ALAALA

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

ALAALA

Naaalala ko pa. Naaalala ko pa lahat. Naaalala ko pa lahat lahat. Naaalala ko pa lahat lahat ng
dati. Ang dati- rating mga araw na nagdaan. Ang dati- rating magkasama tayo. Ang dati- rating kayo at
ako. Ang dati- rating tayo. Tandang- tanda ko pa. Tuwing gabi sa bawat pagpikit ng aking mga mata,
mukha nyo, walang iba ang aking nakikita. Mukha nyong bakas pa ang sinag ng iyong mga ngiti. Mga
ngiti na nakasanayan kong ako ay bahagi. Samantalang sa bawat paggising ko sa umaga, kayo agad ang
hanap- hanap. Nakakapanibago. Talagang nakakapanibago. Nasaan na? Nasaan na ang mga masayahing
pisngi’ng sasalubong sa akin sabay sabing, “Good morning, maam!”? Nasaan na ang mga makukulit na
sigawang dinig ko na habang kayo’y papalapit pa lamang sa silid- aralan? Nasaan na ang mga isip-
bata’ng kahit ang aga- aga pa ay naglalaro na ng takyan? Nasaan na ang mga munting dilag na laging
hawak ay suklay at salamin na sa isang sulok ay nagpapagandahan? Nasaan na ang mga makikisig na
katawan na kahit maagang nakapasok ay nagtatambay muna sa lobby bago papasok sa silid- aralan?
Nasaan na ang mga lalaking nagbibinata na kapag vacant time ay nag- sa- sight- seeing ng mga
kababaihan na sa pagdating ng panahon ay pwede nang ligawan? Nasaan na ang mga “kanto boys” kung
tawagin na laging may dramatic entrance sa pintuan? Nasaan na ang mga babaeng sumbong lang ang
nalalaman? At nasaan na ang parang musika sa tainga na mga inosenteng halakhakan? Nasaan na?
Nasaan na? Naaalala ko pa.
Di maiiwasan pagbabalik- tanaw sa mga araw na nagdaan. Sa mga araw na tayo ay magkasama
pa. Sa mga araw na tayo ay masaya. Bakit ganito? Bakit kailangan pang magwakas ang lahat? Bakit
kailangang may hangganan? Unfair. Napaka- unfair. Pero sa bawat tanong na iyon sa isipan ko, may
sagot isa- isa ang puso ko. Sabi nya, siguro ganyan. Siguro ganyan talaga pag nagmahal. Ganyan pag
mahal mo ang isang tao. Mahirap. Masakit. Hindi madali. Hindi madaling makalimot. Hinding- hindi
talaga. Sapagkat kailanman ay di ko naman iniisip na kalimutan na lang. Lahat ng nakaraan, lahat ng
tawanan, lahat ng biruan, lahat ng kulitan, selfie-han, iyakan, lahat ng ka- dramahan. Lahat lahat ng iyon
nakaukit na sa aking puso’t isipan. Ang nakaraan na ating pinagsaluhan sa mahigit isang taon, hindi na
kailanman mabubura ‘yun. Siguro ngayon ko lang ito sasabihin, pero sana paniwalaan nyo na lahat kayo
ay bahagi na ng buhay ko. Oo, totoo. Kayo ang pinakamaganda at pinakamahalagang bahagi sa pagiging
guro ko. Dahil kayo ay alaala ng aking kahapon. Kayo ang alaala ng mga una kong kabiguan at tagumpay
sa limang taon ng aking pagtuturo. Kayo ang alaala na bumubuo ng aking pagkatao.
Batid ko pagdating ng araw magkikita rin tayong muli. At isa lang ang sigurado ako. Na sa
panahong iyon, wala na. Wala na ang sakit. Wala na ang pait na dulot ng ating pagkalayo. Sa panahong
iyon sigurado ako, magagawa na natin muling ngingiti, muling tatawa, muling sasaya. Lahat ng bagay
magagawa na natin na tulad ng dati. Hindi na ako makapaghihintay na darating ang araw na iyon. Pero
sa ngayon, salamat at hanggang sa muli. Paalam.

You might also like