Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 8

Si Liwayway A.

Arceo ay isang
kilalang manunulat, editor at scriptwriter para
sa radyo. Ayon sa isang kritikong nag-aral
ukol sa panahon ng dekada sitenta, feminista
na ang turing kay Liwayway Arceo. Ito ay
bago pa man mauso ang katagang feminista.

Si Arceo ang may-akda ng mga


natatanging nobela gaya ng Canal de la
Reina (1985) at Titser (1995). Ipinalimbag
rin ang iba't ibang koleksyon ng maikling
kwento gaya ng Ina, Maybahay, Anak at iba
pa, Mga Maria, Mga Eva, Ang Mag-anak
na Cruz (1990), at ang Mga Kuwento ng
Pag-ibig (1997). Ang kanyang kuwentong
"Uhaw ang Tigang na Lupa" ay nanalo ng
ikalawang gantimpala sa Pinakamabuting
Maikling Likha noong 1943.
Liwayway A. Arceo Halos lahat ng kanyang mga gawa ay
inilimbag sa pamantasan ng Ateneo de
Manila at Unibersidad ng Pilipinas.
Bukod sa pagiging isang manunulat, ipinakita rin ni Arceo ang kanyang husay
bilang isang aktres. Ipinamalas niya ito sa isang Hapon at Pilipinong pelikula na
pinamagatang Tatlong Maria.
Ilan sa mga natanggap niyang parangal ay ang Carlos Palanca para sa Maikling
Kwento sa Tagalog (1962); isang Gawad CCP para sa Literatura na inihandog ng
Cultural Center of the Philippines (1993); isang Doctorate sa Humane Letters, honoris
causa, mula sa University of the Philippines (1991); ang Catholic Authors Award mula sa
Asian Catholic Publishers (1990), at ang Gawad Balagtas Life Achievement Award para
sa Fiction mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (Writers Union of the
Philippines or UMPIL) noong 1998.

Namatay siya noong 1999 sa edad na 75.

Si Liwayway A. Arceo ay pangunahing mangangathang Tagalog at Filipino na nakasulat


ng 90 nobela, 2 libong mahigit na kuwento, 1 libong mahigit na sanaysay, 36 tomo ng
iskrip sa radyo, 7 aklat ng salin, 3 iskrip sa telebisyon, at di-mabilang na kuntil-butil na
lathalain sa halos lahat ng pangunahing publikasyong Tagalog o Filipino.

Binago ni Arceo ang topograpiya ng panitikang Tagalog, at ng ngayon ay


tinatawag na panitikang popular, sa paglalathala ng mga akdang nagtatampok ng
kahalagahan [values], lunggati [vision], at kaisipang Filipino. Ginamit din niyang
lunsaran ang pamilya bilang talinghaga ng Filipinas; at sa pamamagitan ng masinop ng
paggamit ng wika ay itinaas sa karapat-dapat na pedestal ang mga kathang Tagalog, sa
kabila ng pamamayani ng Ingles bilang opisyal na wika ng edukasyon at gobyerno.

Mga pangunahing aklat ni Arceo ang sumusunod:

* Maling Pook, Maling Panahon. . .Dito, Ngayon (1998);


* Mga Bathalang Putik (1998)
* Titser (1995)
* Canal de la Reina (1985)
* Ina, Maybahay, Anak at iba pa (1998)
* Mga Kuwento ng Pag-ibig (1997)
* Mga Maria, Mga Eva (1995)
* Ang Mag-anak na Cruz (1990)
* Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo (1992)
* Uhaw ang Tigang na Lupa at Iba pang Katha (1968).

Sumulat din siya ng biyograpikong nobela si Arceo at kabilang dito ang Ako. . . Si Clara
(1990) na hinggil sa buhay ni Santa Clara ng Assissi; Claret, ang Misyonero (1988) na
hinggil sa pundador ng Misyong Claretian; at Francisco ng Assissi na hinggil sa buhay
ng pundador ng ordeng Fransiskano.

