PH 103 Thesis Statements

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

1. Hindi mahalaga kung may Diyos o wala.

Ang mahalaga’y makilala ng tao ang kanyang kalayaan at isatupad ito nang tapat sa kanyang
pagkatao. Nasa kamay ng tao ang kanyang pagpapatupad ng sarili. Wala sa isang sumasaibayo ang depenisyon o kahulugan ng kanyang
pagmemeron.
Para kay Sartre, wala naman sa kung may Diyos o wala ang tanong, dahil wala naman talagang makatitiyak nito. Ang kaisa-isang bagay
na mapapatutunayan natin tungkol sa tao ay ang kalayaan natin, kaya ito ang mas mahalagang tutukan at isatupad. Ang kalayaan ng tao ay ang siyang
pinagbabasehan ni Sartre ng kaniyang paninindigan na nauuna ang eksistensiya sa esensya. Sa pagiging malaya ng tao, siya ay isang suheto na
malay sa kanyang sarili, sa kanyang pagiging “ako.” Nagaganap ang kaniyang pagmemeron sa kaniyang malayang paglilikha sa kaniyang sarili. Dito sa
pagkasuhetong ito nanggagaling ang ugat ng pagiging proyekto ng tao. Ang ibig sabihin ng proyektong ito ay ang pagtatapon ng sarili sa harap, o
paglilikha ng sarili bilang gawain. Mas pinagtutuunan ng pansin ang gawa ni Sartre sa “proyekto” na nangunguhulgang paglikha sa sarili bilang
isang gawain. Ibig sabihin nito, hindi lamang basta umiiral ang tao, siya ay masasabing isang “work-in progress.” Ang pagka-proyekto ng tao ay isang
gawain na may kinalaman sa pagpapatupad ng pagmemeron ng tao sa isang paraang malaya at mulat. Ang pagpapakatao ng tao ay nakasalalay sa
potensiya niyang isatupad ang kaniyang kalayaan. Ang kaniyang mismong kalayaan ang nagbibigay ng kahulugan sa pagmemeron ng tao. Patuloy
niyang hinuhubog ang kaniyang sarili tungo sa pagpapakatao. Ang pagpapakatao ay isang kilos, taliwas ito sa argumento na ang esensya ay
nauuna sa eksistensiya.
Ang argumento na ang esensya ay nauuna sa eksistensiya ay madalas na makikita sa masasabing ugat ng relihiyon at paniniwala. Ngunit
bukod doon, maari din siyang makita sa paraang sekular. Maraming tao ngayon ang naghahanap niya kaniyang “purpose” o “destiny” o kahit ano
mang kahihinatnan ng kaniyang buhay upang patuloy siyang mabuhay. May pagkahumaling ang ibang mga tao tungkol dito dahil naniniwala sila na para
maging tao at isakatupad ang pagpapakatao, kailangan lamang nilang hanapin ang esensya na ayon sa tinakda at gawin ito. Maraming nagiging
malungkot dahil hindi nila nahahanap ang esensyang ito, at hindi sila nagpapakatao. Madalas ay iniisip nila na may tinakda nang kahulugan sa
pagmemeron at kailangang matuklasan iyon. Ngunit bakit nga ba may hilig ang taong isipin na may nakatakda na para sa kaniya? Maaring sabihin
na mas madali makipagsapalaran sa mundo at makisalamuha sa iba’t ibang bagay kung alam mo ang kaniyang pagka-ano. Nakatakda na ang
kaniyang pagka-ano kung kaya’t madali na lang malaman kung paano makitungo at tumugon dito. Madali lamang malaman kung anong gagawin. Ang
paninindigan naman ni Sartre ay kung ganito ang pag-uunawa sa pagmemeron ng tao, wala na siyang kalayaan. Taliwas ito sa katotohanan at
katiyakan na ang tao ay malaya. Kung ang gagawin lamang ng tao ay tuparin ang kaniyang sarili nang ayon sa iniisip niyang itinakda sa kaniya, parang
ipinagkakait sa kaniya na maging malikhain at malaya. Hindi na siya nagiging suheto, at nawawala ang kaniyang pagka-ako. Ngunit hindi popular
ang paniniwalang ito. Ang implikasyon ng walang esensya bago ang eksistensiya ay kailangan ng taong panindigan ang kaniyang kalayaan nang
mag-isa. Siya ay may responsibilidad sa kung ano mang mangyari sa kaniyang buhay. At sa tingin ko, sa mga kamalian at kahirapan na maaring mangyari
sa buhay ng tao, madalas niyang ibinabato ito sa ibang bagay na labas sa kaniyang sarili. Pinoprotektahan niya ang kaniyang sarili sa mga negatibong
karanasan at emosyon sa pamamagitan ng paghahanap ng ibang tao, bagay o penomenon na masisisi. Ngunit, sa kabila nito, sinasabi ni Sartre na mas
mabuting mabuhay nang walang Diyos dahil sa gayon, niyayakap ng tao ang kaniyang katotohanan, niyayakap niya ang kaniyang kalayaan.

2. Hindi madaling tanggapin na walang diyos dahil ang pag-iral nito ang batayan ng makahulugang pag-iral ng tao. Subalit ang pagtanggap na
absurdo ang buhay ng tao ang unang hakbang sa tapat na pagpapatupad ng pagpapakatao ng tao.
“Hindi madaling tanggapin na walang Diyos dahil ang pag-iral nito ang batayan ng makahulugang pag-iiral ng tao.” Kaya sinasabi ni
Sartre na ang taong may paninindigan na walang Diyos ay nakararanas ng kawalang-pag-asa, pagkaulila, at pamimilipit. Nakararanas siya ng
kawalang pag-asa dahil alam niyang wala siyang Diyos na pwedeng paniwalaan at sandalan. Dahil walang Diyos, wala ring esensya o kalikasan ng
tao na pwede niyang asahan. Hindi siya pwedeng umasa sa kabutihan ng tao. Ang sarili niya lang ang maaasahan niya para makamit ang nais niya.
