Resureccion

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 24

Doc Resureccion: Gagamutin Ang Bayan

Ni Layeta P. Bucoy

MGA TAUHAN

JESS RESURECCION, late 30s, doktor, mestisuhin, mukhang malinis na malinis, palangiti, simpatico

BOY POGI, late 30s, saksakan ng pangit, sunog ng araw ang balat, kita ang mga an-an sa katawan at
mukha, kapansin-pansin din ang mga buni, laging kinakamot ang mga buni

ELSA, late 30s, buntis, asawa ni Boy Pogi

MANG, 50s, ina ni Boy Pogi

PANG, 50s, ama ni Boy Pogi, matindi ang pagkapasma ng kanang kamay, di na makontrol ang
panginginig nito, medyo nabubulag na

TAGPUAN

Sa likod-bahay ni Boy Pogi. Umaga. Sa kaliwa ay kunwa’y lumulutang ang isang bangka kung saan
nakahiga’t tulog si Pang. Sa kanan ay ang banyong binuo ng yero. Sa gitna ay isang maliit na bintanang
natatakpan ng maliit na streamer kung saan nakalagay ang: Simbolo ng Bagong Pulitika, Gagamutin ang
Bayan, Doc Resureccion for Mayor. Naka-ekis ng pentel pen ang Doc at sa taas nito nakasulat ang Pogi.
Malapit sa bangka, may mga gin bilog at mga bote at gallon na naglalaman ng patis. Mula sa bintana,
may mga nakausling maninipis na kawayang nagisisilbing sampayan ng lambat at patungan ng mga
pangawil.

____________________

Sa pagbubukas ng ilaw, maririnig ang tugtog na “Lando/Sa Dilim” ni Gloc 9 at Francis Magalona. Mula
sa kaliwa, galing sa loob ng bahay, papasok sa entablado sina BOY POGI at JESS. May dalang bagong
nakakahong DVD player, lambat, at pangawil si JESS.

JESS: Dinig nga naman hanggang dito, ‘no? Pero Boy, tandaan mo, eto pinapangako ko sa ‘yo,
dinig hanggang kabilang ibayo ng dagat. (Tatanggalin mula sa kahon ang DVD player.)

BOY POGI: (Ipapakita ang remote control) Pati ‘to, abot dito, o. (Hahawiin ang streamer, ipapasok
ang remote control sa bintana, may yabang) Tingnan mo, tingnan mo.

Hihina ang tugtog.

JESS: (Ilalabas ang remote control) Eto, kahit naliligo ka pa sa dagat, magagamit mo. Eto ang
bagong modelo.

BOY POGI: ‘Tangna bago rin ‘tong akin, ‘no, nu’ng isang linggo ko lang binili.

Page 1 of 24
JESS: (Ipapakita ang player) Original ‘to. Original kasi dapat ang binibili, hindi ‘yung papira-
pirata.

BOY POGI: (Hahawiin ang streamer, ipapasok ang remote control sa bintana, may yabang) Etong
sinasabi mong pirata, me sariling ispiker kaya kahit walang TV malaks ang tunog.

Lalakas ang tugtog. Biglang babangon si PANG.

PANG: (Lasing) Putang inang ingay ‘yan! Ano ba?! Putang ina!

BOY POGI: ‘Tangna naman, Pang! D’yan na naman kayo natulog, may bagong papag na nga kayo.
(Hahawiin ang streamer, ipapasok ang remote control sa bintana. Titigil ang tugtog.)

PANG: Ba’t ba mas marunong ka pa? Ang init-init sa loob, letse! Putang ina sino ba ‘yang
kasama mo? Ang ingay-ingay n’yo. ‘Tangna Elsa ba’t nagpagupit ka ng buhok?

BOY POGI: (Kay JESS) Halos bulag na kasi, e. (Kay PANG) Pang, hindi ‘to si Elsa.

PANG: (Manlalaki ang mata, galit) Putang ina mo! Nagpagupit-gupit ka pa ng buhok,
sinasayang mo lang ang pera! Wala ka nang igaganda! Asan na’ng bulag ko?

BOY POGI: Hindi rin ito ang Mamang, ‘tangna naman, ‘Pang, e. Nasa palengke pa ang Mamang. Si
Jess ito.

Lalapit si JESS kay PANG.

JESS: T’yong, si Jess po ito, ang pamangkin n’yong doktor. Kamusta na po kayo?

PANG: (Mangingiti) Putang ‘na ka at akalain mong napadalaw ka rin. (Seseryoso) Jess, ito ang
tatandaan mo, ang pulitika isang araw lang, ang kadugo panghabambuhay.

JESS: E, kaya nga po naisipan kong kausapin itong paborito kong pinsan. (Aakkbayan si BOY
POGI.)

PANG: (Tatawa) Putang ‘na mo, Jess, minsan ka lang madalaw rito nambobola ka pa. E,
dadalawa lang naman kayong magpinsan at kami ng tatay mo’y walang swerte sa mga
matres ng asawa naming mahilig malaglagan.

BOY POGI: ‘Pang naman e, kaya nagagalit lagi sa inyo ang Mamang. Hindi nga mahina ang matres
n’ya, hindi s’ya nalalaglagan, mahilig lang s’yang magpalaglag.

Mamimili ng bote si BOY POGI.

PANG: Putang ina mo kinokontra mo na naman ako, e. (Kay JESS) Wala kang mapapala ‘pag
kinausap mo ‘yang si Pogi. Kasing-kapal ng kupal n’yan ang kayabangan n’yan at
dadalhin daw s’ya ng mga taga-rito.

JESS: T’yong, taga-rito rin po ako.

Page 2 of 24
BOY POGI: (May iaabot na bote ng gin bulag kay PANG) O, eto na’ng bulag n’yo.

Dali-daling tutunggain ni PANG ang laman ng bote, hayok na hayok.

BOY POGI: Kaka-gin bulag n’yo, nabulag na nga kayo.

PANG: Marami ka pang sinasabi. Gayahin mo ‘yang si Jess, mayaman na.

Hihiga si PANG, parang sanggol na dumedede, babalik sa pagtulog.

JESS: Matindi-tindi ang panginginig ng kamay ng tatay mo ha?

BOY POGI: Pasmado kasi ang putang ina. (Imumuwestra) Mahilig kasing magbate. (Tatawa)

JESS: Alam mo, Boy, may tinatawag na Parkinson’s. Dalhin mo kaya minsan sa clinic at nang
matingnan ko.

BOY POGI: Kakabate lang ‘yan. Nu’ng matuyot ang regla ni Mamang, ayaw na pakantot. Kaya ‘yang
si Papang, bate sa umaga, bate sa tanghali, bate sa gabi. Kahit ‘pag nagbabantay du’n sa
pish pen ni Mayor, nagbabate ‘yan.

JESS: Pa’no mo nga malalaman kung hindi mo patitingnan sa akin?

BOY POGI: ‘Tangna ang tagal-tagal nang ganyan ‘yan, tingnan mo, buhay na buhay pa rin. Pasma
nga lang ‘yan kakabate. Nasobrahan lang ‘yan. Nahuhuli ko pa ngang kumakanta ‘yan, e.

JESS: Lalong lalala lang ‘yan ‘pag hindi mo pinatingnan.

BOY POGI: ‘Tangna talagang malala na ‘yang pagbabate n’yan. Madaling-araw pa lang, (kakanta at
sasayaw na parang nagbabate) “Pagmulat ng mata, langit nakatawa sa Batibot, sa
Batibot. Tayo nang magpunta, tuklasin sa Batibot ang tuwa, ang saya… Doon sa Batibot,
tayo na, tayo na, mga bata sa Batibot, maliksi, masigla!” (Tatawa) Nalimutan mo na? O
kelangang manilip uli tayo du’n sa banyo sa poso para makanta mo?

JESS: Naaalala ko pa naman. Pero mas inaalala ko na ngayon ang kapakanan ng bayan natin.

BOY POGI: Eto, eto, naalala mo? (Hahawiin ang streamer, ipapasok ang remote control sa bintana.)

Maririnig ang tugtog na “BinibiRocha.” Sasabayan ng pagkanta at pagsayaw ni BOY POGI ang tugtog,
lalabas-labas pa ang dila na parang nagbobrocha. Isasayaw si JESS.

