Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 42

RevolutionGo | Tungkol sa makabayang

panitikan sa panahon ng Facebook,


Twitter at Instagram*
Bulatlat Contributors September 5,
2016 #RevolutionGo, nationalist
literature

Graphic by Charlotte Job Despuez and


photo by Chantal Eco.
Malaki ang hamon para sa makabayan
at progresibong artista, manunulat,
aktibista at manggagawang pangkultura
sa matalinong paggamit sa internet at
social media bilang daluyan ng bagong
kulturang pambansa, siyentipiko at
makamasa.
Ni KERIMA LORENA TARIMAN
Bulatlat
I
.
Isang serye ng mga tweet mula sa ABS
CBN News ang naging balita nitong
nakaraang linggo. Sinisipi ng mga tweet
na ito ang mga salita ni Wilma Austria-
Tiamzon, bagong-layang bilanggong
pulitikal, sa isang panayam sa midya
noong Agosto 19:
“Para sa mga kabataang Pilipino at sa
iba pang kababayan na sa ngayon ay
nahuhumaling sa paghuli ng mga
monster sa Pokemon Go,”
“Alam po ninyo napakaraming tunay na
monster sa ating bayan.”
“Dapat po sanang pagtuunan din natin
ng pansin na kilalanin at labanan ang
mga monster na ito.”
“Sa halip na Pokemon Go, mas
maganda po sana ang Revolution Go!”
Kasama ang mag-asawang Wilma at
Benito Tiamzon sa mga ipiniit na
konsultant ng Pambansa
Demokratikong Prente ng Pilipinas o
National Democratic Front of the
Philippines (NDF). Pansamantala silang
pinalaya ng administrasyong Duterte
upang lumahok sa usapang
pangkapayapaan na muling binuksan
nitong Agosto 22 sa Oslo, Norway.
Mahigit dalawang taong ibinilanggo ang
mag-asawang Tiamzon sa Kampo
Crame, sa bisa ng mga gawa-gawang
kasong kriminal na isinampa ng
nakaraang rehimen ni Benigno Aquino
III. Sa midya, ipinarada sila ni Aquino at
ng Armed Forces of the Philippines
(AFP) bilang “malalaking isda” dahil sila
diumano ang pinakamatataas na pinuno
ng Partido Komunista ng Pilipinas at
Bagong Hukbong Bayan o CPP-NPA
(Communist Party of the Philippines –
New People’s Army) na sa ngayon ay
halos limang dekada nang nagsusulong
ng bagong demokratikong rebolusyon
sa ating bayan.
Ito ang “Revolution Go!” na tinutukoy ni
Ka Wilma sa naturang mga tweet. Ang
armadong pakikibaka ng Bagong
Hukbong Bayan sa ating mga
kanayunan ngayon, anila, ay isang
bagong tipo ng pambansa-
demokratikong rebolusyon. Ang
rebolusyong ito ay karugtong ng
Rebolusyong Pilipino ng 1896 – ang
armadong pagbangon na sinimulan nina
Andres Bonifacio at ng Katipunan laban
sa kolonyalismong Espanyol. Mahalaga
ang pagkakataong ito upang itampok
ang kadakilaan at kabuluhan nito, lalo
na ngayon at ginugunita rin natin ang
ika-120 taon ng Unang Sigaw na naging
hudyat ng Rebolusyong Pilipino noong
Agosto 1896.
Ang paksa natin ngayong araw – ang
makabayang panitikan – sa katunayan,
ay walang ibang paghuhugutan sa ating
kasaysayan kundi ang pakikibaka ng
sambayanang Pilipino laban sa
kolonyalismo. Makabayan ang akdang
naglalantad sa arogansya at
kabuhungan ng mananakop at
tumutuligsa sa dominasyon at pang-aapi
ng dayuhang kapangyarihan.
Makabayan ang panulat na
nagbubuklod sa saklaw ng gutay-gutay
nating kapuluan, at sa iba’t ibang
pangkat etno-linggwistiko upang maging
malay sa ating kakanyahan bilang isang
bansa.