Nakararanas din siya ng pagkaulila dahil wala siyang langit na mahihingan ng tulong. Inabanduna na siya at wala nang ibang sasalo sa kanya kundi
ang sarili niya. Nakararanas din siya ng pamimilipit dahil malay siya na sa bawat desisyon at kilos niya, nililikha niya ang kanyang sarili at, samakatuwid,
nililikha niya rin ang modelo ng sangkatauhan. Kaya siya namimilipit dahil sineseryoso niya ang kalayaan ng tao at nauunawaan niya ang bigat ng
kanyang bawat desisyon. Kaya hindi rin natin masasabi na dahil may kalayaan tayo ay pwede na nating gawin ang anumang gusto nating gawin. Sabi
nga ni Sartre, ang tao ay pinaratangan ng kalayaan.
Sa kabila ng pagiging tunog negatibo ng mga atitud na ito, mapagbunyi talaga ang tono ng eksistensyalismo. Sinasabi ni Sartre na totoong
absurdo ang buhay ng tao, pero hindi sa paraan na malungkot o mapagparusa. Madalas, ang pananaw ng tao sa pagiging absurdo ng buhay ay
parusa lang ito. Madalas tinatanong niya na kung totoong walang katuturan ang buhay, kung wala naman talagang naghihintay sa dulo, bakit pa siya
mabubuhay? Bakit hindi na lang siya magpakamatay? Sabi ni Sartre, kaya lang bumabaling ang ilang tao sa paniniwalang may Diyos dahil sa
desperasyon at takot sa harap ng mortalidad. Ayaw niya lang tanggapin na absurdo na ang tao, kaya siya kumakapit sa mga ilusyon o mga “necessary
fiction.” Ngunit sinasabi ni Sartre na ang pagtanggap ng pagkaabsurdo ng buhay ng tao ang unang hakbang tungo sa pagsasatupad ng kalayaan niya.
Tulad ito ng karanasan ni Sisiyphus na hinatulan ng walang hanggang pagtulak ng isang malaking bato papunta sa tuktok ng bundok para
lang rumolyo ito pabalik sa paanan ng bundok bago pa niya marating ang tuktok. Makikita ng marami ang pagkawalang-saysay at kawalang-halaga
ng ginagawa niya. Pero kusang-loob niya pa ring tinutulak ang malaking bato sa bundok sa tuwing bumababa ito. Sa pagtatapos ng kuwento, sinasabi ni
Camus na kailangan nating isipin na masaya si Sisyphus. Sinasabi niyang parusa at wala lang namang katuturan ang buhay ng tao kung iniisip natin
na ang katuturan ng lahat ay nasa hangganan lang. Ang gustong sabihin nila Sartre at Camus ay kailangan nating tanggapin at yakapin na absurdo
ang buhay ng tao, dahil sa huli, tayo ang may kalayaan magtatakda ng kahulugan ng bawat gawain natin. Ayon sa ateistang eksistensiyalismo,
hinahadlangan lang ng paniniwala natin sa Diyos ang pagsasatupad natin ng kalayaang ito.

3. Ang pagtagpo ng may hangganan at walang-hanggang meron, ang patungo sa wala at ng walang-katapusan sa banal na panahon at
kalawakan. Itong mga puntong tagpuan ang sentro ng buhay ng taong relihiyoso dahil dito niya nakakatagpo ang bukal ng kanyang
pagmemeron.
Maraming dahilan kung bakit nananalig ang tao. Sa isang banda, nariyan ang pananaw ni Sartre na maaaring bunga lang ito ng desperasyon
at takot sa harap ng mortalidad. Madalas, ayaw lang nating tanggapin ang realidad na absurdo ang buhay ng tao. Sa ganitong klaseng pananalig,
naniniwala lang tayong may Diyos dahil tinutugunan nito ang intelektwal o emosyonal nating pangangailangan.
Maaari ring nanalig tayo sa paraan na impersonal. Ayon kay Ferriols, sa ganitong pananalig, nakikitagpo tayo sa isang nakahihigit sa atin, na
napakadakila at kagalang-galang na hindi na siya maabalang unawain at makipagtalaban sa tao. Walang nangyayaring pakikipagkapuwa rito.
Maaari itong maihambing sa karanasan ng pagiging panatiko ng isang iniidolo. Inaakala mo lang na mayroon kayong koneksyon dahil marami kang alam
tungkol sa kanya, ngunit hindi naman talaga mulat ang idolo mo sa iyo. Hindi ka niya kayang mahalin o unawain dahil wala siyang pagkilala sa iyo.
Habang maaaring posible ang dalawang nabanggit na pinanggagalingan ng pananalig, maaari rin namang bunga ang pananalig ng personal
na pakikitagpo sa banal—na habang kinikilala mo ang banal bilang dakila at nakahihigit sa tao, may kapasidad pa rin siyang unawain, mahalin, at
makipagtalaban sa iyo. Sa ganitong pananalig, may nagaganap na tunay at malalim na pakikitagpo at pagtugong persona sa persona, loob sa loob.
Marahil ang pinakamalapit na karanasan sa tunay na pakikitagpo sa banal ay ang pagkakaroon ng malalim at matalik na pagkakaibigan sa isang
persona. Hindi ka makikipagtagpo sa lahat ng taong nakakasalamuha mo, ngunit may iilan na nakakasalamuha mo na nagiging bukas kayo sa
pagpepresensiya ng isa’t isa. May nangyayaring mahiwaga sa inyong dalawa kaya nagiging posible ang pakikipagsapalaran ng loob sa isa’t isa,
hanggang sa nagkakaroon na kayo ng malalim na pakikipagkapuwa at pagsasa-isa’t-isa.
