Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 19

Kasaysayan sa Pananaw ng mga Mag-aaral na Pilipino

Dayrit, Rethelje
Pallesco, Rizalita
Reyes, Mariela
Senado, Bernadette
PANIMULA

Tunay na nakababahalang isipin na ang kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa


Kasaysayan ng Pilipinas ay patuloy na bumababa. Noon lamang ipalabas sa sinehan ang
pelikulang General Luna (2015), may mga mag-aaral na nagtataka kung bakit si Apolinario
Mabini ay nakaupo sa upuang de-gulong mula umpisa hanggang sa wakas ng pelikula. Wika nga
ng gumanap na si Epi Quizon, “Ano nga ba ang tinuturo natin sa mga mag-aaral sa ating klase sa
Kasaysayan Pilipinas?” Tugon naman ni Bro. Armin Luistro, kalihim ng Kagawaran ng
Edukasyon sa panahong iyon, “Ang mga komento na tinanggap ni G. Quizon mula sa tatlong
estudyante ay hindi repleksyon ng antas ng kamalayan ng lahat ng estudyante tungkol sa mga
bayani”. Sinabi rin niya na ganunpaman, siya ay nakatuon upang talakayin ang isyung ito sa mga
tagapagpaganap ng kurikulum at patunayan kung karamihan ng mga estudyante ay magkatulad
ang suliranin. Sisiguraduhin rin niya na ang Kagawaran ng Edukasyon ay hindi ipagsasawalang-
bahala ang isyu nang walang patas na pagtatasa ng tunay na sitwasyon.
Kung babalikan natin ang tanong ni G. Quizon, mahalagang muling pag-isipan kung ano
nga ba ang natutunan ng ating mga mag-aaral sa loob ng silid-aralan tungkol sa kasaysayan. O di
kaya‟y mas magandang tanungin kung alam ba ng mga mag-aaral kung ano ang kahalagahan ng
pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas.
Ayon kay Muller (1835), wala nang mas mahalaga pa sa isang guro kundi ang pag-
usapan ang kahalagahan ng asignaturang kanyang itinuturo. Ang sinumang nakakaunawa ng
paksa ay mauunawaan ang halaga nito nang walang anumang pag-uusapan tungkol dito, at yaong
mga hindi nauunawaan ang paksa ay hindi maiintindihan ang pag-uusap tungkol sa halaga nito.
Samakatuwid, bakit nga ba mahalaga ang pag-aaral ng kasaysayan? Para sa mga mag-
aaral, ano ang saysay ng pag-aaral nito? Tumutugma ba ang pananaw ng mga mag-aaral tungkol
sa kabuluhan ng pag-aaral ng kasaysayan sa sinasabi ng kurikulum? Ito ang mga pangunahing
tanong na nais sagutin ng pag-aaral na ito.

1
KASAYSAYAN SA PANANAW NG MGA HISTORYADOR AT GURO NG KASAYSAYAN

Maraming mga historyador at guro ng kasaysayan, lalo na sa Amerika at Inglatera, ang


nagpahayag nang kanilang opinyon tungkol sa halaga ng kasaysayan.
Isa sa mga ito ay si Collingwood (1946) na nagsabing mahalagang pag-aralan ang
kasaysayan upang maunawaan ng tao ang kanyang sarili - ang kanyang kalikasan bilang tao.
Ayon naman kay Kierkeegard, mauunawaan natin ang kasalukuyan kung pag-aaralan natin ang
nakaraan. Para naman kina Santayana, Levi-Strauss at Cicero, ang sinuman na hindi natutunan
ang aral ng nakaraan ay makauulit ng mga pagkakamali nito.
May ilan ding historyador na naniniwalang sa pamamagitan ng kasaysayan ay mas
mapapalawak ang ating kaalaman at pang-unawa tungkol sa iba‟t ibang karanasan ng tao at
grupo ng tao. May nagsasabi rin na sa pamamagitan ng pag-aaral ng kasaysayan, nalilinang ng
mga mag-aaral ang tinatawag na historical thinking skills, kung saan natututo ang mga mag-aaral
na magsuri ng mga primaryang dokumento, bumuo ng konklusyon at magsagawa ng isang
desisyon batay sa mga nakalap na datos.
Sa Pilipinas naman, ang kasaysayan ay maaaring talakayin sa dalawang bahagi:
kasaysayan bilang isang disiplina sa pag-aaral at pangalawa bilang bahagi ng kamalayan ng
isang grupo ng tao kung ano ang pagkakakilala nila sa nakaraan (Custodio, Mamorno,
Nepomuceno, Pimentel Jr. at Roxas, 1989). Ito lamang ay nagpapakita na mahalaga ang
kasaysayan bilang disiplina sapagkat ito ay magtuturo sa atin ng ilang mga kasanayan sa
pananaliksik at bilang isang bahagi ng kolektibong kamalayan na magiging gabay sa pagkilos ng
tao sa kasalukuyan at hinaharap.
Ayon naman sa K to 12 Batayang Kurikulum ng Araling Panlipunan, mahalagang makita
ng mag-aaral ang pag-unlad ng lipunan mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan
upang lalo niyang maunawaan ang kanyang sarili at bansa: makabuo ng pagkakakilanlan bilang
indibidwal at miyembro ng lipunan, bansa at mundo; maunawaan ang mga pagbabago sa buhay
ng bawat mamamayan, lipunan o ng buong kapaligiran; matukoy ang pagkakaiba ng nakaraan sa
kasalukuyan; masundan ang pagpapatuloy ng mga paniniwala, istruktura at iba pa sa paglipas ng
panahon; at magkaroon ng konsepto ng kahalagahang pangkasaysayan (historical significance).
Sa kabuuan, tunguhin ng K-12 Kurikulum ng Araling Panlipunan (AP) na makahubog ng
mamamayang mapanuri, mapagmuni, mapanagutan, produktibo, makakalikasan, makabansa at