Ito ang kabuluhan ng Kilusang
Propaganda at ng makabayang akda
nina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena,
Marcelo H. del Pilar, at nina Bonifacio
mismo, Emilio Jacinto, Antonio Luna at
Apolinario Mabini. Ang kanilang panulat
ay naging bahagi ng “rebolusyong
pangkultura ” na naghanda sa mga
dakilang anak ng bayan sa pag-aarmas
at pagkalas sa yapos ng “Inang
Espanya.” Bago ang Rebolusyong 1896,
di-kukulangin sa 200 pag-aalsa ang
inilunsad sa iba’t ibang dako ng
kapuluan batay sa kalat-kalat na
simulain at adhika ng masa, gaya ng
pagtutol sa polo o sapilitang paggawa,
mga dahilang relihiyoso, usapin sa lupa,
o pagpapatalsik sa malulupit na prayle.
Sa Rebolusyong 1896, naging buo ang
konsepto ng kasarinlan o patriyotismo
na pinanday sa dakilang anti-kolonyal
na pakikibaka ng sambayanan.
Ngunit hindi pa tapos ang rebolusyon ni
Bonifacio, ayon sa Partido Komunista
ng Pilipinas (PKP). Ang ihip ng
nasyunalismo mula dekada ’60
hanggang ’70 – mahigit kalahating siglo
makalipas ang Unang Sigaw – ay
itinuring bilang “Ikalawang Kilusang
Propaganda ” na nakahagip sa
maraming kabataan at mamamayan.
Sumibol ang bagong dugo ng mga
proletaryong rebolusyonaryo na noon
din ay nagpasya na sumuong sa
masalimuot na landas ng
pagrerebolusyon.
Gaya na rin ng mag-asawang Tiamzon
– na bago nasangkot sa aktibismo ay
ordinaryong magkababata, at kapwa
mamamahayag pangkampus sa isang
pampublikong sekondaryong paaralan
sa Pasig. Si Benito ay naging manunulat
at editor ng Philippine Collegian nang
sila’y pumasok dito sa Unibersidad ng
Pilipinas (UP) Diliman bilang mga
iskolar. Ang kanilang panulat, at
tuluyang pakikisangkot sa aktibismo at
rebolusyon ay napanday sa tinaguriang
Sigwa ng Unang Kwarto o First Quarter
Storm (FQS) noong 1970. Bago ito,
itinatag na muli ang Partido Komunista
ng Pilipinas sa pundasyon ng
proletaryong teorya ng Marxismo-
Leninismo at Kaisipang Mao Zedong
noong Disyembre 26, 1968.
Ang muling pagtatatag ng PKP ang
hudyat ng pagpapatuloy ng pambansa-
demokratikong rebolusyon na anila’y
hindi nalubos ng Katipunan, pagkat ang
abot-kamay na tagumpay ng
sambayanan ay inagaw at ipinagkait ng
bagong mananakop – ang
imperyalistang US o Estados Unidos.
Sa mga sulatin ni Amado Guerrero
(Jose Maria Sison) at mga dokumento
at publikasyon ng muling-tatag na PKP,
matalas na sinipat ang ating
kasaysayan gamit ang proletaryong
metodo na siyentipiko at may diin sa
moda ng produksyon at tunggalian ng
mga uri. Sa suri ng PKP, ang lipunang
Pilipino ay mala-pyudal at mala-
kolonyal. Ang magiting na pakikibaka ng
mamamayan laban sa diktadurang US-
Marcos at Batas Militar ay isang tampok
na katangian ng panahong ito ngunit ika
nga’y hindi lang si Marcos ang nag-
iisang monster sa lipunang Pilipino,
bagamat siya, noong mga panahong
iyon ang pangunahing ahente o
kinatawan ng mga ito. Ang mga
batayang suliranin ng lipunang Pilipino
ay ang tatlong salot o mga tunay na
monster sa ating bansa – ang
imperyalismo, burukrata kapitalismo at
pyudalismo.
Mahalagang mabigyang-diin na inilatag
ng PKP ang simulain at direksyon ng
Rebolusyong Pilipino sa punto de bista
at malinaw na makauring pamumuno ng
manggagawa o proletaryado. Ang
Rebolusyong 1896 ay luma – hindi dahil
sa mga lumang itak at bolo – kundi dahil
sa lumang ideolohiyang liberal-burges at
pag-agaw ng pamunuan ng mga
ilustrado. Ang pundasyon ng makauring
pananaw, panininidigan, pamamaraan
at pamumuno ng proletaryado ang
siyang nagtatakda ng pagiging “bago”
ng demokratikong rebolusyon sa
Pilipinas ngayon.
