Siya’y si Mariang Sinukuan, ang anak ni Aring Suku, ang hari ng araw ng mga Kapampangan. Nakatira ang diwata sa ginintuang palasyo sa tuktok ng bundok upang matanaw nang husto ang sariling kaharian. Binabantayan niya ang mga alagang hayop at kulisap sa bundok. Napakaamo ng mga ito at hindi takot sa tao. Hindi niya pinahihintulutang mag-away ang mga alaga. Pinalalaro niya ang mga orkidyas at pinababango ang mga bulaklak. Tinitiyak din ng diwata na namumunga sa tamang panahon ang mga tanim niyang puno. Pinalulusog sila ng dalawampu’t limang dalaga na laging bumababa sa bayan para bumili ng darak na makakain. Tuwang-tuwa ang taong-bayan sa mga butil ng ginto na bayad sa kanila ng mga katuwang. May dalawampu’t limang katuwang na dalaga ang diwata. Sila’y mga Ita na inatasan ng diwata na mag- alaga sa mga baboy-ramo sa Bundok Arayat.Tulad ni Mariang Sinukuan, balot ng mamahaling alahas ang mga Ita. Ang mga hayop na alaga ay maligayang- maligaya sa Arayat. Sinasabing hindi nauubusan ng ginto sa palasyo ni Mariang Sinukuan. Bumubukal pa ng mga mamahaling bato tulad ng diyamante, rubi, sapiro, at Esmeralda sa palasyo. Ang mga ito’y handog ng engkantong minsang umibig kay Mariang Sinukuan. Kung bumababa ng bundok ang diwata at bumibisita sa bayan, suot niya ang magarang damit na yari sa lantay na ginto. Pinagniningning ang kanyang damit ng mga mamahalin at makukulay na bato. Napatitig ang lahat sa kagandahan ni Mariang Sinukuan. “Hayan na ang diwata! Hayan na ang diwata!” sigaw ng mga batang manghang-mangha. Kapag nalalapit na ang pista o anumang kasiyahan sa bayan, nagpapahiram ng mga kuwintas, singsing at hikaw si Mariang Sinukuan sa mga dalaga. Pinahihiram din niya ng mga kagamitang pangkusina ang mga ito.Yari ang mga ito sa ginto. Agad ding pinahihinog ng diwata ang mga bunga at mga butil ng palay para may maihaing pagkain sa pista. Nagbibigay din siya ng mga sako ng asukal, harina, malagkit, at niyog sa mga pamilyang hindi nakapag-ani nang masagana. Pinahihintulutan din ng diwata na makapaligo ang sinumang may karamdaman sa mga bukal sa Bundok Arayat. Nakapagpapagaling ng anumang sakit ang tubig na nagmumula rito. Malayang makapamasyal ng Bundok Arayat ang mga taga-bayan para masilayan ang palasyo ng diwata. Doo’y nakapamahinga sila at hinahangaan ang paligid. Nakapaglalaro ang mga bata sa hardin ni Mariang Sinukuan. Nakapamimitas sila ng mga bunga at bulaklak. Ang mga bisita sa Arayat ay nabubusog sa meryendang mangga, kaimito, makopa, at dalandan. Ngunit ipinagbabawal ni Mariang Sinukuan na mag-uwi ng mga ito sa bayan. “Bumalik na lamang kayo rito,” sabi niya sa mga tao. Laging bukas ang aking kaharian sa sinumang magbabalik.” Dahil bantog sa kanyang kabutihan, sinuman ay maaaring humiling ng makakain sa diwata.“Mariang Sinukuan, nais naming makatikim ng sinampalukang manok! Mariang Sinukuan, gusto namin ng inihaw na karne! Mariang Sinukuan, nais namin ng sinigang! Mariang Sinukuan, nais namin ng litson!”Pagbalik ng mga humiling sa kanyang tahanan, magugulat silang nakahain na sa mesa ang mga hiniling sa diwata. Isang tag-araw, parang apoy na kumalat ang labis na pagkatuyo ng lupa sa kapatagan. Nalanta ang lahat ng pananim ng mga tao. Natuyo ang kanilang palayan at nagkabitak-bitak ito. Naglaho ang tubig sa mga ilog at sapa. Nakita ito ni Mariang Sinukuan kaya inutusan niya ang dalawampu’t limang katuwang na Ita na mamahagi ng makakain sa taumbayan. “Kaybait ninyo! Kaybuti ninyo!” sabi ng mga tao habang naluluha sa biyayang ipinagkaloob ng diwata ng Bundok Arayat. Namahagi rin ang diwata ng mga luya sa bawat tahanan. Lubos na nagtaka ang lahat sa mga pirasong ito ng luya at muntik na nila itong itapon. Kinabukasan, nabigla