up ang isang entablado na may
backdrop na "WELCOME, STUDENT WRITERS!" Ang mga bintana'y natatakpan ng mga itim at
puting kurtina.

"Halatang-halata na black and white ang theme," bulong ni Cris habang tinitingnan
ang buong paligid.

"Cris, puntahan ko muna 'yung mga kasama ko sa Avant Garde," paalam ni Nielsen bago
siya naglakad palayo sa kaniyang kaibigan. "See you later!"
Naiwan tuloy mag-isa si Cris sa may entrada ng bulwagan. Hindi niya alam kung saan
siya pupunta. Sa mga dumalo ngayong gabi para sa convention, tanging sina Nielsen
at Erland lang ang lubos niyang kilala. 'Yung iba, kakilala lang niya sa pangalan o
sa mukha.

Teka, si Erland! biglang pumasok sa isip ni Cris, nagsimulang humakbang paharap ang
kaniyang mga paa para hanapin ang kaniyang editor. Tumingin-tingin muna siya sa mga
grupong nagtsitsismisan, nagbabaka-sakaling nandoon si Erland. Pero bigla siya
napaurong at naalalang hindi mahilig makihalubilo ang kaniyang editor sa kapwa niya
tao kaya naghanap siya ng mga taong nag-iisang nakaupo o nakatayo sa sulok.

Hindi naman nagkamali si Cris sa kaniyang hinala dahil kaagad niyang nakita si
Erland, suot ang itim na vest na nakapatong sa kaniyang puting longsleeve shirt.
Nag-iisa siya sa may gilid ng bulwagan at nakadungaw sa bintana.

"Sabi ko na nga ba, dito kita makikita," sabi ni Cris pagkalapit sa kaniyang
editor. "Kung hindi mo hilig ang makisalamuha ang ibang tao, bakit ka pumunta
rito?"

"Kailangan kong magpanggap na active sa mga ganitong pagtitipon lalo na't balak
kong maging editor-in-chief," sagot ni Erland, ni hindi lumingon sa kaniyang
kausap. "Pagdating sa pagiging sociable, tiyak na lamang na lamang si Elaine sa
akin kaya dapat tapatan ko siya."

Napalingon si Cris sa mga namumukhaan niyang taga-Bloc na nakaupo sa palibot ng


mesa malapit sa kanila. Kaagad natuon ang pokus ng mga mata niya sa isang babaeng
nakasuot ng puting gown at nakakulot ang buhok. Kapansin-pansin din ang mamula-
mulang pisngi ng babaeng 'yon na sa hinala ni Cris ay epekto ng blush-on. Para
siyang anghel, ganyan ang naging paglalarawan sa kaniya.

Kahit todo-make up at ayos ang babaeng 'yon, kaagad siyang nakilala ni Cris--si
Elaine Flores, ang editor ni Mario at karibal ni Erland sa pagiging EIC.

Napatingin tuloy si Cris sa kaniyang editor na tulalang nakadungaw sa bintana.


"Aminin mo, maganda ang kaniyang ayos at suot ngayon."

Pero gaya ng kaniyang inaasahan, hindi kumibo si Erland na tila walang narinig mula
kay Cris.

"Noong nag-usap tayo sa lobby tungkol sa chapter four, hindi mo kinumpirma kung
tama ang hinala ko sa 'yo."

"Hinala?" Napatingin si Erland sa kaniya, pero walang bakas ng pagtataka sa


kaniyang mukha o boses.

"Na bitter ka kay Elaine kaya gusto mo siyang matalo sa pagiging EIC at ayaw mong
mag-edit ng love story," pagpapaalala ni Cris, umaasang direktang sasagutin ni
Erland ang kaniyang naudlot na tanong.

Nagkaroon muna ng maikling katahimikan, kagaya ng nangyari sa lobby noon, at


napaharap si Erland kay Cris at nagkatinginan ang dalawa nang mata sa mata.

"Bago pa magsimula ang event natin, mag-party-party na tayooo!" sigaw ng isang


matabang lalaking nakaitim na coat sa microphone. Napatingin ang lahat sa
entablado, maging sina Cris at Erland. "Hit it, DJ!"

"It's going down, I'm yelling timber! You better move, you better dance~"
"Mananahimik din ang mga 'yan mamaya," komento ni Erland matapos mapansin ang mga
umiindak na tao na ginawang dance floor ang bulwagan. "Gusto mo bang malaman ang
resulta ng Facebook poll ngayong linggo?"

Muli na namang nalihis ang kanilang usapan na lubos na ikinadismaya ni Cris. Hindi
niya maintindihan kung bakit ayaw pag-usapan ng kaniyang editor ang tungkol sa
buhay pag-ibig. Minabuti na lang niyang huwag puwersahin si Erland na magbigay ng
kaniyang sagot at patulan ang bago nilang topic.

"Dapat ba akong matuwa sa resulta?" tanong ni Cris.

"Matutuwa ka ba kung sasabihin kong naungusan na ng ABC Mystery ang Na-friendzoned


ni Mario?"

Nanlaki ang mga mata ni Cris habang nakatitig sa kaniyang editor. Napanganga rin
ang kaniyang bibig dahil sa hindi inaasahang balita. Kumbaga sa lotto, para siyang
nanalo ng milyon kahit hindi siya tumaya.

"Ta...Talaga? Na-Natalo ko na si Ma-Mario? Talaga? Sigurado ka?" Napatakip ng bibig


si Cris at nagpaikot-ikot sa kaniyang puwesto, hindi mapakali sa kaniyang narinig.
Oo, mabuti para sa kaniya ang balita, pero hindi siya makapaniwala na ganito niya
kabilis matatalo ang kaniyang karibal. Ang buong akala niya, aabot pa ng dalawa
hanggang tatlong buwan bago magnumero uno ang ABC sa Facebook poll ng Bloc.

"Wa...Wala akong masabi, Earl. Hi...Hindi ko alam kung paano magre-react. Hindi ko
inaasahang ganito magiging kabilis ang pagkapanalo ko." Hindi niya alam kung dapat
niyang ipakita kung gaano siya kasaya o kung dapat niyang itago ang nararamdaman ng
kaniyang puso.

At least, kahit mukhang wala na siyang pag-asa sa puso ni Mariel, nalamangan naman
niya ang lalaking bigla na lang pumasok sa eksena at ginulo ang mga estratehiya
niya sa pag-ibig.

"Kaagad ka namang naniwala," komento ni Erland na kanina pa pinagmamasdan ang


kaniyang reaksyon. "Joke lang. Number one pa rin ang Na-friendzoned habang
nakapasok na sa 'big three' ang ABC Mystery."

Napatigil bigla si Cris sa paggalaw. Nabura sa isang iglap ang bahid ng tuwa sa
kaniyang mukha at napalitan ito ng pagkadismaya. Para siyang batang inaagawan ng
lolipop. "I-Ibig sabihin, hindi totoo na natalo ko si Ma-Mario? Na biro lang lahat
ng sinabi mo?"

"Wala ka naman sigurong problema sa pandinig," sagot ng kaniyang editor. "Joke lang
'yung sinabi kong nag-number one ka. Nasa ikatlong puwesto na ngayon ang ABC, pero
medyo maliit lang ang lamang mo sa He's Dating the Cold-hearted Princess na pang-
apat na ngayon."

"Tsk! Huwag mo namang gawing biro ang mga gano'ng bagay, Earl! Alam mo naman kung
gaano kaimportante sa akin na malamang naunahan ko na 'yung Mario na 'yon," padabog
na sabi ni Cris, napasandal sa pader malapit sa bintana.

"Pasensya na. Gumaganti lang ako sa mga pinagsasabi mo," paliwanag ni Erland.
"Tungkol sa ABC, mukhang nakasakay tayo sa popularidad ng Na-friendzoned kaya
tumaas ang ating ranggo. Hindi ko alam kung hanggang kailan tayo susuwertehin.
Inaasahan kong baba ang rank natin sa susunod na linggo."

"Kung gano'n, anong dapat kong gawin para hindi masyadong bumaba ang ranggo ng
ABC?"
"Ipagpatuloy mo lang ang romance sub-plot, pero dapat nakapokus pa rin sa mystery,"
suhestiyon ng kaniyang editor na nakatingin ngayon sa mga taong papasok sa
bulwagan. "At saka dapat magpakilala ng bagong elemento para mas ma-excite ang mga
mambabasa mo. Kung babalik ka sa karaniwang mga kaso sa university, maiisip nilang
paulit-ulit na lang ang isinusulat mo."

"Anong elemento ang dapat kong idagdag sa chapter five?"

"Hindi ko alam kung paano mo isusulat ito, pero oras na para magpakilala ka ng
antagonista," sagot ni Erland, napatingin ang kaniyang mga walang buhay na mata kay
Cris. "Kailangan nang pumasok sa eksena ang Professor Moriarty sa 'yong Sherlock
Holmes, ang Joker sa 'yong Batman, ang Lex Luthor sa 'yong Superman."

Napakrus ang mga braso ni Cris, tila napaisip sa payo ni Erland. Wala sa plano
niyang magpakilala ng isang kontrabida na tatapat sa talino at galing ng kaniyang
bida. Ang gusto lang niya, lumutas ng mga kaso sa bawat kabanata ang kaniyang
college detective hanggang sa matapos ang kaniyang series.

"Pag-iisipan ko muna, Earl." Hindi pa tuluyang makapagdesisyon si Cris kung


susundan ang suhestiyon ng kaniyang editor. Bilang writer ng ABC, siya pa rin ang
may huling salita sa kung ano ang susunod na mangyayari sa kaniyang nobela.

"Hindi mo naman kailangang sundin ang nag--"

Napansin ni Cris na biglang tumigil sa pagpaparty-party ang mga taong nasa paligid.
Kasabay ng pagpatay sa kantang "Timber" na paulit-ulit pinatugtog ng DJ,
nagmistulang mga istatwa ang mga sumasayaw na parang naglalaro sila ng "stop,
dance." Lahat sila, nakatingin sa may entrada ng bulwagan kaya hindi naiwasan ni
Cris mapatingin sa direksyon 'yon.

Isang lalaking may tangkad na 5'10" ang naglalakad papasok sa bulwagan. Halos
pareho ang suot nila ni Cris pero mas makintab ang kaniyang coat. Kung may
kapansin-pansin sa lalaking 'to, 'yun ay ang kaniyang mga matatalim na kulay gray
na mga mata na parang kayang tusukin ang sinumang magkamaling tumingin sa mga ito.
Meron din siyang aura na kapag napalapit ka nang kaunti sa kaniya, mas gugustuhin
mong lumayo.

"Sabi ko na sa 'yo, mananahimik din ang mga 'yan," bulong ni Erland sa kaniya na
hindi nagulat sa pagpasok ng lalaki.

"Sino ba siya at bakit mukhang natatakot ang halos karamihan sa kaniya?" tanong ni
Cris na sinusundan sa tingin ang tinutukoy niya. "Anak ba siya ng presidente ng
university o isang propesor na inimbitahan para sa convention na 'to?"

"Hindi mo siya kilala?" pagtataka ni Erland, medyo hindi makapaniwala sa reaksyon


ng kaniyang kasama. "Siya si Clarence Alfonso, editor-in-chief ng Avant Garde. Ayon
sa mga editor na nakausap ko, may pagka-bitchy daw siya at talagang pinapahiya nang
harap-harapan ang mga staffer niyang nagkakamali hanggang sa wala na silang
maipakitang mukha."

"Ga-Gano'n siya umasta bilang EIC?"

"Hindi mo siya masisisi dahil mataas ang expectations sa Avant Garde," depensa ni
Erland. "Kumpara sa atin na sales na ang priyoridad, sa kanila'y sa kalidad ng mga
ipina-publish nila. Kahit gano'n siya, wala kang masyadong maririnig na nagsasalita
ng masama tungkol sa kaniya. May mga mata at tenga raw siya kahit saan kaya alam
niya kung ano ang nangyayari at kung sino ang nagsabi."

Makalipas ang ilang sandali, pinapuwesto na ang mga dumalo sa kanilang mga mesa
dahil magsisimula na ang programa. Magkatabing umupo sina Cris at Erland sa
bakanteng mesa sa likuran, malapit sa entrada.

Biglang nagdilim ang paligid at tanging mga ilaw lang sa entablado ang nakaiwang
nakabukas, hudyat ng simula ng programa.

"Good evening sa mga student-writer ng University of Pampanga! Buhay pa ba kayo


riyaaaan?!" masiglang bati ng emcee na may katabaan. Siya rin ang lalaking
nagpasimula ng party-party bago dumating ang kanilang EIC.

"Bago tayo magsimula sa ating programa, may mensahe ang CSC para sa mga manunulat
ng ating unibersidad. Without them, this event would not be possible. Let's give a
round of applause to Ms. Joan Salazar, vice president of the Central Student
Council!"

Salazar?

Isang babaeng nakauniporme ang umakyat sa entablado at binigyan ng microphone ng


emcee. Nakalugay ang kaniyang buhok na abot ang kaniyang balikat, matambok ang
kaniyang pisngi at may pagkatamlay ang kaniyang mga mata na tila inaantok.

"Magandang gabi. Una sa lahat, labis ang panghihinayang ng Central Student Council
president na hindi siya personal na nakadalo sa pagtitipong ito. May mga tinatapos
pa kasi siyang mga gawain ng council kaya ako ang ipinadala niya rito. Pero tiniyak
niyang kaisa n'yo siya sa inyong mga layunin at..." sabi ni Joan.

Napatingin si Cris kay Erland na hindi interesadong makinig sa mga salita ng bise
presidente. "Earl, kilala mo ba ang babaeng 'yan?"

"Huh? Hindi mo ba narinig kanina?" pagtataka ng kaniyang editor. "Siya ang


pangalawang pinakamataas na estudyante sa buong university. Bakit, gusto mo ba
siyang makilala?"

"A-Alam kong siya ang vice president pero--"

"Kung gusto mo siyang pormahan, binabalaan na kita na huwag mo nang ituloy. Baka
masaktan lang 'yang durog mong puso," sabi ni Erland nang hindi tumitingin sa
kaniyang kausap. "Katulad siya ng mga tradisyonal na pulitiko, laging nakamaskara
sa harap ng ibang tao. Mukhang approachable pero hindi naman talaga. Kumbaga sa mga
pina-publish na cliche stories sa Bloc, matatawag mo siyang ice princess."

"Teka! Saan mo nakuha ang ideyang 'yan? Gusto ko lang itanong kung magkaano-ano
kayong dalawa kasi pareho kayo ng--"

Napatigil siya sa pagsasalita at napatulala sa babaeng kadarating lang sa


bulwagan--si Mariel na nakasuot ng itim na gown na halos umabot na sa sahig. Naka-
Japanese bun ang kaniyang buhok, may mascara ang kaniyang mga pilik-mata at pulang-
pula ang kaniyang mga labi. Para kay Cris, mukha siyang prinsesa na naghihintay ng
susundong prinsipe sa kaniya. Dumiretso si Mariel sa puwesto ng mga taga-Avant
Garde at doon umupo.

Nagbalik sa reyalidad ang kamalayan ni Cris nang matapos na ang talumpati ng bise
presidente at magpalakpakan ang mga tao. Nakalimutan na rin niya ang kaniyang
itinatanong kanina kay Erland.

"At ngayon, ang pinakahihintay ng lahat, maliban sa kainan at party-party mamaya!"


masiglang sabi ng emcee nang makababa na sa entablado si Joan. "Ang awarding
ceremonies ng mga most promising writer at editor! May I call on stage Mr. Clarence
Alfonso, editor-in-chief of Avant Garde, and Mr. Xavier Gonzalez, editor-in-chief
of Writers' Bloc, to award the trophies and certificates."

Umakyat sa entablado ang dalawang pinakamataas na editors sa unibersidad. Isa-isang


tinawag ang mga nagsipagwagi una muna sa "most promising news editor at news
writer."

"May awards din ba para sa ating mga taga-Bloc? Bakit puro campus journalists ang
tinatawag?" Medyo napalakas ang boses ni Cris sa pagtatanong dahil halos maghiyawan
ang mga tao tuwing binabanggit ang pangalan ng nanalo.

"Mas maraming categories ang para sa mga campus journalist. Pero may dalawang
special awards para sa atin," tugon ng kaniyang editor na hindi masyadong
maintindihan ni Cris. "May most promising Bloc editor at writer. Karaniwan, mag-
partner ang nanalo sa mga award na 'yon. Pero huwag kang masyadong umasa diyan.
Alam naman natin kung sino ang may mas mataas na tsansang manalo."

Matapos ang ilang minuto ng paghihintay, dumating na ang inaabangang kategorya ni


Cris.

"At ang most promising Bloc editor ay si..."

Ipinagkrus ni Cris ang kaniyang mga daliri, tila nananalangin. "Sana si Earl. Sana
si Earl. Sana si Earl."

"Elaine Flores! Ang editor ng hit series na Para Sa Mga Na-friendzoned!"

Nang maglakad papunta sa entablado si Elaine, kaagad napansin ni Cris na tumingin


pala si Erland, mukhang ayaw makita ang kaniyang karibal na tumanggap ng award.

"Kung si Elaine ang naparangalang editor, siguradong si Mario na ang susunod na


tawagin," naisip ni Cris habang pinapanood ang pagbibigay ni Xavier ng trophy kay
Elaine.

"At ang most promising Bloc writer ay walang iba kundi si... May bet ba kayo kung
sino?!"

"Mario! Mario! Mario!" paulit-ulit na sigaw ng mga babaeng taga-Bloc na minsan e


hindi pa nakilala ni Cris.

"Meron siyang letrang a, r at i!" Nagpa-suspense effect muna ang emcee bago sabihin
ang pangalan ng nanalo kahit mukhang halata naman kung sino.

"Mario! Mario! Mario!"

"At ang most promising Bloc writer ay walang iba kundi si..." pag-uulit ng emcee na
sinabayan ng drun roll. "Cris Ibarra! Writer ng ABC Mystery!"

Biglang napatahimik ang mga sumisigaw na taga-Bloc at napatingin sa puwesto ni


Cris.

"A-Anong meron?" pagtataka ni Cris nang mapansing halos nakatingin sa kaniya ang
lahat at nakatutok sa kaniya ang spotlight. May sinasabi si Erland sa kaniya pero
wala siyang marinig.

"Mr. Ibarra? Pumunta ka na sa stage para tanggapin ang iyong award!"

Napailing si Cris at nagbalik ang kaniyang pandinig. Sinalubong siya ng mga sigawan
lalo na mula sa mga taga-Avant Garde. Ang mga taga-Bloc na nagtsi-cheer para kay
Mario, nanahimik sa kanilang mga upuan.
"Kaibigan ko 'yan!" sigaw ni Nielsen na ilang mesa ang layo mula sa kaniya.

"Tumayo ka na, Cris, at pumunta sa stage," sabi ni Erland. "Ikaw ang nanalo sa most
promising writer award."

"A-Ako?" Halatang hindi siya makapaniwala sa naging anunsiyo ng emcee. "Ang akala
ko ba kapa--"

"Basta pumunta ka na doon at tanggapin ang iyong award!" Kailangan pa siyang


puwersahin ng kaniyang editor para kumilos.

Kahit medyo lutang pa ang kaniyang utak, naglakad papunta sa entablado si Cris.
Kaliwa't kanan ang mga nagsasabi ng congratulations sa kaniya hangga sa tumuntong
siya sa stage. Pagkalapit niya sa dalawang EIC na kanina pa naghihintay, iniabot ni
Xavier ang isang trophy habang certificate ang ibinigay ni Clarence. May mga
sinasabi sila sa kaniya pero hindi niya masyadong maintindihan kaya puro "Thank
You" ang tugon niya sa kanila.

Pagbalik niya sa kaniyang puwesto, tulala pa rin siya na parang nakasaksi ng isang
karumal-dumal na krimen.

"Okay ka lang, Cris? Cris?"

"O-Okay lang ako," sagot niya, unti-unting bumalik ang kaniyang atensyon sa mga
taong nasa paligid niya. "Medyo na-shock lang ako sa nangyari."

"And that concludes our awarding ceremonies!" excited na anunsiyo ng emcee.


"Ngayon, let the hunger games begin! Tapos magparty-party na tayoooo! Music,
please!"

"One day while my light is glowing, I'll be in my castle golden, but until the
gates are open, I just wanna feel this moment."

Nang magsimula nang pumila ang mga tao para sa buffet-style na dinner, tumayo na
si Erland at nagpaalam kay Cris. "Mauna na ako sa 'yo. Congratulations ulit."

"Teka, hindi ka man lang magdi-dinner dito? Sayang ang pagkain," komento ni Cris na
pupunta na sana sa pila.

"Nawalan na ako ng gana," sagot ng kaniyang editor. "At saka may gagawin pa akong
mas importante kaysa kumain dito. Tapos na rin naman 'yung awarding kaya puwede na
akong umalis. Hindi ko rin hilig makipag-party-party."

***
Nang matapos nang kumain ang halos lahat ng dumalo sa convention, iniusog ang mga
mesa sa gilid para gawing dance floor ang gitnang bahagi ng bulwagan. May mga
juice, alak at wine ang isineserve sa isang makeshift bar malapit sa entablado.

Nakadungaw lang sa bintana si Cris, pinag-iisipan kung dapat na siyang umuwi tutal
hindi rin siya nakiki-party sa mga kapwa niya manunulat. Ngayon, naiintindihan na
niya kung bakit mas pinili ni Erland na umalis kaysa manatili sa bulwagan.

Napatingin siya sa mga namumukhaan niyang taga-Bloc. Maging ang karibal niyang si
Mario, ine-enjoy ang gabing ito at komportable sa pakikipagsayawan sa mga kasama
niya.

"Cris? Bakit nagmumukmuk ka diyan?" tanong ni Nielsen na biglang sumulpot sa


kaniyang likuran. "Ikaw ang nanalo bilang most promising Bloc writer pero bakit
parang daig mo pa ang natalo sa hitsura? Nasaan na ang editor mo?"

"Umalis na siya bago mag-dinner. Hindi niya trip ang ganitong mga party," tugon ni
Cris. Napansin niyang may kasamang babae si Nielsen na nakasuot ng itim na gown na
hanggang tuhod ang haba. Nakakulot ang kaniyang buhok at maputi ang kutis tulad ng
kay Elaine at medyo may kapayatan ang pangangatawan.

"Siya nga pala, gusto kang makilala ng kasama ko." Umurong si Nielsen para magbigay
daan sa babaeng nasa likod niya.

"Hi! I'm Daniella Carlos, literary editor of Avant Garde!" pagpapakilala ng babae
sabay abot ng kaniyang kanang kamay kay Cris. "You can call me Dani. I have read
your ABC Mystery and I must say na I'm impressed."

"Kung naaalala mo, siya 'yung sumulat ng opinion article tungkol sa biglang
pagkawala ng ABC Mystery sa line-up ng Bloc," biglang hirit ni Nielsen. "Lantaran
niyang binatikos ang pamamahala ng editorial board n'yo at ang cheap na taste nila
sa literature."

"AH! Ikaw pala 'yun! It's my pleasure to meet you!" Kaagad nakipagkamay si Cris sa
kaniya. "Kung hindi dahil sa column mo, malamang e wala na ang ABC sa Bloc."

"Nielsen, can Cris and I talk in private? May importante lang kaming pag-uusapan,"
tanong ni Dani sa kaniyang kasama.

"Sure, no problem."

Hindi maiwasang magtaka ni Cris kung bakit kinailangan pang umalis ng kaniyang
kaibigan para sa pag-uusapan nilang dalawa ni Dani.

"Didiretsohin na kita, Cris, I want to recruit you in our literary department sa


Avant Garde," sabi ni Dani na talagang ikinagulat ni Cris.

"Gu-Gusto n'yo akong sumulat para sa Avant Garde?"

"Sa tingin ko, hindi ang Writers' Bloc ang tamang publication para sa 'yong
talento," pagpapatuloy ni Dani, lumingon-lingon sa likod kung may taga-Bloc na
nakikinig. "Compared sa Bloc, malaki ang expectation at malinis ang reputasyon ng
Avant Garde. Sa inyo kasi, nahaluan na ng komersyalismo at sales ang priyoridad ng
mga editor. Sa amin, pinahahalagahan ang kalidad ng bawat article na ipina-
publish."

"Teka, pinipirata n'yo ba ako? At saka may napirmahan na akong kontrata sa Bloc
kaya hindi ako basta-basta makakasali sa Avant Garde."

"Hindi naman kami nagmamadali, Cris," sagot ni Dani. "Sa pagkakaalam ko, puwede
mong i-terminate ang kontrata sa Bloc basta tapos na ang project mo sa kanila. Kung
sakaling mapgadesisyon mong sumali sa amin, ang kailangan mo lang gawin ay tapusin
kaagad ang ABC Mystery."

Biglang natahimik si Cris, pinagninilay-nilayan kung dapat ba niyang tanggapin o


ikonsidera ang alok ng literary editor. Aniya, kung lilipat siya sa Avant Garde,
makakasama na niya sa opisina si Mariel at makakaporma na rin siya. Pero ang tanong
niya sa kaniyang sarili, sapat na ba 'yong dahilan para mangapit-bahay siya? Paano
na ang deal nila ni Erland?

"Alam kong biglaan at hindi inaasahan ang pag-uusap nating ito," sabi ni Dani
matapos mapansing hindi kumikibo si Cris. "Pero hindi naman kita minamadali. May
ilang linggo ka pa para pag-isipan ang alok ko sa 'yo. Kapag nakapagdesisyon ka na,
pumunta ka lang sa office ng Avant Garde at hanapin ako. Pag-isipan mong mabuti."

Muling lumapit si Nielsen sa kaniya nang umalis na sa eksena si Dani. "Anong pinag-
usapan n'yo? Mukhang seryoso, a."

"Wa-Wala. Nagkomento lang siya tungkol sa bagong chapter ng ABC Mystery." Mas
minabuti na ni Cris na huwag munang sabihin kahit kanino, lalo na kay Erland at
maging sa kaibigan niyang si Nielsen, ang naging takbo ng usapin nila ni Dani.
"Nasaan nga pala si Mariel?"

"Kasama 'yung mga kapwa niya feature writer," sagot ni Nielsen, sabay turo sa
bandang unahan. "May gustong kang sabihin sa kaniya? Tara."

Sinamahan ni Nielsen si Cris papunta sa teritoro ng mga taga-Avant Garde. Nangilag


sila sa mga taong todo kung humataw at halos makasakit na ng ibang tao sa sobrang
pag-indak.

"Oh, what a night! Late December back in '63. What a very special time for me..."

"Mariel? Mariel!" Kailangan pang lakasan ni Cris ang kaniyang boses para marinig
siya ng kaniyang tinatawag.

"Hi, Cris!" masayang bati ni Mariel. "Bakit?"

"Puwede ba kitang makausap?" tanong niya. "Tayong dalawa lang?"

"Uyyyy!"

"Tumigil nga kayo!" sabi ni Mariel sa kaniyang mga kasama bago humarap sa nag-aaya
sa kaniya. "Sige."

Bago niya alalayan si Mariel palabas ng bulwagan, nakita ni Cris na nag-thumbs up


si Nielsen sabay sabing "Kaya mo 'yan!"

"Bagay sa 'yo ang itim na gown na suot mo," komento ni Cris para matanggal ang
awkward na katahimikan habang naglalakad sila.

"Bagay din sa 'yo 'yang coat mo."

"Mukha nga akong waiter e."

"Hahahahaha!" sabay na napatawa ang dalawa.

Pagkalabas nila sa Grand Hall, huminga muna nang malalim si Cris habang
pinaglalaruan ni Mariel ang wine sa hawak niyang baso.

"Anong gusto mong pag-usapan natin at bakit kailangang tayong dalawa lang?" tanong
ng kaniyang kasama. "Congratulations nga pala."

"Salamat," mabilis na tugon ni Cris habang naglalakad-lakad sa harap ni Mariel,


hindi malaman kung paano uumpisahan ang kanilang pag-uusap.

"Mariel, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Gusto ko sanang malaman kung may--"

"Master Ibarra!" isang lalaking nakaitim na vest ang biglang umistorbo sa kanilang
dalawa.

Napatingin si Cris sa taong biglang sumingit, nagtataka kung bakit tinawag siyang
master. "Excuse me?"
"Huh?! Hindi mo ako naaalala?" pagulat na tanong ng lalaki, tila hindi makapaniwala
sa naging reaksyon ng kaniyang kausap. "Hindi kita masisi kung hindi mo ako
makilala. Hindi ko kasi suot 'yung salamin ko. Ako 'yung nagpa-autograph sa 'yo sa
library ilang linggo na ang nakakaraan."

"Siya 'yung umistorbo sa interview natin no'n!" hirit ni Mariel matapos maalala ang
itinutukoy ng lalaki.

At ngayon, iniistorbo na naman niya kaming dalawa ni Mariel sa isang importanteng


pag-uusap. biglang pumasok sa isip ni Cris habang pinipilit na inaalala kung ano
ang pangalan ng lalaki. "Sino ka nga ulit kasi? Sebastian?"

"Simon Morayta!" pagtatama ng lalaki. "Tapos na ba 'yung event? Tsk! Na-traffic


kasi ako kanina kaya late na akong nakarating dito. Nandiyan pa ba si Sir Erland?"

"Sir Erland? Umalis na siya kanina pa," tugon ni Cris, naiirita na sa presensya ni
Simon.

"Huh?! Ipapakita ko sana sa kaniya 'yung draf--"

"Simon?" biglang putol ni Cris sa sinasabi ng lalaki. "Okay lang ba if mamaya na


tayo mag-usap? Nasa kalagitnaan kami kasi ng mahalagang usapan ni Mariel."

"Ay, pasensya na! Sige, papasok muna ako sa loob!"

Nang umalis na si Simon, kaagad ibinalik ni Mariel sa topic ang kanilang usapan.
"Ano nga ulit 'yung gusto mong malaman?"

Huminga muna nang malalim si Cris bago sabihing "Gusto kong malaman kung may
namamagitan sa inyo ni Mario."

"Huh? Kaming dalawa ni Mario?"

"Noong nagkita tayo sa amusement park last weel, nakita ko kayong magkasama na
parang nagde-date," pagpapatuloy ni Cris. "Gusto ko sanang kumpirmahin kung tama
ang hinala ko."

"Teka, teka. Walang namamagitan sa amin ni Mario! Kung anuman 'yang nasa isip mo,
hindi totoo."

"Pero magkahawak kayo ng kamay habang naglalakad. Hindi pa ba sapat na ebidensya


'yon para patunayang may something sa inyo?"

"Ginawa ko 'yon dahil kailangan ni Mario ng kasama sa amusement park para sa


isinusulat niyang chapter ng Na-friendzoned," paliwanag ni Mariel, unti-unting
tumataas ang kaniyang boses. "Gusto niyang malaman kung paano ang pakiramdam ng may
kahawak-kamay at ka-date para alam niya kung ano ang isusulat niya. At saka bakit
ba gusto mong malaman? Hindi naman kita boyfriend."

"Ayaw ko kasing isipin ng iba na easy-to-get kang babae kay--"

SPLASH!

Ibinuhos ni Mariel ang kaniyang wine sa mukha ni Cris, dahilan para mapatigil siya
sa pagsasalita.

"Hi-Hindi ko inakalang ganyan ang magiging tingin mo sa akin... Isang easy-to-get


na babae?" Naglalawa na ang mga mata ni Mariel at anumang sandali ay tutulo na ang
kaniyang mga luha.

"I-I'm sorry, naging padalos-dalos ako sa--"

"I HATE YOU!" sigaw ni Mariel sabay takbo papasok ng Grand Hall.

Napaupo na lang sa may hagdanan si Cris at nilasahan ang ibinuhos na wine sa


kaniyang mukha. "Ang tanga-tanga ko talaga..."

Makalipas ang ilang minuto, muling pumasok si Cris sa bulwagan at dumiretso sa


banyo para punasan ang kulay pulang tubig sa kaniyang mukha at damit. Dahil medyo
nakakahiya ang hitsura niya, naisip niyang sa cubicle muna magpunas.

"Hello? Nakuha mo ba ang mga file sa office ng Bloc?"

Palabas na sana ng cubicle si Cris nang may pumasok sa CR na tila may kausap sa
telepono. Bigla siyang napahinto nang marinig ang salitang Bloc.

"Busy pa sila rito kaya sigurado akong wala kang makakasalubong na writer o editor
nila." Medyo may kalaliman ang boses ng lalaking nagsasalita. Parang narinig na ni
Cris ang boses na 'yon, pero hindi niya matandaan kung kanino o kung saan.

"Kung nasa 'yo na ang mga file, i-send mo na sa e-mail ng Bloc Debunker at bukas
natin sisimulan ang debunking."

"Bloc... Debunker...?" bulong ni Cris, tahimik na nakikinig sa bawat salitang


binibitawan ng lalaki aa kaniyang kausap. "Maaari kayang...?"

"Magkita na lang tayo mamaya. Kailangan ko nang bumalik sa mga kasama kong
editors."

Biglang bumukas ang pinto ng CR at pumasok ang mga maiingay na lalaking mukhang
lasing na at wala sa sarili. Kaagad lumabas sa cubicle si Cris para tingnan ang
hitsura ng lalaking naririnig niya kanina pero wala na siya sa paligid.

"Hindi pa siya nakakalayo!" sabi ni Cris sa kaniyang sarili sabay labas sa CR para
tingnan kung sino ang kalalabas lang dito.

Laking gulat niya nang makita ang isang lalaking may earpiece sa tenga at may
katangkaran, nasa 5'10" sa tantiya ni Cris. Nakasuot siya ng itim na coat na
makintab at ilang hakbang lang ang layo niya mula sa CR.

***
REFRESHER:
-Nabanggit na sa Chapter 4.1 ang tungkol kay Bloc Debunker.
-Nabanggit na rin sa Chapter 6 ang tungkol sa editor-in-chief at literary editor ng
Avant Garde, at vice president ng student council PERO hindi muna sila
pinangalanan.

Ano ang masasabi n'yo sa kabanatang ito?

Chapter 11: Breaking Break-in


A/N: Tama ba ang inyong mga "deduction" sa katauhan ng Bloc Debunker? Alamin!

*****
"Kanina pa kita hinihintay~" Nag-echo sa buong gymnasium ang boses ng isang
lalaking tila mapaglaro ang tono. "Akala ko naligaw ka na~"

"Saan mo siya itinago?" tanong ni Laurell na suot pa rin ang kaniyang school
uniform, maingat na naglalakad sa malawak na basketball court na may maple
flooring. May naririnig siyang mga yapak na nanggagaling sa kabilang dulo ng court.
Hindi nakasindi ang mga ilaw sa bahaging 'yon kaya hindi niya makita ang mukha o
porma ng taong unti-unting papalapit sa kaniya.

"Hindi mo ba ako narinig?! Tinatanong kita kung nasaan siya!"

"Kalma lang! Huwag kang mag-alala, tahimik siyang natutulog sa locker room. Pero...
parang may mga kasama siyang lalaki doon." Mahahalata ang pang-aasar sa boses ng
taong nasa dilim. "Kaya kung ako sa 'yo, huwag kang magulat kung may mga marinig
kang ungol maya-maya lang~"

Napatigil si Laurell sa gitna, mapapansin sa kaniyang mukha ang pagpipigil na


sugurin ang lalaking nasa dilim na unti-unting lumalapit sa naiilawang bahagi ng
court. Pero alam niyang walang mabuting mangyayari kung bigla niya itong
susunggaban.

"Siyempre, joke lang 'yon! Mag-isa siya sa locker room, hinihintay ang kabalyerong
sasagip sa kaniya mula sa... kontrabidang tulad ko~" Nang makatapak na siya sa
liwanag, nanlaki ang mga mata ni Laurell at napanganga sa hindi inaasahang
rebelasyon.

"Hi-Hindi... Ikaw ay... I...Impossible!" Halos walang salitang makalabas sa bibig


niya. Pamilyar kasi ang mukha ng taong nasa kaniyang harapan na nakangiti at
nakatitig sa kaniyang mga mata.

"Isang hindi inaasahang plot twist, 'di ba?" Ang mapaglarong boses ng taong nagmula
sa dilim, napalitan ng malalim at seryosong tono ng pananalita. "Na ang iyong
matalik na kaibigan ang nasa likod ng pagdukot sa iyong girlfriend."

Nang mapindot na niya ang tuldok na magtatapos sa kabanatang ito, kaagad sinned ni
Cris sa kaniyang editor ang draft ng chapter five. Kagaya ng napag-usapan nilang
dalawa ni Erland kagabi sa mid-year convention, napagdesisyunan niyang magpakilala
ng antagonista na tatapat sa kaniyang bidang tauhan. Kumbaga, ang Moriarty sa
kaniyang Sherlock Holmes.

Nang makumpirma na niyang na-send na ang kaniyang e-mail, napahiga si Cris sa


kaniyang kama at nag-unat-unat muna. Buong umaga kasi niyang tinapos ang chapter
five. Ni hindi pa siya kumain ng almusal o nagsepilyo. Kagising niya kaninang alas-
sais, diretso kaagad siya sa pagsusulat.

Habang nakatingin sa kisame ng kaniyang dorm, muli niyang naalala ang nangyari
kagabi sa party-mula sa kaniyang pagkapanalo bilang most promising Bloc writer, ang
malutong na pagsabi sa kaniya ng "I hate you" ni Mariel at ang hindi niya
inaasahang narinig sa CR.

"Kung nasa 'yo na ang mga file, i-send mo na sa e-mail ng Bloc Debunker at bukas
natin sisimulan ang debunking."

Noong una, hindi niya maalala kung kanino ang boses na narinig niya. Maraming
nangyari sa gabing 'yon kaya medyo sabog ang kaniyang memorya. Pero nang mag-
flashback sa kaniyang isip ang tagpo kung saan tinanggap niya ang award, may taong
nakipagkamay sa kaniya, nag-abot ng certificate at binati siya sa kaniyang
pagkapanalo. Ang mga tanging nasa entablado noong mga sandaling 'yon ay si Xavier,
ang editor-in-chief ng Writers' Bloc, at si Clarence Alfonso, ang editor-in-chief
ng Avant Garde.

Isang bagay lang ang masisiguro ni Cris: hindi kay Xavier ang boses na 'yon.

"Pero kung totoong si Clarence nga ay konektado sa Bloc Debunker, ano ang mga file
na kukunin nila sa Bloc?" tanong ni Cris sa kaniyang sarili. 'Yon ang parteng hindi
niya makuha. "At saka, sino 'yung nasa kabilang linya?"

TOK! TOK! TOK!

Binuksan ni Cris ang pintuan at pinapasok si Nielsen, may bitbit na pagkain mula sa
isang fast food chain sa kanto.

"Gaya ng hinabilin mo, binili na kita ng burger steak," sabi ng kaniyang kaibigan
habang inilalapag sa maliit na mesa ang mga pagkain.

"Salamat, Nielsen. Kanina pa ako hindi kumakain," kaagad kinuha ni Cris ang
kaniyang order, tila nasasabik na makasubo kahit isang kutsara ng kanin.

"Ano bang dapat nating pag-usapan at ipinatawag mo ako dito sa dorm mo ngayong
Linggo?" tanong ni Nielsen na binuksan na rin ang kaniyang in-order na one-piece
chicken meal. "Siya nga pala, nasabi ko na ba sa 'yo na bumibisita sa dorm ni Mario
si Mariel?"

Napaubo si Cris habang ngumunguya, dahilan para tumalsik ang kanin mula sa kaniyang
bibig. "Ta-Talaga? A-Anong ginagawa ni Mariel doon? Mag-isa lang ba si Mario sa
kaniyang dorm?"

Napalunok muna si Nielsen bago sumagot. "Sa tingin mo, anong gagawin ng dalawang
college student na walang kasama sa isang kuwarto? Magbabato-bato-pik o kaya magja-
jackstone?"

Napainom tuloy si Cris. "Teka, hindi gano'ng klaseng babae si Mariel. At saka
sinabi niya sa 'kin kagabi na hindi pa silang dalawa ni Mario kaya bakit gagawin
nila ang bagay na 'yon?"

"At naniwala ka naman," tugon ni Nielsen. "Mga college student na sila, Cris.
Normal na sa mga kabataan ngayon na gawin ang bagay na 'yon. Pero hindi mo ako
pinapunta rito para pag-usapan kung may nangyari na sa kanila, tama?"

Napatigil si Cris sa pagkain at seryosong napatingin kay Nielsen. Noong una, hindi
siya sigurado kung dapat niyang itanong kay Nielsen ang bagay na gusto niyang
malaman. Kahit kaibigan niya pa ang kasama niyang kumakain ngayon, hindi siya
nakasisiguro na mapagkakatiwalaan siya.

Pero mas pinili ni Cris na magtiwala. "Nielsen, tapatin mo 'ko. Konektado ka ba kay
Bloc Debunker?"

"Huh?!" Napahinto sa pagsubo ang kaniyang kaibigan, hindi maipaliwanag ang


pagtatakang nakapinta sa kaniyang mukha. "Ako? Konektado kay Bloc Debunker?
Talaga?"

"Oo o hindi?"

"Hindi!" mabilis na sagot ni Nielsen sabay subo sa isang kutsara ng kanin. "Hindi
ko alam kung para saan 'yang tanong mo pero kung pinaghihinalaan mong ako ang
blogger na 'yon, nagkakamali ka."

"Naninigurado lang ako na hindi ka konektado, sa kahit anong paraan, sa blogger na


'yon." Mabilis na tinapos ni Cris ang kaniyang tanghalian at itinapon sa trash can
ang kaniyang pinagkainan. "May ideya kasi ako kung sino siya."

"Ta-Talaga? Kilala mo kung sino ang misteryosong Debunker na 'yon?"

"Oo pero bago ko sabihin sa 'yo, dapat ipangako mo sa 'kin na wala kang
pagsasabihang iba, lalo na sa mga kasama mo sa Avant Garde." Muling hinarap ni Cris
ang kaniyang laptop at sinimulang mag-type ng address sa browser.

"Kung gano'n, iniisip mong isa sa amin ang Bloc Debunker," komento ni Nielsen na
tinapos na rin ang kaniyang pagkain. "At kung hindi ako nagkakamali, isa siyang
mataas na opisyal sa Avant Garde, malamang isa sa mga editor, tama? Sige,
ipinapangako kong wala akong pagsasabihan."

"Ang inyong editor-in-chief," tugon ni Cris, hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa.

"Si-Si Clarence Alfonso? Si-Sigurado ka?" Hindi makapaniwalang tanong ni Nielsen.

"Kagabi sa party, may narinig ako sa CR habang pinupunasan 'yung ibinuhos na wine
sa akin ni Mariel," kuwento ni Cris habang nakatutok sa kaniyang laptop. "May
kausap si Clarence at tinatanong niya kung nakuha na ng taong nasa kabilang linya
'yung mga file sa opisina ng Bloc."

"Pero hindi mo siya nakita habang nangyayari ang usapang 'yon?" tanong ni Nielsen.
"Paano ka nakasisiguro na si Clarence nga ang taong narinig mo? Posibleng may
kaboses siya sa mga dumalo sa party."

"Hinabol ko 'yung taong 'yon nang nakakita ako ng pagkakataon," sagot ni Cris,
napaharap sa kaniyang kaibigan. "Pagkalabas ko, nakita si Clarence, naglalakad
palayo sa CR at may earpiece sa kaniyang tenga. Hindi rin ako maaaring magkamali na
siya ang nakita ko. Halos 5'10" ang kaniyang tangkad at may suot siyang makintab na
coat."

"Hmm..." Napakrus ang mga braso ni Nielsen. Bakas sa kaniyang mukha na tila
pinagkokonekta niya ang mga impormasyon sinabi sa kaniya ni Cris. "Kung siya nga
ang nasa likod ng Bloc Debunker, hindi na ako magtataka. Mataas ang standards niya
sa journalism at literature kaya kapag may nagkakamaling correspondent o editor,
todo-todo ang kaniyang pamamahiya. At saka, ipinagbabawal niya ang pagdadala ng
isyu ng Bloc sa office. Kaya ang ilan sa amin, nagbabasa kapag wala siya sa
paligid."

"Kung totoo ang mga sinasabi mo, kumpirmado na ang hinala ko," sabi ni Cris habang
nagbabasa ng mga entry sa blog ng Bloc Debunker.

"Sinabi mo na ba sa EIC n'yo ang tungkol dito? O kaya kay Erland?"

"Hindi pa," sagot ni Cris. "Medyo nagdadalawang isip din ako kung dapat ko bang
sabihin sa kanila ang nalaman ko. Naalala ko 'yung sinabi ni Erland sa 'kin kagabi
na may espiya sa iba't ibang organisasyon sa university ang EIC n'yo."

"Totoo 'yon. Lagi siyang updated sa mga nangyayari sa Central Student Council, sa
ROTC at sa ibang mga club. Para siyang gagambang nakapuwesto sa gitna ng isang
malaking sapot. Alam niya ang paggalaw ng bawat sinulid nito."

"Kaya maaaring may espiya rin siya sa Bloc," dagdag ni Cris. "At kung meron man
siyang kakuntsaba na editor, hindi sila mahihirapang makakuha ng files sa office.
Ang tanong: anong klaseng file ang kukunin nila at saan nila ito gagamitin?"

Bahagyang napatawa si Nielsen matapos marinig ang paliwanag ni Cris. "Alam ko na


ang susunod mong sasabihin. Gusto mong bantayan ko ang bawat kilos ng aming EIC,
kagaya ng pagbabantay ko sa mga galaw ni Mariel, tama?"

"Hindi lang ang EIC. Maging ang mga kahina-hinalang taong nasa paligid niya, mapa-
editor, writer o tagalabas," pagtatama ni Cris.

"Ba-Bakit pati sila kasama?"

"Hindi ako sigurado pero feeling ko, hindi lang iisang tao ang Bloc Debunker,"
paliwanag ni Cris sabay pakita kay Nielsen ng mga blog entry ng kaniyang tinutukoy.
"Pareho ang topic ng bawat entry pero mahahalata mong hindi iisang tao ang nagpo-
post ng mga 'to. 'Yung isa halos perpekto ang kaniyang gramatika at medyo malalim
na Filipino ang kaniyang ginagamit. Alam niya ang pagkakaiba ng nang at ng, daw at
raw at mahilig gumamit ng n'yo, na pinaikling ninyo. Pero 'yung ibang nagpo-post,
mali ang paggamit ng doon at roon at mahilig gumamit ng niyo, sa halip na n'yo na
mas tama."