“Bago” ang Demokratikong
Rebolusyong Bayan sapagkat tinatanaw
o perspektiba nitong tumungo sa
sosyalismo, isang bagong epoka sa
kasaysayan ng sangkatauhan, sa
pamamagitan ng sosyalistang
rebolusyon sa pamumuno pa rin ng
proletaryado. Bago ang pagsisikap ng
sangkatauhan na itatag ang isang
sistemang sosyalista, kapalit ng lubhang
mapangwasak, parasitiko at
naghihingalong yugto ng pandaigdigang
sistemang kapitalista na ilang daantaon
na ring nakapamayagpag sa buong
daigdig mula noong Rebolusyong
Industriyal ng 1700s. Ito rin ang dahilan
kung bakit hanggang sa kasalukuyan, o
halos limang dekada na mula nang ito’y
itatag – ang Bagong Hukbong Bayan o
NPA ay “bago” pa rin, at ika na rin ni Ka
Wilma, ay hindi matalo-talo, bagkus
patuloy pang lumalakas at lumalawak.
Ang makabayang panitikan sa
kasalukuyan, kung gayon o kung mulat
sa ganitong makauring pagsusuri sa
kasaysayan at lipunan, ay nararapat
lang na maging anti-imperyalista. Ayon
dito, ang ating bansa ay hindi pa ganap
na malaya – ang malawak na masa ng
sambayanan ay inaapi at pinaghaharian
sa isang neokolonyal na estado na
sunud-sunuran sa dikta at interes ng
imperyalismo at ng mga kasapakat
nitong mga (tunay na monster din na)
lokal na burukrata kapitalista,
malalaking panginoong maylupa at
burgesya kumprador.
Itinatanghal ng makabayang panitikan
ang dakilang pakikibaka ng
sambayanan – mula sa panahon nina
Bonifacio hanggang sa kasalukuyan –
sa gitna ng isang buháy at nagpapatuloy
na adhikain para makamit ang tunay na
kalayaan at demokrasya sa ating bansa.
Ang pambansa-demokratikong
pakikibaka o mga rebolusyon sa mga
kolonya at mala-kolonya gaya ng
Pilipinas ay itinuturing nitong ambag sa
pagpapahina sa pandaigdigang
sistemang kapitalista at pananalasa ng
imperyalismo sa buong mundo.
Paano naman ang “nasyunalismo” na
alam natin at ipinamamarali sa madla?
Mainam itong pag-isipan kaugnay ng
ating paksa. Ang nasyunalismo ba ay
katumbas ng bulag na pagsuporta sa
gobyerno ng Pilipinas? Tungkol ba ito
sa promosyon ng mga katutubong
tradisyon gaya ng mga pyesta na
madalas sa hindi ay para lang sa
pagdayo ng mga turista at
konsumerismo? Tungkol ba ito sa
“Pinoy Pride,” na nadarama natin sa
tuwing natatampok sa internasyunal na
larangan ang mga pambihirang
indibidwal gaya ng ating mahuhusay na
atleta at artista, mga beauty queen, at
iba pa? Tungkol ba ito sa sobinismo, sa
pagtangging matuto sa karunungan na
mula sa ibang bansa at sukdulang
pagtatakwil sa lahat ng impluwensyang
dayuhan?
Ang usaping pambansa kung nais
nating unawain sa punto de bista ng
proletaryado ay mas malalim na
tinatalakay ng mga gurong komunista
na sina Lenin at Stalin, kaugnay ng
kongkretong mga suliranin sa
pagsusulong ng Rebolusyong
Bolshevik. Ngunit kung ang
makabayang panitikan para sa atin ay
anti-imperyalista, mahalagang
pagkakataon na rin ito upang itampok
ang kabuluhan ng akdang
Imperyalismo: Ang Pinakamataas na
Yugto ng Kapitalismo (1916) ni Lenin sa
pagsulong ng anti-imperyalistang
pakikibaka ng sambayanang Pilipino at
iba pang inaapi at
pinagsasamantalahang mamamayan ng
mundo. Isandaang taon na ang
nakalipas mula nang ilatlahala ang
Imperyalismo ni Lenin, ngunit ang mga
puntong inilatag nito ay araw-araw na
pinatototohanan ng mahahalagang
pangyayari sa pandaigdigang
ekonomiya, pulitika, kultura at larangan
ng digma. Sa susunod na taon,
gugunitain naman ang ika-100 taon ng
Rebolusyong Oktubre ng 1917 at
pagtindig ng Rusya at USSR bilang
unang sosyalistang estado sa daigdig.
