Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 10

Saliksik E-Journal

Tomo 4, Bilang 1 | Agosto 2015

Rebyu

Nono, Grace. 2013. Songs of the Babaylan: Living Voices, Medicines, Spiritualities of
Philippine Ritualist-Oralist-Healers. Quezon City: Institute of Spirituality in Asia.

ANG MGA BABAYLAN SA KALINANGANG PILIPINO:


MGA SALAYSAY NG PAGBABAGO, PAG-AANGKOP, AT PAGPAPATULOY
NG TRADISYON NG PANGGAGAMOT, RITWAL, AT AWIT
Ma. Florina Y. Orillos-Juan, Ph.D.
Departamento ng Kasaysayan
De La Salle University - Manila, Philippines

Sa nakaraang humigit-kumulang tatlumpung taon, hindi maikakailang patuloy na


lumawig at lumalim ang talastasang/iskolarsyip na patungkol sa mga babaylan o
manggagamot at tagapagsagawa ng mga masalimuot ng ritwal sa sinaunang kabihasnang
Pilipino. Ang naturang paksa ay sinipat mula sa iba’t ibang disiplina at perspektiba.
Nadagdagan ang bilang ng mga iskolar at akademiko na nanaliksik, nagsulat, naglimbag,
at/o nagbigay ng panayam sa kumperensya hinggil sa kani-kanilang pag-aaral.

Ang kasalukuyang aklat ay bunga ng pagsisikap ni Grace Nono na makaambag sa


talastasang babaylan “upang muling tuklasin ang ispiritwal, medikal, at kaalamang
isinalin sa lipi sa pamamagitan ng tradisyong pasalita mula sa kontekstong post-kolonyal”
(pah. 27) (akin ang malayang salin). Dagdag pa, malinaw sa kanya ang pagnanais na
itampok ang mga kasaysayang buhay ng mga nakapanayam na babaylan na marubdob na
nagpapatuloy ng mga tradisyon ng kanilang grupong etnolonggwistiko na kinabibilangan,
buhat mismo sa pananaw at kalinangan ng mga mga ito, imbes na siya bilang awtor—
mananaliksik ang siyang magbigay-kahulugan sa kanilang mga gawi (pah. 47).

Sa kabuuan, may tatlong bahagi ang aklat: ang unang bahagi ay pinamagatang
Invocations; ang ikalawa naman ay Songs of the Babaylan samantalang ang huli ay
Reflection and Recommendations.

205 ORILLOS-JUAN: Ang mga Babaylan sa Kalinangang Pilipino


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 1 | Agosto 2015

Matatagpuan sa huling bahagi na aklat ang apat na dokumento bilang Apendise: (i)
Republic Act 8371 o Indigenous Peoples Right Act of 1997; (ii) piling sipi mula sa Universal
Declaration of Human Rights; (iii) piling sipi ng Declaration of the Rights of Indigenous
Peoples; at (iv) piling sipi ng Apostolic Letter Tertio Millenio Adveniente of His Holliness
Pope John Paul II, to the Bishops, Clergy and Lay Faithful on the Preparation of the Jubilee
of the Year 2000.

Isang audio compact disc ang kalakip ng aklat, na naglalaman ng aktwal na pag-
awit/pagsasalaysay at dokumentasyon ng ilang piling ritwal na binanggit sa ikalawang
bahagi ng aklat.

KONTEKSTO AT SALIGAN NG PAG-AARAL

Hinati ni Nono sa apat na seksyon ang unang bahagi na pinamagatan niyang Invocations.

Nakapaloob sa una at ikalawang seksyon ang pagbibigay-konteksto sa paksang pinag-


