Professional Documents
Culture Documents
Modyul 13 Mangarap Ka!
Modyul 13 Mangarap Ka!
Modyul 13 Mangarap Ka!
Nasisilip mo sa iyong mga pangarap ang mga maaaring kahinatnan ng iyong mithiin sa
buhay.
Maraming nagsasabi na libre lang raw ang mangarap. Kaya nga kung mangangarap ka, itodo
mo na.
Tiyak na may mga pangarap ka sa buhay. Ang mga pangarap na ito ay sinisimulan mo nang
tuparin. Hindi nga ba’t nag-aaral ka ngayon para maabot ang mga pangarap na ito. Pero ang lahat
naman talaga ng tagumpay ay nagsisimula sa pangarap. Tila nga ito isang maliit na binhi na
kinakailangan ng maingat na pag-aalaga upang lumago at magbunga.
Ang pangarap ay kakaiba sa panaginip. Ang panaginip ay nangyayari lamang sa iyong isipan
habang ikaw ay natutulog. Kapag nagising ka na, natatapos din ito.
Hindi rin pagpapantasya ang pangarap. Ang pantasya ay likha ng malikhaing isip. Ito ay ang
pagbuo ng mga sitwasyon o pangyayari ayon sa iyong kagustuhan.
Lumilipas ang panahon kaya dapat kung mayroon kang pangarap ngayon, umpisahan mo
nang magplano upang maisakatuparan ito.
Sa ngayon, ang unang hakbang na kailangan mong gawin ay ang pagtukoy sa iyong mga
pangarap at pagpapasya kung alin sa mga pangarap na ito ang, sabi nga ng After Image band,
“itatanim sa puso” bilang iyong mga mithiin sa buhay.
Ang pangarap na kongkreto ay paglalapat ng iyong sariling saloobin, talento, kakayahan,
pagpapahalaga at naisin sa buhay. Malapit sa katotohanan ang iyong pangarap kung alam mo kung
paano ito maisasakatuparan.
Ang “goal” o mithiin ay ang tunguhin o pakay na iyong nais na marating o puntahan sa
hinaharap. Sa simpleng salita, ito ang nais mong mangyari sa iyong buhay balang araw.
Samakatwid, ang mithiin ang magbibigay ng direksyon sa iyong buhay. Ang pagkamit nito ang
magbibigay ng saysay sa iyong buhay.
Iwasan ding ipahayag ito sa negatibong paraan o huwag magtakda ng mithiin upang
pasakitan ang iba, gumanti sa iba o higitan ang iba.
Hindi lamang sapat na itakda ang mithiin kundi dapat ito ay itakda sa parehong hangganan:
pangmadalian at pangmatagalan. Tandaan:
Ang pangmadaliang mithiin (short-term goal) ay maaaring makamit sa loob ng isang araw,
isang linggo, o ilang buwan lamang.
Ang pangmatagalang mithiin (long-term goal) ay maaring makamit sa loob ng isang
semestre, isang taon, limang taon o sampung taon.
Ang pangmatagalang mithiin ay karaniwang makahulugan at mahalagang mithiin. Iyon nga
lamang, ang pagkamit ng pangmatagalang mithiin ay malayong hinaharap. Ang resulta, nawawala
ang tuon sa pagpapanatili ng positibong pananaw na makakamit ang mithiin sa hinaharap. Ang iba
ay pinanghihinaan ng loob at nagdududa na makakamit nila ang itinakdang pangmatagalang mithiin.
Dito nakatutulong ang pagtatakda ng kakailanganin mithiin o enabling goal. Ito ay
espesyal na uri ng pangmadaliang mithiin dahil ito ay pantulong sa pagkamit pangmatagalang
mithiin.
Sa pagtatakda ng pangmadalian at pangmatagalang mithiin, kailangan mo ring suriing mabuti
ang mga maaaring mangyari sa bawat yugto patungo sa iyong mithiin.