Ano ngayon ang kabuluhan ng mga ito
sa panahon ng Twitter, Facebook at
Instagram kung kailan ang Komunismo
– o ang mga “komonesta” ika nga ng
naglipanang mga troll – ay mistulang
tampulan na lang ng panlilibak at
pangungutya? Totoo nga bang lipas na
ang mga ideyang ito, at wala nang
puwang sa kasalukuyang panahon kung
kailan ang sangkatauhan ay malaya at
mapayapa na diumanong pinag-uugnay
sa social media sa pamamagitan ng
mataas na teknolohiya sa
komunikasyon at impormasyon o haytek
na information and communications
technology (ICT)? Nang dahil sa
internet, ay naglaho na nga ba ang
batayan para sa proletaryong
rebolusyon, anti-imperyalistang
paglaban at mga kilusan para sa
pambansang pagpapalaya?
II.
Ilugar natin ang talakayan ng
makabayang panitikan sa anti-
imperyalistang pakikibaka ng
sambayanan. Sa ating bansa, ang
paglikha ng makabayang mga akda ay
nagpatuloy hanggang sa panahon ng
madugong Digmaang Pilipino-
Amerikano, at sa direktang pananakop
ng imperyalistang US mula 1899. Sa
panahong ito, ang diwang makabayan
ay marahas na sinupil. Ipinagbawal
maging ang paglaladlad ng watawat ng
Pilipinas – ang makabayang mga dula
ay tinaguriang “sedisyoso” at maraming
makabayang artista at manunulat gaya
nina Juan Abad at Aurelio Tolentino ang
ipiniit kasama ng magigiting na “tulisan”
na nag-armas laban sa mananakop.
Ipinakilala ang sistema ng edukasyong
publiko, ginawang wikang opsiyal ang
Ingles, at ipinalaganap ang Kanluraning
mga pagpapahalaga upang linangin ang
kolonyal na mentalidad sa hanay ng
sambayanang naghahangad ng
kasarinlan.
Ngayon ay sukdulan pa ring binubura sa
ating kamalayan ang pagiging anti-
imperyalista. Nabura na nga rin
diumano ang hanggahan ng mga bansa,
kultura, relihiyon, kasarian at lahi,
mayaman at mahirap – at mismong
tunggalian ng mga uri – nang dahil sa
“demokratisasyon sa impormasyon at
komunikasyon” na dulot ng haytek na
ICT. Laganap din ang ideya na ang
internet at ICT ay hindi na raw
nasasaklaw ng moda sa produksyon o
ng mismong pandaigdigang sistemang
kapitalista, sapagkat ang mahalaga na
lang daw ngayon ay ang “moda ng
impormasyon.”
Ngunit sa loob ng nakaraang 25 taon ng
pag-iral ng pampublikong internet, ano
nga ba ang nagawa nito upang wakasan
at burahin ang marahas na tunggalian
sa pagitan ng imperyalismo at ng aping
mamamayan ng daigdig? Hindi
nakapagtataka na halos kaalinsabay ng
panahong ito ang marahas na
pananalasa ng neoliberalismo at
imperyalistang globalisasyon sa
ekonomiya, pulitika at kultura ng mga
atrasadong bayan na gaya ng sa atin.
Una, ang sinasabing “malayang akses
sa impormasyon” na ipinapangako ng
haytek na ICT ay hindi naman
makakamtan kung wala ang aktwal na
mga kalakal (consumer good) – gaya ng
kompyuter. Hindi tayo makapapasok sa
internet o sa sinasabing “malayang
daluyan ng kaalaman at impormasyon”
kung wala ang mga kalakal na gaya
nito. Ang napakabilis at walang
kapararakang kumpetisyon at
akumulasyon sa pagitan ng mga
dambuhalang monopolyo na siyang
lumilikha ng sandamakmak na modelo
ng kompyuter, laptop, tablet, teleponong
mobile at iba pang periperal na gaheto
at produkto para sa akses sa internet at
social media ay nagpapatunay na ang
haytek na ICT ay hindi hiwalay o hindi
ligtas sa sistemang kapitalista at sa likas
nitong krisis ng labis na produksyon.
Mangyari pa, ang haytek na ICT bilang
mahalagang kasangkapan sa
produksyon (capital good) ang
nagpapatotoo na ito’y bahagi ng
kapitalistang moda sa produksyon.