2
makatao na may pambansa at pandaigdigang pananaw at pagpapahalaga sa mga usaping
pangkasaysayan at panlipunan (K-12 Batayang Kurikulum sa AP, 2016).
Tunay na mahalaga ang kasaysayan sa pananaw ng mga eksperto ngunit para sa mag-
aaral, ano kaya ang kahalagahan nito?
Sa Amerika, may pag-aaral na naisagawa ukol dito. Sa katauhan ni Bruce A.
Vansledright, isa sa mga tagapagtaguyod ng historical thinking skills, siniyasat niya ang
pananaw ng tatlumpung mag-aaral mula sa iba‟t ibang baitang (Baitang 5, 6 at Hayskul) ukol sa
kahalagahan ng pag-aaral ng kasaysayan ng Amerika. Karamihan sa kanilang sagot ay
sinusuportahan ang sinasabi ni Santayana na ang sinumang hindi mag-aaral ng kasaysayan ay
makakaulit ng mga pagkakamali nito.
Pinaliwanag rin ni Vansledright (1997) sa kanyang papel na importanteng maisaalang-
alang ang pananaw ng mga mag-aaral tungkol sa kahalagahan ng isang asignatura sapagkat
nakadepende rito ang kanilang matutunan at mauunawaan. Dagdag pa niya na ang mga layuning
bitbit nila sa kanilang mga pagsisikap na malaman ang lahat tungkol sa isang bagay, at ang papel
na ginagampanan ng kanilang mga kaibigan, magulang, at lalo na ang kanilang mga guro, ay
iniuugnay sa kung paano sila gumagawa ng kahulugan higit lalo na sa kanilang sariling buhay.
Sa Pilipinas ay wala pang naisasagawang ganitong pag-aaral. Kaya naman, layunin ng
papel na ito na tuklasin ang pananaw ng mga mag-aaral sa ika-lima, ika-anim at ika-sampung
baitang ukol sa kahalagahan ng pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas at ang gamit nito sa araw-
araw nilang pamumuhay. Nais ring tingnan ng mga mananaliksik kung ito ba ay tumutugma sa
layunin na itinakda ng Kagawaran ng Edukasyon.

3
PAMAMARAAN

Dalawang pangunahing tanong ang binuo ng mga mananaliksik upang maunawaan ang
pananaw ng mga mag-aaral tungkol sa kahalagahan ng kasaysayan ng Pilipinas:
1. Para sa iyo, ano ang kahalagahan ng pag-aaral kasaysayan ng Pilipinas;
2. Paano mo magagamit ang natutunan mo sa Kasaysayan ng Pilipinas sa araw-araw mong
pamumuuhay o sa labas ng paaralan?
Napili ng mga mananaliksik ang ika-limang, ika-anim at ika-sampung baitang bilang
respondents sapagkat sa baitang na ito pinag-aaralan ang kasaysayan ng Pilipinas. Ang pag-aaral
sa ikalimang baitang ay nakatuon sa Pagbuo ng Pilipinas bilang Nasyon kung saan tinatalakay
rito ang pagkabuo ng kapuluan ng Pilipinas hanggang sa simula ng ika-20 siglo. Ang paksa
naman sa ika-anim na baitang ay Mga Hamon at Tugon sa Pagkabansa kung saan tinatalakay
rito ang kasaysayan ng Pilipinas mula ika-20 siglo hanggang sa kasalukuyan. Samantalang sa
ika-sampung baitang, ang paksa ay nakatuon sa Mga Kontemporaryong Isyu sa Pilipinas.
Napagpasiyahan ng mga mananaliksik na sa Marikina isagawa ang pag-aaral sapagkat ito
ay madaling marating mula sa aming panggagalingan. Ang unang ginawa ng mga mananaliksik
ay sumulat sa Schools Division Superintendent ng Marikina upang humingi ng pahintulot sa
gagawing interbyu o pakikipanayam sa mga mag-aaral ng Marikina. Tinanong rin ng pangkat
ang Division Office kung alin sa mga paaralan sa elementarya at sekundarya ang mainam na
pagkuhanan ng mga datos.
Upang mas makakuha ng malalim at iba-ibang sagot tungkol sa paksa, nagsagawa ng
one-on-one interview ang mga mananaliksik sa 30 mag-aaral - tigsasampu sa bawat baitang.
Nirekord ang kanilang mga sagot gamit ang voice recorder ng cellphone at isinalin ito sa
kompyuter (verbatim) gamit ang word application.
Pagdating sa pagsusuri ng datos, hinati ng mga mananaliksik ang mga sagot batay sa
dalawang tanong. Matapos nito ay pinag-aralan ang bawat sagot ng mga mag-aaral at binigyan
ng angkop na tema. Pinagbukod-bukod ng mga mananaliksik ang mga sagot batay sa tema at
kung ang sagot ng mag-aaral ay may dalawang tema, hinihiwalay ang mga talatang may
magkaibang tema. Mayroon ding mga sagot na may isa o higit pang tema na hindi na
inihiwalay ng mga mananaliksik upang maipakita ang daloy ng pag-iisip ng mga mag-aaral.

4
KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL NG KASAYSAYAN PARA SA MGA MAG-AARAL

Isa sa mga layunin ng ating pamahalaan na sa pamamagitan ng pagtuturo ng kasaysayan


ay malinang sa mag-aaral ang pag-unawa sa mga pangunahing kaisipan at isyung
pangkasaysayan, pangheograpiya, pampulitika, ekonomiks at kaugnay na disiplinang panlipunan
upang siya ay makaalam, makagawa, maging ganap at makipamuhay (Pillars of Learning).
(DepEd, 2016).
Ang mga sumusunod na talata ay nagpapakita sa naging tugon ng mga mag-aaral sa
kanilang pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas.

