Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

1.

Alamat ng Pinya

Noong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina ay si Aling Rosa at
ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang bugtong na anak. Kaya lumaki si
Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran
ni Pinang na alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina. Kaya’t pinabayaan na lang niya ang
kanyang anak.

Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng gawaing bahay. Inutusan
niya si Pinang na magluto ng lugaw. Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro.
Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa, napagsilbihan naman
siya kahit paano ng anak.

Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya’t napilitan si Pinang na gumagwa sa bahay. Isang araw, sa
kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang ina kung nasaan ito. Isang
beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng ganoon ang nangyayari. Walang bagay na di
makita at agad tinatanong ang kanyang ina. Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya’t
nawika nito:

“Naku! Pinang, sana’y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay at hindi
ka na tanong nang tanong sa akin.”

Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang
sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya
ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain.

Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si Pinang. Tinanong niya
ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi
na nakita ni Aling Rosa si Pinang.

Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung anong uri
ang halaman iyon. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito’y magbunga. Laking pagkamangha ni Aling
Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito’y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata.

Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pinang, na sana’y magkaroon ito ng maraming
mata para makita ang kanyang hinahanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil
tumalab ang kanyang sinabi sa anak. Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang. Sa
palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang Pinang ay naging Pinya.

Aral:

 Huwag palakihing tamad ang mga anak. Dapat bata palang ay turuan na ng tamang asal at
ituwid kung nakakagawa ng kamalian para hindi kasanayan.
 Gumamit ng mga mata at hindi bibig sa pag hahanap ng mga bagay. Hanapin muna ng mabuti
bago sabihin na hindi mo nakita ang iyong hinahanap.
 Sundin ang mga nakatatanda lalo na ang ating mga magulang sapagkat ito ang nais ng Diyos
(Efeso 6:1).
 Mas mabuti na maging masunurin kaysa sa masuwayin o reklamador.

2. Alamat ng Pilipinas

Noong unang panahon ay wala pang tinatawag na bansang Pilipinas. Mayroon lamang maliliit na mga
pulo. Noong hindi pa rin ito bahagi ng mundo ay may nakatira ditong isang higante. Ang kweba nya ay
nasa kalagitnaan ng Dagat Pasipiko. Kasama niyang naninirahan ang kanyang tatlong anak na babae
na sina Minda, Lus at Bisaya.
Isang araw kinakailangang umalis ng amang higante upang mangaso sa kabilang pulo. Kailangang
maiwan ang tatlong magkakapatid kaya pinag sabihan niya ang tatlo.

“Huwag kayong lumabas ng ating kweba,” ang bilin ng ama. “Dyan lamang kayo sa loob dahil may mga
panganib sa labas. Hintayin ninyo ako sa loob ng kweba.”

Nang makaalis na ang amang higante, naglinis ng kweba ang magkakapatid. Inayos nila itong mabuti
para masiyahan ang kanilang ama. Subalit hindi nila katulong sa paggawa si Minda. Hindi ito masunurin
sa ama. Lumabas pala si Minda at namasyal sa may dagat. Hindi man lamang nagsabi sa mga kapatid.

Tuwang-tuwa si Minda na naglalaro ng mga along nanggagaling sa dagat. Namasyal sya at hindi nya
napansin na malayo na pala sya sa tabi ng dagat. Habang sya ay naglalakad, isang napakalaking alon
na masasabing dambuhala ang lumamon kay Minda. Nagsisigaw sya habang tinatangay ng malaking
alon sa gitna dagat.

“Tulungan ninyo ako!” sigaw ni Minda. Narinig nina Lus at Bisaya ang sigaw ni Minda. Abot ang sigaw sa
loob ng kweba kaya tumigil sa paggawa ang dalawa.

“Si Minda humihingi ng tulong!” sabi ni Lus na nanlalaki ang mga mata sa pagkagulat.

“Oo nga! Halika na!” yaya ni Bisaya. “Bakit kaya?”

Mabilis silang tumakbo sa may dagat. Tingin dito, tingin doon. Nakita nila sisinghap-singhap sa tubig ang
kapatid.

“Hayon sa malayo!” sigaw sabay turo ni Lus.

