Bihilya NG Pasko NG Pagkabuhay Mass

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 49

ANG MAGDAMAGANG PAGDIRIWANG SA

PASKO NG MULING PAGKABUHAY


Diyosesis ng Malolos
2020
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa
Pasko ng Muling Pagkabuhay

“Kung paanong binuhay na muli si Kristo


tayo nama’y mabuhay sa isang bagong pamumuhay.” (Rom. 6:4).

Ito ang gabi ng tagumpay ng Panginoon, na itinuturing na “ ina ng lahat ng Banal na


Magdamagang Pagdiriwang”. Ginaganap ngayon ang paghihintay ng Simbahan para sa
Pagkabuhay ni Kristo na siyang ipinagdiriwang sa mga Sakramento. Kaya’t ang buong
pagganap ng Magdamagang Pagdiriwang na ito ay dapat nangyayari kapag madilim na at
magwawakas bago magbukang liwayway. Sa gabing ito, tayo ay maglalamay bilang
paghahanda sa pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Hesus. Si Hesus ay muling nabuhay
upang mabuhay tayo sa bagong kaayusang ayon sa kalooban ng Ama.

UNANG YUGTO:
Ang Maringal na Pagsisimula ng Magdamagang Pagdiriwang:
Ang Pagpaparangal sa Ilaw

Paghahanda ng Ilaw
Ang Kandilang Pampaskuwa ay nakalagay na sa lalagyan nito malapit sa Pook ng Pagbasa

Pari: Sa ngalan ng Ama  at ng Anak at ng Espiritu Santo.


B. Amen.

Pari: Sumainyo ang Panginoon!


B. At sumaiyo rin.
Pari o Diyakono:
Mga kapatid,
sa kabanal-banalang gabing ito
na pinangyayarihan ng pagtawid ng ating Panginoong
Hesukristo
mula sa pagkamatay patungo sa pagkabuhay,
ang sambayanan Niya ay nag-aanyaya
sa lahat ng mga anak na nasa iba’t ibang panig ng daigdig
upang magtipun-tipon sa pagganap ng magdamagang
pagdiriwang.

Sa pagganap natin sa alaala ng Pasko


ng Panginoong nagtagumpay
sa pakikinig ng Salita at
paghahain ng Kanyang buhay
maaasahan nating tayo’y makakapakinabang
sa kanyang pananaig sa kamatayan
at pamumuhay sa piling Niya at ng Amang Maykapal.

Sisindihan ang Kandila ng Paskwa habang ipinahahayag:

Pari: Mapawi nawang tuluyan


ang dilim ng kasalanan
sa puso nati’t isipan:
Si Hesukristo’y nabuhay,
S’ya’y ating kaliwanagan.
Ang mga ilaw sa Simbahan ay sisindihan maliban sa mga kandila ng Altar.
ANG MARINGAL NA PAGPAPAHAYAG NA
NGAYO’Y PASKO NG PAGKABUHAY
Ang Pari ay paroroon sa kanyang upuan kung ginagamit ang insensaryo, ito’y lalagyan ng
insenso ayon sa ginaganap sa loob ng Misa, sa bahagi ng paghahayag ng Mabuting balita.

Ang Aklat ng Mabuting Balita at ang kandila ay iinsensuhan. Ang diyakono o ang pari, kapag
walang diyakono, ang aawit ng pagpapahayag ng Pasko ng Pagkabuhay mula sa mataas na
dako para sa pagbasa o mula sa pulpito. Lahat ay tatayo na may tangang kandila.

Ang Mahabang Paraan ng Pagpapahayag na Ngayo’y Pasko ng Pagkabuhay


(Himig: ”Maligayang Araw”)

Magalak kayong lahat sa kalangitan,


kayong mga anghel ay mangag-awitan!
Magalak kayong lahat na mapapalad na nilikha
na nakapaligid sa luklukang dakila.

1. Si Kristo na ating Hari ay nabuhay na mag-uli!


Hipan natin ang tambuli nitong ating kaligtasan!
Magalak, o sanlibutan, sa maningning nating ilaw!
Si Kristo na walang maliw ang pumaram sa dilim!

Tugon: Magalak nang lubos ang buong Sambayanan!


Sa kaluwalhatian lahat tayo’y magdiwang!
Sa ningning ni Hesukristo, sumagip sa sansinukob,
S’ya’y muling nabuhay, tunay na Manunubos!

2. Itaas sa kalangitan ating puso at isipan!


D’yos Ama’y pasalamatan sa Anak niyang nabuhay.
Sapagka't tapat s’yang tunay sa kanyang pananagutan
para sa kinabilangan niya na sambayanan! (Tugon)
3. Ngayon nga ang kapistahan ni Hesukristong nag-alay
ng kanyang sariling buhay, nagtiis ng kamatayan.
Ang minanang kasalanan, ang dating kaalipina’y
sa tubig pawang naparam, kalayaa’y nakamtan! (Tugon)

4. Ngayon nga ang pagdiriwang ng ating muling pagsilang


sa tubig ng kaligtasan na batis ng kabanalan,
pagka’t mula sa libingan bumangon na matagumpay
Mesiyas ng sanlibutan - si Hesus nating mahal! (Tugon)
5. D’yos Ama ng sanlibutan, tunay na walang kapantay
pag-ibig mo’t katapatan para sa mga hinirang.
Handog mo’y kapatawaran sa lahat ng kasalanan.
Higit sa lahat mong alay - si Hesus naming mahal! (Tugon)

6. Dahil sa kaligayahang sa ami’y nag-uumapaw


hain namin itong ilaw, sagisag ng Pagkabuhay.
Tunay na kaliwanagang hatid ni Hesus naTanglaw,
ang dilim ng kamatayan ay napawi’t naparam! (Tugon)

7. Ang Araw ng Kaligtasan, si Hesus, bukang-liwayway,


walang maliw na patnubay sa landas ng kaligtasan,
hatid n’ya’y kapayapaan, lakas mo at pagmamahal
upang aming magampanan aming pananagutan! (Tugon)

Ang Maikling Paraan ng Pagpapahayag na Ngayo’y Pasko ng Pagkabuhay

1. Magalak ngayo’t magdiwang,


mga anghel na kinapal,
lahat tayo’y mag-awitan:
Si Hesukristo’y nabuhay
S’ya’y ating kaliwanagan.

2. Tambuli ng kaligtasan
maghudyat ng kagalakan
magsaya ang sanlibutan.
Si Hesukristo’y nabuhay
S’ya’y ating kaliwanagan.

3. Hinirang na sambayanan
bumubuo ng Simbahan
magsaya sa kaningningan.
Si Hesukristo’y nabuhay
S’ya’y ating kaliwanagan.

4. Ang puso nati’t isipan


itaas sa kalangitan
ang Ama’y pasalamatan.
Si Hesukristo’y nabuhay
S’ya’y ating kaliwanagan.
5. Ngayon nga ang kapistahan
ng Panginoong namatay
ukol sa ‘ting kalayaan.
Si Hesukristo’y nabuhay
S’ya’y ating kaliwanagan.

6. Ngayon nga ang pagdiriwang


ng muli nating pagsilang
sa tubig ng kaligtasan.
Si Hesukristo’y nabuhay
S’ya’y ating kaliwanagan.

7. D’yos Ama ng sanlibutan,


pag-ibig mo’t katapatan
patawad sa ami’y bigay.
Si Hesukristo’y nabuhay
S’ya’y ating kaliwanagan.