aralan. Una na ang pagbanggit sa iba’t ibang katawagan sa babaylan sa Pilipinas, kabilang
na ang kaakibat nitong kahulugan, na nag-iiba-iba depende sa wika ng grupong etniko.
Sa pagtalakay ng awtor sa parteng ito, naging pangunahin niyang gabay ang akda ni Zeus
Salazar (1999).1 Sumunod niyang ipinook ang babaylan sa kasaysayan ng Pilipinas sa
pamamagitan ng paghalaw at pagsipi sa mga akda ng mga prayleng Español at pagbanggit
sa mga kilalang akda nina F. Landa Jocano, William Henry Scott, Salazar, at Fe Mangahas.
Sa huli, nilagom ng awtor na hindi maikakailang ang mga babaylan ay may iba’t ibang
gampanin sa matandang lipunang Pilipino: bilang tagapagsagawa ng ritwal,
tagapamagitan sa diyos at mga tao, manggagamot, tagapagsalaysay/taga-awit ng mga
tradisyong oral, mananayaw, pilosopo, tagapag-ingat at tagasalin ng kultura, at matapang
na nag-alsa laban sa mga mananakop na dayuhan (pah. 24).2

Naging sentro ng pagtalakay sa ikatlong seksyon ang salalayang personal ng pagsisikap ni


Nono na paksain ang mga babaylan at maidokumento ang kanilang kasaysayan at
pagsisikap na alagaan ang mga gawi kinamulatan. Ani ng awtor, malaki ang impluwensya
ng kanyang pamilya na natuklasan niyang may malalim na ugat sa tradisyong babaylan,
gayundin ang kanyang pagsisikhay sa pag-aaral mula hayskul hanggang gradwado, at
maraming taon ng pagpupursigi sa karera.

Malaking bahagi ng huling seksyon ang kaukulang pagpapaliwanag hinggil sa


pamamaraan na kanyang ginamit ukol sa pagpili ng mga babaylan/manggagamot na
kakapanayamin, pagsasagawa ng gawaing panlarangan at pakikipanayam sa mga ito.
Aniya, mapanghamon ang paraan ng pagpili sa kakapanayamin bunsod ng katotohanang
nakalilito ang mga katawagan sa mga tradisyunal na manggagamot sa iba’t ibang grupong

206 ORILLOS-JUAN: Ang mga Babaylan sa Kalinangang Pilipino


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 1 | Agosto 2015

etnolinggwistiko na nananahan sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Anu’t anupaman,


maingat na pinili ang mga kakapanyamin, batay sa rekomendasyon ng mga dati nang
kakilala, kasamang guro, kaibigan na tumiyak na magpahanggang sa panahon ng interbyu
ay maituturing na nagpapatuloy pa rin sa panggagamot. Sa kabuuan, nakatukoy siya ng
higit sa sampung babaylan na buhat sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Prayoridad ni Nono
na hanapin silang mga manggagamot na “pinanatili ang kanilang mga paniniwala, sa
kabila ng katotohanan na niyakap na nila ang Kristiyanismo at Islam at yaong mga
inilangkap na ang mga katuruan at gawing Kristiyano at Muslim sa pagsasagawa ng
kanilang mga ritwal” (pah. 36) (akin ang malayang salin).

Binigyang-diin ni Nono na sisipatin niya ang mga babaylan hindi bilang sabjek/objek na
pinagtutuunan ng pag-aaral at naiiba sa kanya, kung hindi mula sa pananaw na kung saan
ay malapit niyang iniuugnay ang sarili sa kanila (pah. 39). Dagdag pa niya, ang kanyang
kakayahang magsalita at umunawa ng mga wika ng kanyang kinapanayam—Cebuano-
Bisaya, Tagalog, Ilocano, at bahagyang kaalaman sa Ilonggo ay mainam na sandigan ng
kanyang pag-unawa at malapit na pakikipag-ugnay sa kanila (pah. 38).

Upang makakalap ng datos sa pag-aaral, gumamit ang awtor ng sumusunod na


pamamaraan: pakikipag-usap, pakikinig sa mga kuwento, pag-awit, partisipasyon sa mga
ritwal, pagkatuto ng ilang piling awit mula mismo sa pagtuturo sa kanya ng mga
kinapanayam na babaylan at ang tinawag niyang pedagogic illustration.3

PAG-IINGAT SA TRADISYON NG PANGGAGAMOT, RITWAL, AT AWIT

Matapos ipaliwanag ang pamamaraang kanyang ginamit upang piliin ang mga
manggagamot na kakapanayamin, inilatag na ni Nono ang mga makabuluhang salaysay
ng mga babaylan—na karamihan ay kababaihan, subalit dalawang lalaki rin ang
nakabilang sa kanila.

