PO (E) (LI) TIKA Mga Tula Ni R.B.Abiva

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 82

Karapatang-ari © ni R.

B Abiva

Reserbado ang lahat ng karapatan. Walang bahagi ng


librong ito ang maaaring gamitin kapag walang pahin-
tulot mula sa pabliser at sa mayhawak ng karapang-ari,
maliban kung kailangang sipiin sa pagsusuri at pagsasa-
liksik pang-akademya.

Disenyo ng Pabalat: Max Santiago


Disenyo ng Aklat: Emmanuel Halabaso

Inilimbag ng
MRC Printing Press
126 Gabaldon Street, Brgy. Maria Theresa,
Cabanatuan City, Nueva Ecija
Tel. Number 940-12-76
PO(E)(LI)TIKA
Mga Tula

R.B. ABIVA
2019
Lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija
Sa alaala at mga adhika
ni Lazaro Francisco(+),
sa aking mag-ina,
sa aking ama (+) at ina (+),
sa aking mga kapatid,
sa mga kamag-anak at iba pa,
sa mga naniniwala sa akin at hindi,
sa mga tagatangkilik
ng aking magaspang na panitik,
at sa mga kritiko sa buong panig
ng bayan at daigdig,
tanggapin niyo
itong bagong koleksyon ng mga titik
at mga tulang may pitik-pintig-
titig-himig
sa nanaig,
nananaig,
at mananaig
na siklo-siglo.

R.B.A
Sa aking dulang-sulatan-basahan
Lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija
Setyembre 9, 2019
NILALAMAN
Introduksyon

Dila
Ang Wika
Ang Wika At Panitikan

Makata
Saan Yari Ang Aming Parnaso?
Kalatas Ng Malayang Malay
Hamon Sa Mga Makatang Pugante
Namamatay Nga Ba Ang Isang Makata?
(Kay M. Daniel At G. Guillermo)
Hindi Ako Ang Daigdig
(Apologia Ng Isang Makata)

Sarili
Ang Huling Tukso
Kung Minsa’y Mayroong Punto Si Nietzsche
Oda Sa Isang Palaboy sa Espanya (Mga Aparisyon)
Nang Una Kong Madinig Ang Iyong Iyak

Para-tula
Ang Dialectics Ni Socrates Sa Bala Ni Leon Guerero
Gitnang Luson at Si Dostoevsky
Halik Sa Apoy (Nang Matisod Ako Sa Tuldok Ni Pasternak)

Taon
MCMLXVIII
Agosto 2017 At Ang Tatlong Persona (Sa Alaala ni Isabelo Delos Reyes)
i PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

Dapol Tan Payawar

Mujer
Sa Seat 22 Ng Five Star Bus At Ang Libidinal Drive Theory Ni Freud
Ang Bayan Kong Gaya Sa Isang Puta
Live Show
Paruparo
Ang Mga Mariposa Sa Klasmeyt At Calyptos
Signos
Paraiso
Huwag Kang Magdiwang
(Isang Babala Ng Mga Pinaglihi Kay Achilles)
Ang Sumpa, Ang Imelda, At Iba Pang Gaya Niya
Ire
Madaling-araw Sa Nayon Saclolo
Nagkakahugis Ang Tubig

Karnal, Kanal, Banal


X-XO-DO (Limang Tula)
Har(i)din ng Gethsemane
Kom(unyon)
Mater Dolorosa
Sa Loob At Labas Nang Bayan Kong Sawi,
Kaliluha’y Siyang Nangyayaring Hari (Siyam Na Himno-Radikal)

ii R.B.ABIVA
INTRODUKSYON
Ang Pitong Kapitulo Sa PO(E)(LI)TIKA
Hindi na bago ang salitang Poetika at Politika. Si D.r Rolando Tolentino ng UP-Diliman ay naglabas
na ng librong Writing To The Future: Poetika at Politika Ng Malikhaing Pagsulat (NCCA, 2008),
at mula ito sa tinipong poetics ng mga naging writing fellow ng UP National Writers Workshop.
Umiikot ang mga nasabing poetics ng mga manunulat sa kung ano ang kanilang political stand
sa mga bagay-bagay na kinahaharap ng ating bayan. Gayundin ang Pambansang Alagad Sa Sining
Para Sa Literatura na si Dr. Bienvenido Lumbera ay nakapaglabas na rin ng libro ng mga tinipong
tula na pinamagatang Poetika/Politika (UP Press, 2008). Ang dalawang librong ito’y sabay na
nalimbag sa taong 2008, at iisa lamang din ang nais nilang pasubalin, ang pag-ako ng mga
poststructuralist na “the author is dead” na sa ganang aking masusi at masinop na pananaliksik
ay nagsimulang umusbong at kumalat sa mga bansang nasa Kanluran pagkatapos ng Ikalawang
Digmaang Pandaigdig. Pero, ang malaki nilang pagkakamali sa pag-akong ito’y ang patuloy pa rin
namang pag-iral ng mga sentro, halimbawa’y ang mga grupo ng mga manunulat na naglulunsad ng
kaliwa’t kanang palihan at publikasyon. Sa litanya ni Foucault na wasak na ang grand narrative ay
isa lamang anyo ng eskapismo sa structural pa rin namang mundo, at makikita ito sa pagpostura
nila bilang mga kontra-establisiyemento. Ang pagtakas o pagpuga sa realidad na ito ay malinaw at
simpleng manipestasyon ng usapin sa politika, at hindi toong sila’y apolitical.

Ayon kay Dr. Rolando Tolentino, “ Poetika bilang paliwanag ng manunulat sa kanyang kasaysayan
sa pagsulat, kasama kung ano ang ginagawa bago, habang at matapos magsulat; sources at
influences; artikulasyon ng estilo; at rasyonalisasyon ng susunod na proyekto. Politika bilang
paglalatag ng mas malaking stake ng manunulat at ng kanyang akda sa lipunan at kasaysayan ng
bansa.”

Sa koleksyon ko namang ito’y pinagsama ko ang Poetika at Politika, at medyo nakalilito raw
basahin. At upang mabasa ang isa’y kinakailangang gamiting mabuti ang mata upang masipat nang
mabuti ang isa sa isa, habang ang iba nama’y kinakailangan pang gamitin ang kanilang hintuturo
panakip sa panaklong. Sa ganang akin, ang paggamit ng mata at hintuturo upang maaninag ang
1 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

poetika at politika sa iisang salita ay aktuwal na paghingi ng kalagayan sa tao ng tugon, at sa


sandaling magkaroon ng interaksyon sa pagitan ng salita na nasa ibabaw ng materyal, at tao na
mayhawak ng materyal, masasabi kong nagtagumpay akong ihapag sa inyong palad ang dialectics
ni Socrates, Hegel, at Marx. Sa termino ni E. San Juan, Jr. ito ang praxis o pagtatalik ng mundo at
diwa.

Nahahati ang obrang ito sa pitong kapitulo o tsapter. Signipikante para sa akin ang pito na aking
hinalaw sa Banal Na Aklat kung saan namaksimisa ng mga propeta ang numerong pito mula
Henesis, sakramento, misteryo, at maging sa Pahayag ay naging madiin ang papel ng numerong
pito. Sa Dila, Makata, at Sarili, sentral na paksa ng mga tula ang wika/ berbo bilang kasangkapan
sa pag-abot sa kaakuhan ng bayan, makata, sarili, at vice versa. Sa Para-Tula, Taon, at Mujer
nama’y paglabas ng naunang tatlo sa kanilang tapayan at nakagawiang kumbensyon, moral, at
ang pilit iniiwasang erotisismo. Habang sa Signos, at Karnal, Kanal, Banal ay radikal na pagpihit
mula sa nakagisnan at kumbensyunal na pag- unawa sa panahon, signos, propesiya, at relihyon.
Sa ganang akin, ito na ang aking poetika at politika bilang nagsusulat at nagtutula na nakilala sa
panulaang berso libre na kalakha’y prosa at eksperimental. Ito rin ay isang porma ng pagtugon at
pagtataguyod sa librong isinulat ni Dr. Rolando Tolentino at Dr. Bienvenido Lumbera. Malinaw ang
korelasyon ng akin sa kanila, at sa pagpapasubaling nais naming ihapag sa mga pormalistang hindi
nga naman talaga maihihiwalay ang poetika at politika. At heto’t pinagsama ko pa nga sila.

At ngayon nga’y sinusukat ng mundong maligalig ang bawat mayhawak ng pluma na nagtatangkang
isiping ito sa papel. Kung gayo’y mainam na balikan ang winika ni Amado Hernandez hinggil sa
makatang si Negrasov na “…Malamang ay ibigin pa nitong nihilista at batikang makata na kumain
ng isang putol na keso kaysa sa tula ni Alexander Pushkin!”

Nawa’y makapag-ambag ang mga tulang narito sa baul ng Panitikang Filipino, Malikhaing Pagsulat,
Araling Filipino, at Comparative Literature. Utang ko ang lahat sa nagmagandang loob na akuhin
ang gastos sa publikasyong ito, at siyempre, sa aking mentor na si Jun Cruz Reyes, at mga kaibigan
at guro sa panitik na sina Rommel Rodriguez, Choy Pangilinan, Ferdinand Jarin, Mark Angeles,
Joey Baquiran, Jimmuel Naval, Roel Aguila, Ramon Guillermo, Rolando Tolentino. Arlan Camba,
Emmanuel Halabaso, Marvin Lobos, Mj Rafal, at Max Santiago.

R.B.A
Sa aking dulang-sulatan-basahan
Lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija
Setyembre 12, 2019

2 R.B.ABIVA
“Ang araw na sila’y magkaisang-loob
ay mangagkagising sa pagkakatulog
ang araw na iyan, ang araw ng Dios
baya’y maniningil…Sino ang sasagot?”
- Teo T. Antonio, Piping-Dilat
(Canto VIII: Hibik sa Paglaya), 2000
DILA
“Noon ko natantong ang ina kong mahal,
ang Inangwika kong sa aki’y nagbigay
ng lahat kong muni, pangarap at dangal,
subalit tinikis sa gitna ng aking ginhawa’t tagumpay
namatay sa kanyang dalamhating taglay
nang ako’y sa ibang mapalad magmahal,
nang ako’y…tuluyang pakasal
sa Wikang Dayuhan!”
6 R.B.ABIVA

-Amado Hernandez, Inangwika, 1961


ANG WIKA
Musa ng katawan
at kaluluwang alipin,
na kung busabos man di’y
musa pa rin ng katawan
at kaluluwa laban sa
pagka-alipin.