8. Hain namin itong ilaw


sagisag ng matagumpay
na Anak mong minamahal.
Si Hesukristo’y nabuhay
S’ya’y ating kaliwanagan.
Matapos ang pagpaparangal sa kandila, Maaari nang patayin ng sambayanan ang kanilang
kandila.
IKALAWANG YUGTO:
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos

Ang bilang ng mga pagbasa buhat sa Matandang Tipan ay maaaring bawasan alinsunod sa
kaayusang makabubuti sa pamumuhay kristiyano ng mga nagsisimba, subali’t dapat ay
huwag kalimutan ang pagbasa ng Salita ng Diyos ay pangunahing sangkap nitong
Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay. Tatlo man lamang sanang pagbasa
mula sa Matandang Tipan ay ipahayag bagama’t kung may mabigat na dahilan, maaari rin
namang ito’y maging dalawa. Ang pagbasa mula sa ika-14 na kabanata ng Exodo ay hindi
dapat kaligtaan.

Matapos ang pag-awit ng pagpapahayag ng ngayo’y Pasko na ng Pagkabuhay, papatayin ang


sindi ng mga kandila at uupo ang lahat. Bago simulan ang paglalahad ng mga pagbasa,
maaaring ang Pari ay magsalita ng ilang pangungusap ng paliwanag katulad ng narito o ng
anumang katumbas nito:

Pari:
Mga Kapatid,
ngayong nasimulan na natin
ang Magdamagang Pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay,
makinig tayong mabuti sa Salita ng Diyos,
isaloob natin kung paano Niyang ginaganap
sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan
ang pagliligtas Niya sa mga hinirang na tao.
Noon ngang sumapit ang itinakda Niyang panahon
ang Kanyang sariling Anak ang Kanyang sinugo
upang maging ating Tagapagligtas.
Hilingin natin sa Diyos
ang kaganapan ng kaligtasan
na nangyayari ngayon
sa pagdiriwang ng Pasko ng pagtubos sa lahat.

Uupo ang lahat


lsusunod ngayon ang paglalahad ng mga pagbasa. Isang tagapaglahad ng pagbasa ang
paroroon sa mataas na dakong para sa pagbasa at ipahahayag niya ang Salita ng Diyos. Ang
tagapamuno naman ng pag-awit ang siyang mangunguna sa pag-awit ng salmo at ang mga
tao ay tutugon. Tatayo ang lahat at ipahahayag ng Pari ang paanyayang “Manalangin tayo.”
Kapag nakapagdasal na nang tahimik ang lahat, ipahahayag ng Pari ang panalangin.

Sa halip na sagutang pag-awit ng salmo, maaari rin namang magkaroon ng saglit na


katahimikan. Kapag ito ang ginawa, hindi na kailangang magkaroon ng patlang pagkatapos
ng paanyayang “Manalangin tayo.”

UNANG PAGBASA Genesis 1:1.26-31a

Ang Salita ng Diyos mula sa aklat ng Genesis

Nang simulang likhain ng Diyos ang lupa at ang langit, sinabi ng Diyos:
“Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin Siyang kalarawan natin. Siya
ang mamamahala sa mga isda, mga ibon at lahat ng hayop, maging maamo o
mailap, malaki o maliit.” Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang
larawan Lumalang Siya ng isang lalaki at isang babae, at sila’y pinagpala. Wika
Niya “Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig
at pamahalaan ito. Binibigyan Ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda, sa mga
ibon, at sa lahat ng maiilap na hayop, maging malaki o maliit. Bibigyan Ko rin
kayo ng lahat ng uri ng butil at mga bungangkahoy na inyong makakain. Ang
lahat ng halamang luntian ay ibibigay Ko naman sa maiilap na hayop, malaki
man o maliit, at sa lahat ng mga ibon.” At ito nga ang nangyari. Pinagmasdan
ng Diyos ang lahat Niyang ginawa, at lubos Siyang nasiyahan.

Ang Salita ng Diyos.


-Salamat sa Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1-2a. 5-6. 10 at 12. 13-14. 24 at 35k
(Tugon: 30)

Tugon: Espiritu mo’y suguin


Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Pinupuri ka, Poong Diyos, nitong aking kaluluwa


ikaw Panginoong Diyos ko, kay dakila mong talaga!
Ang taglay mong kasuuta’y dakila ri’t marangal pa.
Nababatbat ka, Poong Diyos, ng liwanag na kay ganda. Tugon

Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,


matatag na ginawa mo’t hindi ito mauuga.
Ang ibabaw ng saliga’y ginawa mong karagatan,
at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan. Tugon

Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,


sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
Sa naroong kakahuya’y umaawit ng masaya,
mga ibo’y nagpupugad sa malabay nilang sanga. Tugon

Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,


ibinuhos ang biyaya’t lumaganap sa daigdig.
Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka.
Nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;
anupa’t ang mga tao’y may pagkaing nakukuha. Tugon

Sa daigdig, Panginoon, kay rami ng iyong likha


pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
ang dami ng nilikha mong nakalaganap sa lupa
Panginoo’y purihin mo, purihin mo, kaluluwa!
Purihin ang Panginoon, o purihin mo nga siya! Tugon

Tatayo ang lahat.


Mga Panalangin Pagkaraan ng mga Pagbasa
Kasunod ng unang pagbasa (tungkol sa paglikha: Genesis 1, 1-2, 2 o kaya 1, 1. 26-31a)

Pari: Manalangin tayo.


Ama naming makapangyarihan,
lahat ng iyong mga nilikha ay ikaw ang
itinatampok.
Nawa’y maisaloob ng iyong mga tinubos
na ang daigdig sa pasimula
ay lalo mo pang pinadakila
sa mga huling panahon ng pagsagip ni Kristo
na siyang inihaing Korderong pamasko
na kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

o kaya itong panalangin tungkol sa paglikha ng tao:

Pari: Manalangin Tayo.


Ama naming Makapangyarihan,
sa Iyong kagandahang-loob kami’y Iyong nilikha
at sa Iyong pagtatangkilik kami’y Iyong pinadakila.
Ipagkaloob Mong ang aming matatag na kalooban
ay manaig
sa kasalanang nagbibigay-balakid
sa aming marapat na sa Iyong ligaya’y sumapit
sa pamamagitan ni Kristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasalawang hanggan.
B. Amen.

Uupo ang lahat


IKALAWANG PAGBASA Genesis 22:1-2.9a.10-13.15-18

Ang Salita ng Diyos mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon: Sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng


Diyos at tumugon naman siya.

Sinabi sa kanya, “Isama mo ang pinakamamahal mong anak na si Isaac, at


magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo Ko sa
iyo, at ihandog mo siya sa Akin.”

Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham.


Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong. Nang sasaksakin na niya ang bata,
tinawag siya ng anghel ng Panginoon at mula sa langit ay sinabi: “Abraham,
Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita
mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa Kanya
ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak.”

Paglingon niya’y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay
ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog
kapalit ng anak.

Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ng Panginoon.


Wika nito, “Akong Panginoon ang nangangako sa iyo; yamang hindi mo
ipinagkait sa Akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain Kita. Ang lahi mo’y
magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Lulupigin nila ang
mga lunsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng Iyong lahi,
pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagka’t ikaw ay tumalima sa Akin.”

Ang Salita ng Diyos.


-Salamat sa Diyos.
SALMONG TUGUNAN Salmo 15, 5 at 8. 9-10. 11
(Tugon: 1)
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay.
Ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan;
ang biyayang kaloob mo ay kahanga-hangang tunay.
Nababatid ko na ika’y kasama ko oras-oras,
sa piling mo kailanma’y hindi ako matitinag.

Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak,


ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.

Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,


sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
Tatayo ang lahat.

Pari: Manalangin tayo.


Ama naming Makapangyarihan,
pinararami Mo sa sanlibutan
ang mga anak na sa pangako Mo’y sumilang
bunga ng paglawak ng saklaw ng Iyong paghirang.
Sa pagbibinyag, ginagawa Mong matupad
ang Iyong pangakong si Abraham
ay maging ama ng lahat.
Ipagkaloob Mong ang Iyong sambayanan
ay marapat na makatugon sa Iyong panawagan
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
B. Amen.
Uupo ang lahat
IKATLONG PAGBASA Exodo 14, 15 - 15, 1

Ang Salita ng Diyos mula sa aklat ng Exodus

Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kay Moises, ‘Bakit mo


Ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita. Itapat mo sa ibabaw ng dagat
ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo. Lalo
Kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan Ko kayo sa kanila, ngunit
doon ko sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang
kanilang mga karwahe. Ipakikita ko sa kanila ang Aking kapangyarihan. Sa
gayon, malalaman ng Egipciong iyan na Ako ang Panginoon.”

Ang anghel ng Diyos na pumapatnubay sa paglalakbay ng mga Israelita ay


nagpatihuli sa kanila, gayon din ang haliging ulap. Ang ulap ay lumagay sa
pagitan ng mga Israelita at ng mga Egipcio at lumatag ang kadiliman. Dumating
ang gabi at ang mga Egipcio ay di makalapit sa mga Israelita.

Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na


pinaihip ng Panginoon ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati
ang tubig. Ang mga Israelita’y bumagtas sa dagat na ang nilakara’y tuyong lupa,
sa pagitan ng animo’y pader na tubig. Hinabol sila ng mga Egipcio, ng mga
kawal, karwahe at kabayuhan ng Faraon. Nang magbubukang liwayway na, ang
mga Egipcio’y ginulo ng Panginoon mula sa haliging apoy at ulap. Nalubog ang
gulong ng mga karwahe at hindi na sila makatugis nang matulin. Kaya sinabi
nila, “Umalis na tayo rito sapagka’t ang Panginoon na ang kalaban natin.”

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw


ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ang kanilang karwahe.”
Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa
dati ang dagat. Ang mga Egipcio’y nagsikap makatakas nguni’t pinalakas ng
Panginoon ang dating ng tubig kaya’t sila’y nalunod na lahat. Nang manauli
ang dagat, natabunan ang mga karwahe’t kabayo ng Faraon pati ng kanyang
mga kawal at walang natira isa man. Nguni’t ang mga Israelita’y nakatawid sa
dagat, na tuyo ang dinaanan, sa pagitan ng animo’y pader na tubig.

Nang araw na yaon ang mga Israelita’y iniligtas ng Panginoon sa mga


Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa baybay-dagat.
Dahil sa kapangyarihang ipinakita ng Panginoon laban sa mga Egipcio,
nagkaroon sila ng takot sa Kanya at sumampalataya sila sa Kanya at sa alagad
Niyang si Moises.

Ito ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para sa Panginoon:


“Ang Panginoo’y atin ngayong awitan:
Sa Kanyang kinamtang Dakilang tagumpay;
Ang mga kabayo’t kawal ng kaaway
Sa pusod ng dagat, lahat natabunan.”

Ang Salita ng Diyos.


-Salamat sa Diyos

SALMONG TUGUNAN Exodo 15, 1-2. 3-4. 5-6. 17-18


(Tugon: 1a)

Tugon: Poon ay ating awitan


sa kinamtan n’yang tagumpay.

Ang Panginoo’y atin ngayong awitan


sa kanyang kinamtang Dakilang tagumpay;
ang mga kabayo’t kawal ng kaaway
sa pusod ng dagat, lahat natabunan.
Ako’y pinalakas niya’t pinatatag,
Siya ang sa aki’y nagkupkop, nag-ingat,
Diyos ng magulang ko, aking manliligtas. Tugon

Siya’y mandirigma na walang kapantay,


Panginoo’y kanyang pangalan.
Nang ang mga kawal ng Faraon
sa Dagat ng mga Tambo ay mangagsilusong,
ang lahat ng ito ay kanyang nilunod
pati na sasakya’y kanyang pinalubog. Tugon

Sila’y natabunan ng alon ng dagat,


tulad nila’y batong lumubog kaagad.
Ang mga bisig mo ay walang katulad,
wala ngang katulad, walang kasinlakas,
Sa isang hampas mo, kaaway nangalat,
nangadurog mandin sa‘yong mga palad. Tugon

Sila’y dadalhin mo sa pinili mong bundok.


Sa lugar na itinangi mo, para maging iyong lubos
at sa santwaryong natayo ayon sa iyong loob.
Ikaw, Poon, maghahari magpakailanman. Tugon
Pagkaraan ng ikatlong pagbasa tungkol sa pagtawid sa dagat. Tatayo ang lahat.

Pari: Manalangin Tayo.


Ama naming Makapangyarihan,
noong unang panahon ay Iyo nang idinulot
na mabanaag
ang himala ng Bagong Tipan sa pagtawid sa dagat
bilang tagapahiwatig ng nagaganap sa pagbibinyag
na Siyang paglaya ng Iyong sambayanan sa pagkabihag.
Ipagkaloob Mong ang lahat ng mga bansa ay makaranas
ng muling pagsilang na dulot ng Espiritung tinatanggap
ng mga may pananampalataya na Israel
ang unang nagpamalas
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Pagkatapos ng Huling Pagbasa mula sa Matandang Tipan at ng salmong tugunan at kaugnay


na panalangin, ang mga kandila sa dambana ay sisindihan. Pasisimulan ng Pari ang pag-
awit ng Papuri sa Diyos na itutuloy namang awitin ng lahat ng nagsisimba. Tutugtugin ang
mga batingaw, alinsunod sa umiiral na kaugalian. Sa katapusan ng pag-awit, isusunod ng
Pari ang pagpapahayag ng pambungad na panalangin, ayon sa dating paraan.
Pari: Gloria in excelsis Deo

Sisindihan ang lahat ng ilaw sa Altar at tutugtugin ang kampana.

Papuri sa Diyos sa kaitaasan


at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya
Pinupuri Ka namin,
dinarangal Ka namin,
sinasamba Ka namin,
ipinagbubunyi Ka namin
pinasasalamatan Ka namin
dahil sa dakila Mong angking kapurihan
Panginoong Diyos Hari ng langit,
Diyos Amang makapangyarihan sa lahat
Panginoong Hesukristo Bugtong na Anak
Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, Anak ng Ama
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan
maawa Ka sa amin
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan
tanggapin Mo ang aming kahilingan
Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama
maawa Ka sa amin.
Sapagkat Ikaw lamang ang banal
ikaw lamang ang Panginoon,
ikaw lamang O Hesukristo, ang Kataas-taasan
Kasama ng Espiritu Santo
sa kadakilaan ng Diyos Ama. Amen.
PAMBUNGAD NA PANALANGIN
Sa katapusan ng pag-awit, isusunod ang pagpapahayag ng pambungad na panalangin, ayon
sa dating paraan:

Pari: Manalangin tayo.


sandaling katahimikan

Ama naming Makapangyarihan,


ang kabanal-banalang gabing ito
ay pinagliliwanag Mo
sa kadakilaan ng pagkabuhay ni Kristo.
Antigin Mo ang Espiritu ng pagkupkop Mo
upang sa pagbabago ng aming buong pagkatao
kami’y wagas na makapaglingkod sa Iyo
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

B. Amen.

Uupo ang lahat.


