Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 4

Ang Kahon at Ang Mga Kwento Ng Mga Lumang

Laruan
O K T U B R E 5 , 2 0 1 1 Posted in K W E N T O N G P A M B A T A

Isang araw, may isang kayumanggi at walang lamang kahon ang naiwan sa isang sulok ng
tindahan. Maya-maya’y may isang lolong nagdikit ng papel sa kahong walang laman. Hindi
mabasa ng kahon ang nakasulat pero sabi ng kahon sa sarili, “Salamat at mayroon pa pala akong
silbi kahit isang basurahan”. Dati kasi siyang kahon ng sigarilyo.

Dumaan ang ilang araw, isang kasambahay ang naglagay ng isang manikang madumi ang damit
at ang dilaw na buhok ay di pantay ang gupit. Natuwa ang kahon dahil nagkaroon na siya ng
laman, isang basurang manika.

“Kumusta, manika?” ang bungad na bati ni Kahon. “Sa hitsura mo’y parang pinaglaruan
ka yata ng batang sa iyo’y umampon.”

“Uy, kaibigan. Maigi ngang nandito ako sa loob mo,” sagot ni Manika. “Kung alam mo
lang ang aking kwento, pihadong pati ikaw’y manlulumo.”

“Tutal, dalawa lang naman tayo, makikinig ako sa kwento mo,” ngiti ni Kahon.

“O sige. Ako’y isang magandang manika noong una. Gintong mais ang aking buhok at
mabango ang damit kong kulay pula. Madami ang sa akin ay nagbakasakali ngunit
sabihin nating mayamang bata ang nagmay-ari. Ang hindi ko lang inaasahan, mayroon
siyang panget na ugali. Kaming mga laruan ay hindi iniingatan at madalas gawan ng
kalokohan. Biruin mong ilublob ako sa putikan at gupitin ang buhok kong ginintuan.
Hay, nasayang lang ang aking ganda sa isang batang hindi marunong magpahalaga.”

“Masaklap pala ang iyong sinapit sa isang batang ugali’y malupit,” yun na lang ang sinabi ni
Kahon sa kanyang unang bisita.

Ilang araw ang lumipas, may amang naglagay naman ng isang asul na robot sa kahon.
“Kamusta, Robot,” sabay na bati nina Kahon at Manika.

“Hay, eto, nakakahiya na ang hitsura. Bali ang isang kamay at lagyan man ng baterya ay di na
gumagana. Ano pa nga ba, isa na akong basura!” dismayadong sagot ni Robot.

“Makikinig kami sa kwento mo, tutal tatlo lang naman tayo,” ang paunlak ni Kahon.

“O, sige. Ganito yun. Ako’y isang robot na modelo ng isang sikat na robot sa telebisyon. Binili ako
ng isang mabait na tatay para sa kanyang bunsong anak. Tuwang-tuwa sa akin ang bunso, pero
naiinggit naman sa kanya ang panganay na kapatid. Minsang naglalaro si bunso, nakiusap ang
kuya niya na hiramin ako pero naging madamot ito. Nainis ang mas matanda kaya bigla akong
hinaltak sa kanya. Pinag-agawan nila ako at parehong ayaw magpatalo.”
“Hay, may mga bata talagang dapat dinidisiplina,” sambit ni Manika.

“Oo nga. Ang nangyari, nahulog ako sa semento, nabali ang kamay at nabasag pa ang lagayan ng
baterya. Nang malaman ng ama, pinalo pareho ang dalawang bata at ako’y itinapon na lang. Ang
sabi ng ama, kayong dalawa ay dapat nagbibigayan. Itatapon ko na lang ang robot upang
kalimutan ang ugaling karamutan. At hindi ako bibili ng anumang laruan, hangga’t di ninyo
natututunan ang magbigayan ng anumang kagamitan,” ang malungkot na salaysay ni Robot.

“Sabagay, dapat talagang nagbibigayan ang bawat isa, lalo na sa pamilya,” ang sabi na lang nina
Manika at Kahon sa isa’t isa.

