Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 8

#TANGGOLWika: Mga dagling naisulat sa palihan ng Kataga-Quezon City

Caption: Nagsimula ang mga akdang ito sa isang simpleng panuto—magsulat ng dagli tungkol sa
Tanggol Wika o tungkol sa wikang Filipino. Mula rito nakabuo ang ilan sa mga Kandidatong Kasapi ng
Kataga ng mga akdang nakikisangkot, pumupukaw ng damdamin at kamalayan, o di naman kaya’y
pinag-iisip an gating makukulit na haraya. Narito ang ilan sa mga dagli ng mga Kandidatong Kasapi na
sumailalim sa palihan ng Kataga-Quezon City. Mula sa modang makatotohanan hanggang sa mga
modang pantastikal at spekulatibo, Ipinaaalala ng mga akdang ito ang halaga ng ating mga
pambansang wika at kung bakit hindi dapat mabura o tanggalin ang asignaturang Filipino at Panitikan
sa antas tersyarya.

Pagsúlong
John Christopher DG. Lúbag

“Wika at bayan, huwag tokhangin! Huwag tokhangin! Wika at bayan, huwag tokhangin!” ito ang paulit-ulit
na isinisigaw ng mga estudyanteng rallyista sa kanilang kilos-protesta sa harap ng tanggapan ng CHED.
Makikita rin sa kanilang hanay ang ilan sa kanilang mga propesor na kasáma nilang lumalaban para
pigilin ang mapanupil na hatol ng Korte Suprema ukol sa pagtanggal ng Wikang Filipino at Panitikan
bilang course subjects sa kolehiyo.
Matapos ang pangyayaring ito ay humahangos na darating si Edison, na siyang kabilang sa mga
estudyanteng kasáma sa nangyaring kilos-protesta, sa lugar na napag-usapan nila ni Mark. Daratnan
niya itong nakatulala sa nanlalamig nang tasa ng kape at waring matagal nang naghihintay. Mababahala
siya at kagyat na aayusin ang sarili bago lumapit dito.
“Kanina ka pa? Sorry, ha,” batì niya habang pinupunasan ng lukót-lukót na panyo ang tumatagaktak na
pawis sa kaniyang noo.
“Nakita kitá sa balita,” malamig na tugon ni Mark. Hindi niya mawari kung galít ba ito o sadyang
nananamlay lámang.
“Ano’ng balita?” pagmamaang-maangan nito matapos maupô sa bakanteng upúan sa harap ng kausap.
“Not an actual news, but a Facebook Live. Hinúli pa nga ‘yong isang kasamahan n’yo dahil nambato ng
pintura sa gate ng CHED.”
Hindi agad nakasagot si Edison matapos marinig ang mga ito. Sa kaniyang pananahimik ay nahúli niya
ang tila nangungusap na pagtitig sa kaniya ni Mark. At sa pagkakataong ding iyon ay muling nanumbalik
sa kaniyang alaala ang eksenang nasaksihan kanina.
“Hindi pa tapós ang lában,” matigas niyang sambit.
“Kailan ka ba titigil sa pagsama mo sa mga rally na ‘yan? Hindi ba puwedeng mag-focus ka na lang sa
pag-aaral mo? Bakâ mamaya, ikaw naman ang damputin at ikulong. Or worse, bakâ isang araw ay
matagpuan ka na lang patay riyan sa kalye.”
“Kung mangyari man iyon, e, handa ako. Hindi ako natatakot,” walang-pag-aalinlangan niyang tugon.
“At wiling ka talagang ipagpalit ang lahat nang dahil lang sa mga rally na ‘yan?” walang-pangingiming
panunumbat ni Mark.
“Rally lang? Naririnig mo ba ang sarili mo, Mark? Naiintindihan kong nag-aalala ka. Pero pakinggan mo
rin naman ako. May mga isyu táyong kinahaharap ngayon at hindi naman pupuwedeng manahimik na
lang táyo habang nagbulag-bulagan. Nandito táyo para kumilos. Kayâ nga táyo nag-aaral, di ba? Para
mamulat sa katotohanan.”
“Pero ako ang natatakot para sa ‘yo. Isipin mo rin naman ako,” malungkot na sambit ni Mark habang
nakayuko sa hindi pa rin nagagalaw na tasa ng kape. Walang ibang nagawa si Edison kundi abutin ang
mga kamay nito sa pagbabakasakaling maibsan ang pinagsasaluhang kalungkutan.
“Walang oras na hindi kitá iniisip, Mahal. At para lang alam mo, ginagawa namin ito para sa ikabubuti ng
lahat. Lalong-lalo na para sa mga susunod pang henerasyon.”
“Pero paano naman ako—táyo?”
“Nandito pa rin naman ako, a.”
“Pero palagi kang wala.”
“Ganoon talaga kung minsan, Mahal—” kagyat siyang mapapahinto sa pagsasalita nang mapansin niya
ang malamlam na mga mata ni Mark. Mapapaisip siyang unawain ang lungkot na dalá nito habang
panandalian siyang hindi makakibo sa pagpagitna sa kanila ng nakaiiláng na katahimikan.
“Wala namang pinipíling lápit o layò ang nagmamahal sa minamahal. Basta’t manatili lang táyong
malaya at mapagpalaya, totoo táyong nagmamahal. At Mahal, ang totoong nagmamahal, lumalaban. 

