Isang Paglilinaw Sa Kahulugan at Kairala

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 27

[Bersyon bago nailathala sa Malay 24 (2): 39-56 (De La Salle University-Manila, 2012)]

Isang Paglilinaw sa Kahulugan at Kairalan ng Pilosopiyang Filipino /


A Clarification in the Existence and Meaning of Filipino Philosophy
Napoleon M. Mabaquiao, Jr.
De La Salle University-Manila
nmabaquiao@yahoo.com

Isinusulong at ipinaliliwanag sa sanaysay na ito ang isang pag-unawa sa kahulugan ng


Pilosopiyang Filipino na pinaniniwalaang tumutukoy sa mga akda (o sa mga kaisipang
ipinahahayag sa mga akdang ito) na parehong taglay ang mga katangian ng pagiging
pilosopiko at pagiging Filipino. Pinatutunayan ang dalawang kritikal na palagay na
nagbibigay-katuwiran sa pag-unawang ito: una, na akmang unawain ang salitang “Pilosopiya”
sa konteksto ng pananalitang “Pilosopiyang Filipino” sa estriktong gamit nito kung saan
mahalaga ang katangiang pilosopiko ng mga kaisipan at ang katangiang unibersal ng
pilosopiya; at ikalawa, na akmang unawain ang salitang “Filipino” sa parehong konteksto na
tumutukoy sa isang katangiang di-esensyal na ang inuuri ay ang mga akda na inuuri din bilang
pilosopiko (hindi ang katangiang pilosopiko ng mga akdang ito). Alinsunod sa ganitong pag-
unawa sa kahulugan ng Pilosopiyang Filipino, ang katanungan sa kairalan ng Pilosopiyang
Filipino ay itinuturing na isang katanungan na kung mayroon nga bang mga akdang
pilosopiko at Filipino.

Mga Susing Salita: Pilosopiyang Filipino, Pilosopiyang Filipino, Filipino, Pilosopiya

This essay puts forward and explicates a certain understanding of the meaning of Filipino
Philosophy in which it is believed to be referring to texts (or to the thoughts expressed in these
texts) possessing both properties of being philosophical and being Filipino. Two critical
claims justifying such understanding are being argued for: one, that it is appropriate to
understand the word “Philosophy” in the context of the expression “Filipino Philosophy” in its
strict usage in which the philosophical character of texts and the universal character of
philosophy are regarded as important; and another, that it is appropriate to understand the
word “Filipino” in the same context as referring to a non-essential trait that qualifies the texts
also qualified as philosophical (not the philosophical character of these texts). Accordingly,
the question concerning the existence of Filipino Philosophy is regarded as a question of
whether there really are texts that are both philosophical and Filipino.

Keywords: Filipino Philosophy, Filipino Philosophy, Filipino, Philosophy

1
PANIMULA
Ang una nating mapapansin sa pananalitang “Pilosopiyang Filipino” ay isa itong
pananalitang kompleks o isang tambalan ng dalawang salita—ang mga salitang “Pilosopiya”
at “Filipino”—na may kaniya-kaniyang kahulugan na hiwalay sa kahulugan ng kanilang
tambalan. Ang kahulugan ng isang pananalitang kompleks ay binubuo ng mga kahulugan ng
mga salitang bumubuo dito, subalit kung paano inuunawa ang kahulugan ng mga bumubuong
salita ay dapat naaayon sa estruktura ng kanilang tambalan. Tingnan natin ang mga
sumusunod na pagsasalarawan para sa puntong ito.
Paghambingin natin, halimbawa, ang mga pananalitang kompleks na “pulang kotse” at
“berdeng tatsulok.” Sa “pulang kotse,” ang inuuri ng “pula” ay ang bagay na tinatawag na
“kotse.” Ang “pula” ay isang salitang tumutukoy sa isang katangian (“attribute”) samantalang
ang “kotse” ay isang salitang tumutukoy sa isang bagay (“entity”). Samantala, sa “berdeng
tatsulok,” ang inuuri ng “berde” ay ang bagay na inuuri din ng “tatsulok.” Dito, ang “berde”
at “tatsulok” ay parehong mga salitang tumutukoy sa mga katangian na ang inuuri ay mga
bagay. Ihambing naman ang “berdeng tatsulok” sa “regular na tatsulok” (tumutukoy sa uri ng
tatsulok na pantay-pantay ang haba ng mga linya nito). Dito, ang “regular” at “tatsulok” ay
pareho ding tumutukoy sa mga katangian. Subalit kung sa “berdeng tatsulok” ang inuuri ng
mga katangiang berde at tatsulok ay mga bagay, sa “regular na tatsulok” ang inuuri ng
katangiang regular ay ang katangiang tatsulok—na ang inuuri naman ay mga bagay. Sa
partikular, ang inuuri ng “regular” ay ang pagkatatsulok ng isang bagay. Kung baga ang isang
bagay ay tatsulok at ang pagkatatsulok nito ay regular. Hindi natin ito masasabi sa “berdeng
tatsulok”: hindi natin maaaring sabihin na ang isang bagay ay tatsulok at ang pagkatatsulok
nito ay kulay berde; ang ating masasabi ay kulay berde ang bagay na tatsulok. Makikita na
may kaniya-kaniyang kahulugan ang mga salitang “berde”, “pula”, “tatsulok” at iba pa na
bumubuo sa kahulugan ng mga pananalitang kompleks kung saan sila ay bahagi, subalit ang
estruktura ng mga pananalitang kompleks na ito ay nagtatakda ng isang konteksto kung paano
nararapat unawain ang kanilang kahulugan.
Upang magkaroon tayo ng isang malinaw na pag-unawa sa kahulugan ng Pilosopiyang
Filipino, kailangan natin, samakatuwid, na magkaroon ng isang malinaw na pag-unawa sa
kahulugan ng mga salitang “Pilosopiya” at “Filipino” sa konteksto ng estruktura ng kanilang
tambalan sa pananalitang “Pilosopiyang Filipino.” Hahatiin ko sa tatlong bahagi ang aking

2
diskusyon. Susuriin ko sa unang bahagi ang kaibahan ng dalawang pangkalahatang gamit ng
salitang “pilosopiya”—ang tatawagin kong “estriktong gamit” at “di-estriktong gamit”—at
pagkatapos ay sisiyasatin ko kung alin sa dalawang gamit na ito ang nararapat sa pag-unawa
sa kahulugan ng nasabing salita. Sa ikalawang bahagi, susuriin ko naman kung ano ang inuuri
ng katangiang Filipino sa kahulugan ng salitang “Pilosopiya” at kung ang katangiang ito ay
tumutukoy sa isang esensyal na katangian o sa isang grupo ng mga katangiang nagsasanib-
sanib. At sa ikatlong bahagi, susubukin kong ilahad ang buod ng aking pagsusuri sa wika ng
simbolikong lohika (“symbolic logic”) upang lalong mapalitaw ang estruktura o lohika ng
mga ugnayan ng mga palagay at argumento na aking isinusulong.
Layunin ko sa sanaysay na ito ang makapag-ambag sa pagtataguyod ng Pilosopiyang
Filipino sa pamamagitan ng paglinaw sa kahulugan at kairalan nito. Sa kabuuan, isinusulong
ko ang isang pag-unawa sa kahulugan ng Pilosopiyang Filipino kung saan ito ay
pinaniniwalaang tumutukoy sa mga akda (o sa mga kaisipang ipinahahayag sa mga akdang
ito) na parehong taglay ang mga katangiang pagiging pilosopiko at pagiging Filipino. At
alinsunod dito, inuunawa ko ang katanungan sa kairalan ng Pilosopiyang Filipino bilang isang
tanong na kung mayroon nga ba talagang mga akdang taglay ang mga nabanggit na katangian.
Kung ang pamamaraan ng pag-unawang ito ay sasalungat sa mga ibang pamamaraan, ang
mga uusbong na pagtatalo ay inaasahan kong lalo pang magpapayaman sa diskurso sa
pagtataguyod ng Pilosopiyang Filipino.

I. “PILOSOPIYA”: ESTRIKTO AT DI-ESTRIKTONG GAMIT


Mababasa sa magasing Cosmopolitan na nailathala noong February 2006 (p. 144-46)
ang isang artikulo na pinamagatang “Get a Life, Get a Boyfriend: Five philosophies you need
now to enhance your life—and ultimately find love" na isinulat ni Claire Betita-Samson. Sa
diskusyon ng may-akda, ang tinawag niyang “five philosophies” ay binubuo ng mga
sumusunod: (1) “If you party, he will come,” (2) “Don't put your life on hold,” (3) “Ditch the
myth of ‘The One,’” (4) “Work out what makes you happy, rather than who makes you
happy,” at (5) “Find out what's special about your life now.” Ang mga “five philosophies” na
ito ay maaari ding tawaging “five ideas,” “five principles,” “five rules,” o “five tips” at
walang mawawala sa ibig ipakahulugan ng may-akda sa paggamit niya ng pananalitang “five
philosophies.”