Kinabukasan, isang binata naman ang naglagay sa kahon ng isang magara at makintab na itim na
kotse-kotsehan.

“Kamusta, Kaibigan,” ang bati nina Manika at Robot, “Maligayang pagdating sa basurahan.”

“Eto, malungkot, ” matamlay na sagot ng bagong dating.

“Ha? Anong ikinalulungkot mo? Sa hitsura mo, ika’y bagong-bago, ano ba ang kwento, kaming
tatlo ay makikinig sa ‘yo,” ani Kahon.

“Ganito kasi yun. Hindi bata ang bumili sa akin. Isang binatang mahilig bumili ng laruang
sasakyan pero hindi naman niya nilalaruan. Itinatago sa istante, ayaw maalibukan, walang
pakinabang. Bumili nang bumili pero pandisplay lang. Hay, gusto kong sabihin sa kanya, ako’y
isang laruan. Tanging hiling ko’y may batang ngingiti habang ako’y pinaglalaruan.”

“Pero anong nangyari at napunta ka dito?” tanong ni Manika.

“Ang binata kasi ay sa ibang bansa na maninirahan, pinili niya ang pinakamagaganda niyang
laruang-sasakyan upang dalhin sa ibang bayan. At akong hindi napili, heto, napunta sa isang
basurahan.”

“Iyan ang isang pinakamasaklap na mangyari sa isang laruan, ang hindi man lang mahawakan ng
isang bata,” nanghihinayang na nasabi ni Robot.

Sumunod na araw, isang dalaga ang naglagay ng isang laruang oso sa kahon.

“Maligayang pagdating sa iyo, laruang oso,” sabay-sabay na bati nina Manika, Robot,
Kotse-kotsehan at Kahon.

“Uy, marami na pala kayo dito, salamat naman at hindi na ako mag-iisa,” wika ng
kadarating na kulay rosas na laruan.

“Apat pa lang naman kaming nagkukuwentuhan, ikaw ba, pwede ka bang kahuntahan?”
sambit ni Kahon.
“Aba’y oo naman, ganito ang aking karanasan. Ako’y isang laruang nagsilbing
kaibigan. Isang dalagita ang sa akin ay bumili at mga sikreto niya’y sa akin lang
sinasabi. Nakakatuwa naman at ako’y kanyang inalagaan. Ilang taon din kaming naging
magkakwentuhan, pero..” napalitan ng lungkot ang mukha ni Laruang Oso.

“O, bakit, akala ko ba’y masaya ang iyong karanasan,” tanong ni Robot.

“Nagtataka nga ako kung bakit ako inilagay dito. Basta sabi niya sa akin, dalaga na
siya. Matanda na raw siya para sa kagaya ko, kung kaya’t ako’y kanyang pakakawalan.
Bulong niya’y may makapulot sa aking bata na ituturing din akong kaibigan.”

“Mabuti naman at hindi naman pala masama ang iyong karanasan, may dahilan naman
pala ang iyong naging kalaro,” ang sabi ni Kotse-kotsehan.

Lumipas pa ang mga araw at malapit nang mapuno ang kahong dating walang laman na
naging basurahan. Parati kasing may naglalagay ng mga kung anu-anong basura sa
kanya. Iba-ibang laruan. Iba-ibang kulay. Iba-ibang hugis. May bolang kupas at
sombrero ng mangkukulam na butas. May espadang patpat at may lumang trumpo. May
laruang bus, gitara at barko. Mayroon pa ngang mga damit ng diwata, nars at sundalo.
Lahat ay may mga baong kwento.

Ang huling nagdagdag ng basura ay ang lolong naglagay sa kahon sa isang sulok ng
tindahan. Ang kanyang inilagay ay mga bareta ng luwad.

“Uy, may mga kakaibang bagay na nadagdag sa basurahan,” ang bungad ni Manika.

“Kami ay mga basurang laruan, pero kayo ba ay ano?” tanong ni Robot.

“Sabon ba kayong ayaw bumula?” tanong ni Kotse-kotsehan.

“Baka naman kending hindi mabili,” wika ni Robot.

