Mackkk

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

Angela Mae N.

Ganotice 10-Chomsky

SINO KA?

Pagmulat niya ng mga mata nakita niya ang dahilan ng umaga, hindi alam kung matutuwa ba o
pipikit na lang sabay hila sa kumot pabalik sa kama ngunit—“MACK DENVER ANAK BUMABA KA
NA RIYAN AT MAHUHULI KA NA SA KLASE MO,” at kahit anong pagbabale-balentong ang gawin
ni Mack ay pinalalayas na siya ng kama niya.

“Opo nanay kong maganda pababa na.” Ngumiti si Mack at naghanda na para sa eskuwela. Hinanap
ng mga mata niya ang kanyang ama pero hindi na nag-abalang tanungin pa ang ina. “Nay? Pwede po ba
akong pumunta sa bahay ng kaklase ko pagkatapos ng aming klase?”

“Kung wala kang gagawing takdang-aralin ay bakit hindi anak?” malambing na tugon sa kanya ng
ina at natapos siyang mag-ayos at pumasok sa eskuwela. Sa murang edad ni Mack ay hindi na bago sa
kanya ang araw-araw na gawain ng kanyang ina, binubusog ng mga pangaral at pagmamahal.

Habang naglalakad ay iyan lamang ang laman ng isip ni Mack, nagpapasalamat sa suwerte na si Lucy
ang nanay niya ngunit kahit anong gawin niya ay hindi pa rin mawawala ang imahen ng tatay niya sa
kanyang isip. Napatigil siya sa paglalakad, napalunok at huminga nang malalim. Napamuglat siya nang
makita ang ama na nakatitig sa kanya. Matalim ang tingin ngunit hindi mabasa sa mata ang nais sabihin
ng kanyang ama.

“Papasok ka na?” tumango naman si Mack at hindi na tinapunan ng tingin ng kanyang ama sa mga
mata at sinabing, “Mag-iingat.”

Nakatungong tinahak ni Mack ang daan nang may biglang sumigaw ng—“Psst! BAKLA! Hintayin
mo ‘ko.” Ramdam ni Mack ang titig sa kanya ng ama kaya’t nagpatuloy lamang siyang maglakad na
parang walang naririnig. Wala sa sariling dumaan ang buong araw, hindi namalayan ni Mack na uwian na
pala. Pumunta siya sa bahay ng kanyang kaklase at doon nakipag-usap.

~~~

“Macky dear, pasensiya na ha? Hindi ko naman namalayan na nandoon pala yung tatay mong
dinaig pa si FPJ kung makatingin,” bungad sa kanya ng kaklase pagdating niya sa kanilang tahanan.
“Ano ka ba, Rick? Ayos na yun, hindi lang talaga nagawang kumalma ng puso ko simula
kaninang umaga,” tugon naman ni Mack sa kaklase. “Natatakot lang talaga akong kausapin ni tatay
Arman na hindi ko man lang alam kung anong sasabihin ko. Kaya nagpunta ako sa `yo, ikaw lang ang
nakakaalam ng naararamdaman ko Rick, ikaw lang kasi yung taong kilala kong tinanggap ng mga
magulang niya.”

Tumikhim ang kaklase at yumuko na tila nag-iisip. Tinatanong ni Mack ang sarili kung tama ba ang
pinili niyang taong paglalabasan ng damdamin at wala sa sariling sinisi ang sarili. Nagtaka si Mack nang
bigla na lamang tumawa ang taong kaharap. “Tingin mo ganun kadali? Ilang ulit kong tinanong ang sarili
ko bago ako nagsalita sa mga magulang ko, hindi ko alam kung tama ba na sabihin ko sa kanila na
‘Ma,hindi ka na magkakaapo, hindi mo na `ko makikitang ikasal. Ma, hindi na ako si Rick na pinangarap
mo mula pagkabata ko, ma? Bakla ako.’ Hindi madali Mack. Ikaw ba Mack? Sino ka ba? Kilala mo ba
kung sino ka talaga?” tumayo bigla ang kaibigan at akmang iiwan siya sa loob ng silid na iyon, hindi na
umalma ng lalaki at nag-isip na lamang.

Paano ba `ko humantong sa ganito?

Nagsimula niyang alalahanin na noong bata pa siya’y iba na talaga ang kilos niya kapag silang
dalawa lamang ng nanay niya, iba manamit, at maging ang pananalita ay nag-iiba. Tinatanong niya lagi
ang sarili kung sino ba ‘ko? Iba’t ibang pangalan ang tinawag niya sa sarili, pinapaniwalang hindi siya
ganun, hindi siya ganyan ngunit iba pa rin talaga ang pinaniniwalaan niya. Napag-isipan niyang umamin
at magsabi na sa kanyang mga magulang ngayong araw na kung sino at ano talaga siya.

Nagpaalam siya sa kanyang kaklase at nagpasalamat nang marami. Tinahak niya ang daan pauwi
nang may ngiti sa mukha. Sino nga naman ang mag-aakala na ang kakaba-kabang si Mack ay bigla na
lamang nagkaroon ng lakas ng loob na kausapin ang mga magulang niya?