Jobless You
ni Chin Edrad

Nagising akong naliligo sa sariling pawis dahil hindi na naman dinadaluyan ng kuryente ang
bentilador sa aking kwarto. Naalala kong may iskedyul nga pala ng brown out ngayon. Hindi pa ako
tuluyang nakakabangon nang bigla namang tumunog ang aking telepono sa ilalim ng unan. Mensahe ito
mula sa kompanyang aking inaplayan.
We would like to thank you for taking the time to come into GBox International Inc. We enjoyed
our conversation and we truly appreciate your interest to be a part of our company. Though your
qualifications meet our requirements, the selection process was highly competitive in terms of fluency in
English language, so we have decided to move forward with another candidate for this position. We wish
you good luck with your job search and professional future endeavour. God bless you.
Itinaob ko ang telepono at muling isinubsob ang mukha dahil sa pagkadismaya. Susubukan ko
sana muling humimbing ngunit hindi ko na kayang tiisin ang ingay ng kaldero’t sandok pati na rin ang
mainit na singaw mula sa mga niluluto sa aming kusina.
Maya-maya pa ay narinig ko na ang maingay na boses ni mama na galit na naman sa
akin,“Punyeta ka, wala nang kuryente’t lahat, himbing ka pa rin d’yan!” Kasunod nito ay ang malakas na
pagkalabog sa plywood na dingding ng aking kwarto, mula sa ibinatikal na kung ano. Nalaglag ang mga
nakasabit na sertipiko, laminated kong diploma at ilang medalya.
Maingay ang paligid kapag walang kuryente dito sa amin. Maliban sa mainit ang ulo ng mga tao,
ay may nakaririndi ring anunsyo ang generator ng aming kapitbahay: May kuryente kami, wala kayo.
Mula sa pagkagulat ay nagdesisyon na akong bumangon. Nakita ko sa sahig ang mga nalaglag
na gamit. Habang isa-isang isinasabit ang mga sertipiko ay nakipagtitigan sa akin ang malalaking titik
nito, MARIA ANDREA DELOS REYES (Cum laude), MARIA ANDREA DELOS REYES (Pinakamahusay
na Manunulat sa Wikang Filipino).
Naghilamos na ako at nagsipilyo. Hindi na ako nag-almusal. Naghahanap pa lang ako ng mga
dyaryong gagamitin na panlinis sa maruming salamin ng estante’y narinig ko na naman ang pagsigaw,
“Kung ang inaatupag mo ay paghahanap ng trabaho, ay di maayos ang tulong mo dito sa bahay!”
Sasagot ba ko? Baka lalo pang uminit ang kanyang ulo. Hindi na lang ako umimik at
pinagdiskitahan na lang ang paglilinis.