JESS: (Lalayo kay BOY POGI) Tama na. Tama na.

Hahawiin ni BOY POGI ang streamer, ipapasok ang remote control sa bintana. Tigil ang tugtog.

BOY POGI: H’wag mong sabihing nalimutan mon a rin.

Page 3 of 24
JESS: Naaalala ko pa, pero hindi na nga gaano. Lagi ko na kasing naiisip kung pa’no
mapapaunlad ‘tong bayan natin. Pero naaalala ko ngang mahilig ka talagang making sa
mga ganyan kaya pinasalubungan kita nito (Ipapakita ang player).

Kukunin ni BOY POGI ang player, sisipatin.

BOY POGI: Ba’t walang kasamang CD?

JESS: Hayaan mo, sa susunod.

BOY POGI: Tutugtog ba rito ‘yung “Humanap ka ng Panget”?

JESS: Kahit ano pang tugtog, kakayanin n’yan at mamahalin ‘yan.

BOY POGI: ‘Tangna, ‘yun ang kinakanta natin kay Elsa.

JESS: (Matatawa) Naaalala ko pa nga. H’wag mo na lang ipakanta sa akin.

BOY POGI: Kinukupitan mo pa nga ang nanay mo ‘tangna, para me pambayad tayo sa pagbrocha
kay Elsa. Nagpraktis pa tayo ng pambobrocha sa tahong at talaba at sabi ng Papang
pareho din lang ‘yon sa pekpek. Pati amoy.

JESS: ‘Yung kanta lang ang di ko masyadong maalala. Pero naalala ko pa ang kahibangan natin
kay Elsa.

BOY POGI: Ang sarap ibrocha ‘no? Parang laging nakikiliti. Saka masabawa ang putang ina, daig pa
ang laway ng talaba. ‘Yung misis mo, masarap din ba ibrocha?

JESS: (Mangingiti) H’wag na lang nating isama sa usapan si Margaret.

BOY POGI: Masabaw din ba ang doktora?

JESS: Boy, hindi ‘yan ang pinunta ko rito.

BOY POGI: ‘Tangna Jess, kahit high school pa lang tayo, at laspag na laspag na si Elsa, hindi ko talaga
malimutan ang talaba n’ya, e. Putang ina, nagpagawa pa ako ng banyo para balikan n’ya
lang ako.

JESS: Nagkahiwalay kayo?

BOY POGI: Nakapagtrabaho du’n sa Lambutsingan, nakatikim ng banyo, kaya gustong may banyo
rin sa bahay. Putang inang Lambutsingan kasi ‘yun, kelangan du’n pa tumira ang mga
babae.

JESS: Mabuti naman at nagkabalikan din kayo.

BOY POGI: Nito lang, nu’ng nakapagpagawa na ako ng banyo. Nitong kumandidato ako.

JESS: ‘Yun nga sana ang pinunta ko rito.

BOY POGI: (Lalapit sa streamer) ‘Tangna baka sabihin mo sinasabotahe kita ha? Hinihiram ko lang
‘to at wala akong pambili e. (Hahawiin ang streamer, sisilip sa bintana) Putang ‘na

Page 4 of 24
naman Elsa, ‘yung jus! Napakakupad mo! Nakakahiya kay Jess, baka sabihin wala man
lang tayong jus.

ELSA: (Off stage) Putang ‘na mo bumili pa akong yelo. Letse!

BOY POGI: Oo na! Magkakapridyider din tayo! ‘Tangna mo! (Kay JESS) May pridyider din kasi sa
Lambutsingan. Masyadong maluho na ngayon ang mga putang ‘nang puta.

JESS: (Hahawakan ang streamer) Eto nga kasi ‘yung ipapakiusap ko sana.

BOY POGI: Tama naman, a. (Ituturo ang sarili) Pogi. Resureccion. Para maiba nga sa ‘yo, tinanggal
ko ang Doc. Ilalagay ko pa sana ang Boy pero hindi na masyadong kasya.

JESS: E, pareho tayong Resureccion. Malilito ang mga botante.

BOY POGI: E, di ilagay nila Boy Pogi Resureccion o kung ikaw ang iboboto, e di Jess Resureccion o
kung gusto mo pa Doktor Jess Resureccion.

JESS: Gusto ko sana, h’wag ka nang kumandidato.

Patlang.

BOY POGI: Natatakot ka ba’t ako ang dadalhin ng mga taga-rito?

Papasok si ELSA, may dalang isang basong juice.

ELSA: (Iaabot ang baso) O, Jess. (Tutuloy sa banyo.)

BOY POGI: O, sa’n ka pupunta?

ELSA: (Sa banyo) Tatae!

BOY POGI: Siguro nauna ka pang uminom ng jus, ‘no?

ELSA: Bakit ba pati pagtae ko pinakikialaman mo?

Kukuha ng gamot mula sa bulsa si JESS, iinumin ito at iinumin ang juice.

BOY POGI: Ewan ko ba, ‘tangna ‘pag umiinom kami nitong mga nakakaraang linggo, lagi kaming
natatae, e. May sakit ka?

JESS: A, wala naman. Masarap ‘tong juice, a.

BOY POGI: Patingin nga. (Kukunin ang balot ng gamot) Uy, kilala ko ‘to. ‘Tangna, ito ‘yung sa
pagtatae, e. Nagdala ka pa, marami kami nito.

ELSA: (Sa banyo) Pogi, penge ng dyaryo!

BOY POGI: Dyaryo? E, may kubeta ka na nga.

ELSA: Pampahid ng puwet, tanga! Saka ‘tangna ka barado na naman ang kubeta.

BOY POGI: (Maghahanap ng dyaryo) E, sa ikaw ang maarteng pakube-kubeta pa. Sanay ka naman
dating sa dagat tumatae, tuloy hugas pa ng tumbong. Walang dyaryo!

Page 5 of 24
ELSA: Kahit anong papel!

JESS: (Kukunin ang panyo mula sa bulsa, iaabot kay BOY POGI) Eto na lang.

BOY POGI: H’wag na, nakakahiya.

JESS: Hindi, sige na.

BOY POGIE: (Kukunin ang panyo) Palalabhan ko na lang.

JESS: H’wag na, h’wag na. Inyo na.

BOY POGI: Sigurado ka? Magaling maglaba si Elsa.

JESS: Marami akong panyo. H’wag mo nang intindihin ‘yan.

BOY POGI: (Papuntang banyo. Ihahagis ang panyo sa loob ng banyo) Ayan na pamunas mo!
(Kukunin ang baso mula kay JESS) Akina nga muna ‘to. (Luluhod, gamit ang baso sasalok
ng tubig mula sa dagat, pupunta sa banyo. Kakatok.) Eto’ng tubig.

ELSA: (Bubuksan ang pintuan ng banyo) Ba’t di kasi nag-igib?

BOY POGI: E, dumating nga itong si Jess, ano ba?

Kukunin ni ELSA ang baso ng tubig at sasarhan ang pintuan ng banyo.

JESS: Wala pa rin palang tubig dito.

BOY POGI: Du’n pa rin kami nag-iigib sa poso.

JESS: Kung manalo ako, pinapangako kong magkakaro’n kayo ng metro ng tubig dito.
Ipapaayos ko rin ‘yung banyo sa may poso. At higit sa lahat, sisiguraduhin kong magiging
malinis ang tubig dito, para hindi na kayo magtae.

BOY POGI: Mga plano ko rin ‘yan ‘pag nanalo ako.

JESS: Boy naman, h’wag na tayong maglokohan.

BOY POGI: Sino ba’ng nakikipaglokohan?

JESS: Ano namang alam mo sa pagiging mayor?

BOY POGI: Bakit ikaw, ano’ng alam mo?

JESS: Boy, magkatapatan na tayo, total magkadugo naman tayo. Alam naman nating
nangingisda-ngisda ka lang. Sa pagkakatanda ko, dati nga nagnanakaw ka lang ng
tahong.

BOY POGI: Pwes, iba na ako ngayon. (Ituturo ang bangka) Nakikita mo ‘yon di ba? Sa akin ‘yon.
Bagong-bago. Hindi na ako nakikisakay lang. (Ituturo ang lambat) At ‘yan, bago rin ‘yan.

JESS: Oo na Boy, asensado ka na. Pero ano namng alam mo sa pagka-mayor?