Napakamot tuloy ng ulo si Nielsen, tila hindi lubos na naintindihan ang


pangangatwiran ng kaniyang kaibigan. "Napansin mo 'yung mga maliliit na bagay na
'yon?"

"Kagabi ko pa binabasa ang blog na 'to," sagot ni Cris. "Ang mga salitang ginagamit
natin, parang mga fingerprint sa ating mga daliri. Maaari nating malaman kung aling
entry ang isinulat ni Clarence kung ikukumpara natin ang isa sa mga post dito sa
isang article na isinulat niya sa inyong newspaper. Sa tantiya ko, puwedeng dalawa,
tatlo o higit pa ang nasa likod ng Bloc Debunker. At ang inyong EIC ay isa sa
kanila."

*****

Kinabukasan, maagang bumangon si Cris para kumpirmahin kung may nangyari talaga sa
kanilang club. Pasado alas-nuwebe na siya nakarating sa opisina ng Bloc. Pagpasok
niya sa lobby, tumambad sa kaniya ang mga taong nakalupong sa mga sofa.

"Good morn...ing?" Kaagad niyang napansin si Xavier na nakaupo sa sofa, magkadikit


ang kaniyang mga palad na tila nagdarasal at malapit ang mga ito sa kaniyang labi.
Mukha rin siyang nakasaksi ng isang kahindik-hindik na krimen base sa panginginig
ng kaniyang mga kamay at tuhod. Ang mga ibang editor, paikot-ikot ang lakad sa
lobby.

"Good mourning, Cris," bati ni Erland na nakasandal malapit sa pintuan. Sa lahat ng


mga editor na nandoon, tanging siya lang ang mukhang kalmado at hindi apektado sa
kung anumang nangyari. Hindi na 'yon ikinagulat ni Cris dahil natural na sa
kaniyang editor ang magmukhang walang pakialam sa mundo.

"Ba-Bakit nasa labas ang kayong mga editor?" pabulong na tanong ni Cris kay Erland.
"At bakit parang balisa sila lalo na si Xavier?"

"May nakapasok na sa office natin noong Sabado habang nasa mid-year convention
tayo," pabulong na sagot ni Erland sa kaniya para hindi marinig ng ibang mga
editor. "At sa kasamaang palad, binura ang lahat ng files sa mga computer natin."

"Bi-Binura?!" Hindi inasahan ni Cris na gano'n ang nangyari. Ang buong akala niya,
may kinuha lang na mga file sa kanilang opisina. "Paano nangyari 'yon? Hindi ba
naka-lock ang office bago kayo pumunta sa party?"

"Ang mas dapat mong ipagtaka ay kung paano na-access ang mga computer," tugon ng
kaniyang editor na nakatingin sa mga kasama niya. "Walang kahit sinumang tagalabas
ang nakakaalam sa password ng mga computer natin, malaban sa mga piling tao rito.
Hindi ba't isang magandang misteryo ito para sa nobela mo?"

"Earl, pareho ba tayo ng iniisip?" Napatingin din si Cris sa iba pang mga editor,
tinitingnan ang reaksyon ng bawat isa sa kanila.

"Magkatrabaho tayo sa ABC Mystery kaya sa tingin ko, pareho tayo ng ideya kung sino
ang nasa likod ng insidenteng ito," bulong ni Erland, nakatitig pa rin sa kaniyang
mga kasama.

"Tama ang hinala ko. Ang kausap ni Clarence noong gabing 'yon ay isa sa mga editor
na nandito," naisip ni Cris. "Ngayon, sino kaya ang best actor sa kanila?"

"May mga template tayong naka-save sa printing press kaya hindi natin poproblemahin
ang layout," sabi ng managing editor sa kanilang EIC. "At may mga personal na kopya
pa rin siguro ang mga editor at writer natin ng mga na-publish na at ipa-publish na
kabanata."

"Dapat siguro, kanselahin muna natin ang isyu ngayong linggo," tugon ni Xavier na
nanginginig pa rin hanggang ngayon. "Hindi tayo puwedeng basta-basta mag-publish
para masabing may na-publish tayo."

"Pero baka ma-disappoint ang mga mambabasa natin kung hindi tayo maglalabas sa
Miyerkules!" komento ng isang editor.

"At ano ang sasabihin ni Ma'am Cornelia sa atin? Siguradong pagagalitan niya ulit
tayo gaya noong ipinublish natin ang ABC Mystery nang hindi siya ini-inform!"
dagdag ng managing editor.

"Kung gusto n'yo talagang may ma-publish ngayong linggo, kayo na ang maging editor-
in-chief!" Bahgayang napataas ang boses ni Xavier, nainis sa kakulitan ng kaniyang
mga kasama. "Sabihin n'yo na ngayon din kung gusto n'yo na akong palitan at
nakahanda akong mag-resign anumang oras!"

"Tama si Xavier. Mas importante pa rin ang kalidad ng ipina-publish natin," biglang
hirit ni Elaine. "Kung mamadaliin natin ang trabaho para makapag-publish ngayong
linggo, baka puno ng grammatical at typographical errors ang isyu natin. Mas
nakakahiya 'yon kaysa sa pagkansela ng release."

"Tsk... Sipsip..." bulong ng isang editor na malapit kina Cris at Erland.

"Pero magugulo ang editorial calendar natin kung hindi magre-relea-"

Biglang naputol ang sinasabi ng isang editor nang pumasok si Kevin, ang kanilang
acquisition editor. Hinahabol niya pa ang kaniyang hininga habang sinusubukang
magsalita. "Gu...Guys...kai..hah...langan...hah...n'yong...makitata...hah...'to!"

Napatingin ang lahat ng nasa lobby sa kaniya, interesadong malaman kung anong dala
niyang balita.

"Magpahinga ka muna! Hindi namin maintindihan ang sinasabi mo!"

Ipinakita ni Kevin ang kaniyang phone sa kanila. Sa screen nito, naka-display ang
blog ng Bloc Debunker.

"May sinabi na naman ba ang blogger na 'yon? Siguro siya ang may kagagawan nito!
Siya lang ang may galit sa atin e!" komento ng isang editor.

"Mu...Mukhang siya nga!" sagot ni Kevin, nangangawit na ang kaniyang kamay sa


paghawak ng kaniyang phone kaya ipinasa niya ito sa managing editor. "Tingnan
n'yong mabuti 'yung bagong posts niya thirty minutes ago!"

Maliban skay Xavier, naglupong ang mga editor sa likod ng managing editor para
makita ang tinutukoy ni Kevin. Maging sina Cris at Erland, na-curious sa kung ano
ang naka-post sa kontrobersiyal na blog. Sabay-sabay na nanlaki ang kanilang mga
mata nang makita ang mga salitang:

READ IT HERE FIRST!

[LEAKED CHAPTER] Para Sa Mga Na-friendzoned


Posted by Bloc Debunker 08:28 AM

[LEAKED CHAPTER] He's Dating the Cold-hearted Princess


Posted by Bloc Debunker 08:29 AM

[LEAKED CHAPTER] Diary ng Bitter


Posted by Bloc Debunker 08:31 AM

"Le...Leaked chapters..." bulong ng managing editor nang ipinakita niya kay Xavier
kung ano ang naka-post sa blog. Napapikit at napayuko ang kanilang EIC matapos
makita ito.

"KAASAR!" napasuntok sa pader ang isa sa mga editor na ikinagulat ng mga nasa
lobby. "Kapag nalaman ko kung sino 'yang Debunker na 'yan, babalatan ko siya at
ipapasok ko sa shredder ang balat niya!"

"Talagang hindi na tayo makakapag-publish ngayong linggo dahil sa nangyari,"


komento ng managing matapos ibalik kay Kevin ang kaniyang phone. "At mukhang hindi
na natin kailangang i-publish ang mga dapat nating i-publish, salamat sa blog na
'yan. Nasira na ang ating editorial calendar."

"Huwag kang mag-alala," bulong ni Erland sa kaniyang writer. "Siguradong wala sa


mga na-leak na stories ang chapter five mo. Kahapon mo pa lang kasi na-send sa
akin."

*****

Sa susunod na kabanata, may malaking debunking ang magaganap!

Ano ang masasabi n'yo sa kabanatang ito?

Chapter 12: Mortal Sin


A/N: Ang penultimate chapter ng Arc II: Mystery versus Romance!

ERLAND

Sa buong maghapon, matapos malamang nilooban sila sa opisina, halos nakatunganga


lang ang mga editor ng Bloc, nagmumukmok sa kanilang mga desk at parang may
pinaglalamayan sila.

Kung halos lahat ay depressed sa nangyari, iba ang nararamdaman ni Erland. Tahimik
pero hindi kasing-depressed ng mga kasama niya sa office. Oo, nalulungkot siya sa
pagkansela ng kanilang release ngayong linggo, pero nagpapasalamat siya sa kung
sinuman ang nag-leak ng mga chapter ng ilang love stories sa blog ng Bloc Debunker.
Hindi tuloy alam ng editor-in-chief nila kung ipa-publish pa sa susunod na isyu ang
mga kabanatang kumakalat na ngayon sa social media.
Nagpatuloy sa pagbabasa ng chapter five ng ABC Mystery si Erland, sinusulatan ang
mga bahaging sa tingin niya'y dapat ayusin, baguhin o tanggalin. Masuwerte't hindi
nasama sa mga leaked chapter ang ine-edit niyang nobela. Tanging mga kuwentong nai-
submit bago mag-Sabado at isinave sa mga computer sa opisina ang nadamay.

"Ang suwerte talaga ng ABC Mystery, nakaligtas sa leakage," komento ng isang


babaeng nakaupo sa likuran ni Erland na kanina pa siya pinagmamasdan. Hanggang leeg
ang haba ng kaniyang buhok, hindi gano'n kabilog ang mukha, at may kapayatan ang
pangangatawan. "Kaya n'yo kayang lutasin ang misteryo ng break-in at leakage sa
opisina natin?"

Ipinaikot ni Erland ang kaniyang upuan para harapin ang babaeng nagsalita sa likod
niya. "May ideya kami ni Cris kung sinong maaaring nasa likod ng kaguluhang ito.
Gusto mo bang malaman, Jodie?"

"Huh? Ta-Talaga?" Pagulat na tanong ni Jodie Santos, ang editor ng Snow White and
the Seven Gangsters. "Kung alam n'yo nga kung sinong posibleng salarin, bakit hindi
n'yo sinabi kanina?"

"Oo nga! Hindi n'yo dapat itago kung may nalalaman kayo!" hirit ng katabing editor
ni Erland na napaharap sa kaniya.

"Pasensya na, ayaw ko kasing dagdagan ang inyong sakit ng ulo kaya nanahimik na
lang kami," depensa ni Erland nang magtinginan sa kaniya ang iba niyang kasama sa
opisina. Mukhang lahat ay interesadong malaman kung sino ang salarin.

"Sabihin mo na sa 'min kung sino 'yang suspek mo at babalatan ko siya hanggang sa


umamin siya!" sigaw ng editor na nasa dulong row ng mga desk para lang marinig siya
ng kaniyang mga kasama. "Talagang makakatikim siya sa 'kin kapag nagkataon!"

Nakatinginan sina Erland at ang ibang mga editor. Tila pinag-iisipan niya kung
dapat niyang ibunyag sa kanila kung ano ang alam niya. Nagkaroon ng katahimikan.
Kahit na atat na atat ang iba na marinig ang mga deduction ni Erland, wala ni isa
sa kanilang nagtakang basagin ito.

Gaya ng pakikipag-socialize sa mga party, hindi trip ni Erland ang makakuha ng


atensyon ng iba. Pero dahil lahat ay halos hindi na humihinga sa kahihintay sa
kaniyang sasabihin, minabuti na niyang ibahagi ang nalalaman niya.

"Una sa lahat, hindi tayo nilooban ng tagalabas. Nasa loob mismo ang salarin," sabi
ni Erland na siyang ikinagulat ng mga kasama niya. May mga nanlaki ang mga mata,
may mga napatakip ng bibig. "Obvious naman ang ibig sabihin no'n, tama? Na isa sa
ating mga editor ang nasa likod nito. Hindi ko alam kung siya mismo si Bloc
Debunker pero sigurado akong may koneksyon siya sa kaniya."

"I-Inside job?! Si-Sigurado ka ba diyan o nagbibiro ka lang?" tanong ni Jodie na


hindi pa rin makapaniwala sa naging rebelasyon. "Baka napapasobra ka na sa
pagbabasa ng ABC Mystery kaya kung ano-anong teorya ang pumapasok diyan sa utak
mo?"

Muling napaharap si Erland sa kaniyang desk at nagbalik sa pagbabasa ng chapter


five. "Walang senyales na pinuwersang buksan ang pintuan ng office kaya malamang,
may susi ang salarin. Mahirap ding mahulaan ang password ng mga computer natin. Sa
tingin n'yo ba may ibang makakaisip na wr1+3r$bl0c ang code para mabuksan ang mga
'yon? Wala. Maliban sa ating mga editor na may susi at may access sa mga computer."

"Kung gano'n, tayong labintatlong editor ang salarin sa kasong ito..." bulong ng
katabi ni Erland matapos pagtagpi-tagpiin ang mga punto ng kaniyang kasama. "Pero
mahihirapan pa rin tayong tukuyin kung sino ang salarin dahil--"

"Nagkakamali ka," kaagad na humirit si Erland, sabay tingin sa katabi niya. "Puwede
nating bawasan ang bilang ng mga suspek. Kung hindi ako nagkakamali, sa pagitan ng
alas-sais hanggang alas-nuwebe ng gabi ng Sabado nangyari ang inside job. Naka-lock
ang office at walang tao dito dahil lahat tayo ay inaasahang pupunta sa mid-year
convention. Sinamantala ng salarin ang pagkakataong 'yon. Ngayon, sino sa atin ang
puwedeng pumunta sa office sa mga oras na 'yon?"

"Ang mga editor na wala sa Grand Hall!"

"Obviously," pagpapatuloy ni Erland, tumayo at muling humarap kay Jodie. "Hindi na


rin natin kailangang pag-isipan kung sino 'yon dahil ang editor na mismong 'yon ang
nagsabing hindi siya makakapunta sa party dahil may sakit siya... Tama ba, Jodie?"

"Teka! Talagang may sakit ako noong araw na 'yon! Hindi ko gawa-gawa 'yon!" kaagad
na depensa ni Jodie, bahagya pang nakataas ang dalawa niyang kamay.

"Pero..." biglang nagsalita ang managing editor na kanina pa nakikinig sa kanilang


usapan, "puwede ring isa sa mga pumunta sa party ang salarin para hindi siya maging
kahina-hinala sa atin. Nang may makita na siyang pagkakataon, umalis siya at
pumunta sa office para gawin ang krimen."

"Tama! Siguradong may umalis pa sa inyo no'n dahil hindi ako ang salarin!" muling
hirit ni Jodie na halatang desperadong patunayan na wala siyang kinalaman sa
nangyari.

"Kung hindi ako nagkakamali, nagpaalam sa 'kin si Tom noong magdi-dinner na dahil
sumakit ang tiyan niya," naalala ng managing editor. "Maliban sa kaniya, wala na
akong matandaang nagpaalam sa 'kin o umalis sa mga puwesto nila hanggang matapos
ang party."

"Nakita mo ako doon, 'di ba? Magkatabi tayo?"

"Magkasama tayo hanggang matapos ang party. Kaya imposibleng hindi mo maalala."

"Tom, ikaw pala ang salarin, ha!"

"Te-Teka!" Napatayo si Tom Atayde, ang lalaking nakaupo sa tabi ni Elaine. Siya rin
ang editor ng He's Dating the Cold-hearted Princess. Kapansin-pansin ang makapal na
itim na frame ng kaniyang salamin. "Kagaya ni Jodie, hindi ko rin pineke 'yung
sakit ng tiyan ko. Itanong n'yo pa sa drugstore kung saan ako bumili ng gamot ng
gabing 'yon."

"May isang editor na medyo malayo ang puwesto sa atin kaya hindi natin siya
napansin, isang editor na kahit mawala siya e hindi natin mamamalayan." Si Elaine
naman ngayon ang bumwelta. Umupo siya sa kaniyang desk at humarap sa direksyon nina
Erland. "Kumpara kina Jodie at Tom, siya lang ang may matibay na motibo para gawin
ang krimeng ito. 'Di ba, Erland?"

Sa loob ng sampung segundo, na halos kasing-tagal ng isang minuto, nagkatinginan


ang dalawang magkaribal--si Erland, kalmado at mapungay ang mga mata, habang si
Elaine, nanlilisik at tila puno ng galit ang sa kaniya. Siguradong naramdaman ng
mga editor sa paligid nila ang tensyon kaya wala ni isa sa kanila ang nagsalita.

"Tama," tugon ni Erland, hindi pa rin maalis kay Elaine ang kaniyang tingin.
"Umalis ako sa Grand Hall nang magsisimula na ang dinner."

"Kung gano'n, nililinlang mo lang kami?!" Sigaw ng editor na kanina pa mainit ang
ulo at gustong balatan nang buhay kung sinuman ang salarin.

"Kailangan ko pa sigurong sabihin na inosente ako kung sa tingin n'yo'y ako ang may
gawa nito," walang ganang depensa ni Erland matapos ang isang buntong-hininga.
"Alam n'yo namang wala akong hilig sa mga party kaya naisipan kong umalis nang
maaga, kahit hindi pa naghahapunan. Wala naman sigurong out-of-character sa ginawa
ko, tama?"

"EHEM!" sadyang umubo ang kanilang editor-in-chief, dahilan para mapalingon sa


kaniya ang lahat. Kanina pa siya nakikinig sa nagiging turuan ng kaniyang mga
editor. "Sa pagkakaalam ko, isa tayong writing org at hindi isang detective club.
Ipaubaya na natin sa student council ang imbestigasyon. Kaya magsibalik na kayong
LAHAT sa ginagawa N'YO!"

Sa isang salita lang niya, tahimik na bumalik sa kani-kanilang mga lugar at


nagsiupo ang mga editor. Naging masama na ang umpisa ng araw nila, lalo ng kanilang
boss, kaya ayaw na nila itong palalain pa.

"Knock! Knock!" isang masiglang bati ni Simon Morayta ang gumulat sa ilang editor
na bumalik sa kanilang "depressed" mode. Suot pa rin niya ang kaniyang salamin at
tila may hawak-hawak siyang nakabalot na parisukat na bagay.

Kaagad binaba ni Erland ang kaniyang binabasa at pinuntahan ang bagong dating
niyang bisita sa may pintuan. "Medyo hindi maganda ang timing ng pagdating mo."

"Ano po bang meron at bakit parang Semana Santa sa office, Sir Earl?" maingat na
bulong ni Simon sa kausap niyang editor. "Siya nga pala, pinapaabot ito ng guard
kay... Xavier Gonzalez. May nag-iwan daw nito sa mesa niya at naka-address sa isang
taga-Writers' Bloc."

"Hindi naging maganda ang simula ng araw at linggo namin kaya halos nakamukmok
sila," sagot ni Erland, dahan-dahang lumilingon sa kaniyang likod para tingnan kung
may nakarinig sa kanilang editor. "Akin na't ibibigay ko 'yan sa kaniya. Bakit ka
pala napadaan?"

"Gusto ko sanang ikonsulta 'yung mga binago kong bahagi sa chapter two gaya ng
inirekomenda n'yo," tugon ni Simon, sabay bigay ng hawak niyang bagay. "Medyo late
na akong nakapunta sa party noong Sabado kaya hindi ko na kayo naabutan. Nakita ko
pa nga si Master Ibarra, kausap yata 'yung girlfriend niya."

"Mukhang hindi pa 'to ang tamang oras para pag-usapan ang tungkol sa nobela mo...
dahil sa nangyari. Teka, alam na ba ni Cris na bago kang writer dito sa Bloc?"

"Eh?! Hindi n'yo pa sinasabi sa kaniya?! Mukhang hindi niya pa alam o kaya wala
siyang pakialam kasi busy siya nang nakita at nakausap ko siya no'n."

"Sige, i-text na lang kita kung kailan tayo mag-uusap tungkol sa--" Napatigil sa
pagsasalita si Earl nang makita ang label sa package na ibinigay sa kaniya. "Basta
pag-usapan na lang natin ang The Secret sa mga susunod na araw."

"Okay!" isang masiglang sagot na may kasama pang thumbs up ang itinugon ni Simon
bago siya lumabas sa opisina.

Kaagad namang dumiretso aa desk ng editor-in-chief si Erland at ibinigay kay Xavier


ang hawak niyang package. "Mukhang may regalo ang kaibigan natin para sa inyo, Sir
Chief."

"Ano 'to?"
To Xavier Gonzales, editor-in-chief of Writers' Bloc
From your biggest fan, Bloc Debunker

"Ga-Galing kay Bloc Debunker?!" pagulat na reaksyon ni Xavier matapos mabasa ang
label, dahilan para makuha niya ang atensyom ng ibang editor. Biglang nanginig ang
mga kamay niya habang hawak-hawak ito. "A-Ano naman ang sorpresa niya ngayon?"

"Mukhang hindi naman bomba. Wala akong narinig na tick-tock," komento ni Erland,
nakapokus ang kaniyang tingin sa misteryosong regalo. "Iniwan daw 'yan sa desk ng
guard at ipinabigay sa bagong writer natin."

Mabilis na pinunit ni Xavier ang balot, hindi na napigilan ang kaniyang kuryosidad
kung ano ang ipinadala ng taong gumulo sa publication nila. Isang librong may
pamagat na "Anthology from the Friendzone" ang tumambad sa kaniya. Nang makita ito
ni Erland, bumalik na siya sa kaniyang upuan habang iniisip kung bakit gano'n ang
ibinigay sa kanilang boss.

"Gusto bang ipakita ng Bloc Debunker kung paano dapat ang maging hitsura ng
Writers' Bloc bilang isang literary magazine?" pagtataka ni Erland. "Pero bakit sa
lahat ng mga commercial lit magazine sa Pilipinas, 'yung hindi gaanong sikat na
libro ang ipinadala niya? O baka may gusto siyang patunayan na makikita lang sa
librong 'yon?"

"Elaine!" sigaw ng kanilang EIC na kaagad tinugunan ng tinawag niya. Pasulyap-


sulyap kung tumingin si Erland sa may desk ng kanilang boss, nagmamasid kung ano
ang maaaring pinag-uusapan nilang dalawa ni Elaine. Iniabot ni Xavier ang libro sa
kaniyang kausap kasama ang isang papel na nakalakip na package.

Hindi nakaiwas sa mapanuring mga mata ni Erland ang reaksyon ng kaniyang karibal
habang binabasa ang nasa sulat--nanlaki ang mga mata ni Elaine at napanganga siya
na tila may nalamang sikreto.

"Sir Chief, huwag n'yong sabihing papatulan n'yo ang kasinungalingang ito? Alam
nating lahat kung ano ang gusto niyang mangyari sa Bloc kaya niya ginagawa itong
paninirang 'to!"

"Totoo man o hindi, kailangan natin kumpirmahin ang mga nakasulat diyan. Mamayang
one o'clock, ipo-post niya sa kaniyang blog ang tungkol sa pasabog na 'yan.
Kailangan nating kontrahin kung anuman ang ilalabas niya, lalo na kung hindi ito
totoo. Pero kung may katotohanan ang sinasabi niya... Basta ipatawag mo siya rito
para magkaalaman na."

"Patapos na ang morning classes niya kaya papadiretsohin ko na siya sa opisina,"


tugon ni Elaine habang mabilis na nagta-type sa kaniyang phone. "Tayo lang bang
tatlo ang mag-uusap?"

"Hindi," mabilis na sagot ni Xavier, tumayo at humarap sa mga nagbi-busy-busy-hang


editor. "Within twenty minutes, magkakaroon tayo ng emergency editorial board
meeting."

***
Alas-onse y media na nang pumasok sa conference room ang mga editor. Lahat sila,
walang alam sa pag-uusapan sa biglaang pulong maliban kina Xavier at Elaine na
kanina pa balisa at nananalangin. Tinanong ni Tom kung bakit hindi mapakali ang
kaniyang katabi, pero hindi siya sinagot nito.

Si Erland naman, tahimik na nagmamasid sa kaniyang mga kasama. Meron siyang ideya
kung para saan ang meeting na 'to at kung bakit hindi pa sila nagsisimula kahit
kumpleto na sila. Mas pinili na lang niyang hindi kumibo at hintaying mangyari ang
dapat na mangyari.

"Hey, sino pa bang hinihintay natin? Nandito na tayong lahat a!" reklamo ni Jodie
na kanina pa inip na inip sa kaniyang puwesto.

"Maghintay pa tayo ng kaunting minuto. Siguradong parating na siya," sagot ni


Xavier habang binabasa ang librong ibinigay sa kaniya ng Bloc Debunker.

Makalipas ang tatlong minuto, pumasok sa conference room si Mario Santiago, may
ngiti pa sa kaniyang mukha. "Magandang umaga po. Pasensya na kung na-late ako, nag-
meeting pa kasi kami ng mga groupmate ko para sa assignment."

"Anong ginagawa niya rito? Bakit may isang hindi editor sa pulong natin?" bulong ni
Jodie sa kaniyang katabi na nagkibit-balikat bilang tugon.

Isinara ni Xavier ang binabasa niyang libro at tumingin nang mata sa mata kay
Mario. "Take your seat. Pasensya na kung bigla ka naming ipinatawag. May gusto lang
kasi kaming malaman."

Napansin ni Erland na tila nagpipigil ang kanilang EIC sa paglalabas ng kaniyang


nararamdaman at nagpapakita ng pekeng ngiti sa bagong dating na si Mario. Si Elaine
naman, nakayuko lang sa kaniyang puwesto.

"Mario, may mga nabasa ka bang mga libro na maaaring nakaimpluwensiya sa 'yong
kuwento?" direktang tanong ni Xavier, wala ng paligoy-ligoy pa.

Mukhang hindi inasahan ni Mario ang gano'ng klase ng tanong kaya napatulala siya ng
ilang segundo. "Ano po?"

"Kunwari, may nabasa kang libro tapos naisipan mong humugot ng inspirasyon mula
doon."

"Gaya po ng sinabi ko sa interview ko sa Avant Garde, hindi po ako mahilig magbasa


ng libro dahil baka maimpluwensiyahan ang isinusulat ko."

"Talaga? Ibig sabihin, hindi mo pa nabasa ni minsan ang librong ito?" Ipinadulas ni
Xavier ang Anthology from the Friendzone papunta sa kabilang dulo ng mesa kung saan
nakapuwesto si Mario.

Nang makita niya ang pabalat ng libro, biglang nanlaki ang kaniyang mga mata at
napatingin palayo.

"May nagpadala sa amin ng librong 'yan at sinabing halos magkamukha ang mga eksena
diyan at ang mga eksena sa Para Sa Mga Nafriendzoned mo," paliwanag ni Xavier,
nakatingin ang kaniyang mga nanlilisik na mata kay Mario. "Noong una, ayaw kong
maniwala. Pero nung binasa ko 'yung mga sinasabi niyang ginaya mong kabanata, nag-
iba ang opinyon ko."

"Huwag mong sabihing... isa itong kaso ng plagiarism?!" hirit ni Jodie na napabukas
ang bibig sa ibinunyag ng kanilang EIC. "Ang panggagaya ng ideya ng iba."

"Isang mortal sin sa pagsusulat," dagdag ni Erland, naghihintay sa magiging sagot


ni Mario kung aaminin niya o itatanggi ang paratang sa kaniya.

"Kaya pala laging number one ang Para Sa Mga Na-friendzoned!" komento ng editor na
kanina pa mainit ang ulo.

"Ngayon, Mario, sagutin mo ako nang deretsahan: Ginaya mo ba ang mga ideyang
nakaimprenta sa librong 'yan at ginamit mo sa sarili mong nobela?" tanong ni
Xavier. Nakapatong ang kaniyang mga siko sa mesa at nakakrus ang mga daliri.

Nagkaroon ng katahimikan sa conference room. Ang lahat ng editor ay naghihintay sa


magiging sagot ni Mario. Pero ang tanging ginawa lang niya ay yumuko.

"Mario, please, sabihin mo na sa amin ang katotohanan," pagmamakaawa ni Elaine.

Makalipas ang ilang segundo, itinaas ni Mario ang kaniyang ulo at tumingin sa
kaniyang editor. "Aaminin ko, may mga kinuha akong ideya sa librong 'to."

Napapikit na lang si Elaine sa naging sagot ng kaniyang writer, tila ayaw makita
ang mga susunod na mangyayari. Napasandal naman sa kaniyang upuan si Xavier, 'di pa
rin naaalis kay Mario ang kaniyang tingin.

"Umaasa akong nagkataon lang ang lahat nito," sabi ni Xavier. "Kung sanang gano'n
ang nangyari, kaya natin pabulaanan ang ipo-post ng Bloc Debunker mamayang ala-una.
Tiyak na pagpipiyestahan tayo ng mga netizen, lalo na ikaw na nanggaya ng ideya ng
iba."

"Pero hindi ko naman buong kinopya ang mga ideya sa anthology na 'to!" depensa ni
Mario. "May mga kinuha ako, oo, pero binago ko ang ilang elemento nito!"

"Ang mga ninakaw na ideya, parang ninakaw na Barbie doll 'yan," tugon ni Xavier.
"Hindi porke pinalitan mo ng damit at binigyan ng burloloy, matatawag mo nang sa
'yo."

Napayuko na lang uli si Mario, napasuko sa kaniyang balak ipaglaban.

Tumayo si Xavier, seryoso ang mukha at diretso pa rin ang tingin kay Mario. "Dahil
sa nangyaring 'to, bilang editor-in-chief ng Writers' Bloc, ipinawawalang-bisa ko
na ang kontrata sa pagitan mo at ng publication, ipinatatanggal ko na rin ang
pangalan mo sa masthead at ipapa-pull out ang Para Sa Mga Na-friendzoned series sa
mga susunod na isyu ng Bloc."

"Sa madaling salita, you are fired," bulong ni Erland.

Hindi na ikinagulat ng mga editor ang naging desisyon ng kanilang boss, maging si
Elaine. Samantala, palihim na napangisi si Erland sa naging takbo ng mga
pangyayari.

*****
P.S. May mas malaki pang pasabog sa huling kabanata ng Arc II.

May tatlong suspek sa Bloc Break-in:


Jodie Santos
Tom Atayde
Erland Salazar

Sino sa tingin n'yo ang salarin?

Nagulat ka ba sa mga naging tagpo? Anong masasabi n'yo sa kabanatang 'to?

Chapter 13: Fall from Grace [Arc II Finale]


A/N: First of all, naka-2000 reads na ang WB! Maraming salamat sa mga patuloy na
nagbabasa! Dedicated ang kabanatang ito sa lahat ng nagbabasa, nagbo-vote at nagko-
comment!

Ngayon, simulan na natin ang huling kabanata ng Arc II: Mystery versus Romance.
***

CRIS

Batak na batak na ang mga binti ni Cris Ibarra sa katatakbo. Halos sumuko na ang
kaniyang mga paa at muntik na siyang mawalan ng hininga. Pero hindi niya inalintana
ang mga ito. Ang mahalaga para sa kaniya, makarating sa auditorium bago magsimula
ang meeting.

Habang nasa klase siya kanina at seryosong nakikinig kay Prof. David Wallace, ang
kaniyang World Literature instructor, biglang nag-text si Erland sa kaniya at
sinabing kailangang mag-attend ng lahat ng mga writer at editor sa emergency
general assembly na ipinatawag ngayon ni Mrs. Cornelia Angeles, ang kanilang
publisher. Pero hindi siya kaagad nakaalis sa klase dahil nagpa-surprise quiz ang
kaniyang prof.

Pagkarating niya sa may pintuan ng auditorium na nasa fourth floor ng main school
building, wala pa siyang naririnig na nagsasalita sa loob kaya sa hinala niya,
hindi pa sinisimulan ang assembly. Hinabol niya muna ang kaniyang hininga ng
sampung segundo bago pumasok.

Kahawig ng isang sinehan ang loob ng auditorium--mahigit isandaan ang upuan, medyo
madalim kahit maraming nakalagay na ilaw sa may kisame, nakakapanginig ang hanging
ibinubuga ng mga aircon, at imbes na patag ang sahig, pababa ito patungo sa
entablado sa dulo. Nagtataka tuloy si Cris kung bakit sa isang malaking lugar na
kayang magpapasok ng isandaang estudyante gaganapin ang assembly kung saan nasa
tatlumpu hanggang apatnapu lang ang dadalo. Malamang, dulot ito ng impluwensiya ng
kanilang publisher na sa balita ni Cris ay isang mataas na admin official sa
unibersidad.

Naglakad papunta sa mga upuan sa bandang unahan si Cris, hinahanap ang kaniyang
editor na hindi pa nagre-reply sa kaniyang text. Pero bigla siyang napatigil nang
nasa unang row na siya. Naalala niyang hindi mahilig umupo sa harapan ang kaniyang
editor at tiyak na mas pipiliin nito sa bandang dulo. Unti-unti siyang humakbang
patalikod hanggang sa matapat siya sa ikaapat na row kung saan nasa apat lang ang
nakaupo. At isa sa kanila si Erland na nakakrus ang mga braso at nakapikit ang mga
mata, tila nakaidlip.

"Master IBARRAAA!" masiglang bati ng isang pamilyar na boses na biglang gumising sa


natutulog na si Erland. "Akala ko hindi ka na darating!"

Pilit na inaalala ni Cris kung ano ang pangalan ng lalaking nakasalamin na nakaupo
sa kanan ni Erland. Pamilyar ang kaniyang mukha pero hindi matandaan ni Cris kung
sino ang lalaking 'yon. "Ikaw si... Sigmund, tama ba?"

"SIMON Morayta!" mabilis na tugon ng lalaki. "Ilang beses na akong nagpakilala sa


inyo, hindi n'yo pa rin natatandaan ang pangalan ko?"

Umupo si Cris sa kaliwa ni Erland at sinabing, "Pasensya na, hindi ako matandain sa
mga pangalan. Te-Teka! Nasa party ka rin noong isang araw, 'di ba? Tapos nandito ka
ngayon sa general assembly. Ibig sabihin, writer ka rin sa Bloc? Bakit parang hindi
ko pa nakikita sa masthead ang pangalan mo?"

"Kaka-approve pa lang ng manuscript niya noong Biyernes, isang araw bago nangyari
ang hacking sa mga computer natin." Si Erland na ang nagpaliwanag kay Cris para kay
Simon. Medyo napapapikit ang kaniyang mata, halatang inaantok pa rin. "Sa susunod
na linggo na dapat ilalabas ang unang kabanata ng The Secret, na papalit sa patapos
na ngayong The Gamble. Pero dahil kanselado ang isyu ngayong linggo, baka sa
susunod na dalawang linggo pa lumabas ang kaniyang istorya."

"Speaking of istorya," lumingon-lingon muna sa paligid si Cris, naniniguradong


walang makakarinig sa kaniya, bago itinuloy ang kaniyang sasabihin, "totoo ba 'yung
kumakalat na blog post ng Bloc Debunker na nakaw na ideya mula sa isang published
na nobela ang mga eksena sa Para Sa Mga Na-friendzoned series ni Mario?"

"TALAGA?! Nagnakaw ng ideya si Mari--"

Kaagad tinakpan ni Erland ang bibig ni Simon bago pa may makarinig sa kaniya. "Ano
sa palagay mo? Sa tingin mo ba, magagawa niya ang bagay na 'yon? Ang magnakaw ng
ideya ng may ideya?"

"Kung totoo man 'yon, nakakadismaya." Napatingin siya sa entablado, may bahid ng
kalungkutan ang kaniyang mukha. "Sa lahat ng mga writer sa Bloc, siya ang
pinakahuling taong maiisip kong puwedeng gumawa no'n."

"Pero may mga ipinakitang excerpt sa post ng Bloc Debunker, 'di ba?" biglang
sumingit si Simon, medyo may kahinaan ang kaniyang boses. "Mga patunay na
magkatulad ang mga eksena sa dalawang ipinaghahambing na kuwento."

"Siguradong napag-usapan n'yo na 'to sa editorial board lalo na't ang numero unong
writer n'yo ang sangkot dito," nabaling ang tingin ni Cris sa kaniyang editor,
naghihintay ng kasagutan.

Muling napapikit si Erland bago magbigay ng tugon. "Wala ako sa posisyon para
sabihin kung anong napagdesisyon ng board. Pagdating sa mga kontrobersiyal na
usapin na 'yan, tanging ang editor-in-chief lang ang puwedeng magsalita. At sa
tingin ko, malalaman n'yo rin maya-maya ang sagot."

"Kung gano'n, maaaring hindi pabor kay Mario ang desisyon," naisip ni Cris habang
pinagmamasdan sina Xavier at ang managing editor na nag-uusap sa entablado. "Kung
hindi pinatulan ng editorial board ang paratang ng Bloc Debunker kay Mario,
siguradong diretsong sasabihin ni Erland na 'Wala kaming oras sa akusasyon niya.
Sinisiraan lang tayo ng blogger na 'yon.' Pero dahil sinabi niyang wala siyang
karapatang sumagot, ibig sabihin, may napagdesisyonan na sila pero ayaw muna nila
itong malaman ng iba. Ano kayang mangyayari kay Mario kung nagkagano'n?"

Biglang nakaagaw sa atensyon ni Cris ang tunog ng pagbukas ng pinto ng auditorium


kasabay ng mga malulutong na yapak ng heels. Isang babaeng nasa edad trenta
hanggang kuwarenta anyos, hanggang balikat ang haba ng buhok tulad ng kay Dora the
Explorer, bilog ang mukha, malusog ang pangangatawan at hindi gano'n katangkaran
ang naglakad pababa sa entablado kung saan naghihintay sina Xavier. May suot siyang
itim na blazer na nakapatong sa kaniyang kulay mapusyaw na asul na blouse na
tinernuhan ng paldang hanggang tuhod ang haba. Tanging mga director ng university
office ang may suot na gano'n kaya hinala ni Cris, ang babaeng 'yon ang kanilang
publisher.

"Nandito na ba ang lahat? Puwede na ba nating simulan ang assembly?" tanong ni


Cornelia Angeles. "O may hinihintay pa tayong mga feeling VIP?"

Sa mga unang salita pa lang ni Cornelia, hindi na nagustuhan ni Cris ang tabas ng
kaniyang dila. Ang kaniyang first impression sa kanilang publisher--mataray,
mahilig mag-utos at mahirap pakisamahan dahil may mataas siyang katungkulan sa
university. Hindi pa nakakalimutan ni Cris na muntik nang kanselahin ang ABC
Mystery dahil ayaw ni Cornelia sa mga kuwentong hindi umiikot sa love story, kahit
gaano pa ka-cliche ang mga 'yon.

"Game na ba? Xavier, ano na? May meeting pa ako after nito."
"Halos nandito na po ang lahat, ma'am," sagot ng kanilang editor-in-chief na
halatang hindi komportable sa presensya ng kanilang publisher.

"Okay!" Pumalakpak ng dalawang beses si Cornelia para makuha ang atensyon ng mga
nasa auditorium. "Magandang hapon sa inyong lahat! Pasensya na kung biglaan ang
assembly na 'to. Alam kong nagtataka kayo kung sino ang babaeng nasa harap n'yo
kasi hindi naman tayo nagkikita sa opisina ng Writers' Bloc. Ako nga pala si
Cornelia Angeles, ang publisher ng ating literary magazine at director ng Office of
the University Relations."

Ilan sa mga editor ang narinig ni Cris na bumulong ng "Ah! Siya pala 'yon. Akala ko
mas bata at mas payat ang publisher natin."

"Hindi ko alam kung aware ang lahat sa inyo na kanselado ang isyu natin ngayong
linggo," pagpapatuloy ni Cornelia, tinititigan ang mga mata ng bawat isang nakaupo
sa bandang harapan, parang isang gurong nagtuturo sa klase. "Hindi naging maganda
ang simula ng linggong ito sa 'tin matapos burahin ang lahat ng files ng Bloc at i-
leak sa isang blog ang mga kabanatang dapat na ipa-publish. Hindi ko alam kung
sinong nasa matinong pag-iisip ang makakagawa no'n!"

"Kung alam mo lang, ang taong nasa likod ng blog na 'yon ay isa sa mga estudyanteng
may mataas na posisyon." Nakapokus pa rin ang mga mata ni Cris kay Cornelia habang
iniisip ang mga salitang 'to.

"At ngayon, may ipinapakalat na tsismis ang blogger na 'yon tungkol sa isa sa ating
mga writer!" Habang tumatagal, mas lalong napapataas ang boses ni Cornelia, tila
nadadala sa kaniyang emosyon. "Nasaan na ba si Mario Santiago at bakit parang hindi
ko siya nakikita rito? Xavier?"

"Dahil inamin niyang ginaya niya ang mga eksena sa isang published na nobela,
napagdesisyon kong tanggalin na siya sa aming staff," mabilis na sagot ni Xavier
bago pa muling makahirit ang publisher.

"Na-Nagawa ni Mario ang bagay na 'yon?" Napatingin ang mga nanlaking mata ni Cris
sa kaniyang editor na tahimik na nakikinig. "Talaga bang inamin ni Mario na
nanggaya siya ng ideya ng iba? Bakit? Paano n'yo nalaman?"

"May ipinadalang libro kahapon si Bloc Debunker, ang pamagat ay Anthology from the
Friendzone," sumagot si Erland nang hindi tumitingin sa kaniyang kausap. "May
nakalakip na sulat kung aling mga kabanata sa librong 'yon ang ginamit ni Mario
para sa kaniyang nobela."

"Te-Teka, Sir Earl!" Parang ahas kung sumingit si Simon. "Yun ba 'yung package na
iniabot ko sa inyo mula sa guard?"

"Tama. Hindi ko alam kung paano nalaman ng Bloc Debunker na 'yon ang librong
pinagkuhanan ni Mario ng ideya. Naisip ko tuloy na baka malapit sa kaniya ang
kontrobersiyal na blogger kaya alam niya ang mga librong binabasa ni Mario.
Puwedeng lagi niyang kasama 'yung taong 'yon. 'Yung tipong nakakapasok at
nakakatambay sa dorm ni Mario."

Pero pumasok lang sa isang tenga ni Cris at lumabas sa kabila ang mga salita ni
Erland. Napapailing na lang siya, hindi pa rin makapaniwala sa rebelasyon.
"Ta...Talaga... Ang itinuturing kong karibal... Isa pa lang..."

"Anong katangahan 'yan, Xavier?!" harap-harapang sinigawan ni Cornelia ang kanilang


editor-in-chief na siyang ikinabigla ng lahat. "Kung tatanggalin mo si Mario sa
staff, parang inamin mo na nagkasala siya. Hindi lang 'yon! Parang pinagmukha mong
tanga ang mga editor ng Bloc dahil wala ni isa sa inyo ang nakahalatang may ginaya
siyang mga ideya mula sa isang published na nobela!"

"Gu-Gusto n'yong ipagtanggol pa namin si Mario kahit inamin niyang may kasalanan
talaga siya?" sagot ni Xavier na halatang pinipigilang pagtaasan ng boses ang
nakatatanda sa kaniya. "Sinasabi n'yo bang ipikit na lang namin ang aming mga mata
at huwag bigyang pansin ang isang malinaw na paglabag sa ating editorial at ethics
manual?"

"You disappoint me, Xavier," binigyang diin ni Cornelia ang pangalawang salitang
lumabas sa kaniyang bibig. "Hindi mo ba naisip na kahihiyan sa inyong mga editor at
sa publication mismo kapag inamin n'yong may ginawang pangongopya ng ideya ang
writer ninyo? At hindi mo ba naisip na kapag tinanggal mo si Mario, ang numero
unong writer ng Bloc na may pinakamalawak na readership sa lahat ng mga manunulat
natin, maaapektuhan ang sales ng ating magazine? Ilang percentage ang readership ng
Para Sa Mga Na-friendzoned series?"

"Nasa 30 percent po, ma'am," sagot ng circulations manager.

"See? That's more than a thousand readers! Are you willing to lose that much?"
tanong ni Cornelia.

"Pero ang isyu po rito ay ethics ng isa sa aming manunulat! Hindi namin puwedeng
ipagkibit-balikat 'yon lalo na't inamin niya mismo ang kaniyang kasalanan!" Unti-
unti nang nawawala ang pagiging kalmado ni Xavier pero halatang nagpipigil pa rin.

"Puwede ba nating kalimutan na umamin siya sa kasalanang 'yon? Puwede ba nating


bigyan ng ikalawang pagkakataon si Mario para makabawi sa kaniyang pagkakamali?"
suhestiyon ni Cornelia, nagbalik na sa normal ang tono ng kaniyang boses. "Can we
give him a chance to redeem himself... and save our publication from further shame?
Removing him and his story in our magazine is already an admission of our
irresponsible management in the publication."

"Gusto n'yong pagtakpan namin siya kahit kalat na sa social media ang ginawa niya?"

"Gusto kong i-deny n'yo ang mga alegasyon ng blogger na 'yon laban kay Mario. Kung
kailangan, maglabas kayo ng official statement para depensahan ang inyong writer.
Huwag n'yo siyang ilaglag, gaya ng ginawa mong pagtanggal sa kaniya."

Halos napanganga ang lahat ng mga nanonood at nakikinig sa tensyong namamagitan


kina Xavier at Cornelia. Para tuloy silang nanonood ng isang play kung saan
impromptu ang pagbitaw ng mga linya at sagutan ng mga tauhan. Si Cris naman, hindi
makapaniwala sa pinagsasabi ng admin official.

"Bilang publisher ng Writers' Bloc, binabawi ko ang pagkatanggal ni Mario Santiago


sa staff," walang pakundangang idineklara ni Cornelia nang magkaroon ng
katahimikan. "Gusto kong makita ang pangalan niya at ang pamagat ng kaniyang nobela
sa susunod na isyu."