Maya-maya’y dumating ang aking kaibigan upang bumili ng tig-sampung pisong spageti. Agad ko
naman siyang pinagbilhan. Iniisip ko pa lang na sana’y h’wag na n’ya akong tanungin tungkol sa aming
trabahong sabay na inaplayan ay bigla na siyang umimik. “Maya, have you been accepted to the job?
I’m so excited to start. Mom is so happy!” Hindi ko na naintindihan ang ilan pa niyang mga sinabi.
Umiling na lang ako sa kanya habang ibinabalot ang binili.
Sa pagkatulala ko ay si papa na mula sa aking likuran ang tumanggap ng bayad ni Rachelle.
Pagkamano ko sa kanya ay bigla itong nagbiro, “Jobless you, anak.”Bigla na lang kaming natawa
parehas sa kanyang sinabi. 

 ibinatikal- salitang Quezon na ang ibig sabihin ay ibinato

KAPULUNGAN NG MGA NAUNA


ni Ronnel V. Talusan

Nagniningning ang liwanag sa lahat ng dako. Umiilanlang ang napakatamis na musikang


naglalambing sa kabuuan ng lugar na iyon. Masayang magkakawil ang mga naroon. Isang piging iyon
ng walang pagkagutom at pagkauhaw. Bawat sandali’y yapos ng kapayapaan.
Sa palibot, abala ang masasayang umpukan ng kani-kaniyang pangkat. May naglalaro ng chess.
May humihimig sa silindro. May kumakalabit ng gitara. Nag-aawitan ang karamihan. May ilang
sumasayaw. May nagbabasa ng magasin. May nagsasagot ng palaisipan sa isang pahayagan.
Ngunit sa dako paroon, sa isang munting silid, ay iba ang damdaming lumulukob. Kapuna-puna
ang isang pangkat na abala sa pagsusulat. Mayroon pang tila gumagawa ng mga plakard.
Isang ginoo ang pumagitna at nagwika:
"Walang pag-ibig sa bayan!
tampalasang diwa,taksil na pananaw!
anak, magbangon, puri ko'y ipagtanggol!"

"Husto na yan, Batute!" Inawat nito, hinawi pa man din ang kumukumpas na kamay ng nakatindig
na makata. Bumwelo sa pagkakatayo, lumiyad nang bahagya at siya namang bumigkas sa mataginting
na tinig:
"Kung ang nasa tungkulin ay nagpapatay-patayan
at sila pang nagsusulong ng iyong kamatayan,
walang dapat kumilos, kundi ang taumbayan!"
Napatingin silang waring humahanga sa maapoy na diwa ni Ka Amado. Nakatulala pa man ding
tila namamangha sa mga makatang bumibigkas. Tutop ng mga babae ang kanilang dibdib sa matamis
na pagkakangiti.
"Ay! Anong giting ninyo sa inyong pagtutuwang at pag-iisang damdamin!" si Aling Lily na may
tangan-tangang munting aklat. "Paano nila haharapin ang Makata ng Puso at Makata ng
Manggagawa?"
"At ang kikisig ninyong panoorin! Humanda sila!" pagkaraa'y bumalik sa kanyang pagsusulat ang
ikalawang babae.
Nagkibit-balikat lamang ang mga lalaki. Pansinin-dili ang mga nagsasalita. Lahat sila'y para-
parang nakayuko, nakatutok sa kanilang pinagkakaabalahan.
Pagkuwa'y tumayo ang isa sa kanila. "Tama ang ating mga, Ginang!" sinulyapan ang mga
tinukoy, "Kapag nagsanib-pwersa ‘yan” itinuro ang dalawang makata, “ay walang makagigiba!"
Lumakad-lakad ito sa bulwagan ng silid. Hinagod ng tingin ang mga naroroon, saka buong tikas na
itinaas sa hangin ang ilang pahina ng papel. "Narito na ang ating manipesto!"
Biglang napalingon ang mga kasama sa silid. May napangiti. Mayroong pinangunutan ng noo.
May nagtaas ng kilay.
"Sandali lamang Mang Openg! Hindi pa ako tapos," sabay abot ng kapirasong papel, “basahin
mo muna 'tong sa akin!"
"Tinatanggap ang inyong mungkahi ginoong Collantes!"
Humakbang naman ang isa pang ginoo, "Ako rin, maikli lamang po ito katoto," saka ito marahang
yumukod, "baka maaaring isingit ninyo, mahal na Ama ng Balarila!"
"Hindi maaaring hindi, ginoong Ben Ruben!" saka ito kumambat sa mga kaharap. Niyakag ang
mga ito. Humila sila ng kani-kaniyang upuan. Lumapit na rin ang iba pa. Pinaikutan nila ang munting
mesa sa gitna. Banayad, ngunit tiyak at masinsinan ang kanilang pagpupulong. Malinaw ang
direksiyong tinutungo ng kanilang maingat na pagpapasya.
"Napakahusay ho ng talataang ito, Ka Saro", hinagod ng daliri nito ang itinurong mga
pangungusap, "pinagningas ninyo na naman ang inyong ilaw!"
"Salamat, Roger", sagot ng pinapurihan. "Kayo na ang bahalang maglagom ng ating iisa't matatag na
desisyon!" balik nito sa tagapagdaloy ng pulong.
Mabilis na tinipon nito ang mga sipi ng mga ambag na diwa ng bawat isang naroroon. Mabilis na
tumakatak ang manikinilya. Waring musika iyon na umiilanlang, sumasanib sa umaawit na hangin.
Lumilikha ng isang tugtuging nagpapaindak sa mga masayahing anghel.
"Areglado na ang papel!" sambit ni Mang Openg sa malakas na tinig.
"Ako na ang magsasadya sa Diliman!" mataginting ang tinig ni Ka Amado.
"Bahala na ang mga Hari ng Balagtasan sa Bulacan!" si Ka Saro. "Ako naman sa Nueva Ecija!"
"Ako ang tutungo sa CLSU!" ani Roger.
"Ako naman sa PUP!" habol ng isa pang Ka Roger.
Sumagot si Ben Ruben, "Ako na ang bahala sa BulSU!"
"Sa PNU ako!" sabi ni Aling Bebang.
"Kami ang magtitipon sa mga organisyon," pangako ni Aling Lily, "at mag-iikot sa iba pang mga
unibersidad."
Sa pangkat ng mga nakikinig ay may sumigaw, "Kami ang maglilibot sa Kamaynilaan!"
"Kalampagin natin ang Korte Suprema!" halos iisang tinig nilang sigaw.
"Sa Agosto 23 ay sama-sama tayong dudulog sa Malakanyang!" giit ni Batute.