~~~

“Nay?”

“Anak nasa kuwarto ako.” Pumunta doon si Mack na hindi alam kung saan magsisimula. Nilibot pa
muna niya ang tingin sa buong silid at tama nga ang inaasahang wala ang kanyang ama doon.

“Nay, magagalit ka ba?” Nanghihinang bungad ni Mack. Tiningnan siya ng kanyang ina nang may
pagtataka.
“Nay, bakla ako.”

Nakatungong banggit ng lalaki sa kanyang ina. Narinig niya ang pagbuntong hininga ng kanyang
ina kaya’t napayuko na lamang at pinipilit pigilin ang luha sa mga mata. Ang tanga-tanga mo talaga
Mack, ano pa bang aasahan mong reaksiyon niya? Tatayo na dapat siya nang hawakan siya ng kanyang
ina. Nag-angat siya ng tingin at nasilayan ang matamis na ngiti ng kanyang ina.

“Anak, hindi ko alam kung gaano kabigat ang bawat tanong diyan sa dibdib mo pero gusto ko lang na
malaman mo na kakampi mo ako. Kung ano man ang piliin mo isipin mong kasama mo ‘ko. Hindi kita
pipigilan sa mga tamang desisyon mo, pero anak? Mack, lagi mong tatandaan na hindi nakasalalay sa
pagmamahal na kayang ibigay ng tao ang tunay na halaga ng iyong pagkatao.”

Hindi malaman ni Mack kung anong mararamdaman, ang mga luha sa mata nya ay sinasabayan
din ng kanyang ina. Inilahad ng kanyang ina ang mga kamay upang angkinin gamit ang yakap, yakap na
tanging nagpakalma sa isip ni Mack.

Lingid sa kaalaman ng mag-ina’y sa likod ng mga pader at pinto’y naroon ang kanyang amang si
Arman, nakikinig at pinipilit intindihin ang narinig na usapan ng mag-ina. Lalabas na sanang mapayapa si
Mack upang magpahinga nang mas maayos ngunit para siyang bimuhusan ng malamig na tubig nang
biglang makita ang kanyang ama na nakasandal sa pintuang nakabukas na tila nakikiramdam at nakikinig.

“Sino ka ba?” Kahindik-hindik na tanong ng kanyang ama, nagbabaga ang mga mata ng tatay
niya, hindi mawari kung paano sasagutin o kung dapat pa bang sagutin ang tanong na binitawan niya.

“T-tt-tay,” ang kaninang gaan ng pakiramdam ay tila ba dinaganan ng tanong ng kanyang ama.