BOY POGI: Bakit? Ano rin ba ang alam ng doktor sa pagka-mayor?

Page 6 of 24
Ipapakita ni JESS ang dalang lambat.

JESS: O eto, mamahalin ‘to. Maganda ang pagkakagawa’t hindi madaling mabutas. Marami
kang mahuhuli d’yan.

BOY POGI: Bago nga’ng lambat ko.

JESS: (Sisipatin ang lambat ni BOY POGI) E, bagong-bago kamo mukhang lasog na. (Ibibigay
ang dalang lambat) Eto na’ng gamitin mo. Mas matibay ‘to. Saka ‘yang bangkang
pinagmamalaki mo, mukhang di tatagal sa mga alon. Hayaan mo, bibigyan din kita ng
bagong bangka. ‘Yung de motor, para hindi ka na magsagwan.

Lalabas ng banyo si ELSA, dala ang baso at panyo, may dala ring tabo. Itatapon ang laman ng tabo sa
dagat, sisimulang labhan ang panyo sa dagat.

BOY POGI: ‘Tang ‘na mo naman, ngayon ka pa naglaba d’yan.

ELSA: Tinapon ko tae ko, tanga! Saka nakakahiya kay Jess. Sandali lang ‘to Jess, madali namang
matuyo ang mga damit dito. (Isasampay ang panyo sa sampayan.) Bago ka umalis, tuyo
na ‘to.

JESS: Hindi, sige sa inyo na ‘yan.

ELSA: ‘Pag pulitiko pala nagiging galante talaga, ha?

JESS: Hindi naman. Gusto ko lang ‘yung binabahagi ko ang kung ano mang meron ako.

ELSA: Dati ang kuripot mong magbayad sa akin, e.

BOY POGI: Sige na, sige na, may pinag-uusapan pa kami.

ELSA: Bakit? Hindi ba ako pwedeng makipag-usap?

BOY POGI: Magtimpla ka na lang uli ng jus.

JESS: H’wag na, hindi na naman ako nauuhaw.

BOY POGI: E, sa nauuhaw ako, bakit?

ELSA: Ubos biyaya ka talaga. (Papasok sa bahay) Oy, hindi na ako bibili ng yelo! Paypayan mo
kung gusto mong lumamig ang jus mo.

BOY POGI: Hindi masarap ang jus ‘pag hindi malamig, tanga!

ELSA: Magtiis ka! Ang tagal-tagal ng pridyider mo! ‘Tangna ka!

BOY POGI: (Hahawiin ang streamer) Bobo! Parating pa lang ang pera! Bumili ka ng yelo kung gusto
mong pagamitin ka ng pridyider.

ELSA: Oo na! Tarantado! Asan ang pambili?

BOY POGI: (Dudukot ng pera sa bulsa, maglalabas ng mga isang daanin, ibabato ang isang daan sa
bintana) Ayan, ubusin mo ang yelo sa tindahan! Puta. (Kay JESS) Hindi makapaghintay sa

Page 7 of 24
pridyider. Mula nu’ng maki-dyamper kame du’n sa tindahan da bukana, kung ano-ano
na ang inuungot, e.

JESS: Malakas ba ang benta ng isda?

BOY POGI: Hindi naman. Me red tayd nga, e, di ba?

JESS: Pero parang nakakaluwag-luwag ka ngayon, ha?

BOY POGI: Iba na ang sinuswerte.

JESS: Ayaw mo ba ng regular na swerte?

BOY POGI: Kaya nga swerte ang tawag dahil hindi regular, panaka-naka lang. Kung regular ‘yon,
tawag du’n, mayaman.

JESS: ‘Pag nanalo ako, bibigyan kita ng regular na trabaho. ‘Yung me sweldong kinsenas, hindi
ka na maghihintay ng swerte.

BOY POGI: Anong trabaho?

JESS: Pwede kang janitor kung gusto mo. Di ba pangarap mo ‘yon?

BOY POGI: (Matatawa, kukunin ang dalawang pangawil) Idolo ko tatay mo, e. Janitor. Papasok sa
umaga, uuwi sa hapon. ‘Pag may bertdey na nars o doktor du’n sa ospital, may dala
pang pansit at puto. Naalala ko nu’ng may dala s’yang sorbetes. Tsokoleyt, di ba?
Hinatian mo ako. Salitan tayo ng subo du’n sa kasamang maliit na kutsara.

JESS: Talaga namang lagi kitang hinahatian sa mga pasalubong ng Tatay, di ba? Sana hindi mo
‘yon nakakalimutan.

BOY POGI: Hindi ko talaga nakakalimutan. (Ipapakita ang dalawang pangawil) Eto, ano rito ang
pasalubong n’ya?

JESS: (Titingnan ang mga pangawil) Pareho. Isa sa ‘yo at isa sa akin. Dahil para sa mga tatay
natin, magkapatid na rin tayo, katulad nila.

Patlang. Ipapakita ni JESS ang dalang bagong pangawil.

JESS: Kaya nga dinalhan kita nito. Tingnan mo, ang ganda ng hook, o. Saka humahaba pa ‘to.

BOY POGI: Dala-dalawa pa ‘tong sa akin, e. Dalawa lang ang kamay ko. ‘Tangna, ang pangit naman
‘pag pati paa ko mangawil na rin.

JESS: (Kukunin ang dalawang pangawil at itatabi) Itapon mo na ‘tong mga ‘to at ito na ang
uso ngayon.

Kukunin ni BOY POGI ang pangawil na dala ni JESS. Sisipat-sipatin ito.

JESS: Tanda mo ang mga Reyes?

BOY POGI: Si Bing Paniki at Yolly Kutata? Putang ‘na rin ‘yung mga ‘yon, namatay na’t lahat hindi
nanalo-nalong konsehal. Walang kasawa-sawa sa pagkandidato ang mga putang ina.

Page 8 of 24
JESS: Pareho kasi ng apelyido, hindi binibilang ang boto ‘pag apelyido lang ang nakalagay sa
balota. Parang tayo, parehong Resureccion, baka magaya tayo sa kanila.

BOY POGI: Alangan naming magpalit tayo ng apelyido, e sa pareho ang apelyido ng mga tatay natin.
(Patlang) Akala ko nga ‘yun ang pinunta mo rito.

JESS: ‘Yun nga. Kasi sa eleksyon malilito naming talaga –

BOY POGI: Ang tatay mo. Akala ko ‘yun ang pinunta mo rito, anibersaryo ng kamatayan n’ya
ngayon. Akala ko gusto mong magpasama sa panchong at di mo alam kung nasaan ang
nisto n’ya. Nadalaw mo na ba?

JESS: Oo. Oo naman.

BOY POGI: Sige nga, sa’n sa panchong ang nitso n’ya?

JESS: Basta ‘pag nandu’n na sa panchong, alam ko na kung saan.

BOY POGI: Wala ka nu’ng libing n’ya.

JESS: Hindi ba sinabi sa inyo ng nanay ko? Inoperahan nga sa luslos ‘yung bunso namin ni
Margaret.

BOY POGI: Halos isang linggong binurol ang tatay mo, akala kasi ng nanay mo, makakahabol ka.

JESS: Alangan namang iwan ko ‘yung bunso namin.

BOY POGI: O ayaw mo lang talagang pumunta kasi ayaw mo nang bumalik dito?

Patlang. Kukunin ni JESS ang isang pangawil ni BOY POGI, sisipat-sipatin.

JESS: Eto, akala ko sinama na ‘to sa hukay.

BOY POGI: Sayang daw sabi ng nanay mo. Gusto ko sanang sa hukay ng nanay mo isama ang mga
‘yan, pero nito na lang namin nalamang namatay s’ya. Ang dalang mong umuwi, e. Ilang
ulit ka nga bang umuwi mula nu’ng nagdoktor ka? May sampu ba?

JESS: Madalang nga pero hindi naman sampu lang.

BOY POGI: E, ilang taon ka na nga bang doktor? Lampas sampung taon na ba? Kahit taunan hindi
mo magawang makauwi rito.

JESS: Boy, hindi mo lang alam kung ga’no kaabala ang mga doktor na tulad ko. Kaya nga tinira
ko na lang sa amin ang Nanay nu’ng mamatay ang Tatay, e. Matagal ko na nga silang
kinukuha, pero ang Tatay lang ang ayaw umalis dito.