"Pero ako bilang editor-in-chief ang may huling salita tungkol sa mga staff ko,"
buwelta ni Xavier, mukhang hindi na niya matiis ang pangigialam ng taga-admin. "Ang
tanging role ng publisher ay magbigay ng opinyon o suhestiyon sa mga kuwentong
ipina-publish. Hands-off kayo sa mga usapin patungkol sa mga manunulat ng ating
publication."

"BILANG PUBLISHER NG WRITERS' BLOC," malutong at madiin ang pagkakaulit ni Cornelia


sa mga salitang 'yon, "ibinabalik ko sa staff si Mario Santiago at ang kaniyang Na-
friendzoned series sa lineup. Susundin din ng editorial board ang mga payo ko kung
paano lulusutan ang problemang 'to. Maliwanag?"
Walang nagawa ang mga editor kundi umoo sa utos ng kanilang mas mataas na boss.

Napatingin tuloy si Cris sa kaniyang editor na kanina pa walang imik simula nang
tumindi ang tensyon sa pagitan nina Xavier at Cornelia. "Earl, ganito ba ang
publication na gusto mong pamunuan sa susunod na taon?"

Pero wala siyang narinig na salita at nakitang reaksyon sa mukha ni Erland.


Nakatitig lang ang mga seryosong mata nito sa babaeng nakatayo malapit sa
entablado.

"Kaya ko kayo ipinatawag dito ay para sa isang mahalagang anunsyo," muling hinarap
ni Cornelia ang mga manonood, isang pilit na ngiti ang makikita sa kaniyang labi.
"Masyado ko kayong binigyan ng kalayaan, kayong mga writer at editor, kaya oras na
para maghigpit ng sinturon. Sa susunod na linggo, ipapakilala ko sa inyo ang
executive editor na mamamahala sa buong operasyon ng ating publication."

"Executive editor? Pero may editor-in-chief na tayo," pabulong na komento ni Jodie


Santos.

"Anong sense ng pagkakaroon ng dalawang mataas na editor?" bulong ni Tom Atayde na


nakaupo sa row sa harapan nina Cris. "Si Xavier lang, sapat na."

"Kaya nga bago matapos ang araw na ito," dahan-dahang lumingon si Cornelia kay
Xavier, "inaasahan ko na ang resignation letter ng inyong kasalukuyang editor-in-
chief sa desk ko."

"ANO?!"

"Magaling na editor-in-chief si Xavier! Bakit n'yo siya papagbitiwin sa puwesto?!"


Hindi na napigilan ni Jodie ang mapasigaw.

"Anong klaseng desisyon 'yan?!" reklamo ni Tom.

"Pigilan n'yo ko kundi babalatan ko 'yang babaeng 'yan," hirit ng editor na laging
mainit ang ulo. "Pigilan n'yo ko!"

Hindi na maintindihan ng mga nasa auditorium ang protesta ng bawat editor na tutol
sa sinabi ng kanilang publisher. Ang ilan pa nga sa kanila, napatayo at
nagbabadyang kuyugin si Cornelia sa may entablado. Kundi lang mataas na opisyal at
babae ang nasa harap nila, siguradong on the way na siya sa ospital ngayon.

Kung halos lahat ay nagkakagulo, napansin ni Cris na hindi pa rin kumikibo si


Erland. Nananatili pa rin ang blangkong ekspresyon ng kaniyang mukha.

"Kung tutol kayo sa naging desisyon ko, maaari din kayong mag-submit ng resignation
letter sa desk ko." Ni hindi natinag si Cornelia sa mga reklamong ibinabato sa
kaniya. "Hindi ko kayo kayang tanggalin sa puwesto. Sabi nga ni Xavier, wala akong
karapatang manghimasok sa staffing ng publication. Puwede lang akong makialam kung
mababakante ang posisyon ng punong patnugot. Pero binibigyan ko na kayo ng
mapagpipilian. Nasa inyo na kung anong pipiliin n'yo."

Nagbigay muna ng mga salita ng pamamaalam sa buong staff si Cornelia at sinabing


may pupuntahan pa siyang meeting bago naglakad palabas ng auditorium. Nang wala na
siya sa paningin ng mga tao sa loob, nagsitayuan na sila at nagpahayag ng
pagkagulat at pagkainis sa nangyari. Ang ilan sa mga editor, pinuntahan si Xavier
at tinanong kung magsa-submit nga siya ng resignation letter.

"Hindi ko na alam kung ano na talaga ang nangyayari dito." Maging si Cris,
naguguluhan na rin sa mga hindi inaasahang tagpo.

"Cris, mukhang hindi magiging pabor sa atin ang mga posibleng susunod na
mangyayari, lalo't baka umalis na si Xavier bilang EIC." Sa wakas, matapos ang
ilang minuto ng pananahimik, nagsalita na rin si Erland. "Kung sinuman ang papalit
sa kaniya, sigurado akong muling dadaan sa butas ng karayom ang ABC Mystery. Alam
mo naman ang priyoridad ng publisher natin."

"Teka, paano ako, Sir Earl?" biglang hirit ni Simon na parang na-out of place sa
usapan.

"Walang magiging problema sa The Secret kasi love story naman ito na may tragic na
twists," tugon ni Erland. "Mas nangangamba ako sa ABC. Baka biglang baguhin ng
executive editor ang lineup at ibalik ito sa puro love story."

"Kung sinuman siya, kailangan natin siyang kumbinsihin, tama?" Sa halip na matakot
sa posibilidad na binanggit ng kaniyang editor, mukhang mas lalo pang ginanahan si
Cris. "Kung nakumbinse natin si Xavier na i-publish ang ABC noon, malamang
makumbinse din natin ang susunod na boss."

"Sana nga."

*****
P.S. Mukhang hindi basta-basta mawawala si Mario sa eksena kaya abangan n'yo pa
siya sa mga susunod na kabanata.

Abangan din ang epilogue ng Arc II.

Ngayong tapos na ang ikalawang story arc, may komento o suhestiyon ba kayo na gusto
n'yong ibahagi sa 'kin at sa ibang mambabasa?

Chapter 13: Epilogue


A/N: Short update lang ito na naglalayong bigyang linaw ang ilang bahagi ng Arc II
na maaaring bumabagabag sa isip n'yo.

Bago n'yo basahin ito, i-recall n'yo muna ang mga nangyari sa mga sumusunod na
kabanata:

-Chapter 2

-Chapter 4.1

-Chapter 4.2

-Chapter 9

-Chapter 10

-Chapter 11

May common denominator (at clues) ang mga nasabing kabanata. Para lang 'di kayo
magtaka o mabigla sa rebelasyon.

*****

Halos wala nang tao sa opisina ng Avant Garde. Kakatapos lang kasi ng kanilang
press work para sa kanilang isyu ngayong linggo kaya may oras na sila para mag-
chill.
Pero may isang tao na nananatili pa rin sa loob ng opisina, ine-enjoy ang mga
sandaling tahimik, walang istorbo at solo niya ang buong opisina--si Clarence
Alfonso, ang editor-in-chief. Nakasandal siya sa kaniyang upuan, magkadikit ang mga
kamay at pasulyap-sulyap sa kaniyang phone na nakalagay sa desk, tila may
hinihintay na text o tawag.

Bzzz... Bzzz....

Kaagad binuksan ni Clarence ang text message na ipinadala ng isang unregistered na


numero. Ganito ang nakasulat:

"Bloc's EIC to resign. Mario stays."

"Magbibitiw na raw sa puwesto si Xavier," sinabi niya habang binabasa ang text
message. "At mukhang binawi na nila ang pagtanggal kay Mario Santiago."

"Eh? Inaasahan mo na bang ganito ang mangyayari?" Isang babae na may malumanay na
boses ang biglang nagsalita. Nakaupo siya sa may tapat ng desk ni Clarence at busy
sa pagte-text.

"Hindi na kataka-taka kung may mangyayaring rigodon sa pamunuan ng Bloc," tugon ni


Clarence nang hindi lumilingon sa babaeng kasama niya sa cubicle. "Pero inexpect
kong tatanggalin na nila si Mario gaya ng unang desisyon ni Xavier. Mukhang malakas
ang kapit niya sa taas."

"Kung gano'n, medyo nasayang lang pala ang effort ko," komento ng babae na
dismayado ang boses.

"Huwag kang mag-alala. Kahit magsusulat pa rin si Mario sa Bloc, hindi na mabubura
ang bahid ng pagdududa sa kaniya bilang mangongopya ng ideya," paniguro ni
Clarence. "Tiyak na bababa ang ratings ng Para Sa Mga Na-friendzoned at mababawasan
ang kaniyang mga fan."

"Pero hindi mo pa ako pinasasalamatan sa nagawa ko para sirain ang imahe niya sa
mga estudyante," buwelta ng babae. "Kung hindi dahil sa 'kin, hindi n'yo malalaman
ang tungkol sa librong pinagkopyahan niya ng ideya."

Napaharap na si Clarence sa babae sabay tanong, "Paano mo nga pala nalaman ang
tungkol sa Anthology from the Friendzone? May sinabi ba si Mario tungkol sa librong
'yon?"

"Naalala mo pa ba ang interview niya sa atin? Sinabi niyang hindi siya nagbabasa ng
libro dahil baka maimpluwensiyahan ang kaniyang sinusulat. Pero nang bumisita ako
sa dorm niya, nakita ko 'yung librong Anthology na may bookmark pa, nakakalat sa
kaniyang kama. Mukhang binabasa niya 'yon kaya naisip kong bumili ng sariling kopya
at tingnan kung anong meron do'n."

"Hindi ko alam na meron ka din palang deduction skill tulad ni Cris Ibarra,"
komento ni Clarence. "Baka nahawa ka na sa kaniya?"

"Hindi naging madali ang pinagdaanan ko para mas mapalapit kay Mario kaya nilubos-
lubos ko na," sagot ng babae. "Muntik nang malagay sa peligro ang buhay ko dahil sa
iniutos mo sa 'kin."

"Pero... hindi ka naman na-develop kay Mario, tama?" paintrigang tanong ni


Clarence. "Halos isang buwan din kayong laging magkasama. Kunsabagay, sanay ka nang
may itinatambal sa 'yo sa entablado. Isa ka nga palang aktres sa teatro kaya
magaling kang umarte."
"Hindi naging biro ang acting ko rito," tugon ng babae. "Simula nang sabihin mong
dapat mapalapit ako kay Mario, napilitan akong magbasa ng Bloc at tiisin ang bawat
chapter ng nobela niya. Nakatanggap pa nga ako ng hate letters dahil sa pagiging
close ko sa kaniya, na parang girlfriend niya ako. May isa pang nag-akala na easy-
to-get akong babae."

"Ang hindi nila alam, isa lang itong palabas, isang eksena sa isang play," sabi ni
Clarence. "Kinailangan ko ng isang babaeng makakakuha sa loob ni Mario. Babae ang
kahinaan ng isang lalaki, lalo na ng may hindi magandang karanasan sa pag-ibig. At
ikaw ang pinakaperpekto sa role na 'yon."

"At may panibago kang role na gusto mong ibigay sa 'kin, tama? Hindi mo naman ako
papapuntahin dito para makipagtsismisan sa 'yo."

Tumayo si Clarence at may kinuha sa drawer ng kaniyang desk--isang parisukat na


papel na may imahe ng isang lalaki. Nilapitan niya ang kausap niyang babae at
iniabot ang larawang 'yon sa kaniya. "Sa tingin ko, hindi ka masyadong mahihirapan
sa isang 'yan."

"Te-Teka! Ang lalaking 'to ay si--"

"Ang sabi ng kaibigan ko sa Bloc, mukhang may lead ang lalaking 'yan tungkol sa
katauhan ng ating espiya sa publication nila. Gusto kong malaman kung ano ang
nalalaman niya." Hindi na pinatapos ni Clarence ang sinasabi ng babae. "Dapat pa ba
tayong magulat? Siya ang writer ng ABC Mystery."

Hindi nakaimik ang babae. Nakatitig lang ang kaniyang mga mata sa ibinigay na
larawan.

"Bakit natahimik ka? Nagdadalawang-isip ka ba?"

Napangiti si Mariel sabay sagot, "Hindi."

*****

Anong masasabi n'yo sa rebelasyong ito?

TEASER: Reality Versus Fiction (Arc III)


AUTHOR'S NOTE (02/15/15): May ilan sa mga eksenang nasa baba ang hindi natuloy sa
Arc III pero nakareserba sa susunod na season.

Dahil sa mga hindi inaasahang tagpo sa nakaraang story arc, may mga bagong banta
kina Cris at Erland sa mga susunod na kabanata...

"Ngayong bumaba na ang rank ng Para Sa Mga Na-friendzoned series, oras na para tayo
naman ang maging number one," in-adjust ni Tom Atayde ang kanilang salamin na may
makapal na itim na frame. "Excited ka na ba, Miss Ice Princess?"

"Sa ating dalawa, mukhang ikaw lang ang excited," sagot ng isang babaeng hanggang
panga ang haba ng buhok. "Okay lang sa 'kin kung manatili sa number two ang kuwento
ko basta ba hindi 'to matatanggal sa line-up."

May mga bigla na lamang papasok sa eksena para guluhin ang lahat...

"Gusto kong maging crime-solving duo ang bidang tauhan mo at ang kaniyang crush
tapos bigyan mo ng romantic scenes, 'yung magpapakilig sa mga reader," suhestiyon
ng taong nakaupo sa puwesto ng editor-in-chief.

"Hindi puwede 'yon! Isa itong mystery story at hindi love story. Huwag n'yo itong
igaya sa mga nasa lineup natin!" depensa ni Cris, halos ihampas na niya ang
kaniyang dalawang kamay sa desk. "Ako ang writer ng ABC Mystery at ako ang
masusunod kung ano ang magiging takbo ng kuwento!"

"AT AKO ang executive editor ng Writers' Bloc," mahinahong tugon ng taong 'yon na
sinabayan niya pa ng nakakairitang ngiti. "Ako ang nagdedesisyon kung ano ang
lalabas at kung ano ang hindi. Kung ayaw mong sumunod sa gusto kong mangyari, bukas
ang pintuan ng opisinang ito."

May mga makikipag-ayos para plantsahin ang gusot ng nakaraan...

"I'm sorry sa lahat ng nangyari, sa lahat ng sinabi ko, sa lahat ng ginawa ko."
Mangiyak-ngiyak at halos lumuhod na si Mariel sa harapan ni Cris para lang
maipakita na sincere siya sa paghingi ng tawad. "Aaminin kong masyado akong naging
sensitive sa mga bagay-bagay."

Sa lahat ng senaryong puwedeng mangyari sa puntong 'yon, hindi inaasahan ni Cris na


si Mariel pa ang hihingi ng paumanhin sa kaniya. "Wa-Wala kang dapat ihingi ng
sorry sa 'kin. Sa katunayan, ako ang may kasalanan, ako ang basta-basta na lang
nagsasabi ng kung ano-ano tuwing kaharap kita."

May mga 'di inaasahang balita...

"Sigurado ako sa nakita ko! May ka-date si Erland sa isang coffee shop!" Pilit na
kinukumbinse ni Jodie Santos ang kaniyang mga kasama sa opisina. "Bakit ba ayaw
n'yong maniwala sa akin?"

"Alam nating lahat kung anong klaseng lalaki si Erland. Hindi nga niya magawang
makapag-party kasama tayo, date pa kaya?" komento ni Kevin Quirino na kanina pa
natatawa sa ibinalita sa kanila.

"Pero kung totoong may ka-date si Erland, anong hitsura ng kasama niya?" tanong ni
Tom.

"Pamilyar 'yung mukha niya," tugon ni Jodie, medyo nahihirapan siyang alalahanin
kung sino ang nakita niyang kasama ni Erland. "Kung 'di ako nagkakamali, siya 'yung
taga-Central Student Council na nag-speech sa mid-year convention natin."

"Te-Teka! Ang vice president ng student council 'yun, 'di ba? Yung cute, maliit at
inosente ang mukha!"

May mga dating kalaban na pilit babalik sa eksena...

"Ayoko ng plagiarized, ayoko ko kinopyang ideya. Gusto ko orihinal at talagang


galing sa 'yo ang mga kabanatang isusulat mo, maliwanag?" paalala ni Elaine kay
Mario Santiago. "Ngayon, itatama natin ang nagawa mong pagkakamali."

May mga kalaban ding hindi kaagad nakikita...

"Mukhang may pag-asang maging number one ang The Secret, ah!" komento ng
circulations manager na hawak-hawak ang resulta ng Facebook poll.

"Noong una, si Mario. Tapos si Casey. Ngayon naman si Simon," hindi napigilan ni
Cris na mapaisip ng ganito. "Mukhang mas dumarami ang mga kalaban ko sa pagiging
number one."
May pagmamanmang magaganap...

"Nielsen, itago mo itong recorder sa cubicle ng inyong editor-in-chief." Iniabot ni


Cris sa kaniyang kaibigan ang kulay itim na parisukat na bagay. "Siguraduhin mong
hindi niya makikita 'yan."

"Pero ilegal 'tong pinapagawa mo sa akin! Puwede tayong ma-expel dahil dito!"
protesta ni Nielsen."

May mga pagkikitang 'di mo inaakala...

"Ikaw ba si Cris Ibarra?" tanong ng isang estudyanteng nakasuot ng pangmilitar na


damit, ang uniporme ng mga kadete ng ROTC.

"A-Ako nga. A-Anong maitutulong ko sa inyo?" Pakiramdam ni Cris, may tinakasan


siyang krimen at ngayo'y natutunton na siya ng mga awtoridad.

"Sumama ka sa amin sa CSC office. May gustong kumausap sa 'yo."

At may mga aninong lalapit at lalapit sa liwanag...

"Matagal na kitang gustong kausapin, Cris Ibarra." Gumulat kay Cris ang presensya
ni Clarence Alfonso na tila kanina pa naghihintay. "Sana 'di ko naistorbo ang date
mo."

Huwag palalampasin ang mga susunod na kabanata ng Writers' Bloc Arc III: Reality
versus Fiction.

*****
Dahil patikim pa lang ang mga 'yan, maaari pang magbago ang mga eksena.

At sa mga masipag magbigay ng reaksyon, kung puwede'y i-comment n'yo ang mga
eksenang gusto n'yong makita, mga tagpong inaasahan n'yo sa mga susunod na
kabanata. Nangangailangan din kasi ako ng mga dagdag na ideya para sa WB. Salamat!

RECAP: Bloc Debunker


A/N: Ipinublish ko ang part na ito para sa mga mambabasa na gustong malinawan sa
mga nangyari (at para sa 'kin upang hindi ko makalimutan ang pinagsusulat ko).
Puwede n'yong i-skip ang bahaging 'to kung hindi kayo interesado.

Dedicated ang chapter na 'to kay underthepinksky dahil kinotoban na siya na baka
kasabwat si ****** sa "debunking" bago pa i-reveal ang katotohanan.

WARNING: SPOILERS ahead! (Lalo na 'yung attached photo)

Info on Bloc Debunker


-Unang nabanggit ang blog ng Bloc Debunker sa Chapter 4.1 kung saan itinanong ni
Mariel kung nabasa na ni Mario Santiago ang mga entry sa blog na 'yon.

-Mukhang suportado ng Bloc Debunker ang ABC Mystery ni Cris Ibarra. Sumulat ang
blogger ng isang positive review sa nobela ni Cris. Usually, negative ang mga
review niya sa mga napa-publish sa Bloc.

-Suportado rin ng Bloc Debunker ang ginawang pamamahiya ni Cris kay Mario sa
CofiAcad na nakunan pa ng video at kumalat sa Facebook sa Chapter 5.

-Isa ang Bloc Debunker sa mga nagpahayag ng pagkadismaya nang biglang tanggalin sa
line-up ng Writers' Bloc ang ABC Mystery (sa utos ni Cornelia Angeles).
-Kung dati'y nagpo-post lang ng blog entry ang Bloc Debunker para batikusin ang
istorya sa Bloc, ngayo'y gumagalaw na siya (o sila) kagaya nang nangyari sa Chapter
10.

-Bilang ebidensiya ng kanilang paggalaw, may isang operatiba ang Bloc Debunker sa
mismong Bloc na kinopya ang mga to-be-published na chapter at binura ang lahat ng
files sa mga computer sa opisina.

-Ini-leak din ng Bloc Debunker ang mga dapat na ipa-publish na mga kabanata para
maparalisa ang operasyon ng Bloc. Ang dahilan, hindi pa nabubunyag sa ngayon.

-Hindi pa sila nakontento, ibinunyag din ng Bloc Debunker sa blog nito ang
pagkakatulad ng Para Sa Mga Na-friendzoned series ni Mario at ang published novel
na Anthology from the Friendzone, dahilan para masira ang tiwala ng mga mambabasa
at mabawasan ang mga fan ni Mario.

Mga tauhang konektado kay Bloc Debunker (MAJOR SPOILERS!)


1. CLARENCE ALFONSO
-Sa isang hindi inaasahang pagkakataon, habang nasa cubicle ng CR si Cris, may
narinig siyang isang lalaki na may kausap sa phone kung saan pinag-uusapan nila ang
pagkuha ng files sa opisina ng Bloc. Hindi niya kaagad naalala kung kanino ang
boses na 'yon dahil lutang ang utak niya noong kino-congratulate siya ni Clarence
bilang most promising Bloc writer.

-Sa Chapter 13: Epilogue, kumpirmado na may kaugnayan si Clarence sa Bloc Debunker
at siya ang nasa likod ng lahat ng kamalasang nangyari sa Bloc.

2. ESPIYA SA BLOC
-Sa Chapter 10, naibunyag lang na may kausap si Clarence na manloloob sa opisina ng
Bloc.

-Sa Chapter 11, na-deduce nina Cris at Erland na isa sa mga Bloc editor ang
nagsagawa ng pagbura ng files at pag-leak ng mga to-be-published chapter.

-Sa Chapter 12, naibahagi ni Erland ang mga deduction nila ni Cris kaugnay sa kung
sino ang mga pasok na suspek sa nangyaring "break-in." Ayon sa kaniya, ang mga
editor na wala sa mid-year convention ay dapat paghinalaan:

Jodie Santos (itinuro ni Erland)


Nagpaalam na hindi siya makakapunta sa party dahil may sakit.

Tom Atayde (itinuro ng managing editor)


Umalis bago magsimula ang dinner dahil sumakit ang tiyan.

Erland Salazar (itinuro ni Elaine)


Kagaya ni Tom, umalis din siya bago mag-dinner nang hindi nagpapaalam sa managing
editor.

-Sa Chapter 13: Epilogue, siya ang sinasabing "kaibigan" sa Bloc na nag-text kay
Clarence tungkol sa pagre-resign ni Xavier at pananatili ni Mario sa publication.
Siya rin ang nagbalita kay Clarence na baka may lead si Cris tungkol sa kanila
(ayon sa ibinahaging deduction ni Erland).

3. MARIEL CASTRO
-Sa Chapter 13: Epilogue, naibunyag na kasabwat pala si Mariel sa mga nangyari mula
nang Arc I.

TImeline at foreshadowing sa totoong papel Mariel:


-Sa Chapter 2, inamin ni Mariel kina Cris at Nielsen na hindi talaga siya nagbabasa
ng Bloc. Napilitan lang siyang magbasa nito lalo na ng Para Sa Mga Na-friendzoned
series dahil na-assign sa kaniya na interviewin si (at mapalapit kay) Mario.

-Sa Chapter 4.1, nakaayos si Mariel na tila makikipag-date kay Mario. Malamang,
taktika niya ito para mapansin siya at maakit niya si Mario.

-Sa Chapter 4.2, mukhang tumalab ang charm ni Mariel kay Mario kaya yinaya siyang
mag-coffee. Kapansin-pansin na kaagad pumayag si Mariel kahit kakakilala lang nila
ilang oras bago sila nagka-text.

-Sa Chapter 5, sinampal ni Mariel si Cris para ipakita kay Mario na suportado niya
ang ipinapahiyang manunulat at mas lalong magkalapit ang kanilang loob.

-Sa Chapter 8, pumayag na makipag-lunch si Mariel kasama si Mario kaya tinanggihan


niya ang lunch offer ni Cris.

-Sa Chapter 9, mukhang nasa next level na ang relasyon nina Mario at Mariel dahil
sa sweet nilang mga moment sa amusement park. Nabanggit din ni Cris kay Nielsen na
medyo out-of-character na si Mariel dahil parang hindi gano'n ang pagkakakilala
nila sa kaniya.

-Sa Chapter 10.2, nadala ng emosyon si Mariel matapos mabanggit ni Cris na "baka
isipin ng ibang tao na easy-to-get" siyang babae.

-Sa Chapter 11, naikuwento ni Nielsen kay Cris na bumibisita si Mariel sa dorm ni
Mario.

-Sa Chapter 13, nasabi ni Erland sa tulalang si Cris na baka isang malapit kay
Mario na nakakapasok sa dorm niya ang nakaalam sa librong pinagkopyahan niya ng mga
ideya sa Na-friendzoned.

Sa Chapter 13: Epilogue, nabanggit ni Mariel na muntikan nang malagay sa peligro


ang buhay niya. Tinutukoy niya ang nangyari sa amusement park kung saan hinostage
siya ng isang lalaking may patalim.

*****

Ang misteryo ng Bloc Debunker ay ang mystery sub-plot ng Writers' Bloc. Base ang
konsepto nito sa mga nagsusulong ng #SaveLiterature campaign na tumutuligsa sa mga
kuwentong ipina-publish na mababa ang kalidad. Medyo may "pagkabrutal" (as coined
by brandito_kaylito) nga lang ang Bloc Debunker dahil handa silang sirain ang
reputasyon ng mga writer at ang mismong publication.

May hula na ba kayo kung sino ang espiya?

At kung papalitan ang pangalan ng Bloc Debunker, ano ang maisa-suggest n'yo?

Chapter 14: The Executive Editor [Arc III premiere]


A/N: As of posting time, naka-3,000 reads na pala ang WB! As a treat sa mga
sumusubaybay sa kuwento, may ginawa akong photo (please see attached) para opisyal
na simulan ang Arc III: Reality versus Fiction.

*****

Parang namatayan ang mga tao sa opisina ng Writers' Bloc. Ilang araw nang
nakatambay ang mga editor doon, nakatunganga lang at nagpapalamig sa loob. Ilang
araw na ring bakante ang upuan ng kanilang editor-in-chief matapos ang general
assembly. May ilang editor na hindi maiwasang mapasulyap sa puwesto ni Xavier, ang
kanilang dating boss, at tila inaalala ang mga panahon na nandoon pa siya, nakaupo
at busy sa pagbabasa ng proof ng kanilang magazine.

Maging si Erland Salazar na hindi gano'n ka-close kay Xavier, hindi rin maiwasang
alalahanin ang mga sandaling kasama pa nila ang dating EIC. Minsan na niyang
nakasagutan ang kaniyang boss para maipaglaban ang ABC Mystery, pero nananatiling
mataas ang respeto niya sa kaniya. Anuman ang narating ng Bloc ngayong taon, gaya
ng pagtaas ng sales ng magazine, 'yun ay dahil sa matalinong pagdedesisyon ni
Xavier.

Bumukas ang pinto ng kanilang opisina at pumasok si Kevin Quirino, ang acquisitions
editor, na mukhang kasama rin sa nakikiramay sa pagkawala ng kanilang boss. "Good
morning..."

Napansin ni Erland ang malungkot na ekspresyon sa mukha at pagtamlay sa boses ng


bagong dating editor. Hindi rin nakalampas sa kaniyang paningin ang mga dala-dalang
papel ni Kevin at ang pagdiretso nito sa puwesto ni Elaine Flores, ang editor ng
Para Sa Mga Na-friendzoned at karibal ni Erland sa pagiging susunod na EIC.

"Akala ko mga fan letter ang mga ito, halos mga hate letter pala," sabi ni Kevin
bago iabot kay Elaine ang mga papel. "Tatlong araw nang may nag-iiwan ng mga ganyan
sa mailbox natin."

"Kailan ba matatapos ang kontrobersiya na ito?" tanong ni Elaine habang isa-isang


binabasa ang mga sulat. "You're nothing but a trying hard copycat, Mario... Ikaw
pamo ang idol kong writer tapos plagiarist ka pala, Mario... Hindi po ako
naniniwala sa tsismis. Keep on writing, idol... Ang tanga naman ng mga editor ng
Bloc, ni hindi napansin ang kagaguhang ginagawa ng writer nila... Hindi pa ba sila
kontento sa pamba-bash kay Mario sa social media?"

"May mga nakita akong fan pages niya sa Facebook." Napatingin si Tom Atayde, ang
editor ng He's Dating the Cold-hearted Princess, sa kaniyang katabing editor.
Kapansin-pansin ang makapal na itim na frame ng kaniyang salamin. "Mario Santiago
the Copycat. Mario Santiago ang Dakilang Mangongopya. Pero halos lahat, hindi na
tungkol sa isinulat niya ang tinitira. Medyo pinepersonal na siya at ginawa pa
ngang meme ang mga photo niya."

Binitawan ni Elaine ang mga hawak niyang sulat at napa-facepalm sa kaniyang


narinig, bagay na palihim na ikinatuwa ni Erland. Naisip niyang ito na ang
pagkakataon para maungusan na nila ni Cris Ibarra ang kanilang mga karibal.
Kumpiyansa siyang bababa na ang ranking ng Na-friendzoned dahil sa Copycat incident
at may pag-asa nang umangat pa ang ABC Mystery.

Ang hindi lang sigurado ni Erland ay kung aayon sa kanilang dalawa ni Cris ang
bagong boss ng Bloc.

"Guys, umayos na tayo't mukhang on the way na ang magiging executive editor natin,"
anunsyo ng managing editor, napatayo habang nagbabasa ng text message sa kaniyang
phone. "Siguruhin nating magiging maganda ang first impression niya sa atin, okay?"

Sa isang iglap, nagsikilos ang mga editor at nilinis ang kanilang mga desk, itinago
ang mga kalat-kalat na papel at itinapon ang mga basura sa trash can. May ilan ding
nagwalis at nag-mop para siguruhing walang dumi at kumikinang ang sahig ng opisina.

"May ideya ba kayo kung sino ang pinili ni Cornelia na executive editor?" pabulong
na tanong ni Jodie Santos, ang editor ng Snow White and the Seven Gangsters, sa
kaniyang mga kasama habang ina-adjust ang kaniyang salamin. "Sana kasing-bait at
kasing-galing niya si Xavier."
Nang bumukas ang pintuan ng kanilang opisina, napatingin lahat ang mga editor sa
pumasok na babaeng hanggang baywang ang haba ng itim na buhok na sumusunod sa bawat
kembot ng kaniyang balakang. May mga hibla siya ng buhok na tinatakpan ang kaniyang
noo. Medyo may kapayatan ang pangangatawan, parang isang modelo na sinisugurong
laging in-shape ang kaniyang pigura. Hindi maiwasan ng ilan na mapatingin sa Louis
Vuitton hand bag na bitbit ng kaniyang kanang kamay.

Sa unang impresyon ni Erland sa kaniya-sosyal, may pagkamataray at mahirap suyuin.

"Good morning, guys. Ma'am Cornelia is quite busy kaya hindi ko siya kasama
ngayon," bati ng babae habang naglalakad papunta sa bandang likuran ng opisina kung
nasaan ang desk ng EIC. Dinig na dinig ang malulutong na yapak ng kaniyang sapatos
na may dalawang pulgadang heels. "Ako nga pala si Myranda Perez, the newly
appointed executive editor of Writers' Bloc. You can call me Myr, for short.
Pleased to meet you."

"Myranda... Perez... Parang pamilyar ang pangalan niya," bulong ni Jodie.


"Parang... nabasa ko na 'yung pangalan niya. Hindi ko lang matandaan kung saan."

"Baka na-feature na siya sa Avant Garde?" komento ng katabing editor ni Erland.


"May hitsura siya, maganda ang katawan at mukhang mayaman, kaya malamang na-
interview na siya sa isang article doon."

Napatingin si Myr sa dating desk ni Xavier, tila kinikilatis kung bagay para sa
kaniya ang puwestong 'yon. "Dito umuupo ang editor-in-chief, tama?"

Tumayo ang managing editor at nilapitan ang kanilang executive editor. "Tinanggal
na namin ang mga gamit ng dating EIC kaya puwede ka nang umupo diyan."

"Hmm... Hindi ko type ang puwestong ito. Hindi bagay para sa isang editor na may
pinakamataas na posisyon sa isang publication," tugon ni Myr, parang may pandidiri
ang tono ng kaniyang boses. Mula sa desk, napalingon siya sa conference room sa may
likuran at itinuro ito. "Mas bet ko 'yan bilang workplace ko."

"Pero 'yan ang conference room kung saan tay-"

"Hindi na ngayon," mabilis na sagot ni Myr sabay bukas sa pinto ng conference room.
"Ito na ang magiging office ng executive editor. Dito rin tayo magmi-meeting kada
linggo at dito kayo pupunta kung may kailangan kayo sa 'kin."

Dahil sa hindi inaasahang deklarasyon ng kanilang executive editor, wala ni isa sa


mga editor ang kumibo. Pati ang kanilang managing editor, natameme at napatulala na
lang sa nangyari.

Ipinatong ni Myr ang branded na bag niya sa mahabang pabilog na mesa at hinarap ang
mga editor na naghihintay sa kaniyang mga sasabihin. "Kailangan ko munang i-review
ang current status ng publication, mula sa line-up hanggang sa record ng sales
natin. Ang mga editor na dapat mag-report sa akin, prepare your data and kindly
enter my office after thirty minutes. Maliwanag? Good."

Iniwan niyang nakabukas ang pintuan ng kaniyang opisina at umupo sa pinakagitnang


puwesto.

"Can someone give me copies of all our issues this academic year? Para may binabasa
ako while you are preparing your reports."

Kaagad kinolekta ng circulations manager ang kanilang mga isyu bawat linggo simula
Hunyo at inihatid sa mesa ng kanilang bagong boss.
"Mr. Managing Editor?" tawag ni Myr mula sa kaniyang puwesto. Inumpisahan na niyang
basahin ang June issue ng Bloc. "Mr. Managing Editor?"

"Yes?"

"Kapag na-release na ang weekly budget natin, gusto kong bumili ka ng air
freshener. Medyo amoy hamog dito. Hindi conducive sa trabaho," sagot ni Myr, may
pasinghot-singhot pang kasama. "Gusto ko 'yung floral scent, hindi masyadong
matapang ang amoy sa ilong."

"Noted."

"AT isa pa," pahabol ni Myr,"ibili mo ako ng chocolate chip cream sa Starbucks. Mas
gaganahan akong magbasa habang may iniinom."

Napatingin ang managing editor sa kaniya, tila naguluhan sa kaniyang sinabi.


"Inuutusan n'yo akong... bumili ng inumin mo? Hindi n'yo ba kayang kayo mismo ang
pumunta sa coffee shop at mag-order para sa sarili mo?"

"Obvious ba?" tugon ni Myr. Nagkatinginan nang mata sa mata ang dalawa. "Hindi ba
nasa job description mo na siguraduhing natutugunan ang pangangailangan ng mga
editor at writer? Kung hindi mo maibibigay ang kailangan ng isang editor, lalo na
ng executive editor, ano pang silbi mo sa publication na 'to?"

Hindi na kumibo ang managing editor nang lumabas siya sa conference room at isinara
ang pinto nito. Alam niyang sound-proof ang ngayo'y opisina ni Myr kaya hindi siya
nangangambang marinig ng taong nasa loob ang mga sasabihin niya.

"Sa apat na taon ko rito sa Bloc, ngayon ko lang naramdaman ang pagnanais na
pumatay ng isang mataas na editor. Kayo munang bahala rito habang ibibili ko ng
inumin ang bagong boss natin."

Matapos ang padabog na pag-alis ng managing editor, nagbulungan na parang mga


bubuyog ang mga tao sa opisina. Ang ilan sa kanila, pasulyap-sulyap sa conference
room, tinitingnan kung naririnig o lalabas ang executive editor.

"Grabe! Parang Cornelia 2.0 ang peg ng babaeng 'yon!" pabulong na komento ni Jodie.
"Ano bang credentials niya at bakit siya ang napili ng mahal nating publisher?"

"At least, nadagdagan ang mga beauty sa ating opisina," sagot ng katabing editor ni
Erland. "Mukha lang nga siyang mataray pero okay na 'yun! Ano sa tingin mo,
Erland?"

Kumuha si Erland ng kopya ng isyu ng Bloc noong nakaraang linggo at pinaglilipat


ang mga pahina nito, kunwari'y nagbabasa. "Mukhang magiging interesante ang mga
mangyayari sa mga susunod na araw. Ibang-iba ang aura niya sa aura ni Xavier kaya
sigurado akong tayo ang mag-aadjust imbes na siya."

"Bakit kasi kailangang mag-resign ni Xavier?" Hindi napigilan ni Jodie na magmukmok


sa kaniyang desk. "Kung sanang hindi siya umalis, everybody happy pa sana tayo
ngayon!"

"Hindi mo siya masisisi," komento ni Erland nang hindi lumilingon sa kaniyang


kausap. Nakapokus pa rin ang kaniyang mga mata sa cover art ng ABC Mystery. "Si
Cornelia na mismo ang humingi ng resignation niya. Baka nakakalimutan mong director
ang publisher natin? Mas lalala ang sitwasyon kung magmamatigas pa si Xavier."

Napabuntong-hininga na lang si Jodie. "Paano na kaya ang susunod na editorial board


ng Bloc? Kung ayaw ni Cornelia ang EIC, basta-basta na lang ba niyang hihingan ng
resignation letter na parang isang tissue na kapag wala nang pakinabang, itatapon
na niya at papalitan sa isang iglap?"

Hindi na kumibo si Erland. Nagpatuloy na lang siya sa paglilipat ng mga pahina ng


magazine. Kahit siya, hindi alam kung ano ang magiging kinabukasan nila sa Bloc
lalo na't ipinapakita na ni Cornelia ang kaniyang mga pangil at kuko pagdating sa
pagkontrol sa publication. Balak niyang maging punong patnugot at alam niyang kaya
niyang gampanan ang tungkulin na iaatas sa kaniya. Ang problema, kung sakaling siya
ang susunod na EIC, baka hindi sila magkakasundo ng publisher.

"Mukhang hindi lang ang landas patungo sa trono ang magiging matinik."Dahan-dahang
lumingon si Erland sa direksyon ng kaniyang karibal na si Elaine, busy sa
pakikipag-usap kay Tom.

Isang oras na ring nakakulong sa conference room si Myr, patuloy sa pagbabasa ng


lahat ng isyu ng Bloc at nakikinig sa ulat ng managing at acquisitions editors para
sa line-up ng mga istorya, at sa ulat ng circulations manager para sa record ng
sales ng kanilang magazine.

Ang ilan sa mga editor ay umalis muna para pumasok sa kanilang mga klase habang ang
ila'y nanatili at naghihintay kung merong anunsiyo ang kanilang boss. Nababagot na
rin si Erland sa kababasa ng mga lumang isyu at kaunting sandali na lang ay aalis
na rin siya.

Saktong pagtayo niya, biglang bumukas ang pinto ng conference room at lumabas si
Myr, dala-dala ang mga binabasang isyu. Inilapag niya ang mga ito sa dating desk ng
EIC.

"Okay, guys, listen up!" Tatlong beses na pumalakpak si Myr para kunin ang atensyon
ng kaniyang mga kasama. "Bago ko simulan ang aking naging analysis, gusto ko munang
i-share sa inyo ang bilin sa 'kin ni Ma'am Cornelia-Mas palakasin ang sales at
siguruhing hindi na mangyayari ang copycat incident. Dahil sa nangyaring 'yon,
asahan na nating bababa ang sales natin sa susunod na linggo."

"May mga dapat tayong ayusin sa lineup," pagpapatuloy ni Myr nang walang nagkomento
sa mga naunang sinabi niya. "May mga ipapa-cancel akong mga istorya dahil medyo
redundant na sila. In summary, sa labinlimang nasa line-up, apat ang gangster
stories, dalawa ang tungkol sa ice princess, tatlo ang umiikot sa bitterness. 'Yung
iba, one-of-a-kind tulad ng Na-friendzoned kahit may pinagnakawan ng ideya at ng
ABC Mystery na medyo out-of-place sa listahan na puro love stories."

"Pero may ilan sa mga istoryang tinutukoy n'yo ang matatapos pa lang sa susunod na
buwan! Baka puwedeng huwag na lang i-cancel at hintayin na lang matapos ang mga
'yon kasi sa-"

Itinaas ni Myr ang kaniyang kaliwang kamay, dahilan para mapatigil sa pagsasalita
ang isang editor. "Sorry but I'm not asking for your opinion. Isa itong kautusan
mula sa akin, ang inyong executive editor. It's not a recommendation. Gusto kong
matanggal na sa line-up 'yung mga kuwentong may overused na theme. Itira natin ang
may mga matataas na rating kagaya ng He's Dating the Ice Princess, Diary ng Bitter
and the like. In that way, we won't lose a considerable number of readers."

"Okay, sabay-sabay nating ipa-publish ang mga huling kabanata nila next week,"
tugon ng managing editor habang isinusulat ang mga utos ng boss sa kaniyang
notebook.

"NO," madiing sagot ni Myr na sinabayan pa niya ng ngiti. "We won't be publishing
them anymore. By next week, wala na sila sa line-up and they will be replaced by
new stories. We will just say na these stories are cancelled sa first few pages.
Period."

"Hindi natin puwedeng basta-basta tanggalin ang mga istorya!" buwelta ng managing
editor, medyo napapalakas ang kaniyang boses. "Paano na lang ang mga masugid na
sumusubaybay sa mga tatanggalin natin?"

"Kaya nga papalitan natin sila ng mga kakaiba at kapana-panabik na istorya. Ewan ko
ba sa inyo, porke nag-hit ang mga gangster stories, tanggap lang kayo nang tanggap
ng mga kuwentong may parehong theme." Nabaling ang tingin ni Myr sa acquisitions
editor. "You don't look for more gems, you don't dig deeper for gold."

"Ibig bang sabihin no'n, hindi na puro love stories ang ipa-publish natin?" tanong
ni Kevin, medyo napahiya sa pambabatikos ng executive editor.

"Mabenta ang mga love story. That's a fact," sagot ni Myr. "Marami kasing mga
kabataan ngayon ang pinoproblema ang kanilang buhay-pag-ibig sa halip na pag-aaral.
We should take advantage of that. Gusto ko lang na maghanap tayo ng mga kakaibang
love story, hindi lang puro kakiligan at kalandian. 'Yung may drama, 'yung may
kirot sa puso!"

Hindi maiwasang mapatango ng ilan sa mga editor. Maging si Erland, tila naging
interesado sa diskusyon kung anong uri ng love story ang dapat nilang i-publish.

"I want to see The Secret in our next issue. Nagustuhan ko ang mixed love story and
mystery ng kuwentong 'yon. It's unique. Gano'n ang tipong hahanapin natin. Kevin,
tama? Dapat may callouts tayo for manuscript submission. I want them posted after
lunch time, clear?"

"O-Okay."

"Make sure na posted din siya sa Facebook page ng Writers' Bloc. I checked it this
morning at wala akong nakitang ibang post kundi 'yung poll. For the past few
months, you are not posting teasers para mas ma-excite ang mga mambabasa n'yo sa
mga susunod na isyu. Almost everyone is now on social media. We should take
advantage of that fact. Circulations manager, I will assign that to you."

"Copy!"

"Sa mga story na hindi ko ipinapatanggal, I won't be asking you and your writers to
revise the manuscript. Babasahin ko sila para tingnan kung may grammatical o
typographical errors then we will put them on layout. I hope na may nahingi na
kayong template sa printing press para may magawa na tayo over the weekend."

"Binigyan na nila tayo ng kopya at naka-save na sa computers natin," sagot ng


managing editor sabay turo sa mga ito.

"Speaking of which, para hindi na mangyari ang leakage, only the executive and the
managing editor will have access sa mga 'yan," sabi ni Myr. Napatingin ang kaniyang
mga mata sa mga desktop computer nila. "Para kung sakaling may ma-leak na mga to-
be-published chapter, may paghihinalaan na tayo."

"Matalino din pala ang napili ni Cornelia na pamalit kay Xavier," naisip ni Erland
habang pinagmamasdan si Myr. "Hindi lang niya iniisip ang sales, iniisip din niya
kung paano rerepormahin ang buong publication. Medyo authoritative nga lang ang
approach niya sa pamumuno."
"Hoy, baka malusaw siya," bulong ng kaniyang katabi. "Huwag mo siyang pakatitigan."

Bahagyang naglakad palapit sa mga desk ng mga editor si Myr. "Alam kong naninibago
kayo sa 'kin at alam kong mas gusto n'yong si Xavier pa rin ang EIC. Pero tanggapin
n'yo na that he's gone and I'm now the captain of the ship. I control the steering
wheel. At kayo, bilang mga editor at crew ko, ay dapat sumunod sa aking mga
desisyon. Trust me. Trust in the process. It's now high time for Writers' Bloc
2.0!"

Nagkatinginan ang mga editor sa mga huling sinabi ng kanilang bagong boss. Sapul na
sapul niya kung ano ang nararamdaman ng majority sa kanila.

"Pakisabi na lang sa ibang mga editor ang mga napag-usapan natin." Papasok na ulit
sa conference room si Myr nang bigla siyang napatigil at napaharap muli sa kaniyang
mga kasama. "By the way, sa mga humahabol bilang editor-in-chief for next academic
year, please come to my office at once."

Muli na namang nagkatinginan ang mga editor, nagtataka kung bakit biglang nasingit
ang usapin tungkol sa posisyon.

"Hindi ba masyadong maaga para pag-usapan ang promotion?" tanong ni Jodie.


"September pa lang ngayon, a! Excited na ba siyang matapos ang term niya?"

Ikinagulat din ni Erland ang anunsiyo ni Myr, napaisip kung bakit gustong kausapin
ng executive editor ang mga kakandidato sa pinakamataas na posisyon. Pero sa halip
na magtanong, tumayo na lang siya at naglakad patungo sa conference room. May mga
narinig siyang yapak sa likuran niya, pero hindi na niya naisipang lumingon at
tingnan kung sino-sino ang mga magiging katunggali niya.

