Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Narinig niyo na ba ang mga salitang “Edi wow! Ikaw na ang magaling”, “Dami mong alam,
edi ikaw na ang matalino ako nang hindi” at “Pabibo ka masyado”? O nasubukan niyo na bang
sabihin ito sa iba? Ang mga ito ay ilan lamang sa mga nauusong mga pananalita na ang layunin
ay mang insulto at mangutya sa iba na tinanatawag na smart-shaming. Magandang araw sa
inyong lahat. Hayaan niyo akong magbigay kaalaman tungkol sa nakakabahalang isyu na ito na
unti-unting lumalaganap sa ating bansa at nagiging banta sa pag-unlad natin bilang isang
indibidwal.

Alam kong ang iba rito ay marahil nasaksihan na ito at ang iba naman ay marahil
nakagawa na nito ngunit hindi nila namamalayan. Ang smart-shaming ay ang panunuya sa mga
taong mas matalino sa iba. Bakit nga ba natin ito ginagawa? Kapag may isang tao na naglakas-
loob na magbigay ng impormasyon at turuan ang mga tao tapos may biglang magsasabi na
“Wow! Ang taba ng utak mo” o “Epal”. O kaya naman kung ikaw ang tipo ng tao na mahilig
magbahagi ng iyong kaalaman o mga orihinal na ideya sa iba ay marahil narinig mo na ang mga
mapanutyang mga salita na “Eh ikaw na’ng matalino, sige ikaw na’ng magaling!” Tila ba na sa
lahat ng natatanging ideya na mayroon ka ay sasagutin ka ng isang sarkastiko at mapanlait na
pananalita na epektibong nagsasara ng talakayan ng ideya. Kailan pa naging masama ang
pagiging maabilidad at matalino sa isang bagay? Kailan pa iyon naging dahilan para i-smart-shame
natin ang mga magagaling? Sabi nga ng isang blogger “Parang tuloy iyong mga tao who strive to
be better, iyong mga Pilipino who excel parang sila pa iyong dapat mahiya dahil magaling sila,
dahil matalino sila“. Totoo nga naman, nakakalungkot isipin na sa halip na hikayatin natin ang
lahat na mapahusay ang kanilang katalinuhan, tayo na mismo ang nagiging dahilan upang
mapahiya sila at mawalan ng tiwala sa sarili.

Bakit ka naman kukutyain kung ang ginawa mo lang ay mag-aral ng mabuti, magbigay ng
impormasyon, magbasa ng mas mahaba kumpara sa iba o kaya ay magsalita ng katotohanan?
Ano man ang dahilan nito, gayunpaman, dapat na itong itigil. Unang-una sa lahat ay dahil
hinahadlangan nito ang mga tao na nagsusumikap na maging matalino. Kung ang pagiging
matalino ay nakakahiya, kung gayon bakit kailangan pa nating maging matalino? Nakakabahalang
malaman na madami ang bilang ng mga taong tumatangging ipakita ang kanilang katalinuhan
dahil sa takot na matukso at kutyain. Maaaring ang lilikha ng pinakamagaling na imbensiyon ay
nagtatago o nahihiyang ipakita ang talento dahil kadalasan ay ating iniilagan ang mga matatalino
o iyong mga "intellectually gifted". Sa halip, dapat natin silang kilalanin sa kanilang angking galing
at tulungan silang ipakita ito sa lahat. Pangalawa, pinipigilan nito ang mga tao na malayang
ipahayag ang kanilang sarili. Natatakot ang iba na ipakita kung paano sila tunay na nag-iisip at
nakikipag-usap, na kahit na mahalaga ang kanilang mga opinyon at ideya. Ang impormasyong
kanilang ibinabahagi ay maaaring makatulong ngunit hindi nila nagagawa iyon dahil sa kanilang
takot na matawag na nagmamagaling. Pangatlo, nagiging mahirap para sa isang tao na pumili ng
nais niyang maging. Magugulat ka sa dami ng mga taong gustong makilala o matanggap nang
marami. Ibig sabihin, ang pangungutya sa mga pangarap ng isang tao ay maaaring maging dahilan
ng hindi niya pagkamit nito. Katulad din ito ng smart-shaming, maaaring malayo sa tunay na
pangarap ang isang tao dahil sa masamang gawaing ito. At pang-apat, Sinasabi ng iba, na nakikita
at napapanood din natin sa mga palabas sa telebisyon, ang mga bully ngayon ay biktima din ng
pambubully noon. Marahil ay isa sa mga dahilan ng pangungutya ng ilan sa katalinuhan ng iba ay
ang kawalan ng tiwala sa sarili. Akala ng ilan na ipinapamukha ng iba ang kanilang katalinuhan.
Dapat na itong itigil at laging tandaan na ang ating paniniwala sa ating mga abilidad ay
humuhubog sa ating maging mas mabuting tao.
Dapat nating maintindihan na makapangyarihan ang mga salita, malaki ang epektong
maidudulot nito sa buhay ng iba. Huwag nating ipahiya at ikahiya ang mga matatalino at
talentado, hayaan natin silang lumiwanag kagaya ng nararapat. Ang katalinuhan ay isang biyaya,
hindi isang sumpa. Huwag natin itong itratong parang isa.

You might also like