BOY POGI: S’yempre, taga-rito ang tatay mo, e.

JESS: Taga-rito rin ako.

BOY POGI: Pero ayaw mo rito.

Kukunin ni BOY POGI ang pangawil mula kay JESS. Mauupo sa gilid ng entablado si BOY POGI,
mangangawil. Tatabi si JESS.

Page 9 of 24
JESS: Wala kang pain?

BOY POGI: Red tayd. Wala ring isda.

JESS: Ginagawa mo pa rin pala ‘to.

BOY POGI: ‘Tangna, madiriin ka no’n, uod o alamang, nandidiri ka. Nangangawil tuloy tayong
walang pain. Kaya ang nangyayari, tumitingin lang tayo du’n sa kabilang ibayo ng dagat,
nangangarap akong maging janitor, nangangarap kang maging doktor.

JESS: Sabay nating pinapangarap si Elsa. Naaalala ko pa.

BOY POGI: Pamahal nang pamahal ang singil habang tumatagal.

JESS: Pero napunta rin s’ya sa ‘yo. Natupad mo ang pangarap mo.

BOY POGI: Natupad mo rin naman ang pangarap mo, di ba? Naging doktor ka na, yumaman,
nakaalis ka rito. ‘Tangna, ba’t ba nagbalik ka’t kumandidatong mayor?

Tatayo si BOY POGI, kukuha ng sigarilyo at posporo sa bulsa ni PANG.

JESS: Hanggang ngayon ba naman ninanakawan mo pa rin ang tatay mo?

BOY POGI: (Maninigarilyo)Ang layo ng tindahan, e. Baka mag-alboroto na naman ‘yung si Elsa ‘pag
pinabili ko pa. (Aalukin ng sigarilyo si JESS.) Gusto mo ba?

JESS: Tinigilan ko na ‘yan.

BOY POGI: (Mangingiti) Oo nga pala, doktor ka na. Sana du’n ka na nga lang sa kung saan
nagdoktor-doktor. Delikado ang lagay ng mga pulitiko. Dalawang kandidato sa
pagkakonsehal, tatlong barangay kapteyn, at ‘yung dating bays mayor ang nabingwit
dati d’yan sa dagat.

JESS: Natakot din ako nu’ng una, Boy. Pero naisip ko, kung gusto mo talagang maglingkod
para sa bayan, kailangan maging matapang ka.

BOY POGI: (Papalakpak) Pulitikong-pulitiko na ang dating natin, ha? Sana pala di ka na nga lang
naging taga-rito. Di mo maipagmalaki, e.

JESS: Oo, inaamin ko. Nu’ng nagdoktor ako, kinahiya ko talagang taga-rito ako. Hindi ko nga
madala ang mga kaibigan ko rito, e. Iniisip ko pa’no ‘pag kinailangan nilang gumamit ng
banyo, nakakahiya ‘yung banyo sa may poso.

BOY POGI: At lalong nakakahiya ang mga magnanakaw, walanghiya, mga puta at mamamatay-
taong umaali-aligid sa dagat, gano’n ba?

JESS: Ang mga tao, kayong lahat, kayo ang gusto kong tulungan. (Lalapitan si BOY POGI,
kukkunin ang hinihithit na sigarilyo) Makakasama sa ‘yo ‘to. (Papatayin ang sigarilyo,
lilinga-linga) Nasa’n ang basurahan n’yo?

BOY POGI: (Kukunin ang sigarilyo, itatapon sa dagat) Nalimutan mon ang magtapon sa dagat?

Patlang. Kukuha ng bote ng gin si BOY POGI. Aalukin si JESS, iiling si JESS.

Page 10 of 24
BOY POGI: Masama rin? (Iinom) Lahat ‘ata dito, tingin mo masama. ‘Tangna, du’n sa manaka-naka
mong uwi rito nu’ng nagdoktor ka, lagi kang “Marumi ang tubig dito, makakasama sa
tiyan, masamang tumae sa dagat, makakarumi sa tubig baka magdala ng sakit, palitan
na ang poso negro’t nakakasama lang sa kalusugan ng mga tao. Ingatan ang mga isda,
tahong, at talaba’t masama ang mga tao rito, mga magnanakaw.” Ilang kandado ‘yung
pinaglalalagay mo sa bahay n’yo rati dahil takot kang manakawan?

JESS: Boy, ‘yan na nga ang mga gusto kong baguhin. Gusto kong magkaroon ng malinis na
patubig dito upang hindi na kayo nagkakasakit. Gusto kong bigyan ng matinong trabaho
ang mga taga-rito upang hindi na kayo nagnanakaw. Kung maayos ang pamumuhay,
magiging maayos din ang pagpapakatao. Nagbalik ako upang makatulong.

BOY POGI: Magdadalawang taon ka nang nakakabalik, ‘tangna, hindi ka naman dito tumira. Ngayon
ka nga lang nadalaw dito, e. Andu’n ka, du’n sa sabdibisyon malapit sa hayskul. Malaki
ang bahay, magara, parang palasyo.

JESS: Malapit ‘yun sa clinic ko, e. Malapit sa mga eskwelahan kung saan nag-memedical
mission ako nang libre. Libre, Boy, libreng-libre dahil gusto kong makatulong. Malapit
din ‘yon sa ospital kung saan nagtatrabaho si Margaret. At malapit sa pinapasukan ng
mga anak namin.

BOY POGI: Malapit sa lahat pero malayo rito. Malayo sa amin. Kinahihiya mo kami. ‘Tangna ka.
(Itatapon ang bote ng gin sa dagat.)

Patlang. Kukuha ng isa pang bote ng gin si BOY POGI, iinom. Aalukin si JESS. Iiling si JESS.

BOY POGI: Di ka pa rin nauuhaw? Hindi ‘to galing sa poso. Gusto mong gamot sa pagtatae?

JESS: Hindi mo naiintindihan.

BOY POGI: Oo, hindi ko naiintindihan. Kasi ikaw, matalino ka. Ako, (po-pose) pogi lang.

JESS: ‘Yan ang hirap sa ‘yo, hindi mo sineseryoso ang usapan, e.

BOY POGI: Hindi mo pa rin ako matawag na Pogi, ‘no?

JESS: Boy, hanggang ngayon ang babaw mo pa rin.

BOY POGI: Inggit na inggit ka siguro ‘pag tinatawag akong Pogi. ‘Tangna, tingin mo kasi saksakan
ako ng pangit, e.

JESS: Alam mo namang tinutuya ka lang kaya ka tinatawag na Pogi.

BOY POGI: Pero naiinggit ka.

JESS: Hindi ako naiinggit.

BOY POGI: Aminin mo na, ‘tangna ka.

JESS: Hindi nga.

BOY POGI: Naiinggit ka sa akin.

Page 11 of 24
JESS: (Inis) Wala nga akong kinaiinggitan sa ‘yo.

Patlang. Liligpitin ni BOY POGI ang DVD player, pangawil, at lambat na binigay ni JESS.

BOY POGI: Iuwi mo na lang ang mga ‘to.

JESS: Kailangan mo ang mga ‘yan.

BOY POGI: Ano ba’ng alam mo sa mga pangangailangan ko, ha?

JESS: Nakapunta na ako sa ibang lugar, Boy. Alam ko kung ano’ng meron sila kaya alam ko
kung ano’ng wala rito.

BOY POGI: E, ‘tangna naman, talaga namang galit na galit ka rito, e.

JESS: Nagpakamatay akong maging doktor, Boy. Namalimos ako sa mga pulitiko at sa kung
sino-sino upang magkaro’n ako ng mga scholarship. Nag-aral ako dahil gusto kong
matakasan ang kahirapan.

BOY POGI: Gusto mong makaalis dito.

JESS: Oo! Dahil sa ibang lugar, nakita kong maaari palang may ibang buhay, pwede palang
mamuhay ng ibang-iba sa buhay dito.

BOY POGI: E, di du’n ka na nga lang sa ibang lugar.

JESS: Bago mamatay ang Nanay, lagi n’yang sinasabi, sana may tubig din sa atin, sana may
kuryente sa lahat ng bahay, sana may banyo ang lahat ng bahay, may kubeta, malilinis
ang mga tao, masasaya.

