Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 9

1.

Hindi masamang maghangad subalit sa paghahangad ng tao na guminhawa ang


kanyang buhay dito sa mundo, nakaligtaan nya ang mas mahalagang kaginhawaan na
kailangan nyang makamtan sa Kabilang Buhay. Sya ay nalinlang ng mga
makamundong kayamanan at tuluyang itinuon ang atensyon sa pagpaparami na
kanyang salapi’t ari-arian hanggang sa napabayaan nya ang kanyang mga obligasyon
sa Allah na syang magiging sanhi ng kanyang kasawian.

Sinabi ng Allah: “Nalinlang kayo sa pagsunod sa Allâh ng inyong pagmamayabang sa


pamamagitan ng pagpaparami ng kayamanan at mga anak. At patuloy kayo sa
kahibangan at pagkalinlang na ito hanggang sa kayo ay makarating sa mga libingan, at
inilibing kayo roon. Hindi ganito ang nararapat, na kayo ay magpalinlang sa
pamamagitan ng pagpaparami ng inyong kayamanan, walang pag-aalinlangan,
mapapatunayan ninyo, na ang buhay sa Kabilang-Buhay ang mas higit na makabubuti
para sa inyo. Muli, hindi ganito ang nararapat, na kayo ay magpalinlang, bagkus ay
mag-ingat kayo dahil walang pag-aalinlangang mapapatunayan ninyo ang masamang
bunga ng pagkalinlang sa inyo. Hindi ganito ang nararapat, na kayo ay magpalinlang sa
pamamagitan ng pagpaparami ng inyong kayamanan, kung batid lamang ninyo ang
tunay na kaalaman ay lalayo kayo mula rito, at kaagad ninyong ililigtas ang inyong mga
sarili mula sa pagkawasak, At walang pag-aalinlangang makikita ninyo ang
naglalagablab na Apoy ng Impiyerno. At muli, walang pag-aalinlangan na ito ay
katiyakang makikita ninyo! Pagkatapos, katiyakang tatanungin kayo sa Araw ng Muling
Pagkabuhay sa lahat ng uri ng mga biyaya na ipinagkaloob sa inyo.
(SurahTakathur, Verse 1-8)

Sinabi pa ng propeta sallallahu ‘alayhi wasallam: “Ang Oras (Araw ng Paghuhukom) ay


nalalapit na, habang ang mga tao nama’y mas lalong nagiging sakim sa mga
makamundong bagay at mas napapalayo sa Allah.” (Al-Hakim)

Iniisip ba ng tao na sya ay mamamalagi dito sa mundo habang buhay? Nakakalungkot


isipin na nawaglit sa kanyang isipan na ang buhay sa mundong ibabaw ay
pansamantala lamang at katotohanan na sya’y muli ring magbabalik sa Allah.

Sinabi ng Allah: “O aking sambayanan! Ang buhay dito sa daigdig na kung saan
nasisiyahan ang mga tao ay napakabilis lamang, pagkatapos ay magtatapos at
maglalaho, na kung kaya, huwag kayong mahumaling nang labis dito, dahil ang buhay
sa Kabilang-Buhay na kung saan nandoroon ang patuloy na kaligayahan ay siyang
inyong pananatilihan, na kung kaya, nararapat na ito ay unahin at gumawa kayo para
rito ng mabuting gawa na ikaliligaya ninyo roon.” (Surah Ghafir, Verse 39)

#muntingPaalala
2. Nagpasalamat ka na ba sa Allah? Kapag nakakatanggap tayo ng regalo ay lubos
ang pasasalamat natin sa taong nagbigay nito subalit naisip ba natin ang mga regalo o
biyaya na ibinigay ng Allah sa atin? Ang ating paningin, pang-amoy, pandinig at panlasa
ay ilan lamang sa mga biyaya ng Allah na dapat nating ipagpasalamat. Ito’y regalo mula
sa Kanya na kahit hindi pa man natin hiniling ay ipinagkaloob Nya sa atin. Katotohanan
na napakaraming biyaya ang ating natamo, sinabi ng Allah:

“At ipinagkaloob sa inyo ang lahat ng inyong mga kahilingan, at kahit bilangin pa ninyo ang lahat ng mga
Biyaya ng Allâh na ipinagkaloob sa inyo ay hindi kayo magkakaroon ng kakayahan na mabilang ang mga ito;
dahil sa dami at iba’t ibang uri nito…” (Surah Ibrahim, Verse 34)

