Professional Documents
Culture Documents
Espasol Versus Nilupak PDF
Espasol Versus Nilupak PDF
ni Gelacio Guillermo
Bagahe ang pulitika sa pagtula, ito ang pasya ni Virgilio S. Almario sa panayam "Kapag
isinangkot ang pagtula: ang panulaang Filipino tungo sa bagong milenyo" (2000). (Para
sa kaugnay na mga idea, tingnan din ang "Ang makata sa Albanya: isang pagsusuri sa
tulang makabansa" (1982; Balagtasismo Versus Modernismo 1984). Para sa kanya,
ang pulitika ay anumang ismong umiinog sa uring panlipunan, kasarian, at lahi.
Ang mga manunulat at artista ay kinikilala bilang isang partikular na sektor sa lipunan
na may sariling mga karapatan at interes ng mga organisasyong tulad ng Artista at
Manunulat ng Sambayanan (ARMAS), isang kasaping organisasyon ng Pambansa-
Demokratikong Prente.
Tungkol sa ikalawang punto: Tinutukoy ni Almario ang mga tulang nagsisimula tungkol
sa opresyon tungo sa pagbabalikwas at magwawakas sa tagumpay. Ito ay isang
karaniwang padron/paradaym na makikita kapwa sa mga simple at kumplikadong
obrang pampanitikan ng anumang uri. Maraming ganitong likha sa kilusan at may silbi
sa paglalarawan ng pagsulong ng kasaysayan sa palargabistang paraan, na ayaw ni
Almario. Pero hindi naman lahat ng tula ay ganito. Tulad nga ng kanyang hatol, 10% ng
mga tula sa Mga Tula ng Rebolusyong Pilipino (1982) ay pumasa sa sistema ng
kanyang pagsusuri. Kung nagpunyagi si Almario sa pananaliksik, nabasa sana niya ang
mga tulang naglalarawan ng mga kumplikadong (hindi tuwid, salitang sa ilang
pagkakatao'y may dobleng pagpapakahulugan) karanasan sa kilusan, tulad ng mga
kontradiksyon sa pagitan ng personal na hangarin at kolektibong interes, ng sentralismo
at demokrasya, ng taktika at istratehiya, ng rebolusyon at kontra-rebolusyon, atbp. Ang
problema sa mga burgis na intelektwal ay hindi sila sinanay magbasa ng ganitong mga
teksto bilang praktikang panlipunan sa loob ng rebolusyon. Sa halip, ipinaiilalim kaagad
nila ang mga obra sa mga pormal na kategoryang pampanitikan, tulad nang ginawa ni
Bienvenido Lumbera sa tulang awtobayograpikal ni Jose Ma. Sison, ang "Fragments of
a Nightmare," na sang-ayon sa kanya ay isang alegorya, ibig sabihin, isang pinahabang
lambat ng mga pandekorasyong (hindi organiko) imahen (!).
At tungkol sa ikatlong punto: Ang mga tula, tulad ng anupamang bagay, ay hindi
tumatagal; lagi't laging lilitaw ang mga bagong tula habang isinasapraktika ng
mamamayan ang kanilang pagkamalikhain. Pero ang mga luma ay binabalik-balikan
para makakuha ng mga aral na magagamit sa bagong panahon, muling maramdaman
ang kahulugan nito bagamat sa ibang kalagayan, at samakatwid ay hindi lubusang
naglalaho o isinasadlak sa limot, o isinasaisantabi dahil sa pagkasuya. Sa ating bansa,
ang pulitika para sa paglaya ay isang mahabang praktika at nagpapatuloy hanggang
ngayon, kung hindi'y paano ipaliliwanag ang antig sa damdamin ng tula nina Andres
Bonifacio, Jose Rizal, Jose Corazon de Jesus, Amado Hernandez? Walang tulang hindi
pulitikal, iba-iba lamang ang pulitikang dinadala sa paraang direkta, mahinhin o patago,
o kaya'y dinadalang konsyus o di-konsyus. Ang mga tulang may anti-mamamayang
pulitika ay muli lamang binabasa bilang babala, halimbawa'y ang Ferdinand E. Marcos:
An Epic ni Guillermo de Vega (o mga ghost writers sa Consensus, isang ahensyang
pampropaganda ng rehimeng Marcos na unang pinagsilbihan ni Almario).