BOY POGI: Ano’ng tingin n’yo sa amin, marumi at malungkot? Dalawang beses sa isang linggo
akong naliligo. At lagi akong masaya dahil bukod kay Andrew E., sinasabayan ko na rin
ang mga kanta ni Gloc 9.

JESS: Tingnan mo nga ang buhay mo, Boy. Gusto mo bang maging ganito na lang ang buhay ng
magiging anak n’yo ni Elsa? O gusto mong malaglagan na naman kayo ng anak dahil
hindi naaalagaan ang pagbubuntis ni Elsa?

BOY POGI: Akala mo alam mo ang lahat e. ‘Tangna ka, hindi kami nalalaglagan. Pinapalaglag n’ya.
Parang si Mamang at ang nanay mo. Nakakasira raw sa trabaho. Pero pinalayas na s’ya
sa Lambutsingan at matanda na raw. Sa akin na lang mabenta ang talaba n’ya. At
sinunod ko ang kundisyon n’yang magkabanyong may kubeta kaya di na s’ya
magpapalaglag.

JESS: Pero anong klaseng buhay nga ang ibibigay mo sa anak n’yo?

BOY POGI: Ano ba’ng masama sa buhay dito? Nakaalis ka lang, kung magsalita ka akala mo kung
sino ka na.

Papasok si ELSA, may dalang dalawang baso ng juice.

ELSA: (Kay JESS) Dalawang kutsarang asukal ang nilagay ko para mas masarap.

Page 12 of 24
Kukunin ni BOY POGI ang isa pang baso at iinumin.

ELSA: Tarantado ka pala, para kay Jess ‘yan, e.

BOY POGI: Bigyan mo muna ng gamot sa pagtatae para uminom ‘yan.

JESS: Hindi naman sa gano’n, Boy.

BOY POGI: (Ibabalik ang baso kay ELSA) Itambak mo na lang sa lababo, maya-maya pa ako mag-
iigib.

ELSA: H’wag na. Nagpa-igib na ako.

BOY POGI: Napakagastadora mo talaga. Nagbayad ka na naman, ‘tangna ka.

ELSA: E, sa gusto ko na kayang maligo. Nanlilimahid na ako kakabili ng yelo. (Kay JESS) Dito ka
na mananghalian, pauwi na ang Mamang.

JESS: Aalis na rin ako.

BOY POGI: Bigyan ko nga kasi muna ng gamot.

ELSA: Kontrabida ka talaga. Pa’no ka mananalong mayor n’yan? (Papasok sa bahay)

BOY POGI: Mananalo talaga ako, tanga! Kuha ko na ang mga taga-rito.

JESS: Boy, mag-usap naman tayo ng masinsinan.

BOY POGI: Hindi pa ba masinsinan ‘to? (Kukunin ang streamer) O ayan, kung ito ang pinunta mo
rito, sinosoli ko na. Burahin mo na lang ang Pogi.

JESS: Ang akala ko rati Boy, kasalanan natin kung bakit mahirap tayo. Kasalanan ng mga
magulang natin. Pero ano nga ba ang magagawa natin? Wala naming pakialam sa atin
ang mga tao sa gobyernong may kakayahang pagandahin ang buhay natin.

BOY POGI: At ikaw, may pakialam ka?

JESS: Alam ko rin kung pa’no ang maging mahirap, Boy. Alam ko kung pa’no ang pamumuhay
dito. Alam ko kung ano ang mga kailangan ng mga tao rito. At ngayon, alam ko na rin
kung pa’no ‘yon maibibigay sa inyo.

BOY POGI: ‘Tangna, e alam ko rin kaya. (Kukuha ng isang gallon ng patis) Dahil dito. Dahil sa patis
ng Mamang. Naging suki n’ya sa palengke ‘yung kusinera ni Mayor. Hanggang minsan,
nakasama sa palengke ‘yung asawa ni Mayor. Pinakilala kay Mamang. Kaya nu’ng
mamatay ang tatay mo, andu’n si Mayor sa burol. Nakipaglibing pa. Mula no’n,
napapagawi-gawi rito si Mayor. Nabibigyan n’ya ako ng trabaho. (Mayabang) At sa mga
transaksyon namin, nababanggit n’ya ang mga problema ng bayang ito.

JESS: Inaamin mo na?

BOY POGI: May inaamin ba ako?

Page 13 of 24
JESS: Sa kanya galing ang pinambili mo ng bangka at pinagpagawa mo ng banyo. Sa kanya rin
galing ang pinambili mo ng DVD player at ng lambat.

Patlang. Kukunin ni JESS ang mga dalang pangawil, lambat, at DVD player. Iaalok kay BOY POGI.

JESS: Nagtitiyaga ka sa mga barya-barya. Eto ang mga mamahalin.

Titingnan lang ni BOY POGI ang mga inaalok ni JESS.

BOY POGI: (Titikuplin ang streamer) Oo, ‘tangna, barya na kung barya. Sa mga pinatatrabaho
naman n’ya sa akin, makakaipon din ako. Magkakaro’n din ako ng tindahan. At me
pridyider pa.

JESS: S’ya nga ang nagpatakbo sa ‘yo.

BOY POGI: (Iaabot ang streamer) Dalhin mo na ‘to at bumalik ka na sa sabdibisyon mo. Du’n ka na
lang mangampanya at ako ang iboboto rito.

JESS: Boy, hindi mo ba naiintindihan? Pinatakbo ka lang n’ya para mabawasan ang boto ko!

BOY POGI: Baka ikaw ang tumatakbo para mahati ang boto ko?

JESS: Ako ang pinakamahigpit n’yang kalaban. Ano ka ba naman? Hindi ba’t ako nga ang
tinatawag na simbolo ng bagong pulitika? (Bubulatlatin ang streamer) Gagamutin ang
bayan, Doc Resureccion. Ang mga tao ang nag-isip n’yan. Gusto na nilang gamutin ang
kabulukan ng bayang ito. Ako ang hiniling nilang gumamot.

BOY POGI: Kasi doktor ka?

JESS: Dahil naniniwala sila sa mga plano ko para sa buong bayan natin. Patubig, elektrisidad,
serbisyo. Regular na trabaho para sa mga tao. Hindi ako kurakot, Boy. Hindi ako tulad ni
Mayor na nagbibilang ng mga mansyon habang naghihirap ang mga tao.

Patlang.

BOY POGI: Gagawin mo ba talaga akong janitor?

JESS: Oo. At hindi lang ikaw. Ihahanap ko ng trabaho ang mga walang regular na trabaho, at
ang mga walang trabaho. Gagawa ako ng trabaho para sa inyo. Hindi ako tutulad kay
Mayor na ginagawang monopolyo ang halos lahat ng negosyo rito para kikilan ang lahat
ng empleyado. Ako, hindi ko kayo magagawang kikilan, dahil alam ko kung paano ang
magutom, hindi ko masisikmurang ibulsa pa ang sana’y isusubo n’yo na lang.

BOY POGI: (Babawiin ang streamer, ibabalik ang streamer sa bintana) ‘Yan na lang ang sabihin mo
sa kampanya mo para manalo ka.

JESS: Pa’no ako mananalo kung kumakandidato ka rin?

BOY POGI: (Tatawa) Natatakot ka talaga sa akin?

JESS: Wala akong dapat ikatakot sa ‘yo. Ayoko lang madamay ka pa sa gulo ng pulitika.

BOY POGI: E, di ikaw ang umatras.

Page 14 of 24
JESS: Ano ka ba? Nakataya rito ang kinabukasan ng bayan natin.

BOY POGI: Jakol tayo. Parang nu’ng mga bata pa tayo. Patagalan. Kung sino’ng talo, s’ya ang aatras.
(Maghuhubad ng pantalon at akmang dudukutin ang ari mula sa brief.)

JESS: (Pipigilan si BOY POGI) Wala ka ba talagang kahihiyan?

BOY POGI: (Isusuot muli ang pantalon) ‘Tangna, wala nga. Kaya nga hindi mo ako inimbita sa kasal
mo, di ba? Di mo rin ako inimbita sa binyag ng mga anak mo. Ni ayaw mo na nga akong
makita, e. Ano’ng sabi mo sa nanay mo rati nu’ng dapat ako ang maghahatid sa kanya
papunta sa inyo? “H’wag na ‘Nay, alam n’yo naman si Boy, nakakahiya. Nakakahiya kay
Margaret. Pahatid na lang kayo sa iba r’yan, ‘yung hindi natin kamag-anak.”