Isa-isa na silang tumindig upang lumabas sa kumikinang na pintuan. Ngunit doon, sila'y natipon,
dahil hinarang sila ng Matandang Bantay na may tangang isang tandang. "Kailangan ninyo ba talagang
gawin iyan?"
"Hayaan ninyo na sila. Ang pag-ibig sa bayan, sa wika at panitikan ay sumisibol kahit saan!"
"Tumpak ang Apo Balagtas," habol ni Ka Amado, "at ipinaglalaban hanggang sa kawalang-
hanggan!"
“Iyan ang tanging pamana natin sa susunod na salinlahi!” diin ni Ka Saro.

Nagkawing-kawing sila ng kanilang mga braso at humanda sa sabay-sabay na pagbulusok.


Humihip nang malakas ang hangin. Siniklot-siklot nito ang nagliliwanag na paligid.
Humahalimuyak ang mahalumigmig na simoy. Bigla, humanay at umiindak-indak, habang sabay-sabay
na hinihipan ng mga anghel ang kanilang mga tambuli. 

*Mga Tala:

Huseng Batute – Jose Corazon de Jesus. Kilalang Makata ng Puso. Unang Hari ng Balagtasan. Kampyeon ng mga timpalak
sa pagtula.
Ka Amado – Amado V. Hernandez. Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan. Kilalang Makata ng Manggagawa.
Premyado at tanyag na nobelista.
Mang Openg – Lope K Santos. Ama ng Balarilang Tagalog. Tanyag na makata at nobelista. Naging Senador ng Pilipinas.
Ka Saro – Lazaro Francisco. Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan. Ama at tagapagtatag ng samahang KAWIKA.
Premyado at bantog na nobelistang Tagalog.
Collantes – Florentino Collantes. Ikalawang Hari ng Balagtasan. Bantog na Makata sa panahon ng Amerikano.
Ben Ruben – Benigno Ramos. Tagapagtatag ng Samahang Sakdalista. Tanyag na Makata sa Panahon ng Amerikano at
Hapon.
Aling Bebang – Genoveva Edroza Matute. Batikan at premyadong kwentista at nobelista mula panahon ng Hapon hanggang
sa dekada ’90.
Aling Lily – Liwayway Arceo. Isang bantog at premyadong feministang kwentista at nobelista mula sa panahon ng Hapon
hanggang sa mga sumunod na panahon.
Apo Balagtas – Francisco “Balagtas” Baltazar. Apo ng Panulaang Tagalog. Awtor ng dakilang Florante at Laura. Ipinangalan
sa kaniya ang Balagtasan, isang tulang pagtatalo.
Roger – Rogelio R. Sicat. Premyadong kwentista at nobelista. Isa sa mga awtor ng Mga Agos sa Disyerto.
Roger – Rogelio L. Ordoñez. Makata ng Bayan. Batikang mamamahayag at kwentista. Isa sa mga awtor ng Mga Agos ng
Disyerto.
KOLORETE
Russel D. Romero