Hindi pwedeng maglaro sa isang salitang inimbento para ilarawan o husgahan ang
penomenong panlipunan tulad ng panulaan sa rebolusyon at ng pulitikang nagbibigay-
buhay sa kanya at kanyang pinaglilingkuran.
Isa iyang paraan ng pag-iisip ni Almario. May naunang bersyon ito. Noong 1982,
inimbento niya ang mga praseng "pansamantalang distansiyang pampulitika" at "taktikal
na suspensiyon ng pakikipanig" para gabayan ang pagtula ng mga kasapi ng Galian sa
Arte at Tula (GAT) na kanyang ipinundar. Sa patuloy na pag-iral ng batas militar noon,
maaaring ito'y hakbang pansiguridad para sa ligal na pagsusulat at paglilimbag. (Ang
mga sulatin batay sa panuntunang ito ay bumuo ng tinawag ni Lumbera na "literature of
circumvention" o panitikan ng panlalansi; galing din sa kanya ang terminong
"disposable poetry" (1971) o mga tulang may minsanang gamit, tulad ng kondom, na
tumutukoy sa maraming ahitasyunal na likhang pampanitikan ng mga aktibista bago
magbatas-militar.) Bilang maliwanag na pag-atras, nakabatay ito sa dalawa pang
aksyon ng pag-atras na mas malala kaysa sa nauna dahil, una, kinailangang ilagay sa
pagdududa ang pulitika (ang pagbabagong panlipunan, anya, ay baka matulad lang sa
sinabi ng makatang Pranses na si Charles Baudelaire, na paglilipat lang ng kabayo sa
isa ring kwadra) at panulaan ("iisa ang tinig, pare-pareho ang talinghaga") ng PKP; at
ikalawa, kinailangang tapatan ang liberal-burgis na "kritikal at humanistang pagsusulat"
ng isang pampulitikang programang "demokratiko at makabansa" na hango sa
programa ng kleriko-pasistang organisasyon, ang Nagkakaisang Partido Demokratiko
Sosyalista ng Pilipinas (NPDSP) dahil sa pagkakatulad ng mga idea tungkol sa
"awtentikong umanismo," paglaban sa pamumuno ng proletaryado, at
pakikipagkasundo ng mga uri. Ang pag-atras sa (rebolusyonaryong) pulitika ay hakbang
tungo sa pagsusulong naman ng (oportunistang) pulitika sa pamamagitan ng panulaang
ipinaggiitang hindi "apolitikal" o "tiwalag," hanggang ang totoo ay maging katawa-tawa.
Galing din kay Almario ang terminong "partidista." Batay sa kanyang iskema ng tatlong
antas ng pagpapaunlad ng panulaan sa panahon ng batas militar, ang ikatlong antas ay
ang pagsulat na ginagabayan ng programa ng mga partidong pulitikal. Batay sa
iskemang ito, walang ipinag-iba ang PKP, na naglulunsad ng isang pambansang
rebolusyon sa pamumuno ng proletaryado, sa mga burgis na partidong elektoral ng
naghaharing sistema. Sa kanyang teknesistang pagtingin, ang panulaan ng PKP at
Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Marcos ay "magkamukha bagamat nagtutunggali."
Binubura ng korporatistang terminong ito ang distinksyon ng mga imahen batay sa
makauring base ng kanilang kapangyarihan at pinatutungkulan ng pagpapahalaga, at
ng paninindigan ng mga makata hinggil sa rebolusyon at kontra-rebolusyon.