JESS: Nagbago na ako.

BOY POGI: Nagbago ka na nga. Dati, mayabang ka lang. Ngayon, ang yabang-yabang mo na.

JESS: Gusto ko lang talagang tulungan kayong lahat na kababayan ko.

BOY POGI: Hindi namin kailangan ang tulong mo. Kahit kalian, hindi mo kami naintindihan.

Darating sina ELSA at MANG, may bitbit na dalawang timba ng tubig.

MANG: Aba at nandito nga pala si Jess. Ba’t wala ang mga alipores mo?

JESS: Wala pong nakakaalam na pumunta ako rito.

MANG: Ayaw kang papuntahin ng mga alipores mo rito, ‘no?

JESS: Hindi naman po. Ang gusto po kasi nila ipadisqualify ko na lang si Boy sa COMELEC. E,
gusto ko po sana munang makapag-usap kami.

BOY POGI: Mang, pumuslit lang ‘yan sa mga alipores n’ya’t alam n’yo naman pinandidirihan tayo ng
mga ‘yon at mga puta, magnanakaw, at mamamatay-tao raw tayo.

ELSA: (Kay JESS) Sabihin mo sa mga alipores mo, kung mamamatay-tao ang mga taga-rito, e di
sana wala nang tao rito at nagpatayan na’ng lahat.

MANG: (Kay JESS) Naku, hayaan mo na nga lamang sila’t ‘yung mga tsismosang manang lang
naman sa simbahan ang nagkalat na tutal din naman at pinapaanod dito sa dagat ‘yung
kung sino-sinong pinagpapapatay. Baka ‘yung mga taong-dagat ng nga rin ang
pumapatay.

JESS: Nabanggit nga po ‘yan sa akin. Pero hindi naman po ako naniniwala. Mag-isa nga po
akong pumunta rito, di makapasok ‘yung tricycle kaya nagpedicab na lang po ako.
Nagpahintay na lang po ako sa labas.

MANG: Naku, iniwan ka na ng pedicab. Hindi uso ang hintay-hintay rito. Maglalakad ka n’yan
hanggang bukana. Ayos lang ba sa ‘yo ang maglakad? Maraming naglalasingan sa labas.

JESS: Dito rin naman po ako lumaki, alam kong mahirap man ang mga tao, mababait naman at
may takot sa Diyos.

Page 15 of 24
MANG: (Kay BOY POGI) Ganyan, ganyan ka dapat magsalita sa kampanya, gayahin mo ‘tong si
Jess. Para mukhang matalino ka naman.

ELSA: E, hindi naman ‘to nangangampanya e.

BOY POGI: Kampanya, kampanya. Dadalhin na nga ako ng taga-rito, sa dami ng tao rito, sama pa
ang mga iskwater, panalo na ako.

MANG: Gago! Isang barangay lang tayo! Kulang ‘yon para manalo kang mayor. (Kay JESS) Ilang
barangay na ba ang hawak mo? Magkano ang bayad mo sa mga barangay kapteyn?

JESS: Naku, malinis po ang kampanya ko at malinis din naman po ang hangarin ko para sa
bayan natin.

MANG: Kaya sikat na sikat ka sa palengke, ang galing mong magsalita. Simbolo ng bagong
pulitika, Doc Resureccion, gagamutin ang bayan. Sabi ko sa mga taga-palengke,
pamangkin ko ‘yan. Gusto mo ng patis? Pwede mong ipamigay sa kampanya. Sa akin ka
na kumuha. Mumurahin ko para sa ‘yo.

Kukunin ni BOY POGI ang mga timba ng tubig, ipapasok sa banyo.

BOY POGI: Aalis na rin si Jess, Mang. H’wag n’yo nang piliting kumuha pa ng patis ninyo. ‘Tangna, di
nga kayo pinansin nu’ng magkasalubong kayo sa palengke, di ba?

MANG: Gago! Nu’ng isa-isang taon pa ‘yon. (Kay JESS) Alam ko namang nagmamadali ka no’n at
kayong mga doktor ay masyado talagang abala. Wala sa akin ‘yon. Saka pinapansin mo
na naman ako ngayon, di ba? Sinasabi mo pa nga sa mga taga-palengkeng tiyahin moa
ko.

BOY POGI: Kumakandidato, s’yempre kunyari mabait at kilala kayo ro’n sa palengke. (Kay ELSA)
Ikaw, maligo ka na.

ELSA: Eto na nga. (Kay JESS) Dito ka na mananghali, ha? Masarap ang tahong ko.

Hihilahin ni BOY POGI si ELSA.

BOY POGI: Ligo na, lumalandi pa. Ako na lang ang nagtitiyaga sa tahong mo, ‘tangna mo, tanga!
Sabunin mo naman para hindi malansa ‘pag brinocha ko.

ELSA: ‘Tangna mo, ang tanda-tanda mo na, mahilig ka pa ring mambrocha.

BOY POGI: ‘Tangna mo, gusto mo rin naman.

ELSA: ‘Tangna mo.

Dadakmain ni BOY POGI ang arI ni ELSA.

ELSA: (Malandi) ‘Tangna mo talaga.

BOY POGI: Ligo na!

ELSA: Oo na, ‘tangna mo.

Page 16 of 24
Papasok sa banyo si ELSA.

MANG: (Kay BOY POGI) Ikaw, iniinis mo pa ‘yang si Elsa. Mamaya, iwan ka na naman n’yan,
maglango ka na naman sa gin bulag. Ayaw mong gayahin ‘tong si Jess. Kagalang-galang.
(Kay JESS) Kung hindi ko lang anak ang damuhong ‘yan, ikaw talaga ang iboboto ko, e.

JESS: Hinihikayat ko nga po s’yang h’wag na lang kumandidato.

MANG: Ay naku hindi pwede. Nabayaran na ‘yang bangka, saka ‘yung banyong may kubeta.
Itong bahay nga, tabingi ‘to rati. Tingnan mo ngayon, hindi na kami ganito
(Imumuwestre ang tabinging paglalakad).

JESS: Ayoko na po kasi sanang maghain pa ng protesta. Naisip kong, tutal naman,
magkakamag-anak naman po tayo, mas magandang daanin na lang po sana sa
magandang usapan.

BOY POGI: ‘Tangna, tingin mo talaga mapapasunod mo ako, ‘no?

JESS: Tingin ko, mapakikiusapan ka.

Papasok ng bahay si BOY POGI.

MANG: Hayaan mo na ‘yang si Pogi. Gusto lang n’yang mapabalik si Elsa’t nang magkapamilya
na. ‘Yan ang hirap ‘pag walang nagkakagustong babae, e. Ano ba sa tingin mo ang
nagustuhan d’yan ni Elsa? Bukod sa banyong may kubeta? Wala naman kami n’yan dati
e, pero nakisama na ‘yang si Elsa kay Pogi. Malamang gusto rin s’ya ni Elsa, ‘no?

JESS: Kumbinsihin n’yo naman po s’ya, T’yang. Nakakahiya po’t alam naman ng mga taong
patakbo lang s’ya ni Mayor para matalo ako. Ang dating po tuloy sa mga tao, tayo-
tayong magkakamag-anak naglalaban-laban.

MANG: Eto naman, sabi nga sa palengke, uso naman ‘yan. Di ba me mga magkakapatid, mag-
aama, dating mag-asawa pa ngang naglalabanan sa eleksyon?

Darating si BOY POGI, may dalang pumpon ng bulaklak, iaabot kay JESS.

BOY POGI: Para sa tatay mo. Hanapin mo na lang ang nitso n’ya.

JESS: (Tatanggapin ang bulaklak) Nag-abala pa kayo.

MANG: ‘Pag nakita mo’ng nitso ng tatay mo, ang linis-linis. Lagi naming nililinis, e. Lalo na nu’ng
buhay pa ang nanay mo, halos araw-araw kami sa panchong. Sayang nga e, sana du’n
mo s’ya sa tabi ng tatay mo nilibing. Ang hirap tuloy ngayon at ang layo ng nanay mo
rito.

JESS: Hayaan n’yo po’t pagkatapos na pagkatapos ng eleksyon, ililipat ko rin po sa tabi ng
Tatay ang Nanay.

