Ang nakakatulig na paputok at sunod-sunod na pagdupikal ng mga batingaw ay nagbabadyang
inilabas na ang prusisyon. Ang mga binata na halos lahat ay mayroong dalang sinding parol. Kasamang naglalakad ni Kapitan Heneral ang mga kagawad, si Kapitan Tiyago, ang alkalde, ang alperes at si Ibarra at patungo sa bahay ng kapitan. Nagpatayo ang kapitan ng isang kubol sa harap ng kaniyang bahay upang pagdausan ng pagbigas ng tulang papuri o loa sa pintakasi ng bayan. Kung hindi lamang sa imbitasyon ng Kapitan Heneral, mas gusto ni Ibarra na manatili na lamang sa tahanan ni Kapitan Tiyago upang makasama niya si Maria. Nangunguna sa prusisyon ang taltong sakristan na may hawak na mga seryales na pilak. Kasunod nila ang mga guro, mag-aaral at mga batang may dala-dalang parol na papel. Ang mga agwasil at tinitini naman ay may dalang mga pamalo upang gamitin sa sinumang maniksik o humiwalay sa hanay. Mayroon din silang kasama na namimigay ng libreng kandila para gamiting pang-ilaw sa prusisyon. Ang mga santong pinuprusisyon ay pinangungunahan ni San Juan Bautista. Sumunod si San Francisco, Santa Maria Magdalena, San Diego De Alcala at ang pinakahuli ay ang Mahal na Birhen. Ang karo ni San Diego ay hinihila ng anim na Hermano Tercero. Inihinto ang mga karo at andas ng mga santo sa tapat ng kubol sa pagdadarausan ng loa. Mula sa tabing may isang batang lalaking may pakpak, nakabotang pangabayo, nakabanda at may bigkis ang lumabas. Pagkatapos na bumigkas ng papuri ang bata sa wikang Latin, Kastila at Tagalog ay pinagpatuloy ang prusisyon hanggang sa mapatapat sa bahay ni Kapitan Tiyago. Ang lahat ay natigilan sa magandang pag-awit ni Maria Claria ng Ave Maria ni Gounod sa saliw ng kaniyang sariling piyano. Kung napatigil si Padre Salvi sa ganda ng tinig ni Maria Clara. Higit na nakadama ng kalungkutan si Ibarra. Nadarama niya ang mensahe ng tinig ng kasiphayuan ng kasintahan. Saglot na naputol ang pagmuni-muni ni Ibarra nang palalahanan siya ng Kapitan-heneral tungkol sa imbitasyon nitong makasalo sa pagkain upang pag-usapan ang pagkawala nina Basilio at Crispin.
39: Donya Consolacion
Kahit na napatapat ang prusisyon sa bhay ni Donya Consolacion ay pinid na pinid. Nang umagang iyon, ang asawa na alperes at paraluman ng mga guwardiya sibil ay hindi nakapagsimba. Paano hindi siya pinayagang lumabas ng kaniyang asawa. Ikinahihiya ng alperes ang katawa-tawang pagdadamit nito. Ang kaniya namang amoy katulad ng kalaguyo ng mga guwardiya sibil. Pero, para sa sarili ni Donya Consolacion siya ay higit pa ngang maganda kaysa kay Maria Clara.’ Ang ipinagpuputok pa ng damdamin ng Donya bukod sa siya ay hindi pinayagang lumabas ng bahay ay ang pangyayaring sobra kung alipustain at murahin siya ng alperes. Suklam na suklam ang Donya at iniisip kung paano makapaghiganti. Ang pagdili-dili niya ay nakapagbigay sa kaniyang ng ibayong ngitngit. Nang araw ngang iyon, bago dumaan ang prusisyon, ipinasara niya sa bantay ang lahat ng mga bintana at nagpasindi pa ng ilaw. Inutusan din nitong huwag magpapasok maski