Pagpasok niya sa opisina ng executive editor, nakakrus ang mga daliri ni Myr habang
inaabangan ang mga interesado sa pagiging punong patnugot.

"So, kayo lang tatlo ang gustong makipagpatayan sa upuan ko?"

Napasilip si Erland sa kaniyang kanan at napansin ang dalawang kasama niyang


nakatayo rin-sina Elaine Flores at Tom Atayde.

*****

TRIVIA: Ang pangalang Myranda Perez ay nangangahulugang admirable (Miranda) +


breakthrough (Perez).

Anong masasabi n'yo sa bagong executive editor ng Writers' Bloc?

Chapter 15.1: "Stalker" (Part One)


A/N: Pasensiya na kung medyo natagalan ang update! Kinailangan ko muna kasing i-
plot ang mga susunod na kabanata para maging maayos ang daloy ng kuwento.

As of posting time, nasa 4000 reads na ang WB! Thank you sa lahat ng mambabasa!

Anyway, kahit ano pang sabihin n'yo tungkol kay Mariel, MariCris (MarielxCris) pa
rin ako. XD Medyo mahaba-haba ang chapter na 'to kaya pinutol ko into two parts.
Enjoy reading!

Dedicated ang chapter na 'to kay @frigid_damsel for pointing out something that
might save me from future troubles. Thanks!

*****
BLOC EIC RESIGNS
Ex-Avant editor takes charge
by Nielsen Guevarra

Second-rate, trying hard, copycat?


BLOC WRITER ACCUSED OF PLAGIARISM
by Nielsen Guevarra

Matapos basahin ang mga bold at naglalakihang letra ng headlines sa front page ng
bagong isyu ng Avant Garde, hindi naiwasan ni Cris na mapatingin sa kaniyang
kaibigan na si Nielsen na nakaupo sa tabi niya. Hindi na siya nagulat kung
ibinalita ang rigodong nangyari sa kanilang publication. Ang ipinagtataka lang niya
ay kung bakit nasa pinakaunang page ng tabloid issue ang mga balita tungkol sa
Bloc.

"Seriously, pinatulan n'yo 'yung blog entry ng Bloc Debunker at sinulatan n'yo ng
news? At sa front page pa talaga?" reklamo ni Cris matapos ibaba at itupi ang
binabasang diyaryo. Dahil isa na siya ngayong full-pledge writer ng Bloc, apektado
na rin siya kapag binabatikos ang kanilang publication. "Slow news week ba nitong
mga nakaraang araw kaya pati itong kuro-kuro, pinatos n'yo na?"

"Kumalat sa Facebook 'yung blog post at talagang matindi kung makapag-comment ang
mga schoolmate natin," depensa ni Nielsen, medyo lumayo siya nang kaunti kay Cris
dahil baka batukan o sikuhin siya nito. "Ako na nga ang nag-volunteer na sumulat ng
news para magpasikat sa news editor ko. Pasalamat sila sa news na sinulat ko,
dinudumog ang mga newstand namin."

Napasandal sa kaniyang upuan si Cris at ikinrus ang dalawa niyang braso. "Huwag
mong sabihing nagiging tabloid-ish na ang Avant Garde? Akala ko bang may reputasyon
kayo?"

"Hindi mo pa nga yata binabasa 'yung article, hinuhusgahan mo na kami," tugon ni


Nielsen. "Na-interview ko via Facebook message si Bloc Debunker at sinagot niya ang
mga tanong ko. Ginawa ko lang ang trabaho ko. Kung ang reklamo mo'y kung bakit nasa
front page ang mga isyu tungkol sa inyo, labas na ako do'n. Tanging ang editor-in-
chief at news editor ang nagdedesisyon kung anong ilalagay sa harapan ng
pahayagan."

"Speaking of tungkol sa amin," muling binulatlat ni Cris ang diyaryo at itinuro ang
BLOC EIC RESIGNS na headline, "ngayong araw pa lang namin malalaman kung sino ang
papalit kay Xavier. Paano n'yo naunang nalaman sa 'min kung sino siya?"

"Kinulat namin si Ma'am Cornelia kung sino ang napili niyang kapalit ng EIC n'yo.
Noong una, ayaw niyang sabihin. Medyo pakipot pa. Tapos bumigay din."

Mabilisang binasa ni Cris ang article na isinulat mismo ng kaniyang katabi, tila
naging interesado sa katauhan ng bagong boss nila. Aniya, dapat niyang malaman kung
sino na ang bagong kapitan dahil baka biglang itapon sa dagat ang kaniyang ABC
Mystery. "Myranda Perez... dating news editor ng Avant Garde? Kilala mo ba siya,
Nielsen?"

Biglang may kinalkal si Nielsen sa kaniyang backpack sabay sagot, "Hindi ko na siya
naabutan sa Avant dahil hindi pa ako writer nila noong nakaraang taon. Ikinabigla
nga ng mga mataas na editor sa amin na siya pala ang itatalagang executive editor
n'yo."

"A-Ano 'to?" Nagtaka si Cris nang may ibinigay na isa pang diyaryo ang kaniyang
kaibigan sa kaniya. Medyo naninilaw na ito, punit-punit na at may nakalagay na
taong 2013-2014. "Alam mong hindi ako mahilig magbasa ng mga balita."

Napangisi si Nielsen na lalong ipinagtaka ni Cris. "Sigurado ka bang ayaw mong


mabasa 'yan? Tingnan mo 'yung nakasulat sa page six."

Inilipat ni Cris ang mga pahina ng diyaryo hanggang sa makarating sa ikaanim na


pahina, ang opinion section ng Avant Garde. Kaagad nabaling ang kaniyang tingin sa
masthead sa ibaba kung saan mahigit tatlumpung pangalan ang nakalagay. Pero may
dalawang pangalan na nakakuha sa kaniyang atensyon.

Clarence Alfonso
Myranda Perez
News Editors

"Tama, naging magkatrabaho silang dalawa sa Avant Garde," paliwanag ni Nielsen nang
makita niya ang nagtatakang ekspresyon sa mukha ni Cris.

"Ku-Kung si Clarence Alfonso ay si Bloc Debunker at magkaibigan sila ni Myranda,


puwede kayang magkasabwat silang dalawa?"

"Naisip ko na rin 'yan pero mukhang mali ang hinala natin." Naging mahina ang boses
ni Nielsen, para siyang ahas na bumubulong. "Nagtanong-tanong ako sa mga senior eds
kung kumusta ang naging relasyon nilang dalawa. Ang sabi sa 'kin, magkaribal daw
sina Clarence at Myranda sa pagiging EIC noon. Medyo magkasalungat din sila. Kung
si Clarence ay may pagkaaktibista ang approach sa pag-eedit ng news, si Myranda
nama'y medyo neutral o pro-admin."

"Hindi na kataka-taka kung bakit siya ang pinili ni Cornelia bilang executive
editor namin," hirit ni Cris. "Anong nangyari sa kanilang dalawa?"

Pasulyap-sulyap ang tingin ni Nielsen sa kanilang paligid lalo na't malapit lang si
Mariel na nakikipag-usap sa kaklase nilang si Megan. "Noon, may tsansa raw si
Myranda na makuha ang posisyon at siya ang numero unong balakid kay Clarence. Pero
nang araw ng internal interview para sa promotions exam, biglang nag-back out si
Myranda at sinabing hindi na siya muling sasali sa Avant Garde. Ang dahilan niya,
priorities daw. Pero duda ang mga kasama niya sa Avant."

Napahipo si Cris sa kaniyang baba at tila pinagtatagpi-tagpi ang mga detalyeng


ikinuwento ng kaniyang kaibigan. "Maaari kayang pinuwersa siyang mag-back out sa
paghabol sa posisyon? At kung merong taong makikinabang sa pag-urong niya, kilala
na natin kung sino 'yon."

"Ang tanong e paano niya nagawang paurungin si Myranda," dagdag ni Nielsen.


"Palaban daw ang babaeng 'yon kaya imposibleng sa simpleng pakiusap ni Clarence ay
maisipan na niyang huwag ituloy ang kaniyang pangarap na maging EIC."

"Death threat? Pero parang napakaimposible naman no'n."

"Paano kung blackmail? Kapalit ng pag-urong niya, hindi ibubunyag ni Clarence kung
anuman ang sikretong itinatago ni Myranda?"

Bahagyang lumapit si Cris sa kaniyang kaibigan, naging pabulong ang boses niya. "At
dahil napag-uusapan na natin siya, wala ka pa bang napapansing kahina-hinala sa
kaniya?"

Dahan-dahang napailing si Nielsen, medyo dismayado ang mukha. "Walang kakaiba sa


kinikilos niya kapag nasa office siya. Normal pa rin siyang gumalaw sa ngayon."

"Hindi mo ba siya puwedeng sundan sa mga pinupuntahan niya tulad ng cafe o


restaurant? Baka may ka-meet siyang makakatulong sa imbestigasyon natin?"

Nag-iba ang timpla ng mukha ni Nielsen, hindi makapaniwala sa nabanggit ng kaniyang


kaibigan. "Gusto mo ba akong maging stalker ni Clarence?"

"STALKER!"

Kaagad napatingin ang dalawang kaibigan sa direksyon nina Mariel at Megan na kanina
pa nagbubulungan. Tila may narinig na 'di inaasahan si Megan mula sa bibig ng
kaniyang kaibigan kaya bigla niyang nasambit ang salitang 'yon.

"Ssssshhhh! Huwag kang maingay!" Nakadikit ang hintuturo ni Mariel sa kaniyang


kulay pink na labi.

Napatakip ng bibig si Megan, medyo nanlaki ang mga mata, at humina ang boses.
"Talaga? May stalker ka? Dapat pa bang ikagulat 'yon? Sa ganda mong 'yan!"

"Hay, akala ko narinig na nila tayo," sabi ni Nielsen matapos mapabuntong-hininga.


"Dapat siguro gumamit tayo ng code name kapag pinag-uusapan ang mga ganitong
kasensitibong mga bagay. Mahirap na, baka may makarinig sa 'tin. Hey, Cris? Cris?!"

Ni hindi man pumasok sa tenga ng kaniyang kaibigan ang mga sinabi ni Nielsen.
Nakatuon ngayon ang buong atensyon ni Cris kina Mariel at Megan, sinusubukang
makinig kung anuman ang pinag-uusapan nilang daliwa. Parang lahat ng mga tao sa
paligid niya'y naka-mute maliban sa kanila.

"Hoy!"

Biglang napailing si Cris at nabaling ang kaniyang tingin sa kaibigan. "Sorry,


Nielsen, may sinasabi ka ba?"

"Mukhang interesado ka sa stalker ni Mariel, ah?"

"Ako? Interesado? Hindi, ah!" mariing tanggi ni Cris kahit halata sa kaniyang mukha
na nagsisinungaling siya. "May pumasok lang sa isip ko. Hindi pa kasi ako
nakakapagsulat ng isang stalker case sa ABC Mystery."

"Sus, palusot ka pa. Matagal ko nang kilala ang Cris Ibarra na kausap ko ngayon,"
buwelta ni Nielsen na bahagyang napataas ang kaliwang kilay.

Sa totoo niyan, gustong malaman ni Cris ang kabuuang detalye. Kulang na nga lang e
puntahan at direkta niyang tanungin si Mariel tungkol doon. Pero hindi pa rin
mabura sa kaniyang isipan ang nangyari noong mid-year convention kung saan
binuhusan siya ng wine ni Mariel. Tanggap naman niya na siya ang may kasalanan sa
nangyari dahil naging insensitive siya sa kaniyang mga salita. Kaya ngayon,
nagsisisi siya kung bakit hinayaan niyang pangunahan siya ng kuryosidad.

Pero mukhang hindi na niya kailangang palihim na makinig sa usapang pumukaw sa


kaniyang atensyon.

"Bakit hindi tayo humingi ng tulong sa kaklase nating mahilig sa ganyang mga
bagay?"

Kaagad napansin ni Cris ang paglapit ni Megan sa kanilang puwesto ni Nielsen.


Mabilis niyang binuksan ang kaniyang kopya ng Avant Garde kahit nakabaligtad at
kunwari'y nagbabasa. Hindi rin nakalampas sa kaniyang paningin ang pag-aalangan ni
Mariel na sumunod sa kaniyang kaklase. Sa isip ni Cris, marahil nahihiya pa siya sa
nangyari noong gabing 'yon.
"Hey, Cris! 'Di ba mahilig ka sa mga mystery?" pambungad na tanong ni Megan sabay
hawak sa kaniyang baywang.

"Kung nagbabasa ka ng Writers' Bloc, obvious ang sagot sa tanong mong 'yan," tugon
ni Cris na patuloy pa rin sa pagbabasa sa baligtad na diyaryo. "Bakit, meron ka
bang istoryang maisa-suggest sa 'kin?"

"Gusto kong ikonsulta itong problema ng kaibigan ko. Meron daw stalker na sumusunod
sa kaniya."

Hindi na natiis ni Mariel na lumapit kay Megan at subukan siyang hilain palayo kina
Cris at Nielsen. "Huwag mo na siyang abalahin pa. Hindi na problema ni Cris 'yon."

Sandaling nagkatagpo ang mga mata nina Cris at Mariel-nasa isang segundo siguro-at
kaagad na napatingin palayo, katulad ng dalawang magnet na pareho ang pole.

"Ehem!" Pilit na umubo si Nielsen nang magkaroon ng katahimikan sa kanilang apat.


"Isang amateur mystery writer si Cris kaya may ideya siya kung paano mag-isip ang
mga kriminal at stalker kagaya niya-ang ibig kong sabihin, kagaya ng stalker na
sumusunod kay Mariel. Puwede mo siyang konsultahin sa mga ganiyang bagay."

"Sabi ko sa 'yo, eh!" Tinapik ni Megan ang balikat ni Mariel, may ngiti pang
kasama. "Matutulungan ka ng lalaking 'to!"

Ibinaba ni Cris ang kaniyang binabasang diyaryo at napatingin sa mukha ng kaniyang


kliyente, pero hindi direkta sa mga mata nito. Kunwari'y kalmado at hindi siya
gano'n kainteresado sa idinudulog sa kaniya. Pero deep inside, excited si Cris na
marinig ang tungkol sa stalker. "Kung okay lang kay Mariel, puwede ba naming
malaman ang mga detalye?"

Hinila nina Mariel at Megan ang dalawang upuan sa harapan nina Cris at Nielsen saka
inupuan ang mga 'yon. Para tuloy silang apat na estudyante na nagmi-meeting para sa
isang group work.

"Nagsimula ang lahat noong Lunes. Nagwi-withdraw kasi ako noon ng pera mula sa ATM
nang may mapansin akong lalaking naka-itim na jacket at nakatambay sa may poste,"
panimula ni Mariel sa kaniyang kuwento. "Noong una, hindi ko siya masyadong
binigyan ng pansin. Pero noong gabing 'yon, nakita ko siyang nakatambay sa
karinderya sa harap ng dorm ko, pasulyap-sulyap sa akin habang nakaduwang ako sa
bintana."

"Namukhaan mo ba siya?"

"Hindi ko masyadong nakita 'yung mukha niya kasi nakasuot siya ng jeje cap, pero
sigurado akong lalaki siya dahil sa tabas ng kaniyang buhok," tugon ni Mariel
habang napapatingin sa kisame at tila pilit na inaalala ang mga pangyayari.
"Kinabukasan, kumain ako sa isang fast food chain noong lunch time. Muli ko na
naman siyang nakitang nakatambay sa labas at parang pinapanood akong kumain. Tapos
kagabi at kaninang umaga, parang may naramdaman akong anino na sumusunod sa 'kin."

"Creepy!" Napatili si Megan na hindi pinansin ng kaniyang mga kasama.

Napakrus ang mga daliri ni Cris at inilapit ang mga ito sa kaniyang bibig. "May
hinala ka ba kung sino o kung saan ka maaaring pinag-interesan ng stalker na 'to?"

Dahan-dahang umiling si Mariel. "Wala akong matandaan na lalaking posibleng gumawa


ng gano'n. At saka, hindi ako nag-audition ngayong semester sa theater kaya
imposibleng isa sa mga humahanga sa pag-arte ko ang lalaking 'yon."
Masyado pang maaga at kaunti ang mga detalye para matukoy ang katauhan ng stalker,
naisip ni Cris matapos marinig ang sagot ni Mariel. Hindi niya maintindihan kung
bakit ngayon lang lumabas ang stalker na 'to kung kailan hindi gaanong nagpapakita
sa publiko (tulad sa play) ang kaniyang target.

Napalapit nang kaunti si Nielsen sa kaniya at bumulong, "Hindi kaya ikaw 'yung
stalker na sinasabi niya? Mukhang ikaw yata ang dapat na numero unong suspek dito."

Napatingin si Cris sa kaniyang kaibigan at mahinang tumugon, "Kung ako man ang
stalker niya, hindi ako tatambay sa isang lugar na kaagad makikita ng target ko. At
wala akong jeje cap na puwede kong suotin habang nag-stalk."

"Ano'ng masasabi mo, Mr. Mystery Writer?" Kaagad nabaling ang atensyon ni Cris sa
tanong ni Megan. "May clue ka ba kung sino ang taong palihim na sumusunod kay
Mariel?"

"Kulang ang mga detalye ng kasong 'to kaya mahirap gumawa ng konklusyon," sagot ni
Cris. "Pero isang bagay ang matitiyak ko sa ngayon: Alam ng stalker kung saan ang
dorm ni Mariel at kung may pagkakataon, puwede niyang pasukin ito at gawan ng
masama ang kaniyang target habang natutulog siya."

Napabukas ang mga bibig nina Mariel at Megan at bahagyang nanlaki ang kanilang mga
mata, halatang ikinagulat ang naging pahayag ng kinonsultang manunulat. "Ta-
Talaga?!"

"Siguradong hindi ka na makakatulog nang mahimbing tuwing gabi, lalo na't baka may
isang lalaking nakaabang sa pinto mo at hinihintay kang lumabas," pagpapatuloy ni
Cris. "Dapat mong siguruhin na wala kang papapasuking hindi kakilala sa dorm o 'di
kaya'y dapat laging naka-lock ang pintuan."

Napatayo si Megan at lumingon sa kaniyang mga kausap. "Bakit hindi natin


inspeksyunin ang dorm niya para tingnan kung ligtas matulog mamayang gabi si
Mariel? Sasama ba kayo, Cris at Nielsen?"

Napahawak si Mariel sa braso ng kaniyang kaklase. "Hindi na natin sila kailangang


istorbohin. Baka may gagawin pa silang mas mahalaga kaysa imbestigahan ang stalker
case na 'to."

"Walang problema sa 'kin," mabilis na sagot ni Cris na napatayo na rin. "Kung tama
ang hinala ko, malamang e hinihintay ka na ng stalker mong lumabas sa campus. Mas
ligtas kung may kasama kayong mga lalaki papunta sa dorm mo. Ayos lang ba sa 'yo,
Nielsen?"

Tumayo na rin si Nielsen. "Kakalabas lang ng isyu ng Avant Garde kaya wala pang
assignment na ibinibigay sa akin. May free time pa ako para samahan kayo."

*****

Pasado alas-kuwatro y media nang lumabas ang apat na magkaklase sa kanilang


unibersidad at nagtungo sa dorm na tinutuluyan ni Mariel. Kung tama ang memorya ni
Cris, dalawang kanto lamang ang layo nito mula sa dorm niya. Habang naglalakad,
hindi niya maiwasang tumingin sa kaliwa, sa kanan at sa likod bawat minuto para i-
check kung may sumusunod sa kanila. Pero sa ngayon, wala pang kahina-hinalang tao
na nasa radar niya.

"Baka natakot siyang sumunod nang makitang may kasama si Mariel pauwi?" komento ni
Nielsen kahit walang sinasabi ang kaniyang kaibigan. "Nabahag siguro ang buntot
niya lalo na't may dalawang bodyguard si Mariel."
"Medyo nawi-wirduhan ako sa stalker na 'yon. Masyado siyang obvious," bulong ni
Cris habang hinihipo ang kaniyang baba. Kanina pa naglalaro sa kaniyang isipan kung
bakit hindi nag-effort ang stalker na magtago sa hindi obvious na lugar o kaya'y
kung bakit nagsuot siya ng kapansin-pansing jeje cap. Parang may mali sa ginagawa
ng stalker na 'yon, aniya.

Napalingon sa kaniya si Mariel na naglalakad sa unahan kasabay ni Megan. "Hindi ba


ako nakakaistorbo sa 'yo, Cris? Baka may kailangan kang tapusin na manuscript para
sa Bloc."

"Huwag mo akong alalahanin. Halos naka-break kaming mga writer matapos ang
nangyaring leakage, rigodon sa organisasyon at pagkansela sa release ngayong
linggo," kaagad na sumagot si Cris, iniiwasan pa rin niyang matingnan nang mata sa
mata si Mariel. "Kailangan ko rin ng inspirasyon para sa susunod na kabanatang
isusulat ko."

"Inspirasyon talaga, huh?"

"Mukhang magandang pagkunan ng materyal ang stalker case na 'to." Hindi na pinansin
ni Cris ang pang-iintriga ni Nielsen. "Magiging based on reality ang chapter six ng
ABC Mystery kung isusulat ko ang misteryong 'to. Mas makabubuti rin kung may
immersion sa part ko bilang writer. Natatandaan mo pa ba 'yung ginawa natin sa
amusement park?"

"Oo naman, 'yung araw na ini-stalk natin sina Mario at Mari-"

"Ssshhh!" Pinutol kaagad ni Cris ang sinasabi ni Nielsen bago pa man ito marinig ng
isa sa mga minanmanan nila noon. "KAILANGAN ng writer na pumunta mismo sa setting
ng kaniyang kabanata o kuwento para mas maging detalyado at malapit sa katotohanan
ang kaniyang mga salita."

Makalipas ang sampung minuto, narating na nila ang apat na palapag na gusali kung
saan nakatira si Mariel. Bago pumasok, tiningnan muna ni Cris ang karinderya sa
tapat ng dorm. Sa kaniyang pagkadismaya, wala siyang naaninag ni anino ng isang
stalker.

Bahagyang hiningal ang apat matapos akyatin ang hagdan patungo sa ikatlong palapag.
Nilampasan nila ang mga room na may numerong nasa 300s pero tumigil sa harap ng
room 307.

Dumungaw sa balkonahe si Cris at tiningnan mula sa kaniyang kinatatayuan ang


karinderya na nauna na niyang sinilip kanina. Pero hanggang ngayon, wala pa ring
senyales na may nakabuntot sa kanila.

"Huh? Ang alam ko ni-lock ko 'to bago ako umalis kanina," sabi ni Mariel.

Napansin ni Cris na hindi pa man naipapasok ni Mariel ang susi sa doorknob, unti-
unti nang bumukas ang pinto. Kaagad pumuwesto ang dalawang lalaki sa harap ng
kanilang mga kasamang babae, handing protektahan sila sakaling may biglang sumugod
mula sa loob. Pero nang wala silang napansing paggalaw sa kuwarto, dahan-dahang
pumasok sina Cris at Nielsen, sumunod sina Mariel at Megan.

Pagkabukas ng ilaw doon, laking gulat ng apat nang makita ang parang binagyong
estado ng kuwarto-nakabukas ang mga drawer, nagkalat ang mga damit at underwear sa
kama pati ang mga notebook, aklat at iba pang gamit ni Mariel sa sahig.

*****

TRIVIA:
Ang buong pangalan ni MARIEL ay MARIA ELIZABETH CASTRO. Ang kaniyang Maria ay
galing kay Maria Clara ng Noli Me Tangere.

P.S. I-a-upload ko ang Part 2 within the day kaya tutok lang!

Ano'ng masasabi n'yo sa bahaging ito?

Chapter 15.2: "Stalker" (Part Two)


A/N: PART TWO po ang kabanatang ito. Basahin n'yo po muna ang PART ONE bago ito.

Dahil "love month" na bukas, medyo may pagka-romance ang dating ng kabanatang 'to
pero siyempre related pa rin sa sub-plot.

Kung susundan n'yo ang mga deduction nina Cris at Nielsen mula sa unang bahagi,
makikilala n'yo kung sino ang "stalker."

Dedicated ang chapter na 'to kay @yszumii. Isa kasi siya sa mga first reader ng WB.
Thanks!

*****

Nang buksan ni Cris ang ilaw ng kaniyang dorm, kasing-bilis niya ang isang ninja
kung kumilos para itapon ang kaniyang mga pinagkainan na nakapatong sa maliit
niyang mesa at iniligpit ang mga kalat-kalat na papel at librong nasa kama niya.

"Pasensya ka na sa dorm ko, medyo madumi. Hindi kasi ako mahilig maglinis dahil
wala namang bumibisita sa 'kin,"sabi niya kay Mariel na sumunod na pumasok sa
kaniyang kuwarto.

Umiling si Mariel sabay tugon, "Ako dapat ang humingi ng paumanhin sa 'yo.
Naperwisyo pa kita nang dahil sa problema ko. Pasensiya na talaga, Cris."

"Wala ka dapat ipagpaumanhin. Mas okay na nasa ligtas kang lugar kaysa manatili ka
doon sa dorm mo na puwedeng pasukan ng stalker. Maupo ka muna." Itinuro ni Cris ang
isang monobloc na upuan kay Mariel habang nagwawalis siya ng sahig.

Kung alam lang ni Cris na pupunta sa dorm niya si Mariel, mas naging malinis at
maayos sana ang kaniyang dorm. Nahihiya siya para sa babaeng pinatuloy niya sa
kaniyang kuwarto dahil baka lalong ma-turn off ito sa kaniya. Pero wala na siyang
magagawa, nandoon na si Mariel e. Ang magagawa lang niya ay ipakita at ipadama na
magiging komportable siya rito.

"So dito mo isinusulat ang ABC Mystery?" tanong ni Mariel. Inilapag niya ang
kaniyang bag na may lamang damit sa mesa. "Dito mo naiisip ang mga trick na
ginagamit mo sa bawat kabanata?"

"Oo pero minsan nagbabasa ako ng Sherlock Holmes stories at Detective Conan
chapters para magkaroon ako ng inspirasyon at mas mapabuti ko 'yung mga
trick,"sagot ni Cris matapos ituro ang mga librong nakatabi na ngayon sa gilid.
"Nanonood din ako ng mga crime drama sa internet para mas malawak ang kaalaman ko
pagdating sa mga krimen."

"Wow. Talagang rini-research mo ang mga isinusulat mo, no?"

Itinabi na ni Cris ang walis at dust pan sa may pintuan at humarap kay Mariel.
"Komplikado kasi at talagang kailangang pag-isipan ang bawat eksena. Ang ABC
Mystery, hindi siya gaya ng mga love story na naka-publish sa Bloc. 'Yung mga
writer ng mga gano'ng uri ng kuwento, kung anong pumasok sa utak nila, 'yun na
kaagad ang isusulat. Hindi nila masyadong pinag-iisipan ang mangyayari sa isang
kabanata kaya minsan, lumalabas na mababaw ang istorya at mahina ang pagkakasulat."

Kahit nag-uusap na silang dalawa na parang walang nangyari noong nakaraang linggo
sa mid-year convention, ni hindi pa rin direktang nagkakatinginan nang matagal ang
mga mata nila. Parang sinasadya nilang umiwas ng tingin sa oras na nagkakasalubong
ang mga ito.

"Okay lang ba if magpalit na ako ng damit dito sa CR?" Bubuksan na sana ni Mariel
ang nakasarang pinto malapit sa mini-kitchen ng dorm nang biglang humarang si Cris,
naka-stretch ang kaniyang dalawang kamay.

"Magsa-shower ka ba? I-check ko muna kung may tubig o kung may sabon at shampoo
dito. Diyan ka lang!"

Pagpasok niya sa banyo, kaagad kinolekta ni Cris ang mga walang lamang pakete ng
shampoo at sabon. Nai-flush niya rin ang inodoro at inalis ang mga nakasabit niyang
damit sa hook sa may pintuan.

Hindi niya inakalang ganito magiging ka-hassle ang pagpapatuloy niya kay Mariel.
Hindi naman sa ayaw niya, pero talagang hindi siya handa para sa isang bisitang
mag-oovernight sa kaniyang dorm. Wala rin naman siyang magagawa dahil siya lang ang
maaaring takbuhan ng kaniyang crush.

Kanina, nang makita nilang parang dinaanan ng bagyo ang mga gamit sa dorm ni
Mariel...

"Nandito pa ang laptop at 'yung nakatago kong wallet, hindi nagalaw 'yung pera.
Mukhang wala siyang kinuhang importanteng bagay dito," sabi ni Mariel matapos
tingnan ang laman ng kaniyang mga drawer.

"Kung gano'n, hindi magnanakaw ang nanloob sa dorm mo!" bulalas ni Megan habang
inililigpit ang mga nakakalat na damit ng kaniyang kaklase. "Baka nga 'yung stalker
mo 'yung may gawa nito. Masyado yata siyang desperado."

Nag-ikot-ikot sina Cris at Nielsen sa kuwarto, tila pinag-aaralan ang crime scene.
Para kay Cris, may hindi siya maintindihan sa ginawang panggugulo sa gamit ni
Mariel. Kagaya ng kaniyang unang hinala, hindi pangkaraniwan ang stalker na parang
anino kung sumunod sa kaniyang target.

Maliban sa mga itinatabing damit, napansin niya ang mga nakakalat na notebooks ni
Mariel na patungkol sa Editorial, Features and Column Writing pati ang mga
babasahin tulad ng The Fault in our Stars, Anthology from the Friendzone, at ilang
issues ng Avant Garde at Writers' Bloc.

"Ano sa tingin mo, Nielsen?" tanong ni Cris sa kaniyang kaibigan habang pinupulot
ang mga librong nasa sahig. "Ilang ideya ang meron ka tungkol sa ating suspek?"

"Magaling magbukas ng naka-lock na pinto ang taong may gawa nito," sagot ni Nielsen
na tumulong na rin sa pangongolekta na mga issue ng Avant at Bloc. "Tiningnan ko
'yung doorknob, wala ni isang gasgas o senyales na pinuwersa itong buksan. Puwedeng
eksperto sa lock picking ang stalker o may kopya siya ng susi ng dorm. Ikaw?"

Ipinatong ni Cris sa mesa ang kanilang mga nakolekta at napatingin kay Mariel.
"Nagtataka lang ako kung bakit talagang pinamukha ng stalker na nakapasok siya sa
kuwarto sa pamamagitan ng panggugulo ng mga gamit dito at sa hindi pagla-lock ng
pinto noong umalis siya. Kung ako ang stalker, hindi ako mag-iiwan ng mga
ebidensyang nakapasok ako rito. Anong gusto niyang iparating kay Mariel? Na walang
naka-lock na pinto ang makapipigil sa kaniya?"
Napakrus ang mga braso ni Nielsen sabay lingon sa may pintuan. "Interesting, hindi
ba? Maganda ngang materyal ito para sa 'yong ABC Mystery."

"Excited na nga akong isulat ito mamayang gabi. Iniisip ko na ngayon kung paano
lalabas ang bawat eksena." Napangisi si Cris at tila nagniningning ang kaniyang mga
mata. "Isang stalker na kayang bumukas ng mga naka-lock na pinto ng kaniyang mga
target. Sigurado akong magugustuhan ito ni Erland."

"Pero paano 'yung salarin? Ni hindi pa nga natin alam kung sino at kung paano niya
nagawa ito."

"Cliffhanger ending," sagot ni Cris. "'Yun ang pinakaepektibong pambitin sa mga


mystery story."

"Hey, hey! Imbes na pag-usapan n'yo kung paano gagawing kuwento ang nangyari dito,
isipin n'yo muna ang seguridad ni Mariel sa dorm niya lalo na't may talentado
siyang stalker!" Parang isang nanay na nangangaral sa kaniyang mga anak si Megan.

Humarap si Nielsen kay Mariel sabay sabing, "I suggest na huwag ka munang matulog
dito ngayong gabi. Makitulog ka muna sa mga kaibigan mo. Papalitan mo muna ang
doorknob nito at palagyan mo ng bolt lock sa loob."

"Pero kaunti lang ang mga kakilala kong nakatira sa dorm. Halos lahat sa kanila,
hindi ko gano'n ka-close. Megan?"

"Pasensya na, gurl, pero istrikto ang landlady namin. Baka puwede sa dalawang 'to?"
Itinuro ni Megan ang mga kasama nilang lalaki. "Basta siguraduhin n'yong wala
kayong gagawing masama kay Mariel. Malilintikan kayo sa 'kin."

"Uunahan ko na kayo. Hindi ako puwedeng mag-uwi ng babae sa bahay kahit kaibigan ko
pa siya," kaagad na humirit si Nielsen nang mapatingin sa kaniya si Mariel.
"Istrikto ang parents ko pagdating diyan. Sabi nila, kung hindi ko papakasalan,
huwag ko raw dadalhin sa amin. Pero may kilala akong nakatira sa dorm na puwedeng
pansamantalang tuluyan ni Mariel habang hindi pa ligtas ang sitwasyon. Hindi
istrikto ang landlord niya, walang curfew doon at maayos ang kaniyang tinitirhan."

"Talaga? Sino?" tanong ni Cris.

Napatingin sina Nielsen, Megan at Mariel sa kaniya.

"Te-Teka! Huwag n'yong sabihing..."

Hindi na nakapalag pa si Cris sa pagsusumamo ni Mariel na patuluyan muna siya kahit


isang gabi lang sa kaniyang dorm. Tanong tuloy niya sa kaniyang sarili: Dapat ba
niyang ipagpasalamat ang nangyari dahil magkakaroon siya ng pagkakataong makasama
magdamag si Mariel?

Matapos siguraduhing malinis na ang banyo, lumabas na si Cris at pinapasok ang


kaniyang naghihintay na bisita. "Kung may kailangan ka, nasa labas lang ako."

"Salamat."

Habang naririnig niya ang tunog ng nakabukas na shower sa banyo, pinalitan ni Cris
ang bedsheet ng kaniyang kama at naglatag ng manipis na kumot sa sahig. Si Mariel
ang matutulog sa malambot niyang kama habang siya nama'y magtitiyaga sa matigas at
malamig na higaan. Medyo awkward kasi para sa kaniya na magkatabi silang matulog ni
Mariel kaya minabuti magkahiwalay na lang sila. Ayaw niya ring isipin na para
silang bagong kasal na nasa unang gabi ng honeymoon.

Nang maayos na ang lahat, pumuwesto na si Cris sa kaniyang tutulugan, naka-Indian


sit at ipinatong ang kaniyang laptop sa kaniyang nakakrus na mga binti. Tiningnan
niya ang oras sa screen. Mag-aalas-siyete na pala ng gabi. Oras na para maghapunan.

Pagbukas ng pinto ng banyo, kaagad siyang napatingin kay Mariel na nakasuot ng


puting T-shirt at napaikling shorts. Pinapatuyo niya pa ang kaniyang mahabang buhok
sa tuwalya.

"Anongusomongainin?" Nawala sa pokus si Cris sa kaniyang gustong itanong nang


makita ang kaniyang bisitang bagong ligo.

"Ano 'yun?"

"Anong gusto mong kainin?" Dahan-dahang itinanong ni Cris para hindi na siya
mabulol. "Oras na para mag-dinner. Siya nga pala, diyan ka sa kama matutulog, ako
naman dito."

"Nagra-rice diet kasi ako kaya okay lang if hindi ako kumain ngayong gabi," sagot
ni Mariel na napaupo sa kama. "Sigurado ka bang okay ka lang diyan?"

"Huwag mo akong alalahanin," tugon ni Cris. Nagsimula nang lumikha ng "takatak" na


tunog ang kaniyang pagta-type sa laptop. "Kung nagugutom ka, may instant noodles
diyan sa cabinet. Puwede ka ring mag-init ng tubig sa thermos at magtimpla ng hot
chocolate."

Mahigit isang oras nagkaroon ng katahimikan sa kanilang dalawa. Busy si Cris sa


pagta-type ng kaniyang naisip na senaryo para sa kaniyang susunod na kabanata
habang si Mariel naman ay nakatuon ang atensyon sa pagbabasa ng kaniyang notes sa
isa niyang subject. May ilang pagkakataon na tumayo si Mariel para magpainit ng
tubig at ibuhos ito sa instant noodles. Ni hindi gumalaw si Cris sa kaniyang
puwesto para kumuha ng pagkain o uminom ng tubig. Dire-diretso lang siya sa
pagpapatuloy ng kaniyang pagsusulat.

Pero sa totoo lang, hindi alam ni Cris kung anong pag-uusapan nilang dalawa ni
Mariel. Dapat ba niyang istorbohin ang pagbabasa ni Mariel? Puwede ba niyang
tanungin ang kaniyang kasama kung kumusta ang kaniyang trabaho sa Avant Garde? Okay
lang bang itanong kung kumusta ang estado ng relasyon nilang dalawa ni Mario? Pero
mas pinili niyang manahimik at huwag na lang kumibo. Baka raw kasi maulit na naman
ang nangyari noong mid-year convention.

"Kumain ka na ba? Kanina ka pa tutok na tutok diyan, ah." Natanong tuloy ni Mariel
sa kaniya.

Napaangat ang ulo ni Cris at nabaling ang tingin sa kaniyang kasama. "Sinabi ni
Holmes noon na mas gumagana ang ating utak kapag walang laman ang tiyan. Minsan
talaga, nakakalimutan ko nang kumain kapag masyado akong nakapokus sa pagsusulat."

"Ano bang isinusulat mo? Para sa Bloc?"

"Gumagawa ako ng outline para sa mga susunod na kabanata ng ABC Mystery," sagot ni
Cris, bahagyang bumagal ang kaniyang pagpindot sa keyboard. "Nang sa gayon, alam ko
na kung paano lalabas ang kuwento at maiiwasan ko ang mga plot hole. Kung nabasa mo
na 'yung Snow White and the Seven Gangsters, mapapansin mo 'yung mga bahaging medyo
off sa kuwento, halatang hindi gaanong pinagplanuhan ng writer."

"Pero bakit parang napakaseryoso mo pagdating sa Bloc? Pati yata kuwento ng mga
kasama mong writer, hinihimay at pinag-aaralan mong maigi?" sunod na tanong ni
Mariel, binitawan niya ang hawak na notebook at naging interesado sa ginagawa ng
kaniyang kasama.

Napaunat muna ng mga kamay si Cris bago sagutin ang kaniyang tanong. "Gusto kong
ipakita sa mga editor at mambabasa na hindi lang love story ang puwedeng maging
mabenta. Kaya ginagawa ko ang lahat para magnumero uno ang series ko. Noong una,
ang misyon ko lang ay makapasok sa Bloc at talunin si Mario Santiago. Pero matapos
kumalat ang isyung may pinagkopyahan siya ng mga ideya sa kaniyang Para Sa Mga Na-
friendzoned, na-realize ko na hindi lang siya ang kalaban. Masyado kasi akong
nagpokus sa kaniya kay-"

Biglang huminto sa pagsasalita si Cris nang makita ang malungkot na ekspresyon sa


mukha ni Mariel. "Pa-Pasensya na kung may nasabi akong hindi ko dapat banggitin."

"Ayos lang. Wala kang dapat ipagpaumanhin."

Napalunok muna si Cris bago itinuloy ang kaniyang balak sabihin. "Ku...Kumusta
naman kayong dalawa... bilang magkaibigan?"

Naalala niya ang dating sinabi ni Nielsen na nakakabisita si Mariel sa dorm ni


Mario. Hindi tuloy maiwasan ni Cris na itanong sa kaniyang sarili kung bakit hindi
naisip ng kaniyang bisita ngayon na makituloy sa lalaking lagi niyang kasama noong
mga nakaraang linggo. May nangyari bang hindi maganda sa pagitan nilang dalawa?
'Yun ang gusto niyang malaman.

Base sa hindi pagkibo ni Mariel, mukhang alam na ni Cris ang sagot. "Okay, hindi
na ako magtatanong tungkol sa inyong dalawa o ka-"

"Sa tingin mo ba, totoo 'yung mga paratang sa kaniya?"

"Huh?"

"Sa tingin mo ba, totoong hindi niya orihinal na mga ideya ang ginamit niya sa
kaniyang nobela?" pag-uulit ni Mariel, biglang humina ang kaniyang boses. "Sabi
n'yo sa inyong official statement, nagkataon lang ang mga pagkakatulad sa published
novel na nabanggit ng Bloc Debunker sa kaniyang blog post."

Gustong sabihin ni Cris na "Oo, inamin mismo ni Mario na may pinagkopyahan siya ng
ideya" pero mas pinili niyang huwag sabihin ang katotohanan. Sinabihan kasi silang
magsinungaling kung sakaling may magtanong tungkol sa isyung 'yon. Ayaw rin niyang
lalong masaktan si Mariel kapag nalaman niyang ang kaniyang iniidolong manunulat at
kasama araw-araw ay isang "plagiarist" kung tawagin.

"Kayo ang bahala kung anong gusto n'yong isipin," 'yan ang tanging sagot ni Cris sa
kaniya. "Pero naninindigan pa rin ang Bloc sa naging pahayag namin. Alam kong
mahirap nang linisin ang kaniyang pangalan at reputasyon bilang writer dahil medyo
convincing ang ebidensya ng Bloc Debunker."

Mahirap nga namang tanggalin ang isang ideya kapag naitanim na sa isip ng mga tao.
Naiintidihan niya ang nararamdaman ngayon ni Mariel dahil maging siya, hindi
makapaniwala at ayaw tanggaping nagawa ni Mario ang bagay na 'yon.

"Pati ba ikaw pinagdududahan mo ang kaniyang kredibilidad?" tanong ni Cris na


nagbalik na sa pagta-type sa kaniyang laptop. "Nasubukan mo na bang tanungin mismo
si Mario kung-"

Sa ikalawang pagkakataon, muli siyang napapreno sa pagsasalita pero hindi dahil sa


mga salitang lumabas sa kaniyang bibig. May maramdaman siyang mainit at malambot sa
kaniyang likod at nakita niyang may isang pares ng kamay ang nakahawak sa kaniyang
baywang. Hindi rin niya maiwasang mapansin ang pamilyar na mabangong amoy ng
shampoo.

Biglang ipinatong ni Mariel ang kaniyang ulo sa balikat ni Cris. Ang ating
manunulat, hindi malaman kung ano ang magiging reaksyon nang mapagtanto niyang
hinahagkan na pala siya ng kaniyang kasama mula sa likuran.

"I-I'm sorry... sa lahat ng nangyari, sa lahat ng sinabi ko, sa lahat ng ginawa ko


sa 'yo. Hi...Hindi ko na alam kung sinong pagkakatiwalaan..." nanginginig pa at
halos mangiyak-ngiyak na ang boses ni Mariel. Tila may kakaibang pangamba siyang
nararamdaman na damang-dama rin ngayon ni Cris. "Na...Natatakot ako, Cris.
Natatakot ako... Sana... Sana matulungan mo ako..."

"Wa-Wala kang dapat ihingi ng sorry sa 'kin." Hindi na nakagalaw si Cris dahil sa
hindi niya inaasahang nangyari. Para tuloy siyang isang estatwang hinahagkan ng
isang babaeng walang matakbuhan kundi siya. Tanging ang mga butil ng pawis ang
nararamdaman niyang tumutulo sa kaniyang pisngi. Feeling niya rin na namumula na
ang kaniyang mukha.

Unti-unting inilapit ni Mariel ang kaniyang mga labi sa mga labi ng kaniyang
hinahagkan.

"Hindi, hindi, hindi! Mali 'to! Hindi tama 'to!" naisip ni Cris sabay layo ng
kaniyang mukha mula kay Mariel. "Medyo nagugutom na ako kaya bibili lang ako ng
pagkain sa convenience store. May gusto ka bang ipabili?"

"Wa-Wala naman." Inalis na ni Mariel ang kaniyang mga kamay sa katawan ni Cris at
bumalik na sa kama.

Tumayo si Cris at naglakad patungo sa pintuan. "May susi akong dala kaya kapag may
kumatok sa pintong 'to, huwag mong papapasukin, okay? Maliban na lang kung kakilala
natin siya. Pero duda akong may bibisita pa sa akin ng ganitong oras."

Paglabas niya sa kaniyang dorm, hindi matanggal sa isipan ni Cris ang ginawa ni
Mariel. "Ano bang pinagdadaanan niya para gawin ang bagay na 'yon? Meron ba siyang
problema na hindi niya sinasabi kahit kanino? Bakit siya natatakot? At higit sa
lahat, anong kinatatakutan niya?"

Sa kaniyang sobrang pag-iisip, hindi na niya namalayan na nasa convenience store na


siya at binabayaran sa cashier ang kinuhang hotdog sandwich at mga donut. Muntik na
nga niyang makalimutang kunin ang sukli niya kundi lang siya pinaalalahanan ng
empleyado doon.

Makalipas ang limang minuto, paakyat na siya sa kaniyang dorm. Pero binabagabag pa
rin siya ng mga ikinilos ni Mariel. Kagaya noong sinundan nilang dalawa ni Nielsen
sina Mario at Mariel sa amusement park, parang may mali, parang may hindi tama sa
kaklase niyang babae.

Pagbukas niya sa pinto, napansin niyang nakahiga na si Mariel sa kama at mukhang


nakatulog na. Inilapag muna ni Cris ang kaniyang mga binili sa mesa at lumapit sa
kaniya, pinagmamasdan ang maamong mukha ng prinsesang pinatuloy niya sa kaniyang
maliit na palasyo.

Bzzz... Bzzz... Bzzz...

Pabalik na sana siya sa kaniyang tutulugan nang bigla niyang narinig ang malakas na
pagba-vibrate ng isang phone. Hindi umiilaw ang kaniyang phone kaya sigurado siyang
hindi sa kaniya 'yon. Ibig sabihin, sa kaniyang kasama nanggagaling ang tunog.
"Sino kayang tatawag kay Mariel sa ganitong oras?" Tiningnan ni Cris ang screen ng
phone ni Mariel na nakalagay sa kama para alamin kung sinong balak manggulo sa
mahimbing pagtulog ng kaniyang prinsesa. Nang makita ang pangalan ng caller,
ibinalik niya ang phone kung saan ito inilagay ni Mariel at muling humarap sa
kaniyang laptop, tila may bahid ng pagtataka ang kaniyang mukha. Itinuon na lang
niya ang kaniyang atensyon sa pagsusulat ng outline ng ABC Mystery.