MANG: (Kay BOY POGI) O ikaw, ha? ‘Pag namatay kami ng tatay mo, dapat tabi kami. Baka
gumaya-gaya ka rito kay Jess na pinaghiwalay pa ang mga magulang.

BOY POGI: Akala ko ba dapat gumaya ako kay Jess?

Page 17 of 24
MANG: Gago! Sa ibang bagay, hindi sa pagpapalibing. (Dadagukan si BOY POGI) Gago ka talaga!

Magigising si PANG.

PANG: Ikaw na ba ‘yan? Amoy patis na, e.

MANG: Damuho! Talagang amoy patis at malapit ka d’yan sa mga patis! Tarantado!

PANG: Asan ang gin bulag ko?

MANG: (Kukuha ng bote ng gin bulag na halatang patis ang laman, ibibigay kay PANG) Ayan
na’ng gin bulag mo.

Kukunin ni PANG ang bote, lalaklakin.

MANG: (Kay JESS) Tingnan mo ‘yang tiyo mo, sa sobrang kalasingan, di na malaman kung ano
ang gin at kung ano ang patis.

Biglang susuka si PANG.

JESS: Kailangang painumin n’yo po ng tubig.

MANG: Hayaan mo s’ya, ganyan lang ‘yan.

Muling hihiga si PANG.

JESS: Dapat po h’wag s’yang pahigain, baka may isusuka pa po s’ya, delikado’t baka mapunta
sa baga.

MANG: Iba na talaga ang doktor, ang daming alam. Hayaan mo na lang ‘yang tiyo mo’t gawain
naman n’ya ‘yan sa araw-araw. Iaadobo ko lang ‘yung tahong, dito ka na mananghalian.
H’wag kang maniwala sa red tayd, di raw ‘yun totoo sabi ni Mayor. (Kay BOY POGI)
Ayan, gumaya ka sa pinsan mo, maraming alam. (Papasok sa bahay.)

BOY POGI: Magdodoktor din ako? Hayskul nga di ako pumasa-pasa e.

MANG: (Sa loob ng bahay) Damuho! Bobo ka talaga! Bobo! Paturo ka d’yan kay Jess para tumali-
talino ka.

JESS: Boy, kung hindi ka talaga mapakikiusapan, wala akong magagawa kundi patanggal na
lang kita sa COMELEC.

BOY POGI: (Tatawa, iinom ng gin) Tingin mo talaga, napakabobo ko, ‘no?

JESS: Ipapatawag ka r’on, hihingan ng kung ano-anong papeles, pagtatanungin ka. Malaking
abala sa’yo, kaya nga gusto ko sanang pakiusapan ka na lang para hindi ka na maabala
pa nang husto.

Page 18 of 24
BOY POGI: (Tatawa) May aba-abala ka pang nalalaman. E, dumiretso ka na kaya sa COMELEC. Kalat
na kalat na kaya sa mga tsismosa rito. Hindi ka pinagbigyan. Pareho ngang Resureccion,
pero pareho ring bagong kandidato. (Tatawa) Napahiya ka, ano? (Tatawa) ‘Yun pa
naman ang ayaw na ayaw mo, ang mapahiya. Kaya nga kinakahiya mo na lang kami e,
ayaw mong mapahiya. (Tatawa) Nu’ng bumibili ako ng player, usap-usapan din ang
pagkapahiya mo. Sabi ko sa mga tao ro’n, lahat ng ipapangako mo, kaya ko ring
ipangako. Resureccion din ako. Ikahiya mo man ako, hindi mo na mapapalitan ang
apelyido ko. At alam ‘yun ng COMELEC. (Tatawa)

JESS: Boy, nakikiusap ako, seryoso ako. Seryoso akong gusto kong mapaunlad ang buong
bayan natin. Parang awa mo na, tulungan mo naman ako.

BOY POGI: Gusto ko ring mapaunlad ang bayan natin. Akala mo may monopolyo ka ng magandang
hangarin. At sa ating dalawa, ako ang nakakaalam ng mga problema rito dahil ako ang
tunay na taga-rito.

JESS: Ni hindi ka nga nangangampanya, e!

BOY POGI: Ba’t ba pinapakialaman mo ang kampanya ko? Kampanya mo ang intindihin mo!
‘Tangna ka!

JESS: Binayaran ka lang! Utang na loob naman, h’wag na tayong maglokohan! Magkano ba
ang binayad sa’yo? Magkano?

Patlang.

BOY POGI: Tatapatan mo?

JESS: Oo.

BOY POGI: Maliit na halaga lang. Kayang-kaya mo siguro. Bente mil.

JESS: Ipapadala ko sa ‘yo bukas. Matapos mong iurong ang kandidatura mo.

BOY POGI: Sana pala, noon pa binigyan mo na kami ng bente mil. Sana noon pa, tayo na ang
magkakampi.

JESS: H’wag kang mag-alala, hindi ko kayo pababayaan kung sakali’t manalo ako.

BOY POGI: ‘Yun nga ang iniisip ko, e. Paunang bayad pa lang kasi ‘yung bente mil.

JESS: Magkano ba ang kabuuan?

BOY POGI: Singkwenta mil. Darating ‘yung trenta mil ‘pag siguradong talo ka na.

JESS: Bukas na bukas, ipapadala ko, buong-buo, singkwenta mil.

Page 19 of 24
BOY POGI: Ipapadala mo? Ayaw mo nang pumunta uli rito?

JESS: Mangangampanya ako bukas.

BOY POGI: Pero nakapunta ka ngayon.

JESS: Pumuslit lang ako. Ayokong may iba pang makaalam.

BOY POGI: Ayaw mong may makaalam pang babayaran mo rin ako. Simbolo ng bagong pulitika.
Handa rin palang magbayad sa mga tulad ko.

JESS: Gusto kong manalo, Boy.

BOY POGI: Ang dami n’yo na rin kasing doktor, e. Dito nga naman, wala kang masyadong
kakompetensya. Pero wala ring masyadong perang pampagamot ang mga tao rito, Jess,
di ba? Ano pa nga ba naman ang pupuntahan ng ambisyosong doktor na di rin naman
pala kagalingan? Simbolo ng bagong pulitika, Doktor Resureccion, gagamutin ang bayan.
Wala nang ibang mapuntahan ang ambisyon mo, Jess. Kaya ka kumandidato.

JESS: Sinabi ko na, gusto ko lang maglingkod sa—

BOY POGI: Tingin mo pala bobo kami.

JESS: Limampung libong piso. Bukas na bukas din. Iurong mo ang kandidatura mo.

Kukunin ni BOY POGI ang lumang pangawil, sisipatin.

BOY POGI: H’wag mo na akong bayaran.

JESS: Sigurado ka?

BOY POGI: Ba’t di mo dalhin si Margaret dito? Para naman makilala namin.

JESS: Masyadong abala si Margaret, e.

BOY POGI: ‘Yung mga bata, pagbakasyunin mo rito. Matagal pa naman ang pasukan, e.

JESS: Naku, lagi ring sinasama sa kampanya ang mga ‘yon, e.

BOY POGI: Kahit isang gabi lang. O isang buong hapon. Tuturuan ko silang mangawil.

JESS: Sige, planuhin natin ‘yan.

BOY POGI: Ayaw mo talagang dalhin sila rito, ‘no?

JESS: Hindi naman. Hayaan mo’t pagkatapos ng eleksyon, magkakasama-sama rin tayo.
Masyado lang talaga kaming abala ngayon.

Page 20 of 24
BOY POGI: Parang ikaw noon.

JESS: Kampanya, Boy, e.

BOY POGI: Dadaan lang naman, e. Bukas, kung gusto mo. O mamaya, ‘pag uwi mo, sunduin mo sila,
dalhin mo rito. Tutal, nakatakas ka na rin naman sa mga alipores mo ngayon.

JESS: Baka inaabangan na nila ako sa bahay.

BOY POGI: E, di pati mga alipores mo dalhin mo rito. Kakain lang. Salo-salo. Pakilala mo kami sa
pamilya’t mga kaibigan mo.

JESS: Sige, Boy. Pangako talaga, ‘pag nagkaro’n kami ng libreng oras, papasyal kami rito.

BOY POGI: Papuntahin mo na sila rito. Pwede mo namang tawagan.