3
Pagmasdan naman ngayon ang paggamit ng salitang “pilosopiya” sa pananalitang
“ayon sa pilosopiya ni Pedro.” Malamang ang tinutukoy dito ay ang perspektibo, pananaw, o
ideya ni Pedro. Maaari na ang perspektibo, pananaw, o ideya ni Pedro ay pilosopiko, subalit
maaari din na ito ay hindi pilosopiko—dahil sa halip na pilosopiko ito, maaaring sikolohiko o
antropolohiko. Mapapansin na hindi maaaring ipalit ang salitang “pilosopiya” sa mga salitang
“ideya,” “pananaw,” at ibang pang mga katulad nito sa lahat ng pagkakataon. Halimbawa,
para sa pananalitang “sikolohikong pananaw ni Pedro,” alangang ipalit ang pananalitang
“sikolohikong pilosopiya ni Pedro.” O kaya naman, para sa “pilosopikong pananaw ni Pedro,”
alangang ipalit ang “pilosopikong pilosopiya ni Pedro.” At ito ay nagpapahiwatig na bagama’t
ang salitang “pilosopiya” ay maaari ngang gamitin upang tumukoy sa mga ideya, prinsipyo,
pananaw, at iba pang mga katulad nito, ito ay maaari ding gamitin upang tumukoy sa
pilosopikong katangian ng mga ideya, prinsipyo, pananaw, at iba pang mga katulad nito.
Makikita natin sa mga obserbasyong ito ang dalawang pangkalahatang gamit ng
salitang “pilosopiya.” Ang una ay ang gamit ng salitang ito bilang isang pamalit-salita
(synonym) lamang para sa mga salitang “ideya,” “pananaw,” “paniniwala,” “tip,” “dahilan,”
“prinsipyo,” at iba pang mga katulad nito. Halimbawa, sa halip na sabihin “ang prinsipyo ng
administrasyon sa pamamalakad ng pamahalaan,” maaaring sabihin “ang pilosopiya ng
administrasyon sa pamamalakad ng pamahalaan.” Ito ay tatawagin nating di-estriktong gamit
ng salitang “pilosopiya”. Ang ikalawa ay ang gamit ng salitang ito sa disiplina ng pilosopiya
na tumutukoy sa mga kaisipang pilosopiko o sa mga kaisipang taglay ang katangiang
pilosopiko. Ito naman ay tatawagin nating estriktong gamit ng salitang “pilosopiya.”
Ang pinagkaiba ng dalawang gamit na ito ay kung taglay ng isang kaisipan ang
katangian ng pagiging pilosopiko. Para sa di-estriktong gamit, ang isang kaisipan ay isang
pilosopiya bagama’t hindi pilosopiko, samantalang para sa estriktong gamit, ang isang
kaisipan ay isang pilosopiya lamang kung ito ay pilosopiko. Kaugnay nito, sa estriktong
gamit, ang salitang “pilosopiya” ay nagpapahiwatig ng pagkakaiba ng pilosopiya bilang isang
akademikong disiplina sa iba pang mga akademikong disiplina. Ang pilosopiko ay iba,
halimbawa, sa sikolohiko at antropolohiko—bagama’t may mga dimensiyong nagkakasapaw-
sapaw ang mga disiplinang ito. Samantalang walang ganitong pahiwatig sa di-estriktong
gamit ng salitang “pilosopiya.”1

4
Mga Tanda/Katangian ng Estriktong Gamit
Kailan masasabing ang isang gamit ng salitang “pilosopiya” ay estrikto? O kaya
naman, kailan masasabing ang isang ideya, paniniwala, kaisipan, akda, o pananaw ay
pilosopiko o saklaw ng disiplina ng pilosopiya? Ano o ano-ano ang mga tanda o mga
katangiang bumubuo ng katangiang pilosopiko? Ang isang komprehensibong kasagutan dito
ay mangangailangan ng mahabang diskusyon; para sa ating mga layunin sa papel na ito sapat
na tayo ay tumukoy ng mga pundamental na tanda. Bukod dito, sapat na ang mga akda—ang
mga naisulat na kaisipan—ang ating isasaalang-alang sa ating pagsusuri. Hindi siyempre natin
ipinahihiwatig na hindi maaaring maging pilosopiko ang mga hindi naisulat na mga kaisipan;
gagamitin natin ang mga akda dahil bilang mga konkretong manipestasyon ng mga kaisipan,
mas madali itong matukoy. Gayunpaman, tatlo ang maituturing na mga pundamental na tanda
ng katangiang pilosopiko, na ating tatalakayin sa konteksto ng mga akda. Ang mga tandang
ito ay may kinalaman sa (1) paksa, (2) metodolohiya, at (3) pamamaraan ng pagsulong sa
mga palagay ng isang akda.
Ang unang pundamental na tanda ay: masasabing pilosopiko ang isang akda kung ang
paksa, problema o isyung tinatalakay nito ay saklaw ng mga umiiral na sangay ng pilosopiya.
Ang ilang halimbawa ng sangay ng pilosopiya ay: Lohika—na ang paksa ay ang mga batayan
ng katuwiran ng mga pangangatuwiran, Etika—na ang paksa ay ang batayan ng mga
paghuhusga sa moralidad ng isang gawa, Epistemolohiya—na ang paksa ay ang batayan ng
kaalaman, at Metapisika—na ang paksa ay ang mga pundamental na bagay na umiiral. Ang
isang mahalagang katangian ng mga problemang pilosopiko ay tumatalakay ang mga ito sa
mga katanungan pampundasyon (“foundational questions”) dahil ang mga ito ay tumatalakay
sa mga katanungan tungkol sa mga pundasyon o batayan ng ating mga paniniwala o pananaw
(“frameworks”) upang unawain ang iba’t ibang aspekto ng mundo at ng ating pakikitungo sa
mundong ito.2 Ito ang dahilan kung bakit mayroong sangay ng pilosopiya para sa halos lahat
ng aspekto ng buhay, tulad ng mga aspektong may kinalaman sa relihiyon (pilosopiya ng
relihiyon), moralidad (etika), agham (pilosopiya ng agham), edukasyon (pilosopiya ng
edukasyon), kultura (pilosopiya ng kultura), at lipunan (pilosopiya ng lipunan).
Halimbawa, ang tanong na kung ano ang sukat ng isang bagay ay isang problemang
matematikal, subalit ang tanong na kung may realidad ba ang mga numero ay isang tanong na
pilosopiko na tinatalakay sa pilosopiya ng matematika; ang tanong na kung ano ang dahilan

5
(“cause”) ng isang uri ng sakit ay isang siyentipikong tanong subalit ang tanong na kung may
realidad ba ang mga ugnayang kawsal ay isang pilosopikong tanong na tinatalakay sa
pilosopiya ng agham; at ang tanong na kung ano ang mga nararapat gawin ng tao na
ikalulugod ng Diyos ay isang tanong na pangrelihiyon subalit ang tanong na kung mayroon
nga ba talagang Diyos ay isang tanong na pilosopikong tinatalakay sa pilosopiya ng relihiyon.
Malinaw dito na ang pilosopiko ay ang mga pag-aaral o pagsusuring ginagawa sa pundasyon
ng mga pananaw at hindi ang mga pananaw mismo. Hindi naiiba dito ang kaso ng tinatawag
na pandaidigang pananaw, na inuunawa bilang isang kolektibong konsepto na tumutukoy sa
iba’t ibang uri ng mga pananaw ng isang grupo ng mga tao sa mundo at buhay. Ang
pilosopiko ay hindi ang mga paniniwalang bumubuo sa isang pandaigdigang pananaw kundi
ang mga pagsusuring gagawin sa pundasyon ng mga paniniwalang ito. Ang sabihing isang
pilosopiya ang isang pandaigdigang pananaw ay isang di-estriktong paggamit ng salitang
“pilosopiya.”
Kaugnay ng pampundasyong katangian ng mga katanungang pilosopiko ay ang
katangiang unibersal ng mga katanungang ito. Ang mga katanungang pilosopiko ay
tinatanong ng isang tao sa antas ng kaniyang pagiging isang tao at hindi sa iba pang antas ng
kaniyang identidad tulad ng kaniyang pagiging isang Filipino o Amerikano. Ang mga iba
pang antas na ito ng kanyang identidad ay maaaring konteksto sa pag-usbong ng mga
unibersal na katanungan sa pilosopiya. Maaaring ang isang kongkretong problema ng isang
tao ang nag-udyok sa kanya upang tanungin ang pundasyon ng kanyang mga paniniwala sa
kabuluhan ng buhay, subalit ang tanong na ito ay hindi na lamang patungkol sa kanyang
buhay kundi sa buhay ng lahat ng tao. Maaaring isang problemang panlipunan sa Alemanya,
halimbawa, ang nag-udyok sa pagtatanong ng pilosopong si Karl Marx sa pundasyon ng mga
pananaw tungkol sa pagtataguyod ng pamahalaan, subalit ang pagtatanong na ito ay hindi na
lamang patungkol sa lipunan ng bayang Alemanya kundi sa lipunan ng lahat ng mga bayan.
Bagama’t si Immanuel Kant ay isang Aleman, ang kanyang pilosopikong teorya sa etika ay
para sa lahat ng tao.
Tulad ng mga matematiko at siyentista, ang mga pilosopo—ang mga taong
namimilosopiya—ang may nasyonalidad, hindi ang pilosopiya. Ang mga ideya sa pilosopiya,
tulad ng mga ideya sa matematika at agham, ay unibersal kung kaya ang mga tanong, palagay,
at kongklusyon ng mga ito ay may aplikasyon sa lahat ng mga tao ano man ang kanilang

6
nasyonalidad. Halimbawa, ang isyu sa kalayaan at moralidad ng tao ay hindi lamang isyu ng
at para sa mga Aleman, Griyego, at Pranses, bagama’t ang mga naging tanyag na pilosopong
sumuri ng mga isyung ito ay mga Aleman, Griyego, at Pranses, bukod sa mga ilan pa. Ang
mga isyung ito ay isyu ng tao sa antas ng pagiging tao kung kaya para sa lahat ng tao. Ito ay
tulad ng matematika. Halimbawa, ang calculus ay inimbento ng halos sabay nina Isaac
Newton na isang Ingles at Gottfried Leibniz na isang Aleman. Hindi natin sinasabi na ang
calculus ni Newton ay para sa mga Ingles lamang samantala ang calculus naman ni Leibniz
ay para sa mga Aleman lamang. Ang calculus na inimbento nila sa katunayan ay pareho at
ginagamit ngayon ng mga tao anuman ang kanilang nasyonalidad.
Ang ikalawang pundamental na tanda ay: masasabing pilosopiko ang isang akda kung
ito ay gumagamit ng isang metodolohiya na ginagamit sa disiplina ng pilosopiya. Kung ang
isang pag-aaral ay itinuturing na siyentipiko dahil sa siyentipikong metodolohiyang ginagamit
nito, ang isang pag-aaral ay maituturing na pilosopiko kung ito naman ay gumagamit ng isang
metodolohiyang pampilosopiya. Kung ang mga sangay ng pilosopiya, tulad ng lohika,
epistemolohiya, at metapisika, ay inuuri ayon sa paksang tinatalakay, ang mga tradisyong
pilosopiko naman ay inuuri ayon sa metodolohiyang ginagamit. Makikita samakatuwid ang
mga metodololohiyang pampilosopiya sa mga tradisyong pilosopiko. Ang ilan sa mga
metodolohiyang ito ay ang mga sumusunod: penomenolohiya (na sa pangkalahatan ay
hinahango ang mga pagsusuring ginagawa sa mga karanasan ng tao), analitikong pilosopiya
(na sa pangkalahatan ay gumagamit ng metodolohiya ng lohika at hinahango ang mga
pagsusuring ginagawa sa mga katangian ng wika), eksistensyalismo (na sa pangkalahatan ay
hinhango ang mga pagsusuring ginagawa sa mga ilang katangian ng tao na may kinalaman sa
kabuluhan ng buhay tulad ng kalayaan at kamatayan), Marksismo (na sa pangkalahatan ay
hinahango ang mga pagsusuring ginagawa sa kasaysayan at ekonomiya), feminismo (na sa
pangkalahatan ay hinahango ang pagsusuring ginagawa sa mga diskriminasyon dulot ng
kaibahan sa kasarian), postmodernismo (na sa pangkalahatan ay hinahango ang mga
pagsusuring ginagawa sa di-umano’y kawalan ng mga obhektibong batayan ng mga
kaalaman), at ermenyutika (na sa pangkalahatan ay hinahango ang mga pagsusuring ginagawa
sa mga bagay na may kinalaman sa interpretasyon ng mga teksto).
Ang ikatlong pundamental na tanda ay: masasabing pilosopiko ang isang akda kung
ang mga mga palagay na isinusulong nito ay sinusuportahan ng mga argumento. Ang mga

