Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 10

Si Wigan at si Ma-I

Dalawang libong taon na ang nakalilipas, may alitan ang bayan ng Banaue at Mayaoyao. Itinuturing noon
na isang karangalan ang makapatay ng kalaban. Sa panahong ito nabuhay si Wigan, anak ng hari ng
Banaue na si Ampual.

Minsan, si Wigan ay nangaso sa kagubatan. Nang magawi siya sa isang talon upang magpahinga, nakakita
siya ng isang dalagang naliligo. Naakit siya sa kagandahan nito ngunit napansin niyang ito ay isang
dayuhan at walang karapatang maligo sa lupain ng Banaue.

Papatayin na sana ni Wigan ang dalaga nang pigilin siya ng isang ahas. Nakilala niya na ang ahas ay si
Lumawig, ang diyos ng kalangitan.

Sa halip na ipagpatuloy ang naunang balak, sinamahan ni Wigan ang dalaga pauwi.

Nalaman niyang ang pangalan nito ay Ma-i, anak ng hari ng Mayaoyao na si Liddum. Sa kanilang
mahabang paglalakbay, nabuo ang kanilang pag-iibigan.

Pagdating sa lupain ng Mayaoyao, agad na dinakip si Wigan. Siya na ngayon ang dayuhan sa lupain ni Ma-
i.

Nakiusap si Ma-i sa kanyang ama. Isinalaysay niya ang pangyayari.

“Maaaring pinaslang niya ako nang mahuli niya akong naliligo sa kanyang lupain ngunit siya ay nahabag.
Sa halip, sinamahan pa niya ako pauwi nang ligtas sa anumang kapahamakan. Mahabag ka sa kanya.
Ama, tulad ng pagkahabag niya sa akin,” nagmamakaawang sabi ng dalaga.

Nag-isip si Liddum. Ang kahilingan ng kanyang anak ay taliwas sa nais ng mga mamamayan ng Mayaoyao.
“Siya ay mamamatay kung hindi niya kayang ipagtanggol ang kanyang sarili,” pahayag ng hari. “Mga
mamamayan ng Mayaoyao, piliin ninyo ang pinakamahusay nating mandirigma upang makatunggali ng
binatang mula sa Banaue. Ang magwawagi sa labanan ang siyang magiging asawa ng aking anak.”

Sumang-ayon ang mga mamamayan ng Mayaoyao. Pinili nila ang pinakamagiting nilang mandirigma
upang makalaban ni Wigan. Nagsimula na ang paghaharap ng dalawa.

Mula naman sa Banaue, dumating ang isang daang mandirigma na naghahanap sa anak ng kanilang hari.
Nakita nila si Wigan na nakikipaglaban. Humanda silang maipaghiganti ito kung sakaling magagapi ito.

Sa kabutihang palad, nanalo si Wigan at naiwasan ang sana’y madugong pagtutuos ng mga maiidirigma
ng Banaue at Mayaoyao.

Isang canao (handaan) ang sumunod. Si Ma-i ang namuno sa sayaw ng kasalan. Tuluy-tuloy ang pagtunog
ng gansa. Umabot ang kasayahan sa loob ng siyam na araw.

Sina Wigan at Ma-i, kasama ang mga mandirigma ng Banaue, ay naglakbay pabalik sa Banaue. Habang
naglalakbay, naisip ni Wigan ang kanyang ama. Matanda na ito at marahil ay naghihintay na rin itong
magkaapo. Ngunit nag-asawa siya nang walang pahintulot ng ama. Sasang-ayon kaya ito sa kanyang
ginawa?

Sa hagdan-hagdang palayan nagtagpo sina Wigan at Ampual. Hinanda na ng binata ang kanyang sarili.

“Sa simula ng paggawa ng ikawalong baitang ng palayan, iyon ang magiging taon ng aking pag-aasawa.
Ama, narito na si Ma-i, anak ng hari ng Mayaoyao. Ang kanyang amang si Liddum at mga mamamayan
nito ay naging mabait sa pagtanggap sa akin.”

Tiningnan ni Ampual si Ma-i. Hindi man nagsalita ay alam ni Wigan na naunawaan siya ng ang ama.
Habang naglalakad ay nag-iisip si Ampual ng sasabihin niya sa mga nasasakupan. Masayang sumalubong
naman ang lahat. Nagwika ang hari sa mga taga-Banaue.
“Ako ay matanda na. Hindi magtatagal at makakapiling ko na rin ang ating mga ninuno. Bago ito
mangyari ay nais kong makita ang aking anak na mag-asawa at handa nang pumalit sa akin. Narito ang
dalaga mula sa Mayaoyao. Mga dalaga ng Banaue, piliin ninyo kung sino sa inyo ang pinakamaganda na
maaari nating itapat sa panauhing padala ni Lumawig. Mula sa dalawa, pipiliin namin ng aking anak kung
sino ang higit na maganda.