Mga tuluyang nobela

Ilan sa tuluyang nobelang nalathala ni Arceo sa magasing Liwayway at sinubaybayan ng


libo-libong mambabasa ang sumusunod: Tulad sa Bituin (1956); Topo-topo (1956-
1957); Sa Abo ng Lumipas (1957); Hanggahan ng Pangarap (1957); Kung Sakali
man at Salát (1958); Sa Habang Panahon (1957-1958); Huwad na Dambana (1957-
1958); Mga Doktor sa Bukid (1959); Ikaw ay Akin (1962); Kung Saan Ka man
Naroroon (1964); Lydia Ansaldo, M.D. (1964); Dalawang Kalbaryo (1964); Tatak ng
Pagkakasala (1965); Kulay Rosas ang Pag-ibig (1964-965); Iba-ibang Kulay ng Pag-
ibig (1966); Liza (1966); Isa ang Susuko (1966); Ang Panigbugho (1966); Hiram na
Laya (1965-1966); Ipakipaglaban Mo Ako (1966-1967); Daigdig na Kristal (1967);
Ginto sa Dulo ng Bahaghari (1967-1968); Minsan Lamang ang Gabi (1968); Ikaw
ang Ilaw Ko (1968); Bahaghari sa Lupa (1969); Nagbabagang Paraiso (1969-1970);
Sa Pinto ng Impiyerno (1970); Bawal na Paraiso (1971); Hanggang sa Kabila ng
Langit (1972); Piitang Ginto (1972); Dalawang Daigdig (1973-1974); Saan man at
Kailan man (1973); at Krus ang Aking Budhi (1976-1977).

Ang kakatwa ay malimit mapagkamalang pag-aari ni Arceo ang magasing


Liwayway dahil ang pangalan niya ay "Liwayway" din. Bukod pa rito, naging mataas na
pamantayan si Arceo bilang manunulat at editor ng nasabing magasin, na nakatulong
nang malaki upang lumaki ang sirkulasyon nito at umabot sa halos kalahating milyong
sipi kada linggo. Ang iba pang tuluyang nobela na hindi binanggit dito ay nasa aklatan
ngayon ng Unibersidad ng Pilipinas at Ateneo de Manila University. Inihabilin ni Arceo
ang karamihan sa kaniyang antigong papeles, aklat, at memorabilya doon sa aklatan ng
UP noong 28 Agosto 1993 at sa Ateneo Library of Women's Writing (ALIWW) noong
28 Nobyembre 1994. Ang iba pa niyang natitirang aklat at memorabilya ay nasa dating
tahanan niya sa Project 6, Lungsod Quezon, at nakahanda para sa Liwayway A. Arceo
Foundation na itinatag ng kaniyang anak na abogadong si Florante.

Mga nobeleta

Sumulat din ng maiikling nobela si Arceo at ilan dito ang kumita nang malaki,
gaya ng Hanggang sa Kabila ng Langit (1991); Paano Kita Iiwan (1993); Ang Sabi ni
Vic (1993); Si Dina, Si Rosauro, Si Demetria (1993); Laro ng Tadhana (1993);
Buhayin Mo Po ang Anak Ko (1993); Isang Ina. . . Isang Anak (1993); Kahit Ikaw ang
Huling Lalaki (1993); Gabing Payapa, Gabing Tahimik (1993); Huwad na Paraiso
(1993).