Upang suportahan ang konektibidad na
hatid ng internet, kinakailangang itayo
ang imprastraktura gaya ng mga tore ng
komunikasyon, satelayt, mga
dambuhalang server, at iba pa. Walang
duda na ang ICT ay nakapagpaunlad sa
mga pwersa sa produksyon – makailang
ulit nitong pinabibilis at pinahuhusay ang
linya ng produksyon at paglikha ng mga
kalakal sa pamamagitan ng bagong
teknolohiyang gaya na rin ng robotiks o
mga presisong instrumento. Gayunman,
ang mga ito ay walang binabago sa
pangkahalatang moda ng kapitalistang
sistema – pribado pa rin ang
pagmamay-ari o apropriyasyon ng mga
kasangkapan at ganansya, habang ang
produksyon ay sosyalisado o nililikha na
ng buong lipunan.
Gaya ng nagaganap sa tuwing
ipinakikilala sa produksyong kapitalista
ang bagong makinarya at teknolohiya,
ang paggamit ng haytek na ICT ay
nangangahulugan din ng ibayong
paglaki ng tantos ng pagsasamantala sa
mga manggagawa – habang
pumapaimbulog ang panghuhuthot ng
supertubo ng mga monopolyo
kapitalista, patuloy na nakapako sa
napakababang antas ang sahod ng mga
manggagawa. Higit nitong sinusuhayan
ang kanilang pagkatiwalag o alienasyon.
Sa isang sweatshop ng Apple sa Tsina,
naibalita ang paglalagay ng “suicide
nets” upang pigilan ang mga
manggagawang gustong
magpakamatay dahil sa napakababang
sahod at masahol na kondisyon sa
paggawa.
Ang ganid na kalikasan ng sistemang
kapitalista ang siyang nagtutulak sa
mismong pagkawasak ng mga
produktibong pwersa. Ang hayok na
paghahabol sa supertubo at ganansya
ang siyang pumipigil sa lubusang
pagbwelo ng mga pwersa sa
produksyon para sana sa
makabuluhang pakinabang ng
sangkatauhan.
Sa ating bansa, halimbawa, wala pa rin
tayong sariling industriya at patuloy
tayong nakaasa sa mga yaring produkto
na imported o may tatak ng mga
multinasyunal na korporasyon. Patok sa
bawat internetan sa kanto ang network
gaming – halos lahat ng tao na narito
ngayon sa palagay ko ay online at may
teleponong touch screen – ngunit sa
ating mga kanayunan, lubha pa ring
atrasado ang agrikultura. Kung hindi
kinakawit ang buwig gamit ang karit na
ikinabit sa pinagdugtung-dugtong o
mahabang kawayan, inaakyat pa rin ng
ating mga magsasaka ang mga puno ng
niyog tuwing panahon ng pagkokopra.
Kahit nakarating na sa ating bansa ang
haytek na ICT, salat pa rin ang
mahuhusay na produkto na para sa
pangangailangan ng tao, habang
walang tigil ang pagbaha ng samu’t
saring dayuhang kalakal para sa luho at
konsumerismo.
Bukod sa ginagawang tambakan ng
imported na yaring produkto ang
Pilipinas bilang isang neokolonya,
patuloy na pinipiga ng mga imperyalista
ang ating bansa sa pamamagitan ng
ating murang lakas-paggawa at likas na
yaman. Ang ating mga minahan, lalo na
sa lupaing ninuno ng ating mga
pambansang minorya, ay walang tigil na
dinarambong ng mga dayuhang
korporasyon dahil sa yamang mineral at
hilaw na materyal na para sa mabibigat
na industriya, at para rin sa industriya
ng ICT.
Ikalawa at kaugnay pa rin ng una, ang
moda ng distribusyon ng mga kalakal ay
makailang ulit na ring pinabilis at
ginawang higit na sopistikado nang dahil
sa haytek na ICT. Makikita ito sa
direktang pagbebenta ng mga produkto
sa laganap na online shopping at
walang puknat na ads sa internet.
Sumulpot na ring parang kabute sa
ating bansa ang tinatawag na business
process outsourcing (BPO) o mga call
center para sa serbisyong
pangkonsumer ng mga korporasyong
dayuhan. Ang kabataang petiburgis sa
ating mga sentrong lungsod ay
maramihan nang nahihigop nitong
tinaguriang sunshine industry na sagot
diumano sa malawakang kawalan at
kakulangan ng empleyo sa ating bansa.
Ngunit ang ating mga “propesyunal” ay
pumapasok sa BPO hindi upang ilapat
ang kanilang pinag-aralan o piniling
karera, kundi upang magsilbi bilang
mumurahing mga manggagawa sa
serbisyo na nagmamantini ng merkado
para sa partikular na mga kalakal ng
dayuhan.