Pinamagatang Ang mga Dawak nina Inang Aragoy at Gannay ang unang salaysay. Ang
nagsasagawa ng ritwal ng panggagamot na tinatawag na dawak ay tinatawag na
andadawak sa katimugang Kalinga, samantalang mandadawak naman sa hilagang Kalinga.
Dagdag pa, ang mas ispesipikong kahulugan ng dawak ay ang tapatan/kumprontasyon
andadawak at ng espiritu na sanhi ng pagkakasakit ng isang tao—ang naturang ispiritu
ang lumulukob sa kalidodwa ng taong maysakit. Karaniwang babae ang nagsasanay
habang nasa murang edad lamang mula sa mga batikang andadawak. Ang sangatan ang
itinuturing na pinakamakapangyarihan at pinakamataas sa herarkiya ng mga andadawak.
Sa pagsasagawa ng ritwal ng panggagamot, esensyal ang pag-aalay ng kinatay na hayop
gaya ng manok at baboy at iba pang klase ng pagkain.

207 ORILLOS-JUAN: Ang mga Babaylan sa Kalinangang Pilipino


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 1 | Agosto 2015

Ang mga babaylan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao ang tampok sa Ang mga Daging
nina Babo Samida at Ama Maugan kung saan binibigyang-pansin ang mga manggagamot
(tau sa ilud) patutunong na nagsasagawa ng daging o awit bilang bahagi ng panggagamot.
Kadalasang pinapagaling ng mga patutunong ang namungamungan—isang klase ng sakit
na sanhi ng mga espiritu. Bahagi ng ritwal ng panggagamot ang pag-usal ng tawal—
makaluma, lihim, at sagradong teksto, salita, at bersong isiniwalat ng mga espiritu sa
patutunong sa pamamagitan ng panaginip o kaya naman ay hinalaw sa Qur’an. May
dalawa hanggang tatlong pamamaraan kung paano maging isang ganap na patutunong—
initulon o yaong mga tuwirang tinuruan ng mga espiritu; gadtupo na tinuruan ng mga
matatandang patutunong at pinanuntot/pingguruwan na nagsikhay upang matuto ng mga
kaalaman sa paggagamot.

Ang ikatlong salaysay ay ukol sa mga ritwal sa Bauan, Batangas na may titulong Ang Subli
nina Ka Mila. Ang mga subli o awit ay dalisay na papuri sa Mahal na Poon ng Bauan na
inaawit ng mga manunubli, kadalasan ay pinamumunuan ng isang matremayo. Ang mga
manunubli ay hindi lamang umaawit subalit may kasama ring pagtula o kaya ay pag-
indak—pawang mahalaga sa pagsusumamo sa Mahal na Poon na ipag-adya sa sakit ang
mga tao. Bagaman at kadalasan na babae ang napipisil na maging matremayo sa subli,
may ilang pagkakataon ding lalaki ang gumagampan sa papel na ito.

Tampok ang mga Manobo na baylan ng Agusan sa ikaapat na salaysay, Ang Tod-om,
Gudgod ni Undin. Ang mga baylan ay nagsasagawa ng dalawang uri ng tod-om o awit: ang
usiba ay maaaring awitin ng kahit sinong tao samantalang ang gudgod na karaniwang
inaawit sa gabi ay higit na sagrado sapagkat ayon sa paniwala, ito ang mismong tinig ng
abyan o espiritu na tumutulong sa pagtukoy ng sanhi ng karamdaman. Ang panumanan
na isang ritwal ng panggagamot ay masalimuot na isinasakatuparan sa tulong ng nganga
at mga bead.

Ang meriko/mamumuhat o babaylan ng Camiguin ang sentro ng pagtalakay sa Ang Dalit


ni Nong Cabeza. May kasalimuotan ang pagsasagawa ng pamuhatbuhat o ritwal ng
panggagamot—ang mga tumanod o espiritu ay inaalayan ng dalit o awit upang
magsumamo na pagalingin ang maysakit. Maaari rin namang iwasan ang paglukob ng
mga tunginaan o usikan o masamang espiritu sa mga tao na siyang sanhi ng pagkakasakit
kung bawat taon ay mag-aalay ng kinatay na baboy. Muli, ang mga mamumuhat ang
siyang nakakaalam kung paano idinaraos ang ganitong uri ng seremonya.