sinuman. Pinakandado niyang mabuti pati pintuan. Habang nag-iisip ang Donya narinig niyang umaawit si Sisa na dalawang araw ng nakukulong sa kwartel. Pinapaakyat ng Donya si Sisa upang pakantahin. Palibhasa, sa wikang kastila ang utos ng Donya, hindi ito maunawaan ni Sisa. Isa pa hindi matino ang isip, isa na siyang baliw. Kinuha ng Donya ang latigo ng alperes at muling inutos na kumanta si Sisa. Pero, hindi sumunod si Sisa. Dahil dito, inutusan ng Donya ang sundalo na sabihin kay Sisa ang gusto nitong mangyari. Kumanta si Sisa ng Kundiman ng Gabi. Ang awit ay tumalab sa damdamin ng Donya at nakapagsalita ng Tagalog. Napamaang ang sundalo, hindi niya sukat akalain na marunong ng Tagalog ang Donya. Napansin ng Donya ang pagkamaang ng kawal, kaya galit na pinaalis ito. Binalingan ng Donya si Sisa at sa pilipit na pangangastila ay inutusan itong magbaile o sumayaw. Nang hindi sumunod si Sisa, pinalo niya ito sa binti at paa. Nabuwal si Sisa at nagisi ang manipis nitong damit kasabay ng paglabas ng dugo mula sa nabakbak na sugat. Nasisiyahan ang Donya sa gayong tanawin. Ang kaniyang galit ay naibunton niya kay Sisa. Hindi napansin ng Donya ang pagdating ng alperes na pasikad na binuksan ang nakasarang pintuan. Pagkakita ng alperes kay Sisa, sinagilahan ito ng pangangatal ng katawan sa galit at namutla. Bumalasik ang kaniyang mukha. Ngunit, parang walang anuman ito sa Donya. Tinanong pa niya ang alperes kung bakit hindi man lang daw bumati ito sa kaniya. Hindi sumagot ang alperes. Inutusan niya ang bantay na bigyan ng damit at pagkain si Sisa. Kailangang gamutin din ang mga sugat nito, bigyan ng magandang higaan at huwag lalapastanganin. Ang dahilan si Sisa ay nakatakdang ihatid sa tahanan ni Ibarra kinabukasan din. Sa kabilang dako, kung magkaroon man ng kagaspangan ng ugali si Donya Consolacion yaon ay bunga ng kaniyang kawalan ng sapat na edukasyon. Siya ay dating labandera lamang ng mga sundalo na mapangasawa niya ang alperes na noon ay isa lamang kabo. Ito ang dahilan kung may plastik na pag-uugali. Pilit siyang nag-aastang may pinag-aralan, marunong ng kastila at may ugaling Europeo.
40: Karapatan at Kapangyarihan
Mag-iikasampu na ng gabi ng paisa-isang sindihan ang mga kuwitis. Ang huling pailaw ay parang bulkan habang ang daan ay naliliwanagan ng ‘luces de Bengala’ na siyang nagsisilbing ilaw sa mga taong naglalakad patungo sa liwasang bayan. Malaki ang entabladong pagdarausan ng dula. Ang nangasiwa sa palabas ay ang Tenyente Mayor na si Don Filipo sapagkat ang Kapitan ay nasa sugalan. Kausap ng Tenyente si Pilosopo Tasio at nakasentro ang kanilang pag-uusap na nagbibitaw na ang Don sa kaniyang tungkulin. Danga’t nalamang hindi tinanggap ng alkalde ang pagbibitiw nito. Saglit naputol ang pag-uusap ng dalawa ng dumating si Maria Clara kasama ang mga kaibigan. Kasunod nilang dumating ang kura at ilang kastila. Isa-isa silang inihatid sa upuan ng tenyente. Nagsimula na ang palabas sa pamamagitan ng tambalang tinig nina Chananay at Marianito ng Crispino e la Comare. Ang pansin ng lahat