Mangyari pa, dahil na rin sa pagkahaling
ng marami sa social media, tayo mismo
ay namomobilisa ng mga dambuhalang
korporasyon bilang mga “endorser” na
hindi na nila kailangang sahuran. Tayo
pa mismo ang natutuwa na ipamarali
ang mga produkto na kaya nating bilhin
at tangkilikin sa bawat post o litrato ng
pagkain, OOTD, at pagkukuwento ng
personal nating karanasan sa kunsaang
engklabo ng konsumerismo.
Naging sopistikado na nga ang moda ng
distribusyon ng mga kalakal nang dahil
sa haytek na ICT, sapagkat ang
pagsukat sa trend, pagkokondisyon sa
“uso” at sa “panlasa” ng mga konsumer
ay hindi na lamang idinadaan sa manu-
manong sarbey at pag-aaral sa
sikolohiya at sosyolohiya, kundi sa
mismong personal na impormasyon,
lokasyon, mga hilig, interes, damdamin
at gawain na araw-araw ay
“boluntaryong ibinibigay” ng milyun-
milyong katao sa shopping sites at
social media sites na gaya na nga ng
Facebook, Twitter at Instagram.
Saan pa kaya gagamitin ang istadistika
na napakabilis na natitipon at
napoproseso sa pamamagitan ng mga
algoritmo ng ICT, kundi na rin sa
otomatikong pagtutumbas ng suggested
ads o panibagong produkto na madalas
sa hindi ay walang malisya nating
kiniklik at agad-agad na tinatangkilik?
Ikatlo, makailang ulit din na pinabibilis
ng haytek na ICT ang oligarkiyang
kontrol sa kapital sa pinansya – sa
online banking, galaw ng stock market
at walang kapararakang ispekulasyon
sa pinansya. Sa isang iglap,
makapagpapabagsak ito sa ekonomiya
ng buu-buong mga rehiyon at bansa. Sa
maagang bahagi ng pag-unlad ng ICT,
halimbawa, ang mismong pagputok ng
tinatawag na bula ng dotcom (dotcom
bubble) ay nag-ambag sa walang
sagkang paglaki ng kapital sa pinansya
na pinalobo lamang ng ispekulasyon na
lubha tagibang o hindi tugma sa aktwal
nitong salalayang produktibo.
Ikaapat ay nalantad na rin, ayon na
mismo sa mga eksperto sa ICT na gaya
nina Assange at Snowden, na ang
teknolohiyang ito ay tusong ginagamit
hindi lamang para sa mga nabanggit
nang halimbawa sa kalakalan at
negosyo, kundi sa para sa layuning
pulitiko-militar ng imperyalismo. Ang
social media ay ginagamit sa paniktik o
pang-eespiya sa tinaguriang mga
terorista, ekstremista’t mga kaaway ng
estado – at kahit sa pagmomonitor ng
“kahina-hinalang kilos” ng mga sibilyan
at ordinaryong mamamayan.
Ang internet, na nagsimula bilang isang
proyektong militar, ay hindi
nakapagtataka kung tahasang
ginagamit ng imperyalismo para sa
pagpapaunlad ng kanilang military-
industrial complex, sa drone warfare, at
mga digmang agresyon na araw-araw
ay pumapatay o pumipinsala sa buhay
ng libu-libong mamamayan sa iba’t
ibang bayan sa ngalan ng kanilang
buhong na “gera kontra terorismo.”
Malaki ang papel ng ICT sa mga
proyektong politiko-militar ng
imperyalismo, gaya ng mga
konspiratoryal na pakana sa regime
change o pagpapatalsik sa mga pinuno
at pagluluklok ng bagong rehimen na
suportado ng US, at sa mabangis na
pagsupil sa anti-imperyalistang
paglaban, at mga kilusan para sa
pambansang pagpapalaya sa iba’t ibang
panig ng daigdig.
III.
Kung kaya, bilang huling punto – may
puwang nga ba ang bagong kultura, at
ang panulat ng mga makabayang gaya
ni Bonifacio, mga anti-imperyalistang
gaya nina Luna at Tolentino, at mga
radikal na gaya nina Sison at mga
Tiamzon sa panahong ito ng Facebook,
Twitter at Instagram?
