Ang basura ay isa sa mga simbolo ng kahirapan sa ating bansa. Sa patuloy na
pagtaas ng bilang ng mga pamilyang nasa ilalim ng poverty line, patuloy ring dumarami ang mga pamilyang kumakapit sa pangagalakal ng basura.
Isa na rito ang pamilya ng batang si
Junjun Macalinao. Sa kaniyang murang edad, natuto siyang maghanapbuhay upang makatulong sa kanyang pamilya. Sinisisid niya ang maruming sapa ng basura, burak at abo para lamang kumita ng perang pambili ng kanilang pagkain araw-araw.
Sa kanyang bawat pag-lusong, pinababaunan niya ang kanyang sarili ng tapang at
tibay ng loob para matiis ang kahindik-hindik na dumi at amoy ng tubig. At sa tuwing ilulublob niya ang kanyang ulo sa ilalim ng sapa, isinasantabi na lamang niya ang takot at pandidiri, at isinasaisip ang pangarap niyang muling maitayo ang kanilang munting barung-barong matapos masunugan sa Malabon.
Ang pangarap na ito rin ang nagging
dahilan kung bakit maging ang mga matatalas na bakal, bubong o anumang mapanganib na bagay ay hindi nakapipigil upang mangalakal siya ng basura.
At dahil wala ni isa sa pamilya ang nakapagtapos ng pag-aaral, dito na lamang
sila humuhugot ng perang pinantutustos sa kanilang mga pangangailangan. Subalit paano nga kaya sila tuluyang makakaahon sa ganitong klase ng kahirapan? Hanggang kailan kaya sila magtitiis na manirahan sa tabi ng dagat ng basura?