Musa kung musa


gayong siya ang diklap
sa madilim na daigdig,
at ni sa daigdig ng diklap
siya ang apoy,
ni lalong sa daigdig ng apoy
ay siya ang tubig.

Sa madaling sabi’y siya


ang hininga
ng mga tinig
ng mga titik
na mula sa mga bibig
na kayang isatitik
ang mga hiwaga
ng mga bulalakaw at buntala.

Hulyo 20, 2019


Lungsod Quezon, Maynila
7 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA
ANG WIKA AT PANITIKAN
(Unang Rebisyon)

Rehiyunal man o pambansang antas


ay dapat tangkilikin
sikaping saliksikin,
bungkalin, at payabungin,
nang sa gayo’y mamulaklak
at mahubog natin
ang matibay, tunay,
at buhay na nasyunalismo
na gaya sa isang makulay
at puno ng buhay na papawirin;
bawat isa’y ito ang tungkulin
gamitin, pagyamanin, at hubugin
ang wika’t panitikan sa kaluluwa,
puso, at damdamin
gayong siyang kailangan
ng bawat isa
upang pag-unlad, kalayaan,
at pambansang-kaakuhan
ay makamtan
mula sa kuko ng puting dayong mandaragit
na dumagit
sa matamis na kapalaran, kasarinlan,
at sariling pagpapasya
ng liping kayumanggi;
mga manunulat at makata
-lalung-lalo na ang madla-
muling nanghahamon ang kasaysayan,
balikan yaring mga pangaral
sa mga nobela at pluma
ni Rizal na Dakila ng Calamba, Laguna,
8 R.B.ABIVA

Ka Celo Del Pilar ng Bulakan, Bulacan,


Ka Saro ng Bonifacio, Cabanatuan,
o maging yaring itak at sundang
ng magiting na Supremo
Andres Bonifacio ng Tondo, Maynila
-ang wika’y kaluluwa
at ang panitika’y ang laman
na siyang bubuo sa isang makapangyarihang
muog at sandata para sa paglayang asam
ng mga nauna nating nuno
at lahat ng pinagsasamantalahang uri;
gayong mas nakamamatay ito
kumpara sa pinaka-abante at pinakamalakas
na riple, kanyon, at armas nukleyar
ng mga bayang imperyalista!
At tiyak ‘di tayo magkakautang
sa Dakilang Huseng Batute
nang kanyang winika
29 ng Marso 1921 sa Maynila,
“Pagtawid sa batis, siya’y nakakita
ng isang tagalog, ang sabi sa kanya:
‘Sino ka? Sino ka?’
At dito’y sumagot na lipos ng dusa:
“Ako’y Inang Wika…Anak ko, halika!’”

Agosto 15, 2018


Lungsod Quezon, Maynila

*Inilathala ng Liga ng mga Kabataang Propagandista noong Hulyo 11, 2019, at Northern
Dispatch Weekly noong Agosto 23, 2019.
9 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA
MAKATA
“Matagal patayin ang kaibigan
sapagkat isa-isang
dapat ilibing ang mga titik
ng kaniyang pangalan.”
- Rio Alma, Pangaral Ng Apoy, 1986
10 R.B.ABIVA
SAAN YARI ANG AMING PARNASO?
Aabangan ka namin
sa harap ng aming mesa
na yari sa tinabas na puno ng Nara
na nakaharap sa Kalye Dungon
habang kami’y nakaupo na waring sa
isang prinsipe ng lumang Rusya
ni Ivan Na Terible;

hahayaan
naming maging saksi ang isang tasa ng kape
na tinimpla pa ng aming mga kabiyak,
isang panulat na de-tinta, at mumurahing papel
habang kami’y maligaya pa rin sa pagkakaupo
at hinihimay ng aming hintuturo
ang bawat pahina gayundin ng aming mata
na waring aming ginugutay ang bawat titik
sa mga nangangausap na pangungusap
sa bawat kabanata ng nobela ni Munsayac
at kung sino ba talaga sina Anong, Sol at iba pang persona;

at sa sandaling haplusin
ng malamig at mamasa-masang amihan
ang aming batok,
ibaba muna namin ang aming hawak na aklat
na sukat anim ang taas at siyam na pulgada ang lapad
at hahayaang ang aming sarili at kaluluwa na gamutin
nang sumusuyod na bigwas ng paparating na ulan
11 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

mula sa mga pinitak ng Palayan at Talavera


sapagkat nakakasugat din pala
ang pasikut-sikot na paglalakbay
tungo sa Bayan ng Liwanag ni Munsayac;
at sa yugtong pumatak sa aming balat
ang unang luha ng kulay abong langit,
dadamputin naming muli ang aming pluma at papel
at aming walang-awang hihigupin at sisimutin
ang laman ng babasaging baso;

wala kaming ititira ni isang butil


nang ‘di nalusaw na asukal
at tsaka namin uumpisahan ang paghahabi
ng mga titik habang umuukilkil
sa aming pandinig at utak ang ti-ka-tik
ng ulan na lumalagitik sa aming bubungan
na yari sa yero at lata na waring hagkis ng latigo
ng mga noo’y Guardia Civil na nagpahirap-kumatay
sa mga nahuling aswang kunong Katipunero
ng magiting na Supremo mula Tondo,
o putak na mula sa bibig ni Bukowski
habang siya’y lasing na tumutula sa California
na animo’y baryang lumalakatak sa bulsa
ng comprador at kapitalistang walang kaluluwa at hiya;

at sino ang makakapigil sa amin na magsulat


kung ang aming nadarama ay waring aming katabi
sa higaang yari sa rosas si Aphrodite
habang kami’y magiliw na inaawitan ng mga kalapati,
maya, at sisne sa gubat na walang ibang nakatanim kundi mirto?

Wala!

Siyempre, kami lamang at ang sarcophagus ni Anubis


o ang kalawakan sa palad ni Nuiti.

Mayo 29, 2019


Lungsod Quezon, Maynila
12 R.B.ABIVA
KALATAS NG MALAYANG MALAY
Sapat na ang ginugol kong panahon sa pagsasanay.

Nais nang kumawala ng mga titik at talinhaga sa loob ng aking bibig ang naipong himutok. Higit
na mas mabilis ito kaysa sa pagbunot ni Alibasbas ng baril sa kanyang tagiliran o ng nakamama-
tay na tinggang tanso na nakakubli sa matris ng bola ng kanyang rebolber.

Ito ang aking itak na kasinkislap ng liwanag at kasintalim ng ngipin ng kidlat ay handa ko nang
itaga sa leeg ng mga mandarambong na pinaglihi sa tokwa, okoi, at hopia.

Sa bagsik nito’y nakatitiyak akong kung makasalubong ko man ang kanilang Diyos at Diablo’y
tiyak masusugatan ko ang kanilang laman at anino.

Babawiin ko ang mga bagay na nawala dulot ng kanilang pagmamalabis lalu na sa yugtong
ginawang pain ang aking mahihirap na kababayan sa ngalangala ng karahasan, kalupitan, at
pagka-alipin.

Kung sakali mang masima sila ng aking itak at buhay pa sila, aking ituturing na tropeyo ang mga
naputol na bahagi ng kanilang katawan.

Iuuwi ko ang kanilang ulo at puso sa bayan kong uhaw sa puri at dangal.

Ang kanilang bayag ay aking ipapakain sa mga nabihag kong Banal na Aso.

Habang ang kanilang anino’y aking ipanggagatong sa bulkang papatag sa buong mundo.

Nobyembre 21, 2018


Lungsod Quezon, Maynila
13 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA
HAMON SA MGA MAKATANG PUGANTE
Bago ka magsimulang humabi ng mga salitang Victorian
at iputong sa iyong ulo ang gintong laurelya,
mainam na hubarin mo ang iyong sapin sa paa
gayundin ang balanggot ng iyong kaluluwa.

Kung tunay kang ‘di pugante


ay bakit ‘di mo gawing isang napakalaki
at napakalapad na papel
ang magaspang, maputik, at maalikabok
na kapirasong lupa kung saan ka
nakatayo na waring isang bulaklak na sumibol
sa gitna ng disyerto
ng mga kalansay at bungo?!

Bakit ‘di mo gawing protagonista


ng iyong mga katha
silang mga nakadungaw at nakatanghod
sa kulay dagat na langit?
Silang mga yayat ngunit butete ang tiyan?
Silang amoy panis na laway at pawis?
Silang ang mata’y waring sa mata ng uwak
na gutom, gutom na gutom,
na namumugad sa bayang pilit inaanalisa
ni Weber, Durkheim, at Hirszowicz
na pilit namang pinalalaya ni Gramsci,
Althusser, at Horkheimer?!

Kung tunay kang ‘di pugante


ay bakit ‘di mo damputin ang ‘yong sariling anino
at gamitin ito bilang ‘yong pluma
at i-ukit mo sa dibdib nang nilalagnat na daigdig
-ang init at kirot ng lipunang wari
14 R.B.ABIVA

sa isang bulkang malapit nang sumabog


at nagpupumiglas na mga atungal
dulot nang labislabis na pagpapagal
sa kalawakan ng kahirapan
at dagling buhay at kamatayan?

Dito ka susukatin at hahatulan


kasama ng ‘yong panitik ng kasaysayan
na madalas mong banggitin, landiin, at paglaruan-
kung kaisa mo ba hanggang sa huli
ang mga hinabi mong titik
o likas na hinabi mo lamang sila
upang ika’y makaani ng mga papuri
matapos mong bulagin ang mga ‘di mo kauri?

At kung pugante ka nga’y higit na mainam


gawing balot ng iyong kabaong
ang madalas mong sambahing kurtina ng venetian
na naghihiwalay sa iyo at sa buong uniberso
ng mga taong tinik na bakal ang korona sa ulo.