Ang mapipili ay mapapangasawa ng aking anak at ang hindi ay mamamatay. Bilang gantimpala sa
magwawagi, ang kanyang karanasan ay magiging alamat sa ating mga anak.”

Pumili ang mga mamamayan ng Banaue ng dalagang itatabi nila kay Ma-i. Nang sila ay makapili, lahat ay
sumang-ayon na iyon na nga ang pinakamaganda sa mga taga-Banaue.

Nagtabi na ang dalawang dalaga. Tunay ngang di-pangkaraniwan ang mga kagandahang nasa harap ni
Wigan ngayon.

Nagtanong si Ampual.

“Ano na nga ba ang pangalan ng dayuhan?”

“Ma-i,” tugon ni Wigan.

“Sumasang-ayon ka ba na si Ma-i ang higit na maganda?”

“Opo,” sagot ni Wigan na nagagalak sa desisyon ng ama.

Inihayag ng hari na nagwagi si Ma-i. Nagalak ang mga tao. Sa kasiyahang ito, nagwika si Ma-i.
“May isang kahilingan po ako, dakilang pinuno ng Banaue. Hayaan niyong ang dalagang aking nakatapat
ay manatiling buhay nang walang kahihiyan. Ito’y upang ang kanyang karanasan ay magsilbing alamat ng
ating mga anak.”

Pinagbigyan ni Ampual ang kahilingang ito ni Ma-i. Sinimulan na ang ikawalong baitang ng hagdan-
hagdang palayan at naganap muli ang kasalan nina Ma-i at Wigan. Ito ang naging simula ng kapayapaan
sa pagitan ng Banaue at Mayaoyao na umabot hanggang sa kasalukuyan.

Aral:Ang maayos na pakikipag-usap ay nagdudulot ng kapayapaan. Gulo naman ang hatid ng hindi
pagkakaunawaan.Mas maiging piliin ang kapayapaan kaysa karahasan.
Ang Lugar sa Habang Panahon

Isinulat ni Ms. Necang mula sa Facebook

Isang dapit hapon sa araw ng Biyernes, may isang lalake ang nakatayo sa tapat ng simbahan at tila
malalim ang iniisip. Di anu-ano’y may isang babae ang bumunggo sa kanya, sa lakas ng pagkakabunggo
ay napaupo silang dalawa sa sahig. Agad namang tumayo ang lalake at itinayo niya ang babae. Nang
makatayo ang babae ay agad naman itong humingi ng tawad sa lalake. Ngunit walang reaksyon ang
lalake kaya nagpakilala ang babae.

“Ako nga pala si Audrey. Ah… Alam mo kasi nagmamadali ako ngayon e. Pero may masakit ba sayo o kung
ano man?”

“Ah… Wala naman,” sagot ng lalake ngunit wala pa ring reaksyon ang kanyang mukha.

“Sigurado ka? Pasensya na ha!? Di ko talaga sinasadya,” wika ni Audrey na halatang nag-aalala. Tumango
lang ang lalake pero wala pa ring reaksyon ang mukha. Paalis na si Audrey ng maalala niya na di pa pala
niya naitanong ang pangalan ng lalakae.

“Ah! Ano nga palang pangalan mo?” napakunot ang noo ng lalake.

“Ako nga pala si Terrence,” wika nito pero halata mo na nagtataka ito. Ngumiti si Audrey at tuluyan ng
nagpaalam kay Terrence.

Araw ng lunes nagmamadali si Audrey pumasok sa eskwelahan. Nang makapasok na siya ay agad siyang
pumunta sa silid aklatan. Nang makarating siya doon may nakita siyang pamilyar na tao. Nilapitan niya
ito at tinitigan ng mabuti at naalala niya na si Terrence yon. Gusto niya sanang kausapin ngunit nabatid
niya na marami itong ginagawa kaya di na lang niya ito inabala. Umupo si Audrey sa kalapit ng
nagbabantay ng silid aklatan.
Maya-maya, napansin ni Audrey si Terrence na tila di ito magkandaugaga kung paano niya dadalhin ang
napakaraming libro kaya na isip niya na tulungan ito. Nilapitan ni Audrey si Terrence,

“Tulungan na kita” wika nito ng nakangiti.