Matutunan ang mga aral ng nakaraan


Ang sinuman na hindi natutunan ang aral ng nakaraan ay makauulit ng pagkakamali nito.
(Santayana, 1968). Ang pagtuklas sa mga pagkakamali noon ay magbubunga ng kaisipan na
hindi ito dapat maulit at pagtuklas ng pamamaraan upang mapagbuti ang bawat sitwasyon. “Ang
kasaysayan ay tumutulong para maiwasan na ulitin ang mga mali na ginawa ng mga ninuno
natin. Sa pag-aaral ng kasaysayan, maaring maiwasan ang paggawa ng pagkakamali katulad ng
pagkakamali ng mga Pilipino noong unang panahon,” mula kay Marco, 16 anyos at nasa ika-
sampung baitang. “Para malaman ang ginawa o nangyari nung nakaraan. Kapag alam ang
nakaraan, hindi mo na mauulit kung anong pagkakamali dati. Hindi ka uunlad kung hindi mo
aaralin ang nakaraan. Marami tayong matutunan sa nakaraan na magagamit natin sa hinaharap,”
wika ni Juan, 16 anyos at nasa ika-sampung baitang.
Karaniwan sa mga kasagutan ng mga mag-aaral ay nahahanay sa layunin na ito. Isang
pagtitibay kung paano ang pag-aaral ng kasaysayan ay may malalim na layunin, at para sa
karamihan, isa ito sa mga nagiging batayan sa paggawa ng desisyon.
"Ang pag-unawa sa kasaysayan ng ating bansa sa paraan na kung saan binuo ng ating
mga institusyon sa ating sarili, bilang mga produkto ng nakaraan, ay mahalaga sa ating
kakayahan na gumawa ng mga desisyon," wika ni Mary Delahunty, Tagapangasiwa ng
Edukasyon ng Australia.

Malaman ang lahat tungkol sa nakaraan


Ang kasaysayan ay karaniwang iniuugnay sa nakaraan lalo na sa mga paaralan. Kaya‟t

5
hindi nakapagtatakang may mga mag-aaral na ito ang pagkakaunawa tungkol sa pag-aaral ng
kasaysayan. Ayon sa mga unang nagtatag ng kurikulum ng kasaysayan, ito ay bintana ng
nakaraan at pintuan ng hinaharap (Evans, R. 2004). Ilan sa mga kasagutang matutunghayan sa
ibaba ay nagpapatunay sa kaisipan ng mga kabataan na nasa ganitong ring pananaw.
Ayon kay Jay, 16 taon gulang—“Para sa akin po, dun po natin malalaman ang ginawa o
nangyari nung nakaraan…kapag alam mo na ang nakaraan, hindi mo na mauulit ang
pagkakamali na „yun sa kasalukuyan…”
Kahalintulad nito ang sinabi ni Anne, 16 na taon gulang, na ayon sa kanya ay “Mahalaga
pong aralin yung kasaysayan kasi dun po sa kasaysayan, dun po tayo nanggaling... kung hindi
po natin aaralin...wala rin pong magiging progress …”
Ayon din kay Lino, 16 taon gulang, “Kapag alam mo na ang nakaraan, hindi mo na
mauulit ang pagkakamali na „yun sa kasalukuyan…hindi ka uunlad kung hindi mo aaralin ang
nakaraan. Marami tayong matutunan sa nakaraan na magagamit natin sa hinaharap…”
Ayon kay Micheal Berdine, isang guro sa Cambridge University, “Ang pag-aaral ng
kasaysayan ay nagbibigay kaalaman o kakayahan sa pagtatasa o pagtataya ng mga ebidensya,
tulad ng mga payahag sa publiko, mga pribadong tala o records, numerikal na datos at iba pang
mga materyal, para magkaroon ng mainam na pagsusuri ng kasaysayan o nakaraan. Ang mga
pag-aaral ng lahat ng tungkol sa nakaraan ay nagbibigay kakayahan sa isang indibidwal para
makilala o malaman kung ano ang tama o ang mali”

Gamit
Kadalasan, dahil sa edad ng mga respondents, ang mga sagot ay may kinalaman sa gamit
nito o utalitarian rationale. Katulad sa pagtugon sa mga pangangailan sa paaralan at paggawa ng
mga takdang-aralin, ito rin ay nagagamit sa pakikipagtalastasan sa loob at labas ng paaralan.
May mga kasagutan na hindi nangangahulugan ng mahinang kakayahan ng mga mag-aaral, lalo
na sa elementarya, bagkus, ito ay sa kadahilanang hindi pa sapat ang karunungan o kakayahan ng
isang mag-aaral na tumutugon sa masusing pagsusuri ng mga datos o impormasyon na may
kinalaman sa kasaysayan.
May ilan na nakapagbigay din ng kasagutan na nagpapakita ng kamalayan sa
kahalagahan ng gamit ng kasaysayan. Ayon kay Amy , sampung taon gulang, “Para matutunan
natin kung paano natin aalagaan ang wikang Pilipino para sa atin.”