May titulong Ang Mangurug nina Kako Josefa at Manang Lita na nakasentro sa
makabuluhang kuwento ng mga manggagamot na Ibanag. Mangilu ang tawag sa Ibanag
ng mga manggagamot. Isa sa mga pangunahing papel na kanilang ginagampanan ay ang
talionag o pag-aalay para pasalamatan ang mabuting buhay at kalusugan, gayundin ang
pagpapagaling ng karamdaman. Mahalagang parte ng talionag ang mangurug o

208 ORILLOS-JUAN: Ang mga Babaylan sa Kalinangang Pilipino


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 1 | Agosto 2015

tradisyunal at kultural na awit ng mga Ibanag, bagama’t sa pagdaan ng panahon,


nagkaroon na rin ng ilang adaptasyon dito.

Pinamagatang Ang Turon ni Minan Nenita ang pagtalakay ukol sa mga manggagamot na
Tagbanua mula Palawan, na kilala sa katawagan na babaylan. Ang sungrod ay ritwal na
isinasagawa ng mga babaylan, na may katuwang na babae na tinatawag na tigairing. Sa
panggagamot, kaakibat ang turon, na inihahalintulad sa paraan ng mga diwata o espiritu
ay nakikipag-ugnay sa mga tao sa pamamagitan ng babaylan.

Mga mambunong na Ibaloi ang sentro ng pagtalakay sa Ang Ba-diw at Angba ni Mang
Henio. Inaasahang pinangungunahan ng mambunong ang cañao (handaan/pag-aalay
para sa panggagamot) at baknow o ritwal ng dibinasyon. May dalawang klase ng awit na
isinasagawa ang mambunong, depende sa kahingian ng sitwasyon. Ang ba-diw ay awit
para sa cañao at matandang paraan ng paghingi ng tulong kay Kabunyian. Ito ay inaawit
din sa mga pag-iisang dibdib, pagbabasbas ng bagong bahay, at kahit na sa burol ng isang
tao nasa hustong gulang na natural ang sanhi ng pagkamatay. Sa kabilang banda, ang
angba naman ay inaawit para sa temmo, ang ritwal ng panggagamot sa tao na
nakakaramdam ng labis na pagkatakot, nerbyos, at pagbabagu-bago ng temperamento, na
pinapaniwalaang sa malaon ay hahantong sa kamatayan. Walo pang ritwal at sakripisyo
ang maaaring isagawa ng mambunong na nakatuon sa paglunas ng iba’t ibang
karamdaman at pangyayari sa buhay.

Ang mga babaylan na kung tawagin ng mga T’boli ay tau m’ton bu ang siyang paksa ng
Ang Lingon Loos ni Mendung. Tumutukoy naman ang lingon loos sa awit na gamit sa
ritwal at nagsisilbing alay-panalangin. Ang mga tau m’ton bu ay nagsasagawa ng d’sol be
tonok o ritwal ng panggagamot at madal loos o sayaw ng panggagamot. Gumamit ng iba’t
ibang paraan, ritwal, at gamit ang mga manggagamot, depende sa kalubhaan ng
karamdaman ng taong nagpapagamot. Bukod pa sa tau m’ton bu, may apat na uri pa ng
manggagamot: ang tau mulung na gumagamit ng halaman; tau magud na nanghihilot; tau
m’wa nga na tumutulong sa mga ina na iluwal ang kanilang mga sanggol; at tau t’maba
loos o tau m’olu na gumagamit ng awit at makapangyarihang salita.