7
argumento ay tumutukoy sa mga pangangatuwirang nagpapakita kung paano nakarating sa
mga palagay na isinusulong bilang mga kasagutan sa mga katanungang pilosopiko na
tinatalakay. Dito naiiba ang mga pilosopiko na kaisipan sa mga pawang opinyon o haka-haka
lamang. Ang mga argumentong ginagamit ng mga pilosopo sa kanilang pamimilosopiya ay
siyang mga nagsisilbing batayan sa paghuhusga sa kung alin sa mga nagtutunggaling
kasagutan ng mga pilosopo sa mga katanungang pilosopiko na kanilang tinatalakay ang mali
at ang may mataas na probabilidad na mapatutunayang tama.
Magandang iugnay sa usaping ito ang punto na sa disiplina ng pilosopiya tinatalakay
ang mga nagtutunggaling teorya para sa mga katanungang wala pang napagkakasunduang
siyentipikong pamamaraan kung paano sasagutin ang mga katanungang ito. Ang inaasahan ay
sa kahulihan ay may uusbong na siyentipikong pamamaraan sa pagtalakay sa isang
problemang teoretikal. Ang isang magandang halimbawa dito ay ang pilosopiya ng isip
(philosophy of mind). Dahil wala pang napagkakasunduang siyentipikong pamamaraan ng
pag-unawa sa kalikasan ng ating pag-iisip, tinitingnan at sinusubukan sa disiplina ng
pilosopiya ng isip ang lahat ng mga posibleng pamamaraan ng pag-unawa sa kalikasan ng
pag-iisip. At dito, ang pinakabatayan sa paghuhusga kung alin sa mga nagtutunggaling teorya
ang mali at may mataas na probabilidad na mapatutunayang tama ay ang lakas ng mga
argumento na ginagamit para suportahan ang mga palagay ng mga teoryang ito.
Ang tatlong mga pundamental na tandang ito ay kailangang taglay lahat ng isang akda
upang masabing pilosopiko o isang pilosopiya sa estriktong gamit ng salitang “pilosopiya”
ang akdang ito. Sa kabuuan, ang isang pilosopikong akda, samakatuwid, ay tumatalakay sa
isang pampudasyong problema, gumagamit ng isang metodolohiyang pampilosopiya, at
gumagamit ng mga argumento sa pagsulong ng mga palagay.

Dalawang Argumento Para sa Estriktong Gamit

Matapos natin matika ang kaibahan ng dalawang gamit ng salitang “pilosopiya,” alin ngayon
sa mga gamit na ito ang nararapat upang unawain ang kahulugan ng “pilosopiya” sa konteksto
ng pananalitang “Pilosopiyang Filipino”? Dalawang magkaugnay na argumento ang aking
gagamitin para isulong ang estriktong gamit. Ang una ay ang kontekstong umuusbong ang
katanungan hinggil sa kairalan ng Pilosopiyang Filipino. Ang kontekstong ito ay ang
akademikong disiplina ng pilosopiya, dahil kung pagmamasdan nang maigi, ang nag-uudyok

8
sa nasabing katanungan ay ang obserbasyon sa loob ng nasabing disiplina na may mga
pilosopiya na tinatawag o inuuri bilang Pilosopiyang Griyego, Pilosopiyang Tsino,
Pilosopiyang Aleman, Pilosopiyang Pranses, at iba pang mga katulad nito, at walang
nababanggit tungkol sa Pilosopiyang Filipino. Para sa mga Filipinong nag-aaral, nagtuturo, at
nagsusulat tungkol sa pilosopiya, natural na uusbong sa kanilang isip ang katanungan kung
mayroon ding pilosopiyang matatawag o maiuuring Pilosopiyang Filipino na maihahanay sa
mga pilosopiyang nabanggit sa itaas. Hango sa konsiderasyong ito, ang ating pagsusuri sa
kahulugan ng salitang “Pilosopiya” sa pananalitang “Pilosopiyang Filipino” ay nararapat na
naaayon sa kung paano inuunawa ang salitang “Pilosopiya” sa mga pananalitang
“Pilosopiyang Griyego,” “Pilosopiyang Aleman,” at iba pang mga katulad nito sa loob ng
disiplina ng pilosopiya. At ang salitang “Pilosopiya” dito ay inuunawa sa estriktong gamit ng
nasabing salita.
Paano kung, bagama’t sa konteksto ng disiplina ng pilosopiya umusbong ang
katanungan sa kairalan ng Pilosopiyang Filipino, ay inunawa ang salitang “Pilosopiya” sa
“Pilosopiyang Filipino” sa di-estriktong gamit ng salitang ito? Ano ang mangyayari, o kaya
ay ano ang mali dito? Ipagpalagay natin na sinabi natin sa ating kaibigan na mayroon tayong
pulang kotse at ito ay ipinakita natin sa kanya—isang kotse na kulay pula. Nang makita ng
ating kaibigan ang ating kotseng pula, sinabi niya na mayroon din siyang kotse subalit ito ay
kulay berde. Subalit nang ipakita niya sa atin ang tinawag niyang “berdeng kotse,” ang
ipinakita niya sa atin ay sa katunayan isang kariton na kulay berde. Nang tanungin natin siya
kung paano naging berdeng kotse ang ipinakita niya sa atin, ang kaniyang paliwanag ay
tinatawag niya rin daw na “kotse” ang kaniyang kariton. Mukhang nagbibiro o kaya ay
nagpapatawa lamang ang ating kaibigan. Kung seseryosohin natin siya, lahat samakatuwid ng
tao ay maaaring sabihing may kotse sila depende na lamang kung ano ang tinatawag nilang
“kotse.” Subalit kung ganito ang mangyayari wala nang kabuluhan kung sabihin ng isang tao
na may kotse siya dahil wala nang batayan para sabihing tama o mali ang sinabi niya.
Kung ang unang argumento ay may kinalaman sa konteksto ng pag-usbong ng
katanungan hinggil sa kairalan ng Pilosopiyang Filipino, ang ikalawang argumento naman ay
may kinalaman sa kabuluhan ng pagtatanong sa kairalan ng Pilosopiyang Filipino. Kung ang
“Pilosopiya” sa pananalitang “Pilosopiyang Filipino” ay inuunawa sa di-estriktong gamit ng
salitang ito, ang katanungan sa kairalang ng Pilosopiyang Filipino ay mawawalan ng

9
kabuluhan dahil ang kasagutan dito, siyempre positibo, ay hindi na kailangang pag-isipan pa
dahil sa sadyang napakalinaw na. Sa katunayan, kung seryoso ang pagkakatanong dito, ang
kahihinatnan ay labis na pang-iinsulto sa mga Filipino. Bakit? Nakita natin na sa di-estriktong
gamit, ang salitang “pilosopiya” ay tumutukoy sa mga kaisipan, na maaaring binubuo ng mga
opinyon, pananaw, prinsipyo, at mga katulad nito, na hindi kailangang pilosopiko. Ang
pagkakaroon ng mga kaisipan, opinyon, prinsipyo, at iba pang mga katulad nito ay natural sa
isang tao bilang isang nilalang na may kamalayan at katuwiran. Dahil dito, kung itatanong
natin kung may mga kaisipan, opinyon, prinsipyo, at pananaw ang mga Filipino ay para na rin
nating itinanong kung ang mga Filipino ba ay mga tao o mga nilalang na may kamalayan at
katuwiran. Subalit kung ang pagtatanong sa kairalang ng Pilosopiyang Filipino ay kung may
mga Filipinong nakapagsulat ng mga akdang pilosopiko, ito ay makabuluhang itanong dahil
hindi naman lahat ng tao ay nagsusulat ng mga akdang pilosopiko. Bilang mga taong may
kamalayan at katuwiran, lahat ng mga Filipino ay natural na nag-iisip, subalit hindi lahat ay
natural na nag-iisip sa pilosopikong pamamaraan at isinusulat ang mga kaisipang pilosopiko
na ito.

II. ANG KATANGIANG FILIPINO: ANG INUURI AT MGA TANDA


Tingnan natin ngayon ang salitang “Filipino” sa “Pilosopiyang Filipino.” Una sa lahat,
ang salitang “Filipino” ay ginagamit dito bilang isang pang-uri ng salitang “Pilosopiya.” Ito
ay mas litaw sa salin ng “Pilosopiyang Filipino” sa wikang Ingles na “Filipino Philosophy.”
Dalawang bagay ang kailangang siyasatin tungkol sa katangiang Filipino: una, kung ano ang
inuuri ng katangiang ito sa kahulugan ng salitang “Pilosopiya”; at ikalawa, kung anong uri ng
katangian ito—sa partikular kung ito ba ay isang katangiang esensyal.

