Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 14

Pag-aakda ng Bayan sa “Rizal Reading Pigafetta”: Muling-Pagsasalaysay, Pag-aangkin, at

Paggigiit

Andrew A. Estacio

Pinal na Papel

PP 210 (Dr. Barbaza)

1
Nauna nang ibinungad ni Resil Mojares sa kanyang sanaysay “The Islands According to

Pigafetta” ang isang mahalagang pahayag--ang “pagkakatuklas” ng mga Europeo sa isla ng

Pilipinas ay hindi lamang isang tagpo; isa itong teksto, isang konstrak ng mga salita. Upang

magagap at maunawaan ang isla, kailangan itong iprodyus sa pamamagitan ng mga salita, sa

porma ng mga naratibo ng nabigasyon at eksplorasyon (20).

Pinunto rin ni Mojares na ang paggalugad sa mundo ay hindi lamang proyektong

geograpikal kun’di pampanitikan (46). Samakatuwid, ang isla ay nakokonstrak sa espasyo ng

panitikan. May pag-aakda nito upang magagap at mabuo ang imahe’t representasyon. At isa rin

itong naratibo, may mga kronolohikal na serye ng mga pangyayari ng pagtuklas, may

“navigational narrative” sa wika ni Mojares, na nagprodyus sa Pilipinas bilang obheto ng

kaalaman para sa mga mambabasang Europeo (21-22).

“Salaysay”, bilang sariling wika, ang mainam na gagamitin ko sa papel na ito imbes na

naratibo. Ang salaysay ay katumbas na rin ng pagkukuwento’t pag-aakda, isang modang

pampanitikan. Samakatuwid, ang pagbubuo ng bayan ay isang salaysay--isinasalaysay ng

diskoberer ang isla upang magagap at mabuo ang kasaysayan, identidad, at kaganapan nito. At sa

konteksto ng ikalawang papel ni Mojares, “Rizal Reading Pigafetta”, hayag na may antecedent

authorship ang salaysay ng isla ng Pilipinas. Nauna nang nagsalaysay si Antonio Pigafetta,

nauna na ang mga salaysay ng Europa, at pagkaraan ng humigit tatlong siglo, saka lamang ito

natuklasan at nabasa ng ilustradong si Jose Rizal.

“More than three centuries after the Italian Antonio Pigafetta wrote his narrative of the

European discovery of the Philippines, a young Filipino named Jose Rizal read what he had to

say in the original Italian,” ito naman ang ibinungad ni Mojares sa kanyang ikalawang sanaysay

2
(52). At ang tagpong ito ay isang makapangyarihang imahe sa postkolonyal na kasaysayan, “the

colonized tracks down his lost past in the archives of the colonizing West” (53).

Si Rizal, sa paghihinuha, ay umookupa rin ng posisyon bilang diskoberer, “tinutuklas”

niya sa Europa ang “nawawalang nakaraan” ng bayan. Ang kanyang sanggunian nga lang ay

arkaybal na salaysay ng Kanluran. Kung siya ay diskoberer, sa pagkukumpara kay Pigafetta, siya

rin ay may tendensiyang maging mananalaysay, ngunit hindi para sa Europeong mambabasa

kun’di para sa Pilipinas. Sa madaling sabi, ang pagiging mambabasa ni Rizal ay nagbubunga ng

pagiging mananalaysay niya gayong tunguhin niyang ikuwento at isiwalat ang natagpuan niyang

kaalaman para sa serbisyong pambansa. “For Rizal, knowledge was, above all, knowledge at his

country’s service” (Mojares 53).

Sa papel na ito, nais kong maglahad ng masugid na pagbasa sa “Rizal Reading Pigafetta”

at bigyang malapit na pagpapakahulugan ang mga naging pamamaraan ni Rizal sa pagsasalaysay

ng bayan. Tatalakayin ko ang aking mga paghahaka: “muling-pagsasalaysay”, “pag-aangkin”, at

“paggigiit” bilang mga estratehiya ng pag-aakda ng bayan sa konteksto ng sanaysay ni Mojares.

Ang mga ito’y iilang posibilidad lamang na maaaring tignan bilang preliminaryang ideya sa

pagkilatis ng sanaysay.

