Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Jhianne Mae M. Albag G. Rommel S.

Esguerra
12-ABM A
PISAY Film Review
“May equation kaya o scientific principle ang makakaprove ng saysay ng buhay?”-
Miguel “Minggoy” Lamazan. Isa lamang ang katagang ito sa mga katagang tiyak na tatatak sa
ating isipan matapos panuorin ang makabuluhang pelikulang ito. Maiuugnay sa Pisay ang mga
karanasan o ang buhay ng bawat mag-aaral pagkatapos nitong talakayin ang buhay hayskul ng
walong estudyante na nakapasok sa Philippine Science High School. Ang kwento ay sinulat ni
Auraeus Solito na isa rin sa mga nagtapos sa Philippine Science High School at binase niya
mismo ang kwento sa kanyang naturang batchmates.
Nahati at tumakbo ang kwento sa apat na taon ng hayskul. Ang una ay ang freshmen
year kung saan ibinahagi ang kwento ni Roman Meneses at Wena Ledesma. Maaaring para sa
iba ang kwento nila ay ang tipikal na buhay ng freshmen kung saan kasabay ang kilig sa
pagsusunog ng kilay ngunit ito ay may ipinababatid pang mas makubuluhang bagay. Ipinakikita
dito ang pagsusumikap, pagbabalanse ng mga bagay, at ang kakayahan ng isang mag-aaral sa
pagdedesisyon. Bilang isang mag-aaral na kapuspalad at isa pang alternate ipinakita ni Roman
ang kanyang husay kasabay ng tamang gabay ng kanyang ina. Makikita sa simula at maging sa
huli ang pagiging mapag-aruga ng ina ni Roman sa kanya, ipinababatid nito na malaking parte
ng ating buhay ay kasama natin ang ating mga magulang at ang katotohanang kahit nandito
lamang lagi sila upang tayo ay gabayan, may mga panahon pa ring kailangan nating
magdesisyon sa ating sarili, at sa ating tagumpay nandyan pa rin sila na nagbibigay garantiyang
tama ang ating ginawa. Ipinakita rin sa kwento ni Roman at Wena ang pagsunod sa kung ano
ang makapagpapabuti sa lahat. May mga bagay na dapat ipagpatuloy o paunlarin at may mga
bagay ring dapat isakripisyo para sa mga taong nagsasakripisyo rin para sa atin.
Ang pangalawang kwento naman o ang sophomore year ay umikot sa kwento ni Mateo
Markado, mag-aaral na mula sa Cebu. Hindi mapagkakaila na lahat tayo ay naging si Mat
minsan sa ating buhay, nabigo na rin tayo. Isa sa mabibigat na pasanin ng mga mag-aaral ang
pagbagsak lalo na sa kaso ng karakter ni Mat kung saan siya’y nabubuhay taliwas sa buhay ni
Roman, siya’y mag-isang itinataguyod ang sarili at napaliligiran pa ng mga dormmates niyang
magugulo at bully. Likas na sa isang mag-aaral ang mahirapan at mapressure dahil sa kanyang
pamilya o kapaligiran, minsan na rin tayong nawalan ng gana dahil sa mga ito. Ipinakita ng
kwento ni Mat na ang mga bagay ay nagiging komplikado dahil tayo mismo ay nagpapadala sa
mga ito. Sa huling eksena ng kwento nya ipinaliwanag ng kanyang guro na hindi pa katapusan
ng mundo, sa kabilang banda ang payong ito ay para rin sa atin, ang kabiguan ay parte lamang
ng pagkatututo natin sa buhay, minsan ito pa ang dahilan kung bakit tayo nagiging matagumpay
sa huli.
Sa junior year naman ay ibinida ang kwento nina Liway Claver at Andres Bonifacio
Gallardo, na kinilalang tambalang nagpakita ng symbiosis. Nagtulungan ang dalawa upang
mapagtagumpayan ang kahinaan ng isa’t isa. Ipinahihiwatig naman sa kwento nila na ang bawat
mag-aaral ay mayroong kanya kanyang kalakasan at kahinaan, at ang mga kalakasan ng bawat
isa ay maaaring gamitin upang mapunan ang kahinaan ng mga kapwa nitong mag-aaral. Sa
Jhianne Mae M. Albag G. Rommel S. Esguerra
12-ABM A
kwentong ito rin ipinakita ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin ng mga mag-aaral sa
pamumuno ni Liway, sinasabi ng eksenang ito na bilang isang mag-aaral may magagawa rin tayo
para sa kapakanan ng nakararami. Ipinakita rin dito ang epekto ng lipunan o ng mga batas na
ipinatutupad ng gobyerno sa mga estudyante. Sa kwento, napilitan si Liway na sumunod sa
kanyang ama sa Netherlands upang matakasan ang mahigpit na pamamalakad ni Pangulong
Marcos na mismong ang kanyang pamilya ay nasangkot sa mga dadakpin. Ipinabatid ng
kwentong ito na kailangan nating bigyan ng oras ang ating mga kahinaan upang malampasan
natin ang mga ito at mapaunlad pa natin ang ating mga sarili.
Senior year, ang huling kwento at taon ng pag-aaral sa sekondarya, pinakakumplikadong