ang taumbayan nang maging mataas na uri ng ginto ang mga luya! Agad ding nagpadala si Mariang Sinukuan ng ulan para manumbalik ang lusog ng lupa sa bayan. Namahagi din siya ng mga binhi ng palay at mais na mabilis tumubo at namumunga nang hitik na hitik. Lumipas ang panahon at naging sakim ang mga tao. Gusto nilang maangkin ang lahat ng ginto at alahas ni Mariang Sinukuan. Napapagod na sila sa pag-akyat at pagbaba ng bundok kaya hindi na nila ibinabalik ang mga hiniram na alahas sa diwata.Pinatutunaw nila ang kaldero, kawali, sandok at kutsarang ginto ni Mariang Sinukuan para ipagbenta sa mga banyaga. Dinadaya nila ang dalawampu’t limang Ita kapag nagtitinda sila ng darak. “Kulang pa kayo ng kalahating sako ng ginto,” lagi nilang paratang sa mga katuwang ni Mariang Sinukuan. Humiling din ang lahat ng kung anu-anong bagong pagkain kay Mariang Sinukuan. “Gusto namin ng adobo! Gusto namin ng morkon! Gusto namin ng menudo, pochero, tocino, longganisa, at kare-kare!” Nabigla si Mariang Sinukuan. Hindi niya alam kung anu-ano ang mga iyon. Hindi niya kilala ang mga pagkaing ito dahil pagkain ito ng mga banyaga.”Hayaan ninyo at aalamin ko kung paano ito lulutuin,” malungkot na sabi ng diwata sa taumbayan. Galit na galit ang taumbayan dahil hindi ito maibigay sa kanila ng diwata ng Arayat. Kasama ang mga banyaga, nilusob ng taumbayan ang Bundok Arayat. Pinitas nila ang bawat bunga sa mga puno. Kinuha nila ang mga bulaklak at mga orkidyas. Hinukay nila ang tanim na luya sa pag- aakalang magiging ginto muli ito. Inuwi nila ang mga baul ng mamahaling bato mula sa palasyo ng diwata. Hinuli nila lahat ng mga baboy-ramo at dinala sa kapatagan. Pagkaraan, kinatay nila ang mga ito at nagdaos ng maagang kapistahan. Hindi pa nasiyahan ang taumbayan kaya sinalakay nila ang palasyo ni Mariang Sinukuan. Kinuha nila ang dingding na ginto. Pinag-agawan nila maging ang pintong ginto, kurtinang ginto, sahig na ginto, bubong na ginto. Nag-away pa ang ilan sa pagsalakay sa palasyo. Iniuwi nila ang mga ito at ipinagbenta sa ibang bayan. “Bakit kayo nagkaganyan?” Galit na galit si Mariang Sinukuan sa ginawa ng taumbayan. Nilabag ng mga ito ang kanyang utos na huwag mag-uuwi ng anuman mula sa bundok. Labis itong nagdamdam dahil hindi na nagsasauli ng kagamitan ang mga tao. Nalungkot ang diwata dahil naubos ang kanyang mga alagang bulaklak, orkidyas, at baboy-ramo. Pinutol ang kanyang mga puno. Pinalayas pa ng taumbayan ang dalawampu’t limang Ita na katuwang ng diwata. Sa tulong ng mga higante at engkanto ng ibang bundok, itinago ni Mariang Sinukuan ang kanyang palasyong ginto sa pinakailalim ng Bundok Arayat. Ang mga sako-sakong luya na ninakaw ng taumbayan ay ginawa niyang mga balang. Dumami ang mga ito at sinalakay ang mga taniman. Naging kalawangin ang mga kagamitan pangkusina at alahas na hindi ibinalik ng mga dalaga sa diwata ng Arayat. Ang mga mamahaling bato sa mga baul ay naging buhangin. At naging bato ang mga nakaw na ginto. Hindi na nagpakita pang muli sa taumbayan ang butihing diwata ng Bundok Arayat. Sinumang pipitas ng bulaklak at bunga mula sa bundok ay maliligaw sa gubat at hindi na matatagpuan ninuman. Sinasabi ring ang sinumang magtatangkang bumungkal at tumapyas ng Bundok Arayat para tuklasin ang ginintuang palasyo ay magiging bato. Ngunit ayon sa ilang sabi- sabi, kapag minsan, may isang marikit na binibini sa Bundok Arayat na masayang kinakausap ang mga hayop, bulaklak, at puno sa gubat, umaawit-awit pa. Hindi takot ang mga usa, baboy-ramo, at mga pambihirang ibon na lumapit sa kanya.Sumasayaw ang mga halaman at namumukadkad ang mga bulaklak kapag lumilitaw ang misteryosang dalaga. Siya kaya ang diwatang si Mariang Sinukuan?