Enero 9, 2020-WPS Office

You might also like

Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Enero 9, 2020

Huwebes Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon

UNANG PAGBASA

1 Juan 4: 19 – 5, 4

Minamahal kong mga kapatid, tayo’y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. Ang
nagsasabing, “Iniibig ko ang Diyos,” at napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung yaong
kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya maibig, paano niya maiibig ang Diyos na hindi nakikita? Ito ang
utos na ibinigay sa atin ni Kristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.

Inaaring mga anak ng Diyos ang sumasampalatayang si Hesus ang Mesias; at sinumang umiibig sa ama ay
umiibig din sa mga anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kapag iniibig natin
ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong
tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat
napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng
pananampalataya.

SALMONG TUGUNAN

Salmo 71: 2. 14 at 15bk. 17

Tugon: Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.

Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran:

sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;

upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan,

at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.


Tugon: Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.

Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas

sa kanya ang buhay nila’y mahalagang hindi hamak.

Sa tuwina siya nawa’y idalangin nitong bayan,

kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.

Tugon: Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.

Nawa yaong kanyang ngalan ay h’wag nang malimutan,

manatiling laging bantog na katulad nitong araw;

nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa,

at sa Diyos, silang lahat dumalanging:

“Harinawa pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”

Tugon: Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.

MABUTING BALITA

Lucas 4: 14-22a

Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Galilea, at sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Kumalat sa palibot na lupain ang balita tungkol sa kanya. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga; at
dinakila siya ng lahat.
Umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga
nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta
Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:

“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,

Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.

Sinugo niya ako upang ipahayag sa bihag na sila’y lalaya,

At sa mga bulag na sila’y makakikita;

Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,

At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”

Binalumbon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang
lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan
samantalang nakikinig kayo.” Pinuri siya ng lahat, at namangha sila sa kanyang napakahusay na
pananalita.

You might also like