Hayss

You might also like

Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Isang araw, may isang kayumanggi at walang lamang kahon ang naiwan sa isang sulok ng tindahan.

Maya-maya’y may isang lolong nagdikit ng papel sa kahong walang laman. Hindi mabasa ng kahon ang
nakasulat pero sabi ng kahon sa sarili, “Salamat at mayroon pa pala akong silbi kahit isang basurahan”.
Dati kasi siyang kahon ng sigarilyo.

Dumaan ang ilang araw, isang kasambahay ang naglagay ng isang manikang madumi ang damit at ang
dilaw na buhok ay di pantay ang gupit. Natuwa ang kahon dahil nagkaroon na siya ng laman, isang
basurang manika.

“Kumusta, manika?” ang bungad na bati ni Kahon. “Sa hitsura mo’y parang pinaglaruan ka yata ng batang
sa iyo’y umampon.”

“Uy, kaibigan. Maigi ngang nandito ako sa loob mo,” sagot ni Manika. “Kung alam mo lang ang aking
kwento, pihadong pati ikaw’y manlulumo.”

“Tutal, dalawa lang naman tayo, makikinig ako sa kwento mo,” ngiti ni Kahon.

“O sige. Ako’y isang magandang manika noong una. Gintong mais ang aking buhok at mabango ang
damit kong kulay pula. Madami ang sa akin ay nagbakasakali ngunit sabihin nating mayamang bata ang
nagmay-ari. Ang hindi ko lang inaasahan, mayroon siyang panget na ugali. Kaming mga laruan ay hindi
iniingatan at madalas gawan ng kalokohan. Biruin mong ilublob ako sa putikan at gupitin ang buhok kong
ginintuan. Hay, nasayang lang ang aking ganda sa isang batang hindi marunong magpahalaga.”

“Masaklap pala ang iyong sinapit sa isang batang ugali’y malupit,” yun na lang ang sinabi ni Kahon sa
kanyang unang bisita.

Ilang araw ang lumipas, may amang naglagay naman ng isang asul na robot sa kahon.

“Kamusta, Robot,” sabay na bati nina Kahon at Manika.

“Hay, eto, nakakahiya na ang hitsura. Bali ang isang kamay at lagyan man ng baterya ay di na gumagana.
Ano pa nga ba, isa na akong basura!” dismayadong sagot ni Robot.

“Makikinig kami sa kwento mo, tutal tatlo lang naman tayo,” ang paunlak ni Kahon.

“O, sige. Ganito yun. Ako’y isang robot na modelo ng isang sikat na robot sa telebisyon. Binili ako ng
isang mabait na tatay para sa kanyang bunsong anak. Tuwang-tuwa sa akin ang bunso, pero naiinggit
naman sa kanya ang panganay na kapatid. Minsang naglalaro si bunso, nakiusap ang kuya niya na
hiramin ako pero naging madamot ito. Nainis ang mas matanda kaya bigla akong hinaltak sa kanya.
Pinag-agawan nila ako at parehong ayaw magpatalo.”

“Hay, may mga bata talagang dapat dinidisiplina,” sambit ni Manika.

“Oo nga. Ang nangyari, nahulog ako sa semento, nabali ang kamay at nabasag pa ang lagayan ng
baterya. Nang malaman ng ama, pinalo pareho ang dalawang bata at ako’y itinapon na lang. Ang sabi ng
ama, kayong dalawa ay dapat nagbibigayan. Itatapon ko na lang ang robot upang kalimutan ang ugaling
karamutan. At hindi ako bibili ng anumang laruan, hangga’t di ninyo natututunan ang magbigayan ng
anumang kagamitan,” ang malungkot na salaysay ni Robot.

“Sabagay, dapat talagang nagbibigayan ang bawat isa, lalo na sa pamilya,” ang sabi na lang nina Manika
at Kahon sa isa’t isa.

Kinabukasan, isang binata naman ang naglagay sa kahon ng isang magara at makintab na itim na kotse-
kotsehan.