“Muling-Pagsasalaysay” ni Rizal ng Bayan

Pinakauna, lantad na pahayag ang papel ni Rizal bilang mambabasa (Rizal “Reading”

Pigafetta) ng kasaysayan ng Pilipinas sa arkayb ng Europa. Maaari munang siyasatin si Rizal

bilang mambabasa, at mamaya bilang mananalaysay. Bilang panimulang diskurso, ang akto

muna ng pagbabasa ay paglilikha rin ng panibagong kahulugan. Ang mambabasa ay manlilikha,

3
giit ng kritikong si Soledad Reyes (Ang Pagbasa, 475). “Sa pagbabasa ng isang tao sa mga salita

sa pahina, marami-rami na siyang naunang nabasa na siyang magbibigay-hugis sa kasalukuyan

niyang pakikitunggali sa mga salita. Sa ganito malinaw na kumikilos ang kanyang isipan upang

balikan ang mga nakaraang kaisipan, upang hanguin ang nakabaong mga imahen o emosyong

nalikha/ naantig sa pagbabasa ng naunang mga akda” (482-483). Kaugnay din nito ang sinabi ni

Jacob Burckhard, sinipi ni Mojares sa una niyang sanaysay, “[the true discoverer] stands in a link

with the thoughts and interests of his predecessors, and this relationship will also determine the

account he gives of his search” (sipi sa 45). Ang mambabasa katulad ng diskoberer ay umuugnay

ng kanilang pagpapakahulugan sa mga naunang nabasa at naunang kaisipan ng kanilang

pinagmulan.

Samakatwid, ang kahulugan ng akda noong araw, bagama’t maaari pa ring gumitaw sa

isipan ng kasalukuyang mambabasa, ay maaaring dumaan sa isang transpormasyon dahil na rin

sa maraming antas ng pagbabago—ibang mambabasa, ibang konteksto, ibang kalagayan ng

bansa, at iba pa ng sangkap (Reyes 485).

Kung gayon, ang mambabasa, sa esensiya, ay apektado ng mga masasalimuot na

impluwensiyang sabjektib sa kondisyon niya. Hindi nagiging konstant ang pagpapakahulugan sa

akda, naiiba ito ayon sa istrukturang kinalalagyan. Si Rizal, bilang mambabasa, ay hindi rin

hiwalay sa pagbabago ng kahulugan. Apektado rin siya ng mga impluwensiya ng kanyang

panahon at pinagmulan.

Maaaring tignang halimbawa ang anotasyon ni Rizal sa Sucesos de las Islas Filipinas

(1609) ni Antonio de Morga. Ito ay isang porma ng pagbasa na may pagbabagong-likha ng

kahulugan. Hindi itinuturing na konstant lamang ang orihinal na batis ni Morga. Hindi ito basta-

4
basta tinanggap ni Rizal, bagkus malay siya upang tugunan ito nang naaayon sa kanyang

pagpapakahulugan:

Rizal’s annotations are often thin and desultory, laced with what would seem today gratuitous,

editorializing jibes at despotic friars and ineffectual colonial officials…speaking from the

“margins”, the native interlocutor corrects errors, exposes ethnocentric bias and “pious lies,” cites

inconsistencies, adds clarifications and elaborations, draws critical connections between past and

present, invokes more authoritative references, and not the least, demonstrates his superior

erudition…Blumentritt, who wrote the [Suceso’s] preface, praised the work but said that Rizal

“proves too much”, gently chiding him for a presentist and anti-Catholic bias. (57)

Susog pa ni Mojares, ang anotasyon ni Rizal kay Morga ay isang subersibong akto, isang

radikal na katapangan ng “katutubo” na anotahin ang “opisyal” na Europeong salaysay ng

kasaysayan ng bansa (57). Sa puntong ito, si Rizal ay umiigpaw sa papel niya bilang mambabasa,

hindi siya tagatanggap o reaksyunaryo lamang. Isa na rin siyang aktibong mananalaysay. May

sarili siyang pagbasa sa kasaysayan at kailangan niya itong isalaysay muli sa radikal at

subersibong pamamaraan.

