Baluktot sa tuwid, tuwid sa baluktot, Sunod sa pinunong walang sinusunod, Dinidiyos silang hindi naman Diyos
Tatsulok ang mundo, ang mundo'y tatsulok
Lubos na ngang api'y apihin pang lubos, Lumuhod sa lusak dahil pinaluhod Ng krus ng gahamang takot naman sa krus
Tatsulok ang mundo, ang mundo'y tatsulok
Kaloob sa dukha'y ikulong sa loob, Handog ang parusang hindi maihandog Sa lugod ng ilang sagana sa lugod!
Tatsulok ang mundo, ang mundo'y tatsulok
Nabulok ang hilaw, nahinog sa bulok Lusot ang kakamping 'di dapat lumusot Tinubos sa putik ng gintong pantubos
Tatsulok ang mundo, ang mundo'y tatsulok
Bangungot sa gising, gising sa bangungot Hambog na pangako at nangakong hambog Ginamot ang lason ng lason ding gamot!
Bilog itong mundo ngunit tinatsulok
Tatsulok na mundong tayo'y binibilog Bukod ang itaas, sa baba'y 'di buklod Buklod sa ibaba'y pinagbukod-bukod. Sinumang salungat, tiyak matutuos Lunod ang himutok, sunog sa batikos Anhin ang panuring kung panay pang-angkop? Patay na isda lang ang sunod sa agos
Lingkod sa busabos? Banyaga'y kinupkop
Busabos sa lingkod? Alagang dayukdok Hikahos nang una'y lalong naghikahos Ang hayok nang una'y lalong naging hayok