Marahil ganito ang karanasan ng tunay na pakikitagpo sa banal—nararanasan natin siya bilang isang ikaw na tunay na nagdirito, isang
personang nakikitagpo sa atin, at hindi lang bilang isang ito. Nauunawaan, nakikipagtalaban, at minamahal niya tayo. Kaya siguro may ibang taong
relihiyoso na pinaninindigang mayroon talagang Diyos: malinaw na nakikitagpo ang Diyos sa kanila bilang isang ikaw, at nasa kalagayan din sila ng
pagbubukas, kaya madali nilang natatanggap, nakakatagpo, at nakikilala ang pagpepresensiya ng banal.
Nakikitagpo tayo sa isang persona rin, ngunit ang pagpepersona ng Diyos ay kaiba sa atin dahil siya ay sumasaibayo. Kung gayon—kung
iba ang larangan ng pagmemeron natin sa kanya—paano nagiging posible ang pakikitagpo natin sa kanya? Nagiging posible ito dahil sa banal na
lugar, ang mga bahagi sa mundo kung saan natin nakakatagpo ang sumasaibayo at banal sa paanuman. Ayon kay Eliade, ang unang karanasan ng tao
sa mundo ay kaguluhan, dahil hindi nila kontrolado ang mga pangyayari. Marupok ang pagmemeron ng mundo, kaya ninais nilang patibayin iyon sa
pamamagitan ng pakikitagpo sa isang mas higit na nagmemeron. Nakakatagpo nila ang mas higit na nagmemerong ito sa mga banal na lugar—mga
punto kung saan may kaayusan at kapayapaan sa gitna ng kaguluhan. Sa mga banal na lugar tumatagos at tumatawid ang sumasaibayong banal,
ang walang hanggan sa may hangganang katalagahan. Kung paano at bakit ito nangyayari ay nananatiling hiwaga sa atin. Ang halimbawa nito ay ang
Jerusalem. Banal na lugar ito dahil may mga mahahalagang naganap dito. Isa na rito ang pagkamatay ni Kristo. Kapag bumabalik ang tao sa mga lugar
na tulad nito, mas nagiging buo siya dahil nakikitagpo siya sa nagpepresensiyang sumasaibayong malikhaing kapangyarihan na nagpapameron sa
lahat.

4. Ang karanasan ng Banal bilang Mysterium-Tremendum-Fascinosum ay intensyonal na damdamin na bunga ng pagprepresensiya ng banal.
Ang karanasan ng taong relihiyoso ay may nakakatagpo siya. Alam niyang merong karanasan ng tunay at konkretong pakikitagpo dahil
nagigising ang intensyonal na damdamin. Ang intensyonal na damdamin ay iyong damdamin na nararanasan ng tao dahil may obhetong ginigising
ito, at iyon ang nagpepresensiya bilang banal. Ang nagpepresensiya bilang banal na ito ay nararanasan ng mga taong relihiyoso bilang isang pakikitagpo
at pagdiritong konkreto at tunay, ngunit hindi rin mabigyang depenisyon o malinaw at eksaktong kahulugan dahil higit sa kanyang pag-uunawa
bilang tao—isang hiwaga o mysterium. Nakakatagpo nila ang ganitong hiwaga bilang tremendum/familiaris/ludens.
Nakakatagpo nila ang banal bilang mysterium tremendum dahil nagpepresensiya ang banal sa tao sa paraang nakakatakot, sa paraang
pinupuno siya ng panginginig. Ang pagkatakot at pagkanginig sa pagpepresensiyang ito ay buhat ng pakikiharap sa isang bagay na napakahigit at
makapangyarihan, na gumalaw lang siya sa presensiya nito, pwede na siyang nang maging wala, bagaman wala namang malisya ito sa kanya. Ramdam
na ramdam niya ang kawalang-halaga niya, kaya hindi siya makalapit-lapit dito. Tinatawag ito ni Ferriols bilang “magalang na pag-urong.”
Kasabay ng karanasan ng mysterium tremendum ay ang karanasan ng mysterium familiare. Nanginginig sa takot ang tao sa presensiya ng
banal, ngunit nananabik siya rito at nabibihag siya nito dahil nakikilala niya na ang tunay na tahanan niya ay nasa banal. Ito ang dahilan kung bakit
naghahanap ang mga relihiyoso ng banal na lugar, kahit na nararanasan nila ang banal bilang mysterium tremendum, kahit na mulat sila sa kawalang-
halaga nila sa harap nito. Kung ang Diyos ay mysterium tremendum lang, hindi kakailanganin ng mga taong relihiyoso na hanapin kung saan
nagpepresensiya ang banal upang manatili roon. Nabibihag sila sa isang walang hanggang sumasaibayong makapangyarihang ikaw na nakakatakot
ngunit tahanan din nila, at puwede silang mapayapa rito. Maihahalintulad ito sa karanasan ng pananahan sa paborito mong lugar, kung saan
nararamdaman mo na niyayakap ka ng mundo, at alam mo na may mabuti sa mundo.