Ang Inuuri sa Kahulugan ng Pilosopiya


Nakita natin sa unang bahagi kung bakit mas nararapat unawain ang “Pilosopiya” sa
pananalitang “Pilosopiyang Filipino” sa estriktong gamit nito. Kung ating babalikan, para sa
estriktong gamit ng salitang “pilosopiya,” ang nasabing salita ay tumutukoy sa mga akda (o
mga kaisipian) na pilosopiko. Dalawang bagay ang mapapansing bumubuo sa kahulugan ng
pilosopiya sa estriktong gamit: (1) ang mga akdang taglay ang katangiang pilosopiko at (2)
ang katangiang pilosopiko. Alinsunod sa pagsusuri ni John Stuart Mill sa mga iba’t ibang uri

10
ng mga pangalan, ang salitang “pilosopiya” ay maihahanay sa mga tinawag niyang mga
pangalang konotatibo (“connotative name”), na ang kahulugan ay binubuo ng denotasyon
(tumutukoy sa bagay o mga bagay na tinutukoy ng salita) at konotasyon (tumutukoy sa
ipinapahiwatig na katangian o mga katangian).3 Ang denotasyon, halimbawa, ng salitang
“tao” ay ang mga partikular na tao samantalang ang konotasyon nito ay ang mga katangiang
tulad ng pagkakaroon ng katuwiran at pagiging malaya. Para naman sa salitang “pilosopiya,”
ang denotasyon nito ay ang mga akdang inuuring pilosopiko at ang konotasyon naman nito ay
ang katangiang pilosopiko ng mga nasabing akda. Ang tanong ngayon ay: alin sa dalawang
bagay na bumubuo sa kahulugan ng salitang “pilosopiya”—ang mga akdang pilosopiko (ang
denotasyon) o ang katangiang pilosopiko ng mga akdang ito (ang konotasyon)—ang inuuri ng
katangiang Filipino?
Pagmasdan ang pahayag na “Si Diane ay isang magaling na guro.” Sa pahayag na ito,
malinaw na ang sinasabing “magaling” ay ang pagiging guro ni Diane. Kung baga, bilang
isang guro, si Diane ay magaling. Dito ang inuuri ng “magaling” ay ang pagiging guro ni
Diane. Tingnan naman ngayon ang pahayag na “Si Diane ay isang Amerikanong guro.” Dito
ang sinasabing “Amerikano” ay hindi ang pagiging guro ni Diane kundi si Diane. Kung baga,
si Diane ay guro at siya ay Amerikano. Makikita dito ang dalawang uri ng pag-unawa sa kung
ano ang inuuri ng isang katangian sa isang tambalan ng dalawang katangian. Sa unang pag-
unawa, ang isang katangian ay inuuri ang katangiang katambal nito. Dito ang naturang
katangian ay may mataas na lebel sa katangiang katambal nito. Sa ating halimbawa, mas
mataas ang lebel ng katangiang magaling sa katangiang pagiging guro. Ang pagiging guro ay
inuuri si Diane samantala ang magaling ay inuuri ang pagiging guro ni Diane. Sa ikalawang
pag-unawa, ang isang katangian ay inuuri ang mga bagay na siya ring inuuri ng katangiang
katambal nito. Dito ang naturang katangian ay kasing lebel ng katangiang katambal nito. Sa
ating halimbawa, pareho ang lebel ng mga katangiang Amerikano at pagiging guro dahil
pareho nitong inuuri si Diane. Ngayon, alin sa dalawang pamamaraan ng pag-unawang ito
nararapat nating unawain ang katangiang Filipino sa Pilosopiyang Filipino? Ano ang inuuri
ng katangiang Filipino, ang mga akda (o mga kaisipan) ng siyang inuuri din ng katangiang
pilosopiko o ang pagkapilosopiko ng mga akdang ito? Ang katangiang Filipino ba ay mas
mataas ang lebel sa katangiang pilosopiko o kasinglebel nito?

11
Ang dapat isaalang-alang ay: kung uunawain natin ang “Filipino” bilang katangian ng
katangiang pagiging pilosopiko, hindi ba ito ay sasalungat sa sinabi natin kanina na ang
pilosopiya, sa estriktong pag-unawa nito, ay unibersal? Kung ang pilosopiya, tulad ng mga
disiplina ng matematika at agham, ay unibersal, wala itong dapat na pambansang identidad.
Samantala kung ang inuuri ng “Filipino” ay ang mga akda na taglay din ang katangiang
pilosopiko, hindi nito maaapektuhan ang unibersal na katangian ng pilosopiya. Dahil sa
konsiderasyong ito, nararapat lamang na unawain na ang inuuri ng “Filipino” ay ang mga
akda na siya ring inuuri bilang pilosopiko. Sa pananalita ni Mill, ang inuuri ng “Filipino” sa
“Pilosopiya” ay ang denotasyon ng “Pilosopiya,” hindi ang konotasyon nito. Ang
Pilosopiyang Filipino, samakatuwid, ay tumutukoy sa mga akdang parehong taglay ang mga
katangian ng pagiging Filipino at pagiging pilosopiko. Ang mga katangiang ito ay nasa
parehong lebel. Ganito din ang pag-unawa natin sa mga tinatawag na “Pilosopiyang Griyego,”
“Pilosopiyang Amerikano,” at iba pa. Ang Pilosopiyang Amerikano, halimbawa, ay ang mga
akdang parehong taglay ang mga katangian ng pagiging Amerikano at pagiging pilosopiko.
Kapag sinabi natin na ang akda ni John Searle ay isang gawa sa Pilosopiyang Amerikano, ang
ibig natin sabihin ay ang akda ni Searle ay pilosopiko at may Amerikanong katangian.
Ang kaigihan ng ganitong pag-unawa sa Pilosopiyang Filipino, bukod sa napapanatili
nito ang unibersal na katangian ng pilosopiya, ay madali nating makikita kung ano-ano ang
mga masasabing hindi Pilosopiyang Filipino. Una, mayroong mga akda na taglay ang
katangian ng pagiging pilosopiko ngunit hindi taglay ang katangian ng pagiging Filipino. Ito
ay maaari natin tawaging mga Pilosopiyang Di-Filipino. Ang mga halimabawa nito ay ang
mga tinatawag na “Pilosopiyang Aleman,” “Pilosopiyang Pranses,” “Pilosopiyang Griyego,”
at “Pilosopiyang Tsino.” Ikalawa, mayroong mga akda na taglay ang katangian ng pagiging
Filipino ngunit hindi naman taglay ang katangian ng pagiging pilosopiko.4 Ito ay maaari
naman natin tawaging mga Di-Pilosopiyang Filipino. Ang mga halimbawa nito ay ang mga
tinatawag na “Sikolohiyang Filipino,” “Sosyolohiyang Filipino,” at “Antropolohiyang
Filipino.” At ikatlo, mayroon ding mga akdang parehong hindi taglay ang mga katangian ng
pagiging pilosopiko at Filipino, at ito ay maaari natin tawaging mga Di-Pilosopiyang Di-
Filipino. Ang mga posibleng halimbawa nito ay ang mga tinatawag na “Antropolohiyang
Aleman” at “Sikolohiyang Pranses.”

12
Ang Mga Pelikulang Filipino at Esensyalismo
Anong uri ng katangian ang pagiging Filipino? Ano o ano-ano ang mga tanda nito?
Sagutin muna natin ito sa isang kontekstong pamilyar sa atin: ang mga pelikulang Filipino.
Ating itanong: Paano nagiging Filipino ang isang pelikula? Ano o ano-ano ang mga tanda o
kondisyon upang masabing taglay ng isang pelikula ang katangian ng pagiging Filipino?
Subukin nating isa-isahin at suriin ang mga posibleng kasagutan. Huwag na nating isali sa
ating imbestigasyon ang mga kasagutang di-seryoso, panlalait, o pampatawa tulad ng mga
puna na ang mga pelikulang Filipino, kapag drama, ay may sampalan at kung aksiyon naman
ay palaging sa huli (kapag natalo na ng bida ang mga kalaban sa bakbakan) dumarating ang
mga pulis (na kalimitang naka-jacket—kahit mainit ang panahon—at may nakataling puting
bimpo sa ulo).
Apat ang katangi-tangi sa mga posibleng kasagutan. Una, ang isang pelikula ay
maituturing na may katangiang Filipino kung ito ay ginawa sa bansang Filipinas. Ikalawa, ang
isang pelikula ay maituturing na may katangiang Filipino kung ang wikang ginagamit sa
pelikula ay wikang Filipino. Ikatlo, ang isang pelikula ay maituturing na may katangiang
Filipino kung ito ay nagsasalamin ng kultura ng mga Filipino. At ikaapat, ang isang pelikula
ay maituturing na may katangiang Filipino kung ang mga aktor at aktres ay mga Filipino.
Maaaring itanong kung mayroon sa mga tandang ito na maaaring tumayo bilang esensyal na
tanda, ibig sabihin, isang katangi-tanging tanda para sa pagka-Filipino ng isang pelikula.
Madaling maipakita na wala. Para sa unang tanda, mayroon din namang ilang pelikulang
Filipino na ginawa sa ibang bansa. May mga pelikula, halimbawa, si Dolphy na ginawa sa
ibang bansa, tulad ng “John and Marsha sa Amerika.” Ang isa pa ay ang mga pelikulang
nagpapakita sa kalagayan ng buhay ng mga Filipinong nagtratrabaho sa ibang bansa (tulad ng
mga pelikulang “Milan” at “Caregivers”). Para sa ikalawa, mayroon ding ilang pelikulang
Filipino na ang gamit ay wikang Ingles. Kung atin pang maaalala, may pelikulang ginawa
tungkol sa Edsa Revolution (ang pamagat nito, kung hindi ako nagkakamali, ay “Dangerous
Lives”) na pinangungunahang ng mga batikang aktor at aktres na Filipino at ang wikang
ginamit ay Ingles. Para sa ikatlo, mayroon ding ilang pelikulang Filipino na hindi
nagsasalamin ng kultura ng mga Filipino. Aking naaalala na may ginawang pelikula na
pinamagatang “Ang Munting Prensesa,” na bersiyong Tagalog lamang ng pelikulang
Hollywood na pinamagatang “The Little Princess.” At para sa ikaapat, may mga ilang

