In - Vice Ganda

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

In: Vice Ganda

Ni Rolando Tolentino

Ang komedyanteng host ang “pinakamainit na ari-arian” (hottest property) sa showbiz ngayon. Tulad ng naunang naging
mainit sa kanya, mabilis rin ang pananamlay, lalo pa hindi naman siya matinee idol o leading actress na materyal. Pero
ika nga, so far, so good.

Tradisyunal ang ruta ng kanyang natatamong tagumpay. Hindi naman siya ang humawi ng daan mula sa talent sa
comedy bars tungo sa showbiz. Nauna na sina Allan K., Ai-ai de las Alas, Chocolate at Arnel Ignacio na ang talento sa
mabilisang batuhan ng biro at insulto, magaling na pagkanta at paghohost ay una munang tinamasa sa karaoke bars.

Ito ang multitasking ng kanilang henerasyon: comedy talent (mula sa bodabil na tuksuhan, insultuhan, at paglahok sa
audience bilang materyales ng patawa), hosting talent (walang di nalalatayan ng insulto sa audience na nagnanais
kumanta), at music talent (at magugulat sa range ng mga awit nila: mula rock star na lalake hanggang sa falsettong
ballad ng torch singers).

At ito rin ang padaloy ng sexualidad ng kanilang henerasyon. Lampas sa naunang henerasyon maliban sa lantarang
heterosexualidad ng mga bold star (mapababae at mapalalake), ang henerasyon ni Vice Ganda ay mas madulas ang
paglalantad ng queer na sexualidad. Sa kanyang website, halimbawa, may paglalantad na nagkaroon pa ng limang
girlfriends ito, na may “beautiful friendship” ito kay Coco Martin, na napaiyak ito sa isang palabas, at kung ano-ano pa.

Hindi nga din ba’t buzz sa internet ang naging debate ni Vice kay Tado nang ang huli ay gumawa ng komento ukol sa mga
bakla sa Showtime”? Si Tado na representante ng naetsapwerang alternatibong subkultura ay napangibabawan ng mas
sensitibo at mulat na komedyanteng si Vice ay kakatwa. Para na itong “slaying of the father” mode para koronahan ang
bagong hari (o reyna) ng komedya sa media ng bansa.

Biglang natuldukan na ang jologs na pananalita at kalakaran, mahabang buhok at makapal na salamin, payat na
pangangatawan ng abang uri, at ang komedya ng kumakatawan nito. Pasok na ang spotlight sa bida ng henerayson ito.
At patuloy na namamayagpag si Vice. Ang hindi sinasabi nito, may mass work na ginagawa si Vice. Sa kanyang website,
nakalista ang halos magkakalapit na skedyul ng konsyerto at palabas nito sa Palawan, Cebu, Naga, at iba pang syudad sa
bansa.

Mulat si Vice na kailangan niyang karerin ang paglarga at pamamayagpag sa labas ng Manila (o Quezon City bilang sentro
ng telebisyon at pelikula sa bansa). Ito ang base-building strategy ng handlers ni Vice at tila nagtatagumpay naman ito sa
malaking bahagi. Nakikilala siya, nakakaya ang presyo ng kanyang konsyerto bago pa man siya lubos na sumikat at hindi
na kabahagi ng kanyang liga ang regional tours, tulad ng pagtrabaho pa rin sa comedy bars sa kasalukuyan.

May pagkakahalintulad si Vice at ang kanyang henerasyon ng komedyante sa huling bloke ng bomba stars na babae. Ang
titillating film o pelikulang panandaliang nagpapakita na ng ari at suso ng babae noong kasagsagan ng 1990s ay
pinagbidahan ng mga mabokang babae na galing sa iba’t ibang background: mga kolehiyalang Alma Concepcion, Filipina
Amerikanong Amanda Page at Joyce Jimenez, at GRO (guest relations officer) na si Rosanna Roces.

Ang pinagkaiba nitong huling henerasyon ng bomba stars ay ang paggamit ng tinig at boses bilang kontrapuntal sa
utilisasyon ng negosyo ng kanilang mga katawan. Na sa huli ay kailangang “kontrolin” itong tinig dahil lampas-lampasan
(excessive) sa inaasahang nymphet na nakakapanghalina para sa sex. Mayroon ba namang turn-on sa “palengkerang”
sex symbol? Pwede lamang ang tinig ng babae para sa dirty talk (politika ng sex, seduksyon, at diretsahang usapan) at
hindi para sa usapang burak.