Sinabi ni Salmân al-Fârsî (RA): May isang lalaki na nabiyayaan ng napakaraming yaman dito sa
mundo, subalit isang araw ang lahat ng ito’y binawi ng Allah mula sa kanya. Sa kabila ng
kanyang sinapit ay nanatili syang mapagpasalamat sa Allah. Tinanong sya ng isang lalaki na
nabiyayaan rin ng maraming kayamanan mula sa Allah, “Ano ba ng iyong ipinagpapasalamat sa
Allah?” Sumagot ang lalaki, “Nagpapasalamat ako sa Allah sa mga biyayang ipinagkaloob nya
sa akin na kung sakali mang hilingin sa akin ng iba na ibigay ito sa kanila kapalit ng lahat ng
kanilang kayamanan ay hinding-hindi ko ipagpapalit ang mga biyayang ito. “At ano naman ang
mga iyon?” tanong ng ikalawang lalaki. Tumugon ang unang lalaki, “Hindi mo ba nakikita?
Mayroon akong mata, dila, kamay paa…”

Mga kapatid sa Islam, ugaliin nating magpasalamat sa Allah sa mga biyayang ipinagkaloob Nya
sa atin. Ipakita natin ito sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan at pag-iwas sa
Kanyang ipinagbawal.

Mga kapatid sa Islam, ang pagpapasalamat sa Allah ay magdudulot ng mas marami pang mga
biyaya mula sa Kanya, sinabi ng Allah:

“…kapag kayo ay nagpasalamat sa Kanyang mga Biyaya ay katiyakan na daragdagan pa Niya ito sa inyo
mula sa Kanyang Kagandahang-Loob…” (Surah Ibrahim, Verse 7)

Nagpasalamat ka na ba sa Allah?

#muntingPaalala
3. Bismillah! Sa panahon ngayon, marami sa atin ang nagmamaktol o
nagrereklamo dahil sa kakaunti lamang ang natatanggap na biyaya mula sa Allah.
Labis tayong nag-aalala kung saan natin kukunin ang pang-araw-araw na kakainin
na kung kaya’t halos lahat ng maisipan nating pagkakitaan ay pinapasok natin
upang may maipantustos lamang sa pamilya. Subalit sa kasamaang palad ang ilan
sa atin ay kumakapit na sa patalim sa halip na sa Allah. Hindi na natin alintana na
ang ating pinagkakakitaan ay nahuhulog na sa haram. Napipilitan ng gumawa ng
masama ang ilan sa atin upang may maipantawid gutom lamang. Subalit sapat na
bang dahilan ang pagkagutom upang tayo’y magnakaw, magbenta ng mga
ipinagbabawal na gamot o kaya’y kumitil ng buhay ng tao? Nanaisin ba nating
makahulagpos sa tanikala ng kahirapan habang ang iba ay masasaktan,
maghihirap o kaya’y masisira ang buhay ng dahil sa kagagawan natin?

Kung atin lamang pagninilayan ang sinasabi sa Qur’an, matatagpuan natin ang
mga sagot sa ating mga katanungan. Narito ang ilan sa mga paraan upang
madagdagan ang ating biyaya sa Allah ay:

1. Taqwa (Pagkatakot sa Allah)

Sinabi ng Allah: “…At sinuman ang may takot sa Allâh na ginagawa niya ang
anumang ipinag-utos sa kanya at iniiwasan niya ang anumang ipinagbawal ay
ipagkakaloob sa kanya ng Allâh ang solusyon upang siya ay makalabas sa lahat ng
kagipitan, At ipagkakaloob sa kanya ang mga kaparaanan ng kabuhayan na hindi
kailanman sumagi sa kanyang kaisipan at hindi niya ito kailanman inaasahan na
magaganap…” (Qur’an 65:2-3)