taon kung saan kailangan ng mahahalagang desisyon. Ang huling kwento ay kinapapalooban
nila Euri Calo at Miguel Lamazan. Batay sa reyalidad ang ipinakita ng pelikula, na sa panahong
ito na magdedesisyon ang mga mag-aaral kung anong kurso ang kanilang tatahakin. Sa kaso ni
Euri nahihirapan syang magdesisyon kung susundin nga ba nya ang gusto niya o ang pinirmahan
niyang kontrata sa paaralang Pisay. Isa rin sa pinaka tumatak na linya mula sa pelikula ang
tanong ni Euri sa kanyang guro na, “Kapag ba 12 o 13 years old ang tao alam niya na kung
anong gusto niya?” Marahil ang sagot ay “hindi” sapagkat sa mga edad na ito hindi pa tayo
lubusang hubog hindi katulad sa panahon ngayon. Karamihan sa mga mag-aaral na nasa senior
ay tila nakararanas ng matinding pakikipaglaban sa sarili dahil sa mga desisyong kanilang
pipiliin, ang mga desisyon kasing ito ang maaaring makapagpabago ng kanilang buhay. Isang
magaling na manunulat at performer ng teatro si Euri, ito ang nais niyang tahaking kurso at sa
huli’y ipinagpatuloy niya nga ito. Ang nais na iwang mahalagang punto ng kwento ni Euri sa atin
ay ang katagang “Sundin mo kung ano ang gusto ng puso mo”, maaaring sabihin nating gasgas
na nga ito ngunit hindi nito maiaalis ang katotohanang kaunti na lamang ang gumagawa nito at
madali tayong magtatagumpay kung gusto natin ang ating ginagawa. Ipihayag din dito na hindi
masamang suwayin ang patakarang itinanim na sa ating isip kung alam nating mali na ito at
hindi magdudulot sa atin ng mabuti. Ang huling kwento ay nakatuon kay Miguel Lamazan o
Minggoy, ang kwento nya’y maikli lamang ngunit makabuluhan. Marami siyang ginampanan sa
buhay ng mga naunang karakter, ipinakita nya na kailangan nating sumunod sa agos ng buhay,
mag-isip ng kritikal, mangarap at gumawa ng mga hakbang upang matupad ang mga pangarap
dahil sa ikli ng ating buhay ngayon.
Hindi maikakaila ang ilang kapunahan ng pelikula, katulad ng pagpapakita nito sa atin na
isa rin sa naging hadlang ang paaralang kinabibilangan ng mga mag-aaral sa pagkamit ng
kanilang gusto, pagpapahayag ng kanilang saloobin at iba pa. Sabihin na nating walang
direktang kapahamakang naidulot ang Pisay sa mga estudyante ngunit mayroon pa ring ilang
parte rito na nagdudulot ng kaguluhan sa isip ng mga mag-aaral lalo na ang mga patakaran nito.
Marahil siguro’y hindi rin malinaw na naipahayag ang panig ng nasabing paaralan sa mga
manunuod. Marami pa ring punto ang maaaring ikaganda ng nasabing pelikula ngunit sa kabila
ng mga kapunahan ang pinakamahalaga pa rin ay ang pangkalahatang epekto nito at ang mga
gintong aral nitong tumatak sa ating isipan.
Jhianne Mae M. Albag G. Rommel S. Esguerra
12-ABM A
Kung susumahin malaki ang naidulot na realisasyon sa akin ng pelikulang ito dahil tila
inilarawan nito ang buhay ng mga estudyanteng tulad ko. Mayroong iba’t ibang kwento, estado,
talento, kalakasan at kahinaan ang bawat isa sa atin at dahil dito masasabi kong lahat tayo ay
mahalaga sa ating lipunang ginagalawan. Naipabatid sa akin ng Pisay na ang edukasyon ay hindi
lamang para sa ikabubuti ng aking sarili o ng aking pamilya kundi para sa aking kinabibilangang
lipunan, para ito sa kabutihan ng lahat. Hindi rin lahat ng makabuluhang aral ay matututunan sa
apat na sulok ng silid-aralan, matututunan din ang mga ito sa labas ng paaralan, sa mismo
nating buhay o di kaya’y sa pelikulang ito. Bilang isang mag-aaral marami pa rin pala akong
magagawa higit pa sa mga alam at nakasanayan ko, at kung mabigo man ako sa lahat ng ito
alam kong hindi pa ito ang katapusan ng saysay ng buhay ko. Sabi nga ni Minggoy, “ang
importante tuloy lang sa buhay, matagal kasi talaga ang ebolusyon, kailangan ng panahon.”
Upang sagutin ang katagang binitawan ni Minggoy na aking binanggit sa unang talata ng
rebyung ito, masasabi kong “wala”. Tama, wala ngang equation o scientific principle ang
makapagpapatunay ng totoong saysay ng ating buhay dahil walang ibang tao o instrumento ang
makakaalam at makadidiskubre ng ating saysay sa mundong ito, walang iba kundi tayo mismo.
Jhianne Mae M. Albag G. Rommel S. Esguerra
12-ABM A

Rubriks:

Pamantayan Puntos Aking Puntos

Estilo ng Pagsulat 5

Tamang Grammar at baybay


5
ng salita

Nilalaman ng sulatin 5

Kabuoan 15

You might also like