Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

Upang matawag bang isang bayani ay kailangang mag-alay ng buhay sa iyong bansa?

Kailangan bang ika’y barilin sa harap ng madla, o sariling dugo ang mismong dumanak? Para
sa isang bansang nagugutom at naghihirap, ano nga ba ang kahulugan ng salitang “bayani”?

Isang maambong umaga nang matagpuan ko si ginoong Manuel Tagle na nakaupo sa gilid ng
kalsada sa Bay, Laguna. Aking nilapitan ang matanda at kinausap. Aking napag-alaman na sa
kaniyang edad na limampu’t isa ay halos buong buhay na niya ang naialay sa pagsasaka na
namana niya pa mula sa kaniyang ama. Pamilyado si ginoong Tagle. Siya ay may tatlong anak
na lahat ay nag-aaral pa. Kakaunti man daw ang sahod, kanila itong pinipilit na mapagkasiya sa
pang-araw-araw at upang mapag-aral ang mga anak. Kaniyang inilahad ang hirap sa patuloy na
pagbaba ng presyo ng palay. Ito’y kanilang pinagbibili lamang sa halagang katorse pesos, at
kapag nasa pamilihan na ang bigas ay pagkamahal-mahal na. Sa aming pag-uusap, aking
napansin na sa tuwing matatanong hinggil sa mga sensitibong isyu, tulad ng Rice Tarrification
Law at aksiyon ng gobyerno, ay kaniyang oobserbahan muna ang paligid bago sumagot ng “ay
wala naman akong masasabi riyan,” na para bang binabantayan niya ang kaniyang bawat
salita. Tulad din sa karamihan ng magsasaka, ayaw ni ginoong Tagle na ang kaniyang mga
anak ay maranasan ang hirap sa pagsasaka tulad niya na nagsimula noong binatilyo pa
lamang. Bakas sa mukha ni ginoong Tagle ang lungkot, pagod, at hirap, ngunit sa kabila nito,
naroon ang liwanag ng pangarap niya para sa kaniyang mga anak.

Kung ako ang tatanungin, ang isang magsasaka ay ang aking itinuturing na bayani. Simula’t
sapul, sila na ang kumakayod hindi lamang para sa sarili o para sa pamilya, kundi para sa
nakararami. Sila ang may pinakamalaking ambag sa lipunan ngunit sila ang mas napagkakaitan
ng karapatan. Hindi lamang katawan, pawis, dugo, at serbisyo ang kanilang inaalay para sa
bayan, kanilang inaalay rin ang kanilang mga mithiin para sa kinabukasan.

Iisa lamang ang sinisigaw ng ating mga magsasaka na nagiging bulong na lamang dahil sa
kawalan nila ng lakas ng loob na magsalita at makipaglaban para sa kanilang karapatan. Kaya
nararapat lamang na sila’y ating pahalagahan, bigyan pagpupugay, at ibandera ang kanilang
mga hindi naipaglalaban. Tayo’y dapat tumayong boses nila kapag ang mga nakaupo ay
nagbibingi-bingihan. Nawa’y sila’y hindi manatiling mga nakalimutan at napag-iwanang mga
bayani ng bayan.

Pesante man kung ituring, sila ang representasyon ng dangal sa aking paningin, at kung
titingnan natin nang mabuti, nasa puso ng isang magsasaka makikita ang kahulugan ng salitang
“bayani.”

AGRIKULTURA PARA SA BAYAN!

You might also like