Enero 13, 2019


Lungsod Quezon, Maynila

*Itinanghal ng makata sa ginanap na ika-49 anibersaryo ng First Quarter Storm (1970) na may
temang SIGWA: Pambansang Pista ng Sining at Panitikang Bayan. Naganap ito sa College of
Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, at dinaluhan ng mga batikang alagad ng sining
gaya nina Bienvenido Lumbera, Joel Lamangan, at Niel Doloricon.
15 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA
NAMAMATAY NGA BA ANG ISANG MAKATA?
(Kay M. Daniel At G. Guillermo)

Silid-aklatan mo ang nayon-


ang iyak ng bagong silang na sanggol
ang atungal ng uhaw at gutom na kalabaw
ang tangis ng inang ‘alang maipasuso sa anak
ang pagpapagal ng amang kayod-kabayo magdamag
ang alulong ng mga nawalan
ang daing ng kambing
ang bulong ng hanging mula sa kaingin
ang pagdila ng haring araw sa salakot-
ay nagsilbing mga buhay na pahina
dahilan upang ‘sang gabi-
sa ibabaw ng kainang yari sa tabla
sa harap ng lumang gasera-
ang tuyong sanga ng bayabas
ay ‘yong maingat na ikinuskos
sa ibabaw ng dahon ng saging at bayabas,
at himalang nakagawa ka
ng mga pulang tula’t prosa
sa ilalim ng mga bituin
at buwan na korteng karit,
mga tula’t prosang ang mithi
ay ang paglaya ng mga api,
mga tula’t prosang nagsatitik
sa paghihimagsik ng mga inaamis,
mga tula’t prosang panandang- bato
na naisungilngil sa dibdib
ng tigang na lupa
katibayan na ang makata
ay ‘alang kamatayan
gapasin man ang kanyang hininga
nang nagbabagang punglo,
16 R.B.ABIVA

durugin man ang kanyang puso at bungo


sa gulong ng pison,
ipagkait man sa makata habambuhay
ang maningning na silahis ng bukang-liwayway,
gugunitain siyang lagi
gaya ng dakilang Blok
at Gorky.

Setyembre 4, 2018
Lungsod Quezon, Maynila
17 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA
HINDI AKO ANG DAIGDIG
(Apologia Ng Isang Makata)

Kung susukatin ang bahagi ko


sa buong uniberso ng mga animal at homo,
labis-labis na ang ‘sang dakot na lupa,
o ‘sang kilo ng abo,
o ‘sang kutsara ng buhangin,
sa mga dalampasigan at disyerto;

ang katotohanan,
ako’y ‘sang katiting na butil lamang
na marumi at magaspang;

sa madaling sabi’y may nagmamay-ari sa akin


at kung ako ma’y mayroong pag-aari,
ito’y ang kakapiranggot na buhay
na napanday nang magsiping
ang kaluluwa at laman
liwanag at dilim
init at lamig
sa Banal na Paraiso ni Eden
na ang tanging pamana’y isang matamis-mapula
na mansanas ng karunungan sa dibdib
na iginawad ng pangahas
na tansong ahas;

sa sandaling iyo’y naging ganap


ang pagiging Daigdig ng daigdig
sapagkat naging ganap din
ang pagiging Tao
ng tao; 18 R.B.ABIVA
at naging Ako si ako
sapagkat naging Ikaw
ang daigdig.

Marso 22, 2019


Lungsod Quezon, Maynila
19 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA
SARILI
“Hindi ko kayang tantyahin
kung ilang gabi na ang itim
na bumilog sa ‘yong mga mata.
hindi ka nagluksa, pero
t’yak kong ikaw ay naglamay.”
-Roberto Ofanda Umil, Sa May Pinto (Kay Beng), 1997
20 R.B.ABIVA
ANG HULING TUKSO
Likas na katangian ng tao
ang pagiging animal at homo,
mayroong mga nais makamit
na pagnanasa at maaari lamang ibunga
nang mabagsik niyang libido-
kapangyarihan
pag-ibig
kasiping
pagkain
kaginhawaan
malawak na lakas
buhay at bukas
higit na glorya-
at ‘di pa naaabot ng tao ang sukdulan
ng katotoohanan, karanasan, at kasaysayan,
tukso ‘tong umaakit sa kanya,
bulong ‘to ni Anghel Lusiper sa kanyang tainga,
at sa darating na paghuhukom ng proletaryo,
muli s’yang sasagupa sa huling tukso-
kailangang maglaho ang uri sa kaibuturan ng tao
kailangang maisilang ang taong ganap nang tao
kailangang mawasak ang mga hangganan ng santinakpan
kailangang magiba ang haligi ng mga bayan-bayan at bansa
ng mental at manwal na paggawa
ng agrikultura at industriya
at kailangang maging isa ang marami-
upang maganap ‘to,
21 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

kailangang magising ang lahat


sa kani-kanilang masarap na panaginip
at kahibangan.

Oktubre 19, 2018


Lungsod Quezon, Maynila
KUNG MINSA’Y MAYROONG PUNTO SI NIETZSCHE
Tangis ng
balong asawa
nawawalang pusa
gutom na sanggol
asong kumakahol
hagulgol ng preso
nahiwang puso
naliligaw na paruparo
natutuyong damo
bulaklak na kulay dugo
manhid na anino,
lahat ng ito
sa mundong puno
ng matamis na pangako,
mundong kailanma’y ‘di isang paraiso,
mundong kung tutusi’y gaya ng tao,
na babalik sa abo
maging ang tulang ito
at maging si Rio.

Setyembre 15, 2018


Lungsod Kabanatuan, Nueva Ecija

22 R.B.ABIVA
ODA SA ISANG PALABOY SA ESPANYA
(Mga Aparisyon)

Ako ay gaya sa isdang bugaong


sumisisid sa kailalim ng araw at gabi
na kung aking ilalarawa’y kasingkulay ng mundong inagawan
ng dignidad, pag-asa, at kariwasaan
ng mundong pina-iinog ng mga sanga-sangang estero-
masikip, sukat butas ng ‘sang libingan,
mainit, madilim, mabaho, kasumpa-sumpa-
ng ‘sang pamosong syudad
na madalas nangangako ng ‘sang maganda’t dalisay na tadhana.

Ngunit gaya ng marami, ako’y kanyang binigo
at heto ako, trono kung ituring ang mataas na tumpok ng basura
pinandidirihan at kinamumuhian ng sariling kababayan
nilalayuan at kinatatakutan na animo’y ketongin
kung muling makikipagsapalaran sa lansangang
mula noon hanggang ngayo’y pugad pa rin
ng kalaswaan, kasamaan, at kasakiman;

at heto ako, sa mumo ng ilan nabubuhay
sa mga nangabngab na pitso at hita ng manok
ng kung sinong tao’t impakto
na madalas tumambay sa mga kainang primera klase;

at heto ako, akong sa gabi’y pilit kumakayod


kasama ng mga ipis, pusa, at daga
akong naging kaisa na rin ng liwanag at dilim
23 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

nang inulol ng sariling kumakalam na tiyan


kaya’t nagawa kong mabuo ang sariling mundo at uniberso
sa loob lamang din nang unang pitong araw sa Legarda-
ang mga lumilipad,
ang mga gumagagapang,
ang mga lumalangoy
ang mga tumatalon,
ang lahat ng may buhay na paglaon
ay mamamatay din lamang pala’t babalik sa lupa
na s’yang kanilang pinagmulan-
at aking hinugot si Magdalena ‘di sa aking tadyang
kundi nang magsiping ang aking dibdib at isipan
nang ganap na nabakla at nabaliw ang kaluluwang minsa’y humimpil
sa nagtatayugang muog ng karunungan, katotohanan, at pantasya
sa aking kailalim-laliman na aking ‘di rin maarok;
at s’ya, si Magdalena, ang aking hinahanap
sa likod ng makapal at masangsang na usok
na binubuga ng tambutso ng mga sasakyang waring mga garapatang
gumagapang at naghahabulan sa kahabaan ng Quiapo-Rotonda,
s’ya ang aking pilit hinahanap sa likod ng mga nakabibinging pitada
ng mga bakal na lantsa sa lupang nag-aagawan
sa linya patungong buhay at kamatayan at vice versa
na baka ang kanyang malambing at mapagmahal na tinig
ay pilit lamang ikinukubli ng ingay ng mga makinang nag-rerebolusyon;
s’ya si Magdalena, ang nawawalang turnilyo ng aking nabaklang kaluluwa
mahanap ko pa kaya s’ya?

At nahanap ko nga s’ya ‘sang araw


sa katauhan ng ‘sang gusgusing manika
halos tumigil ang mundo nang una ko s’yang mahagkan-
naglaho ang maitim na usok sa paligid
hinalinhan ng umaawit na simoy ng hangin
ang maingay at maligalig na sonata ng lunsod
waring ako si Adan at s’ya si Eba sa Paraiso ng Eden
walang paghihirap, walang tangis, walang sakit, walang dusa
lahat ay sagana sa yaman at pag-ibig
hanggang sa kami’y nilamon ng dumadagundong
na dambuhalang ahas
na may pitong ulo at malalaking bolang galamay
at kaming dalawa’y lumaya mula sa sisidlang mapaniil
naganap na ang mga pangitain
nagkaroon kami ng pakpak ni Magdalena
at lumipad na anong giliw sa papawirin
at iniwan namin ang mundong ang turing sa lahat
ng bagay at tao ay kalakal
iniwan namin ang mundong yari sa pagpapagal
24 R.B.ABIVA

sa ngalan ng kita at kalakal.

Oktubre 16, 2018


Lungsod Quezon, Maynila
NANG UNA KONG MADINIG ANG IYONG IYAK
Sa totoo’y ‘di ko kayang ilarawan ang aking nadama
nang gabing yaon
at sa katiting na sandaling yaon
‘di naka-alpas ang metapora sa kanyang sarili
ni ang idiyoma at matatalinhagang paglalarawa’y sandaling naging mangmang
ni ang malikot na utak ay natulala sa tinig bagang
may ibang bigat ang nais at ibig.

Ngunit isa lang ang aking tiyak,


nang gabing yaon
iginawad sa akin ng buhay
ang gantimpalang aking dadakilain
hanggang sa huling putok ng hininga
hanggang sa huling bula ng dugong mapula.