Huling tampok ang Sinuog ni Inday Titang na tumatalakay sa debosyon sa Señor Santo
Niño ng Cebu. Ang mga tinatawag na entrantes at maninuog ay siyang tagapagsagawa ng
sinuog. Ayon sa mga tagapaniwala ng tradisyong ito, ang sinuog ay isang tulumanon at
panaad (pangako at panata), gayundin naman, isang hadla at pahalipay (kasayahan at
selebrasyon). Matibay ang paniniwala ng mga maninuog na maliban sa Señor Santo Niño
ay may ibang espiritu pa ang nanahan sa sansinukuban. Ang mga espiritu ay posibleng
makipag-ugnay sa mga tao sa pamamagitan ng tilimad-on, o mga senyales. Matatag na
nanindigan ang mga maninuog na malaki ang pinagkaiba ng sinuog sa higit na tanyag na
sinulog. Para sa kanila, ang sinuog ang siyang mas malalim na bahagi ng selebrasyon

209 ORILLOS-JUAN: Ang mga Babaylan sa Kalinangang Pilipino


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 1 | Agosto 2015

sapagkat sa pinakadalisay na porma nito, ito ay sinisimulan sa panalangin, misa, at


prusisyon. Sa kabilang banda naman, ang sinulog, bagama’t may nagaganap na pag-awit
at pagsasayaw, ay masyado nang komersyalisado at nagpaparang isang malaking palabas
na lamang para sa mga turista, samakatwid, nababawasan ang pagkasagrado nito.

KABUUANG PAGSUSURI NG AKLAT

Hindi maitatatwang ang aklat ay tumalakay sa isang pambihirang paksa ng kalinangang


Pilipino, lalo sa kasalukuyang panahon kung kailan higit na tanyag ang mga paksang
historiko-antropolohikal-sosyolohikal na may kinalaman sa kulturang popular,
globalisasyon, epekto ng social media, at iba pa. Ang aklat ay malaking ambag sa
iskolarsyip patungkol sa babaylan, lalo pa at ilan sa mga nakapanayam ay pumanaw na o
nasa dapithapon na ng kanilang buhay. Napakahalagang nagbigay-pahintulot ang mga
babaylan na marinig at maidokumento ang kanilang mga salaysay ukol sa mga
pinakakaingatang tradisyon ng panggagamot, pagsasagawa ng iba’t ibang uri ng ritwal, at
pagpapanatili sa memorya ng mga awit.

Sumunod sa iisang padron ang paglalahad ng mga makabuluhang salaysay ng mga


babaylan—pagpapaliwanag sa papel ng babaylan bilang tagapamuno ng ritwal ng
panggagamot; geograpiya at napakaikling kasaysayan ng komunidad na kanilang
kinabibilangan; ang mundo ng mga espiritu ng kanilang grupong etnolinggwistiko na
siyang humuhubog sa kanilang pananaw at halagahin; pamamaraan ng pagkatuto at
pagsasanay ng isang babaylan; at pangkalahatang mga kuwento ukol sa mga hamon na
hinaharap ng kanilang iniingatan na tradisyon sa harap ng mga imposisyon ng
modernidad.

Mula sa mga personal na salaysay ng mga nakapanayam na babaylan, ilang mahahalagang


aral na ang nagpapakita ng pagpapatuloy ng tradisyon ng panggagamot na malalim ang
pinag-ugatan sa kalinangan ng mga grupong etnolinggwistiko na nananahan sa iba’t
ibang pamayanan sa sangkapuluang Pilipinas. Ang mga aspekto ng pagpapatuloy ay sa
kabila ng katotohanang bunga ng masalimuot na kaganapang historikal, marami sa mga
gawi ay tunay naman na naimpluwensyahan na ng niyakap na relihiyong Islam o
Kristyanismo.

Una, ang mga babaylan, mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan ay


karaniwang babae. Mula sa mga pinakaunang tala ng mga manlalakbay at prayleng
dayuhan gaya nina Antonio Pigafetta, Francisco Ignacio Alcina, Miguel de Loarca, Juan de
Plasencia, Pedro Chirino, at iba pa, inilarawan nilang ang mga nasaksihan nilang ritwal ay
isinasagawa at pinapamunuan ng mga babae na may edad na (la vieja). Ang ganitong
tradisyon ay nagpatuloy hanggang sa ngayon—ang mga babaylan na nakapanayam ni

210 ORILLOS-JUAN: Ang mga Babaylan sa Kalinangang Pilipino


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 1 | Agosto 2015

Nono ay nakatatanda at tunay namang hindi maikakailang iginagalang sa komunidad.