Pagdapo pa lang ng pambihirang tweet
tungkol sa “Revolution Go!,” pwede na
nating sabihing oo. Gaya ng tradisyunal
na masmidya at iba pang institusyon,
ang internet ay di-maikakailang daluyan
ng imperyalismo sa kultura, at
kasalukuyang pagpapabango at
pagbibigay-katwiran sa kasamaan ng
neoliberalismo. Sa sarili nating mga
sirkulo, o sa mga tambayan at luklukan
ng mga Pilipino sa internet at social
media, hindi naman maikakaila ang
dominasyon ng mga ideya na
nagpapanatili at nagpapalakas sa bulok
na kulturang burges, kolonyal at pyudal.
Ang internet at social media ay larangan
din ng tunggalian.
Sapagkat buhay ang nasyunalismo
at nagpapatuloy ang rebolusyon,
halimbawa, sa bersong likha ni BLKD,
isang rapper at “kawal ng kultura” na
naunang nakilala sa internet at youtube
dahil sa popular na ligang Fliptop. Ang
“pagmulat ay pagkasa,” ayon nga sa
isang trak sa album niyang Gatilyo, na
inilabas kamakailan alay kay Bonifacio
at kay Marlon Caacbay, isang musikero
na namartir bilang mandirigma ng BHB
noong nakaraang taon. Samantala, ang
mga sanaysay at tula ni Ericson
Acosta na isinulat sa kulungan at kagyat
na pinadaloy ng kanyang mga kaibigan
sa Facebook at blog ay umabot sa
signipikanteng bilang ng netizen sa loob
at labas ng bansa, bagay na
nakapagpalapad sa hanay ng mga
sumuporta sa kampanya sa
pagpapalaya sa dating detenidong
makata at aktibista.
Ngunit sa katunayan, ang mga
publikasyon mismo ng PKP gaya ng
opisyal nitong pahayagang “Ang
Bayan,” na mula noong Dekada ’70 ay
pinararami gamit ang makinang mimeo
at manu-manong imprentang V-type ay
isa sa mga unang makabayang
babasahin na naging online mga 18
taon na ang nakararaan, sa unang
website ng NDF. Mula noo’y makikita
ang tuluy-tuloy, masinop at
sistematikong pagsisikap ng PKP sa
pagmamaksimisa sa puwang na ito sa
internet para sa pagpapalaganap ng
makabayan at rebolusyonaryong
panitikan.
Sa kasalukuyan, nasa Facebook,
Twitter at Instagram na rin
ang Philippine Revolution Web Central o
PRWC , at nagpapalaganap di lamang
ng mga akda mula sa iba’t ibang
publikasyong pampanitikan na
maaakses sa internet gaya ng Ulos na
inilalathala ng Artista at Manunulat ng
Sambayanan (ARMAS), at mga
panrehiyong dyornal pangkultura na
gaya ng Ramut at Rissik ng Hilagang
Luzon, Inang Larangan ng Gitnang
Luzon, Dagitab ng Timog Katagalugan,
Punla ng Bikol, Sublak ng Panay at iba
pang rebolusyonaryong pahayagan,
magasin at dyornal. Nasa PRWC na rin
ang pinakahuling balita, bidyo, at mga
meme kaugnay ng demokratikong
rebolusyong bayan.
Ang makata at kritiko na si Gelacio
Guillermo ang isa sa mga unang
nagsikap na mag-upload ng makabayan
at rebolusyonaryong akda noong
maagang bahagi ng 2000s, sa
pamamagitan ng independyenteng
website ng Instityut sa Panitikan at
Sining ng Sambayanan (IPASA) .
Nauna nang inihanda ni Guillermo sa
pamamagitan ng IPASA ang makapal
na antolohiyang Muog: Ang Naratibo ng
Kanayunan sa Matagalang Digmang
Bayan sa Pilipinas na inilathala ng UP
Press noong 1998. Tinipon sa Muog
ang mayamang prosa na likha sa mga
sonang gerilya na kinikilusan ng BHB
mula 1972 hanggang 1997.
Sa Facebook, isa sa matitisod na mga
rebolusyonaryong makata ang isang
“Maya Daniel” na tumutula sa tatlong
wika: Ingles, Hiligaynon at Filipino.
Bagamat karamihan sa mga tula ay
nasa Ingles, matining niyang
naipapahayag ang damdamin at
hangarin para sa pambansang
pagpapalaya sa larawan ng kalikasan at
pakikidigmang gerilya. Ang mga tula sa
kanyang Facebook wall ay nakatipon rin
sa isang blog.