Oktubre 9, 2018
Lungsod Quezon, Maynila
25 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA
PARA-TULA
“Di pa ako nakamalas ng isang mapulang baka,
makakita ng ganoo’y hindi ako umaasa;
ngunit aking sinasabing ibig ko pang makakita
kaysa akong ito’y siyang maging isang bakang pula”
-Gelett Burgess, The Purple Cow
26 R.B.ABIVA
ANG DIALECTICS NI SOCRATES SA BALA NI LEON GUERERO
Malamang gulat na gulat ka
nang inasinta at itumba ni Lito
ang dalawang tulisang kumakaripas ng takbo;

malamang inisip mong dahil sa pelikula ‘to,


at malamang hinusgahan mo ang gumawa nito
na ‘alang pinag-aralan, timang at bobo;

malamang sa malamang
na ang laman ng isip mo,
ang puti ay puti, ang itim ay itim;

kung gayo’y para mo naring sinabi


na kayang umiral ng tao
na ‘alang anino,
ni Adan
na wala si Eba,
ni Cain
na wala si Abel;

para mo na ring sinabing ‘alang makakadaig


sa baga ng tingga,
kung tama nga ang aking hinuha’y
para mo na ring sinabing
‘alang araw at gabi.

Setyembre 18, 2018


27 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

Lungsod Quezon, Maynila


GITNANG LUZON AT SI DOSTOEVSKY
Magiting na binabagtas ng mga tutubi
ang makapal na talahiban ng Pulilan.
Anong ligaya sa kanilang pandinig
ang pitik ng mga dahon ng kawayan ng Candaba
sa t’wing ito’y madadaplisan ng ulan
na waring lumalagitik na buto.

Sa Sta. Rosa’y nakanganga ang mga palaka


sa ibabaw ng rebultong bato.
Uhaw na uhaw sila sa agwang waring iwiniwisik
ni San Juan Bautista
na hatid ay muling pagkabuhay
ng katawan at kaluluwa .

Nagsimulang maglayag ang mga pato at itik


sa mga bukirin ng Tarlac na nagmistulang dagat.
Nagkakaisa nilang binagtas
ang hangganan ng binabahang tubuhan ng Luisita.

Nakangiti ang mga kalabaw sa may paanan ng Arayat


habang pasan si Lando,
at mainit silang sinalubong
ng mga taong-putik ng Alliaga-
ang mga maalamat na gerilya
na kaisa ng lupa na nais kumawala
sa latigo ng mga nagdidiyus-diyosan.

Itinaas ni Daning ang palakol,


at itinama ito sa paanan ng lumang bahay
na yari sa pinakamamahaling kapis at marmol,
nara at kamagong.
28 R.B.ABIVA
Napunit ito na parang papel at nabiyak.
Sumagitsit ang dugo ng Panginoong Maylupa at Usurero
gaya nang sa kung paano naghimagsik si Raskolnikov
laban sa matandang may-ari ng sanglaan ng ginto.

Hulyo 17, 2018


Lungsod Quezon, Maynila
29 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA
HALIK SA APOY
(Nang Matisod Ako Sa Tuldok Ni Pasternak)

Isang gabi’y nangagsisayaw ang mga anino


sa nakakakilabot na ritmo’t kumpas
ng sumasabog na mga kapsula.

Maliksi ka!

Hanggang sa masilo ka’t higupin ng kumunoy


ang iyong payak na pakpak.

‘Di mo nagawang makapiglas


ni makabigwas nang anong lakas.

‘Di ka nakatiplas!

Dinampian ka ng baga sa dibdib


at tuluyang kinubkob nito
ang iyong katawan
habang kumakawala ang iyong kaluluwa.

Dahan-daha’y nagmistula kang palutang-lutang na bulalakaw


sa pagitan ng mga kahoy at dahong nakatungayaw.

Bilang sa daliri ang iyong hininga


gayundin ang pintig ng iyong pusong nakikibaka.

Umatras ang panahon at umalagwa sa iyong sentido


ang salasalabat at pinakaiingatan mong salamisim-

nakita mo ang larawan na iyong ina;


ika’y kanyang pinapasuso sa kanyang malusog na dibdib;
kinakantahan ka habang tinatapik ang iyong hita;
30 R.B.ABIVA

nakatitig siya sa sanggol- ikaw na nasa kanyang braso;


maluha-luha ang kanyang mata
habang nakangiti ang kanyang mapulang labi;
lumitaw ang imahen ng ‘yong kasintahan;
nakatitig sa ‘yo;
papalayo;
papalayo nang papalayo;

pumitik ang kamay ng orasan,tik!


At sa isang iglap ay naglaho ang lahat sa iyong harapan;
wala kang nagawa kundi tanggapin ang lahat
na bunga ng iyong mga pagpapasya
mula nang ukitin-tahakin mo
ang sarili mong tadhana.

Hanggang sa ika’y unti-unting lumagapak at naubos,


at tanging mga alipato ang ‘yong iniwan sa hangin.

Sinimot at sinipsip ng uhaw na lupa ang iyong abo


at naging sampu ang pangahas na gaya mo.

At muling pumihit-umandar ang mga turnilyo’t kwerdas


ng tao sa sanlibutang ‘di pa nakakalaya
sa pagiging makina-

lugmok, lupaypay, sugatan,


nakatanghod sa kaitaasan
ang mata, noo, bibig, at palad
habang gutom at uhaw
sa ayuda at awa
habang bitak-bitak at nanunuyot
31 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

ang gaya nilang korderong sugatan-

at mula dito’y marami pa ang gaya mo


na makikipagduwelo sa naghuhumindig at nagtutumayog
sa tatag, lakas, at tibay na kapangyarihan
ng mga palalong Diyos-

isang tansong tingga


sa bola ng rebolber
didiinan ng hinlalaki paatras
ang maliit na maso
na yari sa asero
isisiping ng hintuturo
ang sarili sa nag-aabang na gatilyo
aasintahin ang noo
ang puntiryang masahol pa sa aso
gigiling sa utak
ang lahat ng masasama nilang pakana
at walang kapangimi-pangiming pipitik
ang piglas-nais-diwa
ng layang ubod ng bagsik at himagsik.

Klik!

Enero 17, 2019


Lungsod Quezon, Maynila

32 R.B.ABIVA
TAON
“Ina naming Bayan, ngayon at sa susunod po ninyong sentenaryo
nawa ituwid ninyo ang aming landas na papalapit sa inyo.
Supling ninyo kaming alay ay alaala ng nag-aalalang siglo
alang-alang po sa salinlahing darating na mas pili at pino!”
-Vim Nadera, Huling Pamahra, 2000
34 R.B.ABIVA
MCMLXVIII
Manalig ka sa kanya
ni sa panahon ng mararahas
at madudugong bigwas
ng minsa’y nalilitong sarili
at desperadong kaaway sa uri;
kahit pa nagsimula s’ya
sa iilang mapandigmang kalansay
ngayo’y wari na sa buhangin
sa dalampasigan ang dami nila;
at sa gaya n’yang muog
ang malawak, masukal, matalahib
bato-bato, maputik, maalikabok,
at bulubunduking kanayunan,
kakailanganin pa n’yang mag-ipon
ng mala-buhawi at mala-daluyong na lakas
nang maganap ang kagilagilalas
at magnipikong taglagas
sa hinaharap
sa kanyang masining na kumpas;
ang ginintuang limampung taon
ngayo’y maaaring katumbas lamang ng sangkapat
ng anim na daang taong pagkakatulog
ng Bulkang Pinatubo bago ito sumabog
noong dekada-otsenta
nang kanyang ihandog
ang siklong bumulabog
sa mga gising na tulog
35 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

sa Silangan ng mundong bilog.

Enero 14, 2019


Lungsod Quezon, Maynila

*Nalathala sa pahayagang PinoyWeekly noong Pebrero 3, 2019.


AGOSTO 2017 AT ANG TATLONG PERSONA
(Sa Alaala ni Isabelo Delos Reyes)

Lumaya rin sa wakas si Shukhov


mula sa kulang limang-taong pagkakakulob
sa libingan ng mga buhay.

Kinalas ang posas sa kanyang kamay


binuksan ang bakal na pintuang nagpahirap
sa ‘di-mabilang na laman at malay
hayan na ang hanging sariwa
hayan na ang paulit-ulit na pangako
sa kanya ng kanyang panaginip-
isang bayang
payapa,
isang bayang payapa
na sagana.

Subalit ano ‘tong kanyang nadama


at natamasang gantimpala?!
Hanging ang samyo’y dokhodyaga?!
Ang loob at labas pala’y ‘alang pinagkaiba!
Pareho at mukhang mas masahol pa ‘ata
ang kanyang nakikita.
Hayan nga’t bumungad
sa kanyang mata
ang abuhing langit at bukiring nalalanta,
Hayan nga’t ang nagpupumiglas
na bisig na kulay-lupa
ng kaydaming inang tuyo
ang labi at mata.
Hayan nga’t bakit nagkalat
ang batik-batik na hintuturo
na sabik na sabik
36 R.B.ABIVA

pumisil ng tansong gatilyo.


Araw-araw na kamatayan.
Dugo ang ipinambubuhay sa ampaw na laman.88
Dugo ang ipinaiinom sa gutom, at tigang na tiyan.
Dugo ang iniaalay sa hapag ng kapangyarihan.

Hayan nga’t ‘sang taon na ang nakakalipas


ay ‘ala pa ring nagbago,
mula nang si Shukhov ay naka-alpas.

Si Shukhov
ay si Ako,
si Ako
ay si Ikaw,
si Ikaw
ay si Sila.

Hayan ngayon,
si Shukhov na ako, ikaw, at sila
si Shukhov na ako, ikaw, at sila
na ‘alang kadala-dala
na gaya ko, ikaw, at sila.

Ayaw ng tatlong personang pakulob


sa luwag na natatamasa.
Nais pa rin n’yang lumaya
at magpalaya.

At ngayo’y nasaan sila?


Nasa kalsada bitbit ang tula
37 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

na mapangahas ipinansasagupa
sa mga anghel na ang hawak
ay tear gas, truncheon, baril,
tangke-de-gera, at batuta.