Kinabukasan, napabangon si Cris mula sa kaniyang hinihigaan nang mapansing wala na


si Mariel sa kaniyang kama. Wala rin siya sa banyo at wala na rin ang dala-dala
niyang bag kagabi.

"Mariel? Mariel?! MARIEL?!" Pinagbubukas niya ang mga cabinet na para namang
magkakasya ang katawan ng kaniyang kaklase doon.

Bzzz... Bzzz...

Biglang napawi ang kaniyang pangamba nang may natanggap siyang text mula mismo sa
taong kaniyang hinahanap.

Mariel (08:16 AM): Pasensya na kung hindi ako nakapagpaalam sa 'yo, mahimbing kasi
ang tulog mo. Maraming salamat pala kagabi. See you around sa campus! :)

Nang makita niya ang smiley sa text message ni Mariel, hindi naiwasan ni Cris na
gayahin ang ekspresyon na 'yon at mapangiti na rin.

Pero habang nakatitig siya sa kaniyang phone, biglang sumagi sa kaniyang isipan
'yung tumawag kay Mariel mag-aalas-diyes kagabi. At ang pangalan ng caller?

Clarence Alfonso

*****

TRIVIA: Si MARIO SANTIAGO ay inspired by ng isang Pilipinong manunulat. Sa tingin


ko, halos lahat ng mambabasa ng WB ay kilala kung sino siya.

Gusto n'yo bang makilala ang bagong karakter na kabaligtaran ni Cris at halos
katulad ni Mario sa susunod na kabanata (a.k.a. typical teen fiction writer)?

Chapter 16: Clash


A/N: Matapos ang mala-Feb-Ibig na Chapter 15, tara na't bumalik sa status quo!
Narito na ang Chapter 16 a.k.a. Erland Strikes Back.

Kung sakaling ma-offend kayo sa mga susunod n'yong mababasa, humihingi ako ng
paumanhin.

*****

"Bakit isang gangster story ang gusto mong i-submit sa amin?" tanong ni Erland sa
isang babaeng may katabaan, hanggang balikat ang haba ng buhok at nakasuot ng
salamin. Binubulatlat niya ang isinumiteng manuscript at nagkunwaring binabasa ang
bawat pahina nito.

"Na-inspire po kasi ako ng kuwento ng Snow White and the Seven Gangsters na naka-
publish sa Bloc kaya naisipan ko pong gumawa ng sariling kuwento," mabagal at
mahinhing sagot ng babae, tila nahihiyang tumingin nang diretso sa kausap niyang
editor.

"Oo, pero bakit?" Muling tanong ni Erland, medyo naiinip na siya sa kaniyang
kausap.

"Well... uhm..."

Isinara niya ang binabasang manuscript at sumandal sa kaniyang upuan. "Let me


rephrase my question. Anong meron sa mga gangster kaya naisipan mo silang gamiting
element ng iyong istorya?"

"Cool sila. Asteeeeeg. Guwapo. Mayabang pero may puso. Misunderstood sila-"

"Sa tingin mo ba gano'n talaga ang mga gangster sa totoong buhay?" Kaagad na
sumingit si Erland, hindi na pinatapos ang kaniyang kausap. "Sa 'yong kuwento,
ginawa mong mga perpektong lalaki na may kaunting kapintasan ang mga gangster.
Hindi ba sila 'yung mga tipong mahilig mambasag ng ulo, mga mukhang jejemon na
nakapang-hiphop na pormang ewan? Masyado mo yatang binabaluktot ang reyalidad, miss
writer?"

"Pero ang pinag-uusapan natin dito ay fiction, kathang-isip." Hindi na natiis ni


Elaine na magkomento sa naging puna ng kaniyang kapwa-editor. Nakaupo siya sa
kaliwa ni Erland. "May kalayaan ang mga manunulat na maging malikhain pagdating sa
kanilang mga tauhan o sa kuwento. Kung gusto niyang gawing straight A student ang
kaniyang mga gangster, puwede 'yon. It's her story and her characters, after all."

"Kaya siguro ang ilan sa mga kababaihan ngayon, mga gangster na ang hinahanap na
boyfriend dahil nag-iba na ang kanilang persepsyon sa mga gano'ng uri ng tao,
salamat sa mga ipina-publish nating gangster stories," tugon ni Erland, ni hindi
lumingon sa kumakausap sa kaniya. Tumingin siya sa kaniyang kanan kung saan nakaupo
at tahimik na nakikinig ang tatlo pa nilang kasama. "Ngayon, pasok ba sa inyo ang
kuwentong 'to?"

Umiling si Myranda, ang kanilang executive editor, habang sumagot ng "hindi" sina
Erland, Tom at Kevin. Tanging si Elaine lang ang naiba sa kanila.

"Apat na hindi, isang oo. Pasensya na pero hindi namin matatanggap ang kuwento mo."
Kinuha ni Erland ang manuscript sa mesa at ipinasok ang mga papel sa shredder na
nakapuwesto sa kanilang likod. "Puwede ka nang lumabas."

Mangiyak-ngiyak ang babae nang tumayo mula sa kaniyang kinauupuan at lumabas sa


conference room. Sa kaniyang upuan, napansin ni Erland ang reaksyon ng mga editor
sa labas, marahil nagtataka kung bakit naging masalimuot ang pagsusumite ng
manuscript ng manunulat na kausap niya kanina.

Sa halip na maawa, natutuwa pa si Erland tuwing may nire-reject siyang manuscript


at pinapanood ang shredder na pagpira-pirasuhin ito. Hindi niya inakalang ganito
pala kasaya ang pagpili kung anong kuwento ang kanilang tatanggapin na ipa-publish
sa susunod na isyu.

Trabaho ng acquisitions editor na si Kevin ang pagsala sa mga istoryang isinusumite


ng mga gustong maging manunulat ng Bloc. Pero simula ngayong araw kung kailan
nakatakda ang pagtanggap ng mga manuscript, ipinag-utos ni Myr na siya, si Kevin at
ang tatlong humahabol bilang susunod na editor-in-chief ang manghuhusga kung alin
ang pasok sa banga at kung alin ang pasok sa shredder.

Kuhang-kuha ni Erland kung bakit gusto ni Myr na kasama silang tatlo nina Elaine at
Tom sa manuscript acquisition committee. Bago magsimula, sinabi ng kanilang boss na
gusto niyang makita at marinig ang gagawing panghuhusga ng mga EIC candidate.
Nakaapat na manuscript na sila ngayon pero ni minsan, hindi pa nagkomento sina Myr
at Kevin maliban sa pasagot ng "oo" o "hindi."

"NEXT!"

Isang babaeng payat na mukhang laging inaantok ang pumasok sa conference room at
ibinigay ang kaniyang manuscript sa mga editor. Nagkaroon muna ng limang minutong
katahimikan habang binabasa ang isinumiteng kuwento.

"Isang... gangster story, tama?" komento ni Tom na siyang nakatoka ngayon na


manguna sa pagdya-judge. Salit-salitan kasi silang tatlo sa bawat writer na papasok
at manuscript na ibibigay. "...Pero may mala-ice princess na tauhan."

"Na naman?" bulong ni Erland, napabuntong-hininga siya at napatingin palayo.

"Uso kasi ang mga istoryang umiikot sa gangsters at ice princesses gaya ng mga
ipina-publish n'yo sa magazine," may kabagalan ang pagsagot ng babae. "Naisip kong
pagsamahin ang dalawang uso ngayong theme. Mukhang wala pa kasing naipa-publish sa
inyo."

"Napansin ko na may mga swear word dito." In-adjust ni Tom ang kaniyang salamin
habang inililipat ang pahina ng manuscript. "Sa page 12, 18 at 20. Sa tingin mo
ba... dapat na i-publish ang mga ganitong... salita?"

"Natural lang sa mga tao ang magmura, wala po akong nakikitang mali kung ipa-
publish ang mga swear word na 'yan," sagot ng babae na nanatiling kalmado. "Puwede
naman po sigurong i-censor, palitan ng asterisk 'yung ilang letra."

"Parte 'yon ng kaniyang literary freedom," komento ni Elaine, halata sa kaniyang


tono na pabor siya sa pag-apruba ng manuscript na nasa mesa nila. "Walang masama
kung ipa-publish natin ang mga gano'ng salita. Sabi nga niya, mas natural, at sa
tingin ko, mas in-character at realistic 'yon sa isang gangster."

Dahan-dahang umiling si Erland, dismayado sa naging pahayag ng kaniyang karibal.


"Kahit mas realistic 'yon para sa kaniyang gangster na tauhan, masama sa panlasa
ang makabasa ng mga swear word. Paalala n'yo nga ulit sa akin kung sino-sino ang
mga mambabasa natin? Elementary, high school at college students, tama? Kung ako
ang magiging editor niya, ipapayo ko na i-tone down ang mga mura para sa kapakanan
ng ating mga batang mambabasa."

"Ano sa tingin n'yo?" tanong ni Tom nang matapos na si Erland sa pagsasalita.


"Dapat ba nating tanggapin 'to?"

"Oo."

"Hindi," halos sabay ang sagot nina Erland at Elaine, magkasalungat nga lang.

"Tama ang sinabi ni Erland, hindi maganda para sa mga nakababatang mambabasa kaya
hindi," komento ni Kevin.

Umiling naman si Myr bilang sagot.

"Okay. Apat na hindi, isang oo." Kinuha ni Tom ang manuscript sa mesa at tumalikod.
Medyo nagdadalawang-isip siya kung dapat niya ba itong ipasok sa shredder sa harap
mismo ng nagpakahirap sumulat nito. Pero dahil 'yon ang utos sa kanila ni Myr, wala
siyang nagawa kundi panoorin kung paano magkapira-piraso ang mga papel. "Pasensya
na."
"NEXT!"

"Tag-lish?" Nasambit ni Elaine habang mabilisang binabasa ang panglimang


manuscript. Medyo napapakunot ang kaniyang noo sa bawat lipat ng pahina. "Bakit
magkahalo? Bakit hindi purong English o kaya purong Filipino?"

"I did tried to write in Filipino but medyo bet ko kung magka-mix. I was learned on
how to write well in Filipino naman kasi I have been read Tagalog stories," sagot
ng babaeng blonde at mukhang pancit canton ang buhok. "I'm a bibliophile. I am love
with reading books."

Napapikit si Erland sa kaniyang narinig at naisipang takpan ang kaniyang mga tenga
para hindi na marinig ang mga susunod na salitang lalabas sa bibig ng kaharap na
babae. Pero dahil pambabastos 'yon sa kausap nila, napabulong na lang siya. "Try.
Taught. Reading. In love."

"At... anong klaseng Tagalog stories ang binabasa mo?" sunod na tanong ni Elaine
sabay labas ng kaniyang panyo sakaling dumugo ang kaniyang ilong.

"Pocketbooks. The ones on the bookstores," sagot ng babae. "Their great and good
reads. I consume that your writers has also read those books and stuffs."

"Self-proclaimed bibliophile pero puro pocketbooks lang ang binabasa," napabulong


si Erland kasabay ng isang mabagal na pag-iling. "Puwede na ba nating pagbotohan
kung tanggap ang kaniyang manuscript?"

"There's no need for that." Sa unang pagkakataon, napakomento si Myr na halatang


inis na inis na at nabuwisit sa mali-maling grammar ng kanilang kausap. Napapakunot
ang kaniyang noo at kanina pa siya nagpipigil sa kaniyang upuan. "Sorry to be rude
but can you please leave now bago pa kita sampalin ng dictionary? LEAVE! NEXT!"

Sa labing-walong nagsumite ng kanilang mga kuwento, tatlo lang ang pumasa sa


panlasa ng limang editor habang ang labing-lima'y ginawang merienda ng shredder.

"Ganito na ba ang mga writer sa university na 'to? Wala ni isang patak ng


originality at creativity ang halos lahat sa mga nag-submit ngayon!" dismayadong-
dismayado ang tono ni Myr paglabas niya sa conference room. "Puro inspired by ng
mga gangster story, ice princess, casanova, etcera na ipinublish n'yo na ang mga
inihahain nila sa 'tin. It's really disappointing."

Napangiti si Erland sa naging komento ng kaniyang boss. Kahit paano, may


pagkakatulad pala ang kanilang mga pananaw pagdating sa mga kuwentong nagsusulputan
hindi lamang sa Bloc kundi maging sa mga ipinapasa sa kanila.

"Mabenta kasi ang mga gano'ng uri ng love story kahit gaano pa kagasgas ang plot
ang kuwento," dagdag ni Tom na sumunod na lumabas. "Kailangan pa ba nating magtaka?
'Yung mga Pinoy drama at movie, gano'n din ang sitwasyon."

"Pero dahil sa mga cliché na kuwento, tumaas ang sales ng Bloc," kontra ni Elaine.
"Kung ikukumpara natin ang mga numero ngayon sa nakaraang taon na may action,
adventure, fantasy, horror, mystery at sci-fi genres, mas umangat tayo ngayon.
That's something that we should be proud of."

"Hindi nga lang sa kalidad ng mga istorya," hirit ni Erland. Hindi niya maiwasang
kontrahin ang sinasabi ng kaniyang kaagaw sa trono. "Simula nang naging menu ng mga
nakakasuyang love story ang contents page natin, naging babasahin na tayo ng mga
malalandi, bitter, at na-friendzone. Kaya nga binabatikos tayo ng Bloc Debunker
dahil sa biglaang pagbabago sa line-up ng isang literary magazine."
"Pero marami ang gano'n sa mga estudyante ngayon, sabi nga ni Myr!" buwelta ni
Elaine, bahagyang napataas ang kaniyang boses. "Marami sa kanila ang sawi sa pag-
ibig. Kung ang Avant Garde ay inihahain kung ano'ng mga balita ang dapat malaman ng
mga estudyante, tayong mga taga-Bloc ang nagbibigay kung ano ang kailangan ng isip
at puso ng mga mambabasa para makatakas sila sa mapait na reyalidad!"

"More on puso, hindi sa isip kasi hindi masyadong pinag-iisipan ang mga kuwento ng
mga writer natin... o writers n'yo." Mukhang hindi mauubusan ng pambara si Erland.
"Meron pa nga tayong isang manunulat na nangopya ng ideya ng iba."

Dahil sa hindi inaasahang pagtindi ng tensyon sa opisina, napatingin sa kanilang


dalawa ang mga kapwa-editor na busy sa paglalaro ng Clash of Clans. Maging si Myr
na palabas na sana ng opisina ay napatigil at napalingon sa dalawang tila
nagdedebateng kandidato.

"I guess we now have ideas kung ano ang mangyayari sa Bloc next year kapag isa sa
kanila ang naging EIC," komento ni Myr na napangiti pa sa takbo ng mga pangyayari.
"Pero here's my take on your discussion. Kung ako ang tatanungin, mas gusto ko na
assorted ang mga story sa Bloc, kagaya ng ipinupunto ni Erland. Pero dahil ang utos
sa akin ay palakasin ang sales, I have no choice but to rely on the most convenient
way-publish love stories. However, I don't want to sacrifice the quality of the
magazine sa pagtupad ng iniatas sa 'kin. As much as possible, I want to improve the
quality of every story kaya ipinatanggal ko 'yung mga may paulit-ulit na theme at
sobrang sabaw na plot."

Nakatutok sa kaniya ang mga mata ng lahat ng editors, pinipigilan ang kanilang
hininga habang hinihintay ang susunod na salitang lalabas sa kaniyang bibig.

"Walang masama sa mga love story," pagpapatuloy ni Myr nang walang kumibo sa
kaniyang mga kausap. "Ang dapat lang nating gawin ay humanap ng mga kakaiba, pinag-
isipan at tumatagos sa pusong istorya, hindi lang puro pakilig effect. May mga
perlas sa kailaliman ng dagat. Sumisid tayo. I will be back at one o'clock. Mr.
Managing Ed, I want a chocolate chip cream on my table."

Paglabas niya ng opisina, humupa na ang tensyon sa pagitan nina Erland at Elaine,
at nagsibalik na sila sa kani-kanilang mga puwesto. Pati ang mga editor na walang
ginawa kundi mag-Facebook o Twitter at CoC, nagbalik sa kanilang mga
pinagkakaabalahan.

Dahil sa mga naging pahayag ni Myr, nakakita si Erland ng kakampi sa kanilang


executive editor at mataas ang kaniyang hinala na hindi basta-basta papatayin ang
ABC Mystery, 'di tulad ng mga nauna nang sinibak sa line-up. Aniya, kailangan na
nilang pagplanuhan ng kaniyang writer ang mga susunod nilang hakbang.

Inilabas niya ang kaniyang phone at nag-type ng mensahe para kay Cris Ibarra.

Erland (12:18 PM): "Busy ka ba ngayon? Puwede ba nating pag-usapan ang nobela mo?"

Cris (12:24 PM): "Sorry sa late reply. Kasama ko kasi ngayon si Mariel. Kumakain
kami."

"Kasama niya si Mariel?" Hindi makapinawalang bulong ni Erland na napakunot pa ng


noo. Dalawang beses niya pang binasa ang reply ni Cris at limang beses na tiningnan
kung tama ang pangalang kaniyang nabasa.

Erland (12:27 PM): "Mamayang hapon, puwede kang dumaan sa office?"

Cris (12:35 PM): "Pasensya na pero nangako kasi ako na sasamahan ko mamaya si
Mariel sa mall. Medyo mahirap ipaliwanag sa text kung bakit kaya ikukuwento ko na
lang sa 'yo kapag nagkita tayo. Sa susunod na linggo kaya?"

Unti-unting napasandal sa kaniyang upuan si Erland habang itina-type ang salitang


"Okay." Nang mai-send na niya ito kay Cris, kinuha niya ang edited draft ng chapter
five ng ABC at tinitigan nang matagal ang pamagat nito.

ABC Mystery
Chapter Five: Distraction

*****

P.S. Naitanim na ang mga binhi. Kailan kaya natin aanihin ang mga ito? Sa susunod
na kabanata, malalaman na natin kung aling istorya ang mangunguna sa Bloc.

As usual, ano'ng masasabi n'yo sa kabanatang ito?

Chapter 17: Number One


UPDATE (02/03/15): I dedicate this chapter to @XQCTs100 for spotting the factual
inconsistencies. Thanks!

***

Hindi maiwasan ni Cris Ibarra na mapatingin sa orasan ng kaniyang phone. Bawat


minuto, bawat oras, hinihiling niya na sana'y pumatak na sa alas-kuwatro para ma-
dismiss na ang kanilang klase sa World Literature. Excited kasi siyang makipagkita
kay Erland para alamin kung pang-ilan na ang ABC Mystery sa ranking ng Writers'
Bloc.

Magda-dalawang linggo na rin ang nakalipas nang mangyari ang chapters leakage na
dahilan para ikansela ang isyu ng kanilang magazine noong nakaraang linggo. Nitong
Miyerkules, inilabas na ang isyu kung saan ipinublish ang chapter five ng ABC
Mystery. Kumpiyansa siya na mananatili o kaya tataas pa ang ranggo nito lalo na't
mukhang bababa sa pedestal ang numero unong Para Sa Mga Na-friendzoned ni Mario
Santiago.

Maliban sa pagpapalit ng pinakamataas na editor sa Bloc, napansin ni Cris ang


biglaang pagkawala ng ilan sa mga love story na ni minsa'y hindi niya naisipang
basahin. Pumalit sa kanilang mga espasyo ang ilang kuwentong ngayon pa lang niya
nabasa tulad ng The Secret, Happy Never After, The Science of Seduction at Forever
No More.

Hindi siya masyadong updated sa mga pangyayari sa Bloc nitong mga nakaraang linggo.
Lagi siyang tine-text ng kaniyang editor kung puwede silang magkita para pag-usapan
ang mga susunod nilang gagawin pero laging hindi rin puwede si Cris dahil kasama
niya si Mariel. Kahit walang nagpaparamdaman na stalker sa kanila, ayaw pa rin
niyang maging kampante dahil baka biglang umatake ang aninong sumusunod sa kaniyang
crush. At simula nang patuluyin niya sa kaniyang dorm si Mariel at magkapatawaran
silang dalawa noong nakaraang linggo, mas naging close at lagi na silang magka-text
ngayon.

Nang umalis na ang kanilang prof, kaagad nang lumarga si Cris. Mahigit tatlumpung
minuto na kasing naghihintay ang kaniyang editor sa Starbucks kaya ayaw na niyang
paghintayin pa siya ng ilan pang minuto.

"Ayos lang bang makita niya tayong magkasama?" tanong ni Mariel na katabing
naglalakad ni Cris sa pedestrian lane. Nakahinto ang mga sasakyan sa kanilang
kaliwa't kanan, tila nagbibigay-daan sa prinsipe't prinsesa dumaraan.

"Gusto kitang ipakilala sa kaniya," tugon ni Cris matapos niyang tingnan kung may
papalapit na kotse sa kanila. "Ininterview mo ako dati at malaki ang naitulong no'n
sa aming dalawa ni Erland para tumaas ang ranggo ng ABC. At saka wala namang masama
kung magkasama ang manunulat ng Avant Garde at manunulat ng Writers' Bloc, 'di ba?"

Pagpasok nilang dalawa sa coffee shop, dumiretso agad si Cris sa bandang dulo kung
saan niya inaasahang nakaupo ang kaniyang editor. Hindi naman siya nagkamali sa
kaniyang hinala dahil nakapuwesto nga doon si Erland, umiinom ng frappucino habang
nagbabasa ng diyaryo ng Avant Garde.

"Pasensya na kung late ako!" pambungad ni Cris nang makalapit siya sa mesa ng
kaniyang editor. "Ngayon pa lang kami dinismiss ng prof namin kaya..."

Ibinaba ni Erland ang kaniyang binabasa at napatingin sa hinihintay niyang ka-


meeting. "Kung isa kang writer ng Avant, siguradong tanggal ka na sa-"

Napansin ni Cris na biglang napahinto ang kaniyang editor sa pagsasalita, parang


isang YouTube video na nag-stop at tila nagba-buffer pa.

"By the way, siya si Mariel Castro, feature writer ng Avant Garde," itinuro niya
ang kasama niyang babae. "Naaalala mo pa ba 'yung feature article na lumabas ilang
araw bago ang double chapter release ng ABC? Siya 'yung sumulat no'n."

Iniabot ni Mariel ang kaniyang kamay kay Erland na parang estatwang nakatingin sa
kaniya. "It's my pleasure to meet you. Naikuwento na kayo ni Cris sa 'kin. Ang sabi
niya, kayo raw ang pinakamagaling na editor sa Bloc."

"Walang halong pambobola 'yon," hirit ni Cris.

Tatlong segundo muna ang lumipas bago nakipagkamay si Erland kay Mariel. "Maayos
ang pagkakasulat ng article na 'yon. Sa tingin ko, mapo-promote ka sa susunod na
taon bilang editor."

Matamis na ngiti ang ipinakita ni Mariel sa kaniya. "Sana'y magdilang-anghel kayo.


Cris, dadaan muna ako sa office namin. Maiwan ko muna kayong dalawa. I-text na lang
kita mamaya."

"Sige. Mag-ingat ka."

Pagkaalis ni Mariel, umupo na si Cris sa tapat ng kaniyang editor, nakakrus ang


kaniyang mga daliri na tila nananalangin. "Kumusta? Pasensya na kung ngayon lang
ako nakipagkita sa 'yo. Medyo naging busy noong mga nakaraang araw."

"Girlfriend?"

"Hindi pa kami ni Mariel!" mabilis na depensa ni Cris. "Hindi ko pa siguro


nakuwento sa 'yo na may sumusunod sa kaniyang stalker kaya kailangan niya ng...
parang bodyguard. Sinasamahan ko siya kung saan man siya magpunta. 'Yun din ang
dahilan kaya hindi nagtatagpo ang schedule natin."

"Kung gano'n, bakit hindi siya lumapit sa mga pulis?" tanong ni Erland habang
inilalabas ang isang itim na folder mula sa kaniyang bag. "At bakit hindi n'yo i-
report 'yon sa mga awtoridad?"

"Wala pa kaming sapat na ebidensyang magpapatunay na may sumusunod nga sa kaniya.


Siguradong tatawanan lang kami ng mga 'yon," tugon ni Cris. "Kaya sa ngayon, kami
muna ang nagbabantay sa kaniya. Natanggap mo ba 'yung draft ng chapter six na
isinend ko sa email mo?"

Inilapag ni Erland ang folder sa mesa at binuksan ito sa harap ni Cris. Nakasulat
ang mga salitang Chapter 6: Game of Shadows. "Ngayon alam ko na kung bakit isang
stalker case ang kasunod na kabanata ng ABC. Base ito sa mga totoong pangyayari,
tama?"

"Oo pero makikita mo namang may koneksyon ito sa naunang kabanata. Sa chapter five,
sinagip ng college detective ang kaniyang love interest mula sa kaniyang mortal na
kaaway. Sa chapter six, may sumusunod na kahina-hinalang tao sa kaniyang love
interest at sa tingin ng ating detective, may kinalaman dito ang mortal niyang
kaaway," paliwanag ni Cris. "Ano sa tingin mo? Nagustuhan mo ba?"

Napahipo si Erland sa kaniyang baba habang pinapasadahan ang mga pahina ng draft.
"Ayos lang sa akin ang mystery factor ng kabanatang ito. Ang ayaw ko lang ay ang
characterization ng detective. Nagmukha siyang mahina, nagmukha siyang tanga. Dahil
ba involved sa kaso ang kaniyang gustong babae?"

"Kailangan ding magkaroon ng kahinaan ng aking bidang tauhan. Hindi naman puwedeng
perpekto siya. Kung si Superman nga na man of steel, kahinaan niya ang kryptonite,"
pangangatwiran ni Cris, pilit na kinukumbinse ang kaniyang editor.

"At ang kahinaan niya'y... isang babae na kayang patibukin ang kaniyang puso?"

"Parang gano'n na nga."

Sandali siyang tinitigan ni Erland bago nagpatuloy sa gusto niyang sabihin. "Gusto
mo nang malaman kung anong puwesto ng ABC ngayong linggo, tama?"

"Halos hindi ako nakatulog kagabi sa kakaisip. Kumusta ang naging resulta?"

Ibinigay sa kaniya ni Erland ang isang piraso ng papel na may magkahalong letra at
numero.

1st - He's Dating the Cold-hearted Princess (1,214)


2nd - Diary ng Ampalaya (963)
3rd - Snow White and the Seven Gangsters (694)
4th - U-N-I (555)
5th - The Secret (486)
6th - ABC Mystery (412)
7th - Para Sa Mga Na-friendzoned (400)

Napatakip ng mukha si Cris kasabay ng pagkapawi ng tuwa sa kaniyang mukha. "Mula sa


number three, bumaba sa number six. Saan tayo nagkamali? Ang akala ko mas tataas pa
ang ranggo ng ABC."

"Hindi ka ba masaya na nahigitan mo na ang iyong karibal sa pagiging numero uno?


Kumpara sa 'yo, mas malalim ang kinabagsakan niya," komento ni Erland na tila
walang epekto sa kaniya ang pagbaba ng ABC sa ranking. "Dahil sa mga numerong ito,
tiyak na ipapakansela na ni Myranda ang Na-friendzoned ni Mario. Dapat siguro
tayong mag-celebrate."

Napabuntong-hininga muna ni Cris bago tumugon sa sinabi ng kaniyang editor. "Oo,


gusto ko siyang matalo, pero hindi sa ganitong paraan. Kaya lang naman bumaba ang
ranggo ng Na-friendzoned ay dahil sa anomalyang nangopya siya ng ideya na halatang
nakaapekto sa reputasyon niya at ng kaniyang nobela."

"At dahil doon, lumipat ang kaniyang mga fan sa ibang love story na sa tingin
nila'y mas deserving sa kanilang mga boto," dagdag ni Erland sabay turo sa pamagat
na He's Dating the Cold-Hearted Princess. "Tingnan mo ang isang 'to, halos 300 boto
ang lamang niya sa nasa ikalawang puwesto at mahigit 800 ang lamang sa inyong
dalawa ni Mario. Siguradong masayang-masaya si Tom na natalo ng kaniyang alaga ang
mga pambato namin ni Elaine."

"Bakit parang okay lang sa 'yo ang nangyari? Dahil ba nakapasok kaagad sa top five
ang The Secret ni Simon?" tanong ni Cris.

"Nagulat din ako nang makita ko 'yung resulta pero inaasahan ko nang posibleng
mangyari ang senaryong ito," sagot ni Erland. "Maaaring nawala ang excitement ng
mga mambabasa sa bagong kabanata ng ABC dahil sa nangyaring one-week na break.
Posible ring lumipat ang mga bumoboto sa 'yo sa The Secret dahil two-in-one ang
kuwento ni Simon. May love story at mystery. Kahit nga si Myr, nagustuhan 'yon."

"Anong dapat kong gawin para makabalik sa top five ang ABC?"

Ipinasok na ni Erland sa kaniyang bag ang mga papel na inilabas niya at inubos ang
iniinom na frappucino. "Hindi ko pa alam kung paano tayo makakabawi dahil nag-iba
na ang may hawak ng bola at dumami ang kalaban. Pero baka may maipapayo sa 'yo si
Myr. Gusto ka niyang makausap tungkol sa 'yong nobela bago matapos ang araw."

"Huh? Bakit ako?"

"Hindi lang ikaw, pati ang ibang mga manunulat," pagtatama ni Erland sa kaniya.
"Gusto niyang magkaroon ng one-on-one session sa inyo. Ibig sabihin, kaming mga
editor n'yo e labas sa usapan. Hindi ko alam kung bakit o kung ano ang tumatakbo sa
isip niya. Marami kasi siyang pakulo kaya kahit kaming mga editor, nabibigla sa mga
desisyon niya. Pero sa tingin ko, para ito sa ikagaganda ng mga istorya n'yo.
Sana."

Napatingin si Cris sa kaniyang phone, tsine-check kung nag-text na si Mariel.


"Uhm... Ngayon na ba?"

"Habang wala pang kausap si Myr para kaagad kayong matapos."

"Tara."

Sa loob ng sampung minuto at matapos ang pakikipaggitgitan sa mga palabas na


estudyante sa campus, nakarating sa opisina ng Bloc sina Cris at Erland. Mag-aalas-
kuwatro na kaya kaunti na lang ang tao sa loob. Sa pagkakatanda ni Cris, minsan pa
lang yata siya nakapasok dito, noong pinirmahan niya ang kontrata sa desk ni Xavier
na noo'y editor-in-chief. Kaya malaking pagtataka niya nang wala siyang nakitang
nakaupo sa puwestong 'yon.

"Nasa conference room ang executive editor. Kumatok ka muna bago mo buksan ang
pinto," sabi ni Erland sabay turo sa bandang likuran nang mapansin ang ekspresyon
sa kaniyang mukha.

Naglakad patungo sa dulong bahagi ng opisina si Cris, napapatingin sa bawat


bakanteng desk na kaniyang dinaraanan. Sa kaniyang kanan, napansin niya ang isang
lalaking nakasuot ng salaming may makapal na itim na frame, kausap ang isang babae
na hanggang balikat ang haba ng buhok, may bangs na tumatakip sa kaniyang noo at
nakasuot din ng salamin. Sa kaniyang kaliwa, nakaupo si Erland at ang iba pang
editor na hindi niya mamukhaan dahil nakatalikod sila.

Paghinto niya sa tapat ng conference room, kaagad niyang nakita ang isang babaeng
may mahabang buhok na busy sa pagbabasa ng apat na lumang isyu ng Bloc. Gaya ng
sinabi ng kaniyang editor, kumatok muna si Cris bago buksan ang pinto.
"Cris Ibarra, the thorn among the roses," bati ni Myranda na napatayo at iniabot
ang kanang kamay sa kaniyang bisita. "I'm Myranda Perez, your executive editor. You
can call me Myr."

"Nice to meet you," tugon ni Cris matapos makipagkamay sa bagong boss ng kanilang
publication.

"Pleasure is mine. Please take a seat."

Biglang nakaramdam ng pagkanerbyos si Cris nang makaupo na siya. Parang may


kakaibang aura siyang nararamdaman mula kay Myr. Nakabukas ang aircon at ramdam
niya ang malamig na hangin, pero namamawis pa rin siya. Hindi rin siya komportable
sa kaniyang upuan. Dahil ba sa nalaman niyang magkasama dati sa Avant Garde ang
kaharap niya ngayon at ang EIC ng nasabing pahayagan?

"Just relax, mukha kang tensyonado," sabi ni Myr, tiyak na napansin niyang medyo
naiilang ang kaniyang kasama. "I'm not gonna scold you. You didn't do anything
wrong yet. I just wanna talk about your story, ABC Mystery. I like it. It's
brilliantly and cleverly written."

"Sa-Salamat."

Ipinakita ni Myr ang kaniyang mga binabasa sabay sabing, "I have been reading the
published chapters at nakita ko kung bakit naisip ni Xavier na i-publish ito kahit
hindi siya isang love story. Content-wise, I can say nothing against it. This story
deserves to be published. However, no matter how I look at your story, it does not
really fit in our line-up."

Napakrus ang mga binti ni Cris pati ang kaniyang mga daliri. "Balak n'yo bang
tanggalin na sa susunod na isyu ang ABC?"

Marahang umiling si Myr habang nakatitig ang kaniyang mga mata kay Cris. "Wala
akong sinabing gano'n. Gusto lang kitang payuhan kung paano mapagbubuti ang
istorya mo. Pero bago ko sabihin kung ano ang nasa isip ko, I wanna know what you
want to achieve dito sa Bloc."

Napakunot ang noo ni Cris sa tanong ni Myr. "Gusto kong ma-publish ang isinusulat
kong kuwento."

"At ano pa?"

"At...?"

"Hindi lang doon nagtatapos ang ambisyon mo, tama? May mas malayo ka pang gustong
marating dito sa publication. Gusto kong malaman kung ano 'yun."

Napatingin palayo si Cris habang iniisip kung ano ba talaga ang gusto niya pang
marating sa Bloc. Hindi niya maintindihan kung anong gustong ipunto ng kaniyang
kausap pero mas minabuti na niyang isipin ang sagot sa katanungan. Bago pa siya
magsimulang magsulat sa Bloc, ang pangarap lang niya e makita sa kanilang literary
magazine ang kaniyang akda. Nang ma-publish ang unang kabanata ng ABC Mystery, ang
tanging nasa isip lang niya'y talunin ang Na-friendzoned ni Mario. Pero hanggang
doon lang ba 'yon? tanong niya sa kaniyang sarili.

Ano ba talaga ang dahilan kung bakit siya nagsusulat? Kung bakit siya
nagpapakahirap na paangatin ang ranggo ng ABC sa nakalipas na buwan?

Sa kaniyang madaliang pagmumuni-muni, biglang niyang naalala ang naging pag-uusap


nila ni Erland sa may vending machine noong araw na pinirmahan niya ang kontrata.
"Bakit hindi tayo mag-set ng deadline? Dapat by the end of the publication year,
ikaw na ang number one writer ng Bloc."

"At dapat sa susunod na publication year, ikaw na ang editor-in-chief ng Writers'


Bloc."

Tama, 'yun nga ang dahilan kung bakit siya nagpapatuloy sa pagsusulat. 'Yun din ang
dahilan kung bakit siya nandito ngayon.

"Ang maging number one," may paninindigan ang mga salitang binitiwan ni Cris.
"Gusto kong mag-number one sa ranking ang ABC Mystery."

Napansin niyang napakurba ang mga labi ni Myr sa kaniyang naging sagot. "As what I
have thought, gano'n ang gusto n'yong marating ni Erland. Pero do you think na
matatalo ng ABC Mystery ang mga love story na sagabal sa landas at mapupunta ito sa
pinatuktok?"

"Nasa number three na ang ABC bago mangyari ang leakage-"

"Pero bumaba ito sa number seven ngayon," kaagad na hirit ni Myr. "At sa tingin ko,
hindi gano'n kataas ang mararating ng iyong kuwento kung walang suporta mula sa
ibang tao. Sa first chapter, suportado ng Bloc Debunker ang iyong kuwento at
hinikayat niya ang kaniyang mga follower na basahin at iboto ito. Sa second and
third chapters na double issue, nakatulong ang promotion ng feature article ng
Avant Garde sa ABC. Sa fourth chapter, nakasama sa cover art ang iyong bidang
tauhan dahilan para lalo kang makahatak ng mga mambabasa. Pero sa fifth chapter na
kakalabas lang ngayong linggo, wala na ang mga pantulak na 'yon kaya bumaba na ang
ranggo ng ABC."

Napailing si Cris sa kaniyang mga narinig. Ayaw niyang tanggapin na umasa lang sa
mga tinatawag na pantulak ang pag-angat sa ranking ng ABC. "Hindi... Hindi totoo
'yan."

"Hindi kita mapipilit kung ayaw mong maniwala, pero that's my assessment as
executive editor. But I can help you achieve your goal only if you would listen to
my recommendation. Don't worry, hindi ko sasabihing itigil mo na ang pagsusulat sa
ABC."

"Kung gano'n, ano ang maipapayo n'yo?"

Iniabot ni Myr sa kaniya ang isyu ng Bloc kung saan na-publish ang chapter four ng
ABC. "I love what you did with that chapter. It's a mixture of romance and mystery.
The stalking in the amusement park, the awkwardness of the characters, the mind-
boggling case. It's really enticing."

"Gu-Gusto n'yong paghaluin ko ang romance at mystery sa mga susunod na kabanata


gaya ng The Secret?"

"FYI, romance story talaga ang The Secret na may halong mystery. Pero ang iyong
kuwento, mystery siya... na dapat mong haluan ng romance kung gusto mong umangat.
Puwede mong gawing crime-solving duo ang bida mong detective at ang kaniyang love
interest, mala-Sherlock Holmes at Dr. Watson. Bigyan mo ng romantic scene every now
and then na tiyak na magpapakilig sa mga mambabasa. I have already read chapter six
and I believe that you can lead the story to that direction. The stalker case? Nice
touch."

Hindi makapaniwala si Cris sa kaniyang mga narinig. Hindi niya inasahang susubukang
kontrolin ng kausap niyang editor ang direksyon ng kaniyang kuwento. "Ang aking
nobela ay isang mystery story at hindi love story. Huwag n'yo itong igaya sa mga
nasa lineup natin. Ako ang writer ng ABC Mystery at ako ang masusunod kung ano ang
magiging takbo ng kuwento!"

"AT AKO ang executive editor ng Writers' Bloc," mahinahong tugon ni Myr na
sinabayan pa niya ng nakakairitang ngiti. "Ako ang nagdedesisyon kung ano ang
lalabas at kung ano ang hindi. Do you really think that a mystery story will stand
out in a magazine filled with love stories? And take note, kahati mo na ngayon ang
The Secret pagdating sa mga reader na type ang mga mystery."

Hindi na nakaimik si Cris, tila sinampal siya sa mukha ng katotohanan. Napagtanto


niyang may punto si Myr na hindi kayang talunin ng ABC ang mga namamayagpag na love
story sa lineup. Oo, naungusan nga niya si Mario pero hindi dahil nagustuhan ng mas
nakararami ang kaniyang kuwento. Oo, nakatuntong sa ikatlong puwesto ang ABC pero
hindi dahil sa sariling sikap niya sa pagsusulat. Maging si Erland, ipinayo noon sa
kaniya na budburan ng kaunting love story ang isang kabanata ng kaniyang kuwento.

"Gusto mong maging number one, 'di ba? I'm already offering the key. You just need
to take it and use it to unlock the potential of your story to be at the top," sabi
ni Myr.

Tumayo na si Cris mula sa kaniyang kinauupuan at tiningnan ang executive editor


nang mata sa mata. "Pag-iisipan ko ang ibinigay n'yong payo. Kung wala na kayong
sasabihin sa 'kin, mauna na ako sa inyo."

"Think about it," sabi ni Myr nang tumalikod na siya. "And by the way, Cris, please
don't tell your editor about my recommendation."

"Wala akong sasabihin sa kaniya."

Paglabas ni Cris ng conference room, napansin niyang nakatingin sa kaniyang


direksyon si Erland. Para hindi magmukhang kahina-hinala, dumiretso siya sa puwesto
nito.

"Kumusta? Anong sinabi ni Myr sa 'yo?" kaagad na tanong ng kaniyang editor.

Mga tatlong segundo rin ang lumipas bago siya nakatugon. "Wala naman. Sinabi lang
niya na nagustuhan niya ang aking kuwento at wala pa siyang balak na ikansela ito
basta mapanitili ko ang kalidad ng bawat kabanata."

"Mabuti kung gano'n."

"O siya, mauna na ako, Earl, magkikita pa kami ni Mariel."

"Cris," biglang tawag sa kaniya ni Erland bago pa niya mahawakan ang doorknob
palabas ng opisina. "Alam kong dismayado ka sa naging ranggo ngayon ng ABC. Pero
kung gusto mong mag-number one ang kuwento mo, alamin mo kung ano ang dapat unahin
sa mga priyoridad mo."

Lumingon siya sa kaniyang editor sabay sagot, "Tatandaan ko 'yan."

*****

Ano'ng masasabi n'yo sa kabanatang ito?

Chapter 18: The Climb


A/N: May nagsabi na ito na raw ang "fall" ni Cris Ibarra. I agree... to
disagree. :)
Na-miss n'yo ba si Simon (sakaling natatandaan n'yo pa siya)?

*****
Damang-dama ni Cris sa kaniyang balat ang nakakapasong init na nanggagaling mula
sa taas. Para siyang nakasaludo habang naglalakad papunta sa campus dahil sa
nakakasilaw na liwanag. Mag-aalas-diyes palang ng umaga pero halos tirik na tirik
na ang haring araw. Hindi na kataka-taka para sa kaniya kung may mga estudyanteng
naka-shades na feeling cool na tila naglalakad sa buwan.

Isa itong pangkaraniwan pero perpektong Lunes para kay Cris, hindi gaya ng ibang
kabataan na halos isumpa na ang unang araw ng school week. Maliban kasi sa walang
assignment na ipinapagawa sa kaniya sa anumang subject at dahil na-send na niya
kagabi ang susunod na kabanata ng ABC Mystery kay Erland, ginising siya ni Mariel
sa pamamagitan ng isang morning call. Hindi lang 'yon, sabay pa raw silang kakain
mamayang lunch time.

Alam niyang hindi pa sila, pero para sa kaniya, parang sila na. Mutual
understanding kumbaga. Kung may dapat siyang pasalamatan sa pag-level up ng love
life niya, 'yun ay ang stalker na naglapit sa kanilang dalawa ni Mariel na
kailanma'y hindi na nagparamdam. Naisip niya tuloy na baka gumagawa ng paraan ang
tadhana para magkrus ang landas niya at ng kaniyang crush.

Nang matapos inspeksyunin ng security guard sa main gate ang kaniyang backpack kung
may patalim, baril o bomba sa loob, palingon-lingon siyang naglakad papasok na
parang may hinahanap siyang nagtatagong assassin na susulpot tulad ng kabute at
bigla siyang sasaksakin. Napatingin siya sa ikalawa hanggang sa ikalimang palapag
ng main school building, mukhang sinisigurong walang sniper na nakatutok ang riple
sa kaniya. Pero ang hindi niya alam, nasa likod pala niya ang panganib na kaniyang
inaasahan.

"KYAAAH! Nandito na SIYAAA!" todo sigaw ng isang grupo ng babaeng parang aninong
nagpakita sa kaniyang likod at nagsimulang bumuntot sa kaniya. Ang bawat isa sa
kanila, may mabilis kinuha sa loob ng kanilang shoulder bag.

"Kainis! Mukhang inaabangan nila ako, ah!" bulong ni Cris sa kaniyang sarili nang
mapansing papalapit na ang mga babaeng nasa likod niya. Sinimulan niyang tumakbo
papunta sa square kung saan nakatambay ang maraming estudyante, umaasang maliligaw
niya ang mga sumusunod sa kaniya. Pero laking gulat niya nang isa pang grupo ng
kababaihan ang humarang sa kaniyang daan. Para tuloy siyang isang magnanakaw na
wala nang malusutan.

"Sa wakas, nahuli ka na namin!" sigaw ng isang babaeng mukhang matagal nang
hinihintay ang pagkakataong ito. "Hindi ka na makakatakas!"

"Te-Teka! Huwag muna ngayon! Makikipagkita ako sa editor ko!" pakiusap ni Cris sa
kanila habang unti-unti silang humahakbang palapit sa kaniya.

"Hindi!" sigaw ng babaeng nasa likod niya. "Hindi na namin mapapalampas ang chance
na 'to! Ilang beses mo na kaming tinakbuhan at tinaguan!"

Sabay-sabay itinutok ng mga babae ang kanilang mga kopya ng pinakabagong isyu ng
Bloc. Kapansin-pansin sa cover nito ang isang lalaki at isang babaeng nakasuot ng
damit tulad ng kay Sherlock Holmes. Maliban sa naglalakihang letra ng WRITERS' BLOC
sa taas, makikita sa baba ang pamagat ng ABC MYSTERY na may subtitle na "Crime-
solving duo versus Lucky 9 gangsters!"

"Pa-autograph!" sabay-sabay na sigaw ng mga babaeng nakapalibot sa kaniya.

"Okay! Okay! Kalma lang!" Inilabas ni Cris ang kaniyang itim na bolpen at
sinimulang pirmahan isa-isa ang bawat cover page ng Bloc na iniaabot sa kaniya. May
mga nagre-request pa nga na sulatan niya ng dedication kaya lalong tumagal ang book
signing kuno ni Cris.