Ang paglaganap ng nobeletang Filipino ang nagpagiba sa dati noong moog ng


komiks. Itinaas ng gaya ng mga akda ni Arceo ang kalidad ng mga kuwento at nobelang
pangkomiks, at hinatak ang mambabasa na magtuon sa bagong libangan: libro.
Dulang panradyo at pantelebisyon. Si Arceo ang kauna-unahang manunulat na Filipino
na sumulat ng soap opera sa radyo. Ang kaniyang dulang Ilaw ng Tahanan na
isinahimpapawid ng DZRH, DZMB, at DZPI ay nagsimula noong Marso 1949 at
nagwakas lamang noong Hulyo 1958. Tinipon ni Arceo ang lahat ng kaniyang orihinal na
iskrip, kasama ang mga notasyon, at nakabuo ng 36 tomo na halos sumalamin sa isang
mahabang panahon ng pamilya at lipunang Filipino. Nagkaroon din ng adaptasyon ang
nasabing dula, at ito ay isinalin sa iskrip na pantelebisyon. Ipinalabas ang Ilaw ng
Tahanan sa telebisyon noong 1978. Lingid sa kaalaman ng nakararami, si Arceo ang
manunulat sa likod ni Tiya Dely Magpayo.
Buod ng nobelang Titser

Isang pag-ibig ang sumibol kay Amelita ng makilala niya si Mauro, ang kanyang
guro.Ang siyang dahilan kung kaya’t ang kanyang kinuhang kurso ay ang maging guro.
Ang maging titser ay lubhang tinutulan ng kanyang ina na si Aling Rosa. Sapagkat ang
nais ni Aling Rosa ay maging kagaya ni Amelita ang kanyang mga kapatid na may
“titulo” ," tutol si Aling Rosa sa pagkuha ng kursong edukasyon ng kanyang bunso, dala
na rin ng kaisipang hindi titulong maituturing ang pagiging "titser", bukod pa sa
kakarampot na sweldong nakukuha ng anak. Gayunpaman, nakahanap ng pag-asa si
Aling Rosa sa katauhan ni Osmundo, isang binata mula sa pamilya ng mga asendero na
sumusuyo kay Amelita. Subalit nabigo muli si Aling Rosa sapagkat iba ang iniibig ng
kanyang dalaga, at ito'y walang iba kung hindi si Mauro, isang ring guro sa
pampublikong paaralan ng kanilang bayan. Nang malaman na ipapakasal siya ni Aling
Rosa sa binatang si Osmundo, agad na nagkipagisang dibdib si Amelita kay Mauro. Dahil
sa pagkabigo, at dahil na rin sa poot sa bunsong anak, umalis si Aling Rosa sa probinsya
at nagbakasyon sa mga anak na nasa Maynila. Bagamat doon ay hindi siya inaaasikaso ng
mga anak, labis pa rin ang kanyang kaligayahan dahil sa asensong tinatamasa ng mga ito,
at ikinakatwiran na lamang sa sarili na talagang abala ang mga taong mauunlad ang
buhay. Samantala, sa probinsya, nagdesisyon rin ang binatang si Osmundo na umalis na
sa nayon at magtungo sa Estados Unidos. Ngunit bago mangyari ito ay gumawa siya ng
maitim na plano laban sa mga bagong kasal. Inutusan niya ang isa sa mga katiwala na
patayin si Mauro. Subalit wala sa kaalaman ni Osmundo na hindi ito ginawa ng kanyang
inutusan sapagkat ang anak nito ay minsan ring pinagmalasakitan ng gurong si Mauro.
Sa ikapitong buwan pa lamang ng pagdadalantao si Amelita nang ipinanganak ang
kanilang anak na si Rosalida. Dahil kulang sa buwan ang bata ay kailangan nitong
manatili sa ospital. Nalaman ito ni Aling Rosa at agad na binisita ang anak, sa kabila ng
hinanakit. Kahit ganito ang sitwasyon, hindi pa rin tumitigil ang ina ni Amelita sa
pagsasaring ukol sa mahirap na pamumuhay ng mag-asawa. Ipinamumukha pa rin niya
ang matinding pagtutol sa manugang na si Mauro.
Lumipas ang ilang taon. Lumaki si Rosalida na isang mabait at matalinong bata.
Isang araw ay nagbalik si Osmundo sa probinsya, at nagkaroon ng malaking pagdiriwang
para sa kanyang pagdating. Doon muling nagkatagpo sina Mauro at Osmundo, subalit