ay nasa entablado maliban kay Padre Salvi na walang kurap na nakatitig kay Maria Clara. Taposna na ang unang bahagi ng dula nang pumasok si Ibarra. Umugong ang bulungan, pero hindi ito pinansin ni Ibarra. Malugod na binati niya ang kasintahan at ang mga kasama nito. Tumindig si Padre Salvi o ang Kura at hiniling kay Don Filipo na paalisin si Ibarra. Ngunit, hindi sumunod ang Don at sinabing hindi niya magagawa ang gayon sapagkat nag-abuloy ng malaki si Ibarra. Isa pa, anang Don hindi siya natatakot sa gagawin ng kura sapagkat maghapong kau-kausap ng Kapitan Heneralat ng Alkalde ng lalawigan si Ibarra. Kaya, wala itong dapat ipangamba. Napilitan umalis ang Kura at ang mga kasama nito. May ilang tao na lumapit kay Ibarra at sinabing huwag pansinin ang paglisan ng kura, sapagkat ang mga ito ang nagsasabing si Ibarra ay eskumulgaldo. Dahil dito, naitanong ni Ibarra na sila ay nasa panahon pa ng edad Media. Nilapitan ni Ibarra ang mga dalaga at nagpaalam na ilang sandali siyang mawawala sapagkat mayroong nalimutang tipanan. Pinigilan siya ni Sinang subalit nangako si Ibarra na babakik na lamang siya. Papalabas na si Yeyeng upang sumayaw, nang lumapit ang dalawang sibil kay Don Filipo at ipinatitigil ang palabas dahil hindi raw makatulog sa ingay ang alperes at si Donya Consolacion. Pero, hindi pinagbigyan ang kahilingan ng mga sibil at natapos na ang dula. Pero, bigla na lang nagkagulo. May dalawang sibil na hinagad ang mga musikero upang pigilin ang palabas pero ang mga ito ay nahuli ng mga kuwadrilyero na katulong ni Don Filipo. Tiyempo namang nakabalik na si Ibarra. Kaagad na hinanap niya si Maria. Kumapit na sa bisig ni Ibarra ang mga nasindakna dalaga. Walang tigil naman sa kauusal ng letania sa latin si Tiya Isabel. Ang mga sibil na inihatid ng mga kuwaddrilyero sa tribunal ay pinagbabato ng mga tao. May mga pulutong ng mga kalalakihan na nagbabalak ng masama sa mga sibil. Pero, pinakiusapan sila ni Don Filipo na huwag ng palalain pa ang pangyayari. Ngunit, hindi siya pinansin. Kaya kay Ibarra siya nakiusap. Sinabi ng binata na wala siyang magagawa. Pinakiusap ni Ibarra si Elias na puntahan ang mga kalalakihang nagbabalak ng masama. Napahinuhod naman ng piloto ang mga lalaki na huwag ng ituloy ang kanilang mga binabalak. Isa-isa ng nagsialisan ang mga tao. Mula naman sa kinaroroonan ni Padre Salvi, nakita niya ang buong pangyayari sa liwasan. Dumating din ang kaniyang utusan na nagbalita rin tungkol sa nangyaring kaguluhan. Bigla na lamang nakita ni Padre Salvi sa kaniyang pangitain na si Mari Clara ay walang malay-tao, pangko ni Ibarra at nawala sila sa kadiliman. Halos nagkandahulog siyang bumaba sa kumbento at nagtuloy sa liwasan. Ngunit, wala ng tao. Binubulyawan siya ng mga kastila, pero hindi niya alumana. Mabilis na tinungo niya ang bahay ni Kapitan Tiago. Sa nakapinid na durungawan nabanaagan niya ang mga anino nina Maria Clara at Tiya Isabel. Ang pagkabahala sa dibdib ng pari ay unti-unting nawala. Ligtas sa kapahamakan si Maria. Bumalik na sa kumbento si Padre Salvi.