2. Pagbabalik loob at Paghingi ng Kapatawaran sa Allah

Sinabi ng Allah: “Na aking sinabi sa aking sambayanan: ‘Hilingin ninyo ang
kapatawaran ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa inyong mga kasalanan, at
magsisi kayo sa Kanya mula sa inyong di paniniwala, dahil katiyakang ang Allâh
ay Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisi mula sa Kanyang alipin at
nagbalik-loob sa Kanya. Kung kayo ay magsisisi at hihingi ng kapatawaran ay
ibababa ng Allâh sa inyo ang masaganang tubig-ulan, at gagawin ng Allâh na
masagana sa inyo ang inyong kayamanan at pararamihin ang inyong mga anak,
at ililikha kayo ng mga hardin upang lumigaya kayo sa mga bunga at ganda nito,
at igagawa kayo ng mga ilog na kayo ay iinom mula roon at didiligan ang inyong
mga pananim at paiinumin ang inyong mga inaalagaang hayop.” (Qur’an 71:10-
12)

3. Pagtitiwala sa Allah

Sinabi ng Allah: “At sinuman ang ipinauubaya niya ang kanyang sarili sa Allâh ay
sapat na ang Allâh sa kanya sa anuman na kanyang suliranin sa lahat ng larangan
ng kanyang buhay. Katiyakan, ang Allâh ay ganap na ganap ang Kanyang
Kautusan, na walang makalalampas sa Kanyang kaalaman, na nagaganap ang
anuman na Kanyang nais. Katotohanan, nagtakda ang Allâh sa lahat ng bagay ng
katapusan at limitasyon (dito sa daigdig), at pagtatakda na hindi kailanman
makalalampas dito ang anuman.” (Qur’an 65:3)

Iwaksi natin sa ating mga isipan ang paggawa ng masama. Magtiwala tayo sa
Allah.
Sinabi ng propeta sallallahu ‘alayhi wasallam: “Kung magtitiwala lamang kayo sa
Allah nang pagtitiwalang nararapat sa Kanya, pagkakalooban nya kayo ng biyaya
tulad ng pagkakaloob nya ng biyaya sa mga ibon. Lalabas sila (maghahanap sila ng
makakain) sa umaga ng walang laman ang tyan at babalik (sa kanilang mga pugad)
na busog. (Ahmad & Tirmidhi)

#SaligKaMan
#MuntingPaalala

Bismillah! Sa tuwing aking mapagmamasdan ang mga ibong lumilipad sa himpapawid, labis akong
namamangha sa kung paano nila nagagawa iyon. Sa bawat pagkampay ng kanilang mga pakpak at
indayog ng munti nilang katawan ay tila bang sila’y nakikipagsayaw lamang sa hangin. Saan nanggaling
ang kanilang kakayahang lumipad? Paano nila nababalanse ang kanilang katawan? Bakit di sila
nahuhulog? Anong aral ba ang kanilang nais iparating sa atin? Mga katanungang namumuo sa aking
isipan. Hanggang aking magunita ang sinabi ng Allah:

“Nakalimutan ba nila na mga walang pananampalataya, at hindi ba nila napagmasdan ang mga ibon sa itaas
nila, na nakadipa ang kanilang mga pakpak habang ang mga ito ay lumilipad sa himpapawid, at minsan ay
tinitiklop nito ang kanilang mga pakpak? Na walang sinumang nag-aalaga sa mga ito upang ito ay hindi
bumagsak bukod sa Allâh na Pinakamahabagin. Katiyakan, Siya ay ‘Baseer’ – Ganap na Tagapagmasid ng lahat
ng bagay na walang anumang makikita na kakulangan at pagkakasalungatan sa Kanyang mga nilikha.”
(Qur’an, 67:19)

Gunitain natin ang sinabi ni Ibn Qayyim:

“Ang puso ng isang mananampalataya sa kanyang paglalakbay patungo sa Allah ay katulad ng isang ibon. Ang
Pagmamahal ang syang ulo nito habang ang Takot at Pag-asa (para sa Allah) ang dalawang pakpak nito. Kapag
ang ulo nito’y malusog, lilipad ng maayos ang dalawang pakpak. Kapag nawala ang ulo, mamamatay ang ibon.
At kapag alinman sa dalawang pakpak nito ang nasira, madali syang magiging biktima ng bawat mangangaso
(hunter) at maninila (predator).