Hindi nga ba’t si Roces ay makailang beses nang pinatahimik ng kanyang mas malalaking kalaban dahil sa kanyang
kalabisan ng pinagsasasabi, at dahil sa pagtrespas sa mga sityo ng kaangkupang hindi dapat tinutuntungan ng babae ng
kanyang uri? Ang henerasyon ni Vice ng komedyanteng galing sa liga ng comedy bars ay isang rekonstitusyon ng angkop
ng tinig para sa negosyo. Sa comedy bars, angkop ang balahuraan, dautan at laitan dahil sa live na pagdanas ng
binabayarang karanasan.
Sado-masokista ang audience na nagnanais kumanta sa comedy bars. Malalait at malalait pa rin ang babae. At kung
guwapong lalake, mahahalay at mahahalay naman. Samantala, sa labas ng comedy bars, sa transisyon mula bars tungo
sa media, ang “angkop” ay ang alituntunin. Bagamat madalas pa ring madulas ang mga komedyante sa telebisyon,
mabilis naman ang pag-angkop sa naangkop na sitwasyon: ang mass media, lalo na ang telebisyon, bilang wholesome
family entertainment mode.

Mas madulas si Vice kaysa sa mga nauna sa kanyang komedyanteng nagtransisyon sa telebisyon. Bagamat nagsimula
itong may referensiya sa katawan (mukhang pangarerang kabayo), tulad ng iba pang komedyante, mabilis itong
natanggal dahil sa wit at wisdom sa kanyang pakikisalumuha sa regular na tao at mga bituin sa ABS-CBN.

Angkop ang format ng “Showtime” sa kapasidad na palawakin ang saklaw ng influensya ni Vice. Ordinaryong kontestant
at audience, bituing hurado at host ang kanyang nakakasalumuha. At wala pa itong sablay, kundi man patuloy pang
nagniningning, tulad ng insidente ng debate nilang na-knockout si Tado.

Pero ito rin ang naghuhudyat ng natatanaw na hangganan. Dahil manufaktura ang imahen ni Vice, kalakhan ay dulot ng
higanteng conglomerate na ABS-CBN, madali rin matatwa ang artifice nito: kung paano siya namanufaktura para
matunton ang kahinaang may potensyal na magpa-plateau at magpabagsak sa kanyang kasalukuyang tagumpay.

At ito ang pananagad o pagmaximisa ng negosyo sa kanya: ilahok sa lahat na maaring pagkakitaan (konsyerto,
telenovella, talent show, at iba pa) dahil ito ang sandali na mainit at mabili si Vice. Bahala na ang bukas, at ang bukas ay
may silbi hanggang sa kumikita pa ito. Ilang komedyante, kasama ng artista at mang-aawit, ang natagpuan na lamang
ang sarili sa “Wish Ko Lang,” isang palabas sa telebisyong tumutupad ng pangarap na dangal ng mga nalaglag sa
laylayan?

Samakatuwid, kung ang ngayon ay namamayagpag ang bida sa mga plataporma ng negosyong media, hanggang sa siya
ay matumba at mahulog ay lalamanin pa rin ng media ang kanyang kasaysayan at sandali. Bibong bida ngayon, bukas ay
nabobong laos na mayroong pait na panlasa: kung naging wais lang, kung nag-invest ng tama, kung hindi naging labis at
mapagmalabis?

Pero lahat ng mga ito ay predetermined ng negosyo: paano magiging wais kung wala namang diskarte sa kalakaran ng
pagbebenta ng imahen? Paano mag-i-invest ng tama kung wala ka namang panahong makapagnilay dahil sa pananagad
ng negosyo sa sandali ng mainit na pagbebenta? Paano ka hindi magiging labis kung ang pangunahing kalabisan ay ang
paghuthot ng kita sa katawan ng bida?

At ito ang isinasaad na kahahantungan ng pangalan at imahen ni Vice Ganda. Maaring siyang tignan bilang index: isang
magandang bisyong tatangkilikin ng negosyo at manonood hanggang sa katangkitangkilik ito. O maari bilang
kabalintunaan: isang kagandaang aangat lampas sa bisyo ng negosyo at kapital. Good luck, Vice.

You might also like