Ang anotasyon ni Rizal kay Morga ay isang halimbawa lamang ng “muling-

pagsasalaysay” ng katutubo sa kanyang kasaysayang inakda ng Kanluran. Nababatid kong may

pagbabago ng kahulugan sa pagbabasa ni Rizal ng salaysay ng Europa, ngunit mayroon pa ring

nesesiti ng “pag-uulit” ng naunang datos, may “pagmumuli” ng salaysay upang maging kapani-

paniwala. Kung hihiramin ang teorya ni Jacques Derrida, nagiging makatotohanan ang salaysay

kung “iterable” ito, kung may katangian ito na kayang ulit-ulitin sa paglipas ng panahon. May

“iterability” (pagmumuli) pa rin ang naunang salaysay ng Kanluran, kumbaga’y uulitin at

gagamitin muli ito ni Rizal. Muli niya itong isasalaysay na may dadag na latag: radikal na

5
pagpapakahulugan. Gagamitin ko muna sa papel ang “muling-pagsasalaysay” upang bitbitin ang

diwang ito.

Sa pagpapasimple ng konteksto, nakapaloob sa muling-pagsasalaysay ni Rizal ng bayan

ang iterability ng Europeong bersyon ng kasaysayan at ang tendensiya ng pagdadagdag niya ng

kahulugan. May gawa (nauna) nang salaysay ang isla. Kapag binasa ito, magagawan muli siya

ng dagdag-salaysay. Ang muling-pagsasalaysay ay estratehiya kung saan narerekonstrak ang

bayan.

Ayon sa sanaysay ni Floro Quibuyen “The Morga and Reclaiming History”, unang

nilayon ni Rizal ang “pagrekonstrak” ng prekolonyal na kultura’t lipunang Pilipino at gamitin

ang imahe nito upang maging basehan ng pagsusuri sa kolonyalismong Español at upang mabuo

ang nasyonalistang pananaw sa kasaysayan at kultura (137).

Samakatuwid, ang muling-pagsasalaysay ni Rizal ng kasaysayan, base sa mga tekstong

Europeo, ay muling-pagbubuo o pagrerekonstrak niya ng bayan. Ani pa sa suri ni Mojares, ang

pagtugon, pakikitagpo, at pagsasalungat ng mga Pilipinong nasyonalista sa mga tekstong

Europeo ay paraan upang ma-“prodyus” o malikha ang Pilipinas nang naayon sa kanilang

pananaw (59).

Sa muling-pagsasalaysay ng bayan, bukas din si Rizal sa mga impluwensiya ng Kanluran.

Kung si Pigafetta ay naimpluwensiyahan ng Renaissance sa pagsasalaysay, malay din si Rizal sa

paggamit ng mga impluwensiya ng European Enlightenment at Orientalist scholarship. Ngunit

hindi siya nalalayo sa posisyon niya ng nasyonalistang pagrerekonstrak ng bayan.

Isa pang estratehiya na nakapaloob sa muling-pagsasalaysay ni Rizal ay ang

dekonstruksyon. May doble-karang kaanyuan ng pagsasalaysay, “to construct a national view of

6
history by first deconstructing colonial history” (Quibuyen 155). Sa pag-aanota pa lang niya kay

Morga, sinasabi ni Mojares: “annotating the official text, the annotator disrupts, breaks down its

seeming wholeness and demystifies its authority by exposing it as a historically contingent

product” (57). May proseso ng pagtitibag ng kabuuan at demistipikasyon ng kapangyarihan.

Sinipi ni Mojares si Eric Hobsbawm na nagsasabing ang mga mundong inapi ng Europa ay may

pagsusunggab ng sandata ng Kanluran at gagamitin ito upang labanan ang mga mananakop: sa

pag-unawa at pagmanipula ng sarili nilang progreso. Sinunggab ni Rizal ang sandata ng

Kanluran, ani Mojares, at ginamit niya ito upang muling-salaysayin ang bayan (63).

Pag-aangkin sa Bayan

Ang kasaysayan ng bayan ay mga kinikilingan depende sa punto de bista ng

nagsasalaysay. Nakadepende ang pag-iral ng bayang Pilipino sa kung sino ang nagsasalita at

kung saan at paano niya “pinoposisyon ang sarili sa diskurso” (Mojares 75).