“Magpahinga ka muna Mack Denver,” saad niya

Pumasok sa loob ng silid si Arman at tinabihan ang kanyang asawa

“Sa una pa lamang ay ramdam ko na ang kilos niya,” panimula ni Lucy. “Ayoko lang matakot na
siya at baka isipin niyang nakikigulo ako sa pagdidisisyon niya o dinidiktihan ko siya,” emosiyonal na
saad ni Lucy. Walang natanggap na tugon si Lucy mula sa asawa kaya’t napabuntong-hininga na lamang
siya.

“Naroon natayo sa puntong hindi mo siya mata--”


“Anak ko siya, mahal ko oo pero hindi ko maintindihan kung bakit kailangang umabot sa puntong
magkakaganyan siya.” pagputol niya sa haka-haka ng asawa.

“Bakit? Ano bang nangyari sa kanya? Anak mo pa rin naman siya ah? Nagbago lang naman kung
paano niya dalhin ang sarili niya, Arman hindi naman ibig-sabihin nun ay dapat magbago ang tingin natin
sa kanya.”

“Hindi ako galit sa kanya, natatakot lang ako para sa kanya. Mahal, hindi magiging patas ang
mundo sa kanya. Maraming mangungutya, sasalungat sa kaisipang nabuo niya, mararanasan niyang
masaktan sa paraang pwede naman niyang hindi maranasan.”

Hindi magawang sumagot ni Lucy dahil sa sinabi ng kanyang asawa. Buong buhay ni Mack ay
inakala niyang galit sa kanya ang tatay niya, ilag at parang ayaw sa kanya. Kaya’t ganun na lang ang pag-
iisip ng kanyang asawa.

“Iyan lang ang hinihintay niya, ikaw lang.”

Sa loob ng sariling silid nakatulala ang anak nina Lucy at Arman, marahil ay sa dami ng iniisip ay
hindi namalayan ang pagkatok ng ginawa ng kanyang ama. Nagulantang si Mack nang pumasok na
lamang bigla ang tatay niya, tinatambol nang napakalakas ang dibdib niya sa papalapit na papalapit na
hakbang ng ama. Tinabihan siya nito sa pagkakaupo.

“Bago ka magsalita kailangan kong ipaalala at ipaintindi sa ‘yo na anak kita. Ipinagmamalaki ko
na anak kita. Hindi man sa lahat ng oras ay naipakita at nadama mo yun sa paraan na alam ko ay sana
ngayon maniwala kang mahal kita. Anak, ‘wag kang matatakot sa akin kasama mo ako.

“Hindi magiging patas ang mundo sa ‘yo, maraming tao ang hindi aayon sa desisyon mo pero
anak isipin mo na mabuti ka.”

“Tay, sino ba naman ako para isipin yun?”, tugon ng anak

“Anak kita,” saad ni Arman na nagpagitla sa kanyang anak

“Hindi man nila makita ang rason mo, ipakita mo naman kung sino ka. Ikaw ang anak ko ang
tanggap kita.”

“Mahal kita, tay.” Hagulgol ni Mack at niyakap ang ama.


Hindi na napigilan ng mag-ama ang maluha sa tuwa dahil sa wakas ay nasabi na nila ang maagal na
naling hindi naririnig mula sa isa’t-isa, na isa silang pamilya.

“Halika na nga dito nay.” Pagbungisngis ni Arman sa kanyang asawa, makikita sa mga mata ang luha
pero nangingibabaw ang saya.

Doon nagsimula ang pagiging mas malapit ng kanilang pamilya. Nagsasabi ng saloobin sa isa’t isa,
nagdadamayan sa bawat araw na lilipas. Si Mack ay mas palangiti na, ang kanyang ina ay masayang
nagluluto para sa kanilang tatlo at saw akas ay lagi nang naglalagi sa loob ng kanilang tahanan si Arman.
Pagtanggap ang kayang iapramdam ng isang pamilya, pagmamahal at pag-unawa ay kasama rin. Sila ang
kasama mo, ikaw ay sila, nagmamahal at tumatanggap.

SINO KA?

You might also like