Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

BUOD NG MILA (2001)

MAY DALANG aral ang bawat karanasan at mga taong dumarating sa buhay. Ito
ang mensahe ng Mila, isang pelikulang hinango mula sa buhay ni Anita
Pamintuan, isang gurong nakipaglaban para sa mga karapatan ng kapwa niya guro
sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Sa ilalim ng direksyon ni Joel Lamangan at panulat ni Ricky Lee, matagumpay na


naipaabot ng Mila ang mga katotohanan ng buhay. At sa pamamagitan ng
pangunahin nitong tauhan na si Mila Cabangon (Maricel Soriano), nakapagdulot
ng iba’t ibang aral ang nasabing pelikula.

Bilang guro sa isang pampublikong paaralan, naging inspirasyon at naging malapit


si Mila sa kanyang mga mag-aaral, lalung-lalo na kay Jenny (Serena Dalrymple),
dahil sa buong-pusong pag-aalay ng sarili sa bokasyon.

Ngunit nang dumating ang pagkakataong di dininig ang kanilang hinaing bilang
mga guro, at ilan pang mapapait na karanasan, tulad ng paglisan ng pangalawang
lalake sa kanyang buhay na si Primo (Piolo Pascual), lumabas siya sa apat na sulok
ng silid-aralan upang hanapin ang nawawalang bahagi ng kanyang pagkatao.

Sa kanyang paglalakbay, napadpad siya sa Ermita at doon nakilala ang iba pang
mga tauhan ng pelikula na tila nawawala ring mga kaluluwa tulad niya. Naging
kaibigan niya ang mga babaeng nagbebenta ng panandaliang aliw na sina Winona
(Kaye Abad) at Rona (Cherry Pie Picache). Nakasama rin niya sa lansangan ang
mga batang sina Leni (Angelica Panganiban) at Peklat (Jiro Manio).

Naging mas malawak ang mundo ni Mila sa Ermita. Doon, ipinagpatuloy niya ang
kanyang bokasyon bilang isang guro nang magturo siya sa lansangan. Mas
naunawaan at naipaunawa niya sa iba ang mga aral at tunay na kahulugan ng
buhay.

Ibinabahagi ni Mila ang kanyang sarili sa lahat ng makilala. Sa pamamagitan ng


pakikiisa niya sa bawat taong nasa kanyang paligid, unti-unting nabuo ang
kanyang pagkatao. At sa huli, tuluyan niyang nahanap ang sarili sa kandungan ng
matagal nang di nakakasamang ina.

Bukod sa mga aral na iniiwan ng pelikula sa mga manoonod, naipakita rin ng Mila
ang ilang kabulukan sa sistema ng lipunan – ang kakulangan ng edukasyon para sa
mga kabataan na nagdadala sa kanila sa madumi at mapanganib na buhay-
lansangan, at ang pakikibahagi sa prostitusyon at pang-aabuso ng mga may
kapangyarihan sa mga mahihinang naghahanap ng masasandalan.

Tinalakay din ng Mila ang matagal nang isyu tungkol sa abang kalagayan ng mga
guro. Ipinakita sa pelikula ang pagiging bulag at bingi ng pamahalaan sa
kahalagahan ng mga gurong nagtitiyaga sa mga pampublikong paaralan. Panahon
na marahil para makinig sila sa mga “bayani” ng silid-aralan.

Malaki ang inaasahan ng mga manonood sa pelikulang Mila dahil sa naging


mahusay at malawakang promosyon nito bago ito ipinalabas. Maaaring hindi ito
gaanong naabot ng pelikula dahil kung titingnan ang kabuuan ng istorya sapagkat
simple lamang ang pagkakagawa nito. Hindi ito umasa sa kumplikadong
teknolohiya o special effects. Ngunit kapansin-pansin pa rin ang mahusay na
paglalapat ng musika at masinop na pagkakalikha ng bawat eksena.

Sa kabila nito, ang simple ngunit makabuluhang kuwento ang naging kalakasan ng
pelikula. Buhay na buhay ang bawat tauhan at naitatanim sa isipan ng mga
manonood ang bawat katagang binibitiwan nila.

Bukod sa pangunahing aktres na si Maricel Soriano, naging mahusay din ang


pagganap ng iba pang mga naging bahagi ng pelikula, tulad nina Princess Punzalan
(Linda), bilang matalik na kaibigan ni Mila, at Kathleen Hermosa (Teresa), isang
baguhang guro na kaagad na napasabak sa hirap ng piniling bokasyon.

Repleksyon ng mundong ating ginagalawan ang pelikulang Mila. At nagsisilbing


inspirasyon si Mila sa mga taong nais ibahagi ang kanilang sarili upang higit na
maunawaan at maipaunawa sa iba ang mga aral ng buhay na hindi lamang sa loob
ng apat na sulok ng silid-aralan matututuhan.

You might also like