Ni minsa'y hindi niya inakalang aabot sa puntong may mag-aabang sa kaniyang


pagpasok sa campus para lang magpapirma ng kanilang kopya ng Bloc. Nagsimula ang
lahat tatlong linggo na ang nakalilipas, noong ipinublish ang Chapter Six: Game of
Shadows, ang stalker case na base sa totoong pangyayari. Dahil may pagka-love story
ang kabanatang 'yon, biglang umakyat sa number four ang ranggo ng ABC. Natuwa siya
sa naging resulta kaya naisip niyang baka tama si Myranda Perez, ang kanilang
executive editor, na kapag hinaluan ng love story ang isang mystery series, mas
bebenta ito. Gaya ng inirekomenda sa kaniya, ginawa niyang mag-partner ang kaniyang
bidang college detective at ang babaeng love interest nito sa sumunod na kabanata.

Ngayong nagkaroon ng bagong twist ang ABC, kasalukuyang nasa ikalawang puwesto ang
kaniyang nobela. Kasama niya sa top three ang He's Dating the Cold-hearted Princess
na nananatiling number one at ang The Secret na kagitgitan niya sa ikalawa at
ikatlong puwesto. Kumpiyansa siyang mananatili sa top three ang ABC dahil patapos
na ang mga lumang hit series tulad ng Snow White and the Seven Gangster at Diary ng
Ampalaya habang ang series ng kaniyang dating karibal na Para Sa Mga Na-friendzoned
ay hindi na muli pang nakaayat kaya ipinatapos na ito noong nakaraang linggo.

"Kailan ba magtatapat ang detective sa babaeng nagpapatibok ng kaniyang pusong


bato?" tanong ng isa niyang fan matapos iabot ang kaniyang kopya. "Magkakaroon ba
ulit ng sitwasyon kung saan malalagay sa panganib ang buhay ng ngayo'y partner niya
gaya sa chapter five?"

"Abangan n'yo na lang sa mga susunod na kabanata," sagot ni Cris sabay balik sa
pinirmahang kopya. "Abangan n'yo rin kung paano siya magtatapat."

"Nakita mo ba 'yung ginawa naming Facebook fan page ng ABC Mystery? May mga ipino-
post kaming mga possible scenario at fan theory doon!"

"Hindi ko pa nakita dahil hindi ako mahilig mag-Facebook at saka ayaw kong
maimpluwensiyahan ng mga mambabasa," tugon ni Cris habang sinusulatan ang sunod na
ibinigay na kopya sa kaniya. Bigla siyang napatigil at napatingin sa nagtanong.
"Teka, may fan page ang ABC Mystery?!"

Narinig niya noon na may fan page din ang Para Sa Mga Na-friendzoned ni Mario
Santiago noong naging hit series ito ilang buwan na ang nakalilipas. Doon din kasi
siya binatikos matapos niyang ipahiya si Mario sa isang coffee shop.

Nang matapos na ang pirmahan, pinadaan na si Cris ng kaniyang mga fan. Inabot din
siya ng mahigit sampung minuto doon. Madali siyang naglakad patungo sa opisina ng
Bloc kung saan naghihintay ang kaniyang editor.

Maaaring may magtanong: Paano niya nakumbinse si Erland, ang tanging editor sa Bloc
na tila kinamumuhian ang mga love story, na payagang haluan na ng romance ang
kanilang mystery series?

"Gusto mo silang gawing crime-solving duo?" Naaalala pa ni Cris na 'yon ang


pinakaunang tanong ni Erland nang magkita sila sa Starbucks para pag-usapan ang
chapter seven ng ABC dalawang linggo na ang nakararaan. "Orihinal mo ba itong ideya
o may nagpayo sa 'yo na ganito ang gawin mo?"

"Ako mismo ang nakaisip na gawin silang mag-partner," pagsisinungaling ni Cris.


Masuwerte siya't hindi alam at hindi niya ipinaalam sa kaniyang editor na kay Myr
galing ang ideyang 'yon. "Nakita mo naman na tumaas ang ranggo ng ABC. Kung ide-
develop ko ang romance side ng kuwento, puwede pa tayong mag-number one! Siguradong
nagsasawa na ang mga mambabasa sa mga cliche na love story kaya maghahanap sila ng
bago."

Ibinaba ni Erland ang binabasa niyang draft at uminom muna ng frappucino. "Baka
nakakalimutan mong isa itong mystery story, isang crime fiction na naka-set sa
isang unibersidad."

"Pero bakit hinahayaan mo ang The Secret sa romance plot nito?"

"Huwag mong ipagkumpara ang mansanas sa orange," mahinahong sagot ni Erland. "Ang
The Secret ay love story na may halong mystery. Ang ABC Mystery ay mystery, halata
naman sa pamagat, sa simula't sapul."

Napakunot ang noo ni Cris at napakrus ang kaniyang mga braso. "Nakalimutan mo na
bang ikaw mismo ang nagsabi sa 'kin na bigyan ko ng love story ang ABC para makuha
natin ang mga mahilig sa mga gano'ng uri ng kuwento? Remember chapter four?"

"Kaunting love story," binigyang diin ng kaniyang editor ang unang salitang lumabas
sa kaniyang bibig. "Kumbaga sa pagkain, dressing lang ang ipinapadagdag kong
element of romance, hindi siya kasama sa ingredients. Sa balak mong gawin, gusto
mong permanenteng isama sa pangunahing recipe ang love story dahilan para tuluyang
mag-iba ang lasa ng iniluluto at ihahain mong putahe."

Napailing si Cris sa naging paliwanag ng kaniyang editor. Ipinapasok niya lang sa


isang tenga at ipinalabas sa kabila ang mga narinig na salita. "Kailangang
magkaroon ng character development ng bida kong detective. Hindi puwedeng manatili
siyang loner hanggang sa matapos ang kuwento kaya nga ipapasok ko ang kaniyang love
interest sa kaniyang buhay."

Napasandal si Erland sa kaniyang upuan at tinitigan muna si Cris bago simulan ang
kaniyang buwelta. "Sabihin mo nga sa 'kin, Cris, bakit bigla mong naisip iyan?
Bakit parang gusto mong panindigan na haluan ng love story ang ABC Mystery?"

Parang deja vu kay Cris ang tanong na 'yon. Iba ang mga salitang ginamit ni Erland
at ang paraan ng kaniyang pagtatanong pero hindi maiwasan ni Cris na maalala ang
"What do you wanna achieve?" na tanong noon ni Myr. "Alam mo naman na ang gusto
kon--"

"Dahil ba ito kay Mariel?" Hindi na nahintay ni Erland ang kaniyang tugon. "Dahil
ba unti-unti nang bumubuti ang takbo ng buhay pag-ibig mo kaya naisipan mong gawin
itong inspirasyon sa iyong nobela? Ang pag-stalk ng detective sa amusement park
gaya ng pag-stalk mo kina Mariel at Mario, ang stalker case na base sa nangyari kay
Mariel at ang pagpa-partner ng detective at ng kaniyang love interest kagaya ng
pagsasama n'yo ngayon ni Mariel. Hindi ko maiwasang maisip na tila nagiging
adaptation na ng buhay mo ang ABC Mystery, intensyonal man o hindi. Fiction pa ba
ang sinusulat mo o ang reyalidad mo?"

"WALANG KINALAMAN SI MARIEL DITO!" Hindi na napigilan ni Cris ang kaniyang


pagkairita sa paulit-ulit na pagbanggit at pagdawit ni Erland sa pangalan ng
kaniyang crush. Pero ngayon lang niya napagtanto, sa ilang linggo na niyang
pagsusulat, na tila maihahalintulad ang ilang eksena ng ABC sa mga nangyayari sa
kaniyang buhay.

Nang napansin niyang nakatingin ang lahat ng customer sa coffee shop maging ang mga
empleyado, napabulong siya nang parang ahas at nagpatuloy, "Ginagawa ko ito dahil
gusto kong maging number one ang ABC Mystery. Hindi ba 'yon ang ginawa nating deal
noon sa tapat ng vending machine? Na magiging number one akong writer ng Bloc at
magiging editor-in-chief ka. Kung mapupunta sa pinakatutok ang ABC, makakatulong
'yon sa 'yo, 'di ba?"
Tila ang kanilang mga mata na ang nag-usap nang magkaroon ng katahimikan sa pagitan
nilang dalawa--ang mga mata ni Cris na determinado at puno ng pag-asa at ang kay
Erland na walang buhay.

Makalipas ang limang segundo, napainom ulit si Erland ng kaniyang frappucino at


sumagot, "Basta mangingibabaw pa rin ang mystery kaysa romance, ayos lang sa 'kin
bilang editor mo. At saka nasa 'yo pa rin kung susundan mo ang mga payo ko. Kung sa
tingin mo'y makabubuti sa kuwento mo at ambisyon mo, hindi kita pipigilan. Ituloy
mo lang."

At doon nagkasundo ang dalawa tungkol sa magiging takbo ng kanilang relasyon bilang
writer at editor. Sa mga sumunod nilang pagkikita, napansin ni Cris na mas naging
open-minded na si Erland sa bagong romance sub-plot ng ABC. Malamang, aniya, nakita
ng kaniyang editor na tama ang landas na tinatahak ng kanilang kuwento.

Ngayong araw, ipinatawag siya sa opisina ng Bloc para pag-usapan ang chapter nine
ng ABC. Pagpasok ni Cris sa lobby, kaagad niyang napansin si Erland na may kausap
na lalaking nakasalamin sa may couch. Napalingon ito sa kaniya sabay bati, "Nandito
na pala si Ibarra, Sir Earl."

Umupo si Cris sa tabi ni Simon Morayta, ang manunulat ng The Secret, at nagpahinga
muna nang kaunti bago magsalita. "Pasensya na kung late ako. Hinirang ako ng mga
nagpapapirma sa akin."

"Wow! May fans ka na pala, Ibarra!" masiglang komento ni Simon. "Mabuti pa sa 'yo,
may mga nagpapa-autograph, sa 'kin mukhang wala pa."

"Talaga? 'Di ba nasa top three ka na? Dapat may mga nag-aambush na sa 'yo o kaya
nagbibigay ng fan letter."

Inilabas ni Simon mula sa kaniyang bag ang isang bulto ng mga sulat at ibinigay kay
Cris. "May mga natatanggap akong mga sulat, mga hate letter. Ni minsan hindi pa ako
nakabasa ng mga salitang 'Ang galing mong magsulat, kuya, idol kita' sa mga
nagpapadala sa 'kin ng mga 'yan. Lahat ay puro 'Bakit mo pinatay 'yung bida?
Mamamatay tao ka! Sana sumunod ka na. Sana ikaw na lang 'yung namatay!' kaya
pakiramdam ko tuloy, baka may bigla na lang mananaksak sa 'kin paglabas ko ng dorm
o campus."

Mukhang totoo nga ang sinasabi ni Simon, naisip ni Cris, habang binabasa ang mga
malulutong na mura para sa kaniya. Hindi na kataka-takang ganito ang magiging
reaksyon ng mga mambabasa ng The Secret dahil love story ito na may tragic twist
gaya ng pagpatay sa mga bidang tauhan o 'yung mga tauhang hindi karaniwang
namamatay sa mga cliche na love story.

Kahit nakikipag-usap at nakikipagtawanan si Cris kay Simon, hindi niya maiwasang


isipin na isa siya sa mga hadlang sa pagiging number one. Maaari kasing sa susunod
na linggo, bumaba ang ABC at mag-number two na ang The Secret. Hindi naman gano'n
kalaki ang lamang ni Cris sa mga boto sa Facebook poll. Dahil pareho sila ng
editor, mukhang magkakampi silang dalawa pero sa loob-looban nila, may kompetisyong
namamagitan sa kanila.

"Alam kong masaya kayong dalawa na nasa top three na kayo pero huwag kayong
masyadong maging kampante," paalala ni Erland sa kanila matapos ibalik ni Cris ang
mga sulat kay Simon. "Nananatili pa ring number one ang pambato ni Tom at mahirap
siyang pabagsakin dahil matatag na ang kaniyang readership."

"Dalawa naman kami ni Ibarra kaya siguradong kakayanin namin siyang higitan, kung
sino man siya." Taliwas sa sinabi ng kanilang editor, masyadong kumpiyansa si
Simon.

Napatingin si Cris sa kaniyang kasamang manunulat nang may biglang pumasok sa


kaniyang isipan. Parang may kakaiba kasi kay Simon. Una, apelyido ang ginagamit
nitong pantawag sa kaniya imbes na ang kaniyang palayaw na Cris. Pangalawa, sa mga
naunang pagkikita nila, laging may kasamang "Master" ang tawag nito sa kaniya.
Dahil ba pareho na silang manunulat na nasa mataas na ranggo kaya ba hindi na
master ang tawag ni Simon sa kaniya? Kung anuman ang dahilan, ayaw nang malaman ni
Cris.

"Hindi lang siya ang kalaban," tugon ni Erland. "Sa susunod na linggo, ipa-publish
na ang bagong series ni Mario Santiago. Tiyak na malaking pasabog ito at posibleng
makuha niya ulit ang trono. Hindi basta-basta susuko si Elaine kaya siguradong
pinaghandaan nila ito."

"Kung gano'n, babalik na pala ulit siya sa laban," naisip ni Cris habang tahimik na
nakikinig sa kaniyang mga kasama. Kahit nalamangan ng kaniyang ABC ang Na-
friendzone ni Mario, hindi niya ito maituturing na opisyal na tagumpay. Sa halip na
mangamba, natuwa pa siya sa balita dahil muli siyang magkakaroon ng pagkakataong
talunin ang pinakauna niyang karibal sa Bloc. Sana nga lang ay wala nang
pinagkopyahan ng ideya si Mario para maging patas at malinis ang kanilang laban.

"Sa susunod na linggo na ang founding anniversary ng Writers' Bloc. Ikasampung


anibersaryo na natin 'to kaya gustong gawing enggrande ni Myr ang selebrasyon,"
anunsyo ni Erland habang binabasa ang isang piraso ng papel. "Kagaya ng mid-year
convention, may theme din ito pero mas relevant sa ating grupo. Ang mga dadalo raw
ay dapat nakabihis tulad ng mga tauhang nasa isinusulat o ine-edit nilang kuwento.
Kaya pag-isipan n'yo na ang susuotin n'yo."

"Eeexciting!" Masayang bulalas ni Simon na sinamahan pa niya ng mga nagniningning


na mga mata. "Parang cosplay event! Pero feeling ko mas cool at mas astig 'to! Ano
sa tingin mo, Ibarra?"

"Susuotin ko na lang 'yung ginamit kong pang-stalk kina Mariel at Mario noon,"
bulong ni Cris, hindi pinansin ang tanong ng kaniyang kasama.

"Kung wala na kayong tanong, puwede na kayong umalis."

Nauna nang nagpaalam si Simon sa kanila dahil may pasok pa siya ng alas-onse ng
umaga habang si Cris ay nanatiling nakaupo sa couch.

"Earl, sabi mo pag-uusapan natin ang tungkol sa ABC?"

Papasok na sana ng opisina si Erland nang bigla siyang napabalik sa may couch.
"Pasensya na, muntik ko nang makalimutan. Late ka kasing dumating."

"Nabasa mo na ba 'yung sinend ko sa 'yo?"

"Yung chapter nine? Oo, nabasa ko na kagabi. May ilang typographical at grammatical
errors lang pero okay na siya for publishing," tugon ni Erland sa kaniya habang
pinapakita ang mga papel na may mga pulang marka. "Sa tingin ko, mananatili pa rin
sa top three ang ABC."

"May komento ka ba tungkol sa kabanatang 'yan?"

"Wala naman. Mukhang sinusundan pa rin nito ang gusto mong plot kaya wala pa akong
nakikitang mali. Hindi ko lang alam kung ano na ang mga susunod na mangyayari.
Gusto mo bang pag-usapan natin ngayong lunch? May pasok din kasi ako ngayon."
"Pasensya na pero... magkasabay kami ni Mariel mamaya," tugon ni Cris, may
panghihinayang ang kaniyang tono. "Mamayang hapon kaya?"

"Medyo busy rin ako," sagot ni Erland sabay tayo. "Sa susunod na lang kapag wala na
tayong masyadong ginagawa. May kailangan ka pa ba? Kailangan ko nang pumasok."

Tumayo na rin si Cris at tumugon, "Wala na akong concern na related sa Bloc."

"Sige, see you around."

Nagkahiwalay na ng direksyon ang dalawa. Si Erland ay pumunta sa kaliwa papasok sa


opisina ng kanilang publication habang si Cris ay pumunta sa kanan palabas ng
lobby.

*****
Ano ang masasabi n'yo sa kabanatang 'to?

Chapter 19: Straw


A/N: Kung sinuman ang maka-gets sa pamagat ng kabanatang 'to, sa tingin ko'y may
ideya na sa mga susunod na mangyayari.

Anyway, kumusta na kaya si Bloc Debunker?

*****

Tak-tak-tak-tak-tak

Walang hinto ang mga daliri ni Cris sa pagta-type sa kaniyang laptop. Nakapokus ang
kaniyang kulay brown na mga mata sa screen nito habang sabay na iniisip at
isinusulat ang mga eksena ng chapter ten ng ABC Mystery. Kada minuto, napapatingin
siya sa word count ng kaniyang file para tingnan kung pasok na ito sa minimum word
limit. Sa kaniyang pagkadismaya, nasa 777 words palang siya kahit na mag-iisang
oras na siyang nagta-type.

Hindi kagaya dati na sa tahimik niyang dorm isinusulat ang susunod na kabanata ng
kaniyang nobela, nasa isang tea shop ngayon si Cris, nakaupo sa bandang likuran
kung saan mas kaunti ang mga taong nagtsitsimisan. Mabuti na lang at mellow ang mga
kantang ipinapatutog dito kaya hindi siya masyadong nadi-distract.

Sa kaniyang harapan , nakaupo si Mariel na painom-inom ng milk tea habang may


ibina-browse sa kaniyang phone. Ramdam ni Cris na hindi siya kinakausap ng kaniyang
kasama para hindi siya maistorbo sa kaniyang ginagawa. May hinahabol kasi siyang
deadline kaya tuloy-tuloy lang ang "tak-tak" na tunog ng keyboard.

May ilang araw si Cris para isulat ang chapter ten pero ngayon lang niya naisipang
simulan at tapusin ito sa isang upuan. Lagi kasi silang lumalabas ni Mariel noong
mga nakalipas na araw-naglilibot sa mall, naglalaro sa Tom's World at nanonood ng
sine. May mga sumasabay pang assignments kaya hindi niya mabigyan ng sapat na oras
ang kaniyang pagsusulat.

Matapos ang isang malakas na tunog ng pagpindot sa isang key, napasandal muna ang
kaniyang likod sa upuan at nag-unat ng kaniyang mga kamay. Tumingin siya sa
kaniyang kasama at sinabing, "Pasensya na kung medyo busy ako ngayon. Ipinapa-send
kasi kaagad sa 'kin ni Earl 'yung draft. May party kasi kami ngayong Sabado kaya
maagang ipinapa-submit ang mga manuscript."

Umiling si Mariel nang may kasama pang ngiti. "Walang problema sa 'kin 'yon. Basta
magpokus ka sa ginagawa mo."
Kinuha ni Cris ang kaniyang milk tea na hindi pa niya naiinom mula kanina. "Sa
susunod, hindi na ako magpo-procrastinate. Tatapusin ko na kaagad ang mga susunod
na kabanata para may oras ako para sa ibang bagay."

"Sinabi ko na rin 'yan minsan pero hindi talaga natin maiwasang tapusin ang dapat
tapusin sa araw mismo ng deadline," tugon ni Mariel matapos makasipsip ng kaunti sa
kaniyang inumin. "Teka, may nakita akong link na kumakalat sa Facebook, mula sa
Bloc Debunker. Nakita mo na ba 'to?"

Tiningnan ni Cris ang naka-flash sa phone screen ni Mariel. May halong pagkagulat
ang kaniyang reaksyon nang mabasa ang pamagat ng pinakabagong blog entry ng
kontrobersiyal na blogger.

ABC, nasaan na ang mystery?


Na-one, two, three?
Posted by Bloc Debunker 12:18PM

"Mukhang ako na ngayon ang pinagdidiskitahan ng blogger na 'yan," bulong ni Cris.

Hindi na niya tinangkang basahin pa ang laman ng blog entry. Halata naman kasi sa
pamagat kung anong posibleng nilalaman nito. Ipinagpatuloy na lang niya ang pagta-
type para matapos na ang kaniyang chapter ten.

"Nakakapagtaka kasi na dati, puro positive review ang ipino-post ng Bloc Debunker
tungkol sa ABC. Ngayon, naging negative na," komento ni Mariel habang binabasa ang
ilang bahagi ng blog. "May isang part dito na itinatanong kung si Cris Ibarra pa
rin ang nagsusulat ng mga bagong kabanata. Baka raw kasi ghost writer at ginagamit
lang ang pangalan mo."

"Hindi siguro nagustuhan ni Clarence at ng kaniyang kasabwat ang bagong development


sa ABC," naisip ni Cris nang magbalik ang kaniyang tingin sa screen ng laptop.
"Kung hindi ko iniba ang timpla ng kuwento, baka hindi nakaakyat sa ikalawang
puwesto ang ABC. Sabi nga nila, kapag ang puno'y hitik sa bunga, binabato."

Ibinaba ni Mariel ang kaniyang phone at napatingin sa kaniya. "Pero... wala ka bang
ideya kung sino ang maaaring nasa likod nito?"

Pansamantalang napahinto si Cris mula sa pagta-type at nabaling ang tingin sa


kaharap. Medyo may pagdadalawang isip siya kung dapat ba niyang ibahagi ang
kaniyang nalalaman. "Noong nilooban ang opisina ng Bloc, binura ang lahat ng mga
file sa mga computer at in-upload sa blog ang mga dapat sana'y ipa-publish na
kabanata, nagkaroon ako ng lead sa katauhan niya."

"At anong lead 'yon? May suspek ka ba?"

"Dapat ko bang sabihin sa kaniya na ang editor-in-chief nila'y konektado sa blogger


na 'yon?" tanong ni Cris sa sarili matapos mapansin ang interes ng kaniyang kasama.
May tiwala naman siya kay Mariel, pero batid niyang may mga bagay na dapat ilihim
kahit sa mga taong malalapit at mahal niya.

"Sa tingin ko, isa sa mga editor ng Bloc ang nasa likod ng insidenteng 'yon."
Tandang-tanda pa niya noong pumasok siya sa lobby ng kanilang publication at
nakitang halos balisa ang lahat ng editors dahil sa nangyari. "Noong nag-meeting
kami minsan, sinabi ni Earl na may tatlong editor na pasok sa criteria namin bilang
suspek. Si Jodie na hindi pumunta sa gabing nangyari ang panloloob. Si Tom na
nagpaalam na umalis sa kalagitnaan ng pagtitipon dahil sumakit ang tiyan. At
mismong si Earl na umalis bago magsimula ang dinner noon."
"Jodie, Tom at Erland... Isa sa kanila ang posibleng kasabwat ng Bloc Debunker?"

"Tama, isa sa kanila ang maaarin-"

Napatigil siya nang mapansin ang isang anino sa screen ng kaniyang laptop.

"Pasensya na kung natagalan ang order n'yo," parang kabuteng sumulpot si Nielsen sa
kanilang gilid, may dala-dalang tray na may tatlong platito ng donut at nagyeyelong
milk tea. Umupo siya sa tabi ni Mariel at inilapag sa mesa ang kaniyang mga dala.
"Wala kasing pamalit sa limandaang piso si ate sa cashier kaya pinaghintay pa nila
ako doon."

"Salamat, Nielsen," tugon ni Cris sabay kuha ng donut gamit ang kaniyang kaliwang
kamay.

"Pupunta lang ako sa washroom," sabi ni Mariel bago siya tumayo at naglakad patungo
sa washroom na pambabae.

Nang makaalis na ang kanilang kasama, kumuha na rin ng donut si Nielsen sabay
sabing, "Hindi mo naman siguro ako pinapunta rito para maging third wheel sa inyong
dalawa ni Mariel, tama?"

"Matinik talaga itong si Nielsen." Hindi na nagtaka si Cris kung paano nalaman ng
kaniyang kaibigan na may kailangan siya sa kaniya.

Huminto muna siya sa pagta-type at napatingin sa washroom ng mga babae. "May lima
hanggang pitong minuto tayo bago bumalik dito si Mariel. Hindi ko alam kung dapat
siyang pagkatiwalaan pero mas mabuting sa pagitan muna nating dalawa ang bagay na
'to."

"Tungkol kay Clarence at ang koneksyon niya sa Bloc Debunker?"

Napatango si Cris habang nakabantay ang kaniyang mga mata sa washroom. "Wala pa
ring kakaiba sa mga kinikilos ng inyong EIC, tama?"

"Walang kahina-hinala. Wala ring taga-Bloc na dumadaan o bumibisita sa office


namin," sagot ni Nielsen habang unti-unting kumakagat sa hawak na donut. "Kung may
komunikasyon siya sa kaniyang espiya sa inyo, tiyak na sa phone sila nagpapalitan
ng mensahe o kaya'y nag-uusap."

Ipinatong ni Cris ang kaniyang dalawang siko sa mesa at nagkrus ang kaniyang mga
daliri. "Isang buwan na ang nakalilipas mula nang mangyari ang leakage pero wala pa
rin tayong nakukuhang impormasyon. Hindi na sila kumilos mula nang matanggal sa
puwesto si Xavier. Hindi ko alam kung nagustuhan nila ang direksyon ng Bloc
ngayong kapitan na si Myr, pero patuloy pa rin sila sa pambabatikos sa mga cliché
love story."

"Bakit hindi mo imbestigahan 'yung mga suspek?" tanong ng kaniyang kaibigan,


pinunasan ang puting powder sa bibig. "Writer ka na ngayon ng Bloc kaya hindi
magiging mahirap 'yon para sa 'yo."

"Magiging kahina-hinala kung basta-basta ko sila lalapitan at oobserbahan kung may


kontak sila kay Clarence," sagot ni Cris na may kasabay na pag-iling. "Sa kanilang
tatlo, si Earl ang may motibo, pero wala akong napansing kahina-hinalang kilos niya
mula nang magkasama kami bilang writer at editor."

Nagkaroon ng panandaliang katahimikan sa pagitan ng dalawang kaibigan, tila iniisip


nila sa mga sandaling 'yon kung paano nila maibubunyag ang katauhan ng espiya sa
Bloc.
"Teka," biglang may ideyang pumasok sa utak ni Cris, "kung phone ang gamit nila
bilang paraan ng komunikasyon, alin ang mas prefer ng inyong EIC? Text o tawag?"

Napaisip nang sandali si Nielsen, inaalala kung alin sa dalawang paraan ang mas
ginagamit ni Clarence. "Tawag. Ayaw niyang nagte-text dahil masyadong ma-effort sa
parte niya."

"Hmm..." Napahaplos si Cris sa kaniyang baba habang iniisip kung paano magagamit
ang impormasyon na 'yon sa kanilang balak. "May naiisip akong plano pero depende sa
'yo kung magagawa natin 'to."

Napakunot ang noo ni Nielsen. "Huh? Bakit sa 'kin lang?"

"Dahil sa ating dalawa, ikaw lang ang malayang nakapapasok sa inyong opisina,"
paliwanag ni Cris habang sumusulyap sa pinto ng CR. "Medyo delikado, pero ito lang
ang naiisip kong paraan sa ngayon para makakalap tayo ng impormasyon."

"Paano?"

"Palihim kang maglalagay ng recorder sa desk ni Clarence para mai-record ang mga
usapan niya bawat araw. Kung totoo ngang mas gusto niyang tawagan ang isang tao
kaysa i-text, malaki ang posibilidad na ma-record natin ang usapan nila ng espiya."

Halatang-halata ni Cris ang pagkagulat sa mukha ni Nielsen na sinabayan pa niya ng


protesta. "Te-Teka! Alam mo ba kung ano 'yang ipinapagawa mo sa 'kin? Wiretapping!
Gusto mo bang ma-expel ako o tayong dalawa dahil sa isang ilegal na gawain?"

"Basta maingat ka sa paglalagay ng recorder, hindi ka mahuhuli. At saka, ayaw mo


bang malaman ang ibang bagay na hindi sinasabi sa inyo ng senior editors? Tapos
puwede ka pa-"

Itinaas ni Nielsen ang kaniyang kanang kamay, senyales para patigilin ang kaniyang
kaibigan sa pagsasalita. "Bakit ba kailangan nating pag-aksayahan ng oras ang
pagtukoy kung sino ang espiya sa inyo? Alam kong interesado ka sa misteryong ito
pero ano bang mapapala natin dito?"

Napainom muna ng milk tea si Cris bago sumagot. "Kung nagawa nilang burahin ang mga
file sa computer ng Bloc at i-leak ang mga chapter na dapat ay ipa-publish noong
linggong 'yon, kaya pa nilang gumawa ng mas matinding pinsala sa Bloc. Nagawa nga
nilang sirain ang reputasyon ni Mario bilang manunulat. At, intensyonal man o
hindi, napatalsik nila si Xavier bilang EIC."

Taimtim na nakikinig sa kaniya si Nielsen, mukhang pinag-iisipan kung sapat ba ang


kaniyang dahilan para gawin ang isang delikadong misyon.

Dahil walang tugon ang kaniyang kausap, nagpatuloy si Cris. "Simula nang naging
writer ako sa Bloc, mas naging makabuluhan na ang college life ko, lalo na ngayong
malapit na sa tuktok ang ABC. Ayaw kong may mangyaring masama sa publication na
kinabibilangan ko. At hangga't may espiya sa amin, hindi ako magiging kampante sa
kinauupuan ko. Tahimik nga sila ngayon, pero baka dumating ang araw na may bumulaga
na naman."

Nagkapalitan ng tingin ang dalawang magkaibigan. Wala nang umimik. Wala munang
kumibo. Hindi na tinangka pa ni Cris na dagdagan ang kaniyang paliwanag. Umaasa
siyang maiintindihan ni Nielsen kung ano ang nagtutulak sa kaniya para ituloy ang
imbestigasyon at gawin ang lahat para sa Bloc.

"Sige, payag na ako," sagot ng kaniyang kaibigan matapos ang sampung segundo ng
katahimikan. "Pero kapag sumabit ako, damay ka rin. Deal?"

"Deal!"

"Anong sumabit?" Hindi namalayan ng dalawa na nakalabas na ng washroom si Mariel at


nakatayo sa kanilang tabi. "May binabalak ba kayong gawin na ilegal? Cris?"

"Lagot! Narinig ba niya ang pinag-usapan namin?" Pilit na napangiti si Cris sa


kaniya at sinubukang hindi magmukhang kahina-hinala. "Ah... eh... Ang ibig sabihin
ni Nielsen, kapag sumabit siya sa top ten sa klase ngayong semester, damay ako sa
mga ililibre niya sa Starbucks."

Tila kumbinsido naman si Mariel sa kaniyang palusot kaya hindi na siya nagtanong pa
at nagbalik na lang sa kaniyang upuan. "Akala ko kung ano na."

"Mga law-abiding student kami ni Cris kaya hindi namin magagawang gumawa ng
masama," depensa ni Nielsen na nakisakay sa palusot ng kaniyang kaibigan. "Kapag
sumabit ako, idadamay na rin kita sa libre, Mariel."

"Salamat."

Nakahinga nang malalim si Cris, tila nabunutan ng tinik bago pa ito makapunta sa
kaniyang lalamunan. Ipinagpatuloy na niya ang pagta-type sa kaniyang laptop. Nasa
1241 words na ang kaniyang chapter ten. Nang mapatingin siya sa orasan, nanlaki ang
kaniyang mga mata at napabulong ng "Oh, sh*t. Magpa-five o'clock na pala!"

Kaagad niyang inalabas ang kaniyang phone at tinitigan ang screen nito, parang may
hinihintay siyang papasok na text message o tawag.

Bzzz... Bzzz... Bzzz...

Gaya ng kaniyang inaasahan, lumitaw ang mga salitang "Erland is calling" sa screen.
Alam niyang may pagka-punctual ang kaniyang editor kahit sa mga maliliit na bagay
kaya hindi na siya nagtaka kung bakit saktong alas-singko ng hapon ay tumatawag na
siya.

"He-Hello, Earl? Mu-Musta!" bati niya sa taong nasa kabilang linya. Batid niyang
ang tawag na 'yon ay tungkol sa manuscript na hindi pa niya tapos. Hindi nagagalit
ang kaniyang editor, pero hindi niya maiwasang makaramdam ng kaba habang hinihintay
ang magiging tugon nito.

"Kumusta na ang chapter ten? Hindi ko pa nakikita sa inbox ko ang email mo." Wala
ni isang hi o hello. Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Erland sa kaniyang pakay.
Katulad pa rin ng dati, tunog bored pa rin ang kaniyang boses kaya hindi mawari ni
Cris kung ano ang mood niya.

"Pa-Pasensya na. Nakalahati ko na 'yung draft. Medyo naging busy kasi ngayong
linggo kaya hindi ko kaagad natapos."

"Sino 'yan, Cris?" tanong ni Mariel matapos mapansin ang pinagpapawisang mukha ng
kaniyang kasama.

"May kasama ka ngayon? Si Mariel ba 'yan?" Tila matalas ang pandinig ng kaniyang
editor kaya kahit medyo malayo ang babaeng kaniyang tinutukoy ay narinig pa rin ni
Erland ang boses nito.

"Ka-Kasama ko siya ngayon... pati 'yung isa ko pang kaibigan," sagot ni Cris,
napapaisip kung tama bang sabihin ang katotohanan. Ayaw kasi niyang isipin ni
Erland na gumigimik siya kahit may hinahabol siyang deadline.
"Nasa tea shop kami ngayon. Pero huwag kang mag-alala, tinatapos ko na ngayon ang
chapter ten. Kaya kung okay lang sa 'yo, puwede bang pa-extend ng deadline?
Hanggang mamayang madaling araw?"

....

Nagkaroon ng katahimikan. Hindi alam ni Cris kung ibinaba na ni Erland ang tawag o
bigla siyang nakatulog habang nakikipag-usap.

"Sige, hanggang mamayang alas-dose ko hihintayin ang e-mail mo."

"Salamat, Earl!" masayang sagot ni Cris sabay baba sa tawag. Napatingin siya sa
kaniyang dalawang kasama. "Hanggang mamayang hatinggabi na ang deadline. Puwede
muna akong magpahinga sa ngayon."

"Bakit hindi mo pa tapusin ngayon?" tanong ni Nielsen habang sumisipsip ng milk


tea. "Kaya mo naman sigurong tapusin 'yan sa loob ng dalawa o tatlong oras. Ikaw
pa?"

Muling napaunat ang mga kamay ni Cris at sinabing, "Medyo natutuyo na ang utak ko.
Kailangan ko munang mag-break mula sa pagsusulat. Makakapaghintay naman si Earl
hanggang midnight."

*****

Nasa 20's na ang WB sa susunod! Abangan sa susunod na kabanata ang 10th Anniversary
Party ng Writers' Bloc, ang climax ng Arc III: Reality versus Fiction! Isang
mahalagang announcement ang nag-aabang!

By the way, I need someone whom I can consult about the story. If interested,
please send me a PM. Thanks!

Ano ang masasabi n'yo sa kabanatang ito?

Chapter 20: Climax


A/N: Huwag n'yo munang i-play ang video hangga't hindi n'yo nababasa ang katapusan
ng kabanatang ito.

Salamat sa mga patuloy na sumusuporta sa WB! Enjoy reading!

*****

"And now, to give us her welcome remarks, let's call on Myranda Perez, executive
editor of Writers' Bloc!"

Napuno ng masigabong palakpakan ang clubhouse habang naglalakad si Myr sa red


carpet papunta sa harapan. Nakasuot siya ng pulang strapless gown na abot hanggang
tuhod kaya kitang-kita ang seksi niyang pangangatawan. Nakapusod rin ang kaniyang
buhok dahilan para hindi siya kaagad makilala ng mga editor.

Isa si Cris Ibarra sa mga masiglang sumalubong sa kanilang pinakamataas na editor


sa pamamagitan ng pagpalakpak. Gaya noong ini-stalk niya at ni Nielsen sina Mariel
at Mario sa amusement park, may suot siyang fedora at kulay brown na longcoat na
ipinatong sa kaniyang kulay gray na tsaleko (vest), talagang pang-detective ang
dating gaya ng kaniyang tauhan sa ABC Mystery.

Nakaupo siya sa isa sa mga pabilog na mesang tinakpan ng naniningning na silver


tablecloth, isa sa mga kulay na ginagamit tuwing may 10th anniversary. Sa kaniyang
kanan nakaupo si Simon Morayta na nakapurong itim at natatakpan ang mukha ng isang
maskara na pang-opera habang sa kaniyang kaliwa nakapuwesto si Erland na nakasuot
ng puting longsleeve shirt, itim na necktie at pinatungan ng itim na tsaleko.

"First of all. I would like to thank everyone for coming tonight to celebrate the
tenth founding anniversary of Writers' Bloc," sinimulan ni Myr ang kaniyang
talumpati nang humupa na ang palakpakan. "Alam kong mahigit isang buwan palang
akong nakaupo bilang executive editor, pero I can already feel an attachment to
this publication."

Ngayon lang napagtanto ni Cris na sa tuwing may pagtitipon o salo-salo, doon


lumalabas ang tunay na kagandahan ng isang babae, tulad ni Myr. Noong mag-usap sila
halos isang buwan na ang nakalilipas, hindi niya napansin ang angking alindog ng
kanilang boss dahil pinangunahan siya ng kakaibang pakiramdam. Kung may gusto
siyang pasalamatan ngayong gabi sa naabot ng kaniyang ABC, 'yon ay ang babaeng
nagsasalita sa harapan nilang lahat.

"Since this is a big celebration for us, I would like to relay some good news to
you," pagpapatuloy ni Myr, laging may kasamang pagngiti ang bawat paghinto niya sa
pagsasalita. "Sa 4,000 na average sales ng ating magazines, tumaas ito ng fifty
percent at nasa 6,000 na ngayon ang lingguhang benta natin. And take note, it only
took a month! I believe we deserve a round of applause for that!"

Muling nagpalakpakan ang mga tao sa clubhouse, tuwang-tuwa sa naging anunsyo ng


kanilang boss. Ang editor na laging mainit ang ulo, mukhang kumalma na ngayon at
buong siglang sumigaw, "ANG GALING MO, MYR! IDOL!"

Bilang tugon sa kaniya, napailing si Myr at sinabing, "It's not due to my efforts
alone. Nagbigay ako ng marching orders sa iba't ibang tauhan sa staff para ma-
maximize ang ating resources. Tulad sa ating Facebook page, I asked the
circulations manager to post teasers every now and then promoting our issues. At
mukhang naging epektibo naman ang strategy natin."

"Kung si Xavier pa kaya ang editor-in-chief, makakarating kaya kami ngayon


dito?"Hindi maiwasan ni Cris na maitanong 'yon sa kaniyang sarili. Ayaw niyang
ipagkumpara ang dati at ang kasalukuyan nilang boss lalo na't sa panunungkulan ni
Xavier tumaas nang todo ang benta ng Bloc. Kung tutuusin, ipinagpatuloy lang ni Myr
ang hindi natapos na trabaho ng nagbitiw na editor.

"By the way, Ma'am Cornelia can't make it tonight due to her fully-booked schedule.
That means we can do whatever we want in this party!" Masayang anunsyo ni Myr na
nagpahiyaw sa kanilang lahat. "Pero bago tayo kumain, uminom ng wine at alak diyan
sa bar at sumayaw-sayaw, let us award first the outstanding editor and writer of
the semester."

"Huh?" Napalingon si Cris sa kaniyang editor at napatanong, "Hindi ba may


pinarangalan na sa mid-year convention dati? May gano'n din dito ngayon?"

"Most promising writer at editor ang awards noon," paliwanag ni Erland nang hindi
tumitingin sa kumakausap sa kaniya. Nakatutok lang ang kaniyang mga mata kay Myr.
"Ang mga judge doon ay ang Big Three ng Avant Garde at ang senior editors natin.
Dito sa anniversary, ang buong editorial board ang namili kung sino ang
makatatanggap ng award. Kahit kasama ako sa mga bumoto, tanging si Myr at ang
managing editor lang ang nakakaalam kung sino ang nanalo."
"Sana kayong dalawa ni Sir Earl ang manalo, Ibarra!" Dahil sa maskarang nakatakip
sa mukha ni Simon, naging seryoso at nakakatakot ang dating masigla at masayahin
niyang boses.

Napatingin si Cris sa kaniyang katabi. "Bakit nakamaskara ka pa rin hanggang


ngayon? Hanggang mamaya bang kainan, suot mo 'yan?"

"Gusto kong naka-in character pa rin ako, Ibarra. Pero tatanggalin ko rin ito kapag
oras na ng hapunan."

Naalala tuloy ni Cris kay Simon kung paano magsalita si Darth Vader na nakasuot din
ng maskara sa pelikulang Star Wars.

"May I call on our managing editor to present the trophy and the certificate of
recognition to the outstanding writer of the semester?"

Kung noong mid-year convention ay isinisigaw ng ibang manunulat ng Bloc ang


pangalan ni Mario, ngayo'y tikom na ang bibig ng mga nagtsi-cheer sa kaniya. Dahil
alam ng lahat ng mga taga-Bloc ang katotohanan sa likod ng "copycat incident,"
mukhang nawalan na ng tiwala at paghanga ang mga kasamahan ng dating numero unong
writer ng publication.

Siyempre, hindi makakalimutan ni Cris ang gabing 'yon. Hindi niya kasi inaasahang
ang pangalan niya ang tatawagin sa entablado para mabigyan ng parangal. Dito sa
anniversary party, umaasa siya na muling tatawagin ang kaniyang pangalan. Sa
kaniyang tantiya, dahil sa tuluyang pagbaba ng ranggo (at pagkansela) ng Para Sa
Mga Na-friendzoned ni Mario at ang patuloy na pagtaas ng ABC, may tsansa siyang
maiuwi ang tropeyo.

"The outstanding writer of the semester award goes to..."

Biglang kumabog sa speakers ng clubhouse ang isang malakas na drumroll. Dahil dito,
mas bumilis ang tibok ng puso at napa-sign of the cross ang mga umaasang ang
pangalan nila ang tatawagin, tulad ni Cris.

"Clara Reyes, author of He's Dating the Cold-hearted Princess!"

Isang babaeng nakasuot ng asul na mahabang gown ang napansin ni Cris na naglalakad
patungo sa harapan. Hanggang balikat ang haba ng kaniyang tuwid na buhok at may
bangs siya na tumatakip sa kaniyang noo.

"Wow! Talagang prinsesang-prinsesa ang hitsura niya!" komento ni Simon.

Pilit inaalala ni Cris kung saan niya nakita ang babaeng kinakamayan nina Myr at ng
managing editor. Pamilyar sa kaniya ang mukha pero hindi niya matandaan kung saan o
kung kailan sila nagkita. Sa coffee shop? Sa tea shop? Sa opisina mismo ng Bloc?

Inabutan ng mikropono si Clara para makapagbigay ng maikling talumpati. "Gusto kong


magpasalamat sa aking editor, kay Tom Atayde, na nagtiwala sa aking kakayahan at
nanatiling buo ang suporta hanggang ngayon. Sa mga mambabasa ko kahit wala sila
ngayon. At sa taong... sa taong nagbigay... ng inspirasyon... sa nobela ko."

Napansin ni Cris na naging emosyonal ang pagkakasambit ni Clara sa mga huling


salitang lumabas sa kaniyang bibig. Halos mangiyak-ngiyak na siya, tila naalala ang
isang malungkot na karanasan na kinandado na niya sa kaniyang isipan. Kaagad siyang
nilapitan ni Tom sa harapan at inalalayan pabalik sa kaniyang upuan.

"And now, we will award the outstanding editor of the semester."


Dismayado man si Cris na hindi siya ang nanalo ng award, kumpiyansa siyang ang
pangalan ng kaniyang editor ang susunod na matatawag. Pareho kasing pasok sa top
five ang dalawang nobelang ine-edit ni Erland at pulido ang kaniyang ginagawang
pagtatama sa mga mali. Ni minsa'y hindi nakakita si Cris ng typo sa lahat ng mga
published chapter ng ABC.

"The award goes to..."

Ang mga editor naman ngayon nakaramdam ng kaba na lalo pang pinalakas ng drumroll.
Kahit si Cris, kinabahan para sa kaniyang editor.

"Erland Salazar, editor of ABC Mystery and The Secret!"

Walang nakita si Cris ni katiting na ekspresyon ng pagkagulat sa matamlay na mukha


ni Erland. Hindi niya alam kung inaasahan na ng taong nakaupo sa kaniyang tabi na
siya ang paparangalan o kung talagang natural sa kaniya na hindi magpakita ng
kahit anong emosyon.

"GO, SIR EARL!" masiglang sigaw ni Simon na halos ikabingi ng kaniyang katabi.

"Hindi na ako nagtataka kung bakit siya ang nanalo,"naisip ni Cris habang
pinapanood si Erland na tanggapin ang tropeyo at certificate mula kina Myr at sa
managing editor. "Ang ibig sabihin lang nito, mas lumalaki ang tsansa niyang maging
EIC sa susunod na taon. Ako naman, malapit nang mag-number one sa Bloc. Mukhang
unti-unti na naming natutupad ang deal noon sa tapat ng vending machine."

Noong una'y tumatanggi pa si Erland nang abutan siya ng mikropono at balak nang
bumalik sa kaniyang puwesto. Pero nang hinarangan siya ni Myr, wala siyang
mapagpipiliin kung hindi harapin ang mga kapwa niya editor at manunulat at magbigay
ng talumpati.

"Hindi ko inasahang ako ang bibigyang parangal kaya wala akong nakahandang speech.
Ewan ko ba kung bakit may ganitong pormalidad na dapat gawin."

Natawa ang ilan sa naging pahayag ni Erland.

"Ang award na ito," itinaas niya ang kaniyang tropeyo para makita ng lahat, "ay
hindi lang para sa 'kin kundi para din sa mga writer ko-sina Simon Morayta at Cris
Ibarra. Nang mabasa ko ang isinumiteng manuscript ng The Secret at ABC Mystery,
alam kong ako ang tanging editor na nararapat na humawak sa mga 'yon. Karamihan
kasi sa inyo, pinapatulan ang mga gasgas na love story. No offense, pero 'yon ang
opinyon ko."