Kasabay ng karanasan ng mysterium tremendum at familiaris, nararanasan din natin ang banal bilang mysterium ludens. Ang pagmemeron
ng tao ay masalimuot at walang hanggang laro ng nagtatalaban. Ang nararanasan nating trahedya at kadiliman ay hindi lang simpleng trahedya at
kadiliman—dito rin nananahan ang pag-asa, sa parehong paraan na, ayon kay Ferriols, nananahan ang pagtitiwala at pananatiling tapat sa pagtataksil
at pag-aalinlangan, at ang kaligayahan sa pagkamatay sa sarili. Dahil sa walang hanggang kayamanan ng larong ito, ang meron ay nagmemeron bilang
hiwaga at walang hanggang kayamanan na patuloy na umuusbong at sumisibol. Tulad nito ang karanasan natin sa banal, na ito’y isang mapaglaro,
maligaya, mayaman, at walang hanggang nagbibigay, kaya walang hanggang kayamanan din ang karanasan natin sa meron at sa pagpepresensiya ng
mga bagay. Kaya natin ito nararanasan bilang mysterium ludens: may isang hiwaga na hindi natin maunawaan o mabigyang depenisyon, pero may
mga pagkakataon talaga sa buhay na nararanasan natin ang laro ng pagbibigay nito. Kasama at inaanyayahan din tayo sa larong nagbibigay na
ito, sa walang hanggang pagpapayaman at pagpapatubo, sa pamamagitan ng ating mga trabaho at gawain bilang tao. Bahagi tayo ng isang larong
nagbibigay, na pinapayaman ang katalagahan, ang sibilisasyon, at ang kalikasan, dahil malay tayo na sumasaibayo ito sa atin, na higit sa atin ang
katalagahan.

5. Nakakatagpo lamang ng mga may hangganang tao ang walang hanggang Banal dahil tinatawid ng Banal ang agwat natin. Itong pagtatawid
ang nararanasan sa heiropaniya ni Eliade at Mysterium-Tremendum-Fascinosum.
Sa karanasang relihiyoso, Nakikitagpo tayo sa isang persona rin, ngunit ang pagpepersona ng Diyos ay kaiba sa atin dahil siya ay
sumasaibayo. Kung gayon—kung iba ang larangan ng pagmemeron natin sa kanya—paano nagiging posible ang pakikitagpo natin sa kanya?
Nagiging posible ito dahil sa banal na lugar, ang mga bahagi sa mundo kung saan natin nakakatagpo ang sumasaibayo at banal sa paanuman. Ayon
kay Eliade, ang unang karanasan ng tao sa mundo ay kaguluhan, dahil hindi nila kontrolado ang mga pangyayari. Marupok ang pagmemeron ng
mundo, kaya ninais nilang patibayin iyon sa pamamagitan ng pakikitagpo sa isang mas higit na nagmemeron. Nakakatagpo nila ang mas higit na
nagmemerong ito sa mga banal na lugar—mga punto kung saan may kaayusan at kapayapaan sa gitna ng kaguluhan. Sa mga banal na lugar
tumatagos at tumatawid ang sumasaibayong banal, ang walang hanggan sa may hangganang katalagahan. Kung paano at bakit ito nangyayari ay
nananatiling hiwaga sa atin. Ang halimbawa nito ay ang Jerusalem. Banal na lugar ito dahil may mga mahahalagang naganap dito. Isa na rito ang
pagkamatay ni Kristo. Kapag bumabalik ang tao sa mga lugar na tulad nito, mas nagiging buo siya dahil nakikitagpo siya sa nagpepresensiyang
sumasaibayong malikhaing kapangyarihan na nagpapameron sa lahat.
Ayon din kay Eliade, ang bawat banal na lugar ay nagpapahiwatig ng isang hieropaniya, isang materyal na manipestasyon o pagpapahayag
ng sumasaibayong banal. Nakikita natin ito sa mga ritwal na ginagawa natin para magpapresensiya ang banal sa atin, tulad ng kapag ipinapakita ang
katawan ni Kristo sa misa. Ngunit mahalagang tandaan na hindi tayo ang may hawak o ang nagtatakda ng pagpepresensiya ng banal. Ang mga
salita at iba pang materyal na pamamaraan na ginagawa natin tuwing ritwal ay hindi galing sa atin. Galing ito sa banal, at inuulit na lang natin ito. Ganito
rin ang karanasan ng banal na lugar. Itinatakda ito ng nagpepresensiyang banal, at ang tao ang tumatanggap ng pagpepresensiyang ito.
Ang pagpepresensiyang ito ay nararanasan ng mga taong relihiyoso bilang isang pakikitagpo at pagdiritong konkreto at tunay, ngunit hindi
rin mabigyang depenisyon o malinaw at eksaktong kahulugan dahil higit sa kanyang pag-uunawa bilang tao—isang hiwaga o mysterium. Nakakatagpo
nila ang ganitong hiwaga bilang tremendum/familiaris/ludens.
Nakakatagpo nila ang banal bilang mysterium tremendum dahil nagpepresensiya ang banal sa tao sa paraang nakakatakot, sa paraang
pinupuno siya ng panginginig. Ang pagkatakot at pagkanginig sa pagpepresensiyang ito ay buhat ng pakikiharap sa isang bagay na napakahigit at
makapangyarihan, na gumalaw lang siya sa presensiya nito, pwede na siyang nang maging wala, bagaman wala namang malisya ito sa kanya. Ramdam
na ramdam niya ang kawalang-halaga niya, kaya hindi siya makalapit-lapit dito. Tinatawag ito ni Ferriols bilang “magalang na pag-urong.”
Kasabay ng karanasan ng mysterium tremendum ay ang karanasan ng mysterium familiare. Nanginginig sa takot ang tao sa presensiya ng banal,
ngunit nananabik siya rito at nabibihag siya nito dahil nakikilala niya na ang tunay na tahanan niya ay nasa banal. Ito ang dahilan kung bakit naghahanap
ang mga relihiyoso ng banal na lugar, kahit na nararanasan nila ang banal bilang mysterium tremendum, kahit na mulat sila sa kawalang-halaga nila sa
harap nito. Kung ang Diyos ay mysterium tremendum lang, hindi kakailanganin ng mga taong relihiyoso na hanapin kung saan nagpepresensiya ang
banal upang manatili roon. Nabibihag sila sa isang walang hanggang sumasaibayong makapangyarihang ikaw na nakakatakot ngunit tahanan din nila,
at puwede silang mapayapa rito. Maihahalintulad ito sa karanasan ng pananahan sa paborito mong lugar, kung saan nararamdaman mo na niyayakap
ka ng mundo, at alam mo na may mabuti sa mundo.