13
pelikulang Filipino din na ang bida o isa sa mga bida ay hindi naman Filipino. Ang mga
halimbawa ng mga pelikulang ito ay yaong mga pelikulang ginawa dito sa ating bansa ng mga
banyagang nananalo sa mga internasyonal na beauty contest (tulad ni Dayanara Torres) at ng
mga sikat na banyagang aktres at aktor (tulad ni Thalia ng “Marimar”).
Isa man lamang sa mga tandang nabanggit ay sapat upang mabigyan ng katangiang
Filipino ang isang pelikula, subalit wala sa kanila ang maaaring tumayo bilang esensyal na
tanda. Kung nangyari na maraming tanda ang pagka-Filipino ng isang pelikula, maaari nating
sabihin na mas ganap ang pagka-Filipino nito. Ang pelikulang gumagamit ng wikang Filipino,
ginawa sa bansang Filipinas, nagsasalamin ng kulturang Filipino, at pinagbibidahan ng mga
Filipino, ay mas ganap ang pagka-Filipino kaysa sa mga pelikang taglay lamang ang isa,
dalawa, o tatlo sa apat na tandang ito.
Ang posibilidad ng kawalan ng isang esensyal na kahulugan ang mga ilang salita tulad
ng “Filipino” ay una nang ipinakita ni Ludwig Wittgenstein (1953) sa kanyang pagbatikos sa
esensyalismo sa pag-unawa sa kahulugan ng mga panlahatang salita (general terms). Ayon sa
esensyalismo, ang kahulugan ng isang panlahatang salita ay ang iisang katangiang taglay ng
lahat ng mga bagay na itinuturing na saklaw ng panlahatang salita. Ang esensyalismo ay totoo
sa kaso ng mga siyentipikong panlahatang salita. Halimbawa, ang bawat isa sa mga hayop na
saklaw ng salitang “mammals” ay may isang parehong katangian: ang pagkakaroon ng
mammary glands. Subalit ang pagkakamali ng mga ilang pilosopo ay ang ipagpalagay na ang
lahat ng mga panlahatang salita ay makahulugan sa parehong paraan. Ipinakita ito ni
Wittgenstein sa pamamagitan ng pagsuri niya sa kahulugan ng salitang “laro”:
Tingnan halimbawa ang mga gawain na tinatawag nating mga “laro.” Ang ibig kong
sabihin ay yaong mga larong pangmesa, mga larong baraha, mga larong ginagamitan
ng bola, mga laro sa Olimpiada, at iba pa. Ano ang pinagkapareho ng lahat ng mga
ito?—Huwag mong sabihin na: “Meron dapat pinagkapereho ang mga ito, dahil kung
wala hindi matatawag ang mga ito na mga “laro”—sa halip ay tingnan at pagmasdan
mo kung meron ngang pareho sa lahat ng mga ito.—Dahil kung titingnan mo ang mga
ito wala kang makikitang bagay na pereho sa lahat, sa halip ang makikita mo ay ang
mga pagkakahawig, pagkakaugnay, at ang buong pagkakahanay ng mga ito. Uulitin
ko: huwag kang mag-isip, sa halip ay tingnan mo! (Wittgenstein 1953, sek. 66)
(sariling salin ng may-akda)

Ang kalimitang pagkakamali ng mga ilang pilosopo, ayon kay Wittgenstein, ay ang
akalain kaagad, bago pa man gumawa ng pagsusuri, na ang isang panlahatang salita ay
makahulugan dahil ito di-umano’y tumutukoy sa iisang katangiang taglay ng lahat ng saklaw

14
ng panlahatang salita. Kontra dito, ipinakita ni Wittgenstein na may mga panlahatang salita,
tulad na nga ng salitang “laro,” na ang mga bagay na saklaw nito ay walang iisang parehong
katangian kundi mga pagkakahawig lamang, na tinawag niyang mga “malapamilyang
pagkakahawig” (“family resemblances”) (1953, sek. 67). Tulad ng mga laro, ang pagka-
Filipino ng mga pelikulang Filipino ay hindi dahil sa iisang katangiang taglay ng bawat isang
pelikulang Filipino, kundi dahil sa mga malapamilyang pagkakahawig na pinagsasaluhan sa
iba’t ibang antas ng mga ito.

Ang Pagka-Filipino ng mga Akdang Pilosopiko


Ngayon, para sa pagsisiyasat sa mga kondisyon o tanda ng pagka-Filipino ng isang
akda sa pangkalahatan, maiging magsimula tayo sa mga walang-dudang katotohonan (ang
mga tinatawag na “truisms” o “self-evident truths”) tungkol sa kalikasan ng isang akda; at ang
mga katotohanang ito ay ang mga sumusunod. Una, ang isang akda ay tumatalakay sa isang
paksa. Ikalawa, ito ay isinulat ng isang tao (o higit sa isang tao) sa isang panahon at lugar. At
ikatlo, ito ay isinulat gamit ang isang wika.5 Hango sa tatlong katotohanang ito, ang isang
akda ay masasabing taglay ang katangiang Filipino kung (1) ito ay tumatalakay sa mga bagay-
bagay na may kinalaman sa bansang Filipinas (halimbawa, ng mga problemang may
kinalaman sa politika at kultura ng bansang Filipinas), (2) ito ay isinulat ng isang
mamamayang Filipino o ng isang taong nabuhay sa kontekstong pangkasaysayan (panahon at
lugar) ng bansang Filipinas, at (3) ito ay isinulat gamit ang wikang Filipino (o isang wika na
ginagamit sa bansang Filipinas).
Kanina ay nakita natin na ang mga kondisyon para sa pagkapilosopiko ng isang akda
ay kailangang taglay lahat ng isang akda para masabing pilosopiko ito. Para naman sa mga
kondisyon para sa pagka-Filipino ng isang akda, isa man lamang sa mga ito ang taglayin ng
isang akda ay sapat na upang masabing Filipino o may katangiang Filipino ang akdang ito.
Gayunpaman, may mga konteksto kung saan ang isa o dalawa sa mga kondisyong ito ay
ginagawang mga minimong kondisyon para sa pagka-Filipino ng mga akda. Ito ay isa na
lamang kunbensiyon, na hango sa kung alin sa mga naturang kondisyon ang inaakalang
kumbenyente o praktikal sa layunin ng mga nag-uuri ng mga akda bilang Filipino.
Ito ay makikita sa kung paano pinipili ng mga kawani ng aklatan ang mga akdang
ilalagay sa seksiyong Filipiniana sa aklatan. Ang mga akdang nasa seksiyong Filipiniana ay

15
mga akdang pinaniniwalaan ng mga kawani ng aklatan na mga Filipinong akda. Aking
minsan nakapanayam ang isa sa mga kawaning ito sa isang pamantasan na nagdedesisyon sa
kung ano-anong uri ng mga akda ang inilalagay sa seksiyong Filipiniana ng kanilang aklatan.
Ayon sa kanya, ang iba’t ibang mga pamantasan ay nagkakapareho sa dalawang sumusunod
na pamantayan. Una, ang lahat ng mga akdang isinulat sa wikang Filipino, may kinalaman
man sa bansang Filipinas o wala, at isinulat man ng mga Filipino o hindi, ay inilalagay sa
seksiyong ito. Ikalawa, inilalagay din sa seksiyong ito ang lahat ng mga akdang tumatalakay
sa mga paksang may kinalaman sa bansang Filipinas (kalimitan sa kasaysayan ng Filipinas),
isinulat man ng mga Filipino o ng mga banyaga, at isinulat man sa wikang Filipino o sa
wikang banyaga (kalimitan sa wikang Ingles).
Subalit, dagdag naman niya, nagkakaiba ang iba’t ibang pamantasan tungkol sa mga
akdang isinulat ng mga Filipino; at ang mga pamantasan ay magugrupo sa dalawa. Sa unang
grupo ay ang mga pamantasang inilalagay sa seksiyong Filipiniana ang lahat ng mga akdang
isinulat ng mga Filipino, may kinalaman man ang mga paksa ng mga akdang ito sa bansang
Filipinas o wala, at isinulat man ang mga ito sa wikang Filipino o sa isang wikang banyaga.
Sa ikalawang grupo naman ay ang mga pamantasan na inilalagay lamang sa seksiyong
Filipiniana ang mga akda na isinulat ng mga Filipino na tumutalakay sa mga paksang may
kinalaman sa bansang Filipinas, isinulat man ito sa wikang Filipino o sa isang wikang
banyaga. Sa partikular, para sa ikalawang grupo, kung ang isang akda ay isinulat ng isang
Filipino at ito ay isinulat hindi sa wikang Filipino (halimbawa ay ito ay isinulat sa wikang
Ingles) at ang paksang tinatalakay nito ay walang kinalaman sa bansang Filipinas, ang akdang
ito ay hindi inilalagay sa seksiyong Filipiniana kundi sa seksiyong pangsirkulasyon,
halimbawa sa seksiyong relihiyon o sosyolohiya, ayon sa kung saan tungkol ang akdang ito.
Sa disiplina ng pilosopiya, kalimitang makikita naman ang kumbensiyon sa pag-uuri
ng mga pilosopiya hango sa mga pambansang rehiyon. Upang maunawaan ito nang husto,
tingnan muna natin ang kumbensiyon sa pag-uuri o pagkaklasipika ng iba’t ibang uri ng
pilosopiya sa disiplina ng pilosopiya. Ang kumbensiyong ito ay makikitang hango sa walang-
dudang pahayag tungkol sa gawaing pilosopiko o pamimilosopiya: na ito ay may paksa o
problemang tinatalakay, gumagamit ng metodolohiya, at nangyayari sa isang partikular na
panahon at lugar. Batay sa palagay na ito, ang mga iba’t ibang uri ng pilosopiya ay
magugrupo ayon sa mga sumusunod na pamantayan: tema o paksa, metodolohiya, posisyon