“Hindi na kaya ko naman ito, salamat na lang.” Pagtanggi ni Terrence sa alok ni Audrey.

Ngunit nagpumilit pa rin si Audrey kaya wala ng nagawa si Terrence, hinayaan na lang niya si Audrey.
Simula noon lagi na sila magkasama sa loob ng eskwelahan, hanggang sa mahulog ang dalawa sa isa’t
isa.

Sa di inaasahang pagkakataon nadulas si Audrey at na amin niya ang nararamdaman para kay Terrence,
ngunit parang walang narinig si Terrence at agad na iniba ang kanilang pinag-uusapan.

Nagulat si Audrey sa ginawang iyon ni Terrence pero inisip na lang nya na mas maganda na iyon kesa sa
iwasan siya nito. Kinabukasan, nagtataka si Audrey kung bakit miski anino ni Terrence ay wala, inisip niya
nalang na baka may inasikaso na napaka-importante.

Isang linggo na ang nakalipas ngunit di pa rin pumapasok si Terrence.

Halos lahat ng mga guro nito ay hinahanap na siya gayon din ang mga taong nakakakilala dito. Mas lalong
nag-alala si Audrey dahil halos tatlong linggo nang di pumapasok si Terrence kaya minabuti na nitong
magtanong-tanong pero iisa lang ang sagot sa kanya, “Hindi ko alam”.

Hanggang isang estudyante ang lumapit sa kanya at sinabi kung saan nakatira si Terrence. Agad namang
nagpasalamat si Audrey at pinuntahan ang lugar. Laking pagtataka ni Audrey ng walang sumasagot sa
loob ng bahay nina Terrence. Mabuti na lang lumabas ang kapitbahay nina Terrence, “Ay wala pong tao
dyan” pagbibigay alam nito kay Audrey.

“Ah… Ganon po ba!? Lung ganon po asaan po kaya ang mga tao dito?” Pagtatakang tanong ni Audrey.
“Eh, sino bang hanap mo?” Pagtatanong ng kapitbahay.

“Si Terrence po,” sagot ni Audrey.

“Ah! Terrence ba kamo!? Nasa ospital siya ngayon balita ko nga malala na ang lagay. Kawawa nga ang
batang iyon ang bait pa naman,” pagsisiwalat ng kapitbahay.

Agad na umalis ai Audrey at pumunta sa ospital kung saan naroon si Terrence. Nang makarating si
Audrey kung nasaan ang kwarto ni Terrence, tila nag-iiyakan ang mga tao doon. Nang buksan na ni
Audrey ang pinto ay nagtaka siya ng walang pasyente ang nakahiga roon, puro mga tao lang na nag-
iiyakan ang naroon.

Isang may edad na babae ang nagtanong sa kanya, “Ikaw ba si Audrey na kaibigan ng aking anak?”

“Opo, ako nga po si Audrey.” Pagsang-ayon ni Audrey sa babae.

Agad siyang niyakap ng babae at nagwika, “Ako ang kanyang ina, kasalukuyan siyang nawawala at sa
ngayon ay di namin mahanap. Tulungan mo kami, alalang- alala na kami sa kanya. Di na namin alam ang
gagawin, may sakit pa naman siya.” Humahagulgol na sagot ng babae.

“Ano po bang sakit ni Terrence?” Pagtatanong ni Audrey na ngayon ay humahagulgol na din.

Umalis sa pagkakayakap ang babae, “Si Terrence ay may sakit sa puso. May butas ang puso niya, di namin
namalayang lumalaki na ng lumalaki ang butas sa puso niya. Kailan lang namin nalaman at dapat bukas
na siya ooperahan ngunit nawawala siya.” Mas lalong lumakas ang paghagulgol ng babae.
Natulala na lang si Audrey sa mga narinig niya. Sa ngayon ay tulala pa rin siya at di niya namalayang
dinala siya ng mga paa niya sa tapat ng simbahan kung saan sila nagkita ni Terrence. Pumasok siya sa
loob ng simbahan at laking gulat nito ng makita niyang nakaupo si Terrence malapit sa may altar.

Nilapitan niya ito at tinanong, “Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo!? Mahahalata mo sa boses ni
Audrey ang labis na pag-aalala.

“Bakit ka umalis sa ospital? Terrence may sakit ka at kailangan mo ng ma-operahan” dagdag pa nito.

Ngunit laking pagtataka ni Audrey ng ngumiti lang sa kanya si Terrence at niyaya pa siya nitong umupo sa
tabi niya.