Agosto 2, 2018
Lungsod Quezon, Maynila
DAPOL TAN PAYAWAR
Sa bawat paghalik
ng labi ni Goring
ay napuno ang iyong puso
ng pagnanasa
gaya sa kung paano
o gaano ka
kasabik at nanabik
mahalikan ng mamasa-masa’t malamig
na butil ng hamog
ang tuyo’t nag-aagawbuhay
mong bibig.

At sa unang hatinggabi
sa Ridgewood sa Kalye Gibraltar
-nang pinutol ng mga alulong
ng aso at tangis ng mga inang balo
ang iyong parnasong panaginip-
nakadama ng kaba ang iyong dibdib
na wari noong si Zaitsev
habang nakadapa’t sinisikap
pigilin ang hininga habang
nakasipat ang kanang mata
sa iskopyo ng kanyang springfield
sa ilalim ng mga guho
ng Dakilang Stalingrad.

At sa ikalawang hatinggabi
sa Ridgewood sa Kalye Gibraltar
nawasak ang lahat
nang gumalaw-luminaw ang imahen,
nasipat ng lenteng sinlaki ng piso
si Bugan na waring si Inang Maria
38 R.B.ABIVA

-na madalas gumambala kay Pedro Calosa


noon sa mga misteryosong burol, bundok
baryo, at libingan ng Tayug-
na duguan sa ilalim ng malakas-bumabayong
buhos ng ulan.

At sa ikatlong hatinggabi
sa Ridgewood sa Kalye Gibraltar
‘di ka nakuntento
sa mga aparisyong kumikiwal-umuukilkil
sa mga kuweba ng iyong damdamin at guniguni,
nagkusot ka ng mata
at nakita mo ang pag-iisa
ng kaluluwa at abo
at inasalto mo ang hagupit ni Goring
kahit pa ang tingin sa iyo ng ila’y
mayroon ka ng tililing
na waring bunga ng banal na katas
ng pinagbabawal na talampunay.

Hulyo 21, 2019


Lungsod Quezon, Maynila

Dapol tan Payawar- nangangahulugang “ang mga abo at multo” sa wikang Pangasinense.
Zaitsev- mahusay na soviet sniper; lumaban sa Stalingrad noong Ikalawang Digmaang
Pandaigdig..
Springfield- isang klase ng baril pang-isnayp noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Bugan- si Eba ng Ifugao.
Pedro Calosa- lider ng kolorum sa Pangasinan na namuno sa pag-aalsa sa Tayug noong 1931.
39 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

*Nalathala sa Bulatlat noong Hulyo 21, 2019.


MUJER
“Nasakop kami
ngunit nakaligtaan nilang di kailanman
kami papanawan ng pag-asa at pangarap.
Kaya tuwing gabi,
tulad ng sinaunang musmos,
kami’y lumilikha ng mga bagong pangitain
upang muling buhayin ang aming pinaslang
na kaluluwa’t buhdi.”
40 R.B.ABIVA

- Mike L. Bigornia, Pantasya, 1990

*Mujer- ang katawagan ng mga Kastila sa babae.



SA SEAT 22 NG FIVE STAR BUS
AT ANG LIBIDINAL DRIVE THEORY NI FREUD
“Lady, won’t you save me?/ My heart belongs to you/
Lady, can you forgive me?/ For all I’ve done to you/ Lady, oh, lady.”
- Steelheart, She’s Gone, 1990

Pagka-akyat ko’y waring nasabuyan ng malamig na tubig ang aking mukha,


isang anghel ang aking nakita na nakaupo sa pagitan ng mga upuan
na yari sa bakal at pinakamalambot na tela sa buong daigdigan;
malamig ang paligid subalit nakadama ang aking hapong dibdib
ng kakaibang hagod, init, at kabog.

Manukirado ang dulo ng kanyang mga daliri


na sa kinis ay animo’y ‘di pa nadidilaan ng sabong panlaba
ni naikiskis sa ulingang pwetan ng kaldero at palayok;
kulay tanso ang kanyang buhok
na nagkukubli sa mga nakalambitin na pilak na alahas
sa kanyang malambot- mahiwagang tainga;
makintab ang kanyang mata
na gwardiyado ng mga nakatirik- matatalim na pilikmata
na animo’y balisong at bayoneta;
balot ang kanyang maputi- makinis na balat
ng itim na balabal na yari sa balahibo ng tupa;
animo’y talulot ng rosas ang kanyang labi
habang ang kanyang pisngi’y bilog na bilog
na kay sarap sanang kagatin nang nakapikit
sapagkat wari ‘tong sa mansanas ni Lucifer-
41 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

malinamnam na matamis na mahapdi na masakit sa gilagid;


nagpupumiglas ang malusog -maumbok n’yang dibdib,
buong- buo ito at wala ni isang bakas ng katampalasanan
o kalapastangan laban sa kanyang birhenidad na nanahan
sa tungki ng kanyang burol at karnalidad,
o sa lambak ng de-nunal n’yang susong puno ng hiwaga
habang umuusli pabulwak-palabas ang kanyang utong
na wari bagang hatid ay libong bugtong at nag-iiskrimahang mga tanong
sa utak na binabaha na ng naghihimagsik na libido
gaya na lamang ni Alexander na malibog.

Hanggang sa isang kakaibang init ang namuo sa aking sikmura


na tumagos hanggang sa nilalamig na puson;
kumulo ang berde kong apdo
at agad dumaloy sa aking mga ugat ang ‘sang tipo ng kuryente
na kung ‘di mapipigilan ng katwiran ang t’yak kukubkubin ito ng tukso
at malilikha ang ‘sang ligalig na ikaguguho ng banal na haligi
nang nakaraang pakikipagtipan ng Tao sa Tao, at sa Diyos Ispirito;
umabante ang sinasakyan naming de-makinang karwahe
hinila ako ng antok sa kanyang sariling daigdig
hindi naman n’ya ako hinandugan ni isang matamis na panaginip
hanggang sa nakadama ng pangangalay
ang aking kaliwang balikat,
unti-unti kong ibinukas ang talukap ng aking mata
at nagulat- nanginig ako sa aking nakita,
mahimbing sa pagkakatulog ang anghel sa aking braso
naghuhumiyaw- nagwawala ang aking kaluluwa,
subalit kailangang ilihim ang lahat;
minabuti kong maidlip na rin,
at damayan at subuking habulin-hulihin s’ya
sa nakaliligalig na siklo ng mga panaginip
at nadama ko ang payapang pagkiskis ng aming mga balat
at ang nakakabagabag na pagkakakulob ng init
sa aking kaibuturan
pakiramdam ko’y nasa iba na akong dimensiyon ng uniberso
na walang oras, walang paggalaw
maliban sa kailangang pigilin ang makamundong pagnanasa

Hanggang sa gambalain putulin ng isang hiyaw ang aking pantasya


“O mga bababa po ng Balintwak oh.
Lapit na po tayo sa harapan!”
Bumalik ang aking ulirat
at nakita ko sa siwang ng bagong gising kong mata
ang mga mapanghimagsik pulang bandila ng Katipunan
42 R.B.ABIVA

gayundin ang inaamag- kinakalawang na rebulto ng supremo,


nagkukumahog pababa ang mga pasahero
lumalakutok ang kanilang suot na sapatos
nanaog na rin pala palabas- palayo nang hindi ko namamalayan
ang babaeng lumikha ng kaguluhan sa aking kaibuturan
nag-iisa na muli ako na gaya sa mga nauna kong pakikipagsapalaran
sa Siyudad ng Huwad na Panaginip, ang Maynila.

Bumaba ako ng bus


at sinalubong ako ng mabaho -mausok –maingay- mapanghing
singaw ng sanlibutan;
humakbang ako at unti-unting nilagom ng mainit- nag-aalab na sikat
ng tanghaling tapat.

Disyembre 12, 2018


Lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija
43 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA
ANG BAYAN KONG GAYA SA ISANG PUTA
Mula sa mananakop na Kastila’y anong pait at ibinugaw ka ng pangkating Illustrado sa
kandungan ng mga Amerikano. At mula sa palad ni Superman ay anong lupit, at kung ikama
ka ng mga gutom at uhaw sa laman at libido na sundalo ng imperyo ni Hirohito’y halos segu-
segundo. At hanggang sa matapos ang digmaan, pinagpasasaan ka pa rin kahit ika’y wasak,
wasak na wasak na.

Lumipas ang halos pitong dekada, ibinubugaw ka pa rin ng mga naging lider ng Malakanyang.
At ngayon, pilit ka muling ipasisiping sa mga Tsino.

60-40.

Handa ka nilang bayaran kahit ika’y halos baog na. Gagamitin nila ang iyong paa, kamay, tiyan,
puwet, puki, at ulo sa kanilang sariling digma. Lalagakan nila ng armas ang iyong anino habang
ang mga anak mo’y unti-unting binubulalo sa kanilang sariling mga bayag.

Soup Number 5.

Kaya heto, marami ang naduduwag na tubusin ka sa mundong amoy-laway at semilya ng mga
dayong mandaragit- mangaalipusta.

Nobyembre 19, 2018


Lungsod Quezon, Maynila

44 R.B.ABIVA
LIVE SHOW
“Ganito na lang, halika, halika
‘di ka ba pwede?
alam mo…wala na bang iba?”
‘ika ni Kanor
habang nandudumilat ang kanyang mata
sa kumpol ng mga tao sa kanyang harapan.
Maingay.

Sumulpot sa kanyang likod ang dalawang babae


at agad nagtawanan ang mga tao.
Malakas.
Malakas na malakas.

Inilapit ni Kanor ang kanyang bunganga sa mikropono.

“May dalawa dito,


umakyat kayo, kako dito
‘pag hindi you share share ha kayo
wala akong ano.
Guard paki-guide.
Para fair, basahin mo dito
dito mo na lang basahin
maybe after you, give it to her.”

“Yes sir,”sagot ng babaeng kasama ni Bea.


Tatango-tango ang babae
habang si Kanor,
45 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

‘di mailayo ang titig sa dalawang babae


lalung-lalo na kay Bea.

Muling nagtawanan ang mga tao nang malakas.