Humahangos sa kaniyang pagtakbo ang isang transgender papalayo sa isang lalaki na naka-
maskara at may dalang patalim. Madilim ang bahaging iyon ng kalsada at walang masyadong
taong dumaraan lalo na kapag dis-oras ng gabi.

“Huwag! maawa ka sa akin ito ang pera at cellphone ko, kunin mo na lahat,” pagmamakaawa
nito.

Ngunit hindi siya pinakinggan ng lalaking nangangalit. Sunod sunod na saksak ang ibinaon
nito sa tagiliran ng walang kalaban-laban na biktima. Halos maligo sa sariling dugo ang kaniyang
biktima. Matapos masigurong wala nang buhay ito, iniwan niya sa tabi ng duguang katawan ang
isang pulang lipstick

Umaalingawngaw sa lakas ang tunog ng TV sa isang karenderia pasado alas-siyete ng


umaga. Halos lahat ng nagtatatrabaho sa katabing pabrika ay dito kumakain ng agahan dahil sa
sarap ng mga inihahaing ulam ni Aling Trining.

“Karumal-dumal ang sinapit ng isang transgender, base sa paunang imbestigasyon ng


pulisya sa bayan ng Sta. Barbara, dalawampung saksak ang tinamo nito mula sa iba’t-ibang parte
ng kaniyang katawan. Kasalukuyang pinaghahanap naman ng pulisya ang hindi pa nakikilalalang
suspek,” ayon sa reporter.

“Naku kaliwa’t kanang patayan na naman” sambit ni Aling Trining sabay lipat ng channel
para panoorin ang kaniyang paboritong palabas sa TV.

“Kaya nga ho nakakatakot na lumabas ngayon lalo na kapag madaling araw” dagdag ni
Lando sa tinuran ng matanda bago ito kumuha ng toothpick at sabay sibat dahil baka mahuli siya
sa pag-pasok.

Si Lando ay namamasukan sa isang pabrika sa bayan ng San Juan. Matagal na siya sa


pabrika. Dahil hindi siya nakapag tapos ng pag-aaral, ito lang ang trabahong kaniyang alam.

Araw ng sahod kaya napagkaisahan nilang mag-inuman pagkatapos ng buong araw na


trabaho. “Nabalitaan niyo ba yung pinatay sa kabilang bayan balita ko bakla daw ang pinupuntirya
nung suspek,” sambit ni Abner bago ininom ang tinagay na gin.

“Kasalanan kasi ng mga lintek na baklang yan! Alam na nilang dis oras na ng gabi
pakalatkalat pa sa daan” seryosong sambit ni Lando.

Mainit ang ulo ni Lando ng araw na iyon dahil napagalitan siya ng kaniyang supervisor. Maiksi
ang pasensya ni Lando, madaling mag-init ang kaniyang ulo kahit sa mga simpleng bagay.

“Mga pare mauna na ako sa inyo, hinihintay na ako ng misis ko” paalam ni Lando sa mga
kasamahan nito. Kinuha niya ang dalang itim na backpack sinuot ang sumbrerong pula at tinungo
ang daan pauwi.

Alas onse na ng gabi, medyo umaambon at kumukulog. Nagmamadali sa paglalakad ang


bente sais anyos na si Viva. Nakasabit sa balikat ang itim na shoulder bag kapares and suot
niyang sandals.
“Naku antokyo japan na akez, mukhang jujulanis morisette pa, ayaw man lang makisama ng
panahon” sambit ni Viva sa sarili habang binubuksan ang dalang payong.

Naka ayos ito palagi, punong-puno ng kolorete ang mukha kapag pupunta at pauwi sa
pinapasukan niyang grocery store sa kalapit na bayan.