“Alam mo Audrey sa simbahang ito una akong nanirahan. Iniwan ako dito ng tunay kong mga magulang,
buti na lang dumating ang ina’t ama ko ngayon at kinupkop nila ako pero ni minsan di ko naramdaman
na di nila ako tunay na anak,” wika ni Terrence habang nakatingin sa altar ng nakangiti.

“At isa pang dahilan kung bakit mas lalong naging mahalaga sa akin ang lugar na ito. Ay yung dito ko
nakilala ang babaeng mamahalin ko at ikaw yon Audrey. Patawad kasi noong sinabi mo yung
nararamdaman mo sakin nagbingibingihan ako, natatakot lang ako noon na baka masaktan ka lang. Ang
gusto ko lang ay maging masaya ka pero nakikita kong nasasaktan kita,” dagdag ni Terrence.

Mas lalong tumulo ang luha ni Audrey. “Terrence ano ka ba!? Halika na bumalik na tayo sa ospita baka
kase makasama pa sayo kung di pa tayo babalik doon,” akmang tatayo na si Audrey ng hawakan ni
Terrence ang kamay niya.

“Ayaw ko ng bumalik doon, nakikiusap ako sayo Audrey,” pagmamakaawa ni Terrence.

Wala nang nagawa si Audrey kaya tumango na lang siya. Hinigpitan ni Terrence ang pagkakahawak niya
sa kamay ni Audrey.
“Audrey ipangako mo na aalagaan mo ang sarili mo at tutuparin mo lahat ng pangarap mo. At syempre,
huwag mong kakalimutang dalawin ako kapag natupad mo na lahat yan,” wika ni Terrence ng nakangiti.

“Ano bang…”

Di na natapos ang sasabihin ni Audrey ng biglang magsalita si Terrence.

“Dito ako nagsimula kaya gusto ko dito rin ako magtapos kasi lahat ng nandito ay mahalaga para sa akin.
Kaya sa tuwing maaalala mo ako, dito ka lang pumunta o kaya kapag nalulungkot ka, nandito lang ako
pangako. Huwag mong kakalimutan yan ha!? Ipangako mo,” wika ni Terrence at unti-unti niyang
ipinatong ang ulo niya sa balikat ni Audrey.

Tumango naman si Audrey na umiiyak pa din. Naramdaman na lang ni Audrey na unti-unting lumuluwag
ang pagkakahawak nito.

Lumipas ang maraming taon nakatapos ng pag-aaral si Audrey at ngayon ay nagtatrabaho na sa malaking
kumpanya. Kasalukuyan siyang nasa tapat ng simbahan kung saan una silang nagkakilala. Pumasok siya
sa loob ng simbahan at bigla na lang ngimiti ang mga labi niya at muli siyang naupo sa malapit sa altar
kung saan sila nakaupo ni Terrence dati.

Nagdasal muna si Audrey ng taimtim sa Panginoon.

“Terrence ito na, natupad ko na yung pangako ko sayo. Ilang taon na din na hindi kita kasama sobrang na
mi-miss na kita. Alam mo….” Nangingiyak nyang sabi ng putulin siya ng isang tawag mula sa kanyang
likuran.

“Audrey”.

Laking gulat niya ng makita ang lalaki at agad niya itong niyakap.
“Terrence nagbalik ka, ang tagal mong nawala” nagagalak na wika ni Audrey.

“Sabi naman sayo nandito lang ako.” Wika ni Terrence habang yakap-yakap ng mahigpit si Audrey.

Bumitaw sa pagkakayakap si Terrence at sinabing,

“Salamat nga pala kase kung hindi dahil sayo wala sana ako dito, hindi sana ako na idala sa ibang bansa,
na operahan, gumaling at sana hindi ko na makikita ang magada mong ngiti. Dahil pinaalam mo kung
nasaan ako noong araw na yon.”

Ngumiti si Audrey kay Terrence. Nagulat siya ng biglang lumuhod si Terrence,

“Will you marry me?” Tanong ni Terrence.

“Oo,” sagot ni Audrey na naiiyak na naman at niyakap si Terrence.

Sa mismong simbahan na iyon ikinasal sina Terrence at Audrey.

Aral:May tamang panahon ang lahat ng bagay, at may tamang panahon din para sa pag-ibig. Matiyagang
maghintay para dito. Sa ngayon, mag-aral kang mabuti at trabahuhin mo ang iyong pangarap upang
kapag dumating ang tamang tao na pag-aalayan mo ng iyong pag-ibig ay nakahanda na ang lahat.

You might also like