16
(ang isinusulong na kasagutan sa tanong na tinatalakay), panahon ng pagkakaganap ng
pamimilosopiya, at lugar ng pagkakaganap ng pamimilosopiya. Sa mga pamantayang ito,
malinaw na ang mga tinatawag na Pilosopiyang Griyego, Aleman, Pranses, at iba pa ay mga
pilosopiyang inuri ayon sa lugar ng pagkakaganap ng pamimilosopiya. Tingnan natin ang mga
pamantayang ito nang mas detalyado:
1. Ayon sa tema o paksa. Ang mga iba’t ibang pilosopiyang batay dito ay kalimitang
tinatawag na mga sangay ng pilosopiya. Ang mga ilang halimbawa ay: lohika,
metapisika, epistemolohiya, etika, pilosopiya ng agham, pilosopiya ng relihiyon,
pilosopiyang panlipunan at pampolitika, pilosopiya ng pag-iisip, at pilosopiya ng
wika.
2. Ayon sa metodolohiya. Ang mga iba’t ibang pilosopiyang nakabatay dito ay
kalimitang tinatawag na mga tradisyon sa pilosopiya. Ang mga ilang halimbawa ay:
analitikong pilosopiya, penomenolohiya, ermenyutika, eksistensyalismo, at
feminismo.
3. Ayon sa posisyon. Ang mga iba’t ibang pilosopiyang nakabatay dito ay kalimitang
tinatawag na mga teoryang pilosopiko. Ang mga ilang halimbawa ay: materyalismo,
duwalismo, reaalismo, rasyonalismo, empirisismo, utilitaryanismo, hedonismo,
pragmatismo, deontolohismo, relatibismo, instrumentalismo, kumbensiyonalismo, at
konseptwalismo.
4. Ayon sa panahon. Ang mga iba’t ibang pilosopiyang nakabatay dito ay kalimitang
tinatawag na mga pilosopiyang pangkasaysayan. Sa Kanlurang pilosopiya,
halimbawa, ang kasaysayan ng pilosopiya ay kalimitang hinahati sa apat: Sinaunang
Pilosopiya (“Ancient Philosophy”), Medyibal na Pilosopiya (“Medieval Philosophy”),
Modernong Pilosopiya (“Modern Philosophy”), at Kasalukuyang Pilosopiya
(“Contemporary Philosophy”).
5. Ayon sa lugar. Ang mga iba’t ibang pilosopiyang nakabatay dito ay maaari nating
tawaging mga pilosopiyang pang-rehiyon. Ang dalawang pangkalahatang paghahati
ay ang Pilosopiyang Kanluran (“Western Philosophy”) at Pilosopiyang Silangan
(“Eastern Philosophy”). Kasama rin dito ang mga pilosopiyang umusbong at
yumabong sa iba’t ibang bansa, tulad ng mga Pilosopiyang Griyego, Pilosopiyang
Aleman, Pilosopiyang Pranses, at iba pa.

17
Hango sa mga pamantayang ito, ang Pilosopiyang Filipino, tulad ng mga Pilosopiyang
Amerikano, Pranses, at Griyego, ay isang uri ng pilosopiyang ginugrupo ayon sa rehiyon o
lugar na pinagganapan o pinaggaganapan ng pilosopiyang ito. Kung ang Pilosopiyang
Griyego ay ang mga pamimilosopiyang naganap sa bansang Griyego at ang Pilosopiyang
Aleman ay ang mga pamimilosopiyang naganap sa bansang Alemanya, ang Pilosopiyang
Filipino, samakatuwid, ay ang mga pamimilosopiyang naganap o nagaganap sa bansang
Filipinas.
Ngayon, ang pamimilosopiya bilang isang proseso ng kamalayan ay isang pribadong
pangyayari at samakatuwid ay nangangailangan ng mga kongkretong tanda para malaman
kung may pamimilosopiyang naganap o nagaganap sa isang lugar. Kung ang mga akda ang
mga kongkretong tanda ng pagganap ng pamimilosopiya, ang isang kongkretong tanda naman
ng pagkakaganap ng pamimilosopiya sa isang bansa ay ang pagkamamamayan ng pilosopo,
ng taong namimilosopiya, o ng may-akda ng akdang pilosopiko. Makikita natin na ang
pagkamamamayan ng may-akda ng akdang pilosopiko ay isang kumbenyenteng pamamaraan
lamang upang matukoy nang kongkreto ang lugar na pinagganapan o pinaggaganapan ng
pamimilosopiya. Ang pagkamamamayan sa panahon ngayon ay isa na lamang konseptong
legal at hindi tulad noong araw na ito ay kultural din. Hindi kataka-taka sa panahon ngayon,
halimbawa, na makakita tayo ng mga ilang Filipino na hindi masasabing Filipino ang mga
gawi, pananalita, at pisikal na anyo. Sa panahon ngayon, madali nang magpapalit-palit ng
pagkamamamayan at puwede pa nga na ang isang tao ay may dalawang uri ng
pagkamamamayan.
Sa kabuuan, isa man lamang sa mga tanda ng katangiang Filipino ang taglayin ng
isang akdang pilosopiko ay sapat na upang magkaroon ito ng katangiang Filipino, subalit may
mga kumbensiyon na nagtatakda ng isa o dalawang minimong tanda sa mga tandang ito ng
katangiang Filipino. At kung sa mas maraming tanda o kondisyon nagkaroon ng katangiang
Filipino ang isang akdang pilosopiko, mas yumayaman ang pagka-Filipino ng akdang ito.
Halimbawa, kung bukod sa Filipino ang sumulat ng isang akdang pilosopiko (ibig sabihin,
nangyari ang kanyang pamimilosopiya sa konteksto at lugar ng bansang Filipinas), ang
akdang ito ay sinulat pa sa wikang Filipino at may paksang tumatalakay sa kapakanan ng mga

18
Filipino. Sa sumusunod, nais kong ipaliwanag nang bahagya ang kahalagahan ng paggamit ng
wikang Filipino.
Ang isang kongkretong tanda para sa pagka-Filipino ng mga kategoryang ginagamit
ng isang akda ay kung ang wikang ginagamit ng akdang ito ay wikang Filipino. Ito naman ay
dahil sa ang wika ay isang depositoryo ng kultura, kung kaya ang paggamit ng isang wika sa
isang diskurso ay nangangahulugan na rin ng paggamit sa diskursong ito ng mga kategoryang
bumubuo o nakapaloob sa kulturang taglay ng wikang ito. Dapat isaalang-alang dito na ang
mga kategoryang Filipino ay maaaring likas (o katutubo) o inangkin (appropriated). Kung
likas, ito ay hindi kailangang kakaiba. Samantalang ang proseso ng pag-angkin ay isang
pamamaraan ng pagpapalawak ng isang kultura upang mas makasabay sa takbo ng panahon.
Ang pagiging likas ng mga kategorya ay makikita sa wika at ang pagpapalawak ng mga
kategoryang ito ay nangyayari rin sa wika. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng
paggamit ng wikang Filipino para maisulong ang ating pagka-Filipino sa kabuuan.

III. ISANG LOHIKONG PAGLALAGOM

Gamit ang sistema ng pagsisimbolong makikita sa aklat nina Irving Copi at Carl
Cohen na pinamagatang An Introduction to Logic (2008), susubukin ko ngayong ilahad ang
buod ng aking pagsusuri sa kahulugan at kairalan ng Pilosopiyang Filipino gamit ang wika ng
simbolikong lohika upang mas lumitaw ang estruktura o lohika ng pagkakaugnay-ugnay ng
aking mga isinulong na palagay at argumento. (Dahil ito ay pangunang pagtatangka pa
lamang na gamitin ang wikang Filipino sa pagpapahayag ng mga konsepto sa lohika, ito ay
maaari pang pagbutihin.)

1. Ang konsepto ng Pilosopiyang Filipino ay binubuo ng dalawang katangian: ang katangian


ng pagiging pilosopiko at ang katangian ng pagiging Filipino.
1.1. Ang katangian ng pagiging pilosopiko ay isisimbolo natin bilang “Px” na ang ibig
sabihin ay “ang x ay pilosopiko”, at ang pagiging Filipino naman bilang “Fx” na ang
ibig sabihin ay “ang x ay Filipino.”
1.2. Mga akda (o mga kaisipang ipinahayag sa mga akda) ang bumubuo ng sakop ng “x”
sa “Px” at “Fx”, ibig sabihin, mga akda ang mga makabuluhang ipalit para sa “x” ng
“Px” at “Fx”; at ito ay dahil ang mga ibubungang pahayag sa pagpalit ng mga akda

19
sa naturang “x” ay maaaring sabihing tama o mali (ang mga pahayag na ito ay may
“truth-value”).
 Ang “Px” at “Fx” ay mga halimbawa ng tinatawag sa lohika na “sentential
functions” [“propositional functions” para kay Bertrand Russell at “functions
whose values are truth-values” para kay Frege (sa “Function”)] na isasalin natin
bilang mga di-kompletong pahayag. Ang “x” dito ay tinatawag na “variable.”
[“Argument” ang tawag ni Frege (sa “Function”) para sa ipapalit sa “x”, “value”
para sa kahihinatnan ng pagpalit nito, at “value-range” para sa sakop nito.]
 Ang isang pahayag ay maaaring tama o mali. Samantala, ang isang di-
kompletong pahayag ay maaaring posible—kung ang bungang pahayag sa
pagkompleto nito ay minsan tama at minsan mali, imposible—kung ang bungang
pahayag sa pagkompleto nito ay palaging mali, at kailangan (“necessary”)—
kung ang bungang pahayag sa pagkompleto nito ay palaging tama.

2. Dahil ang pilosopiko at Filipino ay parehong katangian ng mga akda, ang kanilang
ugnayan sa konteksto ng pananalitang “Pilosopiyang Filipino” ay isisimbolo natin bilang
“Px · Fx” (o kaya ay “Fx · Px”—walang maiiba sa kahulugan kahit pagbaligtarin ang
ayos ng “Fx” at “Px” dito).
2.1. Ang “Px · Fx” ay posible at ang tambalang pahayag (“compound proposition”) na
ibubunga ng pagkompleto nito ay isang conjunction. Ito ay kaiba kung ituturing ang
Filipino bilang isang katangiang ang inuuri ay ang katangiang pilosopiko ng isang
akda, na maisisimbolo natin bilang “F(Px)” (Ibig sabihin, ang x ay pilosopiko at ang
pigiging pilosopiko nito ay Filipino.). Ang “F(Px)”, subalit, ay imposible dahil ang
katangiang Filipino ay sumasalungat sa katangiang unibersalidad ng katangiang
pilosopiko (ito ay magbubunga ng isang kontradiksiyon: ang pilosopiko ay unibersal
at di-unibersal nang sabay sa parehong pamamaraan).
2.2. Dahil isang conjunction ang bungang tambalang pahayag sa pagkompleto ng “Fx ·
Px”, ang tambalang pahayag na ito ay tama lamang kung parehong tama ang mga
partikular na bungang pahayag sa pagkompleto ng “Fx” at ng “Px.” (Ang isang
conjunction ay tama lamang kung parehong tama ang mga pahayag na bumubuo
dito; at ito ay mali kahit isa man lamang sa mga pahayag na bumubuo dito ay mali.)