“Hindi marunong lumangoy si Minda ah!” sabi ni Bisaya at tumakbo na naman ang dalawa. Sabay iyak ni
Lus.

Mabilis nilang nilusong si Minda, malalim pala doon. Inabot nila ang kamay nila sa kapatid. Pati sila ay
nadala ng dambuhalang alon. Kawag, sipa, taas ng kamay, iyak sigaw at walang tigil na kawag. Sa
kasamaang palad ang tatlong dalagang higante ay hindi na nakaahon.

Nang dumating ang amang higante nagtataka siya bakit walang sumalubong sa kanya. Dati-rati ay
nakasigaw na sa tuwa ang tatlo nyang anak kung dumating sya. Wala ang tatlo sa kweba, ni isa ay wala
roon.

“Saan kaya nagtungo ang tatlo kong anak?” Tanong nya sa sarili. “Saan kayo Lus, Minda, Bisaya!”

Walang sumasagot, hinanap niya sila sa paligid ngunit wala sila roon. Pinuntahan niya ang ilang malapit
na pulo, ni anino ay wala.

“Baka may pumuntang tao at dinala silang pilit,” sabi ng higante sa sarili.

Biglang umalon ulit at dumagundong, napalingon ang ama at naisip niya na baka nalunod ang tatlo.
Dumako pa sya sa malayo at hindi nagkamali ang higante. Nakita niya ang labi ng ilang pirasong damit
na nakasabit sa bato. Para tuloy niyang nakita ang tatlong kamay na nakataas at humihingi ng saklolo.
Naalala niya bigla na hindi niya pinayagang lumabas ang mga ito. Tumalon sa dagat ang higante. Sa isip
lamang pala niya ang larawan ng tatlong kamay na nakataas, nawalan siya ng lakas.

“Mga anak! Ano pa? Wala na” himutok ng ama. Nawalan na siya ng ganang kumain. Tumayo, umupo,
tumingin sa malayo. Isa-isang hinagod ng tingin ang bawat munting bato at kahoy sa malayo. At sa
pagod at hapis napahilig sa isang bato at tuluyang natulog. Mahabang pagkatulog ang nagawa ng
kawawang higante.

Nang magising ang higante, kinusot niya ang kanyang mga mata. May nakita siyang wala doon dati.
Tumayo bigla at tiningnan mabuti.

“Ano ito? Saan galing ang tatlong pulong ito? Sila kaya ang tatlong ito?” Tanong sa sarili, lalong lungkot
ang naramdaman ng amang ulila.

“Ang tatlong pulong ito! Sina Lus, Minda at Bisaya ito!” ang sabi niyang malakas.

At buhat noon tinawag na Luson, Bisaya at Mindanaw ang tatlong pulo. Dito nagmula ang bansang
Pilipinas. Nasa gawing timog ng Asya. Bahagi ito ng Pilipinas sa katimugang bahagi ng Asya.

Aral:

 Ang pagiging matigas ang ulo ay nagdudulot ng kapahamakan sa tao. Pagkaminsan pa nga ay
kapahamakan din ang dulot nito sa iba.
 Ang pagsunod sa magulang ay hindi isang parusa. Bagkus ito ay nagpapakita ng paggalang
natin sa knila.
 Sumunod sa utos ng magulang upang makaiwas sa kapahamakan.

3. Alamat ng Saging

Sa isang nayon ay may mag-anak na tahimik na namumuhay. Ang lalaki’y si Mang Bino at ang babae’y
si Aling Pacita. Ang kaisa-isa nilang anak ay si Tina. Lumaking maganda si Tina kaya’t maraming
nangibig sa kanya. Ngunit mataas ang pangarap ng mga magulang para sa kaisa-isang anak. Kaya
kapag mahirap na binata ang pumapanhik ng ligaw sa dalaga ay pinapakitaan ito ng masamang mukha
ng mag-asawa. Malimit pang pagparunggitan ang mga maralitang mangingibig na sayang lamang ang
taglay na kagandahan ng kanilang anak kung ang magiging kapalaran nito ay isa lamang maralitang
isang kahig isang tuka.