Ang mga nilikha ng Allah ay hindi lamang palamuti sa kapaligiran bagkus nagpapakita ito ng Kadakilaan at
walang hanggang Kapangyarihan Nya. Pagmasdan natin ang kapaligiran, ang kalangitan at kalupaan, o sa
ating mga sarili, hindi ba natin nakikita ang mga tanda ng Allah? Sinabi ng Allah:

“Walang pag-aalinlangan, ipakikita Namin sa kanila na mga hindi naniwala ang Aming mga palatandaan sa
mga kalangitan at kalupaan, at ang anumang ginagawa ng Allâh dito sa dalawang ito na mga dakilang
pangyayari, at sa kanila mismong mga sarili at ang mga nasa loob nito na mga kamangha-manghang
palatandaan ng Allâh at Kanyang mga magagandang nilikha, hanggang mapatunayan nila mula sa mga
palatandaang ito ang patunay na walang pag-aalinlangang ang Banal na Qur’ân ay katotohanan na ipinahayag
mula sa Allâh na Tagapaglikha ng lahat ng nilalang. Hindi pa ba sapat sa kanila ito bilang tanda na ang Banal
na Qur’ân ay katotohanan, at ang sinumang nagdala nito ay totoo bilang pagtitestigo ng Allâh? Katiyakan, ang
Allâh ay ‘Shaheed’ – Saksi na Siya ay tumitestigo rito bilang patunay na Siya ay Ganap na Nakababatid sa lahat
ng bagay, at wala nang hihigit pa na mas dakila kaysa sa pagtestigo ng Allâh.” (Qur’an, 41:53)

#MuntingPaalala

Bismillah! Lahat tayo ay dumaraan sa pagsusulit. Iba’t ibang uri ng pagsusulit na kung saan ang bawat
isa’y nagsusumikap na makapasa. Sa paaralan, kinakailangan mong ipasa ang mga pagsusulit upang
makapagpatuloy sa susunod na antas o lebel at hindi mo maipapasa ito kung hindi ka nag-aral ng
mabuti. Ganun din naman sa buhay ng tao, may mga pagsusulit/pagsubok na dumarating sa ating buhay
na kung saan kailangan nating ibigay ang lahat ng ating makakaya upang maipasa ang mga pagsusulit na
ito o mapagtagumpayan ang mga pagsubok. May kasabihan na “Man jadda wajadahu”, kung sino man
nagsumikap o pinaghirapan nya ang isang bagay ay makakamit nya ang bunga nito. Sa pagsusulit ay di
maiwasang may bumabagsak sa kadahilanang hindi sya nag aral ng mabuti o kaya’y di nya naintindihan
na ang pagsusulit ay pahirap ng pahirap sa katagalan. Sa patuloy na paglalakbay natin dito sa mundo,
parami ng parami at pahirap ng pahirap rin ang ating mga pagsusulit/pagsubok hanggang sa tayo’y
magbalik na sa Allah.

Sinabi ng Allah: “ Wa’bud rabbaka hatta ya’tiyakal yaqeen” (Sambahin mo ang iyong Rabb hanggang sa
datnan ka ng kamatayan) [Qur’an, 15:99].
Bismillah! Assalamu ‘Alaykum!

LAHAT AY MAY HANGGANAN, KAMATAYAN AY DI MATATAKASAN

Sinabi ng Allah: ““Kahit saan man kayo naroroon ang kamatayan ay darating sa inyo, kahit saang lupalop
man kayo, kahit na kayo ay nasa loob ng inyong mga kuta na itinayo nang pagkatatag-tatag na malayo sa
mga lugar ng labanan, at kapag dumating ang nakatakdang panahon sa inyo ay mamamatay kayo.” (Qur’an,
4:78)

Hindi na mabilang ang dami ng tao na namuhay dito sa mundo. Iba’t ibang lahi na may ibat’ibang
kultura. Tumatak sa kasaysayan ang mga pangalan ng iilan, habang ang iba naman ay tuluyan ng
nakalimutan. Subalit lahat sila ay may dalawang pagkakapareho; una, sila’y iniluwal mula sa
sinapupunan ng kanilang mga ina, ikalawa, lahat sila’y dumaan sa kamatayan.

Sinabi ng Allah: “Ang bawa’t may buhay ay matitikman ang kamatayan at sa pamamagitan nito babalik ang
mga nilikha sa Allâh na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha upang sila ay hukuman. (Qur’an, 3:185)

Ang araw (sun) ay biyaya sa ating ng Allah. Nagbibigay ito ng liwanag at init na kinakailangan natin upang
mabuhay. Gayundin sa mga hayop at halaman. Subalit may isa pang aral na maaari nating makuha mula
sa araw. Sumisikat ang araw subalit hindi ito magtatagal at lulubog din. Tulad ng ating buhay dito sa
mundo, ipinanganak tayo at siguradong hindi rin magtatagal, darating ang araw na mahihimlay din tayo
sa ating mga libingan.