Kasabay ng karanasan ng mysterium tremendum at familiaris, nararanasan din natin ang banal bilang mysterium ludens. Ang pagmemeron
ng tao ay masalimuot at walang hanggang laro ng nagtatalaban. Ang nararanasan nating trahedya at kadiliman ay hindi lang simpleng trahedya at
kadiliman—dito rin nananahan ang pag-asa, sa parehong paraan na, ayon kay Ferriols, nananahan ang pagtitiwala at pananatiling tapat sa
pagtataksil at pag-aalinlangan, at ang kaligayahan sa pagkamatay sa sarili. Dahil sa walang hanggang kayamanan ng larong ito, ang meron ay
nagmemeron bilang hiwaga at walang hanggang kayamanan na patuloy na umuusbong at sumisibol. Tulad nito ang karanasan natin sa banal, na ito’y
isang mapaglaro, maligaya, mayaman, at walang hanggang nagbibigay, kaya walang hanggang kayamanan din ang karanasan natin sa meron at sa
pagpepresensiya ng mga bagay. Kaya natin ito nararanasan bilang mysterium ludens: may isang hiwaga na hindi natin maunawaan o mabigyang
depenisyon, pero may mga pagkakataon talaga sa buhay na nararanasan natin ang laro ng pagbibigay nito. Kasama at inaanyayahan din tayo
sa larong nagbibigay na ito, sa walang hanggang pagpapayaman at pagpapatubo, sa pamamagitan ng ating mga trabaho at gawain bilang tao. Bahagi
tayo ng isang larong nagbibigay, na pinapayaman ang katalagahan, ang sibilisasyon, at ang kalikasan, dahil malay tayo na sumasaibayo ito sa atin, na
higit sa atin ang katalagahan.

6. Dahil sa kasalanan at hangganan ng tao hindi niya nauunawaan ang pagmemeron ng Diyos. Subalit dahil persona ang Diyos, hindi rin
naikakahon sa katiyakan ng patunay ang pag-iral ng banal. Sa halip nakakatagpo ng tao ang banal sa kilos ng pagbubukas ng loob sa pag-
ibig.
“Dahil sa kasalanan at hangganan ng tao, hindi niya nauunawaan ang pagmemeron ng Diyos.” Ang unang dahilan kung bakit hindi natin
makatagpo ang Diyos ay dahil sa kalikasan niya: siya’y sumasaibayo, at tayo’y may hangganan. Kaya nga tinatanong ni San Anselmo sa kanyang
Proslogion, “Kung wala ka rito, saan kita hahanapin?...Kung ikaw ang nasa lahat bakit hindi ka namin makita?” At ang sagot niya rito ay dahil
nananahan siya sa liwanag na hindi maabot-abot. Bumabalik ito sa sinasabi ni Ferriols na nararanasan natin ang Banal bilang isang mysterium, o
isang bagay na hindi maunawaan at maipaliwanag ng tao. Mysterium ang Diyos hindi dahil mahirap siyang ipaliwanag, o dahil walang balangkas para
maunawaan siya, ngunit dahil nasa ibayo siya ng kakayahan nating umunawa.
Hindi rin natin siya makatagpo dahil pinatapon tayo mula sa tunay nating tahanan, na dahil na rin sa pagiging makasalanan natin, sa
pagiging kulong natin sa egotismo natin—sa sarili nating pangangailangan at hangarin. Ito rin siguro ang dahilan ng pagiging “deadly” ng 7 deadly
sins. Sobra tayong kinukulong ng mga ito sa sarili natin at ginagawa tayong mapangwasak na totalite. Sa ating pagiging makasalanan, tinatalikuran
natin ang iba at ang Diyos, dahil masyado tayong abala sa pagpapatupad ng sarili nating mga materyal na pangangailangan. Sa pagiging totalite,
umiiral lang tayo para mapanatili ang sarili natin. Hindi natin nakikita ang tao bilang kaiba, bilang nagdadalang-halaga. Kung hindi natin makita
ang halaga ng ibang tao dahil sa matinding egotismo, paano pa natin magagwang magbukas sa Banal? Lahat naman tayo makasalanan, pero hindi ibig
sabihin nito ay ang buong oryentasyon natin ay nasa pagiging makasalanan na. Pwede pa rin tayong maging bukas sa pagpepresensiya ng Diyos.
“Subalit dahil persona ang Diyos, hindi rin naikakahon sa katiyakan ng patunay ang pag-iral ng banal. Sa halip nakakatagpo ng tao
ang banal sa kilos ng pagbubukas ng loob sa pag-ibig.” Pinakita ito ni San Anselmo sa Proslogion, kung saan sinubukan niyang patunayan na
talagang umiiral ang Diyos gamit lang ang katwiran. Kaya siguro may mga patunay siya rito na mukhang hindi lohikal, tulad ng kakayahan ng Diyos
na dumama (perceptive) kahit na wala siyang katawan, ay dahil hindi naman talaga dapat inuuwi ang pag-iiral ng Diyos sa lohiko o katwiran ng tao. Sa
huli, pinapatunayan nito na hindi sapat ang patunay para makatagpo ang Diyos dahil persona siya at hindi obheto ng katwiran. Hindi rin ito
mahalaga dahil ang humahadlang lang naman talaga sa’tin para makatagpo siya ay ang pagkasarado ng kalooban ng tao sa pagpepresensiya niya.