6
Malaman ang pinagmulan
Kadalasan, ang tumatatak na layunin sa pag-aaral ng kasaysayan ay may kinalaman sa
pagtuklas ng nakaraan. Ayon kay Carl Sagan, isang siyentipiko, "Dapat mong malaman ang
nakaraan upang maunawaan ang kasalukuyan,” (Berdine, 2013).
Si May, labing-anim (16) na tanong gulang, ay may ganitong kasagutan, “Para sa akin,
mahalaga iyon kasi malalaman natin „yung doon tayo nanggaling, kung paano nabuo „yung
Republika ng Pilipinas, kung bakit naging ganito „yung estado natin ngayon, kung ano „yung
mga pinaghirapan ng mga bayani natin sa nakaraan.” Ang sagot na ito ay may kaugnayan sa
paghahanap ng pagkakakilanlan bilang isang indibidwal o bilang isang bansa. Ayon din kay
Vansledright, “Dito ipinapakita na ang pag-aaral ng kasaysayan ay maaaring mag-udyok sa isang
indibidwal na alamin ang kanyang pinagmulan.” Ito ay nagpapakita ng pag-unawa bilang isang
bahagi ng mamamayang Pilipino, mula sa personal na pagkatao hanggang sa kabuuan ng
sambahayanan.

Pagbuo ng Pagkakakilanlan bilang isang Indibidwal


Ang pagbuo ng pagkakakilanlan ay makikita sa kasagutan ni Paul, labing-anim na taon
gulang. Ayon sa kanya, “„Yung kasaysayan po kasi ng Pilipinas iyon po 'yung kailangan nating
matandaan kasi maliban po dun sa kinaroroonan po natin, dun po natin aalamin yung nangyari sa
kasaysayan parang bale hindi po natin alam yung mga purpose po natin.” Ito ay may
pagkakahalintulad sa sagot ni Jay, labindalawang taon gulang, “Kung alam natin ang pinagmulan
natin, mas madali gumawa ng hakbang para sa pag-unalad ng sarili at ng bansa.”
Isa itong patunay sa sinabi ni Vandelright na ang pag-aaral ng kasaysayan ay humuhubog
para sa sariling pagkakakilanlan ng isang inidibidwal. Ayon din sa kanya, ang pag-aaral ng
kasaysayan ay may importanteng ipinapahayag sa mga kabataan at napapayabong ang kanilang
pagganyak sa pag-aaral at nai-uugnay ang nakaraan sa kasalukuyang buhay.
Ang mga pahayag nito ay may kahalintuladpagkakahawig sa sinabi ni Mary Delahunty.
Ayon sa kanya, “May pangangailangan tayo bilang indibidwal, miyembro ng komunidad, at
bilang isang bansa – na maintindihan kung saan ang kinalalagyan natin sa mundo, maintindihan
ang pagbabago ng lipunan, mapahalagahan ang lawak ng kalagayan (range of conditions) at
yaman ng karanasan ng nakaraan gayun din naman ng kasalukuyan” (Andrews, J., 2001).

7
Pagkakaroon ng Kamalayan o Pagpapahalaga (Kultura at iba‟t ibang Yugto ng Kasaysayan)
Ang pagkakaroon ng kamalayan o pagpapahalaga sa kasaysayan, ay isa sa mga tema na
binabanggit ni Vansledright. Ayon din kay Delahunty, ang pagpapahalaga ng pagkakaiba ng
bawat isa at pamamaraan ng pamumuhay – nakaraan man o kasalukuyan - ay naglilikha ng
malawak na kamalayan ng isang indibidwal at nagtuturo sa bawat isa ng pakikiramay at pagiging
mapagparaya. Ito ay humuhubog ng matalas na pag-iisip na kailangan para sa isang liberal na
pagkakaiba-iba ng kultura para sa isang maayos na lipunan.
Tatlo sa mga mag-aaral ang may sagot na naayon sa temang ito. Ang isa ay si Jamie,
sampung taong gulang. Para sa kanya, importanteng malaman ang pinagdaanan ng mga Pilipino
at para din matutunan ang mga ugali, tradisyon at kultura ng mga Pilipino. Ayon naman sa sagot
ng labing-isang taon gulang na si Ana, “Para po malaman po natin yung mga kabayanihan po
nila yung mga katapangan po nila para maging malaya po ang bansa natin.” Panghuli ay si Roy,
labing-anim na taon gulang. Ayon sa kanya, “Ang pag-aaral ng kasaysayan ay paraan para
makilala natin ang mga tao na nagbigay kung anong mayroon tayo ngayon, katulad ng kalayaan
at karapatan ng bawat tao.”
Ang mga makatwirang paliwanag na ito ay nagmula sa magkaka-ibang antas ng mag-
aaral. Mga kasagutan na nagpapakita ng pagtatak sa kamalayan ng mga mag-aaral, ano man ang
antas, sa kasaysayan ng Pilipinas at ang importansya nito sa bawat isa.

Pagbuo ng Pagkakakilanlan bilang Bansa


May iilang mag-aaral ang nagsabi na mahalaga ang pag-aaral ng kasaysayan para sa
pagbuo ng pagkakakilanlan bilang isang indibidwal at isang bansa. “Hindi po natin alam yung
mga layunin po natin kung 'di po natin pag-aaralan 'yung mga naganap po dati: „yung kalayaan
po ng bansa, „yung iba‟t ibang mga taong nagtanggol po dito sa bansa at nagpakita po ng
pagkabayani, pagiging makabansa,” wika ni Mark, labing-anim na anyos mula sa ikasampung
baitang.

