Kamakailan lamang ay naging usapin ang isyu ukol sa pagtanggal ng asignaturang
Filipino sa kolehiyo. Taong 2013 nang inihain ng Comission on Higher Education
(CHED) ang CHEd Memorandum Order No. 20 na naglalayong ibaba sa 36 yunit ang General Education Curriculum. Kasabay nito ay ang nakaambang pag-alis ng Filipino at Panitikan bilang core subjects sa kolehiyo. Sa kasalukuyan ay patuloy itong naging usapin sa Senado at kabi-kabila ang mga pagpapahayag ng kanilang mga saloobin at pananaw patungkol sa isyung ito. Nitong ika-9 ng Oktubre, matapos ang ilang taong pagtutol ng mga grupo ng mga kabataan at kaguruan ay nagdesisyon ang Korte Suprema na tanggalin ang ipinataw nitong Temporary Restraining Order (TRO) sa CMO No. 20 Series of 2013, na naglalayong alisin ang Filipino at Panitikan bilang mga asignatura sa kolehiyo. May ilang mga sumang- ayon at marami naman ang hindi. Isa sa mga tumutol ay si Sen. Sherwin Gatchalian kasabay ng mga kabahagi ng Tanggol Wika. Ang mga rason diumano ng mga sumang-ayon ay dahil sa ito’y pagsasayang na lamang ng oras at pagwawaldas ng pera, na ito raw ay hindi konektado sa kurso at sapat na raw ang mga pinag-aralan noong tayo’y nasa sekundarya at elementarya, at isa pa ay dapat raw nating mas pagtuunan ng pansin ang agham at teknolohiya. Ngunit may mga bagay tayong dapat isaalang-alang. Una, kung tatanggalin ang Filipino sa kolehiyo, nakasisiguro ba tayong sapat na ang mga pinag-aralan noong nasa elementarya at sekundarya at naging bihasa na talaga ang mga estudyante sa pag aaral ng wikang Filipino? Alam naman natin, na ang karamihan sa atin ay hindi gaanong katatas magsalita ng wikang Filipino at marami na rin ang nakakalimot at mas tinatangkilik ang wikang banyaga. Pangalawa, ayon sa tala ng Tanggol Wika, aabot sa 10,000 guro ang mawawalan ng trabaho. Kaya paano na lamang ang mga gurong nagtuturo sa unibersidad at kolehiyo? Tila inalisan na natin sila ng kakayahan at pagkukunan ng pangtustos sa kanilang mga pamilya kapag naipatupad ang polisiyang ito. Kung ang ibang bansa ay nagagawang tangkilikin ang wika natin, katulad na lamang ng bansang Germany, na ang isa sa mga unibersidad ay naglunsad ng Filipino language class, ay huwag nating hayaan na tayo mismo ay maging ignorante at banyaga sa sarili nating wika. Huwag nating sayangin ang isinakripisyo ng ating mga bayani at kapwa Pilipino para lamang makamit ang kasarinlan, dahil ang wika rin ang siyang sumisimbolo sa kalayaang ating natamo. Nararapat lamang na ang Filipino at Panitikan ay manatiling asignatura sa tersyarya, dahil dito ay naipapakita natin ang ating pagiging nasyonalismo at nalilinang at napapagyaman ang kulturang kung anong meron tayo. Sa paraang ito ng ating pagtangkilik sa Filipino ay magiging tanglaw ng edukasyong makabayan ang isang landas ng kalayaan at kaunlaran.