“O kaya tsokolateng luma na at inaamag,” hula naman ng ibang mga laruan.

“Mga kaibigan, kami ng aking mga kasamahan ay maituturing ding laruan,” sagot ni Puting
Luwad. “Ang tawag sa amin ay Luwad.”

“Luwad, anong luwad?” nagtataka na din si Kahon.

“Mga simple lang kami kung tutuusin. Isang bulag na bata ang sa amin ay nagmay-ari. Nabulag
daw sa paglalaro ng mga walis-tingting. Ang batang bulag ay naging malulungkutin at nawalan
ng tiwala sa sarili,” simulang kwento naman ng Berdeng Luwad.
“Mabuti na lang at iniregalo kami sa kanya ng kanyang lolo. At ang dalawa’y parati na ngang
nagsama sa paghulma sa amin ng kung anu-anong hugis. Pati nga kami’y namamangha sa
kanilang ginagawa,” nakangiting salaysay naman ni Kahel na Luwad.

“Kami marahil ang naging paraan upang mabuksan ang angking kakayahan ng batang bulag.
Dahil nawalan ng paningin, pinagana niya ang kanyang malawak na imahinasyon. Nakabuo siya
ng iba-ibang hugis at iba-ibang bagay base sa kanyang nahahawakan. Naging mahusay na
mahusay siya at noon lang nanumbalik ang tiwala niya sa sarili. Alam ninyo bang isa na siya
ngayong mahusay na alagad ng sining?” pagmamalaki naman ni Lilang Luwad.

“Sining? Ano naman ang sining? Laruan din ba iyun?” tanong ulit ni Kahon.

“Ang Sining ay tumutukoy sa anumang kasanayan kung saan ipinapakita ng isang tao ang
kagandahan sa kanyang paligid base sa kanyang nararamdam, nakikita, naririnig, naaamoy, at
nararanasan. Alam ninyo bang ang batang bulag ngayon ay isa ng tanyag na iskultor at makata?”
nakangiting sabi ni Abong Luwad.

“Nakakabilib naman. Sana ay may makapulot sa atin na mga batang malilibang at matututo sa
atin.” Iyun na lang ang nasambit ng mga lumang laruan sa loob ng kahon.

Nasa gayon silang pagkukuwentuhan nang tuluyang isinara ng lolo ang kayumangging kahon.
Natakot ang mga laruan dahil alam nilang sa Bundok ng Basura ang kanilang pupuntahan. Sabay-
sabay silang nagdasal.

“Sana ay mapulot kami ng mga batang hangad ay kasiyahan at paglilibang. Mga batang matututo
sa amin ng pagkakaibigan at pagbibigayan. Mga batang ngingiti at matutuwa kapag kami ay
nahawakan. At nawa’y magmulat sa kanilang imahinasyon upang kuminang ang kanilang mga
talento. Mga batang mag-aalaga, mag-iingat, magpapahalaga at magmamahal sa aming mga
laruan at ituturing kaming mahalagang parte ng kanilang kabataan.”

Mahaba ang nilakbay ng kahon. Ang mga lumang laruan naman ay mistulang mga batang
naglalaro sa loob nito. Nag-umpugan. Tumambling. Nagbungguan. Nagpabalentong. Napataas.
Napababa. Pabalikwas-balikwas. Bumabali-baligtad. Nawala sa isip nila ang pag-aalala sa
pupuntahang Bundok ng Basura.

Hanggang ang kahon ay nakarating sa isang trak ng puno rin ng mga kahong kagaya niya. At
ngayon lang niya nabasa ang nakasulat.
“Kahon ng Kasiyahan, Panahon ng Pagbibigayan. Laruan Para sa Bahay-Ampunan.”

At muling napangiti si Kahon. At sa isip niya’y gumuhit ang masayang larawan ng mga batang
sabik sa laruan at mga laruang sabik sa pagmamahal ng mga kabataan.

SOURCE: https://lipadlaya.wordpress.com/2011/10/05/ang-
kahon-at-ang-mga-kwento-ng-mga-lumang-laruan/

You might also like