Ang bagay na ito ay una nang binanggit ni Salazar (1999): “ang babaylan kadalasan ay
babae at babaeng may katandaan na, dahil ang pagsasanay sa mga ritwal, kasama ang
pagsasaulo ng mga awit, tula salaysay kapaniwalaan at buong kaalamang medikal ng
lipunan ay isang mahirap na gawain na nangangailangan ng matagal na panahon” (pah.
22).

Ang pagiging babaylan din ay parang isang bokasyon at nagbubukal sa mismong tao ang
kagustuhan na magsanay maging manggagamot. Hanggang ngayon, ayon na rin sa
kuwento ng mga babaylan, ganito pa rin ang sitwasyon kung saan nagsasanay ang mga
nagnanais na gampanan ang ganitong papel sa pamamagitan ng paglilingkod muna
bilang katuwang ng nakatatanda na babaylan.

Ikalawa, ang mga babaylan na hanggang sa kasalukuyan ay aktibo pa ring nanggagamot


ay may iba pang papel na ginagampanan sa kanilang pamayanan—bilang tagapag-ingat
ng mga awit na ginagamit sa iba’t ibang klase ng ritwal hindi lang sa panggagamot kundi
kahit na sa importanteng kaganapan sa siklo ng buhay. May natatangi rin siyang
kakayahan ukol sa pagbubunyag ng mga pangitain o maaaring mangyari sa hinaharap
batay sa pang-unawa niya sa pagkakaayos ng bagay sa daigdig. “Pinapamahalaan din ng
babaylan ang kabuuang mitolohiya ng bayan… at pamanang kultural… palaki nang palaki,
palalim nang palalim sa loob ng pamayanan ang bawat tradisyong mitolohikal sa
pangangalaga ng mga babaylan” (Salazar 1999, 7, 14). Patunay nito ang ilang salaysay ng
mga nakapanayam ni Nono—kung saan isiniwalat nilang bahagi ng kanilang
pangkalahatang kaalaman ukol sa mga gawi ng kanilang pangkat ay nakaugat sa
mahahalagang kuwento ng salinlahi gaya halimbawa ng Ulalim ng mga Kalinga; Dalangen
ng Maguindanao; at Tudbulul ng T’boli.

Malawak ang kaalamang taglay ng babaylan na siyang ginagawang sandigan ng


pamayanang kanyang kinabibilangan para sa araw-araw na inog ng kanilang buhay. Mula
noon hanggang ngayon, hindi maitatatwang “ang babaylan ang eskperto sa literatura,
relihiyon, kasaysayan, sikolohiya, medisina, at iba pang agham na may kinalaman sa
mundo ng diwa” (Salazar 1999, 18).

Ikatlo, ang ginagamot na sakit ng mga babaylan ay pinapaniwalaan pa ring sanhi ng


paglukob ng masamang espiritu sa kaluluwa ng tao (Magos 1992, 5-6; Salazar 1999, 15, 18).
Sentral ito sa karunungang kaalaman ng mga babaylan—may panlabas na katawan ang
tao pero mayroon din siyang kaluluwa na paminsan-minsan ay “nakalalabas” sa
katawan—kung natutulog at nananaginip o kapag nagugulat. Kapag namatay na ang
isang tao, ito naman ang nagiging anito o espiritu (Salazar 1999, 15). Hindi nagbago ang
karunungang kaalamang ito ng mga babaylan na nasa kasalukuyan kaya nga
namumukod-tangi sila sa komunidad dahil may pagkakataon na ilang sakit ang hindi

211 ORILLOS-JUAN: Ang mga Babaylan sa Kalinangang Pilipino


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 1 | Agosto 2015

mapagaling ng mediko at nagagawa nilang lunasan sa pamamagitan ng pagtataboy ng


masasamang espiritu na nakalukob o nakabihag sa kaluluwa.