Sinabi ng Allah: “Kami ay mga aliping pagmamay-ari ng Allâh, Siya ang Namamahala sa lahat ng bagay para
sa amin, ginagawa Niya ang anumang Kanyang nais, at katiyakang babalik kami sa Kanya kapag kami ay
namatay na, at pagkatapos nito ay bubuhayin kaming mag-uli sa Araw ng Muling Pagkabuhay para sa
paghuhukom at pagbabayad.” (Qurán, 2:156)

May isang kwento (though I’m not sure if it’s authentic or fictional) na maaaring kapulutan ng aral. May
isang lalaking nakipagkasundo sa anghel ng kamatayan (Izraeel) na kung sakaling sya ay susunduin na ng
anghel ay hindi sya magrereklamo basta bigyan lamang sya ng abiso o kaya’y padalhan muna ng
mensahe. At naganap na nga ang kasunduan. Lumipas ang mahabang panahon, ang mga araw ay naging
buwan at ang mga buwan ay naging taon. Isang gabi muling bumisita ang anghel ng kamatayan sa lalaki.
Nagulat ang lalaki at sinabing, “Ang aga mo namang pumarito, hindi ka man lang nagbigay ng abiso o
nagpadala ng mensahe. Hindi ba’t may kasunduan tayo? Sumagot ang anghel, “Hindi mo ba napansin
ang iyong buhok na dati ay itim subalit ngayo’y maputi na. Hindi mo ba namasdan sa salamin na ang
iyong mukha ay kulubot na? Katotohanan na pinadalhan kita ng mensahe (i.e mga senyales ng pagtanda)
sa mga nagdaang taon ng iyong buhay. Tinupad ko ang ating kasunduan. Hindi ka man handa sa
pagdating ko subalit hindi maaaring ipagpaliban pa ang kautusan ng Allah.

Sinabi ng Allah: “At kailanman ay hindi na iaantala ng Allâh ang sinumang may buhay kapag dumating na ang
kamatayan nito, at nabuo na niya ang nakatakdang buhay na para sa kanya.”(Qur’an, 63:11)

#MuntingPaalala
MAY KASAMA KA

Di ka man biniyaan ng yaman sa mundo,


Pagpapasalamat pa rin sana ang laman ng iyong puso,
Ika’y magtiis at manatiling kuntento,
Sa mga bagay na ipinagkaloob sa iyo.

Datapuwat ang puso’y sadyang kayrupok


Nawa’y maging matatag ka sa mga pagsubok,
Buong tapang na harapin habang nakangiti,
Kahit pa ilang laban, in sha Allah ika’y magwawagi.

Dumanas ka man ng pighati’t kasawian,


Tandaan mo ang Allah ay laging nariyan.
Sasamahan ka Nya, di ka iiwan,
Magsisilbing ilaw mo sa karimlan.

Di mo man mawatasan ang ilang mga bagay,


Tandaan mo ang Tadhana ay nasa Kanyang kamay.
Anumang naisin Nya ang higit na makabubuti,
Kahit ito’y masakit, labag sa iyong sarili.

Huwag kang sumuko sa hamon ng buhay,


Magpatuloy ka hanggang maabot ang tagumpay,
Ang Allah ang Dakila’t tunay na Mahabagin.
Di nya pababayaan ang Kanyang alipin.
MAKAMUNDONG DAGAT

Bismillah! Napakagandang pagmasdan ang karagatan subalit sa kabila ng


kagandahang taglay nito ay maaari rin nitong tapusin ang buhay ng isang tao
(pagkalunod).

Ang buhay sa mundo ay katulad ng dagat, at ang ating mga puso ang nagsisilbing
barko natin. Maaari nating gamitin ang dagat upang makapaglayag at maabot ang
mga lugar na nais nating puntahan. Subalit ang dagat ay gamit lamang, gamit
upang makapaghanap ng makakain, gamit upang makapaglakbay at gamit upang
hanapin ang mas mataas na hinahangad. Dinaraanan lamang natin ito at
kailanma’y hindi natin inisip na mamalagi rito. Anong mangyayari kapag tayo’y
nanatili sa dagat? Hindi maglalaon, tayo ay malulunod.

