Ayon sa pagdedepina ni Dr. Lumbera, ang globalisasyon ay pananalakay ng mga
kapitalistang bansa ng Kanluran na naghahanap ng pamilihan para sa kanilang kalabisang produkto. Ito ay sumasaklaw sa iba’t ibang aspekto ng lipunan at buhay ng tao. Sa ekonomiya, nagkakaroon ng mas malayang pagdaloy ng puhunan, lakas paggawa, kalakal at iba pa. Sa politika ay mas nagiging madali at sistematiko ang pakikipag ugnayan. At sa iba pang mga aspekto ng ating lipunan. “Mundong wala nang hangganan”, ang Utopiang ipinangangako ng globalisasyon para sa bansang umuunlad na naglalayon na mapagtibay ang demokrasya, magkaroon ng pagkapantay pantay at pagtutulungan ang bawat bansa upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan ng kapaligiran, at higit sa lahat ay magkaroon ng kapayapaan sa bawat bansa. Ngunit, ito ba ang nakikita sa ating bansa? Humihina at nabubura na ang ating pambansang pagkakakilanlan. Naroon din na nalulugi ang mga lokal na namumuhunan dahil mas tinatangkilik ang mga produktong tatak kanluranin. Ang sistema ng edukasyon ay hinuhubog upang tugunan ang pangangailangan ng mga multinasyonal. Ang teritoryo natin ay binubuksan ng ating gobyerno multinasyonal, at ang mga kabataan ay ipinapain sa kulturang nagpapalabo sa mga tradisyong kanilang kinagisnan. Sa maikling salita, ibinalik na tayo ng kapitalismong global sa yugto ng kolonyal na pagkasakop.