Iniharap lang ni Almario ang ikatlong antas ng pagsulat para takutin ("wala nang
urungan") ang pinapaboran niyang mga makata noon sa peligro ng pagsusulat na
nakapanig sa PKP. Mababanggit na noong 1980, siya ay pinatalsik bilang myembro ng
PKP. Siya mismo ang nagbanggit nito sa panayam bagamat hindi niya inilahad ang
(mga) dahilan, pero maliwanag ang intensyong palabasin ang sarili bilang biktima rin
(isang usong pag-angkin ngayon) ng "Stalinisasyon" ng PKP. Noong 1986, pinatalsik
din siya sa GAT ng mayorya ng kasapian nito, na tulad ng sa nauna'y hindi niya
binanggit ang kadahilanan, pero ang bagay na ito ay bahagi ng kaalamang publiko: isa
siya sa nagpasimuno ng Coalition of Writers and Artists for Freedom and Democracy
(COWARD) para sa reeleksyon ni Marcos noong 1986.
Ang gawi ni Almario na pakitirin ang halaga (paano nga ba sasabihin ang "reduce" mula
sa "reductionism"?) ng mga kategoryang pulitikal sa mga usaping pampanitikan ay
nagreresulta sa pagpapababaw ng mga kategorya at pagpapahina sa tunay nilang
kapangyarihan. Ganito rin ang ginagawa niya para sa panitikan: tangka niyang ilabas ito
sa sakop ng pulitika (isang imposibleng gawain), tanggalan ng kahulugan bilang
panlipunang praktika, at itaas sa pedestal ng "belles-lettres." Ito ay maliwanag na
pagtalikod, at pagtataksil, sa tinawag niyang "mahabang tradisyon ng panlipunang
pakikisangkot ng panulaang Pilipino."
Paano at bakit sumulpot ang mga "writing center/workshop"? Bago ang ikalawang
digmaang pandaigdig, walang ganitong institusyon sa Estados Unidos, pero itinayo ang
mga ito sa mga unibersidad pagkatapos ng gera para sa mga manunulat na Amerikano
at kalauna'y nagtatag din ng mga "international writers program" para sa mga dayuhang
manunulat mula sa mga bansang kontrolado o impluwensyado ng imperyalismong US.
Sa simula't simula, ang panuntunang gumagabay sa nga sentrong ito ay ang
panuntunan ng Bagong Kritisismo: Walang ismo, walang linya, ang tunay na trabaho ng
makata ay ang paghahanap ng talinghaga, mahusay na lenggwahe at mabisang paraan
ng pagpapahayag sa kanilang nais itula, personal, pandaigdigan ("world-class" ang
termino ngayon dahil sa imperyalistang globalisasyon), walang pagkalaos dahil walang
kinakapitang pulitikang ang bighani'y naglalaho. (Kung sintunog ang mga ito ng mga
idea ni Almario, patunay lang na matagal na siyang nabighani sa mga idea ng Bagong
Kritisismo, noon pang dekada sisenta, ayon sa kanyang pag-amin at mismong praktika
sa kritisismo.)
Ngayo'y huli na marahil para himukin si Almario na basahin ang isa namang tula ni
Jimmuel Naval, "Ang paggawa ng lupak" (Bigkis 1994). Sa pormang pamilyar sa
nagbabasa ng kukbuk ni Aling Charing, inilarawan ni Naval ang proseso ng paggawa ng
lupak at ang mga pwersang panlipunan na nagpapawis para sa produksyon ng mga
sangkap. Ganito niya winakasan ang tula: Pagsama-samahin, haluin/ ilagay sa
malalaking bandehado/ ihain at likumin muli/ matapos tikman at paglaruan/ ng anak ng
asendero.
Narito ang istratajem para sa tunay na aliw ng sining at pagtula ng mga nagbabangong
uring panlipunan, sapagkat ang paglibak at pagkamuhi sa mga naghaharing uri, at ang
pagtatawa sa kanilang ugaling matapobre, ay isa ring anyo ng pyesta ng mamamayan
para gawing ilihitimo ang paghahari ng mga hari-hari sa lipunan. Ang api ma'y mayroon
ding makauring "frisson aesthetique" (aliw pang-estetika)!
Sundan natin ang mga bagong pakikipagsapalaran ng mga gumagawa ng lupak (at
nagsusulong ng agraryong rebolusyon), kumakain ng pinawa (at sumusumpa sa Pulang
bandila), at nanghuhuli ng isdang-bato (at pinatutuloy ang mga kasama sa kanilang
mga dampa). Silang wala sa toreng garing ni Virgilio S. Almario/Rio Alma.
----------