JESS: Baka maligaw sila, e. Di sila pamilyar rito.

BOY POGI: May padyak naman, e. Sabihin lang nila, sa bahay ni Boy Pogi. Sikat ako rito.

JESS: Saka na lang, Boy. Abala rin sila, e.

BOY POGI: Sunduin ko.

JESS: Nakakahiya naman sa ‘yo. Saka di ko rin sigurado kung nasa bahay sila.

BOY POGI: E, di susunduin ko kung nasaan man sila.

JESS: Planuhin na lang natin. Para makapaghanda rin sila.

BOY POGI: Ano pa’ng ihahanda nila? Makikipagkilala lang naman sa amin, magsasalo-salo. Gano’n
lang.

JESS: Aayusin ko. Pangako talaga.

BOY POGI: Ayaw mo lang talaga rito. Marami ka pang sinasabi. Sana pumayag ka na lang. Akala ko,
papayag ka. (Patlang. Lalapit si BOY POGI kay JESS, dala ang isang pangawil.)

BOY POGI: Eto ‘yung sa ‘yo. Mas malinis, danil madiriin ka. Nililinis ko pa rin ‘to. (Tatanggalin ang
hook) Pati ‘to.

Titirahin ni BOY POGI ng hook ang isang mata ni JESS. Magdurugo ang mata ni JESS, sisigaw sa sakit.

JESS: Putang ina mo!

Susugurin ni JESS si BOY POGI, magbubuno sila, halatang walang panama si JESS sa lakas ni BOY POGI.

Page 21 of 24
BOY POGI: Tingin mo matatalo mo ako? Habang tinitignan mo ang mata ng pasyente para malaman
kung kulang sa nutrisyon, maghapon, magdamag akong sumasagwan at humihila sa
lambat. Gago! (Itutumba si JESS.)

JESS: Ano pa ba’ng gusto mo? ‘Tangna ka!

BOY POGI: Napakababa ng tingin mo sa akin. Tingin mo napakadali kong bilhin. May isang salita
ako, Jess. Nabigay ko na kay Mayor ang salita ko.

JESS: Ako ang kadugo mo!

Kukuha ng isang bote ng gin si BOY POGI, babasagin. Magigising si PANG.

PANG: Ang gin bulag ko?

BOY POGI: ‘Tangna naman Pang, mamaya na. Istorbo kayo, pumapatay pa ako, e.

PANG: A, gano’n ba? Sige. (Hihiga.)

BOY POGI: (Kukunin ang pangawil) Dahil magpinsan naman tayo, pamimiliin kita. Itong bote o itong
pangawil.

JESS: Utang na loob, Boy. Maawa ka kay Margaret at sa mga pamangkin mo.

BOY POGI: (Tatawa) Ni ayaw nga akong tingnan ng Margaret na ‘yon. At ‘yang mga pamangkin
namang sinasabi mo, ni hindi ko naman sila nakikita. Mamili ka na.

JESS: (Sigaw) Tulungan n’yo ako! Putang ina! Papatayin ako! Tulungan n’yo ako!

BOY POGI: (Tatawa) Kilala namin ang sigaw ng bawat isa rito. Handa naming tulungan ang isa’t isa.
Hindi na nila kilala ang sigaw mo, Jess. Hindi ka na taga-rito.

JESS: Ako ang pag-asa ng bayan na ‘to, Boy. Ako ang pag-asa ninyong lahat!

BOY POGI: Papatayin na nga lang kita, napakayabang mo pa rin. (Bibitawan ang basag na bote,
hihigitin ang tali ng pangawil.) Eto na nga lang. Tutal, sa ‘yo naman ‘to.

Pupunta sa likod ni JESS.

JESS: Parang awa mo na, Boy.

BOY POGI: Pogi. Tawagin mo akong Pogi.

JESS: Pogi.

Sasakalin ni BOY POGI si JESS gamit ang tali ng pangawil. Mangingisay si JESS, manlalaban. Lalong
hihigitin ni BOY POGI ang tali. Mamamatay si JESS.

Page 22 of 24
BOY POGI: Mang! Elsa! Patay na ang putang ina.

(Darating sina MANG mula sa bahay, si ELSA mula sa banyo.)

MANG: Akala ko pa naman sa red tayd na tahong natin s’ya madadali.

BOY POGI: Hindi kakain ‘yan.

ELSA: Oo, ‘yung jus nga kelangan me gamot sa pagtatae pa, e.

BOY POGI: Gisingin n’yo na si Pang.

Gigisingin nina MANG at ELSA si PANG.

MANG: Hoy damuho ka, gising!

PANG: Asan na ang gin bulag?

Tutulungan nina MANG at ELSA si PANG na umalis ng bangka.

MANG: Maya-maya, di ka naman makapaghintay.

Kukunin ni BOY POGI ang isang lumang lambat mula sa bangka.

BOY POGI: Hayaan n’yo sa susunod may kutson na kayo sa bangka para hindi ‘tong lambat ang
pinagtitiyagaan n’yo.

Ibabaalot ni BOY POGI sa lambat si JESS.

MANG: Sayang naman ang lambat, magagamit pa ‘yan.

BOY POGI: May binigay s’yang bago.

ELSA: E ‘yung mga pangawil?

BOY POGI: Itong isa lang, ‘no. Bigay kaya sa akin ng tatay n’ya itong isa.

MANG: Buti na lang pumunta s’ya rito kundi wala tayong tindahan.

BOY POGI: Sabi naman ni Mayor, kumandidato lang ako, siguradong pupuntahan at pupuntahan
ako nito, e.

Sisipain ni MANG si JESS sa mukha.

BOY POGI: Patay na nga.

MANG: Gumaganti lang ako’t di nga ako pinapansin n’yan dati.

Page 23 of 24
Sisipain din ni ELSA si JESS sa mukha.

ELSA: Ako rin. Nagdoktor lang, grabe na kung baratin ako.

BOY POGI: Nobya na kita nu’ng nagdoktor ‘to, ha?

ELSA: Nobya mo nga ako, pinapakain mo ba ako?

Sisipain ni PANG sa mukha si JESS.

BOY POGI: Ano naman ang atraso nito sa inyo?

PANG: Para sa kapatid kong di n’ya sinipot sa libing.

Pagugulungin ni BOY POGI ang bangkay ni JESS sa dagat. Itatapon din n’ya sa dagat ang pangawil ni
JESS. Nakatitig sa bangkay na kunwa’y lumulutang si BOY POGI.

MANG: Tara nang kumain at nagsinigang na baboy ako. Bagay sa patis.

BOY POGI: (Di naaalis ang tingin sa bangkay) Maglilipat lang ako rito.

Aakayin ni MANG si PANG papasok ng bahay.

ELSA: (Lalapitan si BOY POGI) Akala ko hindi mo kakayanin.

BOY POGI: Akala ko kahit pa’no, ‘tangna, mananaig pa rin ang pagiging magkadugo namin.
(Hahaplusin ang tiyan ni ELSA) Pwede ka nang manganak sa ospital.

ELSA: Ano’ng pakiramdam ng pumatay ng kadugo?

BOY POGI: Matagal na n’yang tinakwil ang dugo namin. Dapat ang tanong mo, pa’nong pumatay ng
mayabang.

Mangingiti si ELSA, mangingiti rin si BOY POGI. Sasakmalin ni BOY POGI ang ari ni ELSA.

ELSA: (Malandi) ‘Tangna mo talaga.

BOY POGI: (Makarinyo) ‘Tangna mo rin. (Sisibasibin ang bibig ni ELSA.)

ELSA: Kumain ka na’t sisingilin mo pa si Mayor. (Hahalikan si BOY POGI.)

Papasok ng bahay si ELSA. Kukunin ni BOY POGI ang nakasampay na panyo ni JESS at ang pumpon ng
bulaklak. Ihahagis sa dagat. Papasok na sa bahay nguni’t mapapansin ang remote control, kukunin ito.
Hahawiin ang streamer, ipapasok sa bintana ang remote control. Maririnig ang kantang “Lando/Sa
Dilim.” Papasok ng bahay si BOY POGI. Maririnig ang tunog ng rumaragasang alon, sasaliw sa kanta.
Papalakas nang papalakas ang tunog ng pinagsanib na alon at kanta.

WAKAS

Page 24 of 24

You might also like