kinalimutan na ng dalawa ang nakaraan. Taliwas naman dito ang nadaramang pangamba
ni Amelita sa pagbabalik ng masugid na panliligaw. Nararamdaman nitong may plano
itong masama laban sa kanyang pamilya.
Matagal na panahon man ang lumipas, hindi pa rin nawawala ang pag-ibig ni
Osmundo kay Amelita, kahit na may asawa't anak pa ito. Nagkaroon ng pagkakataong
makilala niya si Rosalida, at naging magaan ang loob nito sa bata. Isang araw ay
naisipang ipasyal ni Osmundo si Rosalida sa kanyang hasyenda. Wala ito sa kaalaman
nina Mauro at Amelita, at labis na nag-alala ang mag-asawa. Buong akala nila'y si
Rosalida ang paghihigantihan ni Osmundo ngunit di naglaon ay nagbalik rin ang bata,
ipinagmamalaki pa ang kabaitang ginawa ni Osmundo. Di nagtagal, napagkuro na rin ni
Osmundo na tuluyan ng tumira sa ibang bansa at kalimutan ang minamahal na si
Amelita.
Nagkaroon ng malubhang karamdaman si Aling Rosa. Hinanap niya ang kanyang
mga anak ngunit wala ni isa mang dumating maliban kay Amelita na matiyagang nag-
asikaso sa kanya. Pawang gamot at padalang pera lamang ang ipinaabot ng apat na anak.
At doon natauhan ang matanda sa kanyang pagkakamali. At siya’y humingi ng tawad kay
Amelita at Mauro.
Buod ng Canal dela Reina
Binalikan ni Caridad de los Angeles ang lugar kung saan unang namulat ang
kanyang mga mata, ang Canal de la Reina, makalipas ang ilang taon mula nang lisanin
niya ito dulot ng sunog bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ngunit
sumikip ang kanyang dibdib nang maratnang ang lupang noo’y tila paraiso sa kanya ay
isa nang larawan ng kahirapan dahil sa mga iskwater at sa ‘di kanais-nais na tanawin at
amoy.
Nagtungo siya sa Canal de la Reina kasama ang asawang si Salvador at ang mga
anak na sina Leni at Junior upang bisitahin ang kanilang lupa na ipinagkatiwala pa ng
mga ninuno niya kay Osyong. Ngunit hindi niya inaasahan na ang lupang ipinamana sa
kanya ay ipinagbili ni Osyong sa usurerang si Nyora Tentay nang mabaon ito sa utang. Sa
suliraning ito nag-umpisa ang pagkakaugnay-ugnay ng mga tauhan sa bawat isa.
Ipinapakita lamang na mahalaga ang lugar sa buhay ng tao.
Nagdemanda si Caridad patungkol sa pagmamay-ari ng lupa. Hindi naman siya
inurungan ni Nyora Tentay. Hindi naging hadlang ang kanilang kasarian bilang babae na
maging matigas at malakas ang loob. Si Caridad ay suportado ng kanyang mapagmahal
na pamilya. Naninindigan sila sa katotohanang maibabalik sa kanila ang lupa sa tulong ni
Atty. Agulto, kahit may kahirapang kalabanin si Nyora tentay dahil pinapakilos nito ang
kanyang pera upang impluwensyahan ang mga opisyal.
Nakatulong sa paglutas sa kaso si Gracia, ang manugang ni Nyora Tentay na
minatapobre ng matanda noong naninirahan pa sa kaniya. Masama ang loob ni Gracia
kay Nyora Tentay at kay Victor na kaniyang hiniwalayang asawa. Nalaman ni Gracia ang
tungkol sa kaso nang masabi sa kanya ni Dado, asawa ng yumaong si Paz na kaibigan
niya. Si Paz bago mamatay ay naging pasyente pa ni Leni. Nagkapalagayan kaagad ng
loob si Gracia at ang pamilya ni Caridad, maging ang mga anak na kapwa doktor, si Gery
at Leni.
Simula nang dumating si Caridad sa buhay ni Nyora Tentay ay tila natauhan na si
Ingga sa pagmamalupit sa kanya ng matanda. Nang dumating ang isang napakalakas na
bagyo na tumangay at luminis sa Canal de la Reina at iba pang bahagi ng Kamaynilaan,
nagkaroon ng malaking pagbabago sa buhay ng mga tauhan. Ang tubig dulot ng baha ang
naging dahilan ng pagsibol ng kabutihan. Nang tangayin ang mga tao sa Canal de la