20
3. Ang kasalungat ng “Px · Fx” ay “~(Px · Fx)”. Kung ang “Px · Fx” ay tumutukoy sa mga
akdang pilosopiko at Filipino, ang “~(Px · Fx)” naman ay tumutukoy sa hindi mga
akdang pilosopiko at Filipino (Ang “~” dito ay simbolo para sa negasyon ng isang
pahayag.). Tatlo ang posibleng kahulugan ng “~(Px · Fx)”:
 Una, “~Px · Fx”, na tumutukoy sa mga akdang hindi pilosopiko subalit Filipino;
 Ikalawa, “Px · ~Fx”, na tumutukoy sa mga akdang pilosopiko subalit hindi
Filipino;
 Ikatlo, “~Px · ~Fx”, na tumutukoy sa mga akdang hindi pilosopiko at hindi
Filipino.

4. Tungkol sa “Px” (mga akdang pilosopiko), kailan masasabing taglay ng isang akda ang
katangiang pilosopiko?
4.1. May tatlong pundamental na kondisyon:
 Una, kung ang isang akda ay tumatalakay sa isang pampundasyong paksa o
tanong, na isisimbolo natin bilang “Tx.”
 Ikalawa, kung ang isang akda ay gumagamit ng isang metodolohiyang
pampilosopiya, na isisimbolo natin bilang “Mx.”
 Ikatlo, kung ang isang akda ay nagsusulong ng mga palagay na sinusuportahan ng
mga argumento, na isisimbolo natin bilang “Ax.”
4.2. Dahil ang mga kondisyong ito ay kailangang mangyari lahat para sa isang akda para
masabing taglay ng akdang ito ang katangiang pilosopiko, ang ugnayan ng mga
kondisyong ito ay isisimbolo natin bilang “Tx · Mx · Ax”.
4.3. At dahil ang “Px” at “(Tx · Mx · Ax)” ay lohikong ipinahihiwatig ang isa’t isa
(“they logically imply one another”), isisimbolo natin ang kanilang ugnayan bilang
“Px ≡ (Tx · Mx · Ax)” [Ibig sabihin, ang x ay P kung at dahil lamang (“if and only
if”) ang x ay T, M, at A]. Ang tambalang pahayag na ibubunga ng pagkompleto ng
“Px ≡ (Tx · Mx · Ax)” ay isang biconditional, na tama kung parehong tama ang mga
bahaging pahayag at mali naman kung parehong mali ang mga bahaging pahayag.

21
5. Tungkol sa “Fx” (mga akdang Filipino), kailan masasabing taglay ng isang akda ang
katangiang Filipino?
5.1. May tatlong pundamental na kondisyon:
 Una, kung ang paksa ng akda ay may kinalaman sa kalagayan ng bansang
Filipinas o ng mga mamamayang Filipino, na isisimbolo natin bilang “Bx.”
 Ikalawa, kung gumagamit ang akda ng wikang Filipino, na isisimbolo natin bilang
“Wx.”
 Ikatlo, kung Filipino ang sumulat ng akda, na isisimbolo natin bilang “Sx.”
5.2. Dahil kahit isa man lamang sa mga kondisyong ito ang kailangang mangyari para sa
isang akda para masabing taglay ng akdang ito ang katangiang Filipino, ang
ugnayan ng mga kondisyong ito ay isisimbolo natin bilang “Bx v Wx v Sx.” Ang
“Bx v Wx v Sx” ay posible at ang tambalang pahayag na ibubunga ng pagkompleto
nito ay isang disjunction, na tama kahit na isa man lamang sa mga bahaging pahayag
nito ay tama (at ito naman ay mali lamang kung mali lahat ang mga bahaging
pahayag nito).
5.3. At dahil ang “Fx” at “(Bx v Wx v Sx)” ay lohikong ipinahihiwatig ang isa’t isa, ang
kanilang ugnayan ay isisimbolo natin bilang “Fx ≡ (Bx v Wx v Sx)” (Ibig sabihin,
ang x ay F kung at dahil lamang ang x ay B o kaya ay W o kaya ay S.).

6. Sa kabuuan, ang konsepto ng Pilosopiyang Filipino ay maisisimbolo bilang “(Px · Fx) ≡


[(Tx · Mx · Ax) · (Bx v Wx v Sx)]” (Ibig sabihin, ang x ay P at F kung at dahil lamang
ang x ay T, M, at X, at bukod dito, ang x ay B o kaya ay W o kaya ay S din.).
6.1. May mga kumbensiyong (tulad ng mga kumbensiyon ng mga kawani ng mga
aklatan) nagtatakda ng isa o dalawang minimong tanda para sa katangiang Filipino
ng isang akda. Isaalang-alang natin, halimbawa, ang kumbensiyong itinatakda ang
pagka-Filipino ng mga sumulat ng mga akda bilang isang minimong kondisyon para
sa pagka-Filipino ng mga akdang ito. Ito ay maisisimbolo natin bilang: “Fx ≡ {Sx v
[Sx · (Bx v Wx) ]}” (Ibig sabihin, ang isang akda ay F kung at dahil lamang ito ay S
o kaya naman, ito ay S at bukod pa dito ay B o kaya ay W rin). Kung isasaalang-
alang ang kumbensiyong ito sa mga akdang itinuturing ding pilosopiko, ganito ang

22
mangyayaring pagsimbolo sa Pilosopiyang Filipino: “(Px · Fx) ≡ ((Tx · Mx · Ax)·
{Sx v [Sx · (Bx v Wx)] })”

7. Ngayon, para sabihing mayroong Pilosopiyang Filipino, ang kailangan lamang ay kahit
isang akda lamang na parehong pilosopiko at Filipino.
7.1. Gagamitin natin ang simbolong “(Эx) (Px · Fx)” (o kaya, sa mas detalyadong
pamamaraan: “(Эx) [(Tx · Mx · Ax) · (Bx v Wx v Sx)]”) para ipahiwatig na
mayroong kahit isang akdang maaaring ipalit sa “x” na parehong taglay ang P at F, o
sa mas partikular na pananalita, mayroong kahit isang akdang pamalit sa “x” ng “Px
· Fx” na ang bungang tambalang pahayag (na isang conjunction) ay tama.
7.2. Ipagpalagay natin na ang akdang “z” ay parehong P at F; samakatuwid: “(Pz · Fz) 
[(Эx) (Px · Fx)]” (Ibig sabihin, kung ang akdang “z” ay pilosopiko at Filipino
mayroong kahit isang akdang pilosopiko at Filipino.) At kung mayroon ngang
akdang “z”, mayroong, sumakatuwid, Pilosopiyang Filipino.
 Ang simbolong “” ay nagpapahiwatig ng ugnayang kondisyonal, na isang uri
ng tambalang pahayag na mali kung ang batayang pahayag o “antecedent” ay
tama at ang kahihinatnang pahayag o “consequent” naman ay mali.
 Ang kahulugan naman ng simbolong “Эx”—na tinatawag na “existential
quantifier”—ay ipinapahayag sa wikang Ingles na “there is at least one
substitution instance of ‘x’”. Kapag inilagay ang “Эx” sa kaliwa ng isang di-
kompletong pahayag, ang ibig sabihin ay posible ang di-kompletong pahayag na
ito.

KONGKLUSYON
Hango sa ating pagsusuri, masasabing mayroong Pilosopiyang Filipino kung
mayroong kahit isa man lang na akdang parehong taglay ang mga katangiang pagiging
Filipino at pagiging pilosopiko. Ngayon, mayroon nga bang kahit isa man lamang na ganitong
akda? Hindi mapagkakailang mayroon. Tingnan na lamang natin ang mga nailathalang
pilosopikong sanaysay (ang ilan sa mga internasyonal na journal sa pilosopiya—dito walang
duda ang katangiang pilosopiko ng mga akdang ito) at aklat na isinulat ng mga Filipino sa
23
bansang Filipinas (ang ilan ay gamit pa ang wikang Filipino—iyong mga ilang nailathala sa
mga lokal na journal).
Bilang pagtatapos, nais kong sagutin nang mabilisan ang mga posibleng katuwiran
para isiping wala o wala pang umiiral na Pilosopiyang Filipino. Una, sinasabingwala pang
Pilosopiyang Filipino dahil wala pa namang Filipinong pilosopong kilala sa buong mundo.
Ang sagot natin dito ay iba ang usapin sa kasikatan ng Pilosopiyang Filipino sa usapin ng
kairalan nito. Hindi kailangang sikat o kilala ang isang bagay para ito ay umiral. May larong
boksing na sa Filipinas bago pa man naging tanyag si Pacquiao sa buong mundo, o kaya
naman ay may larong baseball sa Filipinas kahit pa man walang sikat na Filipinong manlalaro
nito. Ikalawa, sinasabing wala pang Pilosopiyang Filipino dahil wala pang nababasang
“Filipino Philosophy” sa mga antolohiya ng mga librong pilosopikong isinulat ng mga
banyaga. Ito ay katulad lamang ng naunang katuwiran. Matagal nang naririyan ang Boracay
bago pa man nailagay ang pangalan nito sa internasyonal na listahan ng magagandang
puntahan sa mundo. Ikatlo, sinasabing walang Pilosopiyang Filipino dahil wala namang isang
pandaigdigang pananaw ang mga Filipino. Maaari ngang wala o wala pang isang
pandaidigang pananaw ang mga Filipino subalit hindi kailangang magkaroon ng isang
pandaigdigang pananaw ang mga Filipino para sila ay mamilosopiya at sumulat ng mga
akdang pilosopiko. (Ang bansang Amerika ay tinaguriang isang “melting pot” dahil iba’t
ibang lahi ng mga tao na may kaniya-kaniyang kultura ang naninirahan dito, masasabi ba
nating may isang pandaigidigang pananaw ang mga Amerikano? Mayroon man o wala,
walang kinalaman ito sa katotohanang may masasabing Pilosopiyang Amerikano—at may
magagaling na mga pilosopong Amerikano. At ganoon din sa iba pang mga bansa.) At
ikaapat, maaaring sabihing wala namang Pilosopiyang Filipino dahil ang konseptong ito ay
isang kontradiksiyon: ang magkaroon ng katangiang Filipino ang isang pilosopiya ay
sasalungat sa katangiang unibersalidad ng pilosopiya. Ipinakita natin na tama ang palagay na
walang nasyonalidad ang pilosopiya (sa estriktong gamit ng salitang “pilosopiya”), subalit
ipinakita din natin na posible ring unawain ang konsepto ng Pilosopiyang Filipino na ang
inuuri ng katangiang Filipino ay ang mga akdang inuuri ring pilosopiko sa halip na ang
katangiang pilosopiko ng mga akdang ito. At para sa ganitong pag-unawa, ang kailangan
lamang para masabing may Pilosopiyang Filipino ay ang pagkakaroon ng kahit isa man
lamang na akdang pilosopikong may katangian din ng pagiging Filipino.