SULAT Roma 6, 3-11
Si Kristo na muling nabuhay
ay hindi na muling mamamatay.

Ang Salita ng Diyos mula sa sulat ni apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga Kapatid,

Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabinyagan kay Kristo Hesus


ay nabinyagan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo’y namatay at nalibing
na kasama Niya sa pamamagitan ng binyag upang kung paanong binuhay na
muli si Kristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama’y
mabuhay sa isang bagong pamumuhay.

Sapagkat kung nakaisa tayo ni Kristo sa isang kamatayang tulad ng


Kanyang kamatayan, tiyak na makakaisa Niya tayo sa isang muling pagkabuhay
tulad ng Kanyang pagkabuhay. Alam natin na ang dati nating pagkatao ay
ipinakong kasama Niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang
hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Sapagka’t ang namatay na ay pinalaya
mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Ngunit tayo’y naniniwalang mabubuhay
tayong kasama Niya. Alam nating si Kristo na muling binuhay ay hindi na
muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa Kanya ang kamatayan. Nang
Siya’y mamatay, namatay Siya nang minsanan para sa kasalanan, at ang buhay
Niya ngayo’y para sa Diyos. Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na
patay na sa kasalanan datapwa’t buhay naman para sa Diyos sa inyong
pakikipag-isa kay Kristo Hesus.

Ang Salita ng Diyos.


-Salamat sa Diyos.

Lahat ay tatayo at maringal na pasisimulan ng pari ang pag-awit ng Aleluya na uulitin naman
ng nagsisimba. Lalapit ang maydala ng insensaryo at palalagyan ito ng insenso, Ipahahayag
ng taga-awit ang salmo at sa bawat taludtod ang lahat ay sasagot ng aleluya. Kung
kinakailangan maari rin namang ang taga-awit na ito ang siyang magpasimula ng aleluya
SALMONG TUGUNAN Salmo 117, 1-2. 16ab-17. 22-23

Tugon: Aleluya! Aleluya! Aleluya!

O pasalamatan
ang D’yos na Panginoon, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang- pag-ibig ay napakatatag at mananatili.
Ang taga-Israel, bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.” Tugon

Ang lakas ng Poon,


ang siyang nagdulot ng ating tagumpay
sa pakikibaka sa ating kaaway.
Aking sinasabing di ako papanaw,
mabubuhay ako upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko. Tugon

Ang batong natakwil


ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos.
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod. Tugon

Hindi gagamit ng kandila sa Ebanghelyo sapat na ang kandila ng Paskwa.


MABUTING BALITA
TAON A

Mateo 28:1-10
Siya’y muling nabuhay at mauuna sa Galilea.

 Ang Mabuting Balita ng Panginoon Ayon Kay San Mateo

Makaraan ang Araw ng Pamamahinga,


pagbubukang-liwayway ng unang araw ng sanlinggo,
pumunta sa libingan ni Hesus si Maria Magdalena
at ang isa pang Maria.
Biglang lumindol nang malakas.
Bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon,
iginulong ang batong nakatakip sa libingan,
at naupo sa ibabaw niyon.
Ang kanyang mukha ay nakasisilaw na parang kidlat
at kasimputi ng busilak ang kanyang damit.
Nanginig sa takot ang mga bantay
at nabulagtang animo’y patay nang makita ang anghel.

Nguni’t sinabi nito sa mga babae,


“Huwag kayong matakot;
alam kong hinahanap ninyo si Hesus na ipinako sa krus.
Wala na Siya rito,
sapagka’t Siya’y muling nabuhay tulad ng Kanyang sinabi.
Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan sa Kanya.
Lumakad na kayo at ibalita sa Kanyang mga alagad
na Siya’y muling nabuhay at mauuna sa Galilea.
Makikita ninyo Siya roon!
Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo.”
At dali-dali silang umalis ng libingan.
Pinagharian sila ng magkahalong takot at galak.
At patakbong nagpunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.
Nguni’t sinalubong sila ni Hesus at binati.
At lumapit sila,
niyakap ang Kanyang paa at sinamba Siya.
Sinabi sa kanila ni Hesus,
“Huwag kayong matakot!
Humayo kayo at sabihin sa mga kapatid ko
na pumunta sila sa Galilea
at makikita nila Ako roon!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


B. Pinupuri Ka namin Panginoong Hesukristo.

HOMILIYA
IKATLONG YUGTO:
PAGBABASBAS NG TUBIG NA IWIWISIK
Maaaring ganapin ang Pagbabasbas ng banal na tubig na iwiwisik matapos ang pagsasariwa
sa mga pangako sa binyag. Babasbasan ng Pari ang tubig na iwiwisik. Ipahahayag ang
sumusunod na panalanging pinangungunahan ng paanyaya:

Mga kapatid kong minamahal,


hilingin natin sa Ama nating makapangyarihan
na marapatin niyang basbasan
itong tubig na iwiwisik ngayon
bilang paggunita sa tinanggap nating binyag noon.
Pagkalooban nawa niya tayo ng panibagong lakas
para sa pamamalaging matapat
sa Espiritu Santo na ating tinanggap.
Lahat ay tahimik na mananalangin nang saglit. Ang Pari ay magpapatuloy sa pagdarasal nang
magkadaop ang mga kamay:

Ama naming makapangyarihan,


ipahayag mong ikaw ay kapiling ng iyong sambayanan
sa pagdiriwang na ito ng gabi ng pagkabuhay.
Ginugunita namin ang iyong paglikha
na talaga namang kahanga-hanga
at gayundin ang iyong pagtubos sa amin
na lalo pang pambihira at walang kahambing.
Basbasan mo itong tubig
na iyong ginawa upang aming magamit
para ang mga tanim ay madilig,
para makapawi sa uhaw at init,
at para maganap namin ang paglilinis.
Ito rin ay iyong itinalagang gamitin sa pagbibigay
ng iyong kagandahang-Ioob sa tanan.
Ginamit mo ito sa pagpapalaya sa kaalipinan
ng iyong hinirang na sambayanan.
Habang sa disyerto sila’y naglalakbay,
tubig ang pumawi sa kanilang pagkauhaw.
Tubig din ang ginamit ng iyong mga propeta
upang ang sisimulan mong pakikipagtipan sa tao
ay maipahayag nila.
Sa pamamagitan ng tubig na itinalagang maging banal
ng Anak mong mahal
noong siya’y lumusong sa Ilog-Jordan,
pinagbabago mo kaming mga makasalanan.
Ito nawang tubig na ngayo’y iwiwisik sa amin
upang ang pagbibinyag ay aming gunitain
ay magpahiwatig din nawa ng aming pakikigalak
sa kaligayahan ng aming mga kapatid na tatanggap ng binyag
sa Paskong ito ng Pagkabuhay ng iyong Anak
na namamagitan kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen.
PAGSARIWA SA MGA PANGAKO SA PAGBIBINYAG
Aanyayahan ng Pari ang mga tao sa ganito o katumbas na mga pangungusap:

Pari:
Mga Kapatid,
sa misteryo ng Pasko ng Pagkamatay at Pagkabuhay ni Kristo, tayo’y
nalibing kasama Niya noong tayo’y binyagan
upang kasama rin Niya tayo’y makabangon
at makapagbagong-buhay.
Naganap na natin ang apatnapung araw na Paghahanda,
kaya’t sariwain natin ngayon ang ating pangako
sa pagbibinyag.
Talikdan natin ang kasamaan at kasalanan.
Harapin natin ang matapat na paglilingkod sa Diyos
bilang mga maaasahang kaanib
ng Kanyang banal na Simbahang Katolika.