Nagtinginan ang ilan sa mga editor, tinamaan sa mga matatalim na salita ni Erland.
Ang iba sa kanila'y napapailing habang ang iba nama'y napabulong sa katabi.

"Para kay Myr, sa mga gustong maging EIC kagaya ko at sa mga kapwa ko editor,"
pagpapatuloy ni Erland, "sana'y maging bukas ang isipan natin na may iba pang mga
kuwento maliban sa mga nakakasawang love story. At sa mga writer natin na nandito
ngayon, subukan n'yong magsulat ng mga kuwentong may ibang genre, hindi 'yung puro
pakilig at kalandian ang inihahain n'yo sa mga mambabasa."

Ang mga writer naman ngayon ang napakunot ng noo at napatingin nang masama sa
editor na nagsasalita sa kanilang harapan.

Sandaling napalingon si Erland kay Cris, mukhang ayaw pang ibalik ang mikropono kay
Myr. "At kung magsusulat kayo ng ibang genre maliban sa love story, siguraduhin
n'yong mapapanatili n'yo ang kalidad nito at huwag kayong magpapaapekto sa kung ano
ang mainstream. May ilan tayong mga manunulat na nabubulag sa numero kaya mas
pinipili nilang makisabay sa agos kaysa sumalungat dito."

Nang matapos na siyang magsalita, tanging si Simon lang ang pumalakpak. Maging si
Cris, nagulat sa mga huling pangungusap na binitiwan ni Erland kaya medyo natulala
siya. Para kasing kasama siya sa mga pinagbabaril ng kaniyang editor.

"AND that concludes the awarding ceremony!" Biglang hirit ni Myr para makuha ang
atensyon ng mga nasa clubhouse. "While we are waiting for the food to be served,
tawagin natin ang singing-in-tandem para haranahin tayo ng kanilang nakakabighaning
boses."

"I'm thinking out loud that maybe we found love right where we are~"

"Napaka-inspiring ng speech mo, Earl," komento ni Cris nang makabalik na sa


kaniyang upuan si Erland. "Tinamaan ang mga dapat tamaan."

"Sa tingin mo?" tugon ng kaniyang editor, ni hindi lumingon sa kaniya. "Sana nga
natamaan sila at maramdaman nila ang hapdi ng sugat para magising na sila sa
katotohanan."

Napatikom ang bibig ni Cris, nababagabag pa rin sa mga patama ni Erland. Batid
niyang may pagkaprangka minsan ang kaniyang editor kagaya sa talumpati kanina. Pero
ni minsa'y walang kinomentong negatibo si Erland tungkol sa mga bagong kabanata ng
ABC. Mula nang magkasundo silang haluan ng love story ang kuwento, hindi na nila
ito pinagdebatehan pa. Ang laging komento ng kaniyang editor ay tungkol lang sa
gramatika at maling pagbaybay at paggamit ng ilang salitang Filipino.

Ang tanong ngayon ni Cris, bakit mukhang pinariringgan siya ni Erland at may kasama
pang paglingon sa kaniya bago bumanat kanina? At isa pa, sa tagal na nilang
magkasama, bakit mas naunang binanggit ng kaniyang editor ang pangalan ni Simon at
ang The Secret kaysa sa kaniya at sa ABC Mystery? Alam niyang maliit na bagay lang
ito at maaaring hindi sinasadya ni Erland. Pero dahil sa mga naging pahayag niya,
mas lumakas ang hinala ni Cris na may nangyayaring 'di niya alam.

"Earl, may hindi ka ba sinasabi sa 'kin?" tanong ni Cris, umaasang mabibigyang


linaw ang kaniyang mga katanungan. "Siguro may pagka-paranoid ako pero matapos kong
marinig ang speech mo, feeling ko may itinatago ka."

"Naisip mo bang pinapatamaan kita kanina? Sabi nga nila, bato-bato sa langit, ang
tamaa'y huwag magalit."

Nag-init ang tenga ni Cris nang hindi siya binigyan ng diretsong sagot ng kaniyang
editor. Kung walang problema sa pagitan nilang dalawa, dapat sana'y direktang
sinabi ni Erland na "wala." Pero dahil nagpaligoy-ligoy muna siya, sa tingin ni
Cris, tama ang kaniyang hinala.

Sa halip na magpadala sa emosyon, pinilit niyang manatiling kalmado at kinausap


nang may respeto si Erland. "Huwag na tayong maglaro ng charade dito, Earl. Kung
may problema ka sa 'kin, tingnan mo ako nang mata sa mata at sabihin mo kung ano
'yun."

Kahit anong sabihin ni Cris, hindi nabaling ang tingin ng kaniyang editor sa
kaniya. "Hindi ba kaya mong i-deduce ang mga bagay-bagay? Kung ikaw nga ang utak sa
likod ng ABC Mystery, hindi mo na kailangang itanong ang bagay na 'yan. O baka
kagaya ng bida mong tauhan, pumurol na ang kakaya-"

"TUMINGIN KA SA 'KIN AT SABIHIN MO KUNG ANONG MALI!"


Huminto sa pagkanta ang singing-in-tandem. Napalingon ang lahat ng mga tao sa
kanila. Maging si Simon, inalis ang kaniyang maskara para makita kung anong
nangyari.

Mahigpit ang pagkakahawak ng dalawang nanginginig na kamay ni Cris sa kuwelyo ni


Erland. Ito ang unang pagkakataon sa gabing ito na direkta silang nagkatinginan
nang mata sa mata sa loob ng limang segundo. Kitang-kita sa ngipin ni Cris ang
kaniyang panggigigil pero kahit paano'y nakakapagtimpi pa siya.

"Huwag ka sanang gumawa ng eksena sa isang masayang pagtitipon," paalala ni Erland


sa kaniya, ni hindi natinag na baka suntukin siya ng taong kaharap niya. "Kung
gusto mo talagang malaman kung anong mali, pag-usapan natin ito sa labas."

Tinanggal na ni Cris ang pagkakahawak niya sa kuwelyo ng kaniyang editor at sabay


silang lumabas ng clubhouse.

Naghari na ang kadiliman mag-aalas-otso ng gabi. Ang liwanag mula sa mga poste ang
nagsisilbing gabay ng sinumang maligaw sa dilim. Maliban sa mga kantang
ipinapatutog sa clubhouse, tanging ang nakakabinging ingay ng mga kuliglig ang
maririnig.

Habang naglalakad sila patungo sa lugar na mas tahimik, biglang nag-vibrate ang
phone ni Cris at kaagad niya itong inilabas para makita kung sino ang nag-text sa
kaniya.

Nielsen (7:56 PM): May kailangan akong sabihin sa 'yo. Importante. I-text o tawagan
mo ako kapag puwede na kitang kausapin. Confidential.

Nang huminto si Erland sa tapat ng isang poste ng ilaw, tumigil na rin si Cris sa
paglalakad at ibinulsa ang kaniyang phone nang hindi nireplyan ang kaibigan. "Kung
totoo man na may problem ka sa 'kin, bakit hindi mo sinabi noong nagmi-meeting
tayo? Lagi naman tayong nagkikita linggo-linggo. Bakit kailangan mo pa akong
paringgan kanina?"

"Sinabi ko na sa 'yo noon kung anong problema ko sa 'yo, pero mukhang kumbinsido ka
na kaya hindi na kita pinilit pa," sumagot si Erland habang nakatingin sa kawalan.
"Mahigit isang buwan na yata ang nakalilipas noong pag-usapan natin ang bagay na
'yon."

"Tungkol ba 'yan sa romance sub-plot ng ABC Mystery? Hindi ka ba masaya na ilang


hakbang na lang ang layo natin mula sa tuktok?" tanong ni Cris. "Kung wala akong
binago sa kuwento, kung hindi ko ginawang partner ng detective 'yung love interest
niya, hindi tataas ang ranking ng ABC. Kailangan ko lang ipagpatuloy ang plot na
'yun hanggang sa maging number one!"

"YON ANG PROBLEMA KO SA 'YO!" Sa unang pagkakataon mula nang sila'y magkakilala,
ngayon pa lang pinagtaasan ng boses ni Erland si Cris. "Dahil gusto mong maging
number one kaya unti-unti nang lumihis sa landas ang ABC! Nabulag ka sa numero!"

"Pe-Pero hindi ba ang pagiging number one sa Bloc ang goal natin bago matapos ang
publication year?" buwelta ni Cris. "Hindi ba gusto nating patunayan na kayang
maging number one ng isang hindi cliché na story?"

Todo ang pag-iling ni Erland, mukhang dismayado sa naging tugon ng kaniyang


manunulat. "Pero hindi mo ba namamalayan na mas nananaig na ang romance sa nobela
mo? May kaunting pakilig dito, may kaunting pakilig doon. Kaysa magpokus sa
mystery, nagpokus ang mga bagong kabanata nito sa relationship development ng mag-
partner mong tauhan. Sa madaling salita, nagiging isa ka na sa mga cliché na
writer! Ang ABC Mystery, nagiging ABC Love Story!"
Daig pa ni Cris ang sinampal nang magkabilaan sa mukha at sinuntok sa baba sa tindi
ng mga salitang ibinato sa kaniya ni Erland. Napaurong ang kaniyang dila at
napakurap ang mga mata, tila ngayon pa lang pumasok sa utak niya na totoo nga ang
sinasabi ng kaniyang editor.

"AT isa pa," itinaas ni Erland ang kaniyang hintuturo, "ayos lang kung magkaroon ka
ng girlfriend o ng ka-MU pero sana huwag mong kalimutan ang mga responsibilidad mo.
Lagi mong pinapa-move ang mga meeting natin dahil sasamahan mo siyang pumunta sa
mall. Noong nakaraang linggo, hindi mo kaagad na-send on time ang pinapa-submit
kong draft at nagpa-extend ka pa ng deadline, mukhang nagde-date pa kayong dalawa
noong oras na tinawagan kita."

Hindi na kumibo pa si Cris, napaupo na lang sa sementadong daan at tinakpan ang


kaniyang mukha ng dalawang kamay. "Pa-Pasensya na. Hindi ko alam na nakakaapekto na
pala sa trabaho ang relasyon namin ni Mariel. Aaminin ko, nabulag ako sa pagiging
number one."

Matapos ang ilang segundo ng katahimikan, naging kalmado na ang boses ni Erland.
"Aaminin ko rin na may kasalanan ako sa nangyari. Ako ang nagtanim ng ideya sa 'yo
na puwede nating bigyan ng kaunting romance ang chapter four noon para makahatak
tayo ng mga mambabasa. Kung hindi ko siniguro ipinayo 'yun sa 'yo, hindi darating
sa puntong ito."

"Kung gusto mong manatili sa top five ang ABC o makapasok sa top three, dapat kang
tumapak sa teritoryo ng majority ng ating mambabasa. Sa madaling salita, isina-
suggest kong haluan mo ng love story ang susunod na kabanata."

'Yon ang naging suhestiyon noon ng kaniyang editor kay Cris. 'Yon din ang basehan
kung bakit naisip niyang sundin ang payo sa kaniya ni Myr para umangat ang ranggo
ng ABC.

"Nang nabasa ko ang isinumite mong manuscript noon, kaagad kong nakita ang
potensyal mo at ng iyong kuwento para lumikha ng malaking pangalan sa Bloc." Muling
napatingin sa kawalan si Erland, tila inaalala ang ilang eksena ng kaniyang
nakaraan. "Kaya hindi ako nagdalawang-isip noon na kontakin at kausapin ka para
ipaglaban ang manuscript mo."

Inalis ni Cris ang kaniyang mga kamay sa mukha at tumingin sa kaniyang editor.
"Puwede pa nating ayusin ito, Earl. Iibahin ko na ang susunod mga kabanata at
magpopokus na ako sa pagsulat nito. Hindi na ako magpapa-move ng meeting at on time
na akong magsa-submit."

Marahang umiling si Erland, nakatitig ang kaniyang mga walang buhay na mata kay
Cris. "Hindi na ito ang ABC Mystery na ine-edit ko noon. Pasensya na, pero kumbaga
sa isang laro, ito ang tinatawag nating... game over."

"A-Anong ibig mong sabihin?"

"Sa Lunes ko balak sabihin ito sa 'yo, pero mukhang ito na ang tamang oras para
dito." Nagsimulang maglakad pabalik sa clubhouse si Erland, hindi na hinintay pa
ang kaniyang kasama na sumunod. Saglit siyang napahinto at lumingon kay Cris.
"Aprubado na kay Myr ang resignation ko bilang editor ng ABC Mystery. Maa-assign ka
sa bagong editor mo sa susunod na linggo."

Biglang napatayo sa Cris, kapansin-pansin sa nanlaki niyang mga mata at napabukas


na bibig ang pagkagulat sa balita ng kaniyang editor. "Nag...Nagbibiro ka lang, 'di
ba? Hindi puwede 'yon. Hindi puwedeng basta-basta mo na lang iiwan ang ABC sa ere!"
"Sino kaya sa ating dalawa ang napalihis ang flight?" tugon ni Erland, ni hindi na
lumingon pa sa kaniyang kausap. "Masaya akong makatrabaho ka, Cris Ibarra. Good
luck sa 'yo at sa susunod mong editor."

Naiwang mag-isa si Cris sa tapat ng poste ng ilaw, pinagmamasdan ang kaniyang


editor habang naglalakad palayo sa kaniya. Ito na siguro ang pinakamasakit na
paghihiwalay na kaniyang naramdaman sa buong buhay niya.

Hindi lang siya nawalan ng editor. Para din siyang nawalan ng isang kaibigan.

***

Ano ang masasabi n'yo sa kabanatang ito?

Chapter 21: Blackmail


A/N: Sino ang mga hater ni Mariel dito? Itaas ang kamay! Alam kong gusto n'yo nang
malaman kung anong mangyayari kay Cris matapos ang nangyari noong CH. 20. Pero mag-
detour muna tayo.

***

MARIEL

Ekis dito, ekis doon. Nakatutok ang mga mata ni Mariel sa bawat salita sa kaniyang
nakaimprentang article. Kasunod ng paggalaw ng kaniyang mga mata ang pagsunod ng
pulang bolpen na hawak ng kaniyang kanan kamay. May ilang parte siyang ginuguhitan,
may ilang parteng sinusulatan ng komento.

"Mali 'to. Hindi dapat ganito ang salitang ginamit ko, masyadong malalim. Baka
hindi maintindihan ng mga reader. Dapat siguro... ganito," bulong niya habang
isinusulat ang salitang confuse at inekisan ang discombobulate.

Hindi siya kabilang sa mga editor ng Avant Garde, pero minabuti niyang siya na ang
luminis ng sariling article bago paduguin ng kaniyang editor. Ngayong linggo,
sumulat siya ng feature article kay Clara I. Reyes, mas kilala bilang Claire, ang
author ng He's Dating the Cold-hearted Princess na nananatiling numero uno sa
ranking ng Writers' Bloc.

Hindi karaniwan sa kanila ang mag-feature ng mga manunulat ng Bloc maliban na lang
kung may nag-request o kung direktang utos ng "Big Three." Kaya laking gulat ni
Mariel nang siya ang ia-assign para makapanayam ang number one writer ngayon ng
Bloc. Noong una'y akala niya medyo mahihirapan siya sa assignment. Pero nabunutan
siya ng tinik nang malamang kapareho niya ng dorm si Claire kaya naging madali ang
komunikasyon nila.

Paano ba niya mailalarawan si Claire? Ang unang impresyon ni Mariel sa kaniya--


isnabera, walang pakialam sa mundo at mapagmataas kahit hindi halata sa maamo
niyang hitsura. Pero napawi ang lahat ng ito nang makausap na niya at marinig ang
mahinhing boses ng kaniyang kapanayam.

Nang marating na niya ang dulo ng article, napasandal siya sa upuan at napaunat ng
kamay. Halos tatlumpung minuto na kasi siyang nasa cubicle ng mga writer sa opisina
ng Avant Garde at kanina pa paulit-ulit na binabasa ang kaniyang article.
Napatingin siya kay Nielsen na kanina pa nakatambay roon at tila nagpi-piano ang
isang kamay sa mesa, halatang bagot na siya sa pagkakaupo.

"Hinihintay mo ba ang editor mo?" tanong niya sa kaniyang kasama. "Kanina pa yata
siya umuwi. Tayong tatlo na lang ni Sir EIC ang natitira dito."
"Iniisip ko kung paano sisimulan 'yung pinapasulat sa 'kin," tugon ni Nielsen sa
kaniya, mukhang balisa sa kaniyang kinauupuan. "Alam mo ba kung anong oras aalis si
Clarence?"

Napakunot ng noo si Mariel at napatulala sa kaniyang kausap. Hindi niya inasahang


itatanong sa kaniya 'yon. "Mukhang hanggang mamayang six o'clock siya rito. Magdi-
dinner meeting sila mamaya ng buong literary department sa isang restaurant. Bakit
mo naitanong? May kailangan ka bang sabihin sa kaniya?"

"Wa-Wala. Ku-curious lang ako kung hanggang anong oras siya umuuwi kasi napansin
kong nandito pa siya kahit umuwi na ang lahat. Ang sipag niya, no?"

Napansin ni Mariel ang pautal-utal na pagsagot at ang pagtagaktak ng pawis sa mukha


ni Nielsen. Naramdaman niyang nagsisinungaling at may tinatago ang kaniyang kasama.
Pero sa halip na itanong pa kung anong totoong pakay ni Nielsen, iniba na lang niya
ang usapan.

"Anong oras magsisimula ang anniversary party ng Writers' Bloc ngayong gabi?"
tanong niya. "Hindi na kasi nagre-reply sa 'kin si Cris."

"Kung hindi ako nagkakamali, mamayang seven o'clock pa," sagot ni Nielsen, medyo
nabawasan ang kaniyang pagkabalisa. "Huwag kang mag-alala, malamang tulog pa 'yon o
kaya naliligo na. Speaking of him, pupuntahan ko muna siya sa dorm niya at
sasabihin kong nag-aalala at nagtataka ka kung bakit hindi pa siya nagre-reply.
Balik na lang ako mamayang six o'clock."

Nang paalis na si Nielsen, biglang hinawakan ni Mariel ang kaniyang kamay at


sinabing, "Huwag mo nang banggitin 'yung tungkol sa reply niya. Baka isipin niya
selosa ako."

"Hahahaha! Sige, hindi ko sasabihin sa kaniya. May gusto ka bang pabili sa labas?"

Napailing si Mariel at binalikan ang article na kanina pa niya binabasa at


sinusulatan. Nang marinig niya ang pagsara ng pinto at nang mawala na ang mga tunog
ng yapak ni Nielsen, itinabi niya ang hawak na papel, tumayo at naglakad patungo sa
cubicle ng kanilang EIC. Sa totoo niyan, nagpapanggap lang siyang nag-eedit habang
hinihintay na umalis ang kaniyang kasama.

Pagpasok niya rito, napansin niyang nakatutok si Clarence sa laptop, nakatitig ang
mga mata sa screen habang dire-diretso sa pagta-type nang hindi tumitingin sa
keyboard. May ilang papel na nakakalat--printed layout ng kanilang susunod na isyu,
mga budget at interview request letter, mga opinion article ng editorial board--na
karaniwang makikita sa mesa ng EIC. Ang nakakuha sa atensyon ni Mariel sa mga ito
ay ang papel na may mga nakaimprentang salita na "Proposal for Avant Garde's Weekly
Literary Folio."

"All clear?" tanong ni Clarence nang hindi tumitingin sa kaniya.

"Kakaalis lang ni Nielsen. Mamayang six o'clock pa siya babalik," sagot ni Mariel
sabay upo sa tapat ng kaniyang kausap. "Pasensya na kung hindi ko nasagot ang tawag
mo kanina. Kasama ko kasi si Cris sa kaniyang dorm. Hindi ka naman siguro tatawag
kung hindi importante ang sasabihin o itatanong mo."

"Kumusta na ang ginagawa mong pang-eespiya sa writer na 'yon?" Nagpatuloy sa pagta-


type si Clarence, ni hindi man siya lumingon sa taong nasa harap na niya. "Ayaw
kitang bigyan ng pressure kaya hindi kita kinontak noong mga nakaraang linggo. Pero
sa tingin ko, ngayon na ang tamang panahon para anihin kung ano ang itinanim ko."
Napakrus ang mga binti ni Mariel pati ang kaniyang mga braso. "May tatlo silang
suspek sa kung sino ang posibleng espiya mo sa Bloc. Sina Jodie, Tom at Erland."

"Ano pa?"

"'Yun lang."

"'Yun lang?" pag-uulit ni Clarence, napataas ang kaniyang kanang kilay.

"Ayaw ko siyang bombahin ng tanong kung ano ang nalalaman niya tungkol sa Bloc
Debunker," depensa ni Mariel. "Magiging kahina-hinala para sa tulad ko kung gagawin
ko 'yun."

Nabaling ang tingin ng mga matatalim na mata ni Clarence sa kaniya kasabay ng


kaniyang pagtigil sa pagta-type. "Halos isang buwan na kayong magkasama pero 'yan
lang ang nakalap mong impormasyon? Alam mo bang matagal ko nang alam kung sino-sino
ang mga suspek nila? Mas nauna ko pa yatang malaman sa 'yo."

Nagkatitigan lang ang dalawa nang mata sa mata. Hindi alam ni Mariel kung anong
dapat niyang isagot lalo na't aminado siyang hindi siya masyadong nagpokus sa
pangangalap ng impormasyon. Ang ginawa lang niya sa nakalipas na isang buwan--
mapalapit kay Cris.

Napasandal si Clarence sa kaniyang upuan at ipinatong ang mga kamay sa magkabilang


armrest nito. Hindi man ipakita ng EIC sa mukha ang pagkadismaya, ramdam na ramdam
ni Mariel ang nakakatakot niyang aura.

"Hindi kaya habang sinusubukan mong mapalapit sa kaniya, unti-unting nahulog ang
loob mo sa lalaking 'yon?" tanong ni Clarence, may halong pang-iintriga ang
kaniyang boses. "Alam kong gano'n ang karaniwang nangyayari sa mga gasgas na love
story na ipina-publish sa Bloc. Pero posibleng maging realidad ang isang eksenang
isinulat sa isang kathang-isip na kuwento."

"Alam kong disappointed ka sa narinig mo sa 'kin pero sinisigur--"

"Talagang disappointed ako," kaagad na singit ni Clarence, ni hindi na hinintay si


Mariel na matapos. "Disappointed ako sa 'yo... at sa sarili ko. Hindi ko inakalang
posibleng mangyari ito. Pinangambahan ko na rin 'to nang mapalapit ka kay Mario,
pero mabuti't hindi ka na-attach sa kaniya. Pero kay Cris Ibarra... mukhang hindi
naging gano'n ang sitwasyon."

Napatikom ang bibig ni Mariel, napapatingin palayo sa tuwing nagsasalita ang taong
kaharap niya. Gusto niyang pabulaanan ang akusasyon, gusto niyang pasinungalingan
ang sinabi ni Clarence. Pero hindi niya magawa, napapaurong ang kaniyang dila
tuwing bumubukas ang kaniyang bibig. May bagay na pumipigil sa kaniya para
magsinungaling at direktang isampal kay Clarence na wala siyang nararamdaman para
kay Cris. At ang bagay na 'yon ay walang iba kundi ang kaniyang puso.

"Ang distraction nga naman, kapag tumama sa isang tao, nakakalimutan na niyang
gawin ang dapat na gawin," sabi ni Clarence habang pinagmamasdan si Mariel na
tahimik at nakayuko. "Mukhang pareho kayong na-distract sa isa't isa. Halata sa
kaniyang mga bagong kabanata kung paano mo nabago ang kaniyang pagsusulat. Naging
cheesy, naging corny. Nawala na ang mystery, gaya ng isinulat ko sa blog."

Ibinaling ni Mariel ang kaniyang tingin kay Clarence at sinabing, "Aaminin kong
medyo na-distract ako. Pero hindi na mauulit 'yon. Aayusin ko na ang--"

Biglang inilabas ni Clarence ang kaniyang phone at sadyang ipinakita kay Mariel.
May ginawa siyang ilang pag-swipe sa screen nito habang nagpatuloy sa pagsasalita.
"Ano kayang magiging reaksyon ni Cris kapag nakita niya ang mga larawang ito?
Siguradong pagpipiyestahan ito ng mga lalaki pero inaalala ko 'yang kaibigan mo.
Hindi kaya magbago ang tingin niya sa isang Mariel Castro? Yum, yum."

"At paano kung malaman niyang isa ka sa mga tumulong para tuluyang masira ang
reputasyon ni Mario Santiago bilang manunulat? Naka-save pa ang text message mo sa
'kin kung saan sinabi mong may nakita kang libro na maaaring pinagkopyahan ni Mario
ng ideya," nagpatuloy si Clarence nang hindi kumibo ang kaniyang kausap.

Napapikit na lang si Mariel habang pinakikinggan ang mga pagbabanta ni Clarence.


Napahawak siya sa kaniyang mga tuhod na hindi niya mapigilan sa panginginig. Kung
anuman ang tinutukoy ng kaniyang EIC, 'yun ay kahon ni Pandora na hindi dapat
mabuksan. Kung sakaling makita o masilip man lang ng iba ang laman no'n, tiyak na
guguho ang mundo niya.

"May kakilala ako noon na babaeng palaban at hindi basta-basta sumusuko. Pero nang
makita niya kung anong laman ng phone na ito na maaaring kumalat kung sakaling
hindi siya sumunod sa gusto ko, biglang nabahag ang kaniyang buntot at tuluyan
siyang nawala sa eksena," kuwento ni Clarence habang nakatingin sa kisame at tila
inaalala ang isang eksena ng kaniyang nakaraan.

"Si-Sinusunod ko naman ang mga sinasabi mo kaya walang dahilan para gumawa ka ng
bagay na labag sa usapan natin no'n," buwelta ni Mariel, hindi na niya kinayang
manahimik pa. "Kung tototohanin mo nga 'yang banta mo, inilalagay mo rin sa
panganib 'yang sarili mo."

"Hahahaha!" Hindi napigilan ni Clarence ang matawa sa kaniyang narinig. Para kay
Mariel, hindi 'yon tawa ng tao kundi tawa ng isang demonyong pinagsasamantalahan
ang kahinaan ng iba. "Tinatakot mo ba ako, Mariel? Huwag mo akong susubukan. Alam
kong may ideya ka kung gaano kalawak ang impluwensiya ko. Huwag kang mag-alala,
wala pa akong balak na ikalat ang sikreto mo basta huwag mong kakagatin ang kamay
ng taong nagpoprotekta nito."

Dahil sa takot na baka ibunyag ni Clarence kung anuman ang hawak niya sa kaniyang
phone, naisip ni Mariel na perpekto itong pagkakataon para "patahimikin" ang taong
nakaupo sa harap niya at kunin ang bagay na naglalaman ng kaniyang sikreto. Pero
wala siyang karanasan sa pagpaslang o alam na trick kung saan hindi siya
pagsususpetyahan sakaling magdilim ang kaniyang paningin at gumawa ng karumal-dumal
na bagay. Kung sanang nagbabasa siya ng ABC Mystery, mayroon na siyang ideya kung
paano gagawing malinis ang pagpatay kay Clarence.

Napayuko na lang siya at tinanggap sa kaniyang sarili na wala siyang magagawa kundi
ipagpatuloy kung anuman ang sabihin sa kaniya.

"Do not disappoint me again, Mariel," malutong ang pagkakasabi ni Clarence sa mga
salitang 'yon. "Alam mong pinakaayaw ko sa lahat ang madismaya. Kapag hindi mo
inayos ang trabaho mo, baka aksidente kong ma-send ang mga litrato sa taong kayang
ipakalat ito sa loob ng bente-kuwatro oras. You are dismissed."

Tumayo na si Mariel at naglakad pabalik sa cubicle ng mga writer kahit nanghihina


ang kaniyang mga tuhod. Nang makaupo na siya, tinakpan ng dalawa niyang mga kamay
ang kaniyang mukha at hinayaang umagos ang mga luhang kanina pa naglalawa sa
kaniyang mga mata. Hindi niya mapigilan ang panginginig ng kaniyang katawan,
halatang takot na takot sa posibleng mangyari.

Wala siyang magawa kundi hayaang tumulo ang mga butil ng luha na nagpadungis sa
kaniyang mukha. Sa puntong 'yon, inilabas niya ang kaniyang phone at tinitigan ng
ilang segundo ang screen. Isa lang ang taong gusto niyang makausap ngayon. Isang
tao lang ang makakatulong sa kaniya sa kaniyang problema. Si Cris Ibarra.
Balak na niyang sabihin ang lahat sa kaniya. Nang sinimulan na niya ang pagta-type
sa kaniyang phone, kaagad siyang napatigil at binura ang lahat ng mga nakasulat sa
text message.

Hindi pa ito ang tamang oras, ani Mariel. Hindi rin sa text ang tamang lugar para
sabihin ang katotohanan.

Kapag nagkita sila ni Cris, gusto niyang personal itong sabihin sa kaniya.

*****

P.S. If you connect the dots, magkakaroon na kayo ng ideya kung anong mangyayari sa
susunod na kabanata.

Ang Chapter 22: Truth (sa next update) ang penultimate (second to the last) chapter
ng Arc III at ng Writers' Bloc. Kaya sana'y patuloy ang inyong suporta hanggang sa
huli!

Chapter 22: Truth


A/N: The Detour chapters continue! Dahil Valentine's Day na sa Sabado, handog ko sa
inyo ang kabanatang 'to.

ERRATUM: Writers' Bloc is extended until Chapter 24. Excited na ba kayo sa ending?
Hehe.

*****

NIELSEN

[Lunes, November 10-Dalawang araw makalipas ang Writers' Bloc anniversary party]

"Is it a sin to seek the truth? The truth beneath the rose?"

Sampung kanta na yata ang napakinggan ni Nielsen habang nakatambay sa Coffee


Academy. Alas-nuwebe palang ng umaga, nakaupo na siya sa bandang likuran ng coffee
shop, pasipsip-sipsip ng in-order na latte. May pasok pa siya mamayang ala-una ng
hapon kaya nakasuot na siya ng uniporme. Napapatapik ang kaniyang mga daliri sa
mesa, senyales ng kaniyang pagkabagot, habang hinihintay ang taong ka-meeting niya.

Napatingin siya sa mga kalapit na mesa, umaasang padaan na ang taong 'yon. Pero mga
estudyanteng tahimik na nagbabasa ng kanilang mga libro ang kaniyang nakita. Sa
mesang nasa harap niya, nakatalikod ang isang lalaking naka-hoodie at naka-shades,
mukhang kahina-hinala at kaduda-duda ang pananamit. Sa likuran naman niya
nakapuwesto ang babaeng naka-sleeveless shirt at pinangangalandakan ang cleavage.

Napabuntong-hininga na lang si Nielsen sa pagpapatuloy ng kaniyang paghihintay sa


taong kanina pa dapat nakaupo sa harap niya. Dalawang kanta pa ang natapos niyang
pakinggan nang may mapansin siyang aninong palapit sa mesa niya.

"Kanina ka pa nandito? Pasensya na, medyo na-late akong nagising!" masayang


pambungad ni Mariel na umupo sa tapat niya.

Napansin ni Nielsen na basa pa ang mahabang buhok ng kaniyang ka-meeting at may


polbo pang hindi tuluyang napunasan sa bandang leeg, patunay na nahuli nga ng
gising at nagmadaling pumunta sa coffee shop si Mariel. Pero hindi siya ngumiti at
hindi rin nagbigay ng isang masiglang bati sa bagong dating. Seryoso ang kaniyang
mukha, tikom ang mga labi pero nananatiling mapagmasid ang mga mata.
"Ano bang dapat nating pag-usapan, Sen?" kaagad na tanong ni Mariel, nagpakita ng
isang matamis na ngiti. "Tungkol ba 'to sa group project natin sa World
Literature?"

Ipinatong ni Nielsen ang dalawa niyang siko sa mesa at pinagkrus ang dalawang
kamay, nanatiling walang emosyon ang kaniyang mukha na parang isang nililok na
estatwa. "Naalala mo pa ba kung anong nangyari sa coffee shop na 'to?"

Napakunot ang noo ni Mariel, tila nagtataka kung bakit 'yon ang tinanong sa kaniya.
"Bakit? Meron bang historical significance ang lugar na 'to? Sa pagkakaalam ko,
dati itong museum na ni-renovate bilang isang cafe kaya kapansin-pansin ang medyo
makaluma nitong ambiance."

Marahang napailing si Nielsen. "Mukhang hindi mo na natatandaan dahil mahigit isang


buwan na ang nakalipas, pero dito nakunan ng video si Cris habang pinapahiya si
Mario Santiago. Nakunan din ng video na 'yon ang pagsampal mo sa kaniya."

"Speaking of Cris, hindi na siya nagre-reply sa 'kin simula noong Sabado ng gabi.
May problema ba siya?" biglang singit ni Mariel, halatang gustong ibahin ang
usapan. "Pinuntahan ko siya sa dorm niya kahapon pero walang sumasagot. Hindi ko
alam kung umalis o kung napano na siya."

"Nag-resign na si Erland bilang editor niya kaya malungkot siya ngayon," mabilis na
paliwanag ni Nielsen. "Hayaan muna natin siyang mapag-isa. Ngayon, balik tayo dito
sa coffee shop."

"Ano bang meron at bakit parang big deal ang coffee shop na 'to?"

Napatingin ang mga mata ni Nielsen sa paligid, mukhang may inaalalang tagpo ng
kaniyang nakaraan. "Hindi ko maiwasang magtaka no'n kung bakit pumayag kang mag-
coffee kasama si Mario kahit kakakilala n'yo pa lang. Maliban na lang kung ini-
invite mo siyang sumali sa networking pero hindi ka naman miyembro ng mga
organisasyong 'yon. Talagang nakakapagtaka lang..."

"Wala akong ma-gets sa mga sinasabi mo kaya sana maging direkta ka na sa gusto mong
tumbukin," tugon ni Mariel.

"May kinalaman ka ba sa pagkakabuking ng pinagkopyahang akda ni Mario para sa


kaniyang nobela sa Bloc?" Gaya ng sinabi ng kaniyang kausap, hindi na nagpaligoy-
ligoy pa si Nielsen. Kapansin-pansin sa babaeng nasa harap niya ang panlalaki ng
mga mata at bahagyang pagbukas ng bibig.

"Hi-Hindi ko alam kung anong ibig mong sabihin pe-pero naging malapit kami ni Mario
sa isa't isa. Hindi ko siya magagawang si-siraan," pautal-utal na depensa ni
Mariel, ni hindi na niya magawang tumingin nang direkta sa mga mata ng kausap niya.

Napangisi si Nielsen. "Pero nang kumalat ang mga bali-balitang isa raw siyang
plagiarist, naglaho ka nang parang bula sa tabi niya at dumikit na parang linta sa
kaibigan ko. Kay Cris. Noong una, akala ko'y sumama ang loob mo kay Mario dahil sa
mga tsismis kahit pinabulaanan na ang mga 'yon ng Bloc. Akala ko rin dati na
naghahanap ka ng masasandalan kay Cris matapos mong mapagtanto na baka nga totoo
ang mga bulong-bulongan kay Mario. Pero mali pala ako."

Hindi nakaimik si Mariel. Napatitig na lang siya sa sahig na tila doon hinahanap
ang magiging sagot sa interogasyon ng kaniyang kasama.

"May sakit ka ba? Bakit medyo namumutla ka? Maayos naman ang buga ng aircon pero
bakit pinagpapawisan ka? Gusto mo bang dalhin kita sa clinic?" May halong pang-
aasar ang boses ni Nielsen.

Napatayo ang kaniyang kaharap, hindi na kinaya ang mga pinagsasabi niya. "Hindi ko
alam kung saan mo narinig ang mga paratang na 'yan at kung sino ang posibleng
nagkakalat ng mga--"

"Walang nagsabi sa 'kin," mabilis na hirit ni Nielsen sabay labas sa kaniyang phone
na may nakasaksak na earphones. "Narinig ko ang lahat diyan. Ilang oras din ng mga
walang kuwentang pag-uusap ang pinakinggan ko bago ako nakarating sa parteng tiyak
na gugulo sa mundo mo."

Dahan-dahang napaupo si Mariel habang nakatitig ang kaniyang mga mata sa phone na
nakalagay sa gitna ng mesa. "Huwag mong sabihing... ini-record mo ang usapan
namin... Kaya ba hindi ka kaagad umalis sa office noong Sabado?"

"May binibingwit kaming malaking isda ni Cris kaya naisipan naming palihim na
maglagay ng recorder sa lugar ni Clarence. Pero mukhang ibang isda ang nahuli
namin."

Hindi na kumibo si Mariel at inilagay sa kaniyang magkabilang tenga ang earphones


at pinakinggan kung anuman ang nagpe-play sa phone.

Pinagmasdan lang ni Nielsen ang bawat reaksyon ng nakikinig niyang kasama sa


lumipas na ilang minuto.

Ang ngayo'y nanginginig na kamay ni Mariel, tinakpan ang kaniyang bibig.


Nagmistulang batis ang kaniyang mga mata, tila aagos ang naipong tubig anumang
segundo mula ngayon.

"A...Alam ba ni Cris ang tungkol dito?" tanong niya habang tinatanggal ang
earphones sa tenga at inilapag sa mesa ang hawak na phone.

"Nang marinig ko ang na-record na usapan n'yo ni Clarence, kaagad ko siyang tinext
para ipaalam sa kaniya kung ano ang nalaman ko," sagot ni Nielsen, kinuha ang phone
at ibinulsa. "Siyempre, ayaw niyang maniwala sa 'kin dahil naniniwala siyang hindi
mo kayang gawin ang bagay na ipinapagawa sa 'yo. Ayaw niya ring pakinggan ang
recording na 'to at sinabing baka kaboses mo lang ang kausap ni Clarence."

Biglang hinawakan ni Mariel ang dalawang kamay ni Nielsen at direkta siyang


tinitigan ng kaniyang mapupungay na mga mata. "Pakiusap, Nielsen, huwag mong
sasabihin sa kaniya ang tungkol dito. Sa atin munang dalawa ito hanggang sa
magkaroon ako ng lakas ng loob na sabihin sa kaniya nang personal. Please..."

"Gusto niyang sa 'yo mismo manggaling kung totoo man na konektado ka kay Clarence,"
tugon ni Nielsen, ni hindi siya nadala sa pagmamakaawa ng babaeng nasa harap niya.
"Gusto niyang marinig sa bibig mo mismo ang katotohanan. Pero ayaw ko namang
mabuhay sa ilusyon ang kaibigan ko sa mga susunod na araw kaya..."

"Hayaan mong ako na ang magsabi sa kaniya, kapag dumating ang tamang panahon."

"At..." marahan niyang ibinaba ang parehong kamay ni Mariel sa mesa at napahawak
ang kaniyang mga daliri sa pulso ng mga ito sabay titig nang matagalan sa mga mata
ng babaeng kaharap niya. "...bakit ko naman pagtatakpan ang isang magaling na
umarte at magmanipulang kagaya mo? Totoo ba ang sinabi ni Clarence na nahulog na
ang loob mo kay Cris?"

Nanatiling nakatingin nang direkta ang mga mata ni Mariel sa kaniya, walang kurap-
kurap, walang tingin-tingin palayo. "Oo. Tama si Clarence. Hindi ko namalayan na...
hindi ko inakalang..."
Inalis na niya ang kaniyang pagkakahawak sa pulso ni Mariel at muling pinagkrus ang
kaniyang mga daliri. "At anong magiging kapalit ng pansamantala kong katahimikan?"

"Sasabihin ko ang lahat ng gusto n'yong malaman tungkol kay Clarence, basta
ipangako mong wala kang sasabihin kay Cris!" Halata sa boses ng babae ang kaniyang
pagkadesperado. "Ayaw kong masaktan ang damdamin niya lalo na ngayong mukhang may
pinagdadaanan siya."

Nabaling ang tingin ng mga mata ni Nielsen sa lalaking naka-hoodie na nakapuwesto


malapit sa kanilang mesa. Kaagad naman niyang ibinalik ang tingin kay Mariel. "Kung
gano'n, sino ang espiya ni Clarence sa Bloc?"

Dahan-dahang napailing ang ulo ni Mariel, makikita ang pagkadismaya sa kaniyang


mukha. "Pasensya na pero maging ako, hindi ko alam kung sino siya. Tuwing
binabanggit siya ni Clarence, lagi niyang sinasabi, 'ayon sa kaibigan ko sa Bloc'
kaya hindi ko alam kung babae o lalaki siya."

"Sorry but the deal is off," sagot ni Nielsen na sinabayan pa niya ng pag-iling.
Nagulat siya nang muling hawakan ni Mariel ang kaniyang mga kamay.

"Please, Nielsen, please." Isang luha mula sa kanang mata ang tumulo sa maamong
pisngi ni Mariel. "Kung kailangan kong lumuhod, gagawin ko, basta huwag na huwag
mong babanggitin sa kaniya ang tungkol dito.

Hindi tuloy naiwasang mapatingin sa kanila ng mga estudyanteng busy sa pag-aaral.

Muling niyang tinanggal ang mga kamay ni Mariel. "Sige na, sige na, nagbibiro lang
ako. Ititikom ko na ang bibig ko. Sabi ko nga kanina, hindi ako ang magsasabi ng
katotohanan kay Cris. Kahit ako, gusto kong manggaling mismo sa 'yo 'yon."

"Salamat, Nielsen, maaasahan talaga kita," tugon ni Mariel habang pinupusan ang
luhang tumulo sa kaniyang mukha. "Pangako, ngayong linggo ko na sasabihin kay
Cris."

"Mukhang hindi na kailangan. mukhang huli na ang lahat para doon."

"Huh? Anong ibig mong sabihin?"

Sa ikalawang beses, napatingin si Nielsen sa lalaking naka-hoodie na tumayo at


papunta sa kanilang mesa. "Sapat na sigurong patunay ang mga narinig mo. O baka may
pagdududa ka pa rin?"

"A-Anong sapat? Anong patunay?" Napakunot ang noo ni Mariel, mahahalata sa kaniyang
mukha ang malaking pagtataka. "Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo."

"Hindi ikaw ang kausap ko." Ngumuso si Nielsen sa lalaking nakatayo sa tabi ng
kaniyang kaharap. "Siya."

Napatingin si Mariel sa taong parang kabuteng sumulpot sa gilid niya. Laking gulat
niya nang tanggalin ng lalaki ang suot na shades at ibinaba ang hood ng damit.

"Ki-Cris?!"

Pulang-pula at kasing talim ng espada ang mga mata ni Cris na nakatingin kay
Mariel. Nakalabas ang kaniyang mga ngipin at nanginginig sa galit ang mga ito.
Nakasara ang kaniyang mga kamao, bumabaon sa balat ang kaniyang mga kuko.

"Naniwala... naniwala ako sa 'yo... Ngayon pala, minamanipula mo lang ang


nararamdaman ko para sa 'yo," maluha-luhang sabi ni Cris, hindi pa rin naaalis sa
babaeng nasa tabi niya ang kaniyang tingin. "Sabihin mo, gawa-gawa mo lang ba ang
stalker na sinasabi mong sumusunod sa 'yo para mapalapit ka sa 'kin?"

Hindi matingnan ni Mariel nang diretso si Cris. Gusto niyang magpaliwanag pero
natatakot siyang baka hindi paniwalaan o pakinggan ng lalaking nakatayo sa kaniyang
gilid. Isang tango lang ang isinagot niya.

Napatingin palayo si Cris, lalong tumindi ang galit na nararamdaman niya. "Kaya
pala... Kaya pala ni anino ng sinasabi mong stalker, hindi nagparamdam sa 'tin.
Bakit hindi ka mag-apply sa Bloc? Magaling ka kasing gumawa ng kuwento."

"At kaya pala walang senyales ng forced entry sa doorknob ng pintuan dahil ang
salarin ay mismong ang may hawak ng susi," dagdag ni Nielsen nang makahanap ng
tiyempo para sumingit. "Case closed."

"Let me explain, please." Sinubukan ni Mariel na hawakan ang kamay ni Cris pero
inalis niya ito.

"Ano na namang kasinungalingan ang sasabihin mo? Ano na namang pagmamanipula sa


nararamdaman ko ang balak mo?" Bahagyang napalakas ang boses ni Cris dahilan para
muling mapatingin sa kanila ang ibang customer. "Sa tingin mo ba, maniniwala pa ako
sa 'yo?"

"Hindi mo kasi naiintindihan ang sitwasyon ko!" sagot ni Mariel. "Hindi ko naman
ginustong gawin 'to!"

"Hahahaha!" Hindi napigilan ni Cris ang mapatawa. "At ako pa ang hindi marunong
umintindi ngayon? Ano bang ginawa ko para gawin mo sa 'kin 'to?"

"Maniwala ka, hindi ko rin naman kagustuhan 'to kaya p--"

"TAMA na," malutong ang pagkakasabi ni Cris sa dalawang salitang 'yon. "Tama na.
Ayaw ko nang marinig ang paliwanag mo. Ayaw ko nang marinig ang boses mo at ayaw na
kitang makita. Huwag ka na ring pupunta sa dorm ko."

Naglakad palabas ng coffee shop si Cris. Hindi na niya naisipang lumingon at iniwan
ang kaniyang dalawang kasama sa loob.

"Pasensya na, Mariel," hinawakan ni Nielsen sa balikat ang babaeng tumatangis sa


kaniyang harapan. "Ginawa ko 'to para sa kaibigan ko. Sana maintindihan mo."

Sa isang sipsip, inubos muna niya ang kaniyang latte bago tumayo at naglakad
patungo sa labasan ng coffee. Iniwan niyang nag-iisa't umiiyak si Mariel.

Masakit din para kay Nielsen na naging ganito ang kinalabasan ng mga tagpo sa lugar
na 'yon. Alam niyang parehong nasaktan ang kaniyang dalawang kaibigan. Pero ang
katotohanan, kahit gaano pa kapait o kapakla ang lasa, kailangang lunukin at
tanggapin kaysa malinlang sa matamis na kasinungalingan.

*****

Ano ang masasabi n'yo sa kabanatang ito?