Sa gitna ng pagsasakatuparan ng babaylan ng gawaing ng panggagamot, hindi maaaring


mawala ang ritwal—na tumutukoy sa kabuuan ng proseso kasama na ang pag-indak at
pag-indayog at napakahalaga, ang trance. Pinaniniwalaang sumasapi sa babaylan ang
mabubuting espiritu (guardian spirits) o sa ibang pagkakataon ay masasama na
pangunahing sanhi ng iba’t ibang klase ng pagkakasakit. Ang kapansin-pansin lamang ay
ganito: sa salaysay ng mga babaylan na kinapanayam ni Nono, wala nang masyadong
“drama”—hindi katulad ng mga inilarawan ng mga prayle at/o dayuhang Español kung
saan ay isang ispektakulo ang kabuuang performance dahil sa hindi pangkaraniwan ang
nagaganap sa kanya—halimbawa ang panlilisik at namumulang mga mata, malabis na
pagbula ng bibig, pag-iiba ng boses, at pagkawala ng malay.

Ikaapat, sa pagsasagawa ng ritwal, may inuusal na pambungad na dasal upang tawagin


ang mga espiritu at humingi ng tulong. Ayon sa ilang salaysay ng mga babaylan na
nakapanayam ni Nono, karaniwang sinauna at sagradong teksto ang mga ito, pero may
pagkakataong nakapasok na rin ang mga impluwensyang panlabas. Halimbawa,
isinalaysay ng andadawak ng timog Kalinga na kung dati ay purong Kalinga ang mga
teksto, sa kasalukuyan ay may kahalo nang Ilokano (pah. 85-86). Totoo rin ito sa kaso ng
patutunong ng Maguindanao kung saan may paghalaw nang ginagawa mula sa Qur’an
(pah. 101). Maging sa mga Ibanag, ang talionag na ritwal ng pasasalamat at paggagamot
ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagrorosaryo at pagsambit ng mangurug
(maihahalintulad sa Apostle’s Creed) subalit may sarili nang bersyon o adaptasyon ang
mga Ibanag (pah. 199). Malinaw sa mga pahayag na ito na sa kabila ng pagyakap sa
relihiyon—Islam o Kristyanismo man, iginigiit at/o pinanaig ng mga babaylan ang
nakagisnan na proseso ng ritwal kung saan importante pa rin ang pagsambit ng mga
pahayag upang manikluhod ng tulong sa mga espiritu o kaya naman ay payapain upang
hindi magdulot ng kapahamakan o karamdaman. Samakatwid, isang uri ito ng
adaptasyon o aproprasyon upang mapanatili ng babaylan ang kanyang kapangyarihan at
estado sa harap ng hamon ng mga bagong relihiyon (Mangahas at Llaguno 2006, 39).

Mahalagang bahagi ng ritwal ang paggagayak ng alay—kinatay na hayop na karaniwang


manok o baboy. Bukod-tangi ang kaalamang taglay ng babaylan kung paano gagamitin
ang mga alay na nabanggit para sa alin man sa dalawa—pagtawag sa mga espiritu upang
tulungan ang babaylan sa pagpapagaling o pagpapayapa ng mga hindi kaaya-ayang
espiritu upang maiwasan ang karamdaman, masamang pangitain o sakuna. Kapansin-
pansin ring nagpapatuloy pa rin ang paggamit ng buyo at pagnganga sa mga ritwal, bagay
na nakaugat din sa kanilang mga makabuluhang salaysay gaya ng mitolohiya o epiko.
Malinaw kung gayon, ang pagpapatuloy sa kabila ng pakikibaka sa mga hamon.

212 ORILLOS-JUAN: Ang mga Babaylan sa Kalinangang Pilipino


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 1 | Agosto 2015

Sa pagtatapos ng pagbabasa ng mga natatanging salaysay ng mga babaylan,


nakalulungkot pero napakatotoo ang panganib ng pagkalimot ng iniingatang tradisyon ng
mga babaylan sa kasalukuyan. Lipos ng hamon ang kailangang igpawan, lalo pa sa harap
ng puwersa ng modernisasyon at o pagbabanta na hatid ng mga mapanggiit na relihiyon.
Ito mismo ang paglalarawan ng mga andadawak sa Kalinga: dati ay may mga lalaking
andadawak subalit nang lumaon ay ikinahiya nila ito kaya hindi na nagpatuloy ang
tradisyon. Madalas ding komersyal na manok at baboy ang ginagamit sa kasalukuyan
imbes na native. Malala rin ang estado ng mga patutunong na nakakaranas ng
pagsasantabi sa harap ng paghihigpit na ginagawa ng mga namumuno sa relihiyong
Islam—diumano walang lugar ang pagsasagawa ng mga ganitong ritwal (pah. 116). Ganito
rin ang nararanasan ng mga maninuog na diumano ay pinagbabawalan ng mga lay
minister at mga civic group na isagawa ang sinuog kapag piyesta ng Señor Santo Niño
sapagkat ito ay mga kaugaliang sinauna (pah. 311).