“Dapat… I’ll be sending…” ‘ika ni Kanor.


“Thank you…thank you po.”
“Bigay ko ‘to sa kanya.”
“Thank you po.”

Napayuko at nagkamayan ang tatlo.

“You can finish that in two nights, one night” ‘ika ni Kanor
sabay idinuro ang kanyang hintuturo sa dibdib ni Bea.
‘Di n’ya ‘to napansin.
“Hehehe…ahhh!”sabay talon si Bea.
“Haayyy…ahh,”nang iilad-ilad na si Bea.
“Thank you, thank you sir ah,” sabay mano at halik
sa kamay ni Kanor.

Bongga si Bea.
Nag-ayos pa ng buhok habang napapatalon sa kilig.
Nang paalis na ang dalawang babae’y muli silang tinawag ni Kanor.

“ ‘Wag kang mag-amin-amin ‘dyan. Halika ka dito. Huy!”


Bumalik ang dalawang babae habang hawak ang libro.

Niliyad-liyad ni Bea ang katawan at inayos ang kanyang bangs.


Paglao’y napahagod ang sariling dila sa bibig
at napalunok sa libog si Kanor.

Hinawakan muli ni Kanor ang kamay


ng babaeng kasama ni Bea.
“Alam mo naman ang matanda. Ang beso- beso?”

Liliyad-liyad muli si Bea sa kilig


napa-abante at akmang ipapalapa ang sarili kay Kanor.
Magkahalo ang kanyang kilig, takot at kaba
na waring mapapaihi sa tuwa.

“Beso na po sir, beso!” ‘ika ng kasama ni Bea


sabay haplos sa balikat ni Kanor.
46 R.B.ABIVA

Nagbeso-beso nga sila.


Habang si Bea nama’y halos tumimbuwang sa kilig.

Lumapit si Bea
at idinuldol ni Kanor ang kanyang hintuturo sa kanyang labi.
Anong ligaya ni Bea.
Halos takpan n’ya ang kanyang mukha
gamit ang hawak-hawak na pitakang itim.

Akmang lalapit si Bea kay Kanor.


Nagtilian ang mga tao.
Malakas ang hiyawan.
Malakas na malakas.
“Dalaga pa?” ‘ika ni Kanor.
“Hindi po, meron na po”sabay inayos ni Bea
ang kanyang mahaba at kulot na buhok.
“Andito?”sabay dinuroni Kanor
ang kanyang hintuturo sa libumbon ng mga tao sa kanilang harapan.
“Meron po,meron po,” maikli at nahihiyang sagot ni Bea.
“ ‘Di naman kayo hiwalay?”
“Hi-hindi naman po,” sabay iling ang ulo.
Napatili muli si Bea.
Liliyad-liyad.

“Pero kaya mong sabihin na biro lang?” muling tanong ni Kanor.


“O-opo,” sagot ni Bea sabay tango.
“Pero magkiss tayo?” at muling idinuldol ni Kanor
ang kanyang hintuturo sa kanyang bibig.

Sigawan ang mga tao.


47 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

Halos mahiga na si Bea sa sukol langit n’yang ligaya.


Matagal na napatitig si Kanor kay Bea.
Habang si Bea nama’y ‘di malaman ang gagawin
kung hahalik ba o maghuhubad na lamang.

“Sige na paselosin mo na,” ‘ika ni Kanor.


“Bwahhht…” usal nang titilitiling si Bea.
Sasakmalin na s’ya ni Kanor.
Papalapit na ang bibig ni Kanor nang biglang magtakip si Bea ng mukha.
Nagtatantyahan.

Sumesenyas si Kanor gamit ang kanyang nguso.


“Sige na, sige na.”
Napapapikit si Bea.
“Sabay tayo, na maglapit,”hirit ni Kanor.
Pumikit si Bea at nanatili sa kanyang posisyon.
Habang ang ulo ni Kanor nama’y waring ibong Kalaw sa haba.
Dumapo ang kanyang bibig sa bibig ni Bea.
Napapikit si Bea.
Nagsigawan ang mga manonood.
Malakas na malakas.
Habang si Kanor nama’y ngiting diablo
na animo’y ahas na tinutukoy sa Paraiso ni Eden
at pinunasan ang kumapit na lipistik
sa kanyang bibig
gamit ang hintuturo.

“Salamat po Sir,” muling usal ni Bea.


Lumapit si Kanor at agad niyakap si Bea.
Tinapik-tapik ni Kanor ang balikat ni Bea.
Iba ang ligaya ni Kanor
habang ang mga tao’y anong ingay.
Nang makababa na sa entablado si Bea
ay muling napakamot sa ulo si Kanor.
‘Di mailayo ang tingin, ngingiti-ngiti at mukhang kulang sa kanya
ang mga nangyari.

Muling inilapit ni Kanor ang kanyang bibig sa mikropono.


“Sunod balik ko magdala ako ng marami,” ‘ika na anong tamis ang ngiti.
Muling tumili, nagpalakpakan at naghiyawan ang mga tao.
Anong ligaya nilang makapanood ng kahalayan.
48 R.B.ABIVA

Anong ligaya nilang makapanood ng halik ni Kamatayan.


Kinabukasan, naghuhumiyaw ang mga headline sa diaryo,
blah, blah, blah, sealed with a kiss.

Kinagabihan, nagkahamunan ang dalawang persona.


Ang isa’y bumida na sa pelikulang Feng Shui
habang ang isa nama’y kilalang sexy dancer, porn star at advocate ng Kamasutra.
Mahaba ang kanilang bangayan at pinag-usapan ng buong bayan.
“Gusto mo ng kaaway, ako. I am ready anytime, anywhere, harapan,” ‘ika ni Kris.

Hunyo 8, 2018
Lungsod Quezon, Maynila
49 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA
PARUPARO
Namumugad sa daigidig na patay-sindi
tinitiis ang hapdi at pait sa kuko, dila, at ari
na maya’t maya’y lumalapa at sumusubo
sa kanyang dangal at puri;
at sa kababayo’y natutunan n’yang maging manhid
at sa labis na pagkamanhid
ni sarap ng romansa at pagsisiping
ay ‘di na n’ya maramdaman,
‘ala na s’ya nito, naglaho na
naglaho nang ikalawa, ikatlo,
ikalima, at ikapitong salang n’ya
sa teatrong kasama ang mga Adonis.

Setyembre 22, 2018


Lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija

50 R.B.ABIVA
ANG MGA MARIPOSA SA KLASMEYT AT CALYPTOS
Alila ka ng daigdig mong nabubuhay tuwing gabi
waring bampira sa pula ang ‘yong labi
ang ‘yong mala-labanos na katawan
ang s’yang alay mo sa mga ubod ng sibang nilalang
na gumagala sa mga eskinita at estero ng bayan mong sawi.

Nakakubli sa nakahihilo’t nakasusuka na ilaw


ang nakaraan mong aandap-andap,
kung anong i-pinula ng tabing sa entablado
ay s’ya namang abot-langit mong tangis
nang unang umagos sa ‘yong tapayan
ang katas nang nawasak at ‘di na kailan pa
bumaalik ang banalidad ng iyong hiyas.

Sa tugtog ng radyo at indayog ng mga katawang dinampihan


ng inuming nababad sa labadura
at pulutang mula sa inihaw na balat ng aso at kambing,
gumagapang sa ‘yong laylay na dibdib ang tigalgal
sa oras na umandar ang kuko, dila, at kaluluwa ng halimaw
na sa iyo’y magpapasasa, lalapa, at susubo,
sisimutin n’ya ang lahat ng natitira pa
sa ‘yong dangal at puri, at maya-maya,
kakabayuhin at patutuwarin ka nang buong giliw
hanggang sa ika’y lumuyloy
‘di dahil sa sarap kundi sa labis na hirap,
isisiping n’ya sa ‘yo nang pilit
ang kanyang kargadang de-bolitas
51 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

at lalabas na ikaw ang sasalo


sa lahat ng galit at pagnanasa niya sa mundo
at paglipas ng isang oras
tatayo ka sa inyong entablado
‘yong tutunguhin ang banyo
at doon, taimtim kang iiyak
sisisihin mo ang ‘yong magulang
dahil ipinanganak kang mahirap,
sisisihin mo ang ‘yong sarili
na kung ‘di ka sana bumigay noon
sa paanyaya ng ‘yong kasintahan
ay ‘di ka mangingitlog nang wala sa oras
at hahantong sa buhay na ganito-
babaeng bayaran
tagasalo ng libog
tagasalo ng kung anu-anong matamis na pangako
ibabahay
ibibilhan ng mamahaling damit at alahas
bibigyan ng kwarta at iba pa
ng taong mula’t sapul ay ‘di ka naman minahal
hanggang sa aasa kang may darating na magsasalba sa ‘yo
na sa totoo’y wala naman.

Magda, Elena, Rosing at iba pa,


kailan n’yo kaya madadalumat na
kayo ang puputol ng kadena
sa tadyang ni Adan at iba pa?

Setyembre 22, 2018


Lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija

52 R.B.ABIVA
SIGNOS
“And the people bowed and prayed
to the neon god they made
and the sign flashed out its warning
in the words that it was forming
and the sign said, ‘The words of the prophets are written on the
subway walls
and tenement halls’
and whispered in the sounds of silence.”
54 R.B.ABIVA

-Simon & Grafunkel, Sound Of Silence, 1964


PARAISO
Ilog at dagat na kulay dugo
burol at bundok ng kalansay at bungo
mabigat na hanging itim tangay ang mga anino
gubat na nagpupumiglas na parang aso
langit na hubad, wala ni isang tala
buwan at araw na gabay ng mundo.

Nakadapa sa lupa ang pilay na mga dampa


mga bangkay na nakahilata sa makipot na eskinita
mga dalagang-hilaw na nakapila na hanapbuhay ay pagpuputa
mga birheng pilit inialay ang puri at glorya
nang may pantustos sa kumakalam na sikmura
mga supling na bundat at tunganga
nakapila sa bangketa’t nag-aabang ng matutuka
habang gusgusing palad ay bukang-buka
at mga amang gutom at aanga-anga
payat, tulala at nanginginig ang mga daliri at panga
mamaya’y makikipagsapalaran muli sa kalsada
at magbabakasakaling makapag-uwi ng biyaya-
kung uuwing buhay, maraming salamat
kung uuwing patay, ganun talaga
ngunit anong malas at marami’y humantong sa punerarya
ang kanilang malamig, malansa, matigas,
lamug-lamog, at wasak-wasak na katawan.