Chapter 23: Impact


A/N: The penultimate chapter of Writers' Bloc. Enjoy reading!
*****

ERLAND

Kanina pa nakatayo si Erland sa tapat ng mesa ni Myranda, nakapokus ang kaniyang


walang buhay na mga mata sa kaniyang executive editor. Habang hinihintay niya ang
komento ni Myr sa ibinigay niyang sulat, inoobserbahan niya ang bawat pagtaas ng
kilay, pagkunot ng noo at pagkagat sa labi ng babaeng maya't maya ang pagsipsip sa
frappucino galing sa Starbucks.

Ibinaba ni Myr ang hawak na kapirasong papel at napatingin kay Erland, may halong
pagtataka ang ekspresyon ng kaniyang mukha. "Gusto mong mag-resign bilang editor ng
ABC Mystery? Sigurado ka ba sa inilagay mo sa sulat na 'to o lasing ka ng ipina-
print mo 'to? I'm quite surprised."

"Nakasulat na diyan at nakadetalye pa ang dahilan kung bakit," tugon niya. "Hindi
ko na siguro kailangang ipaliwanag ang sarili ko sa inyo."

Napakrus ang mga braso ni Myr at tiningnan nang may pagdududa si Erland. "I just...
I just find it strange why now. Nasa number two na ang ABC Mystery and eventually,
it might become number one. Why would you just heartlessly abandon the story and
its writer? May problema ba sa inyong dalawa ni Cris?"

Napabuntong-hininga siya at medyo nayamot sa tanong ni Myr. Alam niyang maliwanag


sa kaniyang sulat kung bakit dumating siya sa desisyon na 'yon. "Hindi na ako ang
bagay na editor para sa ABC Mystery. Kung nabasa mo na ang mga bagong kabanata
nito, mapapansin mo ang pagkakaiba sa ABC noong panahon ni Xavier at ang ABC
ngayon."

Napasipsip ng kaniyang inumin si Myr, pansamantalang inalis kay Erland ang tingin.
"Napansin ko ngang unti-unting nagiging dominant ang romance sub-plot ng kaniyang
kuwento kaysa sa mystery. From my point-of-view, there's nothing wrong with that
lalo na't umaangat ang ranggo nito. I consider this as a positive development. But
you, on the other hand, did not take it that way."

"Hindi ako eksperto pagdating sa pag-eedit ng love stories, gaya ng sinabi ko sa


sulat na hawak mo, kaya hindi na ako ang tamang editor para sa kaniya," sagot niya.
"Sa lagay ngayon ng ABC Mystery, papunta na ito sa landas ng mga love story na
ipina-publish natin ngayon."

"Pero you could have advised him to drop the romance sub-plot and change the course
of the story noong napansin mong naliligaw na ito," kaagad na buwelta ni Myr. "You
are his editor, remember?"

"Bago pa man siya tumuloy sa landas na 'yon, pinayuhan ko na siyang isip kung tama
ba ang balak niyang patunguhan ng kaniyang istorya. Bilang editor niya, ayaw kong
pangunahan kung anong gusto niyang gawin sa ABC. At desidido na siya sa ambisyon
niyang maging numero unong manunulat ng Bloc, kahit ang kapalit no'n ay ang kalidad
ng kaniyang kuwento. Sino ba naman ako para basagin ang pangarap niya?"

Napasandal si Myr sa kaniyang upuan, sumipsip ulit sa kaniyang inumin bago sumagot.
"Let me tell you something. I was the one who advised him to change the course of
his story if he really wanted to reach the top. And I also told him to not tell you
about our discussion."

Sa halip na magpahayag ng pagkagulat, ang tanging sagot ni Erland ay "Okay."

"You do not seem surprised."


"Inaasahan ko nang posibleng nangyari ang bagay na 'yon, lalo na't nagbago ang
direksyon ng ABC matapos ka niyang kausapin," sagot ni Erland, kasing blangko ng
malinis na papel ang kaniyang mukha. "Dapat ko bang ikabigla 'yon?"

"You are indeed... the editor of ABC Mystery," komento ni Myr, napangiti sa naging
reaksyon ng kaniyang kausap. "If you were to choose among the editors, kanino mo
siya gustong mapunta?"

"Dahil love story ang pinag-uusapan, mas maganda kung maging editor niya si Elaine.
Gusto kong may matutunan siya sa kung sinuman ang hahawak sa kaniya."

"Not available. She's busy sa paglilinis ng reputasyon ni Mario matapos ang copycat
incident."

"Tom Atayde," sunod na suhestiyon ni Erland. "Nagawan niya ng paraan para makuha
ang mga mambabasa ni Mario dahilan para maging number one ang kuwento ng kaniyang
writer."

Napailing si Myr. "Hindi rin siya puwede. Nakiusap siya sa 'kin na kung puwede,
wala munang ia-assign na bagong story sa kaniya. How about Jodie Santos? Editor of
Snow White and the Seven Gangsters? Patapos na rin kasi ang series na ine-edit
niya."

Bahagyang napaisip si Erland, inaalala kung karapat-dapat ang suhestiyon ni Myr


para kay Cris. "Hindi gano'n kalala ang grammar ni Jodie at napapansin kong
tinuturuan naman niya kung sinuman ang mapunta sa kaniya."

"Bigyan mo ako until the end of the day para pag-isipan kung dapat kong i-approve
ito," sabi ni Myr sa kaniya, itinabi ang sulat na binabasa niya kanina. Kung wala
ka nang concern, you are dismissed."

Naglakad palabas ng conference room si Erland, pabalik na sana sa kaniyang puwesto


pero bigla siyang pinatawag muli ni Myr.

"Ah, Erland! Just one more thing."

Hindi na niya naisipang sumagot. Lumingon na lang siya sa kaniyang boss.

"An editor abandoning the story he was so eager to edit months ago... Have you
thought na may posibleng epekto ito sa paghabol mo bilang editor-in-chief next
year?" tanong ni Myr. "Baka madungisan ng iyong resignation ang malinis mong record
bilang editor."

"Alam kong makabubuti sa 'ming dalawa 'to," sagot ni Erland bago nagpatuloy sa
paglalakad pabalik sa kaniyang desk. Sa totoo niyan, hindi siya sigurado kung
makabubuti rin kay Cris ang naging desisyon niya.

Pagdating ng Miyerkules, inilabas na ang bagong isyu ng Bloc kung saan naka-publish
ang ikasampung kabanata ng ABC. Sa pabalat nito makikita ang top five na story
noong nakaraang linggo. Simula nang maupo si Myr bilang executive editor, iniba na
niya ang batayan kung anong series ang ilalagay sa cover. Dati kasi, noong panahon
ni Xavier, tanging ang number one story ang binibigyang pribilehiyo. Ngayon, kung
anong matripan ni Myr, 'yun ang kaniyang ginagawang cover art.

Tulad ng nakasanayan, paulit-ulit na binabasa ni Erland ang mga naka-publish na


kabanata ng The Secret at ABC Mystery habang nakatambay sa opisina ng Bloc.
Kumpiyansa siyang walang nakalusot na kahit anong uri ng pagkakamali sa dalawang
kuwento na kaniyang in-edit. Nang matapos niyang basahin ang bagong kabanata ng
ABC, napatitig siya ng ilang segundo sa chapter cover nito. Kasunod ng pag-apruba
ni Myr sa kaniyang ibinigay na letter noong Biyernes, ito na ang huling kabanata ng
nasabing series na dumaan sa kamay niya.

Pero sa halip na magmukmok sa kaniyang kinauupuan at muling pag-isipan kung tama


ang kaniyang ginawang pagbibitiw bilang editor ng ABC, itinabi na lang niya ang
magazine at inilabas ang draft ng susunod na kabanata ng The Secret. Hindi na siya
ang editor ni Cris Ibarra kaya dapat ay magpokus na siya sa naiwang series sa
kaniya.

"So... sa next chapter, papatayin ng obsessed stalker ang boyfriend ng bagong


bidang babae gamit ang lason," naisip niya habang tahimik na binabasa ang
panghuling pahina ng draft. "Ilan bang pangunahing tauhan ang balak patayin ni
Simon sa kuwentong 'to? Nag-aala Game of Thrones ba siya?"

Nang matapos na niyang basahin ito, hindi niya naiwasanv isipin kung bakit ang The
Secret, kahit love story, ay hindi niya naisipang bitawan. Bakit ang ABC Mystery,
na sa tingin niya'y unti-unting nagpopokus sa romance sub-plot nito, ay
napagdesisyonan niyang ilaglag sa kaniyang editing list? Ang ibig sabihin ba nito'y
mas matimbang ang bago kaysa sa nauna?

"Erland, busy ka ba?"

Inilagay ni Erland ang hawak niyang folder sa kaniyang desk at lumingon kay Jodie.
"Hindi naman. May kailangan ka ba?"

"Kasi..." In-adjust ni Jodie ang suot na salamin, "sinubukan kong kontakin si Cris
Ibarra para sabihing ako na ang hahawak sa kaniya pero hindi pa siya nagre-reply.
Tinawagan ko na rin siya ng ilang beses pero hindi niya sinasagot. Sigurado ka bang
tama ang ibinigay mong number?"

"Tama 'yung ibinigay kong number niya sa 'yo," sagot niya. Hindi siya maaaring
magkamali dahil maraming beses na niyang itinext at tinawagan ang numerong 'yon.
"Baka busy lang siya noong tinawagan mo kaya 'di niya nasagot?"

"Simula noong Lunes ko pa siya kinokontak. Dapat sana nag-reply na siya ngayong
Miyerkules na natanggap niya ang text message ko," tugon ni Jodie habang
tinitingnan ang kaniyang phone. "Nagpakilala naman ako na editor ng Bloc."

Napaisip tuloy si Erland sa ibinalita sa kaniya. Puwede kayang masakit ang loob ni
Cris sa ginawa niyang pag-iwan sa kaniya sa ere? Batid niyang may pagka-impulsive
ang dati niyang manunulat, basta-basta na lang nagpapadala sa bugso ng kaniyang
damdamin.

"Dapat ko ba siyang kontakin?" tanong niya sa sarili. Inilabas niya ang kaniyang
phone at sinimulang mag-type. Pero bigla siyang napatigil nang bumukas ang pinto ng
kanilang opisina.

"Speaking of the devil..." bulong ni Jodie sa kaniya. Sabay silang napatingin kay
Cris na kapapasok lang. "Sana naman nag-text siya na dadaan siya rito. Pupuntahan
ko muna siya."

Kaagad hinawakan ni Erland ang braso ng kaniyang kapwa editor at sinabing, "Huwag
muna. Mukhang hindi ikaw ang pakay niya rito."

Kumpara noong huling beses na nakita niya si Cris, napansin ni Erland ang malalalim
nitong eyebags, ang matamlay na mga mata at mukha, tila ilang araw na hindi
nakatulog at kumain. Gano'n ba katindi ang epekto ng kaniyang naging desisyon? Pero
ang lalong nakapukaw sa atensyon ni Erland ay ang dala-dalang folder nito habang
diretsong naglalakad patungo sa conference room kung saan nakapuwesto si Myr.
Sandaling nagkasalubong ang kanilang tingin. Kung dati'y puno ng determinasyon at
pag-asa ang mga mata ni Crisis, ngayo'y halos magkatulad na sila ni Erland--
parehong walang buhay ang mga ito. Ni hi, ni hello, hindi nagpalitan ng bati ang
dalawang dating mag-partner.

Patuloy pa rin ang pagmamasid ni Erland kay Cris na kinakausap na si Myr ngayon sa
conference room. May masama siyang kutob kung bakit nag-iba ang aura ng kaniyang
dating manunulat. Gusto nga niyang sumunod sa loob para malaman kung anong pinag-
uusapan nila, pero mas pinili niyang manatiling nakaupo at ibaling ang atensyon sa
ibang bagay. Ang kaso nga lang, binabagabag siya ng kaniyang kuryosidad.

Makalipas ang sampung minuto na binilang ni Erland, lumabas na ng conference room


si Cris at dumiretso palabas ng opisina. Ni hindi niya dinaanan o kinumusta ang
dati at ang bago niyang editor. Diretso ang kaniyang tingin, ni hindi naisipang
lumingon. Napansin din ni Erland na wala na ang folder na dala-dala nito kaninang
pumasok siya.

Lumipas pa ang ilang minuto bago bumukas ang pinto ng conference room at lumabas si
Myr. "Erland, do you have a moment? Come here, please."

Inasahan na niyang tatawagin siya ng kanilang executive editor kaya hindi na siya
nagulat pa. Kaagad siyang tumayo at nagtungo sa conference room. Sigurado siyang
tungkol kay Cris ang pag-uusapan nila.

"I think you have an idea why I immediately called you here," pambungad ni Myr sa
kaniya habang binubusisi ang folder na kanina'y hawak ng taong pumasok kanina roon.

"Tungkol kay Cris?"

"Is it not obvious?" tugon ng executive editor. Itinaas niya ang hawak na folder.
"Ibinigay niya sa akin ang manuscript ng kaniyang chapter eleven.

"Kung tungkol sa ABC Mystery, dapat si Jodie ang kausapin n'yo. Siya na ngayon ang
editor ni Cris," sagot ni Erland, nakatitig ang kaniyang mata sa hawak ni Myr.

"Tama, kay Jodie ko dapat ibigay ang draft na 'to dahil wala ka nang
responsibilidad sa series ni Cris pero..." May inilabas na kapirasong papel si Myr
mula sa folder at iniabot sa kaniya. "I believe you are somehow responsible for
this."

Nagkatitigan muna ang dalawa bago kunin ni Erland ang papel at basahin ang
nilalaman nito. "Ano 'to, isang love letter? Malayo pa ang Valentine's... Day...?"

"Kagaya ng ibinigay mong love letter sa 'kin last week," komento ni Myr nang
makikita ang pagtataka sa mukha ni Erland. "Bet you didn't see that coming."

"Se...Seryoso ba siya rito?" bulalas ni Erland nang matapos basahin ang sulat,
nanlaki ang kaniyang mga mata at napabukas ang bibig.

*****

Last chapter na sa next update! Huwag bibitiw!

Any thoughts about this chapter?

Chapter 24: The End? [Series Finale]


A/N: Heto na ang huling chapter ng Writers' Bloc! Basahin hanggang sa pinakahuling
salita.

Enjoy reading!
*****
"Hindi, hindi maaari ito! Bakit, bakit nagawa mo sa 'kin 'to?" Halos magwala na si
Laurell habang pinagmamasdan ang kaniyang partner na nakatayo sa harap niya. Hindi
siya makapaniwala. Ayaw niyang maniwala. Gusto niyang isipan na isang malagim na
bangungot lang ang lahat nito.

"Nag-enjoy akong makatrabaho ka, Lau, lalo na't ni minsa'y hindi mo ako
pinaghinalaan," sagot ng babaeng itinuring niyang kaibigan at ka-partner sa
nakalipas na tatlong buwan. "Convincing ba masyado ang pag-arte ko kaya nalinlang
ko ang pinakamatinik na college detective sa university? Pasensyahan na lang pero
sinusunod ko lang ang utos ng boss ko."

"Kung gano'n, ang lahat ng sinabi mo... ang lahat ng pangako mo... ay walang
katotohanan...?"

"Tama, nakasulat ang lahat ng 'yon sa script. Sinunod ko lang kung anong nakalagay
doon," tugon ni Ashley na sinabayan pa niya ng tawa. "Sa tingin mo ba magkakagusto
talaga ako sa isang weirdong kagaya mo? Dahil ba isa kang college detective kaya
inakala mong mahuhulog ang loob ko sa 'yo? Hahaha!"

Walang magawa si Laurell kundi pakinggan at tanggapin ang katotohanang isinasampal


ng babaeng naging kanang kamay niya sa paglutas ng mga kaso. Ang inakala niyang
kakampi, isa palang ahas na nagkukubli sa likod ng maamong mukha.

Kung isa itong chess, aminado siya na na-checkmate na siya ng kalaban. Hindi niya
na alam kung ano na ang kaniyang gagawin. Halos sumabog na ang kaniyang utak sa
rebelasyong tumambad sa kaniya.

Dahil hindi na niya makayanang tingnan ang mukha ng babaeng kaniyang inibig at
pinagkatiwalaan, tumakbo siya palabas ng gymnasium. Wala siyang destinasyon. Ni
hindi alam ng kaniyang mga paa kung saan siya dadalhin. Tumakbo lang siya nang
tumakbo. Mulat ang kaniyang mga mata pero para siyang bulag na pilit tinatakbuhan
at tinatakasan ang mapait na katotohanan.

Sa kaniyang pagtakbo, nakarating siya sa labas ng campus. Pinagpatuloy pa rin niya


ang kaniyang pagtakas kahit wala siyang sinusundan na direksyon.

At dahil hindi na maayos ang takbo ng kaniyang pag-iisip, tumawid siya sa daan
kahit naka-red pa ang traffic light. Hindi niya namalayan ang rumaragasang trak na
biglang humagip sa kaniya.

The End

Alas-tres na ng umaga nang matapos ni Cris ang chapter eleven ng ABC Mystery. Wala
siya sa mood para magsulat kaya pinilit niyang pigain ang kaniyang mga utak para
may mga maisulat siyang salita.

Simula nang inanunsyo ni Erland na nagbitiw na siya bilang editor ng ABC, nasiraan
na ng loob si Cris at nawalan na ng gana sa pagsusulat. Napagtanto niyang tama ang
kaniyang dating editor--nabulag siya sa pagiging number one at sa panandaliang
kasikatan na kaniyang natamasa kaya hindi niya namalayang nag-iiba na ang landas na
tinatahak ng kaniyang nobela.

Sana nakinig ako noon kay Erland. Sana hindi ako nagpadala sa suhestiyon noon ni
Myr. Para na niyang inirorosaryo ang mga salitang 'to sa kaniyang isipan. Malaki
ang kaniyang pagsisi ngayon. Muli niyang binasa ang mga kabanata ng kaniyang nobela
at napansin kung paano lumihis ang kuwento sa daang hindi niya naisipang tahakin
noon.

Hindi lang 'yon ang dahilan kung bakit lumagapak ang kaniyang moral. Nakadagdag pa
ang pasabog ni Nielsen na maaaring konektado si Mariel kay Clarence Alfonso, ang
taong nasa likod ng Bloc Debunker. Noong una'y hindi siya makapaniwala. Ang akala
niya'y biro lang ito ng kaniyang kaibigan hanggang makumpirma niya mismo ang
katotohanan nitong Lunes mula sa babaeng kaniyang hinangaan.

Nasiraan na nga siya ng loob, nadurog pa ang kaniyang puso. Sunod-sunod na mga
masamang pangyayari ang bumulaga sa kaniya.

Kaya ito ang naging inspirasyon niya sa bagong kabanata ng ABC--kasawian. Kung siya
ang masusunod, hindi na niya itutuloy ang pagsusulat sa kuwentong 'yon. Ayaw na rin
niyang magsulat para sa Bloc. Nawalan na siya ng inspirasyon at motibasyon. Pero
dahil nakasaad sa kontrata na dapat niyang tapusin ang kaniyang series sakaling
maisipan niyang tumigil na, wala siyang magagawa kundi umisip ng hindi inaasahang
plot twist bilang pantapos sa kaniyang nobela.

At ang naisip niyang ending: Tinraydor ang detective ng kaniyang partner at nasawi
sa aksidente. The End.

Alam niyang madi-disappoint ang kaniyang mga mambabasa sa biglaang twist. Ni wala
ngang foreshadowing na kalaban din pala ang partner ng detective. Pero wala na
siyang pakialam sa sasabihin ng iba kung matuwa o magalit man sila sa ending ng
ABC. Ang mahalaga para kay Cris, tapusin na ang nobela at lumagay na sa tahimik.

Nang magising siya bandang alas-diyes ng umaga, kaagad siyang naligo at nag-ayos ng
sarili. Dumaan muna siya sa isang net cafe para ipa-print ang huling kabanata ng
ABC at isang sulat na tinapos niya bago siya natulog kanina.

Mag-aalas-onse na ng umaga nang makarating siya sa tapat ng opisina ng Bloc. Bigla


siyang nagkaroon ng agam-agam kung dapat niyang ituloy ang kaniyang balak. Muli
niyang naalala ang unang beses na tumayo siya sa tapat ng pinto, ilang buwan na ang
nakalilipas, hawak-hawak ang unang manuscript na kinalauna'y ni-reject ng
acquisition editor. Malakas ang kabog noon ng kaniyang dibdib. Hindi niya mapigilan
ang pamamawis.

Ngayon, hawak niya ang ending ng ABC para isumite sa kanilang executive editor.
Minabuti niyang idirekta na kay Myr ang manuscript kaysa ipadaan kay Jodie, ang
bago raw niyang editor, o kay Erland na ayaw muna niyang makita sa ngayon.

Napalunok muna ng laway si Cris bago hawakan ang doorknob at buksan ang pinto.
Pagtapak ng kaniyang kanang paa sa opisina, napatingin sa kaniya ang ilan sa mga
editor na walang ginagawa. Hindi na niya naisipang bumati pa sa kanila. Diretso
lang ang kaniyang tingin habang naglalakad patungong conference room pero nang nasa
kalagitnaan na siya, biglang nabaling ang kaniyang tingin sa puwesto ni Erland.
Sandaling lang nagkasalubong ang kanilang mga mata dahil kaagad siyang tumingin
palayo.

Kumatok muna siya sa pintuan ng conference room bago pumasok.

"Oh, Cris, what brought you here? Do you need something?" pambungad na tanong ni
Myr na may binabasang mga manuscript. "I heard na nananatiling number two ang ABC."

Iniabot ni Cris ang hawak niyang folder sa mesa ni Myr, wala siyang sinabi kung ano
o kung para saan 'yon.
"You looked stressed. Are you okay?" tanong ni Myr nang buksan ang folder. "Huwag
mo masyadong pagurin ang katawan mo. I know you have to beat the deadline but you
don't have to--Wait, chapter eleven 'to ng ABC. Bakit sa 'kin mo ibinibigay? Dapat
kay Jodie."

"Yan na po ang huling kabanata ng ABC," sagot ni Cris, matamlay ang kaniyang boses.
"Basahin n'yo 'yung nakasulat sa last page."

Kaagad inilipat ni Myr sa pinakahuling pahina ang manuscript. Biglang napakunot ang
noo niya habang binabasa ang nakasulat doon. "Are you serious about this? Do you
really want to end your contract?"

Marahang napatango si Cris bilang tugon. "Alam kong biglaan pero sa tingin ko,
medyo napapabayaan ko na ang sarili ko at iba pang mga bagay. Masyado akong pokus
sa pagsusulat kaya may mga bagay akong nakakaligtaan sa buhay ko."

Ibinaba ni Myr sa mesa ang hawak na folder at napakrus ang mga kamay. "Is it
because of Erland's resignation as your editor? 'Yon ba ang dahilan kaya naisipan
mong biglang tapusin ang ABC at tumigil muna sa pagsusulat? You know what? You are
a good writer, better than most writers here. Sayang if you will be putting
yourself on hiatus."

"May mas personal pa akong dahilan," sagot ni Cris. "Kailangan ko muna sigurong
mag-soul searching bago ako bumalik sa pagsusulat."

Napatahimik muna si Myr nang ilang segundo bago sumagot. "Okay, your letter is
approved. You are still welcome to write for the magazine pero muli kang dadaan sa
butas ng karayom."

"Naiintindihan ko."

Nang matapos na ang kanilang pag-uusap, diretsong naglakad palabas ng opisina si


Cris, ni hindi lumingon sa taong kanina pa nagmamasid sa kaniya.

Pagsapit ng dilim, pumunta siya sa isang bakanteng lote dala-dala ang mga personal
na kopya ng Bloc kung saan naka-publish ang kaniyang nobela. Tumingin muna siya sa
paligid kung may mga taong malapit sa kaniya. Nang masigurong wala, inilapag niya
sa lupa ang mga magazine.

"Nag-enjoy ako habang isinusulat ang ABC Mystery," bulong niya sa sarili habang
tinitingnan ang kopya kung saan cover ang kaniyang nobela. "Marami akong natutunan
sa pagsusulat nito."

Napaupo siya sa tabi ng mga ito, nakababa sa lupa ang kaniyang kanang tuhod. "Pero
tulad ng mga nababasa nating kuwento, may mga bagay na kailangang magtapos."

Inilabas niya ang isang lighter mula sa kaniyang bulsa, sinindihan at itinapat ang
apoy sa isa sa mga magazine. Kaagad namang kumagat ang apoy sa papel kaya makalipas
ang ilang segundo'y nagliyab na ang mga ito.

Pinanood niya habang unti-unting nilalamon ng lagablab ng apoy ang kaniyang


pinaghirapan sa mga nakalipas na ilang buwan. Pinagmasdan niya kung paano maging
abo ang mga pahinang pinagbuwisan niya ng pawis at dugo. Ni minsa'y hindi kumurap
ang kaniyang mga mata habang nakatitig ang mga ito sa nagbabagang apoy.

Mahigit limang minuto rin ang lumipas bago tuluyang namatay ang apoy at naging
kulay itim ang mga papel na makukulay kanina. Tumayo na si Cris mula sa kaniyang
kinauupuan at naglakad palayo sa lote kung saan siya nagpaalam sa kaniyang naging
abong pangarap.
THE END

At diyan po nagtatapos ang Writers' Bloc! Maraming salamat sa


qwertyuiopasdfghjklzxcvbnm

mnbvcxzlkjhgfdsapoiuytrewq

)(+-*&%$#@

!"':;/?????

*****
"Wala na si I-barra~ Bumagsak na si Ma-rio~ Sino na niyan ang kalaro ko~"

Parang tulang ikinakanta ng isang lalaki ang mga salitang 'yon, may kasama pang
ngiti. Nasa isang abandonadong gusali siya na tila nawasak dahil sa apoy. Pero may
ilang kagamitan pa rin dito tulad ng mesa na yari sa mahogany at kahoy na upuan.

"Sayang naman, hindi kami masyadong nakapaglaro ni Ibarra," dismayadong bulong ng


lalaki. "Ang akala ko nahanap ko na 'yung katapat ko. 'Yun pala, susuko siya kaagad
sa laban."

"Ungh! Ungh!" Isang babaeng nakagapos sa sulok ang sinubukang magsalita pero dahil
sa busal sa kaniyang bibig, hindi maintindihan ang gusto niyang sabihin.

"Ang boring ng buhay, 'no?" sabi ng lalaki sa kasamang babae. "Mabuti pa ang mga
manunulat kaya nilang lumikha ng sariling mundo at tumakas mula sa nakakabagot na
reyalidad na 'to. Kaya nilang gawing posibleng ang imposible. Pero minsan,
nakakasawa na ring magsulat ng kathang-isip kasi hindi naman nangyayari sa totoong
buhay ang mga isinusulat mo. Mabuti na lang at nakahanap ako ng libangan. Ano sa
tingin mo?"

"Ungh! Ungh! Ungh!"

"Sa susunod na kabanatang isusulat ko, balak kong sunugin 'yung bidang babae. Ang
problema, hindi ko alam kung paano isusulat 'yon," sabi ng lalaki. "Gusto ko kasi
eksakto 'yung pagkakalarawan ng eksena. 'Yung tipong maiisip ng mga mambabasa na
parang nandoon sila mismo sa lugar ng pinangyarihan. Puwede naman akong maghanap sa
YouTube pero masyado kasing OA ang mga video doon e."

"Ungh! Ungh! Ungh! Ungh!"

"Bakit ginagawa ko 'to?" tanong ng lalaki kahit wala siyang naintindihan sa gustong
sabihin ng babae. "Simple lang. Una, nababagot ako sa buhay. Pangalawa, gusto kong
maging number one sa Bloc kaya talagang inaayos at ginagandahan ko ang pagkakasulat
sa bawat kabanata. Pero... secret lang natin ito, huh?"

"Ungh! Ungh!"

May kinuhang isang plastic container ang lalaki at ibinubat malapit sa nakataling
babae. Tila may laman ang lalagyan kaya medyo nahirapan siyang magbuhat. Binuksan
niya ang takip at dahan-dahang ibinuhos sa babae ang laman nitong tubig.

"Uuungh! Uuungh!"

"Sana makaakyat muli si Mario mula sa pinagbagsakan niya," bulong ng lalaki. "Pero
habang hindi pa siya nakakabalik sa taas, baka makipaglaro muna ako kay Claire.
Hehe."
"Ngayon, ipakita mo sa akin kung paano mag-react ang isang babae habang nasusunog
nang buhay. PUH-lease?" Inilabas niya ang isang maliit na kahon at sinindihan ang
posporo. Inihagis niya ito sa basang-basang babae, dahilan para bigla siyang
magliyab.

"Unnngggghhh! UNNNGGGHHH!"

Nagliwanag ang abandonadong gusali dulot ng apoy. Ang paglagablab nito, sinasabayan
pa ng malalakas na ungol ng babae. Sa kaniyang harapan, nakatayo si Simon Morayta,
nakangiti habang pinagmamasdang lamunin ng apoy ang babae.

*****
At diyan po nagtatapos ang series one ng Writers' Bloc!

Abangan ang series two kung saan isang babaeng manunulat ang bibida (Naka-hiatus si
Cris Ibarra)! Kung sinubaybayan n'yo ang mga nakaraang kabanata, may ideya na kayo
kung sino siya. (Hindi si Mariel)

Anong say n'yo sa series finale?

EXTRA: Beyond the Bloc (Trivia, Secrets, Etc.)


SA MGA TAUHAN

1. Hango ang pangalan ni Cris Ibarra mula kay Crisostomo Ibarra, tauhan mula sa
Noli Me Tangere ni Rizal.

2. Ang pangalang Erland ay nangangahulugang leader (sa Norse) at stranger (sa


Swedish).

3. Ang apelyido ni Nielsen na Guevarra ay nabanggit ni Ben Zayb sa El


Filibusterismo sa ikatlong kabanata nito nang itinanong niya kung saang bahagi ng
lawa napatay ang isang Guevara, Navarra o Ibarra.

4. Ang buong pangalan ni Mariel ay Maria Elizabeth Castro. Galing ang Maria mula
kay Maria Clara.

5. Ang kahulugan ng pangalan ni Myranda Perez ay admirable (Miranda) breakthrough


(Perez). Inspired ang kaniyang karakter kay Miranda Priestly ng The Devil Wears
Prada.

6. Hango ang karakter ni Clarence Alfonso kay Charles Augustus Magnussen


(Sherlock), ang Napoleon ng blackmail.

7. Ang pangalang Simon Morayta ay mula sa Simoun ng El FIli at Moriarty ng


Sherlock.

8. Si Clara I. Reyes ay hango mula sa Clara ng Maria Clara habang ang Reyes ay
nangangahulugang royalty. Kaya ang pamagat ng kaniyang nobela ay He's Dating the
Cold-hearted Princess.

9. Hango ang karakter ni Mario Santiago sa isang sikat na Pilipinong manunulat.

10. Sina Jodie Santos at Tom Atayde ay hango sa dalawang tauhan ng Detective Conan:
Jodie Saintemillion at Tomoaki Araide.

11. Si Cornelia Angeles ay hango sa isang university official noong nasa college pa
ang may-akda at inirerepresenta niya ang mga publisher na puro numero ang iniisip.
12. Ang pangalang Elaine Flores ay nangangahulugang shining flower. Konektado sa
sunflower ang pangalan ng totoong taong pinagbasehan ng may-akda kay Elaine.

*****

SA KUWENTO
1. Initially, bago opisyal na simulan ang pagsusulat ng kuwentong ito, ang Writers'
Bloc ay ang magsisilbing official student publication (may news, feature, opinion,
sports) ng kathang-isip na University of Pampanga. Pero nang mabasa ng may-akda ang
Japanese manga na Bakuman, naisip niyang gawing literary magazine ang Bloc at
magpokus sa mga nobela na ipina-publish kada linggo.

2. Inspired ang "ranking system" ng Writers' Bloc sa Bakuman at sa Wattpad.

3. Hanggang Chapter 15 lang dapat ang Bloc pero naisip ng may-akda na i-extend ito
sa Chapter 20. Dahil naging malawak ang istorya, in-extend ulit hanggang Chapter
30. Pero muli niyang naisip na tapusin na ito nang mas maaga kaya hanggang Chapter
24 na lang.

4. May mga nakakalat na writing tip sa halos lahat ng kabanata, lalo na sa tuwing
nag-uusap sina Cris at Erland.

5. Hindi sinasadya ng may-akda na gawing magkapareha ang initials ng mga love team
(Mario at Mariel, Erland at Elaine).

6. Sa Chapter 9, habang sinasabi ni Cris ang naisip niyang senaryo na may taong
mahuhulog mula sa ferris wheel, dapat nangyari 'yon sa eksena. Pero medyo brutal
kaya pinalitan ng hostage-taking.

7. Nang mabuking ang kaniyang pangongopya, magpapakamatay na dapat si Mario


Santiago dahil sa kahihiyan. Pero medyo brutal kaya pinalitan na lang. Mas bagay
ang redemption kaysa suicide para sa kaniya.

8. Initially, may serial killer na papatay sa mga writer ng Bloc base sa ranking
nito, mula 10th pataas at ang tawag sa kasong 'yon ay 10-9-8 Murders. Pero medyo
brutal kaya hindi na itinuloy. (Sorry, gusto ko kasi talagang sumulat ng mystery
novel.)

9. Nang matapos ang Arc I: Join the Bloc, wala sa orihinal na plot ang gawing
espiya si Mariel para kay Bloc Debunker. Bigla lang naisip ng may-akda habang
kumakain na "Bakit 'di ko kaya gawing kontrabida si Mariel para may twist?" At
'yun, nangyari nga.

10. Ang orihinal na plano kay Myranda ay para kamuhian ng mga editor at ng mga
mambabasa. Kumbaga, mas malalang editor kaysa kay Xavier. Pero minabuti ng may-akda
na gawin siyang "better" editor na bahagyang aayusin ang sistema sa Bloc.

11. Sa Chapter 13, ipinabalik ni Cornelia sa staff si Mario kahit na nagkasala


siya. Sa naunang bersyon nito, tuluyan niyang pinaalis si Mario dahil sa usapin sa
ethics. Pero dahil puro numbers at sales ang iniisip niya, mas in-character kay
Cornelia na huwag palayasin si Mario para hindi bumaba ang kanilang benta (at para
mabuwisit ang ilan sa inyo).

12. Medyo mahirap isulat ang mga linya ni Myr dahil "bilingual" siya. Kapag ang
naunang linya niya ay English, asahan nang Filipino ang kasunod. (Pansinin n'yo)

13. Ipapasok na dapat si Claire sa unang bahagi o kalagitnaan ng Arc III pero
dinelay muna ng may-akda para makapagpokus sa rise at fall ni Cris Ibarra.
14. Noong nakaraang linggo lang naisip ng may-akda na gawan ng season two ang
Writers' Bloc at paikliin ang Cris Ibarra season.

15. Naka-set na ang totoong ending ng kuwento. Baka hanggang season three na lang
ito (maliban na lang kung ma-writer's block ang may-akda).

LOOSE ENDS: THE END?


1. Ano na ang mangyayari sa deal nina Cris at Erland? Ni hindi nga sila nag-usap sa
huling kabanata e.

2. Sino ang espiya ni Bloc Debunker sa Writers' Bloc?

3. Ano na ang mangyayari sa relasyon nina Cris at Mariel matapos ang rebelasyon?
Magkakaroon ba ng closure sa pagitan nilang dalawa?

4. Magtatagumpay kaya ang kampanya ng Bloc Debunker laban sa Writers' Bloc?

5. At bakit gano'n si Simon? Anyare?

TUNGKOL SA MAY-AKDA
1. Chief editor ang may-akda ng kanilang pahayagan noong high school at college
kaya umiikot doon ang theme ng kuwento.

2. Na-writer's block ang may-akda ng Writers' Bloc noong Pasko at Bagong Taon.
Naisipan nga niyang itigil na ang pagsusulat nito.

3. Isinulat ang Writers' Bloc sa konsepto ng "free writing." Kung anong unang
pumasok sa isip ng may-akda, 'yun ang isusulat niya. Pero sa kalagitnaan, minabuti
niyang pagplanuhan ang mga susunod na kabanata.

4. Nai-inspire ituloy ng may-akda ang pagsusulat ng WB tuwing may nakikita siyang


Wattpad story title na may "gangster, ice princess, casanova, mafia boss, assassin,
etc." Sila ang inspirasyon niya kung bakit naisipan niyang simulan ang WB.

5. Sinisikap ng may-akda na itakda sa 2,500 ang minimum word limit sa bawat


kabanata.

P.S. Sana may napulot kayo sa pagbabasa nito. Hehe.

TEASER: Writers' Bloc (Spin-Off)


Author's Note: Ang susunod na series ng Writers' Bloc ay hindi sequel o prequel.
Isa itong spin-off o sidequel. Puwede n'yo itong ituring na standalone story.

Paalala lang po: Maaaring may mabago sa mga eksenang naka-tease dito.

[November 7, 2014-Writers' Bloc 10th anniversary] refer to Chapter 20 of Writers'


Bloc (Series One)

"The outstanding writer of the semester award goes to... Clara Reyes, author of
He's Dating the Cold-hearted Princess!"

"Gusto kong magpasalamat sa aking editor, kay Tom Atayde, na nagtiwala sa aking
kakayahan at nanatiling buo ang suporta hanggang ngayon. Sa mga mambabasa ko kahit
wala sila ngayon. At sa taong... sa taong nagbigay... ng inspirasyon... sa nobela
ko."

Nanginginig ang boses ni Claire. Gusto niyang banggitin ang pangalan ng taong 'yon.
Gusto niyang ipangalandakan sa mga taong dumalo sa pagtitipon ang pangalan ng taong
nasa likod ng tagumpay niya at ng kaniyang nobela.

Ngunit hindi niya masambit. Umuurong ang kaniyang dila. Tumitikom ang kaniyang
bibig... kahit anong pilit niya.

Sa ikalawang series ng Writers' Bloc, kilalanin natin si Clara I. Reyes, mas kilala
sa tawag na Claire.

"Writer's block?" tanong ni Claire bago sumipsip sa binili niyang softdrinks.

"Writers' B-L-O-C," pagtatama ni Lance Castillo, ang lalaking kasabay niyang


kumakain sa cafeteria. "Sigurado akong nabasa mo na o narinig 'yung pangalan ng
club na 'yon. Nagpa-publish sila ng mga kuwento. Baka puwede mong i-submit 'yung sa
'yo."

"Ah... Natatandaan ko na," matamlay na sagot ni Claire. "Last year, nangolekta ako
ng mga issue nila pero naging boring na 'yung mga istorya nila kaya itinigil ko."

"Open pa rin sila ngayon for submission," pagpapatuloy ni Lance. "May kilala akong
editor doon, medyo weirdo at iba ang taste niya pagdating sa mga kuwento--ayaw niya
sa mga love story. Pero puwede ko siyang pakiusapan na i-refer sa editorial board
nila ang manuscript mo."

Kagaya sa mga karaniwang kuwento, laging may karibal. Laging may tinik na haharang
sa landas ng pangunahing tauhan.

"Emilia Torres, tandaan n'yo ang pangalan ko at huwag na huwag n'yong kakalimutan,"
anunsyo ng isang babaeng nasa unahan ng pila ng mga magsusumite ng manuscript sa
Bloc. "Malay n'yo sa susunod na linggo, mag-number one na ang nobela ko at talunin
ko na si Mario Santiago! Hahaha! Sigurado namang tatanggapin ng editor ang
manuscript ko. Tingnan n'yo lang!"

"Patingin nga ng isinulat mo!" sabi ni Emilia kay Claire sabay hablot sa hawak
niyang manuscript.

"Ah, teka!"

"Hahahaha!" Hindi na napigilan ni Emilia ang paghalakhak nang ibinabalik kay Claire
ang manuscript. "College student ka na, 'di ba? Bakit parang high school student
ang sumulat niyan? Pang-amateuuur~~ Kulang na lang e bigyan mo ng emoticons!"

Katulad ng ibang mga manunulat, kailangang dumaan sa butas ng karayom.

"Hmm..." Napakamot sa ulo si Kevin Quirino, ang acquisitions editor ng Bloc, habang
nakatitig sa manuscript ni Claire. "Maganda ang istorya, medyo kakaiba kumpara sa
iba. May kilig factor pero... pero may problema."

"A-Ano pong mali sa isinulat ko?"

"Masyado siyang malalim para sa mga reader natin. Kung isa akong casual na
mambabasa, baka hindi ko ma-appreciate ito. Babawan mo nang kaunti, bigyan mo ng
mga cliche na elements para maka-relate ang mga reader," payo ni Kevin sabay turo
sa mga parte ng manuscript na tingin niya'y may pagkukulang.

At dahil tungkol ito sa isang romance novelist...

"Pa-Pasensya na kung hindi kita matutulong ngayon, na-overfatigue kasi ako kagabi.
Nasa ospital ako ngayon." Dinig na dinig ni Claire ang matamlay na boses ni Lance,
tila pinipilit na lang magsalita ng lalaking nasa kabilang linya para kausapin
siya.

"A-Ayos lang sa 'kin. Gusto ko sana munang pabasa sa'yo 'yung manuscript ko tutal
ikaw ang nagbigay ng ideya sa 'kin last week," sagot ni Claire. "Magsa-submit ulit
ako ngayong araw. Wish me luck."

"Teka, magkaroon tayo ng deal."

"Huh? Ano 'yon?"

"Na-miss ko nang pumunta sa theme parks. Magbubukas daw next week 'yung sa may
mall," tugon ni Lance.

"A..Anong kinalaman no'n sa deal?" nagtatakang tanong ni Claire.

"Kapag na-publish 'yang isinulat mo, gusto ko sanang pumunta tayong dalawa doon,"
sagot ni Lance.

Biglang namula si Claire. Mabuti na lang at wala ang kaniyang kausap sa harap niya.
"Ta-Tayong dalawa?"

"Oo, tayong dalawa lang. Ano? Deal?"

Napaisip muna ng ilang segundo si Claire bago nakasagot. "Si-Sige, payag ako. Pero
siguraduhin mong magaling ka na sa araw na 'yon."

May tiyak namang gagabay kung sakaling mawala sa landas, ang magsisilbing liwanag
sa dilim.

"Hi! Ako nga pala si Thomas Atayde. Puwede mo akong tawaging Tom," iniabot ng isang
lalaking nakasalamin ang kaniyang kanang kamay kay Claire. "Hindi na ako
magpapaligoy-ligoy pa. Gusto kong pag-usapan ang sa tingin ko'y dapat mong i-
improve sa istorya mo."

"Heto ang rule ko kapag nagsusulat ng love stories," panimula ni Tom. "Kapag hindi
kinilig ang manunulat, hindi kikiligin ang mambabasa. Tandaan mo 'yan, Claire."

"Walang mali sa paggamit ng mga cliche na linya o eksena," payo ni Tom. "Tandaan
mo, nasa execution 'yan ng scenes. Puwede kayong sampung love story writers ng Bloc
ay sabay-sabay gumamit ng 'boy-meets-girl' cliche. Magkakatalo kayo kung paano n'yo
isusulat ang eksena--sino ang mas may impact, sino ang mas authentic."

At sa araw na makakamit ang tagumpay...

Nang makabili ng dalawang kopya si Claire ng bagong issue ng Bloc kung saan naka-
publish ang kaniyang He's Dating the Cold-hearted Princess--isa para sa kaniya at
isa para kay Lance--kaagad niyang inilabas ang kaniyang phone at idinial ang numero
ng kaniyang kababata.

"The number you have dialed is either unattended or out of coverage area."

"Baka natutulog pa siya?" bulong ni Claire habang tinitingnan kung tama ang
numerong kaniyang tinawagan. Pumunta siya sa messages at nag-type ng mensahe para
kay Lance, sakaling tulog pa ito.

Claire (10:25 AM): Nakakuha na ako ng bagong labas na issue ng Bloc. Bumili na rin
ako ng kopya para sa 'yo bilang patunay na na-publish ang akda ko. Salamat sa mga
ipinayo mo sa 'kin, kundi dahil sa 'yo, baka hanggang ngayon, rejected pa ang
manuscript ko. Please reply or call back kapag gising ka na o hindi na busy.
Thanks!

Matamis ang ngiting nakapinta sa mukha ni Claire, tila ito na ang pinakamasayang
araw ng kaniyang buhay. Nang palabas na siya ng campus, biglang nag-vibrate ang
kaniyang phone.

Lance is calling...

"Hello?" masiglang sagot ni Claire, bakas pa rin ang tuwa sa kaniyang mga labi.
"Akala ko kung napa'no ka na. Na-receive mo naman siguro 'yu--"

Huwag palalampasin ang series two ng...

Writers' Bloc: The Romance Novelist


Arc I: In Memoriam

*****

P.S. Kung ang Series One ay patungkol sa anti-cliche campaign nina Cris at Erland,
ang The Romance Novelist ay ang kabaligtaran nito. Sa tingin ko, dapat bigyan ng
spotlight ang aspetong ito ng pagsusulat dahil karamihan sa mga writer sa Wattpad
ay tulad nila. Binase ang kuwentong ito sa mga cliche/trope na makikita sa mga love
story kaya may mapapansin kayong mga pamilyar na elemento. Pero siyempre, gusto
kong may ibang touch ang spin-off (at may touch of mystery pa rin. Hehe.)

SPOILER: Wala sina Cris at Erland sa spotlight pero maaaring mabanggit sila
throughout the story.

Sa mga patuloy na sumusubaybay sa WB, sana patuloy pa rin ang suporta n'yo sa
susunod na series. Hinihikayat ko rin kayong mag-iwan ng comment, feedback,
suggestion o expectation para mas mapabuti ang susunod na kuwento. I'd appreciate
that as a writer.

Maraming salamat!

THE SPIN-OFF IS UP!


Naka-upload na po ang spin-off ng Writers' Bloc: The Romance Novelist! Inihiwalay
ko siya sa Writers' Bloc (Series One) dahil iba na ang pangunahing tauhan at ilan
sa mga miyembro ng cast.

Hanapin ang Writers' Bloc: The Romance Novelist sa search bar o kaya'y tingnan sa
link na 'to: http://www.wattpad.com/story/33331610-writers%27-bloc-the-romance-
novelist

Maraming salamat! Enjoy reading!

You might also like