Sinulat din ni Rizal kay Blumentritt noong 13 April 1887, "If I could only be a professor

in my country, I would stimulate these Philippine studies which are like the nosce te ipsum

[know thyself] that gives the true concept of one's self and drives nations to do great things”

(Mojares 55).

May presensya ang diskurso ng “sarili” sa pagsasalaysay ng bayan. Pinunto ni Rizal ang

“nosce te ipsum” o kilalanin ang sarili, bilang motibo sa paggawa ng kadakilaan ng bayan. Dahil

ang sarili ay may espasyo sa diskurso ng bayan, pangunahin ding tinutugunan ang sariling

kapakanan o “convenience” sa muling-pasasalaysay ng bayan. Lantad ito sa epigrap ng sanaysay

7
ni Mojares, ang sulat ni Rizal kay Blumentritt: “Perhaps you remember Lessing’s fable about the

boy and the serpent. Each one writes his history according to his convenience” (52).

Ang pagsasalaysay ay naaayon sa pansariling kapakanan. Maiuugnay din dito ang

pahayag ni Mojares, “Rizal embraced the world of learning as his own” (71). Inaangkin ni Rizal

ang kanyang pagkatuto, “as his own,” “his convenience”. Lantad din ang naratibo ng “pag-

aangkin” o “owning” sa sanaysay ni Mojares.

Rizal characteristically pronounces his opinions as his own and rarely involved intellectual

antecedents except in a general way or for rhetorical effect (78). This did not prevent Rizal from

dislodging them from their history and using them for his own. He proceeded to use this learning

for his own purposes, giving to current ideas his own particular inflection as he stressed the

liberative implications of Filipino culture in the struggle against colonialism. Goethe and

Chateaubriand essentialized the East, turning it into tapestry for their own private imaginings,

Rizal drank of their sublimities to nourish his own dreams. (72)

Gayong “hinahanap ng kolonisadong katutubo ang nawawala niyang nakaraan sa

kolonyalistang Kanluran,” likas na aangkinin niya ang mga salaysay ng kanyang bayan. Ang

pag-aangkin ni Rizal ay hindi pagsasarili lamang niya ng kaalaman. Pag-aangkin ito ng

kasayasayan “ng” Pilipinas, “ng” nawawalang nakaraan, “ng” kanyang bayan. Kolektibong ang

konsepto ng pag-aangkin na ayon sa mga propagandista, “to produce a Philippines that the

Filipino nationalists now desired to fashion as their own.” May pag-aangkin at pagpoposisyon ng

salaysay para sa sariling bayan.

Inaangkin ang salaysay ng bayan dahil galing ito sa labas. Giit ni Damon Woods sa

panimula ng “The Evolution of Bayan”, ang salaysay ng Pilipinas ay kahalusang prinodyus ng

mga wika ng taga-labas at para sa mga taga-labas (3). Sa konteksto ni Rizal, kailangan itong

8
muling salaysayin, irekonstrak, at angkinin ng Pilipinong nagsasalaysay. Reklamasyon ito ng

kasaysayan, sa wika ni Quibuyen, “Reclaiming History” (131). Inaangkin ni Rizal ang salaysay

para likhaing muli at para makaambag sa kaalamang bayan—“knowledge at his country’s

service” (Mojares 53).

Ang proyekto ng “pag-aangkin” ni Rizal ng kasaysayan ng bayan ay namumukod-tangi

gayong masugid siya sa pagkonsumo ng mga kaalamang tinipon ng Europa hinggil sa salaysay

ng Pilipinas at ng mundo (Mojares 53). Marami siyang inangking larangan ng pagkatuto:

German scholarship, European Orientalism, nationalist agenda, Asian-Pacific perspective, maski

na rin ang mga kaalaman nina Virchow, Jagor, Meyer, Nordmann, Czepelack, Rost, Plauchut, at

Ferdinand Blumentritt (Quibuyen 134-135).

May papel din ang wika upang “angkinin” ang salaysay ng bayan. Sinabi ni Rizal:

We (propagandists) are the only ones who can acquire a perfect knowledge of our country,

because we know both languages [Spanish and Philippine language] and besides we are informed

of the secrets of the people among whom we had been raised. (Mojares 77)

Inaral ni Rizal ang mga wika (Pranses, Aleman, Ingles, Italian, Olanda) para maangkin

ang kaalaman. Kumbinsido siya na ang pag-aaral ng wika ay magbubukas ng kayamanan ng

isang bansa; iyon ang kaalaman, ang pagkatuto, ang yamang taglay ng wika (Mojares 53).