Kung kayo’y makapangangakong tatalikod


sa lahat ng hadlang sa katuparan ng panukala ng Diyos
upang kayo’y makapamuhay
bilang matapat at maasahang kaanib ng kanyang angkan,
pakisagot ninyo itong tatlong katanungan.

Pari: Si Satanas ay itinatakwil ba ninyo?

Bayan: Opo, itinatakwil namin.

Pari: Ang mga gawain ni Satanas ay itinatakwil ba ninyo?

Bayan: Opo, itinatakwil namin.


Pari: Ang mga pang-akit ni Satanas
upang sumuway ang tao sa Diyos
ay itinatakwil ba ninyo?

Bayan: Opo, itinatakwil namin.

Pari: Ngayon nama’y ating harapin


ang ating pananampalataya.

Sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat at lumikha


ng langit at lupa, kayo ba ay sumasampalataya?

B. Opo, sumasampalataya kami.

Pari: Sa iisang Anak ng Diyos,


ang ating Panginoong Hesukristo,
na ipinanganak ni Santa Mariang Birhen,
ipinako sa krus, namatay, inilibing,
muling nabuhay at naluluklok sa kanan ng Ama,
kayo ba ay sumasampalataya?

B. Opo, sumasampalataya kami.

Pari: Sa Espiritu Santo,


sa Banal na Simbahang Katolika,
sa kasamahan ng mga banal,
sa kapatawaran ng mga kasalanan,
sa muling pagkabuhay ng mga namatay,
at sa buhay na walang hanggan,
kayo ba ay sumasampalataya?

B. Opo, sumasampalataya kami.


Pari: Bunga ng pagmamahal ng Diyos
na makapangyarihang Ama
ng ating Panginoong Hesukristo,
tayo ay pinatawad sa ating kasalanan
noong tayo’y muling isilang sa tubig at Espiritu Santo.
Tulungan nawa Niya tayong mamalaging tapat
sa ating Panginoong Hesukristo
ngayon at magpasawalang hanggan.
B. Amen.

Ang Sumasampalataya ay hindi ipahahayag. Pangunguluhan ng Pari ang panalanging


pangkalahatan (panalangin ng bayan)
PANALANGIN NG BAYAN

Pari: Mga kapatid sa kaningningan ng banal na gabing ito,


halinang lumuhog sa Panginoon
na nagpakita ng Kanyang kahanga-hangang
ginawang pagliligtas
sa sambayanan sa pamamagitan ng pagkabuhay
ni Hesukristo.

Tugon: PANGINOON, DINGGIN ANG AMING PANALANGIN.

N. Para sa Sambayanan ng Diyos na inihatid nang mapangligtas na tubig sa


lupang pangako, upang ang kanilang buhay ay maging awit ng pagpupuri sa
Panginoong nagtagumpay; Manalangin tayo sa Panginoon

Tugon: PANGINOON, DINGGIN ANG AMING PANALANGIN.

N. Para sa lahat ng lahi at lipi na nilikhang kawangis at kalarawan ng Diyos,


upang sa kanila ay itanim ng Diyos ang nagkaka-isang puso at diwa;
manalangin tayo sa Panginoon.

Tugon: PANGINOON, DINGGIN ANG AMING PANALANGIN.

N. Para sa mga inaapi at pinag-uusig, upang ang karahasan ay mapawi sa


kanilang buhay at ang katwiran ng Diyos ang siyang yumabong at
mamayani; manalangin tayo sa Panginoon.

Tugon: PANGINOON, DINGGIN ANG AMING PANALANGIN.

N. Para sa mga bagong bininyagan sa kamatayan at pagkabuhay ni Kristo,


upang tahakin nila ang bagong buhay kay Kristo; Manalangin tayo sa
Panginoon.

Tugon: PANGINOON, DINGGIN ANG AMING PANALANGIN.


N. Para sa mga nagkasakit dahil sa COVID-19, at sa mga doktor at frontliners
na nag-aalaga sa kanila upang ang mapagpagaling at mapag-adyang paghipo
ng Diyos ay kanilang maranasan, manalangin tayo sa Panginoon.

N. Para sa ating lahat na natitipon ngayon, upang tayo’y maging tapat sa ating
pangako sa binyag at maging saksi na ang Panginoon ay buhay sa ating
pamayanan; Manalangin tayo sa Panginoon.

Tugon: PANGINOON, DINGGIN ANG AMING PANALANGIN.

sandaling katahimikan

Pari: Ama na bukal ng buhay,


dinggin ang aming panalangin
at itulot Mong ang Iyong Espiritu
na lumukob sa tubig ang siyang manahan
sa aming puso at kalooban
sa pamamagitan ni Hesukristo,
aming Panginoon
magpasawalang hanggan.

B. Amen.
IKAAPAT NA YUGTO:
LITURHIYA NG EUKARISTIYA
PAGDIRIWANG NG HULING HAPUNAN

Pagkatapos, sisimulan ang awit ng pag-aalay. Samantalang ito’y ginaganap, ilalagay ng mga
tagapaglingkod ang telang patungan ng Katawan ni Kristo, ang pamahiran, ang kalis at ang
Aklat ng Pagmimisa sa ibabaw ng dambana.

Ngayon nama’y tatayo ang Pari sa gawing gitna ng dambana, hahawakan niya ang pinggan
ng tinapay nang bahagyang nakaangat sa dambana, habang dinarasal niya nang pabulong:

Kapuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.


Sa iyong kagandahang-loob, narito ang aming maiaalay.
Mula sa lupa at bunga ng aming paggawa ang tinapay na ito
para maging pagkaing nagbibigay-buhay.

Ilalapag niya ang pinggan ng tinapay sa telang patungan ng Katawan ni Kristo.

Kapag hindi ginaganap ang awit ng pag-aalay, ang mga pangungusap na ito ay madarasal
nang malakas ng Pari at sa katapusan makapagbubunyi ang mga tao:
Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailanman!

Ang diyakono o ang pari ay magbubuhos ng alak at kaunting tubig sa kalis habang dinarasal
nang pabulong:

Sa paghahalong ito ng alak at tubig


kami nawa’y makasalo sa pagka-Diyos ni Kristo
na nagpagindapat makihati sa aming pagkatao.

Pagbalik sa gawing gitna ng dambana, hahawakan ng Pari ang kalis ng bahagyang nakaangat
sa dambana habang dinarasal niya ng pabulong:
Kapuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.
Sa iyong kagandahang-loob, narito ang aming maiaalay.
Mula sa katas ng ubas at bunga ng aming paggawa ang alak na ito
para maging inuming nagbibigay ng iyong Espiritu.

Ilalapag niya ang kalis sa telang patungan ng Katawan ni Kristo.


Kapag hindi ginaganap ang awit ng pag-aalay, ang mga pangungusap na ito ay madarasal
nang malakas ng Pari at sa katapusan makapagbubunyi ang mga tao:
Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailanman!

Pagkatapos, yuyuko ang Pari habang dinarasal niya nang pabulong:

Diyos Amang Lumikha, nakikiusap kaming mga makasalanan.


Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog
upang kami’y matutong sumunod sa iyo nang buong puso.

Kung minamabuting gawin, iinsensuhan ng Pari ang mga alay at ang dambana; pagkaraa’y
iinsensuhan ng diyakono o ng tagapaglingkod ang Pari at ang mga nagsisimba.