Habang ang tubig-dagat ay nananatiling nasa labas ng barko, ang barko ay


lulutang at mananatiling kontrolado. Subalit ano ang magyayari kapag ang tubig-
dagat ay pumasok na sa barko? Anong mangyayari kapag ang
dunya/makamundong bagay ay hindi na lamang isang gamit? Anong mangyayari
kapag ang dunya ay pumasok na sa ating mga puso?

Ang barko ay lulubog. Ang puso ay magiging alipin na ng makamundong


pagnanasa. At ang dunya na dati nating kinukontrol ang sya ng may kontrol sa atin
ngayon.

Upang manatiling nakalutang sa dagat ng kamunduhan, ating pagmasdan sa


parehong paraan, sinabi ng Allah:
“Katiyakan, sa paglikha ng Allâh ng mga kalangitan at kalupaan nang walang pinanggayahan, at sa pagpapalit
ng gabi at araw, at pag-iiba-iba nito sa haba at sa iksi ay malilinaw at dakilang mga palatandaan na
nagpapatunay sa Kaisahan ng Allâh para sa mga taong may pang-unawa at may matutuwid na pag-iisip.”
(Qur’an 3:190)

Nilikha ang mundo/dunya upang ating magamit. Hindi nating kailangang iwasan ang dunya upang maging
mabuting mga Muslim.
Iniulat ni Anas (RA): “May tatlong taong pumunta sa bahay ng mga asawa ng propeta sallallahu ‘alayhi
wasallam upang magtanong kung paano ba sumamba ang propeta (saw). Nang kanilang malaman, naisip
nilang magaan lamang iyon at nagwika: “Nasaan tayo kumpara sa propeta (saw) na ang kanyang nauna at
susunod pang pagkakamali ay pinatawad na ng Allah?” Isa sa kanila ay nagwika: “Magsasalah (magdarasal)
ako buong magdamag.” Ang sabi naman ng isa, “Mag aayuno ako at hindi ko ito ititigil.” At ang isa nama’y
nagsabi: “Iiwasan ko ang mga babae at hindi na ako mag-aasawa.” Nang malaman ito ng propeta ay pumunta
sya sa mga taong ito at sinabing, “Kayo ba ang nagsabing ganito at ganito? Isinusumpa ko sa Allah na ako sa
inyo ang mas higit na may takot sa Kanya subalit ako’y nag-aayuno at tinitigil ko rin ito (breaks the fast), ako’y
nagdarasal at natutulog rin, at ako’y nag-aasawa rin sa mga kababaihan. Sinumang umayaw sa aking Sunnah
(kabilang na ang pagtatakwil o pagmamaliit) ay hindi kabilang sa akin.” (aw kamaa qaala sallallahu ‘alayhi
wasallam) [Bukhari at Muslim]

Ilan sa mga sahaba o kasamahan ng propeta sallallahu alayhi wasallam ay mayayaman o nagtataglay din ng
mga kayamanan. Hindi nila hiniwalay ang kanilang sarili sa mundo bagkus alam nila kung paano gamitin ang
mga yamang iyon. Hindi nila hinayaang makontrol ng mga makamundong bagay ang kanilang mga puso.
Batid nila ang sinabi ng Allah:

“Ang buhay dito sa daigdig ay walang iba kundi libangan at paglalaro lamang, nililibang nito ang mga puso at
nilalaro ang mga katawan; dahil sa nandirito ang mga palamuti at pagnanasa, pagkatapos ito ay mabilis na
nawawala, samantalang ang buhay sa Kabilang-Buhay ay siyang tunay na buhay na walang katapusan na
walang kamatayan, kung batid lamang ng mga tao ang mga bagay na ito ay hindi nila pipiliin ang buhay na
may hangganan kaysa buhay na walang hanggan.” (Qu’ran 29:64)

Katulad ng tubig dagat na pumapasok sa barko, sa oras na hayaan nating pasukin ng dunya ang ating mga
puso, tayo ay lulubog. Ang dagat ay hindi nilikha upang pasukin ang barko, ang dagat ay gamit o paraan
lamang upang lumutang at kinakailangang nasa labas lamang. Ang dunya rin ay hindi nilikha upang pasukin
ang ating mga puso at kontrolin ito. Ang dunya ay gamit o paraan lamang upang makamit ang mas mataas na
hangarin. Wallahu ‘alam.

#MuntingPaalala

You might also like