Ito ang nais ng santo sa palasyo,


paraisong yari sa palahaw at abo
55 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

ng mga kinatay at desaparasido.

Nobyembre 22, 2018


Lungsod Quezon, Maynila
HUWAG KANG MAGDIWANG
(Isang Babala Ng Mga Pinaglihi Kay Achilles)

Huwag kang magdiwang Hari ng Dilim


hindi ikaw ang simula at katapusan,
hindi rin ikaw ang may-ari ng santinakpan.

Alam naming kasiyahan mo ang katayin


ang mga sanggol, ama, at inahin.
Alam naming ang tingin mo sa amin
ay pobre, tamad, latak kayat palamunin at pasanin.
Kaya’t ganun na lamang din
ang ligaya mong kami’y katayin.

Sa bawat sandali
ng bawat araw.
Sa bawat araw
ng bawat linggo.
Sa bawat linggo
ng bawat buwan.
Sa bawat buwan
ng bawat taon,
at sa mga natitira pang panahon.
A, dalawamput-pitong libo na pala
ang ‘yong pinatay sa hanay ng nila.
Nilang mula’t sapul ay may sala
nga ba?.

Ngunit h’wag mo kaming maliitin.


H’wag mong iwaglit ang ‘yong tingin.
Masdan mo ang aming pinagsamasamang lakas:
luha, pawis, dugong matalas.
Malamang, natatawa ka.
Ano nga ba naman ang mga ito
56 R.B.ABIVA

kung itutumbas
sa katihan mong sagana sa armas.
Ngunit h’wag, h’wag kang magdiwang!
Payak ma’y Titano ang katumbas.
Sa haba ba naman ng panahong lumipas,
dalita, dusa, at kamatayan na ang nagpatigas.

Dangal nilang mga pobre ang pupugot -tatabas


sa ‘yong mga galamay at ulong marahas.
Ivan Grozny ka ma’y ‘di sila aatras.
Ililibing ka nila nang buong giliw
sa Tartaros kasama ng mga ahas,
kasama ng ‘yong anino,
at bukas.

Hulyo 26, 2018


Lungsod Quezon, Maynila
57 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA
ANG SUMPA, ANG IMELDA, AT IBA PANG GAYA NIYA
Talagang malapit ang mga gaya n’yo sa paanan ng Diyos na nakabarong at nakasuot ng
makintab at itim na sapatos. Biruin mo’y napatunayan na ngang kayo’y nagnakaw ay ayaw pa
n’yo ‘tong pagbayaran sa loob ng bilangguan gayong natamasa n’yo naman na ang sarap at
ginhawa ng buhay. Palibhasa’y masagana sa kwarta at mga amigo at amigang politiko, huwes,
doktor, at kung sinu-sinong titulado ang dibdib at laurelyado ang ulo.

Sabagay, nakakalusot man kayong gaya sa ‘sang langgam sa butas ng karayom ay natitiyak kong
sa seldang sukat tatlong talampakan ang lapad at anim na talampakan ang tangkad n’yo na
pagbabayaran ang lahat. Sa bilangguang may lalim na higit anim na talampakan sa ibaba ng
lupa. Walang ilaw. At kung may buhay man, ito’y ang mga uod na iluluwal ng inyong katawan.

Sa inyong kamatayan, may hustisya. At sa libingan kung saan kayo tutuldukan ng kasaysayan,
alang piyansa-piyansa. Pirmi ang hatol ng mga kaluluwa sa Imelda at iba pang dahilan kung
bakit dumami ang gaya ni Ambo, Mario, at Lina sa Kolanya ng mga Patay.

H’wag ka nang umangal Imelda sa sumpang ito gayong sa kamataya’y maaaring maging pantay-
pantay.

‘Di nakapagtimpi’t nagpatiwakal ang makatang si Sassot


sa poste ng ilaw neon sa Rotonda,
at lubos na nasiyahan sina Fanon at Kafka!
At dagling nagpapiging si Yevtushenko sa Rusya!
Habang si Chou at Lin ay napasulat ng tula sa Tsina!
At nasaan si Neruda?
Lumabas ng kanyang silid at nagpungas ng mata!

Nobyembre 23, 2018


Lungsod Quezon, Maynila

58 R.B.ABIVA
IRE
“My orders to the police and the soldiers, shoot them. If they resist violently, shoot them. If
they die, I do not care.”- PaRoRoDu

Tignan mo ireng mga kuko ko sa kamay at paa


tignan mo ireng kakapiranggot na butil ng lupa
na nakakubli sa kasuluk-sulukan ng aking kuko,
mas malaki pa ang butil ng kulangot
na nagkukuta sa pango mong ilong;

tignan mo ireng palad ng gaya kong magsasaka


mayaman sa gasgas, peklat, at libag
paano ba naman kasi’y sa loob ng isang taon
dalawang beses lang kung maambunan ng grasya,
grasyang ako ang maylikha
ang masaklap, para itong hangin
na kay bilis mawala sa isang iglap;

tignan mo ireng paa kong siyang gamit pangyusak


sa mamasamasang dibdib ng lupa,
dinaig pa ang baka at kalabaw
at ni isa sa tala ng aking buhay
ay ‘di man lang sila nakatikim
ng bagu-bagong Beach Walk at Islander,
paano ba naman kasi’y kailangang tipirin
ang kakarampot na kita pagkatapos ng anihan-
bibili ng abasto sa bahay,
bibilhan ng gamot si Nanay,
59 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

at bibilhan ng gamit si Melay,


at kung bibili man ako ng sapin sa paa
kung hindi Spartan ay Ramboo
mura na, matibay pa;

tignan mo ireng tiyan kong pinurga ng gin


na round post at cuatro-cantos,
mapalad na kung mahandugan ire
ng ‘sang hiwa ng karne ng baboy o manok
ni bigas na bunga ng aking pagsasaka,
nagkandabuhul-buhol na ang bituka dine
gaya sa aking utang kay Don Bastardo,
utang ko noong dalawang dekada na ang nakakaraan
utang ko pa rin ngayon na ‘di mabaya-bayaran,
paano ba naman kasi’y laging lugi;

tignan mo ire kong mata


manilaw-nilaw na animo’y may TB,
tignan mo ire kong katawan
patpatin na’t marupok
na gaya sa haliging sawali
madali nang mabali,
tignan mo ire,
kami
hahayaan mo na lamang ba kaming ilibing dine?
Tignan mo ireng butil ng bigas!
Ire ding sandakot na lupa sa aking palad!
Nawa’y sa kada-nguya mo sa inyong hapag
maaalala mo ire,
kaming nagdusa
makamtan lamang ng iyong kumakalam na bituka
ang sagad sa butong kabusugan
at lalong ganahan ang iyong kaluluwa
sa pakikipagsiping sa mga gaya niyong animal;

tignan mo ire ikaw sa palasyo


ireng bitak sa dingding
kung ‘di mo diringgin yaring mga daing
ay tiyak iire kaming anak ng lupa
at ika’y aming isasama sa hukay.

Nobyembre 12, 2018


Lungsod Quezon, Maynila
60 R.B.ABIVA
MADALING-ARAW SA NAYON SACLOLO
Dinggin
ang awit ng mga kuliglig
gayundin ang mga tandang
at inahing manok sa kamalig?

Ito’y nakapanginginig,
waring nobena o alulong
ang pinakakawalang tinig
ng kanilang mumurahing bibig.

Ito’y waring nangangatal na pintig


ng takot at pagal
na pulso ng puso at buga ng dibdib
na dulot nang sanga-sangang ligalig,
sapagkat pagputok ng di madadaig
na liwanag-araw sa mukha ng daigdig,
muling tatambad ang nakahilerang mga bangkay
na waring ikinamadang sako ng palay
sa pilapil at biladang-bayan,
muling tatambad ang malawak na bukirin
na waring isang disyerto ng kalansay at bungo
habang nakapamaywang ang mga nakapatig,
nakangiti, at nakangisi habang usling-usli
ang baril at sundang
habang nakabungisngis ang kanilang labi,
ay kita ang duguan at nakakapit na mga laman
sa matatalim na pangil
61 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

nilang mga taga-gapas ng buhay.

Mayo 26, 2019


Lungsod Quezon, Maynila
NAGKAKAHUGIS ANG TUBIG
“Lulutang tayo sa dugo.” -PaRoRoDu

Sa pagnanais mong ibangon ang ‘yong kaharian


na gaya kay Ramses,
pinatuyo mo ang dati’y saganang mga ilog, batis, at karagatan;

ginawa mong tapunan


ng mga napatay at nalambat mong isda
ang luntia’t gintong bukid at kabundukan;

ibinilanggo mo
ang mga katutubo ng ‘ yong sariling bayan
sa loob ng mga karsel;

nangarap kang bago


magwakas ang taong dosmil-disi-otso
mapapatay, mahuhuli, mauubos, at mapupulbos mo
ang mga bukal na inibig ni Saro;

nguit,
napagtagumpayan mo ang ‘sang bagay-
napagtagumpayan mong hukayin
ang sarili mong libingan;

ikaw ang nabigo


higit na nagkakahugis lalo
ang tubig sa bawat mura at bira mo.

Enero 13, 2019


Lungsod Quezon, Maynila
62 R.B.ABIVA
KARNAL,
KANAL, BANAL “At hindi magmamaliw,
pagka’t ang tao
higit kung magmahal,
higit kung sumamba
sa tanging larawan ng kanyang sarili.”
-Amado Hernandez, Kristo, 1961
64 R.B.ABIVA
X-XO-DO (Limang Tula)
Dinggin
“Paglampas ng meridian sa kanluran;/ Iminedyas/ Ng paa ko/ Ang makapal na alikabok,/
Pinatay/ Ng daliri/ Ang boltahe ng modernisasyon,/ Ikinumot/ Ng katawan/ Ang dasal ng
pag-asa,/ Pinaghilik/ Ng pagod/ Ang masisipag na pandama/ At pinasigabo/ Ng makulay na
karimlan/ Ang isip ko.”—Roberto Ofanda Umil, Paglalim Ng Dilm

I. Tortyur

Umiiyak ang kambing,


halos bumula ang kanyang bibig
na wari’y binuhusan ng basi
dahil sa naipong takot na nilagom
ng kanyang mala-saluyot na laway.