“Di ko ata keribels ang kabog ng dibdib ko, parang may sumusunod sa beauty ko nakaka
stress drilon” sambit nito sa sarili kaya binilisan niya pa ang paglalakad.

Bumibilis din ang mga naririnig niyang yapak na halos isang dipa na lang ang layo sa kaniya.
Nang akmang lilingon siya ay isang malaking tipak ng bato ang bumungad sa mukha niya mula sa
kaniyang likuran.

Laganap na sa buong bayan ang sunod sunod na krimeng nagaganap na may


magkakahawig na istilo ng pagpatay.

Sa loob ng isang maliit na bahay makikita si Lando na nakaharap sa isang salamin.


Nahihibang ang kaniyang mga ngisi sabay tanggal ng blondinang wig na nakalagay sa kaniyang
ulo. Matagal niyang pinagmasdan ang sarili bago nito pinunas ang pulang lipsticksa kaniyang mga
labi. Bumalik na naman sa kaniyang alaala ang pagmamaltratong ginawa sa kaniya ng kaniyang
tiyuhing bakla noong siya ay maulila sa mga magulang tumira sa poder nito. Kung kaya’t ganun na
lamang ang kaniyang galit kapag nakakakita siya ng mga bakla.

“Ang jinit jackson” nakangising sambit nito sabay tinungo ni Lando ang pintuan ng kanilang
banyo. 

Konyo
Geraldine Gentozala-Juachon

‘Maarte. Burgis. Sosyal. Konyo.’


Ito ang tawag ng mga barkada ni Jen sa kanya. Nasa ikalawang taon na sila sa isang pampublikong
unibersidad nang maglakas loob silang sabihin ang mga salitang ito sa kanya. At ngayon na nasa
ikatlong taon na sila, wala nang pakundangan ang mga ito sa panunukso.
‘Grabe naman kayo! I try naman. It’s just difficult e.’ Sabi ni Jen habang ipinapasok sa bag ang isang
may kakapalang librong puno ng sumisilip na makulay na Post-its.
‘Oo nga naman, it’s not madali. Haha!!!’
‘You’re so kainis, Jen. Can you like make tigil na? Hahaha!!!’
Katatapos lang ng kanilang klase sa Humanidades. Napag-diskitahan na naman siya ng propesor at
ipinaulit sa kanya ang kanyang sagot sa Filipino. Nakahanap tuloy ng bagong pang-asar ang mga
blockmates niya.
‘Sige, uwi na ako. Ayoko gabihin e.’ Sabi ulit ni Jen.
‘Omaygad, deretsong Tagalog na sentence yun a! Gumagaling ka na a!’
‘Hindi rin, maiksi lang yun e. Habaan mo nga.’
‘Bahala kayo, aalis na ko.’ Sambit ni Jen habang naglalakad papalayo sa mga nagtatawanang kaklase.
Bakit kasi ang dami kong subjects in Filipino? Tanong niya sa sarili.
Kinabukasan, bago pumasok ng klasrum, napansin ni Jen na nakabandera sa koridor ang isang
tarpaulin na nagsasaad ng - CHED Memo Order 20 Tinatanggal ang Fiipino sa Kolehiyo! Wika at
Panitikan- Ipaglaban! Gobyerno at CHED, Taksil sa Bayan!
Oh my gosh! Naisip ni Jen. Is this true?
Lumapit sa kanya ang mga barkadang nag-aantay ng kanyang reaksyon.
‘Huy, magandang balita ‘yan sa ‘yo Jen!’ ‘Hindi ka na papahirapan ng mga Prof natin o!’
‘Well, sa tingin ko.. that’s not right.’ Wika ni Jen, nang hindi inaalis ang mata sa tarp.
Agad niyang tinalikuran ang mga kaklaseng nagulat sa kanyang tinuran. Sa kanyang pagmamadali,
bumagsak sa lapag isa sa mga librong halukipkip ni Jen, isang diksiyonaryong English-Filipinong puno
ng makulay na Post-its. 

Ako Na Lang Ba Ang Hindi Nakalimot?