“Kamusta, Kaibigan,” ang bati nina Manika at Robot, “Maligayang pagdating sa basurahan.”

“Eto, malungkot, ” matamlay na sagot ng bagong dating.

“Ha? Anong ikinalulungkot mo? Sa hitsura mo, ika’y bagong-bago, ano ba ang kwento, kaming tatlo ay
makikinig sa ‘yo,” ani Kahon.

“Ganito kasi yun. Hindi bata ang bumili sa akin. Isang binatang mahilig bumili ng laruang sasakyan pero
hindi naman niya nilalaruan. Itinatago sa istante, ayaw maalibukan, walang pakinabang. Bumili nang
bumili pero pandisplay lang. Hay, gusto kong sabihin sa kanya, ako’y isang laruan. Tanging hiling ko’y may
batang ngingiti habang ako’y pinaglalaruan.”

“Pero anong nangyari at napunta ka dito?” tanong ni Manika.

“Ang binata kasi ay sa ibang bansa na maninirahan, pinili niya ang pinakamagaganda niyang laruang-
sasakyan upang dalhin sa ibang bayan. At akong hindi napili, heto, napunta sa isang basurahan.”

“Iyan ang isang pinakamasaklap na mangyari sa isang laruan, ang hindi man lang mahawakan ng isang
bata,” nanghihinayang na nasabi ni Robot.

Sumunod na araw, isang dalaga ang naglagay ng isang laruang oso sa kahon.

“Maligayang pagdating sa iyo, laruang oso,” sabay-sabay na bati nina Manika, Robot, Kotse-kotsehan at
Kahon.

“Uy, marami na pala kayo dito, salamat naman at hindi na ako mag-iisa,” wika ng kadarating na kulay
rosas na laruan.

“Apat pa lang naman kaming nagkukuwentuhan, ikaw ba, pwede ka bang kahuntahan?” sambit ni Kahon.

“Aba’y oo naman, ganito ang aking karanasan. Ako’y isang laruang nagsilbing kaibigan. Isang dalagita
ang sa akin ay bumili at mga sikreto niya’y sa akin lang sinasabi. Nakakatuwa naman at ako’y kanyang
inalagaan. Ilang taon din kaming naging magkakwentuhan, pero..” napalitan ng lungkot ang mukha ni
Laruang Oso.

“O, bakit, akala ko ba’y masaya ang iyong karanasan,” tanong ni Robot.
“Nagtataka nga ako kung bakit ako inilagay dito. Basta sabi niya sa akin, dalaga na siya. Matanda na raw
siya para sa kagaya ko, kung kaya’t ako’y kanyang pakakawalan. Bulong niya’y may makapulot sa aking
bata na ituturing din akong kaibigan.”

“Mabuti naman at hindi naman pala masama ang iyong karanasan, may dahilan naman pala ang iyong
naging kalaro,” ang sabi ni Kotse-kotsehan.

Lumipas pa ang mga araw at malapit nang mapuno ang kahong dating walang laman na naging
basurahan. Parati kasing may naglalagay ng mga kung anu-anong basura sa kanya. Iba-ibang laruan. Iba-
ibang kulay. Iba-ibang hugis. May bolang kupas at sombrero ng mangkukulam na butas. May espadang
patpat at may lumang trumpo. May laruang bus, gitara at barko. Mayroon pa ngang mga damit ng
diwata, nars at sundalo. Lahat ay may mga baong kwento.

Ang huling nagdagdag ng basura ay ang lolong naglagay sa kahon sa isang sulok ng tindahan. Ang
kanyang inilagay ay mga bareta ng luwad.

“Uy, may mga kakaibang bagay na nadagdag sa basurahan,” ang bungad ni Manika.

“Kami ay mga basurang laruan, pero kayo ba ay ano?” tanong ni Robot.

“Sabon ba kayong ayaw bumula?” tanong ni Kotse-kotsehan.