Kabilang sa mga naakit kay Tina ay si Rading. Makisig siyang binata, may magandang asal, at may likas
na kabaitan. Ngunit siya ay isa lamang maralitang magsasaka kaya’t sa kabila ng mga katangian ng
binata ay tutol na tutol sa kanya ang mga magulang ni Tina. Sa kabila ng pamimintas sa binata ng mga
magulang ng dalaga ay tinanggap pa rin ni Tina ang iniluluhog na pag-ibig ni Rading.

Nagsumpaan silang walang magtataksil at tanging kamatayan lamang ang maaaring humadlang sa
kanilang pag-iibigan. Lihim na lihim ang kanilang pagsusuyuan sa pangambang malaman ito ng mga
magulang ng dalaga.

Ang kagandahan ni Tina ay nakaabot sa pandinig ni Don Bruno. Siya’y naninirahan sa kabayanan at
nang mabalitaan niya ang tungkol sa kagandahan ng dalaga ay ipinasya niyang pagsadyain ito sa
nayon. Lulan ng magarang kotse, ang byudong si Don Bruno ay nagtungo sa tahanan ng dalaga.

Sa pamamagitan ng pagtatanong ay natunton niya ang tirahan nito. Nakipagkilala siya sa mag-anak at
gayon na lamang ang pag-istima ng mag-asawang Mang Bino at Aling Pacita sa mayamang panauhin.
Naging madalas ang pagdalaw ni Don Bruno at di nagtagal ay nagtapat ng pag-ibig sa dalaga.
Tinanggihan ni Tina ang inihahandog na pag-ibig nito. Naging mapilit ang byudo kaya’t napilitan ang
dalagang tapatin ito na wala siyang pag-ibig dito at ang puso niya’y nakasanla na sa iba.
Ayaw maniwala si Don Bruno dahil liban sa kanya, wala raw naman siyang nakikitang pumapanhik ng
ligaw sa dalaga. Ito ay sapagkat napakahigpit nga ng mga magulang ni Tina. Sinabi rin niyang hindi siya
titigil ng panunuyo sa dalaga, maliban na lang kung mapatutunayan niyang may katipan na nga ito. Sa
sandaling mangyari ito, nangako siyang hindi na niya ito gagambalain pa. At kung ipagtatapat ng dalaga
kung sino ang katipan nito ay hindi niya sasabihin ang lihim kahit kanino.

Sa kagustuhan ni Tina na tumigil na sa panliligaw ang matanda, ipinagtapat niya na si Rading ay


kasintahan na niya. Hindi nagpahalata ng sama ng loob ang byudo, ngunit may lihim siyang binabalak
upang mapasakanya ang dalaga.

Isang araw na umalis si Tina at sumama sa kaibigan sa pamimili sa kabayanan ay kinausap ng Don ang
mga magulang na dalaga. Ipinagtapat niya sa mga ito ang tungkol kina Tina at Rading. Gayon na
lamang ang galit ni Mang Bino ngunit sinikap ni Don Bruno na mapaglubag ang kalooban ng ama ni
Tina. Iminungkahi niya na kung papayag ang mag-asawa ay ibig niyang makasal sila agad ni Tina.
Palibhasa’y mayaman hindi tinutulan ng mga magulang ng dalaga ang plano ni Don Bruno.
Napagkasunduan nilang idaraos ang kasal sa lalong madaling panahon.

Simula noon ay hinigpitang lalo ng mga magulang ang dalaga. Hindi na siya pinalalabas ng bahay nang
walang kasama. Ang palaging kasama niya sa anumang pupuntahan ay ang kanyang ina. Ang lihim na
pagkikita nina Rading at Tina ay naputol. Hindi malaman ng binata ang gagawin upang makausap ang
katipan. Malimit na aali-aligid siya sa tahanan ng mag-anak upang masilayan man lamang ang
minamahal. Subalit lagi siyang umu-uwing bigo.

Isang tanghali ay nakita niyang mag-isang umalis ng bahay si Aling Pacita. Dala nito ang basket na
kinalalagyan ng pagkaing ihahatid sa asawang nag-aararo sa bukid. Dati-rati’y kasama ng ina ang
dalaga. Hindi niya ito iniiwang mag-isa sa bahay sa pangambang magtungo roon ang kasintahan at
magkausap ang dalawa. Nang tanghaling iyon ay hindi napilit ng ina na sumama si Tina sa paghahatid
ng pagkain sa bukid. Dumaing ang dalaga na masakit na masakit ang kanyang ulo at nang damahin ng
ina ang noo ng anak ay mainit at tila may sinat nga ito.