II. Pagpapatiwakal

‘Di mapakali ang kalabaw,


na tahimik na nagmamatyag
sa gitna ng bukirin.
Maya’t maya n’yang iniyuyusak
ang kanyang paa
sa putikang lupa
na naghahatid ng hilakbot
sa lahat ng mga nagdaraan.
Hanggang isang araw ay
anong lakas niyang inihampas
ang sariling buntot sa likod.
65 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

Pumutok at lumagitik ito


na waring tunog ng latigo
nang sandaling dilaan nito
ang balat ng tao at kabayo.
Paglao’y anong bagsik niyang iniuntog
ang sariling ulo sa matigas na bato.
Ang makapal at matigas niyang bungo
ay anong lupit sa pagkakadurog
higit pa sa kung anung kaya
ng palakol at maso
gaya nang ginawa noon ni Ambo
nang magdiwang ito matapos magbalik-bayan
ang bunsong anak na mula sa malayo.

III. Alulong At Alingawngaw

Putak nang putak ang mga manok,


malakas at magkakasunod.
Ang kanilang tuka’y waring bunganga ng riple
na lumikha ng ligalig
sa puso ng bawat kabilang sa exodo.
Ang mata nila’y iikut-ikot habang nakatingin
sa lupa at langit, waring may hinahanap
at kung nahanap ang hinahanap,
magpapakawala muli ang kanilang mga tuka
ng matatalim at nakakapunit laman at pandinig
na rapsodiya.

IV. Ebakwasyon

Nakahilerang nagmartsa
palabas ng looban ang mga langgam
bitbit ang naipong tira-tirang biyaya:
isang supot ng asukal
isang supot ng bigas
isang supot ng kape
at dalawang pares ng damit.
Habang ang isa’y iika-ika sa paglakad.
“‘Asan ang kaparis ng tsinelas mo?”
‘ika ng lalaking langgam.
“Naiwan sa looban kasama ng aking anak.
Nakahiga silang dalawa sa lupa, magkatabi,
sabay silang tinuka ng tansong palaso,”
66 R.B.ABIVA

malungkot na sagot
ng babaeng langgam.
V. Nang Matuyo Ang Ilaya

Walang naiwan sa bayan na yaon


kundi ang mabangis at sumasalapisap
na pasigan ng dugo sa ilalim ng abong alapaap,
piniping kalikasan sa paligid,
binalong mga lalaki at babae,
at mga paslit na inulila
nang kumaway ang apoy
at nangabuwal silang animo’y sinibak na kahoy.

Hulyo 12, 2018


Lungsod Quezon, Maynila

*Nalathala sa unang isyu ng Saro: Pampanitikang Diyornal Ng Samahang Lazaro Francisco


noong Oktubre 2019.
67 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA
HAR(I)DIN NG GETHSEMANE
“Furthest away was someone’s graden plot./ He left his disciples outside the stone fence/
Saying , “My soul is exceeding sorrowful, even unto death;/ Tarry ye here, and watch with
me.”—Boris Pasternak, The Poems of Yurii Zhivago

Nakaluhod si Juan Dela Cruz


sa hardin na nalalatagan
ng bermudang ang dahon
ay yari sa pinong
bubog ng bote, salamin, at marmol;
duguan ang kaniyang tuhod
puno nang manipis ngunit malalim
na hiwa ang kanyang balat
at abot na abot nito
ang kasuluk-sulukan ng kanyang
makinis na buto at sala-salapid
na laman na ngayo’y binabayo
ng hapdi at sakit;

at siya taimtim
na mananalangin habang siya
ay napaliligiran ng mga itim
na talulot ng mga bulaklak
na tumatangis at nag-aagaw buhay;
bumubulong ang mga ito
ng mga salita na ang hatid
sa kanyang kaluluwang namamaalam
na sa katawan ay ang kaliga-ligalig
at kakila-kilabot na berso ni Lukas
bersikulo bente-dos, kapitulo
treinta nuwebe hanggang kwarenta;

at siya ay tatanghod sa langit,


68 R.B.ABIVA

sa mga bituin na maningning,


sa mga bituing kumikislap-kislap
at aandap-andap,
sa mga bituing saksi
sa mga pagmamalabis na labis-labis,
sa mga dusa at pasakit na
hindi na kayang tiisin;

at habang siya ay nakatitig


sa Bato ng Agunyas,
si Maria at si Magdalena ay naroroon-
sa mga inuuod at naagnas
na mga puno sa Bundok ng Oliba,
umaagos sa kanilang dibdib
ang mabaho at nabubulok
na likido ng sangkatauhan-
na bukas ay aawitan ng mga
papuri ang i-aalay na kordero
sa bakal na krus sa tuktok
ng Bundok Kalbaryo;

at siya ay ipapako-
tat
long
pa
ko-
at walang segundo
sa dapithapon na yaon
na ‘di uusalin ng mga
masasama at matutulis na dila
na wasak at tuyo na
ang balon ng resureksyon;
69 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

at magpipiyesta sila
sa kamatayan niya,
dagli nilang itatayo ang magara
at gintong rebulto ng kanilang
palamurang paraon-
sasambahin nila itong Diyos
nang higit pa kay Hades
nang higit pa kay Anubis;
at siya ay ibababa
sa kinamatayang trono at ililibing
sa sinapupunan ng Dagat
ng Himagsik
at Karalitaan.

Marso 4, 2019
Lungsod Quezon, Maynila

70 R.B.ABIVA
KOM(UNYON)
“Sinukbit ang itak,/ Sinadibdib ang/ Ripleng/ Eskapularyo. Dasal lamang/ Na mga tulang
bubulwak/ Ay di hahangaan/ Lamang kung/ Puso’y bulak.” – Frank Cimatu, Batang Kalaw

Laman ng aking katawan


itong mainit na tinapay,
at dugo ko ang nangaipon
sa gintong kalis na ito.

Tanggapin niyo,
ang sakramento
ng Banal na Kordero
at Ispirito,
para sa ikagagamot
ng kasalanan ng mundo
at pag-abot sa buhay
na walang – hanggan
sa pangakong Paraiso,
gawin n’yo ito
bilang pag-alala sa akin.

Amen!

Bang!
Bang!
Bang!
71 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

Hunyo 18, 2018


Lungsod Quezon, Maynila
MATER DOLOROSA
“Gumigising siyang tulog pa ang mundo/ At inaabutang/ Nilalanggas ng dagat ang lupa.”
—Rio Alma, Diwata

Nag-aagaw buhay ang araw


nang kalasin niya ang itim niyang balabal,
pagkabagsak nito sa lupa’y animo’y napunit na papel
ang nakasaklob na katahimikan sa mga lungsod at nayon,
at rumagasa ang buhay sa suwelo ng mundo
na wari’y sa daantaong nakakuyom na kamao,
at nagsimulang mabagabag ang mga pusong kinanlong
ng mala-impiyernong deliryo nang kanyang pakawalan
ang nakatuping bisig at yupyupin sa dibdib
ang wasak, basag-basag, at gutay-gutay na paligid.

Marso 25, 2019


Lungsod Quezon, Maynila

72 R.B.ABIVA
SA LOOB AT LABAS NANG BAYAN KONG SAWI, KALILUHA’Y
SIYANG NANGYAYARING HARI (SIYAM NA HIMNO- RADIKAL)
“ Ito ang prayle, Ave Maria Purisima!/ Ito ang indio, pinilit magkaton at doktrina,/ Pinagsuot ng
pantalon at kamisa,/ Ginawang alipin sa hacienda.”—Carlo A. Arejola, Ritmus Tabulare

I. Kabanalan

Umakyat sa pulpito ang saserdote


suot ang itim na sutana at istolang gawa sa alambre.
Umusal ng berbo at dasal
sa harapan ng mga nakaluhod na anak
ng pagkaduhagi at pagpapagal.

II. Ritwal

Kinalembang ng batang sakristan ang mga kampanilya


na nakadikit at nakasabit sa inarkuhang molye.
Nagambala ang mga pipit, kalapati, at paniki
na tahimik na nakatitig sa ibaba.
Pumagaspas ang kanilang mga pakpak nang pagkalakas-lakas
at nalikha ang nakahihilakbot na agunyas
na waring singaw mula sa ilalim ng lupa.

III. Orasyon

Bubulong ang mga patay sa abuhing paligid


na waring nakakamada sa gilagid ng bangin.
73 PO(E)(LI)TIKA MGA TULA

Pilit nilang aabutin ang mga kaluluwang mapusyaw


tsaka nila malupit na kakainin.

IV. Abuloy

Muling itinaas ng saserdote ang kanyang kamay nang pa-alay


at nagsipaggalaw ang mga aninong may mata at bunganga.
Dinilaan ng apoy ang hangin
at nag-umpisang maglagablab ang kaingin.
V. Tugon

Nayanig ang mga rehas sa paligid ng lugar-sambahan


at nagbagsakan sa sahig ang kulay-tansong butil na kalawang.

VI. Pagtanggi

Naglangitngit ang mga haligi na naburdahan ng laurelya at ubas


at umagos sa mga kanal ng ilong at kanto ng mata ni San Nicolas
ang masangsang na amoy ng nabulok na pawis at dugong korteng ahas.

VII. Hagkis
Nagliyab nang malakas ang mga tuyong palaspas.
Malakas na malakas na waring ibinulid sa langis
at nagtalsikan ang milyong titis.

VIII. Resureksyon

Nanginig ang hapag at natumba ang kalis.


Nabuwal ang gintong plato na lagayan ng hostiya
at kumalansing ang tangis.

IX. Pag-iisa

Hanggang sa umiyak ang sanggol


at nahati sa tatlo ang rebultong marmol.

Hulyo 22, 2018


Lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija

74 R.B.ABIVA

You might also like