“Baka naman kending hindi mabili,” wika ni Robot.

“O kaya tsokolateng luma na at inaamag,” hula naman ng ibang mga laruan.

“Mga kaibigan, kami ng aking mga kasamahan ay maituturing ding laruan,” sagot ni Puting Luwad. “Ang
tawag sa amin ay Luwad.”

“Luwad, anong luwad?” nagtataka na din si Kahon.

“Mga simple lang kami kung tutuusin. Isang bulag na bata ang sa amin ay nagmay-ari. Nabulag daw sa
paglalaro ng mga walis-tingting. Ang batang bulag ay naging malulungkutin at nawalan ng tiwala sa
sarili,” simulang kwento naman ng Berdeng Luwad.

“Mabuti na lang at iniregalo kami sa kanya ng kanyang lolo. At ang dalawa’y parati na ngang nagsama sa
paghulma sa amin ng kung anu-anong hugis. Pati nga kami’y namamangha sa kanilang ginagawa,”
nakangiting salaysay naman ni Kahel na Luwad.

“Kami marahil ang naging paraan upang mabuksan ang angking kakayahan ng batang bulag. Dahil
nawalan ng paningin, pinagana niya ang kanyang malawak na imahinasyon. Nakabuo siya ng iba-ibang
hugis at iba-ibang bagay base sa kanyang nahahawakan. Naging mahusay na mahusay siya at noon lang
nanumbalik ang tiwala niya sa sarili. Alam ninyo bang isa na siya ngayong mahusay na alagad ng sining?”
pagmamalaki naman ni Lilang Luwad.

“Sining? Ano naman ang sining? Laruan din ba iyun?” tanong ulit ni Kahon.
“Ang Sining ay tumutukoy sa anumang kasanayan kung saan ipinapakita ng isang tao ang kagandahan sa
kanyang paligid base sa kanyang nararamdam, nakikita, naririnig, naaamoy, at nararanasan. Alam ninyo
bang ang batang bulag ngayon ay isa ng tanyag na iskultor at makata?” nakangiting sabi ni Abong Luwad.

“Nakakabilib naman. Sana ay may makapulot sa atin na mga batang malilibang at matututo sa atin.” Iyun
na lang ang nasambit ng mga lumang laruan sa loob ng kahon.

Nasa gayon silang pagkukuwentuhan nang tuluyang isinara ng lolo ang kayumangging kahon. Natakot
ang mga laruan dahil alam nilang sa Bundok ng Basura ang kanilang pupuntahan. Sabay-sabay silang
nagdasal.

“Sana ay mapulot kami ng mga batang hangad ay kasiyahan at paglilibang. Mga batang matututo sa
amin ng pagkakaibigan at pagbibigayan. Mga batang ngingiti at matutuwa kapag kami ay nahawakan. At
nawa’y magmulat sa kanilang imahinasyon upang kuminang ang kanilang mga talento. Mga batang mag-
aalaga, mag-iingat, magpapahalaga at magmamahal sa aming mga laruan at ituturing kaming
mahalagang parte ng kanilang kabataan.”

Mahaba ang nilakbay ng kahon. Ang mga lumang laruan naman ay mistulang mga batang naglalaro sa
loob nito. Nag-umpugan. Tumambling. Nagbungguan. Nagpabalentong. Napataas. Napababa.
Pabalikwas-balikwas. Bumabali-baligtad. Nawala sa isip nila ang pag-aalala sa pupuntahang Bundok ng
Basura.

Hanggang ang kahon ay nakarating sa isang trak ng puno rin ng mga kahong kagaya niya. At ngayon lang
niya nabasa ang nakasulat.

“Kahon ng Kasiyahan, Panahon ng Pagbibigayan. Laruan Para sa Bahay-Ampunan.”

At muling napangiti si Kahon. At sa isip niya’y gumuhit ang masayang larawan ng mga batang sabik sa
laruan at mga laruang sabik sa pagmamahal ng mga kabataan..

You might also like