Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Maaaring Lumipad ang Tao

Naisalaysay ni Virginia Hamilton


Isinalin sa Filipino ni Roderic P. Urgelles

Noong unang panahon, sa Aprika, ang mga


tao ay maaaring lumipad. Sa ilalim ng
bughaw na langit, para silang maiitim na ibon
na may nagniningning na pakpak.

Nang sila’y hinuli para gawing alipin,


nakalimutan nila kung paano lumipad. Ang
kanilang mga pakpak ay nawala nang sila’y
isinakay sa mga barkong papunta sa
Amerika.

Pagdating sa Amerika, nagkaroon ng Master


ang mga alipin. Ang Master ay may amo na
tinatawag na Overseer o Tagapagbantay, at
ang Overseer ay may Drayber. Nakasakay
ang Overseer sa kabayo habang
binabantayan ang mga alipin. Kung
mayroong mabagal magtrabaho, gumagamit
ang Drayber ang isang latigo para paduguin
ang likod ng mga kulang-palad.

May iisang matandang alipin na hindi


nakalimot sa kanilang kakayahan na
lumipad; ang pangalan niya ay Toby. May
isang babae na may sanggol na nakatali sa
kanyang likod; ang pangalan niya ay Sarah.
Ang gutom na sanggol ay umiiyak. Kaya’t
sinisigawan ng Tagapagbantay si Sarah.

“Patahimikin mo ang pesteng ‘yan!”

Yumuko si Sarah, ngunit walang tigil ang


pag-iyak ng sanggol. Lumapit ang Drayber at
nilatigo ang likod ng babae.

Humiyaw ang bata sa hapdi ng latigo.


Sumalagmak si Sarah. Nilapitan siya ng
matandang si Toby.

“Kailangan kong lumikas sa madaling


panahon,” sabi ng babae.

“Sa madaling panahon,” sabi ng matanda.

Napakahina na ni Sarah, at nasusunog na sa


araw ang kaniyang mukha. Ang bata ay
umiiyak nang umiiyak. “Kaawaan mo kami,
kaawaan mo kami” animo’y hagulhol ng
sanggol. Napaupo na lamang si Sarah.

“Tumayo ka, itim na baka!” sigaw ng


Tagapagbantay. Sinenyasan niya ang
Drayber at ang latigo ay dumaplis sa binti ng
babae.
“Ngayon na!” sabi ni Sarah.

“Sige, anak, ngayon na,” sagot ni Toby


“Humayo ka.”

“Kum… yali, Kumbuba tambe” at iba pang


mahihiwagang salita ang lumabas nang
mabilis mula sa labi ni Toby, na kung
pakinggan ay parang mga bulong at
buntong-hininga lamang.

Itinaas ni Sarah ang isang paa sa hangin. At


ang isa pang paa. Naramdaman niya ang
mahika, ang misteryo ng mga salita ng
Africa. Pumailanlang siya tulad ng isang
ibon.

Hinabol siya ng Tagapagbantay, sumisigaw.


Nilipad ni Sarah ang mga bakod. Nilipad niya
ang mga kahuyan. Hindi sagabal sa kanya
ang matatayog na puno. Lumipad siya na
parang agila, hanggang sa wala nang
nakakita pa sa kanya.

Walang sinuman ang nagtakang magkuwento sa


kung anong nangyari dahil hindi kapani-paniwala
ang nangyari.
Kinabukasan, mainit pa rin ang sikat ng araw. Ang
isang binatang alipin ay nawalan ng malay nang
dahil sa init. Ginamitan siya ng latigo ng Drayber.
Lumapit si Toby para wikain ang mga salita.
Narinig ng binata ang mga salita ng sinaunang
Aprika. Pumasok nang dagli ang kahulugan sa
isip niya, bago mawala na parang bula. Lumipad
ang binata.

Tuwing may nahihimatay sa init, nandoon si


Toby. Mga bulong… mga buntong-hininga… At
ang mga nahimatay ay biglang nakalilipad.

“Dakipin ang matanda!” sigaw ng


Tagapagbantay. “Narinig kong may binigkas
siyang mahihiwagang salita. Dakipin siya!”

Tumakbo papalapit ang Master. Hinanda ng


Drayber ang latigo. Ang may-ari ng mga alipin ay
nagbalak na patayin ang matanda.

Napatawa si Toby. “Hindi ba ninyo alam kung sino


ako? Hindi ba ninyo nakikila ang ilan sa amin
dito?” Harap-harapan, sa mukha ng mga mang-
aabuso, sinabi ng matanda, “Kami ang mga taong
nakalilipad.”

At binigkas niya muli ang mga sinaunang salita.

May napakalakas na hiyawan. Ang mga baluktot


na likod ay naunat. Matatanda at batang mga
alipin ay pumailanlang na magkakahawak-kamay.
Lumilipad sila nang langkay-langkay na animo
mga ibong tumatakip sa asul na kalangitan,
maiitim na anino. Lumipad sila nang napakataas.
Lumilipad sila patungo sa Kalayaan.

Lumilipad sa kanilang hulihan ang matandang si


Toby, inaalagaan sila. Hindi siya umiiyak. Hindi
siya tumatawa. Siya ang gumagabay.

Nakita niya sa taniman ang mga naiwang alipin na


hindi marunong lumipad.

“Isama n’yo kami!” ang wika ng kanilang mga


mata, ngunit takot silang sumigaw.

Hindi naidala ni Toby ang mga ito. Walang


panahon para turuan silang lumipad. Kailangan
nilang maghintay ng ibang panahon para
makalikas.

“Paalam!” sabi ng matanda sa kanila.

Ganyan ang kuwento ng Overseer. Sabi ng Master


ay kasinungalingan ang lahat at bungang-isip
lang iyon sa sikat ng araw. Ang Drayber ay walang
sinabi.

Kinuwento ng mga aliping hindi nakalipad ang


mga pangyayari sa kanilang mga anak. Nang
sila’y malaya na. Kinuwento nila ito noong sila’y
malaya na.

At ang kanilang mga anak ay nagpatuloy sa


pagkukuwento. At ngayon naman ay naikuwento
ko na sa iyo.

You might also like