8
GAMIT NG PAG-AARAL NG KASAYSAYAN SA PANGARAW-ARAW NA PAMUMUUHAY
O SA LABAS NG PAARALAN

Matutunan ang mga aral ng nakaraan


Sinabi ni Edmund Burke (2001) na sa kasaysayan, maraming bagay ang nakahain para sa
ating pagkatuto, nagmumula ang panghinaharap na karunungan sa mga pagkakamali sa nakaraan
at kahinaan ng sangkatauhan.
Para sa ilang mag-aaral, magagamit nila ang kaalaman tungkol sa kasaysayan ng
Pilipinas sa kanilang pangaraw-araw na pamumuhay sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga
aral na mapupulot mula rito. Halimbawa na lang nang sinabi ni Marko (labing-anim na taong
gulang mula sa ika-sampung baitang), “Tulad lang po sa kasaysayan ng Pilipinas, „yung mga
karapatan po ng tao po. Sa pangaraw-araw po ginagamit ko „yung mga karapatan po ng maayos
at ginagalang ko rin po „yung mga karapatan din po ng ibang tao.
Mahalaga na makita ng mag-aaral na ang mga aral ng kasaysayan ay may kagamitan sa
hinharap. Hindi lamang ito makabuluhan sa pansariling interes kundi sa kabuuan din ng
pamayaan. Ito ay nagbibigay ng batayan sa kung paano tayo makakakilos ng maayos at tama
para sa ating tungkulin sa pamayanan.

Hanap-buhay
Ang pag-aaral ng kasaysayan ay makatutulong din sa pagkakaroon ng hanap-buhay sa
hinaharap. Ayon kay Peter N. Stearns (1998), ang pag-aaral ng kasaysayan ay nakatutulong sa
paghubog ng mabubuting negosyante, propesyunal at lider ng politika. Ang mga employers ay
naghahanap ng mga manggagawang may mga kakayahan na itinuturo sa pag-aaral ng
kasaysayan. Isa sa mga ito ay ang pagkakaroon ng malawak na pag-iisip na nagbubunsod ng
kakayahang umangkop sa kahit na anong sitwasyon - pinakamahalagang katangian na
pinakakailangan sa lahat ng hanap-buhay.
Ilan sa mga may ganitong sagot ay sina Matthew at Julie na parehong nasa ika-limang
baitang. Wika ni Julie, “Para po magkaroon ng kaalaman sa kanilang buhay dahil kapag wala
pong kaalaman, hindi po sila magkakaroon ng magandang trabaho.” Ito naman ang sagot ni
Matthew, “Para po magkaroon po sila ng kaalaman sa kanilang buhay kase po kapag wala pong
kaalaman, hindi po sila magkakaroon ng magandang trabaho. Kaya tulad po ng mga mahihirap

9
po sa probinsiya, nag-aaral po sila nang mabuti kaya po paglaki nila may maganda po silang
trabaho,”
Iniisip ng mga mag-aaral na isang paraan ng paghahanda para sa pagtratrabaho nila sa
kinabukasan ay ang pag-aaral ng mabuti sa lahat ng pagkakataon. Ang pag-aaral ng kasaysayan
para sa kanila ay isa sa mga bahaging marapat pag-aralan ng mabuti. Higit dito, dapat na
maunawaan ng bawat mag-aaral na ang mga kasanayan na ginagamit sa pag-aaral ng kasaysayan
ay makatutulong sa lahat ng hanap-buhay na maaari nilang pasukan. Mainam na maipatanto sa
kanila na magagamit ang pag-aaral ng kasaysayan sa paghubog ng bukas at kritikal na pag-iisip.

Paghahanda sa Kinabukasan
Ang kasaksayan ay hindi makapagbibigay ng palatuntunan para sa hinaharap, ngunit ito
ay makapagbibigay ng buong pagkaunawa ng ating mga sarili, ng buong sangkatauhan, upang
mas maayos nating salubungin ang hinaharap. (Warren) Dagdag ni Stearns (1998) na ang
kasaysayan ay nakututulong sa paghahanda sa kinabukasan. Ang nakaraan ang nagbigay-daan sa
kasalukuyan at sa hinaharap. Kung nais natin malaman bakit nangyari ang isang bagay, marapat
na tignan natin ang mga sanhi na nangyari bago ito. Minsan, ang pangyayari kamakailan lang ay
makapag-bibigay ng sapat na paliwanag sa isang pangunahing pagbabago, ngunit karaniwan,
kailangan nating suriin ang mas nakalipas na pangyayari upang malaman ang dahilan ng isang
pagbabago. Ang pag-unawa sa mga pagbabagong ito ay magbubunsod sa atin ng mainam na
pagganap sa mga maaring mangyari sa hinaharap.
Ilan sa mga nagsabi na magagamit ang pag-aaral ng kasaysayan bilang paghahanda sa
kinabukasan sina Patricia at Martha. “„Yung kasaysayan po, magagamit natin sa araw-araw sa
pamamagitan ng inaral natin kung saan tayo nagmula o kung ano po ang pinanggalingan ng
bansa natin, magagamit din natin „yun sa pagtanggol sa bansa natin ngayon. Kunwari kay Rizal,
magagamit natin „yun sa pagsasabuhay kung ano ba yung mga dapat nating gawin at dapat
nating pahalagahan sa mga nangyari dati,” mula kay Patricia, labinganim na anyos, nasa ika-
sampung baitang. Ito naman ang sagot ni Martha na kapwa mag-aaral ni Patricia, “Para
magkaroon na rin ng kaalaman sa nangyari dati na magagamit para sa hinaharap.”
Sa mga sagot ng mag-aaral na ito, walang naibigay na konkretong halimbawa sa
pagpapaliwanag sa kung paanong paraan magagamit ang pag-aaral ng kasaysayan kung paano
nila ito magagamit sa hinaharap. Ngunit mahihinuha na binibigyan nila ito ng pagkakataon na

10
maaring makatulong sa kanila sa hinaharap.