24
MGA TALA
________________

1. Maaaring isipin na may sirkularidad na nangyayari dito. Halimbawa, kung sabihin nating
“Ang pilosopiya ni Pedro sa pagmamaneho ay pilosopiko” maaaring isipin na tayo ay
umiikot lamang (o kaya ay isa lamang tawtolohiya ang ating sinabi, na bagama’t tama ang
ating sinabi ay wala naman tayong idinagdag na impormasyon). O kaya kung “Ang
pilosopiya ni Pedro sa pagmamaneho ay hindi pilosopiko” naman ang ating sinabi
maaaring isiping isang kontradiksyon ang ating pahayag (dahil paano nangyaring di-
pilosopiko ang isang pilosopiya?). Subalit, ipagpalagay nating ang ibig sabihin ng tao na
nagsabi ng “ang pilosopiya ni Pedro sa pagmamaheno” ay katulad ng ibig sabihin ng
taong nagsabi ng “five philosophies to enhance your love life” na tinalakay natin kanina,
na ang pilosopiya ni Pedro sa pagmamaneho ay tumutukoy lamang sa “tips” para sa
maingat na pagmamaneho upang maiwasan ang mga aksidente. Sa ganitong konteksto,
ang ibig sabihin samakatuwid ng “Ang pilosopiya ni Pedro ay hindi pilosopiko” ay “Ang
tips ni Pedro para sa maingat na pagmamaneho ay hindi mga ideyang pilosopiko,” kung
kaya walang kontradiksiyon dito. At ang ibig sabihin naman ng “Ang pilosopiya ni Pedro
sa pagmamaneho ay pilosopiko” ay “ang tips ni Pedro para sa maingat na pagmamaneho
ay mga ideyang pilosopiko” ay hindi isang pahayag na may sirkularidad, dahil ang
pahayag na ito ay maaaring tama o mali (ang pahayag na sirkular o isang tawtolohiya ay
palaging tama)—bagama’t sa aking pananaw ay mali. Ngayon, pagmasdan naman ang
pahayag na “Ang pilosopiya ni Russell tungkol sa lohika ay pilosopiko.” Ito ay isang
halimbawa ng pahayag na may sirkularidad, dahil dito, ang gamit ng salitang “pilosopiya”
ay estrikto. Makikita natin ito nang malinaw kapag isinalin natin ang pahayag na ito sa
“Ang mga pilosopikong ideya ni Russell tungkol sa lohika ay mga ideyang pilosopiko o
saklaw ng disiplina ng pilosopiya.” (Ang negasyon nito, samakatuwid, ay isang
kontradiksiyon.) Sa madaling salita, kung may sirkularidad (o kaya ay may
kontradiksiyon) na nangyayari sa ating pagtatanong na kung ang isang pilosopiya ay
pilosopiko o hindi ay depende kung ang gamit natin sa salitang “pilosopiya” ay estrikto o
di-estrikto.

2. Tingnan ang sanaysay ni Rudolf Carnap (1992) na pinamagatang “Empiricism, Semantics,


and Ontology” (1992) at ang sanaysay ni John Searle na pinamagatang “The Future of
Philosophy” (1999).

3. Ito ay salungat sa mga tinawag ni Mill na mga pangalang di-konotatibo (“non-connotative


name”) na ang kahulugan ay binubuo lamang ng denotasyon. Halimbawa, ang kahulugan
ng pangalang di-konotatibo na “Jose Rizal” (ang mga partikular na pangalan ng tao at
lugar, para kay Mill, ay mga pangalang di-konotatibo) ay ang partikular na tao lamang na
tinutukoy nito—ang denotasyon ng nasabing pangalan.

25
4. Halimbawa, ang mga akda ng ating mga pambansang bayani ay walang dudang may
katangiang Filipino, subalit kung ang mga ito ay pilosopiko o mga pilosopiya sa
estriktong gamit ay nangangailangan pa ng pagsusuri. Nagmumukhang parang isang
parangal ang madaliang pagturing sa mga kaisipan ng ating mga pambansang bayani na
mga halimbawa ng Pilosopiyang Filipino. Hindi man ituring ang kanilang mga kaisipan
na pilosopiko ay buo pa rin ang kanilang kagitingan at kabayanihan. Kapansin-pansin na
sa mga ibang bansa, hindi nila kailangang bigyan ng katulad na parangal ang kanilang
mga pambansang bayani. Ang mga akda ng mga bayani at presidente ng Amerika,
halimbawa ang mga akda ni Lincoln, Washington, o Kennedy, ay hindi naman nasasama
sa mga antolohiya ng mga akdang itinuturing na pumapailalim sa Pilosopiyang
Amerikano.

5. Dahil ang mga akda ay mga kaisipang naisulat, ang pagka-Filipino ng mga akda ay hango
lamang sa pagka-Filipino ng kamalayan. Ang intensiyonalidad o ang pagkadirekta ng
kamalayan sa mga bagay-bagay sa mundo (halimbawa, ang palaging pagkadirekta ng mga
paniniwala sa mga bagay bagay sa mundo—walang paniniwala kung walang
pinaniniwalaan) ang siyang dahilan ng posibilidad ng pagkakaroon ng katangiang Filipino
ang kamalayan. Bukod sa mga bagay-bagay na nakadirekta ang kamalayan, ang
pagkadirekteng ito ay nangyayari sa isang panahon at lugar at sa punto de bista ng isang
lupon ng mga kategorya. Ang paksa, panahon at lugar, at mga kategorya ng kamalayan
ang nagbibigay sa kamalayan ng isang pambansa o Filipinong identidad.

SANGGUNIAN

Cam, Philip. “Teaching to Philosophize." Regional High-Level Meeting on the Teaching of


Philosophy in Asia and the Pacific. Universtiy of the Philippines-Diliman. May 25,
2009. Lektura.
Carnap, Rudolf. “Empiricism, Semantics, and Ontology.” The linguistic Turn. Ed.
Richard Rorty. Chicago: The University of Chicago Press, 1992. 72-84. Limbag.
Copi, Irving, and Carl Cohen. eds. Introduction to Logic. 13th ed. New Jersey: Prentice-
Hall, 2008. Limbag
Frege, Gottlob. “On Sense and Reference.” Translations from the Philosophical Writings of
Gottlob Frege. Ed. P. Geach and M. Black. Oxford: Blackwell, 1960. 56-78. Limbag
---. “Function and Concept.” Translations from the Philosophical Writings of Gottlob Frege.
Ed. P. Geach and M. Black. Oxford: Blackwell, 1960. 21-41. Limbag.
Mabaquiao, Napoleon Jr. “Pilosopiyang Pilipino: Isang Pagsusuri.” Philippine Social Science
Review 55: 1-4 (1998): 203-215. Limbag
---. “Kahulugan at Kairalan.” Social Science Diliman 1: 2 (2000): 1-44. Limbag.
---. “Pilosopiya at Kamalayang Filipino.” Daluyan: Edisyong Pangmilenyo 2001 X: 1 (2001):
236-42. Limbag.
---. “Isang Pagsusuri sa Konsepto ng Kamalayang Filipino.” Daluyan: Edisyong Pangmilenyo
2001 X: 1 (2001): 243-254. Limbag.
---. “Ang “‘Tunay na Dekalogo’ ni Mabini Bilang Isang Akda sa Pilosopiyang Pilipino.”
Daluyan XIV: 1 (2007): 77-96. Limbag.
26
---. “Globalisasyon, Kultura, at Kamalayang Pilipino.” Malay 19:3 (2007): 79-94. Limbag
Mercado, Leonardo. Elements of Filipino Philosophy. Manila: Arnoldus Press, Inc., 1976.
Limbag.
Mill, John Stuart. “Of Names.” Basic Topics in the Philosophy of Language. Ed. Robert
Harnish. New York: Harvester Wheatsheaf, 1994. 133-141. Limbag.
Russell, Bertrand. “The Philosophy of Logical Atomism.” Logic and Knowledge, Essays
1901-1950. Ed. R. C. Marsch. London: Allen and Unwin, 1956. 177-278. Limbag.
Ryle, Gilbert. The Concept of Mind. New York: Barnes and Noble, 1965. Limbag.
Searle, John. “The Future of Philosophy.” The Royal Society 354 (1999): 2069-2080. Web 17
October 2008.
Timbreza, Florentino. Sariling Wika at Pilosopiyang Filipino. Quezon City: C & E
Publishing, Inc., 2008. Limbag.
Wittgenstein, Ludwig. Tractatus Logico-Philosophicus. Trans. D. F. Pears and B. F.
McGuinness. London: Routledge and Kegan Paul, 1974. Limbag.
---. Philosophical Investigations. Trans. G. E. M. Anscombe. New York: The Macmillan
Company, 1953. Limbag.

27

You might also like