Reina kasama na si Nyora Tentay, inagaw ni Ingga ang mga alahas sa katawan at ang
bayong ng kayamanan ni Nyora Tentay upang makapaghiganti. Kapwa sila nakaligtas sa
baha. Si Ingga ay napunta sa Sampaguita Health Center kung saan siya sinundo ni Junior,
nagboluntaryong sumama sa rescue operation, upang iuwi sa bahay ng mga de los
Angeles. Si Nyora Tentay naman ay napunta sa paaralang-bayan ng Lakandula, at
nabaliw nang hindi makita ang kanyang bayong.
Sa kabila ng kasamaan ni Nyora Tentay ay isinauli pa rin ng pamilya de los
Angeles ang bayong ni Nyora Tentay na kinuha ni Ingga. Naroon ang mga papeles ni
Nyora Tentay ngunit nanaig pa rin ang pagiging patas sa puso ng pamilya de los Angeles.
Naibalik na ni Junior ang bayong ngunit hindi pa rin nakakakilala si Nyora
Tentay; kahit si Victor na kaniyang anak ay hindi pa rin niya makilala. Ito ang naging
magandang dahilan ni Victor upang makalapit sa kanyang minamahal na anak, si Gery na
isang manggagamot. Hindi man espesyalista si Gery sa pag-iisip ay inirekomenda niya
ang kanyang Lola Tentay sa isang kakilalang doktor sa mental hospital. Sa panahong
iyon din sa loob ng klinika ni Gery muling nagkatagpo si Victor at si Gracia. Nanliit si
Victor sapagkat sa kabila ng pagiging babae ni Gracia ay nagawa nitong itaguyod si Gery
sa marangal at marangyang pamumuhay samantalang siya ay naging sunud-sunuran
lamang kay Nyora Tentay.
Naramdaman ni Victor na gusto na niyang maging responsible at independenteng
lalaki. Hindi maitatanggi na mahal pa rin niya si Gracia kung kaya’t naglakas-loob na
siyang bumukod ng bahay kay Nyora Tentay nang bumalik na sa katinuan ang matanda.
Ayaw na niyang maging alipin ng salapi ng kanyang ina.
Napatunayan na sa korte na si Caridad ang tunay na may-ari ng lupang inaangkin
ni Nyora Tentay, sa tulong ng pagtestigo ni Tisya, asawa ng yumaong si Osyong na
naging katuwang sa pagbabantay noon sa lupa. Wala ng magagawa pa ang matanda kundi
tanggapin ang kanyang pagkatalo. Nagbabadya ito ng mabuting simulain, total ay hindi
na pinayagan ang mga iskwater sa Canal de la Reina. Malinis na talaga ang lugar.
Karagdagan sa kagalakan ng pamilya de los Angeles ay ang pagkamit ni Leni sa
unang pwesto ng Medical Board Exam bilang babae at pinakabatang doctor. Kasama sa
pagbati at pagbisita ni Gery kay eni ang ama nitong si Victor.
Ang naging wakas ng nobela ay tipikal na hinahanaphanap ng mga Pilipino na
pagsikat ng araw matapos ang malakas na unos. Nagkasundo na ang pamilya de los
Angeles at ang pamilya Marcial mula nang ikasal ang anak ni Caridad at Salvador na si
Leni, at ang anak ni Victor at Gracia na si Gery. Ang dalawa ay magkakaroon na ng
sariling klinika na disenyo ni Junior. Si Junior naman ay pinayagan nang kumuha ng
kursong abogasya matapos ang kasalukuyang kursong arkitektura. Si Ingga ay bumalik
na sa kanyang probinsya. Si Nyora Tentay ay tinanggap na ang pagkatalo. At si Victor at
Gracia naman ay nagkakasundo na rin.
Sa Canal de la Reina nangyari ang masalimuot na bagay, ngunit kaloob pa rin na dito
umusbong ang pagbangon at pag-asa sa mas masiglang bukas. Ngunit hindi pa roon
matatapos ang lahat; sapagkat nagbabadya ang pagdedeklara ng Martial Law sa bansa.
Buod ng Uhaw sa Tigang na Lupa
Naging kapansin pansin sa dalgita ang ilang bagay sa kaniyang ina nang hindi ito
makatulog, palaging malungkot kung tumitig, malalim ang paghinga at paminsan minsan
ay may impit na hikbi.