Dahil persona siya, makakatagpo lang natin siya kung magbubukas at magkakaroon tayo ng ugnayan sa kanya. Ganito madalas ang
karanasan ng ilang relihiyoso sa banal. Para sa kanila, ang pananalig nila ay hindi lang isang teorya na nagsasabing umiiral talaga ang Diyos dahil sa
ilang patunay. Nararanasan nila ang Diyos bilang isang konkretong nakikitagpong Ikaw, kaya hindi talaga maitatangging umiiral ito. Meron talagang
nagaganap na pagtatalaban ng loob sa loob, ng person sa person sa ganitong pananalig.
Dito natin makikita na ang pakikitagpo sa Diyos ay isang relasyon o kaugnayan. Nasa pinakabuod ng relasyong ito ang pagbubukas ng sarili
at ang pag-ibig. Bilang isang ikaw, inaanyayahan niya tayong pumasok sa isang kaugnayan ng pag-ibig, ng ganap na pagbubukas, ng pagbibigay ng
sarili, nang sa gano’y makatagpo natin ang ating bukal ng kaligayahan, pagkabuo, pagsasatupad ng sarili.

7. Nakaugat ang pag-asa sa katiyakan na may isang Ikaw na sumasaibayo sa kadiliman at trahedya ng ating pag-iral; sa isang mabuting ikaw
na nangangako ng kabutihan sa ibayo ng kadiliman.
Ang realidad ng buhay ng tao ay ito: na tayo ay nananahan sa kadiliman na higit sa atin, na nilalagay sa panganib ang ating kabuuan bilang
tao. Ang optimismo ay isang uri ng taktika para laktawan o iwasan ang kabuuan ng kadilimang ito. Ayon kay Marcel, ang optimista ay isang taong
“may matatag na paniniwala—o, sa ilang kaso, basta’t may malabong kutob—na ang mga bagay ay nakatakdang maaayos din.” Nakikita niya ang
“liwanag” sa lahat ng sitwasyon. Ang ganitong pagtakda ng sariling liwanag ay kulong pa rin sa egotismo niya at sa kanyang pagtangging harapin
at tanggapin ang realidad ng kadiliman. Pinipilit niyang marating ang isang ganap na liwanag, pero ang liwanag na nakikita niya ay walang kinalaman
sa tunay na liwanag. Nakikita ito kapag nararanasan ng tao ang pagkasayang sa kanyang buhay, sa dinami-raming taon niyang pagsisikap para marating
ang kung ano siya ngayon, kung siya ay mamamatay rin lang. Tinutugunan ng kalooban at kaisipan niya ang karanasan ng pagkasayang na iyon sa
pamamagitan ng pagtatakda ng ideya na magiging maayos din sa huli ang lahat. Sa huli, makikita niya lang rin ang liwanag na nais niyang makita.
Isa lamang itong mekanismo ng katawan upang hindi gaanong malugmok sa harap ng nakalalamong katotohanan ng kadiliman. Ito ay ginagamit na
pampalubag-loob lamang.
Lagi nating naririnig mula sa kanila ang payo na kung magkakaroon lamang tayo ng positibong pananaw sa mga bagay-bagay ay hindi tayo
masyadong mamomroblema. Kapag may taong may malubha at nakamamatay na sakit, sasabihin ng optimista na magtiwala lang dahil alam niyang
gagaling din siya. Kapag may taong may sikolohikal na kondisyon, Kapag may taong namatayan, sasabihin niya na hindi naman ito kailangang maging
sanhi ng pagkalugmok dahil sigurado siyang masaya naman ang pumanaw sa langit. Kapag narinig na may malaking posibilidad na magunaw na ang
mundo dahil sa palala nang palalang pag-iinit ng mundo, sasabihin niyang hindi ito mangyayari dahil alam niyang ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan
mula rito. Ang ganitong tugon sa iba’t ibang kadilimang pumapalibot sa atin araw-araw ay nasa oryentasyon ng tinatawag ni Marcel na “aba ako.”
Nagiging paligsahan ang buhay ng kung sino ang pinaka hindi apektado ng kadiliman. Iniisip niya na kung kasinglakas lamang ng pananalig niya ang
pananalig ng ibang tao, at kung kasing dunong siya ng ibang tao, makikita rin nila na wala naman talagang kadiliman, na walang dahilan para matakot
dahil sigurado siyang hindi hahayaan ng Diyos na magdusa tayo.
Ang optimismo ay kilos ng kawalang pag-asa, dahil iniisip ng optimista na ang tao lang ang puwedeng makalagpas sa kadilimang
pumapalibot sa kanya sa pamamagitan ng sarili niyang kapangyarihan (tulad ng agham at ng patunay ng kasaysayan) o sa pagtatangkang manipulahin
ang Diyos para lumitaw ang kung ano mang nais niyang mangyari sa katalagahan. Kung ito ang totoong diwa ng pag-asa, talagang tama si Sartre na
ginagamit lamang nating ang pag-asa bilang mekanismo ng egotismong takot mamatay. Umaasa lamang tayo dahil may intelektuwal o emosyonal
tayong pangangailangan na tinutugunan nito.
Bagaman tinuturing na magkasalungat ang optimismo at pesimismo, sa katunayan ay magkapareho lang ang dalawa. Ang paninindigan
ng pesimista (at istowiko, na mas pilosopikal na pesimista) ay kadiliman ang huling salita at, sa huli, absurdo ang buhay, kaya’t yakapin na lamang
ang pagkaabsurdo nito at mabuhay nang may dangal. Katulad ng optimista, tinatalikuran niya na ang kabuuan ng kadiliman ng buhay at itinatakda na
alam niya na ang kahihinatnan ng mga bagay-bagay. May atitud din siya ng “aba ako.” Nagiging paligsahan ang buhay ng kung sino ang pinakatanggap
ang kadiliman—at sa gayon, kung sino rin ang pinakahindi apektado ng kadilimang ito. Iniisip niya na kung kasing taas lang ng kaalaman ng ibang tao
ang kaalaman niya, kung mahusay lang kumilatis ng katotohanan ang ibang tao tulad niya, mapagtatanto rin nila na wala nang ibang realidad kundi ang
pagkawasak ng tao.