Pagkatapos, ang Pari’y pupunta sa gilid ng dambana, maghuhugas siya ng mga kamay
samantalang pabulong niyang dinarasal:

O Diyos kong minamahal,


kasalanan ko’y hugasan
at linisin mong lubusan
ang nagawa kong pagsuway.

Pagbalik ng Pari sa gawing gitna ng dambana, ilalahad niya ang kanyang kamay sa mga tao
at muli niyang pagdaraupin habang kanyang ipinahahayag:

Pari: Manalangin kayo, mga kapatid,


upang ang paghahain natin ay kalugdan
ng Diyos Amang makapangyarihan.

Bayan: Tanggapin nawa ng Panginoon


itong paghahain sa Iyong mga kamay
sa kapurihan Niya at karangalan
sa ating kapakinabangan
at sa buo Niyang sambayanang banal.
PANALANGIN UKOL SA MGA ALAY

Pari: Ama naming Lumikha,


tanggapin Mo ang aming mga panalangin
na sumasaliw sa aming paghahain,
upang sa nagsimulang Pasko ng Pagkabuhay,
kami’y itaguyod nito sa kagalingang
walang katapusan
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
B. Amen.
PREPASYO
Pari: Sumainyo ang Panginoon.
Bayan: At sumaiyo rin.

Pari: Itaas sa Diyos ang inyong puso at diwa.


Bayan: Itinaas na namin sa Panginoon.

Pari: Pasalamatan natin ang Panginoong ating Diyos.


Bayan: Marapat na Siya ay pasalamatan.

Pari: Ama naming Makapangyarihan,


tunay ngang marapat
na Ikaw ay aming pasalamatan
ngayong gabing ipinagdiriwang
ang paghahain ng Mesiyas,
ang maamong tupa na tumubos sa aming lahat.

Ang Iyong Anak na minamahal


ay naghain ng sarili Niyang buhay.
Siya ang tupang maamong umako sa kaparusahan
upang mapatawad ang kasalanan ng sanlibutan.
Sa pagkamatay Niya sa banal na krus
ang kamatayan namin ay Kanyang nilupig.
Sa pagkabuhay Niya bilang Manunubos,
pag-asa’t pagkabuhay ay aming nakamit.

Kaya kaisa ng mga anghel


na nagsisiawit ng papuri sa Iyo
nang walang humpay sa kalangitan,
kami’y nagbubunyi sa Iyong kadakilaan.
Aawitin ang Santo
UNANG PANALANGIN NG PAGPUPURI AT PAGPAPASALAMAT
o PAMANTAYANG PANALANGIN NG ROMA
Nakalahad ang kamay ng Pari sa pagdarasal.

Pari: Ama naming maawain,


ipinaaabot namin ang pasasalamat sa Iyo
sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo.
Pagdaraupin ng Pari ang kamay at kukrusan niya ang tinapay at kalis, samantalang kanyang
dinarasal:
Ipinakikiusap namin sa pamamagitan ng Anak Mong ito
na ang mga kaloob namin ay tanggapin at basbasan Mo 
sa pagdiriwang namin ng paghahain Niya sa Iyo.
Nakalahad ang kamay ng Pari sa pagdarasal.

Iniaalay namin ito sa Iyo, unang-una


para sa Iyong banal na Simbahang Katolika.
Pagkalooban Mo ng kapayapaan at pagkupkop,
pagkakaisa at pagtataguyod,
ang mga kaanib nito sa sansinukob,
kaisa ng aming Papa Francisco, na Iyong lingkod,
kasama ng aming Obispo Dennis
at ng lahat ng nananalig at nagpapalaganap
sa pananampalatayang katoliko
na galing sa mga apostol.

Pag-alala sa mga nabubuhay sa daigdig

Nakikipagmisa:
Ama namin, Iyong alalahanin
ang Iyong mga anak na ngayo’y aming idinadalangin:
N. at N.
Sila’y saglit na ipagdarasal ng Pari nang may magkadaop na kamay.
Pagkatapos, ang Pari ay patuloy na magdarasal nang nakalahad ang mga kamay.
Ang aming pananampalataya ay nababatid Mo
gayun din ang pagsisikap naming maging tapat sa Iyo.
Ang paghahaing ito ng pagpupuri ay aming iniaalay
para sa kapakanan namin at ng mga mahal namin sa buhay,
para sa aming kalusugan at walang hanggang kaligtasan
sa pagdulog namin sa Iyong kadakilaan,
Diyos na totoo at nabubuhay kaylanman.
Pag-alala sa mga Banal
Nakikipagmisa:
Kaisa ng buong Simbahan
Ipinagdiriwang namin sa gabing ito
ang dakilang kapistahan ng Pagkabuhay
ng aming Panginoong Hesukristo
bilang Diyos na totoo na namalagi pa ring taong totoo.
Pinararangalan namin ngayon, unang-una
ang Ina ng Diyos at Panginoon naming Hesukristo,
si Maria na maluwalhating laging Birhen.
gayundin ang kanyang kabiyak ng pusong si San Jose,
ang Iyong pinagpalang mga apostol at martir
na sina Pedro, Pablo, at Andres,
(sina Santiago, Juan,
Tomas, Santiago, Felipe,
Bartolome, Mateo,
Simon at Tadeo;
gayun din sina Lino, Cleto, Clemente, Sixto,
Cornelio, Cipriano,
Lorenzo, Crisogono,
Juan at Pablo, Cosme at Damian)
at lahat ng Iyong mga banal.
Pakundangan sa kanilang ginawang mga kabutihan
at walang sawang pagdalangin
para sa aming kapakanan,
kami ay lagi Mong kalingain at ipagsanggalang.
Nakalahad ang mga kamay ng Pari sa pagdarasal.

Pari: Ama namin, Iyong tanggapin


ang handog na ito ng Iyong buong angkan.
para sa mga minarapat mong muling isilang
sa tubig at sa Espiritu Santo
sa ikapagpapatawad ng lahat nilang mga kasalanan
Loobin Mong kami’y makapamuhay
araw-araw sa Iyong kapayapaan.
Huwag Mong ipahintulot na kami’y mawalay
sa Iyo kaylan pa man.
Ibilang Mo kami sa Iyong mga hinirang.

Pagdaraupin ng Pari ang kanyang mga kamay.

Pagdaraupin ng Pari ang kanyang mga kamay at lulukuban niya ang mga alay habang
siya’y nagdarasal.

Panawagan sa Diyos

Pari at mga Nakikipagmisa:


Ama namin,
basbasan Mo
ang mga handog naming ito.
Marapatin Mong sambahin Ka namin
sa Espiritu at katotohanan,
Kaya para sa amin
ito ay gawin Mong maging Katawan at Dugo
ng pinakamamahal Mong Anak,
ang aming Panginoong Hesukristo.
Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.
Pagsasalaysay at Pagtatalaga

Ang mga salita ng Panginoon sa mga sumusunod na pangungusap ay ipahahayag nang malinaw at nauunawaan
sa tanan ayon sa hinihingi ng mga ito.

Noong bisperas ng Kanyang pagpapakasakit,


Hahawakan ng Pari ang tinapay nang bahagyang nakaangat sa ibabaw ng dambana habang patuloy na
inihahayag:
hinawakan Niya ang tinapay,
sa Kanyang banal at kagalang-galang
na mga kamay.
Ang Pari ay titingala
Tumingala Siya sa langit,
sa Iyo, Diyos Ama Niyang makapangyarihan,
at nagpasalamat Siya sa Iyo.
Pinaghati-hati Niya ang tinapay,
iniabot sa Kanyang mga alagad
at sinabi:
Bahagyang yuyuko ang Pari

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN:


ITO ANG AKING KATAWAN
NA IHAHANDOG PARA SA INYO.
Ipamamalas niya ang ostiyang itinalagang maging Katawan ni Kristo, ipapatong niya ito sa
pinggan, at luluhod siya bilang pagsamba.
Ang Pari ay magpapatuloy.

