Isang napapanahong hakbang ang paglalathala ng mga babasahing makapaglalapit
sa taumbayaan at sa mga namumuno sa lipunan. Kaugnay nito, konkretong manipestasyon ng masiglang serbisyo-publiko ang pagsilang ng Capitol Lighthouse bilang opisyal na pahayagan ng pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes. Sa panahong naglipana sa cyberspace ang mga impormasyong huwad, malaking tulong ang naturang publikasyon upang mabigyang-linaw ang mga isyung lokal na bumabagabag sa mga mamamayan ng isla. Madalas mang ituring na political propaganda ang isang local government organ, sinasalamin pa rin nito ang maringal na layuning makapaghatid ng kaalaman sa mga mambabasa. Ang kaalaman namang ito ang hihimok sa publiko na linangin ang isang kolektibong kamalayan upang mabigyang-daan ang pakikibahagi at paninindigan. Higit ngang mainam kung maglalathala rin ng kani-kanilang municipal newsletter ang lahat ng pamahalaang lokal sa probinsya. Sa tulong nito, mas maipababatid ng punongbayan ang kanyang mga adhikain, na kadalasan ay hindi lubusang nauunawaan ng bayan. Ito ang malaking hamong kinakaharap ngayon ng mga pamahalaang-lokal: ang paglikha ng maayos na linya ng komunikasyon sa pagitan ng administrasyon at ng publiko upang mapalakas pa ang “citizen participation.” Sa maikling panahong naging bahagi ako ng isang local government unit (LGU), napansin kong kulang ang partisipasyon ng mga mamamayan sa mga programang isinusulong ng munisipyo. Nakalulungkot na karamihan sa aking mga nakapanayam, lalo na yaong mga residenteng naninirahan malayo sa poblacion, ang nagsabing wala silang kabatiran sa paglulunsad ng mga programang ito. May ilan ding umaming mulat sila ngunit pinili na lamang magsawalang-kibo at nagpalagay na wala naman silang maitutulong. Base sa mga panayam na ito, maiuugnay natin ang pagsasakibit-balikat ng publiko sa kasalatan nito sa impormasyon. Matagal nang pinatunayan ng ating kasaysayan na higit na mabuti para sa pamayanan ang mga mamamayang nakikialam (engaged citizenry) kung ihahambing sa mga mamamayang sunud-sunuran (passive citizenry). Isang paraan ang regular na paglalabas ng pahayagan upang hubugin ang publiko at kusang makibahagi sa proseso ng pagpapasya tungkol sa mga kritikal na isyung direktang may kinalaman sa kanila. Gayunpaman, hindi ito binibigyang-pansin ng ating mga lokal na lider. Halatang sobra-sobra ang kanilang pananalig sa mga social media platforms gaya ng Facebook at Twitter bilang pangunahing paraan ng pakikipag- ugnayan sa taumbayan. Marami rin ang nagbubuhos ng salapi sa pagbili at pagpapanatili ng online domains para sa opisyal na website ng kanilang LGU. Wala namang masama sa paggamit ng internet upang maihatid sa madla ang mga dapat nilang malaman. Malaki ang bentahe nito sa paglikom ng suporta, lalo na mula sa mga kabataang halos lahat ay may kani-kanilang social media accounts. Maganda rin itong estratehiya upang manatiling updated ang mga nangingibang- bayan sa mga pangyayaring nagaganap sa probinsya. Mahalaga rin ang isang website bilang opisyal na download hub ng mga pampublikong dokumento tulad ng mga ordinansa at resolusyon. Sa kabila nito, dapat alalahaning hindi lahat ng mamamayan sa isla ay may access sa internet. Ang mga may edad na, sa kanilang pagtangging tangkilikin ang bagong teknolohiya, ay mananatiling walang malay kung laging sa Facebook ikakampanya ang adbokasiya ng gobyerno. Dapat ring isaalang-alang ang nananahan sa mga liblib na barangay na karamiha’y mangingisda, magsasaka at parahag-ot (abaca stripper). Tiyak na ilalaan na lamang nila sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ang kikitahing salapi sa halip na ipambili ng smartphones at mag- load ng pang-online data. Sa kabilang dako, limitado naman ang impormasyong hatid ng mga LGU website at online page sa promosyonal na lebel. Kulang ang interaksyon at kung meron man ay pinamamayanihan lamang ng mga komentong walang saysay at pananagutan. Bihira ring matalakay ang mga suliraning nangangailangan ng agarang lunas. Bunga nito, nagmumukhang eksklusibo para sa iilan ang pakikibahagi at pagsuporta sa mga programa ng gobyerno. Nagiging ugat naman ang naturang eksklusyon ng “democratic deficit,” ang kawalan ng tiwala sa mga namumuno at kakulangan ng interes na makilahok sa mga demokratikong proseso ng pagpapasya. Kung susubukan lamang ng mga alkalde ang paglalathala ng dyaryo, pisikal na maipararating saan mang sulok ng bayan ang mga tunguhin ng administrasyon sapagkat wala itong pinipiling uri ng mambabasa—mayaman man o hikahos sa buhay, bata man o matanda, malayo man o malapit, tech-savvy man o tradisyunal. Dahil sa kakabit nitong kredibilidad, magsisilbi rin itong tangible information source sa kasagsagan ng pananalanta ng fake news sa internet. Gayunpaman, nangangailangan rin ng magagaling at responsableng manunulat ang isang dyaryong pampamahalaan. Tungkulin ng mga namumuno na humubog ng mga kabataang may potensyal na maging peryodista, na sa paglao’y makatutulong na ilapit ang gobyerno sa tao. Nakalulungkot nga lang na manaka-naka ang inisyatibo ng mga pamahalaang lokal na suportahan ang pamahayagang pangkampus na itinuturing namang breeding ground ng mga susunod na henerasyon ng mga mamamahayag. Sa kabila nito, patuloy pa ring umaani ng parangal ang ating mga campus journalist sa mga pansangay, panrehiyunal at pambansang patimpalak, kapos man ang budget na nakalaan para sa kanila. Hindi kalabisang sabihin na isa ang kaawa-awang estado ng campus journalism sa mga suliraning marapat lamang na bigyang-pansin ng ating mga lokal na lider. Sa kabuuan, hindi magtatagumpay ang pamahalaan kung hindi makikipagtulungan ang bayan. Ngunit dapat maunawaan na kaalaman lamang ang mabisang panggising sa mamamayan.Wastong impormasyon ang magpapagalaw sa kanila upang gampanan nang mabuti ang tungkuling nakaatang sa kanilang balikat tungo sa tunay na kaunlaran at pagbabago. At sa pagbabasa ng dyaryo, malay natin, agad nating matamasa ito.