Maliban sa audio compact disc kung saan inirekord ang piling awit, inilakip ni Nono ang
teksto ng mga ito sa orihinal na wika at salin ng mga ito sa Ingles. Ang mga naisulat,
naisadokumentong mga awit bilang oral na tradisyong ito ang pambihirang ambag ng
aklat bagama’t hindi naging malinaw ang pagpapaliwanag ng awtor kung ang mga ito ay
nakita, napuna, at/o naiwasto ng mga kinapanayam na babaylan na pinanggalingan ng
mga ito.

PAGTATAPOS

Hindi ipinagkait ng mga babaylan sa kasalakuyang panahon na maidokumento, maisulat,


at kapagdaka’y mailimbag ang iniingatan nilang mga awit at ritwal—tungo sa adhikaing
lumawak ang pang-unawa ng mga kapwa Pilipino sa tradisyon na kanilang
pinapangalagaan. Gayumpaman, kaakibat ng pagbubukas ng ating mga isip at puso ang
panawagan ng mga babaylan na ang mga awit na ito ay sagrado at nararapat lamang na
igalang at pahalagahan.

Walang dudang sa pagsisikhay ni Nono na maisaaklat ang kanyang pag-aaral, lalo pang
pinalawig at pinalalim ng ang talastasang babaylan sa Pilipinas. Tila ito ay isang tugon sa
mapaghamon at makatotohanan na pahayag ni Salazar (1999)—“narito pa sa ating piling
ang mga babaylan… hinuhubog pa nila ang lipunan at kalinangang Pilipino, at patuloy pa
nilang huhubugin ang Kapilipinuhan” (pah. 24).

Talahuli
1
Tingnan ang talababa 1 sa akda ni Zeus Salazar (1999, 30-32).

213 ORILLOS-JUAN: Ang mga Babaylan sa Kalinangang Pilipino


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 1 | Agosto 2015

2
Sa pagsusuri ni Raul Navarro (2014) sa parehong aklat, pinuna niya si Grace Nono kung bakit tila yata
nakaligtaang banggiting hindi lamang lider ng mga pag-aalsa laban sa mga kolonisador ang karamihan sa
mga babaylan kundi ang iba sa kanila ay napahinuhod, nakumbert sa Katolisismo, at naging mga hermana
sa simbahan.
3
Tumutukoy sa pagsasagawa ng babaylan ng isang ritwal upang ipakita/idemonstreyt sa isang tagamasid o
mag-aaral ang mga hakbang nito. Ang tagamasid/mag-aaral ay maaaring makilahok din sa ritwal bilang
kawaksi. Tingnan sa pah. 45 ang mas malawak na pagpapaliwanag ni Nono.

Sanggunian

Magos, Alicia P. 1992. The Enduring Ma-aram Tradition: An Ethnography of a Kinaray-a


Village in Antique. Quezon City: New Day Publishers.

Mangahas, Fe B. at Jenny Llaguno. 2006. Centennial Crossings Essays on Babaylan


Feminism in the Philippines. Quezon City: C & E Publishing, Inc.

Navarro, Raul C. 2014. Review: Songs of the Babaylan Living Voices, Medicines,
Spiritualities of Philippine Ritualist-Oralist-Healers. Asian Studies: Journal of
Critical Perspectives in Asia 50, blg. 2: 145-148.

Salazar, Zeus A. 1999. Ang Babaylan sa Kasaysayan ng Pilipinas. Bagong Kasaysayan 4.

214 ORILLOS-JUAN: Ang mga Babaylan sa Kalinangang Pilipino

You might also like