Gayun din naman, noong matapos ang hapunan,


Hahawakan ng Pari ang kalis nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng dambana habang
patuloy na inihahayag:

hinawakan Niya ang kalis na ito ng pagpapala


sa Kanyang banal at kagalang-galang na mga kamay,
muli Ka niyang pinasalamatan,
iniabot Niya ang kalis sa Kanyang mga alagad
at sinabi:
Bahagyang yuyuko ang Pari.

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN:


ITO ANG KALIS NG AKING DUGO
NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN,
ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS
PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT
SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN.

GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.


Ipamamalas niya ang kalis, ipapatong niya ito sa telang patungan ng Katawan ni Kristo, at
luluhod siya bilang pagsamba.

Pagkatapos, ipahahayag ng Pari:

Ipagbunyi natin ang misteryo


ng pananampalataya.
Ang mga tao ay magbubunyi:
Lahat: Sa Krus Mo at pagkabuhay kami’y natubos Mong tunay Poong
Hesus naming mahal iligtas mo kaming tanan, ngayon at
magpakailanman.
o kaya
Aming ipinahahayag na namatay ang Iyong Anak, nabuhay bilang
Mesiyas at magbabalik sa wakas upang mahayag sa lahat.
Pag-alala at Pag-aalay

Ilalahad ng Pari ang kanyang kamay samantalang siya ay nagdarasal:

Pari at mga Nakikipagmisa:


Ama,
kaming mga lingkod Mo at bumubuo sa Iyong bayang banal
ay nagdiriwang sa alaala ni Kristo
na iyong Anak at aming Panginoon.
Ginugunita namin
ang Kanyang dakilang pagpapakasakit,
ang pagbangon Niya mula sa kamatayan,
at ang matagumpay na pag-akyat Niya sa kalangitan.
Kaya mula sa mga biyayang sa Iyo rin nanggaling
inihahandog namin sa Iyong kataas-taasang kamahalan
ang paghahaing ito na katangi-tangi at dalisay:
ang pagkaing nagbibigay-buhay kaylan man
at ang inuming nagbibigay-kagalingang walang katapusan.

Masdan Mo nang buong kasiyahan


ang aming mga alay na ito.
Ganapin Mo sa mga ito ang ginawa Mo
sa mga handog ni Abel, ang lingkod na matapat sa Iyo,
sa paghahain ni Abraham,
na ama namin sa pananampalatayang totoo,
at sa inihandang tinapay at alak ni Melkisedek,
na paring hirang Mo.
Paunlakan Mo ngayong tanggapin
ang banal at dalisay na paghahain.
Yuyuko ang Pari at magdarasal siyang nakadaop ang mga kamay:

Makapangyarihang Diyos
hinihiling naming Iyong ipaakyat sa banal Mong anghel
ang mga alay na ito sa dakilang dambanang
nasa Iyong harap
upang sa pagsasalo sa banal na Katawan at Dugo
ng Iyong Anak
sa pakikinabang namin ngayon dito sa banal Mong hapag
Tatayo ng tuwid ang Pari at magkukrus samantalang nagdarasal:
kami ay mapuspos ng Iyong pagpapala
at tanang pagbabasbas .
Pagdaraupin ng Pari ang kanyang mga kamay.

Pag-alala sa mga yumao sa daigdig

Nakikipagmisa:
Ama namin, Iyo ring alalahanin
ang mga anak Mong naunang yumao sa amin
sa paghimlay sa Iyong kapayapaan
yamang ang tatak ng pananampalataya
ay kanilang taglay
at sila ngayo’y aming ipinagdarasal:
N. at N.

Sila’y saglit na ipagdarasal ng Pari nang may magkadaop palad na mga kamay. Pagkatapos,
ang Pari ay patuloy na magdarasal nang nakalahad ang mga kamay.

Sila at ang tanang nahihimlay sa kandungan ni Kristo


ay aming idinadalangin sa Iyo
upang Iyong pagbigyang makarating
sa pagsasalo, pagliliwanag at pamamahinga
sa Iyong piling.
Nakikipagmisa:
Dadagukan ng kanang kamay ng pari ang kanyang dibdib
habang siya ay nagsisimulang magdasal:

Kahit kami ay mga makasalanan Mong lingkod


Patuloy na magdarasal ang pari nang nakalahad ang mga kamay:

Kami rin ay nagtitiwala sa Iyong nag-uumapaw


na pagkamapabigay
sa aming pamumuhay araw-araw.
Kaya pagindapatin Mo ring kami ay magkaugnay
at makapiling
ng Iyong mga banal na apostol at martir,
kasama nina Juan Bautista, Esteban,
Matias, Bernabe,
(Ignacio, Alejandro,
Marcelino, Pedro,
Felicidad, Perpetua,
Agata, Lucia,
Agnes, Cecilia, Anastacia)
at ng lahat ng Iyong mga banal.
Kami nawa’y makapisan nila
hindi dahil sa aming ginawang kabutihang
kulang na kulang
kundi pakundangan sa Iyong pagpupuno
sa aming kakulangan.
Sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo.
Pari: Sa kanyang pamamagitan
ang tanang mabubuting kaloob Mong ito
ay lagi Mong pinaiiral, pinababanal,
binubuhay, binabasbasan
at sa amin ibinibigay.

Pagdaraupin ng Pari ang kanyang kamay.

Pagbubunying Pangwakas

Hahawakan ng Pari ang pinggang may ostiya at ang kalis na kapwa niya itataas habang
kanyang ipinahahayag:

Pari at mga Nakikipagmisa:

Sa pamamagitan ni Kristo, kasama Niya, at sa Kanya


ang lahat ng parangal at papuri ay sa Iyo,
Diyos Amang makapangyarihan,
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Lahat: Amen.
ANG PAKIKINABANG
Pagkalapag ng kalis at pinggan sa dambana, ipahahayag ng Pari nang may magkadaop na
mga kamay:
Sa tagubilin ng mga nakagagaling na utos
at turo ni Hesus na Panginoon natin at Diyos
ipahayag natin nang lakas-loob:
Ilalahad ng Pari ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa ng lahat:
Ama namin, sumasalangit ka.
Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo
dito sa lupa para nang sa langit.

Bigyan mo kami ngayon


ng aming kakanin sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.
At iadya mo kami sa lahat ng masama.

Nakalahad ang mga kamay ng Pari sa pagdarasal:

Hinihiling naming
kami’y iadya sa lahat ng masama,
pagkalooban ng kapayapaan araw-araw,
iligtas sa kasalanan
at ilayo sa lahat ng kapahamakan
samantalang aming pinananabikan
ang dakilang araw ng pagpapahayag
ng Tagapagligtas naming si Hesukristo.
Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay. Wawakasan ng sambayanan ang panalangin sa
ganitong pagbubunyi:

Sapagka’t iyo ang kaharian


at ang kapangyarihan at ang kapurihan
magpakailanman! Amen.
Pagkatapos, malakas na darasalin ng Paring nakalahad ang mga kamay:

Panginoong Hesukristo,
sinabi mo sa iyong mga Apostol:
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.
Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo.”
Tunghayan mo ang aming pananampalataya
at huwag ang aming pagkakasala.
Pagkalooban mo kami ng kapayapaan
at pagkakaisa ayon sa iyong kalooban
Pagdaraupin ng Pari ang kanyang mga kamay.

kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.