Parehas ang optimismo at pesimismo sa kanilang tunguhin: na laktawan at talikuran ang katotohanan ng kadiliman. Parehas din nilang
inilalagay sa sarili nilang kamay ang kahahantungan ng lahat. Ngunit ang buong punto ng pag-asa ay ang simpleng pagtitiwala o pananalig sa isang
Ikaw na sumasaibayo sa lahat ng kadilimang ito at nangangakong meron pa, na hindi ang kamatayan ang huling salita. Lagi’t laging ang pag-asa ay
lumilitaw kapag wala na talagang maaaring asahan ang tao. Hindi ito bunga ng kanyang kakayahang makita o maitakda ang paglagpas sa kadiliman.
Hindi niya talaga alam kung ano ang mangyayari, ngunit alam niyang hinaharap niya ang kadilimang ito. Hindi niya ito tinatalikuran, at hindi rin siya
nagbubulag-bulagan dito. Ngunit alam niyang hindi kadiliman ang huling salita, sa paanuman. Alam niya ito dahil mayroong nangangako na hindi ito
ang huling salita, at nagtitiwala siya rito, dahil may tunay siyang pagkilala at pagmamahal dito.

8. Hindi likas ang biyaya sa tao. Bunga ito ng pagbubukas ng tao sa malalim na komunyon sa kapwa. Sa komunidad ng pag-ibig
nagprepresensiya ang Ikaw na sumasaibayo sa kadiliman.
Kung iisipin natin, bilang mga tao, nakakulong tayo sa ating pagkatao at sa ating sarili. Buong buhay nating binibigyang diin ang paghahanap
at pagiintindi kung sino ba talaga tayo at kung ano ba ang lugar natin sa mundong ito. Ang tao ay mga totalite, at sinusubukan nating umawain ang mga
nangyayari sa ating paligid sa paraan na komportable tayo, sa paraan na malapit at pamilyar sa atin. Dahil dito, madalas ay hindi natin nakikita o
nauunawaan ang kaiba, kung kaya’t palagi nating sinusubukang intintidihin ang ganap na kaiba. Kung pag-uusapan natin ang Diyos, madalas natin
siyang naiintindihan o nililimita base sa kung ano ang halaga niya sa atin bilang mga tao. Sa ganitong gawi, inuuwi pa rin natin siya sa sarili nating
katwiran. Ginagawa natin ito tuwing sinisisi natin ang diyos sa ating mga problema, tuwing nagdadasal tayo sa kanya para tugunan ang ating mga
kailangan, at kung nililimita at tinatrato natin siya bilang obheto lamang. Para kay Levinas, isang insulto ito sa kaiba dahil ginigipit mo ang kahulugan
at ang diwa ng kaiba sa kung ano ang katulad at kung ano ang mas madaling intindihin para sa sarili mo at mas pabor at makahulugan sa kung
sino ka man. Masasabi natin na ganap na kaiba ang diyos dahil umiiral siya at nagprepresensya siya sa paraan na kung susubukan mong intindihin sa
sarili mong perspektibo at katulad, hindi na ang diyos ang diyos.
Upang maunawaan natin ang ganap na kaiba nang hindi siya inuuwi sa katulad, kinakailangan nating intindihan ito sa ating kapwa tao. Ang
mga karanasan natin sa ating kapwa tao ay karanasan na rin sa kaiba na posibleng hindi natin iniuuwi ang kaiba sa katulad. Paano natin ito
gagawin? Ayon kay Levinas, kapag nagpresensya sayo ang mukha at nakita mo ang pagkaiba ng iba, doon mo mapapansin at masasabi sa sarili mo
na hindi katulad ang kaiba, na hindi mo kayang ilimita ang kaiba sa kung ano man ang katulad. Sa mga karanasang ito, tumatagos ang pagkaiba ng
kaiba at nababasag ang isang bahagi ng pagka-totalite natin bilang tao. Ginigising ka ng karanasang iyon at tinatawag kang lumabas sa kung saan
ka komportable at gumalaw nang papalabas, kasi hindi na angkop ang mga tugon mo na papaloob. Nagprepresensya ito sayo bilang utos – utos na
nagsasabi na kailangan mo itong tulungan, hindi para ibalik sa katulad, ngunit para tugunan yung kaiba. Kinakailangan mo itong mahalin, tulungan,
at ibigay ang buhay mo sa paglilingkod sa kanya. Sa pagtugon natin sa pagkaiba ng kaiba ng ating kapwa, tila nakikita natin ang iba’t ibang mga kalidad
ng diyos sa kanila, lalo na’t ang kapwa natin at ang diyos natin ay kaiba. Nauunawaan natin ang pagkaiba ng diyos sa pamamagitan ng pagkamulat
sa responsibilidad natin bilang mga tao at bilang katulad na tugnan ang pagkaiba ng kaiba.
Para talagang makatagpo ang walang hanggan na nangangako na hindi ang kamatayan at kadiliman ang huling salita, kailangan talagang
magbukas sa isang kilos ng pag-ibig, na tinatawag ni Levinas na pananagutang walang hanggan, ni Marcel na komunyon. Pero iisa lang ang ibig
sabihin nito: na masangkot ka sa karanasan ng pagbubukas/pagkamulat sa halaga ng kapwa, para mapunta ka sa isang kalagayan ng pananahan sa
pag-ibig ng kapwa. Habang nananahan ka sa pag-ibig ng kapwa, ikaw ay mismong nakikitagpo sa pag-ibig. At sa pakikitagpo sa pag-ibig, doon mismo
ang pakikitagpo ng walang hanggang ikaw na nangangako na hindi ang kadiliman ang huling salita.