Mahalaga ang wika sa pang-aangkin ng salaysay ng bayan at sa rekonstruksyon nito. Ang

paggamit nito ay kontra-alyenasyon. Dahil sa wika, nagiging pamilyar ang tao sa inuunawang

sabjek. Dahil sa wika, nagiging pamilyar si Rizal sa “kayaman ng isang bansa”, ang kaalaman, at

kaya itong maangkin.

9
Sa usapin ng wika ng pang-aangkin, may salitang ugat ito na “angkin”, siyang

sumasagisag sa katangiang likas (inherent quality) ng isang sabjek, halimbawa’y “angking”

talino, “angking” kultura, “angking” identidad. Mayroong esensiya na may angkin nang

kasaysayan, kultura, at sibilisasyon ang bayan, ngunit binura ng mga kolonyalista sa memorya:

"the shadow of the civilization of our ancestors that colonialism had erased from memory,” sipi

sa Sucesos (Mojares 77).

Kailangang angkinin ang salaysay na inalis ng Kanluran, at malaman ng mga Pilipino na

mayroon nang angking kasaysayan noon bago pa dumating ang mga Kastila, kumbaga’y

mayroon nang angking katutubong nasyonalidad. Giit ni Cesar Majul, “thus to speak of an

"ancient nationality" is to use a technique in order to make Filipinos feel that once upon a time

they had a nationality all their own, so that it would be easier for them to weld themselves more

and more into a national community” (12).

Paggigiit sa Bayan

Isang pang estratehiya na maaaring tignan sa pag-aakda ni Rizal ng bayan ay ang

paggigiit o asersiyon. Sinasaad ni Mojares:

“It was precisely the need to assert presence and visibility that impelled Rizal to raise his country

from its past, to summon forth, as he puts it in his preface to Morga, "the shadow of the

civilization of our ancestors that colonialism had erased from the memory.” (77)

Samakatuwid, ang bayan ay isinasalaysay nang muli, inaangkin, at kailangan din igiit na

mayroong “presensya”, “mayroong Pilipinas.” Kailangang magsalita, tumugon-pabalik,

kumbaga’y “Rizal speaking back” on “a nation to which Spain had to speak.”

10
By constructing the image of a separate, integral history and culture, Filipino nationalists brought

into play the agency of a "nation" with a past, present, and future, a nation to which Spain had to

speak. (Mojares 63)

Ang pagtutugon ni Rizal sa mga konstruksyon ng España hinggil sa bayan ay isang akto

ng paggigiit o asersiyon. Ang paggigiit niya’y pag-atake sa España. Iginiit niya ang kanyang mga

kritisismo at kontra-naratibo ng bayan na may nagsasariling kasaysayan at kultura. At

kinailangan ito ng awtoridad.

Sa paggigiit, nabubuo ang awtoridad ng sarili. Sinabi ni Mojares na ang iskolarsyip ng

bayan ay isang pagtatagisan para sa awtoridad at alam ni Rizal na dahil iba ang nagsalaysay sa

Pilipinas, ang awtoridad ang kailangan angkinin at tamasahin ng kolektibong Pilipino. “Rizal

knew that in the end Filipinos themselves, building a visible intellectual community, will have to

spearhead the effort, claiming the authority to speak for themselves” (77).

Kung gayon, sa pagtatamasa ng kaalaman, nagaganap din ang pagtatamasa ng awtoridad,

ng kapangyarihan. Ang kaalaman ay kapangyarihan. Ang bayang may sariling salaysay ay

kayang magsalita para sa sarili nila, samakatuwid may awtoridad.

Nagsisimula din sa sarili ni Rizal ang pagtatamasa ng awtoridad. “He took his in-between

location, knowing both worlds, to create his own distinctive authority” (Mojares 80). Gayong

siya ang higit na nakatataglay ng kaalaman at salaysay, masasabing ang intelektwal ay mayroon

ding awtoridad na maggigiit sa presensya ng bayan. Binibigyang halaga ni Rizal ang mga uring

intelektwal ng mga Pilipino sa pagbubuo ng diskurso ng bayan.