Sasagot ang mga tao:

Amen.

Ang Pari’y paharap sa sambayanang maglalahad at magdaraop ng mga kamay sa


pagpapahayag.

Ang kapayapaan ng Panginoon ay laging sumainyo.


Sasagot ang mga tao:

At sumaiyo rin.

Maidaragdag, kung minamabuti, ang paanyayang ipahahayag ng diyakono o Pari:

Magbigayan kayo ng kapayapaan sa isa’t isa.


At, alinsunod sa kaugalian ng iba’t ibang pook, ang mga nagsisimba ay magbibigayan ng
kapayapaan. Ang Pari at mga tagapaglingkod ay makapagbibigayan ng kapayapaan.
Pagkatapos, hahawakan ng Pari ang ostiya at hahati-hatiin niya ito sa ibabaw ng pinggan at
isasawak niya ang kaputol sa kalis habang pabulong niyang dinarasal:

Sa pagsasawak na ito
ng Katawan sa Dugo ng aming Panginoong Hesukristo
tanggapin nawa namin sa pakikinabang
ang buhay na walang hanggan.

Samantalang ginaganap ang paghahati-hati sa ostiya, aawitin o darasalin ang pagluhog na


ito:

Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,


maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.

Ito ay mauulit-ulit habang ginaganap ang paghahati-hati sa tinapay. Sa huling pag-uulit saka
pa lamang idurugtong ang “ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.”

Magkadaop ang mga kamay ng Pari sa pabulong na pagdarasal:

Panginoong Hesukristo, Anak ng Diyos na buhay,


sa kalooban ng Ama kasama ng Espiritu Santo,
binuhay mo sa iyong pagkamatay ang sanlibutan.
Pakundangan sa iyong banal na Katawan at Dugo,
iadya mo ako sa tanang aking kasalanan at lahat ng masama,
gawin mong ako’y makasunod lagi sa iyong mga utos,
at huwag mong ipahintulot na ako’y mawalay sa iyo kailanman.

Luluhod ang Pari at pagtayo niya’y kanyang hahawakan ang ostiya na itataas sa ibabaw ng
pinggan. Paharap sa mga tao siyang magsasabi nang malakas:

Ito ang Kordero ng Diyos.


Ito ang nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.
Mapalad ang mga inaanyayahan sa kanyang piging.
Idurugtong niyang minsanan kaisa ng sambayanan:
Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo
nguni’t sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.

Siya’y makikinabang nang magalang at nakayuko sa dambana habang pabulong na


nagdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Katawan ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.

Mapitagan niyang tatanggapin ang Katawan ni Kristo.

Pagkatapos, hahawakan ng Pari ang kalis at pabulong na magdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Dugo ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.

Mapitagan niyang tatanggapin ang Dugo ni Kristo.

Hahawakan niya ang pinggan o lalagyan ng ostiya at lalapitan niya ang mga nakikinabang,
bahagyang itataas ang ostiya para sa bawa’t nakikinabang habang sinasbi:

Katawan ni Kristo.

Ang nakikinabang ay tutugon:

Amen.

Samantalang nakikinabang ang Pari, sisimulan ang awit sa pakikinabang.

Pagkapakinabang, ang mga mumo ng ostiya na nasa pinggan ay titipunin sa kalis na


huhugasan ng Pari o diyakono o tagapaglingkod. Habang ito ay ginaganap ng Pari, pabulong
siyang magdarasal:

Ama naming mapagmahal,


ang aming tinanggap ngayon ay amin nawang mapakinabangan
at ang iyong ipinagkaloob ay magdulot nawa sa amin
ng kagalingang pangmagpakailanman.

Makababalik ngayon sa upuan ang Pari. Makapag-uukol ng ilang saglit na katahimikan o


makaaawit ng papuri o salmo.

Pagkapakinabang, ang lalagyan ng mga ostiya para sa Biyernes Santo ay hahayaang


nakapatong sa dambana at ang Misa ay wawakasan sa panalanging itinakda.
PANALANGIN PAGKAPAKINABANG

Pari: Manalangin tayo.


sandaling katahimikan

Ama naming Mapagmahal,


padaluyin Mo sa amin ang batis
ng Espiritu ng Iyong pag-ibig
upang kaming pinapagsalo Mo
sa piging ng Pasko ng Pagkabuhay ni Kristo
ay magkaisa sa pananalig sa Iyo
sa pamamagitan Niya
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
B. Amen.
MARINGAL NA PAGBABASBAS
PARA SA LINGGO NG PAGKABUHAY

Pari: Sumainyo ang Panginoon.

B. At sumainyo rin.

Iyuko ang ulo sa pagbabasbas. Iuunat ng Pari ang kamay sa sambayanan

Pari: Sa dakilang kapistahang ito ng Pasko


ng muling pagkabuhay ni Hesukristo,
kayo nawa’y pagpalain ng makapangyarihang Diyos
at sa lahat ng kasalanan ay Kanya nawang ipagsanggalang
kayong nagdiriwang ngayon at magpasawalang hanggan.
B. Amen.

Pari: Sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesukristo


pinagkalooban kayo ng Diyos ng kagalingan at kaligtasan,
Puspusin nawa Niya kayo ng kawalang kamatayan
ngayon at magpasawalang hanggan.
B. Amen.

Pari: Matapos ipagdalamhati ang pagpapakasakit ni Hesukristo,


ipinagdiriwang ngayon ang maligayang pasko
ng pagkabuhay ng mga tao.
Pasapitin nawa Niya kayo sa kagalakan
ng kanyang kapistahan sa kalangitan
magpasawalang hanggan.
B. Amen.
Pari: Pagpalain kayo ng makapangyarihang na Diyos
Ama , at Anak, at Espiritu Santo.

B. Amen.
Aawitin ng Pari ang Aleluya sa Paghayo

Pari: Taglayin ninyo sa inyong pag-alis


ang kapayapaan ni Kristo,
Aleluya! Aleluya!
o kaya:
Humayo kayong taglay ang kapayapaan
upang ang Panginoon ay mahalin at paglingkuran,
Aleluya! Aleluya!
o kaya:
Aleluya! Aleluya!
Handog na kapayapaan
ng Panginoong nabuhay
taglayin n’yo sa paglisan!
Aleluya! Aleluya!

Sagot ng mga nagsisimba:


Salamat sa Diyos,
Aleluya! Aleluya!

o kaya:
Aleluya! Aleluya!
Salamat sa kanyang bigay
pamaskong kapayapaan
ngayong siya ay nabuhay!
Aleluya! Aleluya!
REGINA CAELI

V. Regina caeli, laetare, alleluia.


R. Quia quem meruisti portare, alleluia.
V. Resurrexit, sicut dixit, alleluia.
R. Ora pro nobis Deum, alleluia.
V. Gaude et laetare, Virgo Maria, alleluia.
R. Quia surrexit Dominus vere, alleluia.
Oremus.

Deus, qui per resurrectionem Filii tui,


Domini nostri Iesu Christi, mundum laetificare dignatus es:
praesta, quaesumus; ut per eius Genetricem Virginem
Mariam, perpetuae capiamus gaudia vitae.
Per eundem Christum Dominum nostrum. Amen.

Divínum auxílium máneat semper nobíscum.

Pangdiyosesis na Komisyon sa Liturhiya


Diyosesis ng Malolos
2020

You might also like