Professional Documents
Culture Documents
Reaksyong Papel Tungkol Sa Dekada 70
Reaksyong Papel Tungkol Sa Dekada 70
11-Verona
REAKSYONG PAPEL
Ang librong Dekada ’70: Orihinal at Kumpletong Edisyon (Carmelo & Bauermann
Print. Corp., 1988) ni Lualhati Bautista, isa sa mga bantog na gawaing pampanitikang
nilimbag sa Pilipinas, ang nagbigay liwanag sa mga kaganapang dinanas – ‘di lamang
ng mahihirap – kung hindi pati na rin ng mga burgis noong panahon ng Batas Militar.
Masalimuot ang pagkariin sa matinding sentimiyento ng isang protagonistang ina sa
kaniyang misyon upang pag-isahin ang kaniyang pamilya, habang siya’y naglalaho na
sa lipunang kinabibilangan niya.
Tanging mga nosyon lamang ng pamilyang Bartolome ang napakinggan –
kalimitan tungkol sa kakulangan ng hustisya batid ng makakaliwang gobyerno at mga
aktibistang kumakalaban dito. Hindi napagkalooban ng pagkakataong magpaliwanag
ang kabilang panig, datapwa’t malinis na napagtibay ng iisang perspektibo ang tema ng
babasahin.
Dahil patriyarkal ang pamilyang Bartolome, ang ama ang may mabigat na
kamay. Maihahalintulad si Julian Sr. kay Dating Pangulong Ferdinand E. Marcos,
habang si Amanda naman bilang sambayanang tagapag-alaga lamang ng kaniyang
yaman at pinagkukuhanan ng yaman. Mapapansin ang pagkakahambing ng dalawa sa
pag-abuso ni Julian Sr. kay Amanda gamit ang salita at ang sadyang pagiging strikto
nito sa kanila. Wala sariling boses si Amanda, at nakamtan niya lamang ang kaniyang
kalayaan nang muntikan na siyang makipaghiwalay sa kaniyang asawa.
Sa loob ng limampung taong lumipas mula taong 1970, napagtanggol ng
kababaihan ang kanilang karapatan sa pagpapatakbo ng anumang establisimiyento o
maliliit na organisasyon, hindi lamang bilang isang empleyado, kung hindi bilang isang
asawa at ina na rin. Napatunayan ng kababaihang sila’y nakayapak sa iisang
entablado, kaakibat ang kalalakihan. Napatunayan ng kababaihang sila ay may
kapasidad ring makapantay ang pisikal at emosyonal na lakas ng ibang kasarian, na
hindi lamang lalaki ang magigilas kung hindi pati na rin ang babaeng “tagapagluwal
lamang ng bata”.
Minsa’y naiisip kong marahil ay maraming beses na ring nabanggit ng sarili kong
ina sa kaniyang sarili na nag-iisang pruweba ng kaniyang pagkababae ang pagkabagot
niya sa ibang layunin maliban sa pagluluto at paglalaba. Madalas ay sinisisi niya ang
kaniyang sarili sa pagrerebelde ng kaniyang mga anak na lalaki; ito’y nagdudulot ng
kaniyang pagkamahinhin sa pagtanda. Subalit ang mga kapatid ko naman ay
kailanma’y hindi umaming nasaktan nila ang kanilang ina!
Napagtanto kong ang isang ina ay maaaring mabuhay hindi lamang para sa
kaniyang mga anak, kung hindi para sa kaniyang sarili. Pinipili niya lamang i-alay ang
kaniyang atensyon sa kaniyang mga anak dahil maliban sa mga nakamit niya noong
siya ay “kabataan” pa, ang kabataan na mapapagsinong laki sa pag-aaruga ay pamana
niya sa balat ng lupa.
Hindi pagmamay-ari ng mga magulang ang kanilang mga anak, at hindi rin
pagmamay-ari ng isang asawa ang kaniyang kabiyak.
“Hindi importante ang pangalan ng tao, kundi [sic] kung anong klaseng tao siya!”
– Amanda, ika-185 na pahina
Saan pa nga ba nababago ang paniniwala kung hindi sa labas ng comfort zone
ng isang binatilyo? Sa paaralan, kung saan pinapahalagahan ang kakayahang
pagbigkas ng wikang Ingles. Ang paaralan, kung saan iniimpluwensiyahan ang utak ng
bagong henerasyon na mag-isip sa Ingles nang sila’y umaktong parang Ingles.
Habang ang diperensiya sa isang pamilya ay madaling nauunawaan, ang
diperensiya sa labas ng pamilya ay hindi imposibleng sumalungat sa kontratang
pagiging moral ng tao at ng kababayan niya sa kaniya. Hindi makatarungang
pagsasaksakin nang labimpitong beses ang isang inosenteng mag-aaral, subalit may
mga taong gumiginhawa ang kalooban sa pagpatay sa anak ng iba.
Nagustuhan ko ang librong ito dahil nakita kong ang tunggalian ay umikot sa
sarili ng manunulat at lipunang kinabibilangan niya at ng mambabasa. Bilang
estudyante, madali ko lamang naugnay ang sarili ko sa mga karakter dito.
Konkreto ang dating ng mga salita sa akin ‘pagkat kontemporaryong isyu ang
mga naging paksa, kung saan ang extrajudicial killings at ang paggamit ng droga ay
malubhang lason sa ekonomiya ng Pilipinas, ang peminismo ay hindi pa rin
lumalaganap sa labas ng ating bansa, at kung saan ang neokolonyalismo ay nasasalat
na sa teknolohiyang umiintriga sa industriya at nagwawagi laban sa sarili nating
produkto.