Viray, Micah Louie

Isang maulang umaga ang sumalubong sa akin nang ako’y tumungo sa unibersidad. Sumakay
ako ng dyip papasok. Habang nasa biyahe, minasdan ko ang mga kartelon. Iba’t ibang ads ang
nakapaskil. ‘Best whitening cream in the Philippines’, ang sabi ng isa. ‘20% less for all SM stores
nationwide’, ang sabi pa ng isa. Bigla akong napalingon sa kaliwa nang tinapik ako ng isang manong.
“Here’s your change. You looked like you were thinking about something.”
Tinanggap ko ang sukli at itinuloy ko ang pagmamasid sa mga kartelon hanggang sa makarating
ako sa pamantasan.
Minasdan ko ang pagbagsak ng ulan mula sa kataas-taasan ng alapaap, mula sa mga maiitim at
nagngangalit na mga ulap. Kumidlat, saka kumulog. Tuloy lamang sa pagbuhos ang ulan habang ako
nama’y tahimik na nakaupo sa aking unang klase. Tuloy lamang sa pagtalak ang aming guro ukol sa
araling kasalukuyang itinuturo. Tuloy lamang ang pag-usad ng buhay na para bang walang nangyari.
Mistulang nilimot na talaga ang nakaraan.
Habang ako’y nakatitig sa pagbuhos ng ulan isa-isang nagbabalik ang mga nakaraang nilimot.
Nakaraang nilimot na ng karamihin.
Sampung taon na ang nakararaan, isang kakaibang balita ng ihinatid sa akin mula sa telebisyon.
Musmos pa ako noon kaya’t hindi ko tunay na batid ang ibig-sabihin ng balitang iyon. Pinakinggan ko
ang balita, dahan-dahang ninanamnam ang kahangalang ipinamamalas sa aking harapan. Inulit kong
muli sa aking isipan ang nilalaman ng kapalaluang iyon.
“Magandang umaga, Pilipinas! Isang nagbabaga at nakagugulat na balita ang ihahatid namin sa
inyo ngayong umaga! Ngayong araw, ika-25 ng Mayo, taong 2039, nang tuluyang napagpasyahan ng
Kagawaran ng Edukasyon at ng Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon na gawing wikang Ingles ang
midyum sa pagtuturo sa lahat ng lebel ng paaralan. Pinag-iisipan na rin daw nila kung tatanggalin na rin
ang asignaturang may kaukulan sa Filipino mula sa Senior High School. Libu-libong mga guro at mag-
aaral mula sa iba’t ibang mga unibersidad ang umangal sa ganitong pakulo ng pamahalaan.”
Nakatatawang isipin ang aking pagwawalang-bahala sa ganitong pangyayari. Paano ko nga
naman makalilimutan ang araw na pinaslang natin ang atin sariling wika, gayong nakaukit sa kaibuturan
ng aking diwa ang aking pagkakasala sa aking sariling pagkatao at pagkakakilanlan. Isang nakaraang
hindi malimot. Isang nakaraang nilimot ng iba ngunit hindi ko magagawang limutin. Ang nakaraang uso
pa ang pagsasalita sa Filipino. Ang nakaraang gamit na gamit pa ang mga hitik na talasalitaan ng
Filipino sa anumang usapan at diskurso. Ang nakaraang hindi pa tuwid na nagsasalita sa Ingles ang
bawat mamamayan ng Pilipinas, mula sa pinakamayamang kapitalista mula sa pinakadukhang
manggagawa.
Isang katanungan ang patuloy pa ring bumabagabag sa aking isipan. Paano’t nagawang limutin
ng mga Pilipino ang kanilang sariling wika? Paano’t nagawa nilang malimot ang isang bahagi ng
kanilang sariling wika?
Mula sa mundo ng pagmumuni-muni at pagwawari-wari, ako’y nagbalik sa aking silid-aralan.
Narinig ko ang aming guro na tinatawag ang aking ngalan.
“Dimasalang. Lukas Dimasalang, I’m asking you, what is the answer for this question?”
Nagsalita ako upang tumugon.
“Po?”
“Wait. Mister Dimasalang, we are in an English only institution. You know what happens when
you speak Filipino, even if it was just an accident.”
Bawas ng 2 puntos sa grado ng partisipasyon kada makaririnig daw ng magsalita sa Filipino.
‘Tang inang sistema! Tumingala akong muli sa maitim na kaulapan nang may kapaitang nararamdaman
sa aking diwa. Isang kakaibang galit ang bitbit ng aking puso. 

You might also like