Malaki ang hamon para sa makabayan
at progresibong artista, manunulat,
aktibista at manggagawang pangkultura
sa matalinong paggamit sa internet at
social media bilang daluyan ng bagong
kulturang pambansa, siyentipiko at
makamasa. Ang potensyal nito sa
pagpapalaganap ay hindi na maaaring
maliitin, bagamat sa kabilang banda ay
hindi rin dapat pabayaan ang
sistematikong paglalathala at
popularisasyon ng mga babasahin,
pahayagan, komiks at iba pang
epektibong anyo upang tiyak na
makakarating ang makabayang
panitikan sa masang mambabasa o sa
mamamayang wala namang akses sa
internet.
Sa katuus-tuusan, ang pagkupkop sa
makauring paninindigan ng mga
manggagawa, o pagpapanibagong-
hubog at matatag na pagtindig para sa
kagalingan at interes ng masang
anakpawis, ang siyang
pinakamahalagang hakbang upang
magkaroon ng matibay na gulugod ang
ating panulat para sa bayan.
Footnotes
Tiamzon: Sa halip na Pokemon GO ay
Revolution GO.
— ABS-CBN News
(@ABSCBNNews) August 19, 2016
Karugtong ng sipi sa bidyo ng ABS
CBN: “Hindi naman po siguro magagalit
si Presidente Duterte dahil galit din sya
sa mga monster, at saka kaapelyido ni
Bong Go.”
https://www.facebook.com/abscbnNEW
S/videos/10154273444775168/
‘Asked if the President was referring to
the Tiamzons, Gazmin said: “I don’t
know. I guess so. They are a big fish.”’
“CPP chief, 6 other communist execs
nabbed” Nikko Dizon, March 22, 2014,
inquirer.net,
http://newsinfo.inquirer.net/588110/high-
ranking-communist-leader-captured-in-
cebu
“The Need for a Cultural Revolution,”
Jose Maria Sison, sa librong Struggle
for National Democracy, 1967. Unang
binigkas ni Sison bilang talumpati sa UP
Baguio College, Baguio City, September
30, 1966
“The Tasks of the Second Propaganda
Movement,” Jose Maria Sison, sa
Struggle for National Democracy, 1967.
Unang binigkas ni Sison bilang
talumpati sa St. Louis University, Baguio
City, noong October 12, 1966.
Unang itinatag ang PKP noong
Nobyembre 7, 1930 sa pangunguna ni
Crisanto Evangelista.
Philippine Society and Revolution,
Amado Guerrero, 1971
“Tanikala at Talinhaga, Ang Manunulat
Bilang Bilanggong Politikal,” Dr.
Rommel Rodriguez, 2015
http://journals.upd.edu.ph/index.php/hu
manitiesdiliman/article/download/4644/4
191
“’Mass suicide’ protest at Apple
manufacturer Foxconn factory,” Enero
11, 2012, Telegraph.co.uk
http://www.telegraph.co.uk/news/worldn
ews/asia/china/9006988/Mass-suicide-
protest-at-Apple-manufacturer-Foxconn-
factory.html
“Revolutionary Literature and Art in the
Philippines, from the 1960s to the
Present,” Jose Maria Sison, 2015
http://josemariasison.org/revolutionary-
literature-and-art-in-the-philippines-from-
the-1960s-to-the-present/
http://freeericsonacosta.blogspot.com at
http://acostaprisondiary.blogspot.com
“People’s War, People’s Press: History
and Evolution of Ang Bayan (The
People), the News Organ of the
Communist Party of the Philippines
(CPP)”, Lucia Palpal-latoc Tangi, 2015
http://josemariasison.org/wp-
content/uploads/2015/12/2015-02-
Tangi.pdf
http://www.philippinerevolution.net/ at
http://www.cpp.ph/
http://www.geocities.ws/ipasa_pagkabas
a
Maya Daniel (of poetry and resistance)
facebook profile
https://www.facebook.com/people/Maya
-Daniel/100008394881918
https://mayadanielblog.wordpress.com/
* Binigkas nitong Setyembre 1, 2016, sa
Balay Kalinaw, Unibersidad ng Pilipinas,
Diliman, sa porum na “Pagmulat ang
Pagsulat: Makabayang Panitikan sa
Panahon ng Facebook, Twitter at
Instagram” na bahagi ng serye ng
panayam na TALASALITAAN ng UP
Sentro ng Wikang Filipino (SWF).
Sa alaala nina Propesor Leoncio Co at
Monico Atienza, mga makabayang guro
ng UP na kabilang sa bagong dugo ng
mga proletaryong rebolusyonaryo na
nagtatag ng Partido Komunista ng
Pilipinas (PKP-MLM) noong 1968.

You might also like