Tulong sa Pakikipagtalastasan
May ilang mag-aaral na iisa ang sinasabi tungkol sa gamit ng kasaysayan: magagamit ito
sa pakikipanayam sa ibang tao - kapwa mag-aaral, bahagi ng pamilya, kalaro o kung sinuman na
makasalamuha nila. Ilan sa mga tugon nila ay:
“Ang kasaysayan natin ay makulay at maganda na ibahagi sa iba, sa mga hindi
nakakaalam,” mula kay Joshua ng ika-sampung baitang
“Sa mga bagay-bagay tulad sa pamahalaan, sa mga usapin o isyu ay
magkakaroon ka ng basehan sa pagpapahayag mo ng gusto mong sabihin o mas
nagiging malawak ang kaalaman mo sa nangyayari sa lipunan - kung paano , kung
bakit nangyari „yun at hindi pwedeng ganoon,” wika ni Marie, kamag-aral ni Joshua
“Kapag may nagtatanong ay alam ko ang isasagot,” wika ni Ana mula sa ika-
limang baitang.
Makikita sa sagot ni Ana na ang pangunahing layunin ng paggamit ng mga kaalaman sa
kasaysayan ay upang magpakita na siya ay may kaalaman at kahandaan sa oras na kapanayamin
siya ng ibang tao. Sa sagot naman ni Joshua ay mahihinuha ang layunin na maibahagi talaga ang
kaalaman sapagkat nakita niya na ito ay “maganda”. Panghuli, sa sagot ni Marie, nagagamit ang
pag-aaral ng kasaysayan bilang basehan na paghuhugutan ng paninindigan sa mga napapanahong
isyu. Masasalamin natin sa mga sagot na ito ang iba‟t ibang antas ng paggamit ng kaalaman sa
kasaysayan sa mga diskurso. (Santayana, 1968)

Libangan
Ang kasaysayan bilang isang sining at libangan ay mayroong tumutugon sa
makabuluhang layunin hindi lamang sa palasantingin (aesthetic) kundi maging sa naibubunga
nito sa pag-unawa ng tao. Ang mga kuwentong binuo ng may kainaman ay nagbubunyag kung
paano ang mga tao at lipunan ay tumatakbo. Inuudyok nito ang kaisipan tungkol sa iba‟t ibang
karanasan ng tao sa ibang kapanahunan at lugar. (Stearns, 1998)
Isa sa mga nakasanayang gawin ng dalawang mag-aaral ay ibahagi ito sa mga tao sa
paligid nila. Sa sitwasyon ni Michael, mula sa ika-limang baitang, minsan ay ikinukuwento niya
ang mga natutunan niya sa Pilipinas sa maliit niyang kapatid. Sa kalagayan naman ni Tomas,

11
mula sa ika-aanim na baitang, nagiging libangan sa kanya ang pagbabahagi ng mga nangyari sa
nakaraan at mga karanasan ng ating ninuno. Malugod niyang ginagawa ito sapagkat nais niyang
maging guro ng Araling Panlipunan.

Malaman ang pinagmulan


Sa bansang Amerika, napagtanto ng Bradley Commision ang kahalagahan ng pag-unawa
ng pinagmulan sa pamamagitan ng kasaysayan. Kung wala ang pag-aaral ng kasaysayan ng
Kanluran and ng buong mundo, mahihirapan ang mga mag-aaral na makita ang katotohanan ng
mga ito. Hindi nila mauunawaan ang pinagmulan at doktrina ng mga relihiyon; hindi sila
magiging pamilyar sa sinaunang sagupaan para sa kalayaan at hustisya; at hindi nila
matutuklasan ang maraming daan na binagtas ng mga bansa para manakop o makaligtas sa
tanikala nito. (Jackson, 1989)
Dalawang mag-aaral ang ginagamit ang pag-aaral ng kasaysayan sa higit na pagkilala ng
kanilang pinagmulan bilang isang Pilipino. “Para din malaman ang bawat karapatan ng bawat isa
sa lipunan gayundin ang papel na dapat gampanan ng bawat estudyante, ng bawat tao. Ito rin ay
nakatutulong para makilala natin kung sino ba tayong mga Pilipino. Ito rin ay nagagamit sa
araw-araw na pamumuhay, katulad sa pagsunod sa batas, respeto sa ibang tao,” sagot ni Carlo,
mula sa ika-sampung baitang. “„Yung kasaysayan po ng Pilipinas, pwede ko pong magamit „yun
dahil alam ko na po kung saan ako nanggaling, alam ko na kung saan po nanggaling „yung
bansang Pilipinas.” karagdagang sagot ni Ana, mula sa ika-limang baitang.

Personal na interes
May dalawang mag-aaral ang nagsabing magagamit nila ang kasaysayan sa kanilang
pangaraw-araw na pamumuhay dahil natutugunan nito ang kanilang personal na interes.
Halimbawa dahil mahilig sa sining (arts) si Melora Sheen (labing-sang taong gulang), nagagamit
niya ang kanyang kaalaman sa kasaysayan upang makabuo ng likhang-sining. Si Julia naman
(labing-anim na taong gulang) ay nasisiyahan na malaman ang mga nangyari dati at ang mga
kuwento tungkol sa sa pinanggalingan natin. Ang pagtuklas sa madalas banggitin ng mga
historyador na “kalipasan ng nakalipas” - mga kaparaang kung paano binuo ng mga tao mula sa
iba‟t ibang kapanahunan ang kanilang pamumuhay - ay may nakaloob na kariktan at
kapanabikan, at sa wakas ay panibagong pananaw sa buhay ng tao at sa lipunan. (Stearns, 1998)

