Sy CN.37 Filipinolohiya

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

Sy, Ahcy Mari P.

Filipinolohiya
BSA 1-12 October 10, 2019

Intelektuwalismo at Wika

Isa ang Pilipinas sa mga bansang lubos na nagpapahalaga sa wikang Ingles, makikita ito sa mga
paaralan, pribado at maging sa mga pampublikong establisimyento kung saan ipinapatupad ang
pagsasalita ng Ingles sa pakikipagtalastasan ng mga ideya at suhestiyon. Maging ang mga balita sa
telebisyon at radyo ay nasa wikang Ingles, kaya hindi rin masisisi ang ibang mamamayan na hirap sa
wikang ito na siyang nagbubunga ng kakulangan ng impormasyon ukol sa nangyayari sa ating bansa.
Laganap na rin ang mga akdang likha ng mga manunulat na mula sa mga bansang Kanluranin gaya ng
mga akda nila John Green, Nicholas Sparks, Suzzane Collins, J.K Rowling, Stephenie Meyer at marami
pang iba. Hindi lamang ito limitado sa mga babasahin, kahit sa larangan ng musika at pelikula, kitang-kita
ang ganap na pagtanggap ng bansa sa mga ito, na siyang nagiging dahilan ng pagbabalewala ng mga
Pilipino sa mga lokal na likha. Ang mga suliranin na ito ay nag-ugat sa pananakop ng mga dayuhan sa
ating bansa bago tuluyang makamit ang kalayaan, ngunit bakit tila tayo’y nasa ilalim pa rin ng pananakop
nila?

Malaki ang naging epekto ng pagsakop ng mga dayuhan sa Pilipinas, hindi lamang naapektuhan
ang ating kultura, ngunit maging ang ating kaisipan. Nakatatak na sa atin na kapag tinangkilik natin ang
produkto ng ibang bansa, tayo’y nakatataas sa antas ng lipunan. Hindi alam ng nakararami sa atin na
impluwensya lamang ito ng mga negosyante, dahil iyan ang gusto nilang isipin ng mga Pilipino para sa
sariling paglago. Gumagamit sila ng mga mabubulaklak na salita upang mahikayat ang lahat sa patuloy na
pagpigil sa paglago ng lokal na merkado. Tila tayo’y nakakadena na sa kultura ng ibang bansa, ngunit
pilit nating kinakalimutan na tayo rin ang may hawak sa susi ng kadenang magpapalaya sa atin. Tulad ng
nakasaad sa akdang Intelektuwalismo at Wika, karamihan ng mga Pilipinong bihasa sa wikang Ingles ay
kabilang sa mga elite o mga mamamayang nakakaluwag-luwag sa buhay. Para sa akin, hindi naman
masamang linangin ang kaalaman sa wikang banyaga kung para ito sa ikauunlad ng bansa, ngunit
kabaligtaran ang nangyayari. Ang pagkatuto ng mga Pilipino sa iba’t ibang wika ay ugat ng pangarap na
makaahon sa kahirapan at lumuwas sa ibang bansa upang makapagtrabaho kung saan sila makatatanggap
ng mas malaking sahod. Ang paghahanapbuhay sa ibang bansa ay hindi nakatutulong sa pag-unlad ng
Pilipinas, ito ay naghuhudyat lamang ng pagbaba ng lakas-paggawa sa bansa. Lahat ay bulag na sa
hangarin na yumaman at tuluyang maging matagumpay sa buhay; dahil sa panahon natin ngayon pera na
ang sukatan ng tagumpay. Masyado nang limitado ang kaalaman natin sa lipunan, dulot ng pang-aalipusta
sa mga taong nagpapalaganap ng mga impormasyong makakapagpamulat sa mga bulag na paningin ng
mga Pilipino. Pilit silang pinipigilan ng mga makapangyarihang tao sa bansa, upang walang kumalaban sa
kanila at manatili lamang sa estado kung nasaan sila. Napakaraming humahadlang sa ating bansa patungo
sa tunay na kalayaan ng mga Pilipino, maging ang mga taong dapat gumagabay sa atin para sa kaunlaran
ng bayang sinilangan ay siyang nang-uuto sa sambayanan gamit ang mga mapanlinlang na panukala.

Sang-ayon ako sa sinabi ng may akda na dapat ang edukasyon ang siyang nagtatanim sa kaisapan
ng mga mag-aaral na lahat tayo ay pantay-pantay, at walang nakalalamang. Hindi mahalaga kung gaano
karaming salapi ang nasa palad, kung ‘di ang mga prinsipyo na pinaglalaban ng bawat isa na siyang
magsasagip sa tila namamatay na wika at kultura ng Pilipinas. Balewala ang lahat ng ito kung maglalaho
ang pagkakakilanlan ng ating bansa, dapat nating buksan ang mga mata sa realidad at gisingin ang mga
diwa ng pagiging makabayan upang ipagtanggol ang ating tunay na kayamanan ng bayan. Hindi binuwis
ng mga bayani ang kanilang mga buhay upang masakop lang muli ng mga mapagsamantalang dayuhan
ang lupain ng Pilipinas. Bawat isa ay dapat gumawa ng hakbang tungo sa pagprotekta ng wika at hindi
maging kasapi sa pagpapalago ng wikang banyaga.

You might also like