Rizal saw the importance of a national discourse (or in Said's terms, a "strategic

formation") created by the work of Filipino scholars, scientists, teachers, artists and writers.

11
Speaking of a rising "enlightened class" of Filipinos, he said, warning Spain that "if today [this

class] constitutes the brains of the country, within a few years, it will constitute its entire nervous

system. (77)

Ang diskurso ng bayan, ayon kay Rizal, ay inililikha ng mga iskolar, siyentista, guro,

artista at mga manunulat. Kung gayon, kinakailangan ang mga intelektwal, silang may awtoridad

sa kaalaman at salaysay ng bayan. Kailangan din ng posibilidad: intelekwalisasyon ng mga

mamamayan na bubuo sa “nervous system” ng bansa. Kolektibong intelektwalisasyon ng bayan,

kumbaga ang kailangan, upang makapagsalita para sa sarili nila--“Filipinos themselves, building

a visible intellectual community, will have to spearhead the effort, claiming the authority to

speak for themselves” (Mojares 77).

Natatamasa ang idealismong ito sa edukasyon, sa isang “pedagogical imperative”, sa

wika ni Carolyn Hau. Kaya nagtangkang magtatag si Rizal ng Association Internationale des

Philippinestes upang pasiglahin ang iskolarsyip at pag-aaral ng Pilipino. At gayon din sa

pagsusuri ni Hau sa “The Problem of Consciousness”, ang edukasyon ay may papel sa

pagpapairal ng nasyonalismo. “Nationalist projects…are often pedagogical in intent and practice,

even though they differ significantly on how they theorize the nature, condition, and content of

the pedagogical act itself.” (26)

Hindi lang sapat na igiit, kailangan ng pedagogical framework sa pag-aakda/

pagsasalaysay ng bayan. Ngunit pinoproblema ni Hau ang kamalayan. Katanugan pa rin kung

tunay bang nagaganap ang nasyonalismo sa kamalayan ng mga Pilipino sa istruktura ng

pedagohiya.

12
Ang mga estratehiya ng muling-pagsasalaysay, pag-aangkin, at paggigiit sa bayan ay

iilan lamang sa mga hinahakang posibilidad upang idekolonisa ang bayan at buuin ang identidad.

Hamon din ito sa mga mamamayan, sa hinaharap, na muling-isalaysay, angkinin, at igiit ang mga

naratibo ng bayan, bilang hakbangin, wika ng ni Rizal, tungo sa paggigising ng kamalayan

(“awakening the consciousness”) at sa pagliliwanag ng madilim bayan (“shed some light to the

dark country”). Sa madaling sabi, para sa kalayaan ng bayan.

13
Sanggunian

Hau, Caroline. “The Problem of Consciousness.” Sa Necessary Fictions: Philippine Literature

and the Nation, 1946-1980. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Unibersidad ng Ateneo de

Manila, 2000: 15-47.

Majul, Cesar A. A Critique of Rizal's Concept of a Filipino Nation. UP Department of

Philosophy, 1959

Mojares, R. “Rizal Reading Pigafetta.” Waiting for Mariang Makiling: Essays in Philippine

Cultural History. Quezon City: ADMU Press, 2002: 52-81.

Mojares, R. “The Islands According to Pigafetta.” Waiting for Mariang Makiling: Essays in

Philippine Cultural History: ADMU Press, 2002: 20-51.

Quibuyen, Floro C. “Rizal’s Concept of The Filipino Nation.” A Nation Aborted: Rizal,

American Hegemony, and Philippine Nationalism. ADMU Press, 1999: 159-182.

Quibuyen, Floro C. “The Morga and Reclaiming History.” A Nation Aborted: Rizal,

American Hegemony, and Philippine Nationalism. ADMU Press, 1999: 131-157.

Reyes, Soledad. “Ang Pagbasa Bilang Paglikha.” Kilates: Panunuring Pampanitikan ng

Pilipinas. UP Press, 2006: 475-488.

Woods, Damon. “The Evolution of Bayan.” From Wilderness to Nation: Interrogating Bayan.

Edited by Damon Woods. Quezon City: UP Press, 2011.

14

You might also like