12
Magsilbing inspirasyon ang mahahalagang personalidad sa kasaysayan
Mayroon namang isang mag-aaral ang nagsabing inspirasyon ang ilang mahahalagang
personalidad sa kasaysayan sa kanyang buhay. Ayon kay Angelica (labing-isang taong gulang),
ang mga kwento ng mga bayani katulad ng buhay ni Jose Rizal ay nagbibigay ng inspirasyon
para sa kanila.
Kapansin-pansin na iilang mga personalidad lamang ang kilala ng mga mag-aaral sa
kasaysayan tulad nina Rizal, Bonifacio at iba pa. Madalang o hindi pa rin nababanggit lalo na sa
mga aklat ng paaralan ang mga ginawa ng mga lokal na bayani at kababaihan. Makikita rin na
nakasentro pa rin ang kwento ng kasaysayan sa mga tagumpay ng mga pangunahing tauhan,
bihira pa rin ang pagbabanggit tungkol sa dinanas nilang kabiguan at pagkatalo.
Wika nga ni Fox Genevosse, isang left-wing historian, "Ang krisis sa pagtuturo ng
kasaysayan ay hindi mapaghihiwalay mula sa krisis sa ating kultura sa kabuuan. Ayon sa kanya,
ang ugat ng krisis na ito ay ang pagdomina ng mga tinatawag na bourgeoisie sa kasaysayan.
Aniya, “Ang pagpili ng makabuluhang pangyayari ay hindi ginawa ng walang tinatayang interes.
Ito ay nagsusulong na higit na mabigyan ng kalamangan sa kultural at politikal na aspeto ang
mga bourgeoisie. Ipinapakita nito ang makatuwirang pagsasakatuparan ng likas na panuntunan,
na tinutulungan ng pagganap ng isang bantog na kalalakihan.”
Dagdag pa niya, upang makalaya sa tinatawag na “conventional political history” o
history ay dapat manatiling tapat ang mga historyador sa pagsusulat ng mga salaysaying
nakasentro hindi lamang sa mga tao o grupong nagtagumpay kundi rin sa mga tao o grupo na
nakaranas ng kabiguan.
Mahihinuha na ang tatlong sagot na nabanggit ay masasabing angkop sa mithiin ng K-12
Kurikulum ng Araling Panlipunan.

Malinang ang damdaming nasyonalismo


May dalawang mag-aaral naman na nagsabing magagamit nila ang natutunan sa
kasaysayan ng Pilipinas sa paglinang ng damdaming nasyonalismo. Wika ni Lindsay Savina
(sampung taong gulang), “Gagayahin ko rin po „yung mga ugali ng mga Pilipino dati. Ipapakita
ko po sa kanila (sa mga banyaga) „yung ugali ng Pilipino - tulad ng pagiging masipag, masikap,
may tiwala sa sarili at mapagpasensya.”

13
Samantala, si John Benedict naman (labing-anim na taong gulang), isa sa mga partikular
na paksa na kanyang natutunan ay ang pagmamahal sa sariling bayan. Ayon sa kanya, noong
panahon ng mga Kastila, ang pinakaproblema ng mga Pilipino ay hinayaan natin ang mga
Kastila na sakupin tayo. Ngayon, kung sakali man na may sumakop muli sa ating bansa, hindi na
dapat tayo mag-antay sa iba upang ipagtanggol ang ating bansa, dapat magsimula ito sa sarili.

Mabigyang-halaga at mahubog ang sariling kultura


Dalawang mag-aaral ang nagsabing ang kasaysayan ay nakatutulong upang mabigyang
halaga at mahubog ang sariling kultura. Ayon kay Hannah (labing-anim na taong gulang), “Ang
kasaysayan ay may kaugnayan sa kultura natin. Sa pamamagitan ng kasaysayan ay
mapapahalagahan natin ang mga bagay na nakikita natin sa araw-araw na ginagawa at mas
nakikita natin ang halaga ng ginagawa natin.” Para naman kay Sebastian (labing-anim na taong
gulang), “Ang pag-aaral ng kasaysayan ang tumutulong para mahubog ang kultura. at
maintindihan ang dapat gampanan ng bawat isa sa lipunan at gobyerno.”
Makikita sa mga sagot ng mga mag-aaral na hindi naipaliwanag ng malalim kung paano
nakakatulong ang kasaysaysan sa paghubog ng sariling kultura bagkus sila ay tumalon na sa
ibang paksa. Marahil hindi pa hasa ang mga bata sa pagpapalalim ng kanilang sagot at
pagbibigay ng mga konkretong halimbawa sa mga abstrak o malawak na ideya tulad ng kultura.

Tulong upang maging responsable at produktibong mamamayan


Tatlong mag-aaral ang nagsabing ang kasaysayan ay makatutulong upang maging
responsable at produktibong mamamayan. Sabi ni Hughnathan, (labing-dalawang taong gulang),
“Magagamit ang kasaysayan para malaman ng bawat isang kung ano ang dapat gawin.” Halos
magkatulad ang sagot nila ni Sebastian (labing-anim na taong gulang) na nagsabing ang gamit ng
kasaysayan ay para malaman ang bahagi na dapat gampanan ng bawat kabataang Pilipino;
maintindihan ang dapat gampanan ng bawat isa sa lipunan at gobyerno; para malaman ang bawat
karapatan ng bawat isa sa lipunan; at makita ang papel na dapat gampanan ng bawat estudyante o
ng bawat tao. Ito rin ay nakatutulong para makilala natin kung sino ba tayong mga Pilipino. Ito
rin ay nagagamit sa araw-araw na pamumuhay, katulad sa pagsunod sa batas, pagbibigay ng
respeto sa ibang tao. Ayon naman kay Hannah (labing-anim na taong gulang), “Ang kasaysayan
ay naiimpluwensyahan ang pananaw natin - kung paano tayo umarte o ano ang magiging asal

14
natin o kaugalian ng bawat Pilipino ngayon, katulad kung may flag ceremony. Kung tayo ba ay
makikipag-usap sa katabi o magbibigay-galang. Ganundin, ito ay para maging mapagmatyag sa
demokrasya na pinaghirapan ng mga Pilipino noon.”