9. Sa buod nito, ang karanasang relihiyoso ay karanasan ng pag-asa. Ito’y mapagtiwalang pagbubukas sa Ikaw na inaasahan ko alang-alang
sa atin.

May tatlong karanasang relihiyoso na ating natalakay sa klase – kay Eliade, kay Ferriols, at kay Levinas. Ang karanasan ni Eliade, o ang
hierophany, ay ang pisikal na karanasan ng relihiyoso. Sa karanasang ito, ang presensya ng banal ay nakikita, naririnig, nahahawakan, o
natitikman. Dahil dito, masasabi natin na ang karanasang ito ay makikita natin sa paligid natin. Ang karanasan naman ni Ferriols ay ang mysterium-
tremendum-fascinosum. Sa karanasang ito, ang presensya ng banal ay nakikita sa pamamagitan ng karanasan mismo. Sa mga karanasang ito,
namumulat tayo sa katotohanang walang wala tayo kung ikukumpara natin ang sarili natin sa banal. Ang pagmemeron ng banal ay kumpleto at dahil mas
makapangyarihan ito, namumulat tayo sa kapangyarihan nito at napagtatanto natin na maaari tayong durugin ng banal dahil sa kanyang kapangyarihan.
Ngunit sa kabila nito, sa karanasang ito, tila lumalapit pa rin tayo sa banal dahil gusto nating mabuo ang ating sarili at gusto nating makilala at malaman
ang banal. Ang huling karanasan ay ang karanasan ni Levinas. Sinasabi ni Levinas na kung paano man magpresensya sa atin ang banal, dumarating
ito bilang isang utos na tumatawag ng ating pansin. Sa pagtawag ng ating pansin, tila inuutusan tayo ng banal at nagkakaroon tayo ng responsibilidad
na sundin at panindigan ang utos na ibinigay ng banal sa atin.
Sa kabuuan, masasabi natin na pwede rin namang hindi natin pakinggan o piliin nating hindi makita ang pagpresensya ng banal sa
atin. Sa katahimikan ng pagpresensya ng banal, madali itong hindi pansinin at hindi makita, kung kaya’t may posibilidad na hindi natin ito paniwalaan.
Ngunit sa ating klase, napagusapan natin na ang tunay na estado ng buhay ng tao ay kadiliman. Ito ang estado ng ating buhay kasi hindi naman
talaga natin alam kung ano ang susunod na mangyayari. Wala tayong kaalam-alam kung hanggang saan na lang ang buhay natin o kung ano na
ang susunod na bahagi ng ating buhay. Maraming beses na nababalot tayo ng panganib at hamak, minsan ay hindi pa natin ito tunay na nakikita, kaya
minsan, mahirap rin mamuhay dahil alam mong may posibildad na mawala ka dahil sa mga panganib na ito na nagbabanta ng iyong pamumuhay at
pagmemeron. Sa mga pagkakataong ito, napagtanto ko na kahit na mulat ka sa panganib na ito, ang karanasan ng tunay na pag-asa ay ang paninidigan
mo para sa sarili mo. Kahit na alam mo namang may hangganan ka, hindi mo yun uunahan. Bibigyan mo ang sarili mo ng pagkakataong magmeron
hangga’t sa meron pa at hangga’t sa dulo ng iyong pagmemeron.

Sinasabi ni Marcel na ang pag-asa ay nasa kalagayan ng “umaasa ako sa Iyo alang-alang sa amin.” Ang ibig sabihin nito ay Hindi mo
naman makikita ang Diyos kung walang kayo na nasa kaugnayan ng pag-ibig, kung wala ang komunyon, dahil ang Diyos mismo ang komunyon.
Maraming nagsasabi na ang Diyos ay isang ilusyon lang na nakakahadlang at nagiging sanhi ng gusot. Maaari nga. Pero sa huli, ang Diyos ay
presensya. Malalaman mo lang talagang may Diyos kung bukas ka sa presensya ng walang hanggan. Pero mahirap magbukas sa presensya ng
walang hanggan dahil (1) may hangganan ka at (2) may pagbaling ka sa pagiging makasarili. Para magbukas sa presensya ng Banal,
nangangailangan ito ng kilos ng pagbasag ng egostismo mo. Pero hindi ibig sabihin na imposible ito. Nandito naman ang paraan ng pagbubukas sa
banal na ‘yon, at nagsisimula siya sa kapwa. Sa kapwa na inaanyayahan kang lagpasan ang egotismo mo at magbukas sa posibilidad ng meron pa, dahil
sa kaugnayang iyon lang nagpepresensya ang kaiba na nagdadala ng pangako ng meron pa.
Sa harap ng kadiliman, kung saan hinaharap mo ang panganib ng iyong pagkawala, nandoon lagi ang potensya at presensya ng isang
Ikaw na nangangako na ang panahon ay hindi pa tapos, na ang panahon ay posibilidad, na ang pagmemeron ay laging meron pa, na ang ating
pagmemeron sa mundong ito ay hindi nagwawakas sa ating karupukan at pagkawala.
Dito nakikita ang pagkakaiba ng paninindigan ni Sartre doon sa mga may pananalig. Para sa kanya, absurdo ang lahat. Panindigan mo ang
sarili mong pagpapatupad ng kalayaan ayon sa iyong dignidad. Tanggihan mo na merong Diyos dahil nilalabag niya ang iyong dangal bilang persona.
Ang sinasabi naman ng taong may pananalig ay walang kinalaman sa pagtatatag ng dangal ko bilang persona, pero bilang tugon sa
isang nagpepresensya na inaanyayahan ako sa isang kilos ng pag-ibig.

You might also like