Ang kanyang ina ay hindi palakibo at matipid kung makipagusap. Bihira lamang
siyang magalit. Parang patak ng ulan kung tag-araw ang kaniyang mga ngiti. Ang batang
puso ng anak ay maitutulad sa lupang tigang na uhaw na uhaw. Palagi niyang namamalas
ang pagsasalita ng ama habang nagmamakinilya, ang pagbabasa nito, pinagmamasdan
niya ang pagbuga ng usok ng sigarilyo, ang pag-iisip at ang pagpatuloy sa pagsulat.

Ilang taon ang nakalipas ay may isinauling maliit na talaarawan ang kanilang
labandera sa kanyang ina at kinabukasan ay may mga bakas na ng mga luha sa mga mata
ng kanyang ina. Lalo itong naging malungkot at tahimik.

Isang gabi’y umuwing lasing ang kanyang ama at dumaing na masakit ang dibdib
at ulo. Naratay ng ilang araw ang ama at hindi ito hiniwalayan ng kanyang ina. Hindi
ipinagtapat sa anak ang tunay na karamdaman ng ama.

Nakita ng anak sa hapag ng ama ang isang kahitang pelus ng ipaayos sa kanya ng
ama ang hapag nito. Ang larawan sa kahita ay hindi ang kaniyang ina. Walang lagda ang
larawan at ang tanging nakasaad ay “Sapagkat ako’y nakalimot”. May nakita rin ang anak
na isang salansan ng liham. Nakasulat sa mga sobre ang pangalan ng kanyang ama at
tanggapan nito.

Hiningi ng ama ang mga sulat ngunit tumutol ang anak. Sinabi ng kaniyang ama
na nasa kalamigan ng lupa ang kanyang kaluwalhatian. Ayon sa ama ang unang tibok ng
puso ay hindi pagibig tuwina.

Lumubha ang kalagayan ng ama at malimit na mawalan ng malay samantalang


ang ina ay patuloy sa pagbabantay, walang imik, hindi kumakain, hindi umiidlip at
patuloy na lumuluha kung walang makakita sa kanya. Nagsalita ang maysakit at sinabing
magaling na siya at sila ng kanyang mahal ay maaari nang magtungo….na nag moog na
kinabibilangguan niya ay kanyang wawasakin sa anumang paraan.

Napaluha ang ina at pumatak ito sa bibig ng asawa. Nagmulat ng mga mata ang
maysakit at nagkatitigan sila ng ina. Hawak ng ina ang kamay ng ama nang muli itong
nagsalita ata ang sabi ay “Sabihin mo, mahal ko na maangkin ko na ang kaligayahan ko”.
Mariing kinagat ng ina ang labi at sinabing maaangkin na iyon ng kanyang mahal.
Hinagkan ng ina ang asawa at kasabay noon ay lumisan ang kaniyang kaluluwa. Wala
nang mga luhang dumaloy sa mga mata ng ina. Tiyak na liligaya ang kaluluwa ng
lumisan.

You might also like