Hindi angkop na sagot


Mayroon naman isang mag-aaral mula sa ikalimang baitang na hindi angkop ang sagot.
Nakatala sa ibaba ang aktuwal na pakikipanayam sa kanya.
Tagapakinayam: Para sa iyo, ano ang kahalagahan ng pag-aaral ng kasaysayan ng
Pilipinas?
Mary Jodylei (mula sa ika-limang baitang): Kailangan nating mag-aral um, katulad ko..
katulad ng..para masundan natin yung mga nanay at tatay natin, yung ginagawa nila sa
kasalukuyan.
Tagapakinayam: Sa tingin mo ba mahalaga ang pag-aaral ng kasaysayan?
Mary Jodylei: Opo, gaya nga po ng sinabi ni Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng
bayan.
Tagapakinayam: Paano mo magagamit ang kasaysasayan sa iyong araw-araw na
pamumuhay?
Mary Jodylei: Hmm, yung mga tinuturo po sa akin ng aking guro, nai-insert ko po yun sa
bahay.
Tagapakinayam: Mayroon ka bang specific na lesson na naalala mo na tinuro sa iyo ng
guro mo na ginamit mo talaga sa bahay?
Mary Jodylei : Grammar.
Tagapakinayam: How about in history?
Mary Jodylei: Yes I always help my sister to do her history.

Tagapakinayam: Meron ka bang naaalalang pinakamagandang lesson sa kasaysayan na


feeling mo magagamit mo sa iyong buhay?
Mary Jodylei: Hmm, Jose Rizal‟s story line.
Tagapakinayam: Naalala mo ba na in-explain ni teacher kung bakit mahalaga ang
kasaysayan?
Mary Jodylei : Hmm, ang naalala ko lang po kasi ay yung sinabi ni Jose Rizal.

15
Tagapakinamayam: Pero si teacher, naexplain niya ba kung bakit mahalaga ang
kasaysayan?
Mary Jodylei: For many reasons
Tagapakinayam: Ano kaya yung mga reasons na yun?
Mary Jodylei: Katulad ng...hmm, ang studying or pag-aaral ay nakakatulong sa pang-
araw-araw na kabuhayan lalo na po sa EPP, household chores.

Tulad ng mga naunang argumento, kapansin-pansin na ang naaalala lamang ng mga mag-
aaral ang mga “pangunahing tao” tao sa kasaysayan. Hindi naman ito masama ngunit mas
maganda kung mas mapapalawak pa ang kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa mga
napakaraming significant figures sa kasaysayan kabilang na rito ang lokal na bayani at
kababaihan. Kailangan ring maging kritikal ng mga mag-aaral na ang mga taong ito ay hindi
perpekto at nakaranas rin ng kabiguan.
Hinihikayat rin ang mga guro ng kasaysayan o Araling Panlipunan na magkaroon ng mas
makatwirang pagpapaliwanag ang pag-aaral ng kasaysayan.
Bukod rito ay nararapat na tulungan rin ang mga mag-aaral na malinang hindi lamang
ang mga inaasahang pamantayan sa pagganap (learning competencies) sa Araling Panlipunan
kundi pati na rin ang tinatawag na historical thinking skills.

16
KONGKLUSIYON

Sa katulad ng pag-aaral na isinagawa ng grupo, may makikitang mga magkahalintulad sa


sagot o punto ng mga mag-aaral katulad ng pag-aaral na isinagawa ni Santayana.
Hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng kaalaman sa pangalan, lugar, petsa o mga
pangyayari ang isang mag-aaral. Ang pag-aaral ng kasaysayan ay humuhubog sa kakanyahan sa
pagsusuri, paghahambing ng mga pananaw at pamamaraan ng kritikal na pagpapasiya na siyang
magtataguyod sa indibidwal. (Bradley Commision on History in Schools, 1989). Kailangan ng
higit na pagpapalawig sa diskurso ng kasaysayan na makapagbibigay-daan sa mas maayos na
daloy o kabuuan ng kaisipan at paghubog ng maayos at matatag na pangangatwiran na
makatutulong sa paggawa ng desisyong lohikal. Ito ang patuloy na hamon sa lahat ng
tagapagturo ng ating kasaysayan.

17
MGA SANGGUNIAN

Abrera & Lapar (1999). Paksa, paraan at pananaw sa kasaysayan. UP Departamento ng


Kasayasayan.

Andrews, J. (2001). A very recent history of history teaching. Ethos 7.12. Vol. 9

Berdine, M. (2013). The importance of history. Cambridge Muslim College Paper No. 7

Burke, E. (2001). Reflections on the french revolution. The Harvard Classics, 24(3). Retrieved
from www.bartleby.com/24/3/.

Fitzgerald, J. (1983). History in the Curriculum: Debate on Aims and Values. History and
Theory 22(4)

Paul, R. (1984). Bloom‟s taxonomy and critical thinking instruction. Educational Leadership,
42(8), pp.36-39. Retrieved from
http://www.ascd.org/ASCD/pdf/journals/ed_lead/el_198505_paul.pdf

Stearns,Peter N. (1998). Why study history. American Historical Association. Retrieved from
www. historians.org/pubs/free/whystudyhistory

Szasz, F.M. (2005). Quotes about history. History News Network. Retrieved from
https://historynewsnetwork.org/article/1328

The Bradley Commission on History in Schools (1989). Building a history curriculum:


guidelines for teaching history in schools. The History Teacher, 23(1), pp. 7-35. DOI:
10.2307/494598

Vansledright, B. (1997). And santayana lives on: student‟s views on the purposes for studying
american history. J. Curriculum Studies. 29(5), pp.529-557. DOI: 10.1080/002202797183892

18

You might also like