Pagkaalis ni Aling Pacita ay dali-daling tinungo ni Rading ang tahanan ng mag-anak at nagpatao-po.
Nang maulinigan ng dalaga ang tinig ng kasintahan ay pinilit niyang makabangon kahit masamang-
masama ang kanyang pakiramdam. Pinatuloy ni Tina ang binata at magkaharap silang naupo sa
dalawang silyang napapagitnaan ng isang maliliit na mesa sa may tabi ng bintana.

Sabik na nagkumustahan ang magkasintahang matagal-tagal ding di nagkita. Palibhasa’y noon lamang
muling nagkita, hindi matapus-tapos ang pagbabalitaan ng dalawa. Libang na libang sila sa pag-uusap
at hindi na nila pansin ang kapaligiran. Hindi nila namalayan ang pagdating ng humahangos na si Mang
Bino, kasunod ang humahabol na asawa. May nakapagbalita pala kay Mang Bino sa bukid na nasa
kanilang bahay si Rading kaya’t napasugod nang uwi ang matandang lalaki.

Galit na galit ang ama ni Tina pagkakita sa dalawang nag-uusap sa tabi ng bintana. Hawak ang matalim
na gulok ay biglang sinugod ng matandang lalaki si Rading at biglang tinaga ang kamay ng binata na
nagkataong nakalawit sa bintana. Palibhasa’y mababa ang bahay ng mag-anak kaya nakuhang abutin ni
Mang Bino ang kamay ng binata. Naputol ang kamay ni Rading at bumagsak sa lupa. Napatili si Tina at
nawalan ng malay-tao nang makita ang pangyayari.

Sapo ang duguang bisig ay tumakbong pauwi ang binata. Kaagad siyang isinugod sa kabayanan upang
dalhin sa pagamutan doon. Subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga ang binata dahil sa
dami ng dugong nawala sa kanyang katawan. Ang kabayanan ay lubhang malayo sa kanilang nayon.

Nang magkamalay si Tina ay nasa loob na siya ng sariling silid. Ang namulatan niya sa kanyang tabi ay
ang kanyang ina. Itinanong niya rito si Rading at ang kanyang ama. Napahagulgol siya ng panangis
nang malaman niyang ang binata ay hindi na umabot sa pagamutan at ang kanyang ama naman ay
dinala ng mga maykapangyarihan. Nagpumilit siyang bumangon at hindi napigil ng ina sa paglabas ng
bahay. Tinungo niya ang lugar na kinabagsakan ng kamay ni Rading at buong pagmamahal na niyakap
ang putol na kamay.
Ibinaon niya ang kamay sa kanyang halamanan. At sa umaga’t hapon sa araw-araw na ginawa ng Diyos
ay hinahaplus-haplos niya ang lupang nakatabon sa kamay ng minamahal habang lumuluhang
sinasambit-sambit ang “Rading. Rading.”

Hindi nagtagal ay may tumubong halaman sa pook na iyon at nang mamunga ay katulad na katulad ng
mga daliri ng kamay ni Rading. Kumalat ang balita sa nayong iyon at naging paksa ng usapan ang
kamay ni Rading. Tinawag ng mga tao ang bunga ng naturang halaman na kamay ni Rading. Nang
lumaon ay ipinasya nilang tawagin itong saging.

Aral:

 Ang pagiging matapobre ay walang mabuting maidudulot kanino man. Kung ang iyong anak ay
umibig man sa dukha, maaring ito ay may dahilan. Kausapin ng masinsinan ang anak dahil wala
namang bagay na hindi nakukuha sa mabuting usapan. Gayundin naman sa mga anak. Iwasang
maglihim sa mga magulang upang maiwasan ang gulo sa pamilya.
 Huwag maging mapilit lalo na sa pag-ibig. Kung ayaw sa iyo ng taong iyong minamahal,
respetuhin ito at huwag nang ipilit ang iyong sarili. Maaaring may ibang taong nakalaan para sa iyo
kung ikaw lamang ay marunong maghintay.

You might also like